Tuesday, December 25, 2012

Make Me Believe (17)

by: Zildjian

“Siguradong masaya ang beach party na naisipan ng mga kaibigan mo Ken.” Ang wika ni Nhad habang binabagtas namin ang daan pauwi. Muli itong nagpumilit na ihatid ako sa kabila ng pagtanggi ko sa kanya.

“Ayon nga. Sobrang bilis magpasya ng mga sira-ulong ‘yon.” Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko. Kahit kailan talaga pahamak sa katahimikan ko ang mga sira-ulo kong kaibigan na kasamahan ko rin sa trabaho.


“Nakakatuwa nga sila eh, magulo sila pero kakaiba ang kaguluhan nila, hindi nakaka-asar.” Ngingiti-ngiting wika nito.

“Mukha ngang tuwang-tuwa ka.”

“S’yempre naman! Kasama ako sa inimbihatan nila, ibig sabihin no’n makakasama kita ng matagal.”

Hindi talaga ako makapaniwala sa kagiliwan nito. At mukhang ikinatutuwa nito ang nakuhang pagkakataon para makasama ako. Somehow nakaramdam din ako ng tuwa na malaman na may isang sumasayang tao dahil lang sa makakasama ako. Masarap sa pakiramdam na may isang taong nangangailangan at nagpapahalaga sa ‘yo.

“Pero ‘di ba may trabaho ka? Huwag mong sabihing gagayahin mo ang mga kasama kong wala nang ibang ginawa kong hindi ang um-absent sa trabaho.”

Pansamantalang ibinaling nito ang tingin sa akin, mula sa binabaybay naming kalsada, bago sumagot.

“I wouldn’t mind na um-absent kung ang kapalit naman no’n ay makakasama kita ng matagal.”

Tinablan ako sa sinabi nito. Nakaramdam ako ng pag-iinit ng aking mukha kaya naman ako na agad ang bumawi ng tingin sa kanya. Kakaiba talagang bumanat ang isang ito, walang kupas kung manggulat.

“Adik ka talaga.” Ang nasabi ko na lang at narinig itong napahagikhik.

Ako man ay nagugustuhan ko na rin ang presensiya ni Nhad. Hindi lang dahil sa natutulungan nitong makalimutan ko kahit papaano ang mga problema ko sa buhay kung hindi pati na rin ang kagiliwan nitong nakakahawa. With him, nagagawa kong makaramdam ng saya at kapanatagan sa aking dibdib.

Nhad had this ability na mapasaya ang sinumang taong madidikit dito at iyon ang isang bagay kung bakit hindi ko rin magawang itaboy siya, kahit na sumasalungat minsan ang isip at utak ko. I needed him dahil kung wala ito, baka tuluyan na akong nawala sa katinuan sa gitna ng mga problemang ako rin mismo ang may gawa.

Hindi ko tuloy minsan maiwasang isipin kung bakit hindi pa sa kanya tumibok ang puso ko. Alam ko namang kahit ilang araw pa lang kaming magkakilala ay totoo at sinsero ang mga ipinapakita nito sa akin. Sadya nga atang hindi gano’n kadaling turuan ang puso. Madaling sabihing kaya mong bumitaw pero ang totoo napakahirap gawin niyon. Pero sabi nga nila, moving on is a process, walang mangyayari kung hindi mo sisimulan ang prosesong iyon.

“Nhad, t-tungkol pala roon sa sinabi mo––”

“`Wag mong masyadong isipin iyon Ken, sabi ko nga sa iyo hindi na importante kung may pag-asa ba ako o wala. Ang importante sa akin ay hindi mo tinanggihan ang panliligaw ko. Sarili ko nang diskarte kong papaano ako makakapasok sa puso mo.” Seryoso at puno ng kasiguraduhan nitong wika.

“A-Ayaw ko lang naman na umasa ka.”

“Kung hindi ako aasa, paano ko maipapakita sa iyo ang sincerity ng intention ko? I need to hold on to hope, that I may get the things that will make me happy in the end. Nasa pag-asa ang pagkamit ng mga bagay na makabuluhan para sa atin. Ganyan ang buhay Ken, `yan ang paniniwala ko.”

May point naman ito ngunit hindi ko pa rin magawang hindi mag-aalala kung sakaling hindi nito makuha ang bagay na magpapasaya sa kanya. Alam ko ang pakiramdam kung papaano ma-disappoint, at iyon ang dahilan kung bakit hindi ko masyadong matanggap ang sagot nito.

“P-Paano kung mabigo ka? Ano ang gagawin mo?”

“Kung mabigo man akong makuha ang gusto ko, then I will start moving on. Risk-taker ako Ken, but I know how to handle my disappointments in life. Life has many things to offer, ang importante you were brave enough to take some risks para wala kang what regrets sa huli.”

Tinamaan ako sa mga sinabi nito. Kahit saan kasing anggulo tingnan tama ito. Ako lang talaga ang nagpapahirap sa sitwasyon ko. I may not be as brave like him pero sa tingin ko kaya ko naman gawing simple ang buhay ko tulad nito.

“You’re right.” Kapag kuwan ay wika ko. Sa tingin ko naibigay ko na rin ang lahat para makuha ang pagmamahal ni Matt, at ngayong alam ko nang kahit ano pang gawin ko ay hindi nito kayang matugunan ang narararamdaman ko, I might as well let go of my feelings for him and start to move on. Hindi lang para sa akin kung hindi para na rin maisalba ang pagkakaibigan namin.

Ilang minuto pa ang nakalipas at narating din namin ang apartment na tinutuluyan ko. Bukas pa ang mga ilaw sa loob, ibig sabihin ay gising pa si Martin.

“Salamat ulit Nhad.” Wika ko sa kanya nang makababa ako sa sasakyan nito. “Hindi nalang muna kita iimbitahan sa loob sa susunod nalang.

“Ayos lang.” Nakangiti naman nitong wika.

Akmang tatalikod na ako para tunguhin ang pintuan ng apartment namin nang tawagin ulit ako nito.

“Ayos lang ba kung tawagan kita kapag nakarating na ako sa bahay?”

Hindi ko napigilang mapangiti sa pagkailang na nakikita ko sa mga mata nito. Kahit pala ang tulad nitong agresibo kung pumorma ay nakakaramdam din ng kahit konting hiya.

“Kapag tumanggi ba ako, ‘di ka magpupumilit?” May bahid ng pagbibiro kong sabi.

Doon lang muling gumuhit ang mapang-akit nitong ngiti.

“Magpupumilit pa rin.”

“Ayon naman pala eh. Ingat ka sa pag-uwi, hihintayin ko na lang ang tawag mo.”

“Great! Later then!” Ang magiliw nitong wika at nagmamadaling pinaharurot na ang sasakyan nito.

Ang weird talaga minsan ng isang iyon.  Napapailing kong sabi sa aking sarili habang hindi pa rin nawawala ang ngiting nakaguhit sa aking mukha.

Pagkapasok na pagkapasok ko ng bahay ay nakita ko si Martin na naka-upo sa sofa. Walang ekspresyon ang mukha nito habang nanunuod ng TV, ni hindi man lang ito nag-abalang tumingin sa akin kahit pa man alam nitong naroon ako.

I want to make things right for both of us. Iyon ang ipinangako ko sa aking sarili nang mabigyan ako ng pagkakataong makapag-isip kaninang matapos kaming  makapag-usap. Alam kong hindi pa huli ang lahat para maayos ko ang gusot sa pagkakaibigan namin.

“Kumain ka na ba?” Pagsisimula ko ng usapan. “Bumili ako ng ulam para sa atin. Maghahanda na ba ako?”

“Hindi pa ako nagugutom.” The coldness of his voice really pains me, pero hindi ako susuko. Gusto kong maibalik sa dati ang pagkakaibigan namin. Kahit iyon na lang masaya na ako.

“Pero hindi ka pa ‘ata kumakain buong araw Matt, sabayan mo na ako. Masarap pa naman itong binili kong ulam tsaka––”

“Hindi ka ba marunong umintindi? Hindi pa ako nagugutom, kung gusto mong kumain, kumain kang mag-isa mo!”

Nagulat ako sa naging reaksyon nito. Bakas ang galit sa mga mata niya na kahit kailan ay hindi ko pa nakita. May mga tampuhan kami ni Martin noon, pero hindi ako nito nagagawang singhalan ng tulad ngayon. Sa unang pagkakataon nakaramdam ako ng takot sa kanya. Oo, natakot ako dahil hindi ko na kilala ang taong kaharap ko sa mga oras na iyon.

Mukhang napansin naman nito ang takot na rumihestro sa mukha ko. Agad na nawala ang galit sa mukha nito at napalitan iyon ng pagsisisi.

“A-Ano bang nangyayari sa iyo Matt?” Hindi ko maiwasang maitanong sa kanya. Ramdam ko na kasi ang pagbabago rito na lalong ikinasasama ng loob ko dahil alam kong ako ang rason sa mga pagbabago nito.

Napayuko ito, marahil para maitago sa akin ang kung anumang p’wede kong makita sa mga mata niya. Ganito naman lagi si Martin noon pa. Ayaw nitong nakikita ng ibang tao ang kung anumang emosyon na meron siya; para sa kanya ang pagpapakita ng emosyon ay isang kahinaan.

“Hindi ko alam.” Ang halos pabulong nitong sabi. “Ano bang nangyayari sa atin Ken? Bakit tayo umabot sa puntong ganito?” Lalo akong nahabag nang makita ko ang pagdaloy ng luha sa pisngi nito.

What have I done?

“Matt…”

“Pareho tayo ng gusto sa buhay –ang may mapatunayan sa mga sarili natin. Kaya nga tayo agad na nagkasundo at naging matalik na magkaibigan. Simula no’ng una tayong magkakilala tayong dalawa na ang laging nagtutulungan. Kinaiinggitan tayo nang mga kaibigan natin dahil hindi tayo mapaghiwalay. Pero bakit naging ganito? Bakit tayo umabot sa puntong magkakasakitan tayo?”

Ramdam ko ang bigat at sakit sa bawat mga salitang binibitawan nito. Mas masakit pala na makita mo ang taong pinahahalagahan mo na nasasaktan at nahihirapan. Doble pa sa sakit na naramdaman ko no’ng malaman ko sa sarili ko na hindi niya ako magagawang mahalin ng higit pa sa isang kaibigan. Dahil kung noon ay parang sinasaksak ang puso ko sa katutuhanang iyon ngayon, parang dinurog ang puso ko sa nakikita ko sa kanya.

“Nahihirapan na ako Ken, hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Natatakot akong tuluyang mauwi sa wala ang mahabang pinagsamahan natin.”

“Matt..” Tuluyan nang kumawala ang mga luhang kanina pa nagbabadyang pumatak sa aking mga mata. Wala nang ibang dapat sisihin kung hindi ang sarili ko. Imbes na makuntento na lang ako sa kung ano ang meron kami, ay naghangad pa ako ng higit pa roon. At dahil sa sobrang paghahangad kong makuha ang pagmamahal nito para sa pansarili kong kaligayahan ay hindi ko na napansin na unti-unti ko na palang sinisira ang pagkakaibigan namin.

“Ikaw lang ang nag-iisang taong umintindi sa akin. Ikaw lang ang tanging taong pinahalagahan ako at ipinaramdam sa akin na hindi ako nag-iisa.”

“Kaya pa naman nating ayusin ito Matt. Itatama ko ang mga pagkakamali ko. Aminado naman ako na kasalanan ko ang lahat ng ito.” May bahid ng pagsusumamo kong wika. Ayaw kong mawala na lang ng basta-basta ang pinagsamahan namin.

“Hindi mo naiintindihan Ken. Hindi lang ikaw ang may kasalanan kung bakit tayo nagkakaganito. Hindi mo ba napapansin, pareho na nating nasasaktan ang isa’t isa. Nasasaktan na kita at nasasaktan mo na rin ako.”

Napakagat-labi ako sa mga huling salitang binitiwan nito. Siya na mismo ang nagsabing nasasaktan ko na siya at dahil iyon sa nararamdaman ko sa kanya.

Ganito ba talaga ka kumplikado ang magmahal?

“Kapag nagpatuloy pa tayo sa ganito, tuluyan na nating masisira ang pinagsamahan natin.”

Hindi ko nagugustuhan ang itinatakbo ng usapan namin. May pakiramdam akong may hindi tamang mangyayari.

“Maaayos natin ‘to Matt, tulad ng mga problemang hinarap natin noon. `Wag lang tayong bumitaw sa isa’t isa. Kung nagawa natin no’n, magagawa pa rin natin ngayon.”

Sunod-sunod ang ginawa nitong pag-iling. Unti-unti na akong nawawalan ng lakas sa nakikinita kong kahahantungan ng lahat.

“Matt..” Ang nagsusumamo kong sambit sa pangalan nito. Ayaw kong isipin na isusuko na nito ang pagkakaibigan namin dahil hindi ko alam kung papaano ko iyon matatanggap. Lalo pa’t alam ko sa sarili ko na ako ang dahilan ng lahat.

“Magkanya-kanya na lang muna tayo Ken. Habang hindi pa natin tuluyang nasisira ang respeto natin sa isa’t isa.” May bahid ng lungkot nitong sabi pero naroon din sa boses nito ang determinasyon sa kanyang sinabi.

Bigla akong nawalan ng kakayahang makapagsalita sa mga narinig sa kanya. Alam ko sa isip ko, na gusto kong tumutol sa gusto nitong mangyari, pero hindi ko magawang maisaboses ang pagtutol na iyon. Ang mga luhang masaganang dumadaloy sa aking pisngi ang siyang tanging nagsasabi kung gaano ako nasasaktan sa naging desisyon nito.

“Mas makakabuti sa ating dalawa ang bigyan ang isa’t isa ng space at panahon para makapag-isip. Ayaw kitang saktan Ken, alam mo ‘yan. Pero hangga’t hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin, kailangan ko munang lumayo para hindi kita tuluyang masaktan ng lubusan.”

Tumayo ito sa pagkakaupo sa sofa at lumapit sa akin. Pinahid ng mga kamay nito ang mga luhang wala pa ring humpay na dumadaloy sa aking pisngi. Ngumiti ito  – isang ngiti na puno ng sakit at pagsisisi.

“`Wag mong isisi ang lahat sa sarili mo Kenotz, dahil ako rin, alam ko’t aminado ako na may mga naging kasalanan din ako sa ‘yo.”

“Sigurado ka bang ayaw mong samahan ang mga kaibigan mo?” Ang wika ni Nhad.

Natuloy ang beach party sa pangunguna ni Jay na sinuportahan naman ng iba pa naming kasamahan. Sa isang beach resort hindi kalayuan sa lungsod kami nagpunta na pag-aari ng Ninong ni Lantis. Ayon sa apat na magkakaibigan, naging malaking parte na sa kanilang lima ang lugar na iyon. Sa resort daw sila palaging nagpupunta kapag gusto nilang makapagrelax at makapagbonding no’ng high school pa lang sila.

Maganda ang beach resort kahit pa man artificial white sand lang iyon. Alagang-alaga ang dagat kaya naman napakaganda nitong pagmasdan sa natural na kulay nitong asul at ang mga buhay na corals do’n. A best place for scuba-diving sabi pa nga ni Lantis.

“Dito na lang muna ako Nhad.” Walang gana kong wika habang pinapanuod ang mga kasamahan namin na naghahanda nang mag-boating.

“May problema ba Ken? Napansin ko, no’ng tinawagan kita matapos kitang maihatid sa apartment niyo naging malamig at matamlay ka na. Kanina sa kotse habang papunta tayo rito hindi ka rin umiimik. May nagawa ba akong hindi mo nagustuhan?” Bakas ang pag-aalala sa boses nito.

Umiling lang ako bilang pagtugon sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na tuluyan nang lumayo si Martin. Matapos ang gabing makapag-usap kami nito ay hindi ko na siya naabutan pa kinabukasan.

Nakapanlulumong makita kong wala na rin ang mga gamit nito sa kanyang k’warto. Hindi ko akalain na aabot kami sa puntong kailangan naming maghiwalay ng landas dahil lang sa isang problema na hindi ko agad nagawan ng paraan para maisaayos ito.

Narinig ko itong napabuntong-hininga.

“I know something is bothering you Ken, you can’t hide it from me, pero kung hindi ka pa handang pag-usapan ang kung anuman `yang gumugulo sa ‘yo hindi kita pipilitin.”

Hindi ito umalis sa aking tabi. Tahimik naming pinanood ang mga kasama naming masayang naghaharutan at nagkukulitan mula sa Cottage na kinauupuan namin. Habang ang iba naman ay nagkanya-kanya na ng ginagawa. Tulad na lang ni Jay na nag-scuba diving na. Nagpapasalamat ako kahit papaano kay Nhad dahil sa pinapakita nitong pag-intindi sa sitwasyon ko at hindi paglisan sa aking tabi.

Ilang minuto pa ang lumipas nang lumapit sa amin sina Lantis at Maki.

“Pambihira talaga si Nicollo! Nagpunta lang dito sa beach para matulog!” Napapalatak nitong wika. “Oh, kayong dalawa, bakit dito kayo nagmumukmok? May LQ na agad kayo?” Pagpansin nito sa amin.

“Huwag mo nga silang pakialaman Maki.” Saway ni Lantis dito bitbit ang kuting na laging pinagtatalunan nila ni Nicollo.

“Masama na bang magtanong? I just wanted to extend my help you know.” Tugon naman nito sa kaibigan na abalang kinakalikot ang mga baon naming pagkain.

Pinukol ni Lantis ito ng masamang tingin na tinugon lang ng kaibigan nito ng pagkikibit ng balikat.

“Nhad pare, p’wede mo ba akong samahan sa kotse ni Nico? Naroon pa ‘ata ang mga cooler na may laman ng inumin natin. Ang ulupong kasing yon, hayon at natulog na agad. Si Jay naman busy sa pakikipagtitigan sa mga isda sa ilalim ng dagat.”

Napatingin naman sa akin si Nhad na para bang humihingi ito sa akin ng permiso. Kaya talaga nitong iparamdam sa akin kung gaano ako kahalaga sa kanya. Tumango naman ako bilang pagtugon.

“Sige, tara”

Nang makaalis ang dalawa ay naiwan kami Lantis sa Cottage. Tahimik nitong pinapakain ang kanyang alagang pusa habang ako naman ay tahimik ring pinagmamasdan ang masayang pag-bo-boating ng mga kasamahan ko sa trabaho.

“Hindi mo dapat hinahayaang maapektuan ng problema mo ang mga taong nakapaligid sa ‘yo.” Kapag kuwan ay wika ni Lantis.

“Hah?” Medyo naguluhan ako kung sino ang tinutukoy nito. Nasa pusa kasi ang tingin nito na para bang iyon ang kanyang kinakausap.

Bumaling ang tingin nito sa akin. Seryoso ang mukha nito at walang mababakas ng anumang pag-aalinlangan.

“Don’t you think it’s kinda unfair on his side? He only wanted to enjoy his time with you. Pero dahil sa nagmumukmok ka, pati siya ay hindi na rin magawang makapagsaya. Kung may problema ka, mas magandang kalimutan mo na lang muna nang hindi mo maapektuhan ang mga taong malapit sa ‘yo. Besides, nagpunta tayo rito para aliwin ang mga sarili natin.”

Literal akong napanganga sa kaprangkahan nito. Pero hindi ako nakaramdam na na-offend ako sa sinabi niya dahil totoo naman iyon. Sadyang hindi lang ito marunong magpaligoy-ligoy at sasabihin nito ang kung anumang nakikita nitong mali ng walang pag-aalingan.

“Sometimes, you have to hide your pain for the sake of those who care for you. You may be facing a tough time right now pero hindi ibig sabihin no’n na kailangan mong idamay ang mga taong nagmamalasakit sa iyo.”

Nakaramdam ako ng hiya hindi lang sa kanya kung hindi pati na rin sa sarili ko. Hindi nga naman tama na idamay ko sa kamiserablehan ko ang mga taong wala namang ginusto kung hindi ang pasayahin ako. Nasanay kasi ako noon na laging may Martin na laging nariyan para tulungan ako at ngayong tuluyan nang nawala ito ay hindi ko na alam kung papaano ko patatakbuhin ng tama ang buhay ko. Hindi lang ang pagkakaibigan namin ni Matt ang nasira kung hindi pati na rin ang pagkatao kong nakadepende sa kanya at nasanay na nasa tabi ko lang siya lagi.

Aaminin ko, malaking kawalan sa akin ang paghihiwalay ng landas namin ni Martin. Masyado kong idenepende ang buhay ko sa kanya, to the point na lahat ng naging kilos at desisyon ko ay palaging kasama siya. Eveything now is new to me para akong isang bagong tao na walang kamuwang-muwang sa mundo.

Ngayon ko lang napagtanto na sumobra na ang pagmamahal ko sa bestfriend ko. Dahil ngayong wala na ito ramdam kong hindi na kompleto ang pagkatao ko. Because Matt was everything for me.

“Don’t let your problem ruin the whole you. Sinasayang mo lang ang pagkakataon at pagmamalasakit ng ibang tao para sa’yo.” Then he walked away.

Naiwan akong nakayuko. I guess I have to start a new life –a life without Martin. Kailangan kong magpakakatatag para sa mga taong nagmamahal sa akin lalo na sa pamilya ko na umaasa sa akin at patuloy na sumusuporta sa lahat ng aking mga ginagawa.

Itutuloy. . .  . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment