Tuesday, December 25, 2012

Complicated Cupid (05)

by: Zildjian

Matamang pinagmamasdan ni Nicollo ang walang malay na si Lantis. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nabigyan siya ng pagkakataon na mapagmasdan ito ng matagal. Nakakatuwa nga lang isipin na kailangan pang may masamang mangyari rito para malapitan niya.

Kanina, nang mabalitaan niya ang masamang nangyari rito ay halos mabuwal ang kanyang dibdib sa ibayong kaba lalo na nang makita niya ang pamamaga ng kaliwang paa at ang mga galos sa mukha at kamay nito.  Ayon kay Popoy, ay umakyat daw ito sa isang puno ng santol sa kahilingan ni Shiela at doon nga ito aksidenting nahulog.


Dahil sa malayo sa sibilisasyon ang lugar ay isang manghihilot ang kinuha ni Aling Mellisa para tumingin dito. Ayon nga sa matandang manghihilot ay napinsala ang kaliwang paa nito na agad naman nitong tinapalan ng kung anumang dahon para mapigilan ang pamamaga.

Muli niyang dinama ang noo nito gamit ang kanyang palad. Ipinagpasalamat niya na kahit papaano ay bumaba na ang lagnat nito.

“Bakit ba naman kasi naisipan mong maging unggoy, hindi ka naman pala marunong sumabit sa puno.” Mahina niyang turan.

Mataman niya itong pinagmasdan. Napakaamo nitong tingnan habang natutulog at halos hindi niya mapigilan ang mapangiti. Hindi naging hadlang ang mga galos sa mukha nito para mabawasan ang angkin nitong tikas. Lantis has this deep set eyes paired with thick lashes. Pointed nose and thin lips. Tulad niya ay maputi rin ito o mas maputi pa nga ‘ata ito sa kanya. Ngayon lang siya nabigyan ng pagkakataong matutukan ito ng husto.

Naramdaman niya ang ang isang bagay sa kanyang may paanan. Nang tingnan niya ito ay naroon ang pusang lagi nilang pinag-aawayan at ikinikiskis nito ang ulo sa kanyang paa.

“Nagugutom ka na siguro Karupin.” Siya man ay bahagyang nabigla sa pagtawag niya nito sa pangalan na si Lantis ang nagbigay.

Binuhat niya ito.

“So, i guess your name is Karupin now, huh?” Pakikipag-usap niya sa pusa sa manihang tinig. “Hindi na masama, cute din naman ang Karupin sa’yo. Halika, pakakainin muna kita habang nagpapahinga ang amo mo.” Muli siyang napangiti. Iba na talaga ang nangyayari sa kanya. Ang dating pinagdadamot niyang pusa na inalagaan niya ng husto ay basta-basta na lang niya ngayon isusuko para sa ikaliligaya at ikatatahimik nilang dalawa ng taong hindi niya lubos akalain na mamahalin niya.

Dinala niya ang pusa sa kusina kung saan naroon si Aling Mellisa at abalang naglilipit ng mesa.

“Nico, ipinagtabi kita ng makakain kung sakaling gutumin ka.” Wika nito sa kanya.

“Salamat po, pero hindi pa po ako nagugutom. Itong si Karupin na lang muna ang pakakainin ko, hindi kasi ito napakain kanina ni Lantis.”

“Nico, ako na ang humihingi ng pasensiya sa nangyari kay Lantis. Dahil sa kakulitan ng bunso ko, hayon at napahamak pa siya.”

“Hindi naman kasalanan iyon ni Shiela, Aling Melissa. Aksidente po ang nangyari kaya wala kayong dapat ihingi ng paumanhin.” Tugon niya sa ginang. Kanina pa niya kasi napapansin na sobra itong nabagabag sa nangyari sa alaga nito.

“Kung hindi sana kasi naging pabaya si Popoy hindi sana si Lantis ang kukulitin ni Sheila para umakyat ng puno. Ano na lang ang sasabihin sa akin nina Ma’am at Sir kapag nalaman nilang pinabayaan ko ang anak nila na nasa puder ko pa mismo.”

“Malaki na po si Lantis, hindi na siya ang batang inaalagaan niyo noon. Marunong na po siyang mag-desisyon sa kung ano ang dapat at hindi dapat.” Wika niya sapagkat bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha nito.

Nginitian niya ito. Isang napakagandang ngiti na sa kauna-unang pagkakataon ay naibigay niya sa ibang tao.

“Huwag na ho kayong mag-alala sa kanya. Nasisiguro kong hindi niya magugustuhan kapag nakita niya kayong ganyan. Kilala niyo naman po si Lantis, ayaw niya ng may nag-aalala sa kanya.”

Hindi ito agad nakatugon na para bang nauwi ito sa isang malalim na pag-iisip.

“Tama ka.” Kapagkuwan ay wika nito. “Masyado na ngang nag-iba ang batang iyon. Maski ako ay naninibago na sa kanya.” Ang may lungkot nitong turan.

“Ano ho ang ibig niyong sabihin? Hindi nga ba’t napaka-close niya nga po sa inyo.” Takang tanong naman niya. Pagdating talaga kay Lantis ay nag-aactivate bigla ang curiosity niya.

“Hindi naman kasi ganyan si Lantis noon. Mabait na bata si Lantis, madaling alagaan, kaya nga napamahal siya sa akin ng husto na halos ituring ko na rin siyang anak ko. Nagsimula lang naman ang pagbabago niya nang biglaang malayo ang loob niya sa Daddy niya. Inakala namin noon na pagtatampo lang iyon ng isang bata ngunit habang tumatagal ay lalo lamang tumindi iyon na halos umabot sa punto na kapag umuuwi ang Daddy niya sa kanila ay hindi siya naglalalabas ng kwarto.

Napakunot noo siya. Muli niyang binalikan ang lahat ng mga panahon na magkakasama silang magkakaibigan. Hindi nga nababanggit sa kanila ni Lantis ang tungkol sa ama nito. Puro ang Mommy nito ang ikinukuwento nito sa kanila noon.

Kung gano’n, ang papa niya ang tinatakasan niya? Pero bakit? Ang mga katanungang agad na pumasok sa kanyang isipan.

“Hindi niya ba naikwento sa inyo ang dahilan kung bakit malayo ang loob niya sa kanyang ama?” Pang-uusisa niya rito.

Umiling ito.

“Ilang beses kong sinubukang itanong sa kanya ang dahilan kahit ang Mommy niya, pero hindi talaga siya nagsasalita. Hindi naman namin mapilit dahil kapag sinusubukan namin ay pati kami ay hindi nito pinapansin ng ilang araw.”

“Kung gano’n, simula pagkabata ay hindi na niya nakakasundo ang Daddy niya?” He concluded.

“Hindi, napaka-close ng mag-ama na iyon sa isa’t isa noon na halos kapag umuuwi ang Daddy niya ay ito lagi ang katabi niyang matulog hanggang sa makaalis ulit ito. Kaya nga ang laki ng pagtataka namin nang isang araw ay biglaan na lang naging malamig siya sa kanyang ama.”

“Ni minsan ba ay hindi na sila nag-usap ng Daddy niya simula ng mangyari iyon?”

“Mailap na bata si Lantis, siya ang tipong hindi mo malalapitan hanggat hindi ka niya hahayaan. Ilang beses na sinubukan ni Sir na kausapin ang anak niya subalit laging umiiwas si Lantis. Sobra nga kaming nagtataka dahil sobrang close talaga ng mag-amang iyon. Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin ang dahilan ng paglayo ng loob ng batang iyan sa kanyang ama.

Siya man, matapos marinig ang lahat mula kay Aling Melissa ay hindi niya rin maiwasan ang magtaka. Alam niyang mahirap ngang makuhanan ng impormasyon ang masungit at palaging aburidong si Lantis pero hindi niya maikakailang ngayon lang niya halos nakilala ito. Ngayon, naiintindihan na niya kung bakit siya nito kinasusuklaman.

Bigla siyang nakadama ng hiya sa sarili. Maki and Lantis was right after all, sarili lang talaga niya ang iniisip niya noon, ni hindi siya nag-abalang itanong sa mga kaibigan niya kung may mga bumabagabag ba sa mga ito. At sa sobrang pag-iisip niya para sa kanyang sarili ay hindi na niya nabigyan pa ng pansin ang mga damdamin ng mga itinuturing niyang kaibigan, including Lantis.

How assuming of him to think that he was truly a friend to them in the first place? Ni wala nga siyang nagawa para sa pagkakaibigan nila. Ang mga ito lagi ang nag-aadjust para sa kanya.

“Alam kong hindi lang ang pusang iyan ang dahilan kung bakit ka dinala ni Lantis dito Nicollo. Subukan mong alamin ang dahilan na iyon at baka sakaling masagot lahat ng mga katanungan natin. Kapagkuwan ay wika ng ginang.

“A-Ano ho ang ibig ninyong sabihin?”

“Ipakita mo kay Lantis na hindi ikaw ang inaakala niyang ikaw. Na kaya ka niyang pagkatiwalaan ng lahat ng bagay sa kanya.”

“Malabo hong mangyari iyon.” May bahid ng lungkot niyang sabi. “Baka si Popoy po p’wede pa. Pero ako? Hinding-hindi ho niya ako pagkakatiwalan dahil kasing laki ng mundo ang galit niyon sa akin.”

“Kaya ba kahit ang kumain ay ‘di mo ginawa masulit lang ang pagkakataon na malapitan siya?” Huling-huli siya nito. Aaminin niya, talagang sinadya niyang hindi kumain huwag lang mawalay sa tabi ng taong labis siyang kinamumuhian. Iyon lang kasi ang nakita niyang pagkakataon na makalapit dito na hindi siya nito maitataboy.

Napayuko siya tanda ng pag-amin. Naramdaman na lang niya ang marahang paghagod ng ginang sa kanyang likuran.

“Tandaan mo ito anak, hindi lahat ng ipinapakita ng tao ay totoo. ‘Wag kang tumingin sa isang direksyon lang, malay mo, nasa kabilang banda pala ang mga bagay na dapat mong makita.” Malalim nitong wika.

Hanggang makabalik siyang muli sa k’warto kung saan mahimbing pa ring natutulog si Lantis ay paulit-ulit pa ring tumatakbo sa kanyang isipan ang mga narinig mula kay Aling Melissa lalo na ang huling mga salitang binitiwan nito sa kanya.

Sa sobrang pag-iisip ay hindi niya napansin na nakatulog na pala siya. Nagising na lamang siya nang may isang malambot na bagay na tumama sa kanyang mukha. Pupungas-pungas siyang napamulat at agad na bumalandra sa kanya ang nakakunot-noo na si Lantis.

“Anong ginagawa mo rito? Bakit diyan ka natulog? Hindi ba’t dapat sa sala ang p’westo mo?”

Pinulot niya ang unang ibinato nito sa kanya saka binalingan ang kanyang relo.

“Nagugutom ka na ba? Huwag mo munang itapak iyang paa mo at baka lalong mamaga. Sabi ng manghihilot tatlong araw pa bago mo p’wedeng maitapak ulit ‘yan.” Wika niya rito sa mahinahong tinig.

Lalo namang nangunot ang noo nito ngunit bago pa ito muling makahirit ng kasungitan ay inunahan niya na ito.

“Teka, ikukuha kita ng almusal mo. Hindi ka na nakakakain kagabi.” At akmang lalabas na sana siya ng k’warto nang muli niyang maramdaman ang pagtama ng unan sa kanyang likod dahilan para mapalingon siya.

“Hindi mo sinagot ang tanong ko. Bakit diyan ka natulog?” Tila pikon nitong wika na ang tinutukoy ay ang upuan kung saan siya nakaidlip. Ganito na ba talaga kalala ang galit nito sa kanya na makita lang siya ay agad na umuusok ang ilong nito?

Gusto niyang mapapalatak sa kasungitang ipinapakita nito sa kanya.

Pambihira! Ang sungit talaga ng isang ‘to!

Muli niyang pinulot ang unang ibinato nito sa kanya. Weird, wala na siyang maramdamang inis sa pinapakita nito bagkus para pa siyang natutuwa na sa wakas nakukuha na ulit niya ang pansin nito.

“Kailangang may magbantay sa ‘yo dahil baka maaksidente ulit iyang paa mo. Satisfied? Ngayon, p’wede na ba akong lumabas para ikuha ka ng almusal?” Pilit niyang pinaseryoso ang tinig kahit pa man halos gusto na niyang mangiti sa hitsura nito. Batid niya kasing lalo lamang uusok ang ilong nito kung gagawin niya iyon.

“At bakit mo ako ikukuha ng pagkain?” Inis na turan nito.

“Dahil baldado ka?” Sinadya niyang lagyan ng sarkasmo ang boses niya para maitago niya ang talagang nararamdaman niya sa mga oras na iyon.

“Ayaw kong magkaroon ng utang-na-loob sa mga hindi taong katulad mo.” Asik nito sa kanya. Halatang napikon ito sa sinabi niya.

“Saka ka na magyabang kung magaling na iyang mga paa mo.” Wika niya rito at walang anu-ano na siyang lumabas ng kwarto.

Nang marating na niya ang kusina at masigurong hindi na siya makikita nito ay doon na niya pinakawalan ang ngiting kanina pa gustong gumuhit sa kanyang mukha. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit kakaibang saya ang naramdaman niya. Dahil ba ilang araw din siya nitong iniiwasang makausap o kahit tingnan man lang? Did he miss having Lantis’ attention?

I guess i did. Piping wika niya sa sarili.

“Oh Nico anak, nauna na kaming mag-almusal sa inyo. Maaga pa kasing umalis sina Andoy papuntang bukid.” Ang wika ni Aling Melissa nang mapansin siya nito. Abala na ito sa paghuhugas.

“Ayos lang ho iyon. Ikukuha ko nga pala si Lantis ng makakain, Aling Melissa.” Pagpapaalam niya sa ginang.

“Sige, nariyan sa mesa ang pagkain para sa inyong dalawa. Ikaw din, kumain ka na at hindi ka pa kumakain mula kagabi. Siyanga pala, kamusta na si Lantis?”

“Mukhang nakatulong ng husto ang manghihilot sa kanya. Wala na ho siyang lagnat pero hindi pa rin nawawala ang kasungitan niya sa akin.” May bahid ng pagbibiro niyang tugon. Kahit kapos sa tulog ay ‘di niya maikakailang napakagaan ng pakiramdam niya.

Bahagya namang natawa ang ginang sa tinuran niya.

“Pasasaan ba’t magkakasundo rin kayo.” Ngingiti-ngiting wika ng ginang.

Muli niyang binigyan ng ngiti ang ginang bago binalingan ang mga pagkaing nasa mesa.

“Dadalhin ko na ho itong pagkain sa k’warto niya. Hindi magandang nalilipasan ng gustom ang isang iyon, lalong sumusungit.”

Pagkapasok niyang muli sa k’warto ay nakahiga nang muli si Lantis. Maingat siyang lumapit dito at umupo sa gilid ng higaan nito saka ipinatong niya sa upuan ang dalang pagkain. Akmang aalalayan niya na itong makaupo nang iwaksi lamang nito ang kanyang kamay.

“I can take care of myself. P’wede ka nang lumabas.”

“’Hindi ako lalabas hanggat hindi ka natatapos kumain.” Tugon naman niya rito.

“Paa lang ang napinsala sa akin hindi ang bibig ko. Kaya kong ngumuya ng hindi nangangailangan ng tulong mo kaya p’wede mo na akong iwan.” As usual nagsusungit na naman ito habang nahihirapang iupo ang sarili mag-isa.

“Hindi p’wede. Kailangan kong masiguro na hindi mo maitatapak iyang paa mo. Iyon ang bilin ng manghihilot.” May diin naman niyang tugon rito. Alam naman kasi niyang hindi ito madadala sa pakiusapan. Matigas din kasi ang ulo nito.

“Hindi ako tanga para ipahamak ko ang sarili kong paa.”

“Kaya pala nahulog ka noh? Kasi hindi ka tanga.” Nang-uuyam niyang bara dito saka niya ibinigay rito ang mangkok ng pagkain nito. “Hayan, kumain ka na.”

“P’wede ka nang lumabas.”

“Dito lang ako.”

“Kapag hindi ka lumabas hindi ako kakain.” May pagbabanta nitong wika.

“Kapag hindi ka kumain sasabihin ko kay Aling Melissa para lalo niyang sisihin ang sarili niya sa nangyaring aksidente sa ‘yo.” Ganting pananakot naman niya rito at mukhang tinamaan naman ito dahil hindi ito agad nakapagsalita. “Ano, gusto mo bang lalong mag-alala siya sa ‘yo?”

Pinukol siya nito ng masamang tingin saka padabog na nagsimulang kumain. Lihim siyang nagbunyi, gusto na sana niyang matawa sa hitsura nito kung hindi lang niya napigilan ang sarili. Dinig niya ang pagtama ng kutsara sa ngipin nito sa sobrang panggigil na lalo naman niyang lihim na ikinatutuwa.

“Huwag mo akong tingnan. Hindi ako natutunawan.” Tila asar na sita nito sa kanya.

“Hindi kita tinitingnan.” Kaila naman niya saka pasimpleng bumaling ng tingin sa ibang direksyon.

Panaka-naka niya itong pasimpleng sinusulyapan habang kumakain. Ikinatutuwa niya ang nakikitang gana nito sa pagkain. Hindi biro ang pinagdaanan nitong sakit sa nagdaang araw sa tinamong pinsala nito sa kaliwang paa. Sa katunayan, ay nakadama siya ng awa rito nang makita niya ang ibayong paghihirap sa mga mata nito habang hinihilot. Iyon ang unang pagkakataon na makita niya itong nasasaktan at hindi niya maitatangging masyado siyang naapektuhan. He can’t afford seeing him hurt.

“Naiihi ako.” Kapagkuwan ay wika nito at akmang tatayo na sana nang maagap niya itong mapigilan.

“Aalalayan na kita. Hindi ka p’wedeng tumayong mag-isa at baka aksidente mong maitapak iyang paa mong may pilay.”

Napakunot ang noo nito.

“What?” Takang tanong naman niya.

“Iihi ako Nicollo. ‘Wag mong sabihin na pati sa pag-ihi ko kailangan nakaalalay ka?”

“At ano naman ang masama roon? Tara na at baka dito ka pa magkalat.” Aalalayan na sana niya itong maitayo nang pigilan siya nito.

“H-Hindi na lang pala ako iihi.”

Siya naman ngayon ang napakunot ang noo rito. Binigyan niya ito ng nagtatanong na tingin ngunit umiwas lamang ito sa kanya na animoy may kung anong tinatago.

Ano na naman kaya ang sumapi rito?Kahit kailan talaga ang hirap intindihin ng isang ito.

“Basta kung naiihi ka magsabi ka sa akin para maalalalayan kita.” Kapagkuwan ay wika niya sabay ng pagtayo. “Kakain lang ako at pakakainin ko na rin si Kero.. si Karupin. Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka.”

Napatingin ito sa kanya, subalit tulad ng laging nangyayari tuwing nabibigyan sila ng pagkakataon na makapag-usap ng normal ay hindi ito nagsalita. Ano pa nga ba ang bago, ganito naman palagi ito pagdating sa kanya. Tumatahimik ito agad kapag normal ang turigan nila sa isa’t isa.

Dumiretso siya sa kusina at doon tahimik na kumain. Medyo nakaramdam din siya ng gutom lalo pa’t hindi siya nakakain kagabi dahil sa pagbabantay sa masungit at palaging aburido niyang pasyente. Nang matapos ay sunod naman niyang pinakain ang inosenting pusa.

“Mabuti ka pa Karupin, ang dali mong paamuhin. Hindi ka mahirap alagaan hindi katulad ng bago mong amo na ubod ng sungit at napakahirap tantiyahin.”  Ang wala sa sariling pakikipag-usap niya sa pusa. Dinilaan nito ang kanyang kamay at ikiniskis nito ang ulo roon na para bang naintindihan nito ang kanyang sinabi.

Hindi niya napansin na naroon na pala si Aling Melissa at tahimik na nakamasid sa kanya.

“Pasasaan ba at mapapaamo mo rin si Lantis, Nicollo.” Nang lingunin niya ito ay nakaplastar ang ngiti nito sa mukha.

“Nariyan po pala kayo.?” Ang naiwika niya. “May lakad kayo?”

“Magsisimba ako riyan sa may kapilya sa baryo. Ikaw na muna ang bahala kay Lantis. Huwag mong masyadong papansinin ang pagsusungit niyon. Gano’n lang talaga ang batang iyon kapag may gusto na hindi masabi-sabi.” Nakangiti nitong wika.

“Ang hirap alagaan ng isang iyon. Buti kinaya niyo siya ng ilang taon.” Nakasimangot niyang tugon.

Napatawa lang ang ginang sa tinuran niya saka ito tuluyang umalis.

Abala siyang hugasan ang mga pinagkainan nila ni Lantis nang marinig niyang mapasigaw ito. Patakbo niyang tinungo ang k’warto kung nasaan ito at tumambad sa kanya ang namimilipit sa sakit na si Lantis sa ibaba ng higaan.

“Anong nangyari sa ‘yo?” Ang halos nagpapanic niyang tanong rito. Agad niya itong linapitan at kinilatis ang paa nito.  “Sinabi ko naman kasi sa ‘yong hindi mo pa p’wedeng maitapak ito, eh. Ang tigas naman kasi ng ulo mo!” Di maiwasang makadama ng inis sa sobrang pagkataranta.

May pag-iingat niya itong inalalayang maitayo at mapaupo sa may kama. Muli niyang siniyasat ang paa nito.

“Masakit ba? Kailangan na ba kitang dalhin sa doctor?”

Umiling ito kahit halata sa mukha nito ang tunay na nararamdaman.

“A-Ayos na ako.”

“Gusto mo ba talaga akong patayin sa sobrang kaba? Gees! Ang hirap mong alagaan!”

“Sinabi ko bang kabahan ka? Eh, sa hindi ko na mapigilan ang pantog ko, eh!” Singhal nito sa kanya.

“Di sana tinawag mo ako! Pambihira!” Balik singhal naman niya rito dala ng sobrang iritasyon sa pagiging pabaya nito.

Muli niya itong itinayo. Siya na mismo ang nag-akbay ng kamay nito sa kanya. Hindi naman ito nagmatigas siguro ay dahil nagulat ito sa iritasyong ipinakita n’ya.

“Saan mo ako dadalhin?” Kapagkuwan ay tanong nito.

“Sa langit, nang mabawasan na ang mga matitigas ang ulo sa mundo!”

Hindi na ito umimik. Inalalayan niya ito palabas ng bahay hanggang sa isang punong nakatayo roon.

“Hala sige magbawas ka na. Sa susunod, kung naiihi ka, sabihin mo agad nang hindi ka na napapahamak pa.”

Pero imbes na sumunod ito ay napatutok ito sa kanya. Discomfort was in his eyes.

“What?” Usal niya.

“Tumalikod ka.” May diin nitong utos sa kanya.

“Bakit?”

“Anong bakit? Alangan naman ibalandra ko ang harapan ko sa ‘yo! Talikod!” Tila asar nitong tugon. Kaya pala ito biglang nabago ang desisyon kanina kasi nahihiya itong makita niya ang hindi niya dapat makita.

Tumalikod nga siya hindi dahil sa utos nito kung hindi para maitago niya ang pagguhit ng pilyong ngiti sa kanyang mukha.

“Damn! I can’t even pee!” Ang narinig niyang sentimyento nito.

“Umihi ka na riyan. Dami mo pang sinasabi.” May bahid ng pang-aasar niyang wika.

“Shut up!” Asik nito sa kanya na lihim niyang ikinahagikhik.

Matapos nitong makipagsapalaran sa pag-ihi ay muli niyang iniakbay ang kamay nito para maalalayan ulit pabalik sa silid nito. Subalit pinigilan siya ni Lantis, nabuburyo na raw ito sa loob at gusto nitong magpahangin kaya naman dinala niya ito sa paborito niyang pwesto sa lugar na iyon; ang upuang gawa sa kawayan sa ilalim ng mangga.

Nang pareho na silang nakaupo ay pansamantalang naghari ang katahimikan sa kanilang dalawa. The beautiful green rice field caught both their attention kaya pansamantala silang nag-ceasefire sa pagbabatuhan ng kung anu-anong pambabara.

“Masakit pa ba ang paa mo?” Basag niya sa katahimikan na sa mga nakatanim na palay pa rin nakatingin. For some odd reason, ayaw niyang makitang mangunot na naman ang noo nito. Kasi ngayon, ang imahe ng nakangiting Lantis ang paulit-uli na tumatakbo sa kaniyang isipan dahilan para mapalagay siyang magsimula ng usapan.

“Hindi na.” Matipid naman nitong tugon.

“P’wede bang sa susunod, bawasan mo ang katigasan ng ulo mo para hindi ako mamatay sa pangungunsumisyon sa ‘yo.”

“Bakit, hindi mo ba ikinatuwa ang nangyari sa akin?” May bahid ng sarkasmo nitong tugon dahilan para mabaling ang tingin niya rito.

“Ganyan ba kasama ang tingin mo sa akin?”

Hindi ito sumagot o sinalubong man lang ang kanyang tingin. Napabuntong-hininga siya dala ng frustration.

“I’m sorry.” Mahina niyang wika. “Sorry sa lahat ng mga naipakita kong hindi maganda sa inyo noon. Hindi ko sinasadya iyon. I admit, naging self-centered ako but I had my reasons kung bakit ako gano’n.”

“Yeah right.” May bahid ng sarkasmong tugon nito.

“Hindi na ba talaga tayo magkakasundo, Lantis?”  Ang may pagsuko niyang wika.

Humarap ito sa kanya. Inisahan na niya ang pagsasalubong ng mga kilay nito ngunit hindi iyon nangyari.

“What's with the sudden change, Nicollo?” Balik-tanong nito sa kanya.

“Dahil gusto kong maayos na natin ang anumang problema natin sa isa’t isa.” Matatag niyang sabi.

Hindi na ito muli pang umimik. Muli nitong pinagpatuloy ang pagmamasid sa napakagandang kapaligiran. Hindi na niya ipinilit ang sarili, hinayaan niya itong pag-isipan ang gusto niyang mangyari sa kanilang dalawa.

Naisipang lumabas ni Nicollo ng gabing iyon. Kanina, matapos nilang makapag-usap ni Lantis sa labas ay wala ng namagitang usapan sa kanilang dalawa at wala na ring iringan o kahit pagsusungit na ginawa si Lantis. Naging masunurin ito sa kanya buong araw na lubos niyang ikinatuwa.

Hindi siya nakadama ng pagod sa buong araw na pag-aalalaga rito, dahil sa bawat pagtawag nito sa kanya ay lubos na saya ang kanyang nararamdaman. Oo, ikinatutuwa niya ang pangangailangan sa kanya nito dahil pakiramdam niya ay kahit papaano naging normal ang turingan nila.

“Hindi ka ba makatulog?”

Nalingunan niya si Popoy na papalapit sa kanya.

“Hindi pa ako inaantok.” Simpleng tugon niya.

Tumabit ito ng upo sa kanya sa upuang naging paborito na niyang p’westo.

“Kamusta ang lagay niya?”

“Sino, si Lantis? Ayos naman siya.”

“Mabuti naman.”

Nakakabinging katahimikan ang sumunod na namagitan sa kanilang dalawa.

“Gusto ko sanang humingi ng paumanhin sa ’yo.” Ang may pag-aalangang pagbasag nito ng katahimikan. “Kung hindi sana ako naging pabaya, hindi sana maaaksidente si Lantis.”

Nabaling ang atensyon niya rito. Bakas ang matinding discomfort sa mga mata. Mukhang hindi nga ‘ata siya nagkamali. Umiiwas ito sa kanilang dalawa ni Lantis simula pa lang kagabi at dahil sinisisi nito ang sarili sa kanyang kapabayaan na kung tutuusin ay hindi naman talaga niya kasalanan ang mga nangyari.

“Hindi mo kasalanan kung bakit napagtripang umakyat ni Lantis ng puno kaya wala kang dapat ihingi ng paumanhin.”

“Hindi. Ako kasi ang nangako kay Shiela na ikukuha ko siya ng santol. Kung hindi sana ako naging pabaya, hindi sana si Lantis ang kukulitin ni bunso at hindi sana siya mapapahamak.”

“Hindi mo kasalanan iyon.” Ang naniniguro niyang sabi. “Aksidente ang nangyari.”

Natahimik ulit ito.

“Napapansin kong nagkakasundo na kayo.” Kapagkuwan ay wika nito. “Natutuwa ako.”

Hindi niya alam kung bakit parang may kakaiba siyang nahimigan sa boses nito. Muli niya itong binalingan at matamang tinitigan.

“N-Nagseselos ka ba sa akin?” ‘Di niya maiwasang maitanong.

Umiling ito saka binigyan siya ng pilit na ngiti.

“Bakit naman ako magseselos?”

“Bakit ba nagseselos ang  isang tao?” Balik-tanong niya rito.

Napatawa ito na nilakipan pa nito ng marahang pag-iling.

“Tama nga si Lantis, mahirap ka ngang kausap minsan.” Ngingiti-ngiti nitong sabi.

“Pinag-uusapan niyo ako?” Ang hindi makapaniwalang tanong niya.

“Palagi.” Tatango-tango nitong tugon.

“Palagi?”

“Simula pa no’ng huling punta niya rito palagi ka na niyang naikuk’wento sa akin.” Simpleng tugon naman nito na lalo lamang niyang ipinagtaka.

“Hindi totoo ‘yan.”

Hindi niya magawang mapaniwalaan ang mga nalaman kay Popoy dahil noon pa man ay galit na galit na sa kanya si Lantis. Paano nito pag-aaksayahang ikuwento siya sa ibang tao?

“Sana nga, eh.” Ngayon, bakas na rito ang matinding paninibugho. “Sana nga hindi totoo ang lahat ng sinabi niya sa akin noon tungkol sa ’yo.”

Ibayong pagtataka naman ang naramdaman niya sa mga sinabi nito. At para saan ang paninibughong nakikita niya sa mga mata nito?

“Alam mo bang may gusto ako kay Lantis?” Ang umaaming pagpapatuloy nito. “Noon, inakala kong masyado lang akong nawiwili sa kanya dahil sa kabaitang ipinapakita niya sa akin pero nang dumating kayo ulit dito nagbago ang lahat ng iyon lalo na nang makita kita. Ang taong gustong-gusto niya sa kabila ng pagiging walang pakialam nito sa kanya.”

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment