by: Zildjian
Naalimpungatan si Andy nang may
marinig siyang sunod-sunod na katok mula sa pintuan ng kanyang tinutuluyan.
Napatingin siya sa kanyang relong panggising, pasado alas-dose na ng tanghali.
Agad na gumuhit ang ngiti sa kanyang labi.
“Hindi niya ako natiis.”Naisambit niya
saka dali-daling tinungo ang lababo para maghilamos. Ayaw niya namang humarap
sa taong halos laman na ng kanyang isip at panaginip ng ganoon lang,the person
who showed too much affection for him.
Muli, narinig niya itong kumatok sa
kanyang pinto.
“Sandali!” Ang kanyang pasigaw na
pagtugon. “Naghihilamos lang ako, magpa-init ka muna riyan.” Dagdag pa niyang
sambit na hindi mapalis ang ngiti sa kanyang mukha sa pag-assume na si Nhad nga
ang taong kumakatok at naroon ito para dalhan na naman siya ng kanyang pagkain.
Dali-dali niyang tinapos ang
paghihilamos at pag-toothbrush saka mabilisang tinungo ang pintuan para
pagbuksan ang inaakalang tao subalit, agad na napalis ang ngiting nakaguhit sa
kanyang mukha ng ibang tao ang kanyang mapagbuksan.
“Can we talk?” Seryoso at may bahid ng
pagmamakaawang turan nito sa kanya.
“J-Jasper?Anong ginagawa mo
rito?”Kanya namang naibulalas dala ng pagkabigla’t pagtataka.
“We need to talk Andy. Totoo bang
boyfriend mo ang lalaking iyon?” Ang wika nitong halatang nangangailangan ng
pagtugon.
Hindi niya alam kung bakit parang
nahirapan siyang sumagot dito. Maybe because of Jasper’s facial expression.
Halatang wala pa itong tulog, ito ang kauna-unahang pagkakataon na makita niya
ito sa ganitong hitsura. He was used with Jasper’s coolness and arrogant
approach. Pero ngayon, ibang-iba ito sa kanyang nakasanayang kaibigan. Sa taong
minsan niyang pinaglaanan ng lahat.
“Totoo ba Andy?Boyfriend mo ba talaga
siya?”Ang pag-uulit nito.
“P-Pasok ka muna, mainit dito.”Sa
halip iyon ang naisagot niya rito. Hindi niya maiwasang hindi makaramdam ng
pag-aalala sa hitsura nito. Minsan din niyang minahal ang taong nasaharapan
niya ngayon at hindi niya kayang nakikita itong gano’n na para bang
pinagsakluban ng langit at lupa.
“Sagutin mo na lang ang tanong ko!
Totoo bang boyfriend mo ang Nhad na `yon?”
Nagulat siya, nataranta. Ni minsan ay
hindi siya nito sinigawan ng gano’n at ni minsan ay hindi niya ito nakitang
nagpapakita ng matinding galit. Ito ang klase ng taong kumibot-hindi kapag may
problemang pinagdaraanan. Isama mo pa ang ilang taong dumadaaan sa mga oras na
iyon na hindi napigilang mapahinto at mapatingin sa kanila.
“S-Sa loob tayo mag-usap Jasper,
maraming tao, nakakahiya.” He said, pilit pinakalma ang boses dahil nakadama na
rin siya ng inis dito saka siya nagpasingtabi para makapasok ito.
Nang makapasok na nga ito ay agad
niyang isinarang muli ang pinto para hindi sila marinig ng ilang taong
nakiki-usyuso na sa kanila.
Agad niyang hinarap ito.
“Ano ba ang problema mo?” Ang may inis
niyang wika.
“Ikaw ang problema ko! Sino ang
lalaking iyon? And what’s with him claiming that he’s your boyfriend?
Diretsahan at pasinghal nitong tugon.
Hindi niya nagustuhan ang mga huling
salitang binitiwan nito. Iba ang dating niyon sa kanya. Parang pinalalabas nito
na hindi kapani-paniwalang may taong papatol sa kanya kaya lalo lamang siyang
nainis rito. Pero naisip niyang hindi ito patulan, na hindi dapat pinapatulan
ang mga taong alipin ng alak.
Pinakalma niya ang sarili sa
pamamagitan ng pagpapakawala ng isang malalim na buntong-hininga.
“Lasing ka Jas, at mukhang wala ka
pang tulog.Maupo ka muna at ipagtitimpla kita ng kape para kahit papaano ay
mahimasmasan ka saka tayo mahinahong mag-uusap.”May bahid ng panunuyo niyang
wika rito.
Akmang tutunguhin na sana niya ang
kusina nang maagap siya nitong mapigilan.
“Ands, please. Sabihin mong hindi
totoong boyfriend mo iyon. Sabihin mong gawa-gawa lamang iyon ng mga kaibigan
natin na isa lamang iyon sa mga kalokohan nila.”Nagmamakaawa nitong sabi.
“Jas ––”
“Hindi mo siya p’wedeng maging
boyfriend ‘di ba? Niloloko lang nila ako. Galit lang sila sa akin kasi nasaktan
kita. Andy please, sabihin mo. Sabihin mong hindi totoo ang mga sinabi nila.”
Ang nakayakap na nito sa kanyang turan. Sobrang higpit ng yakap na iyon na
halos maramdaman niya mismo ang sakit na pinagdaraanan nito.
Pagkahabag at higit sa lahat, ibayong
pagkalito ang naramdaman niya sa nakikita sa kaibigan. Hindi niya ito maintindihan
at lalong hindi niya makuha kung ano ang nangyayari dito. Kung bakit ganito na
lang ito ngayon na para bang nawawala na sa katinuan.
“Hindi kita maintindihan Jasper.”Hindi
niya maiwasang maisatinig ang kanyang pagkalito.
“Nangako sila sa akin. Nangako silang
babantayan ka nilang mabuti hangga’t hindi ko pa nasisiguro ang nararamdaman ko
para sa ‘yo. Sinunod ko naman ang lahat ng kundisyon nila. Pumayag akong lumayo
muna.Pero bakit, bakit nila hinayaang mapunta ka sa iba?” Ramdam na niya ang
pagkabasa ng kanyang leeg mula sa mga luha nito habang nakayakap sa kanya.
May kutob na siya kung sino ang mga
taong tinutukoy nito. Pero hindi niya pa rin maiwasang hindi maguluhan. Pero
imbes na magtanong ay minabuti na muna niyang pakalmahin ito. Hindi niya kayang
nagkakaganito ito. Si Jasper,sa kanilang magkakaibigan, ang matapang at higit
sa lahat mahirap makitaan ng emosyon pero sa nakikita niya rito ngayon, hindi
niya maiwasang makadama ng matinding awa.
“Shhh…..huwag kang umiyak.Ikukuha muna
kita ng tubig para makalma ka.Pag-uusapan natin ito.”Ang nangangako’t nanunuyo
niyang wika rito.
Hindi ito tumugon. Nanatili lamang
itong nakayakap ng mahigpit sa kanya habang humihikbi na lalong nagpabigat ng
kanyang damdamin. Hindi niya lubos akalain na meron pala itong ganitong side.
Iginiya niya ito sa kanyang k’warto
dala ng wala naman siyang malambot na sofa. Doon niya ito iniupo at dali-dali
niyang tinungo ang kusina para ikuha ito ng tubig. Nakayuko pa rin itong
nakaupo sa gilid ng kanyang kama habang humihikbi nang balikan niya ito.
Umupo siya sa tabi nito’t inabot ang
isang basong tubig.
“Jas, uminom ka muna.”
Kinuha naman nito iyon at inisang
lagok ngunit, sa muling pagkakataon ay mahigpit siya nitong niyakap na animo’y
naniniguradong hindi niya ito iiwan. Nagulat man ay hinayaan na lamang niya
itong napasubsob sa kanya habang hindi pa rin matigil sa paghikbi ito.
Naguguluhan talaga siya, nagtataka sa mga nangyayari. Marami siyang gustong
itanong rito subalit sa tingin niya ay makakabuting hayaan na munang mailabas
nito lahat ng nararamdaman.
Pinakalma niya ito, hinaplos sa likod
para maipaabot na naroon lamang siya at hindi ito nag-iisa. Isang uri ng
pagdamay na kayang maibigay ng tulad niyang nag-aalala para rito. Tumagal sila
saganoong pusisyon hanggang sa tumahan na ito’t makatulog na nakayakap sa
kanya. Awang-awa siya sa kaibigan, sa taong minsan niya ring minahal. Sa taong
naging dahilan ng kanyang mga pasakit na pinagdaanan.
“Ano ba ang nangyayari Jasper?”
Pabulong niyang naitanong habang pinagmamasdan itong natutulog sa kanyang kama.
Muling nanariwa sa kanyang isipan ang
mga huling sinabi nito.
“Nangako sila sa akin. Nangako silang
babantayan ka nilang mabuti hanggat hindi ko pa nasisiguro ang nararamdaman ko
para sayo. Sinunod ko naman ang lahat ng kondisyon nila. Pumayag akong lumayo
muna.Pero bakit, bakit nila hinayaang mapunta ka sa iba?”
Agad niyang inabot ang kanyang
cellphone, hinanap ang numero ng taong sa tingin niya ay siyang makakapagbigay
linaw sa lahat.
“Uhoy! Gising ka na pala. Kamusta, may
karumaldumal bang nangyari sa inyo ng BOYFRIEND mo?” Ang agad na bungad sa
kanya nito.
“Miles, tapatin mo ako, may hindi ba
kayo sinasabi sa akin tungkol kay Jasper?” Deretsong tanong naman niya rito.
Bahagya itong natigilan sa kabilang
linya. Doon na siya nakasigurong tama nga ang taong tinawagan niya.
“Anong ginawa niyo Miles?Anong alam
niyo sa mga nangyayari?” Ang may himig ng pang-aakusa niyang wika ulit rito.
“N-Nandiyan ba siya?”Ang tila naman
nag-aalinlangang naisambit nito.
“Sagutin mo ang tanong ko Miles!”
Mahina ngunit diin at may awtoridad niyang wika. Natatakot siyang magising si
Jasper.
“Relax Ands, we only did what we think
is right for both of you. Huwag kang magalit sa amin.”Depensa naman nito.
“Hindi mo sinagot ang tanong ko. Ano
ang ginawa niyo?Ano ang partisipasyon niyo sa nangyayari ngayon kay Jasper?”
Napabuntong hininga ito.
“Hintayin mo ako riyan.Pupuntahan
kita, diyan tayo mag-usap para magkalinawan tayo.” Wika nito at agad na pinutol
ang linya.
Wala siyang nagawa kung hindi ang
hintayin ito. At habang ginagawa niya iyon ay mataman niyang pinagmasdan ang
mahimbing na natutulog na si Jasper. Oo nga’t ito ang sanhi ng mga hirap at
pasakit na pinagdaanan niya sa ilang taong nakalipas subalit hindi naging sapat
na rason iyon para kamuhian niya ang taong dati niyang minahal. Mas matimbang
pa rin sa kanya ang mga pinagsamahan nila noon.
Ilang minuto pa ang nakalipas at
dumating nga si Miles. Tahimik niya itong pinagbuksan ng pinto at agad na
iginaya sa loob ng kanyang kwarto. Bahagya pa itong nagulat ng makita roon si
Jasper na mahimbing na natutulog.
“Ito ba ang sinasabi mong ginawa niyo
lang ang makakabuti para sa aming dalawa?” May bahid ng panunumbat niyang wika
rito.
“I can explain Ands.” Miles said defensively.
“Hindi ito ang inaasahan naming mangyayari , believe me. Remember the day na
hinarap natin siya at napagdesisyunan mong tuluyan na siyang pakawalan? After
that day, pinuntahan kami ni Jasper, sa amin niya sinabi ang pagtutol niya sa
naging desisyon mong manatili na lang kayo bilang magkaibigan. Sinabi rin niya
sa amin na itutuloy pa rin niya ang pag-atras sa kasal nila ni Ivy.”
Naalala niya ang araw na iyon. That
was 3 weeks ago. Ang mga araw kung saan inakala niyang ayos na ang lahat sa
pagitan nila ni jasper.
“Hindi namin siya sineryoso. Akala
namin ay ginugulat lamang niya kami dahil alam niyang kami ang nagsisilbing
bakod mo sa kanya pero hindi. Kinabukasan niyon ay nabalitaan ko nga na hindi
na matutuloy ang kasal ni Jasper. Ipinagtapat niya kay Ivy ang lahat ng
namagitan sa inyo. Nagulat ako, agad ko siyang pinuntahan at doon ko nakumpirma
ang lahat.”
Napatingin siya sa tulog na tulog pa
ring si Jasper. Hindi siya makapaniwala sa lahat ng kanyang narinig sa
kaibigan.
“Kung ganon ––”
“Oo. Nang i-celebrate natin ang
anniversary nating magkakaibigan. Wala nang kasalang magaganap kay Jasper at
Ivy. Pero na kumbinsi namin siyang huwag munang ipaalam sa’yo ang lahat. Sinabi
naming pag-isipan niya muna kung sigurado na nga ba siya sa nararamdaman niya
para hindi ka niya masaktan ulit. Ngunit batid naming hindisiya tutupad sa
napagkasunduan kaya gumawa kami ng paraan.”
“Anong paraan naman iyon?”Takang
tanong niya rito.
“Sinabi naming may sakit ka at hindi
makakabuti sa kalagayan mo kung guguluhin niya ang isip mo.” Ang mahina nitong
pag-amin na para bang nag-aalangan.
Napakunot noo siya. Hindi niya kasi
nakuha kung ano ang ibig sabihin nito.
“With the help of Kyle’s tito,
napaniwala namin siya.”Pagpapatuloy nito.
Nanlaki ang kanyang mga mata dala ng
gulat. Isang psychiatrist ang tinutukoy nitong tao na minsan nilang nakilala
no’ng dumalo sila sa birthday party ng mama ni Kyle.
“Pinalabas niyong nababaliw ako?”Hindi
niya makapaniwalang naibulalas.
“Wala kaming ibang choice
Andy.”Depensa naman agad nito. “Alam naming isisisi mo na naman lahat sa sarili
mo kapag nalaman mong hindi matutuloy ang kasal ni Jasper. At lalo lamang
magugulo ang lahat sa inyong dalawa. Pareho namin kayong kaibigan Ands.Sa
maniwala kayo o hindi, ginawa lang namin ang sa tingin namin ay dapat. Jasper
is not ready to take you in, he’s still confused kaya binigyan pa namin siya ng
sapat na oras para makapag-isip habang ikaw naman ay iniiwasan naming
masakatan.”
Ayaw man niyang aminin pero totoo ang
mga sinabi nito. Sisisihin niya ang sarili kung nalaman niya tungkol sa hindi
natuloy na kasal ng kaibigan. Masyado pa siyang fragile sa mga panahong iyon
kaya malamang hindi niya kakayanin ang katotohanang siya ang dahilan kung bakit
may isang taong umasa ng kasal ang nabigo.
“Ipinangako namin sa kanya na kapag
gumaling na ang sakit mo na gawa-gawa lang naming ay tutulungan namin siyang
suyuin ka. Which is ‘yon naman ang original plan namin talaga pero may hindi
kami inaasahang pangyayari Ands, at iyon ang pagkahulog mo sa Nurse na iyon.
Hindi namin akalain na madali ka niyang mapapaibig.”
Sa pagkabanggit nito sa kanyang
kasintahan ay doon lamang ito muling pumasok sa kanyang isip.
Nhad.Piping sambit niya sa pangalan
nito.
Oo nga’t halos dalawang araw pa lamang
silang magkasintahan nito pero hindi niya naman maitatangging tuluyan na nitong
nakuha ang kanyang puso. Alam niya iyon sa kanyang sarili subalit hindi pa rin
niya maiwasang maguluhan. Papaano niya sasabihin
kay Jasper na wala na siyang pagtingin rito? Na si Nhad na ngayon ang pumalit
sa dating p’westo nito sa puso niya?
“I’m sorry Ands, hindi ko inaakalang
darating tayo sa puntong ito na imbes na makatulong kami sa inyo, mukhang
nagulo pa namin lalo ang lahat.”
Muli siyang napatingin kay Jasper.Ang
taong pinangarap niyang matugunan ang kanyang nararamdaman. Subalit ngayong
nangyari na iyon, ay siya namang pagbaliktad ng sitwasyon.
“Ano ang gagawin ko Miles?” He asked
helplessly.
“Hindi na siya ang taong mahal mo
Andy, nakita ko iyon kagabi sa bar habang panakaw mo siyang tinitignan.” Ang
tugon naman nito sa kanya.
Nakuha niya ang ibig nitong
ipahiwatig. Gusto nitong tapatin niya si Jasper na wala na itong aasahan sa
kanya ngunit, kaya nga ba niya? Kaya ba niya itong saktan?
Tulad ng plano ay natuloy ang dinner
nila ni Nhad sa bahay nito. Dumating ito sa apartment niya sa eksaktong oras na
sinabi nito. Mabuti na lamang at naroon ang kanyang kaibigang si Miles dahil
kung wala ito, baka nahirapan siyang ipaliwanag kay Nhad kung bakit naroon si
Jasper sa kanywang k’warto at mahimbing na natutulog.
Naging maganda naman ang pagtanggap sa
kanya ng lola nito. Mabait ito’t masayahin ring tao tulad ng apo nito. Subalit
hindi pa rin niya maiwasang mabagabag sa mga nangyari’t natuklasan kay Jasper.
“Wala kana sa bahay, you can relax now
babes.” Nakangiting wika sa kanya ni Nhad na nilakipan pa nito ng mabining
pagpisil sa kanyang kamay na nakapatong sa hita nito habang binabaybay nila ang
daan papunta sa kanyang pinagta-trabahuang bar.
Ngiming ngiti ang isinagot niya
rito.Gusto niyang ipagtapat kay Nhad ang tungkol kay Jasper. Nais niyang
sabihin rito ang sitwasyon niya sa kaibigan subalit nag-aalangan siya sa
maaaring maging reaksyon nito. Bago pa lamang sila ni Nhad at batid niyang
hindi pa gano’n ka lalim ang relasyon nilang dalawa.
“Ang sunod kung gagawin ay ang
ipakilala ka sa parents ko.” Ang muling wika nito. “Gusto kong lahat ng taong
mahalaga sa akin ay makilala ang taong bumago ulit ng buhay ko.”
Nabaling ang tingin niya rito sa
narinig. Aaminin niyang naantig ang kanyang puso sa mga gusto nitong gawin para
lamang maipaabot sa kanya kung gaano nito senseryoso ang relasyon nila. Subalit
hindi naman niya naiwasang makadama ng takot para rito. Hindi pa alam ng mga
magulang nito ang tunay nitong sekswalidad, ayon na rin dito at natatakot siya
na baka matulad ito sa kanya na itinakwil at pinandirihan ng kanyang mga
magulang.
“`Di ba’t parang masyado pa ‘atang
maaga para sa bagay na iyan? Hindi ka ba natatakot na matulad sa akin, Nhad?
Paano kung hindi magustohan ng mga magulang mo ang relasyon nating dalawa?
Pag-isipan mo munang mabuti ‘yan.”Mahinahon niyang tugon rito.
“Bakit kailangan ko pang patagalin ang
lahat kung heto’t nakakasiguro na akong ikaw na talaga ang gusto ko? At bakit
ko kailangang matakot? Nariyan ka naman `di ba? Magkasama naman nating
haharapin ang lahat kung sakaling hindi man nila ako matanggap.” Tugon naman
nito sa kanya.“Unless iiwan mo ako.” Ang tila naman kinapos sa hanging dagdag
nito.
“Nhad..”
“Pero hindi mo naman ako iiwan babes
di ba?” Agad na pagbawi nito halatang pilit na pinasisigla ang boses.
Pansamantala nitong iniwan ng tingin ang daan para balingan siya. “Hindi mo
gagawin ang ginawa ni Kenneth sa akin, right?”
Ewan ba niya, parang sinaksak ang
kanyang puso sa mga narinig dito. Tulad niya ayaw na rin nitong masaktan.
Umaasa itong magiging maganda ang lahat sa kanila. Na sasaya sila sa isa’t isa.
Mahal niya na ito, iyon ang nasisiguro niya sa kanyang puso. Mahal na niya ang
lalaking halos busugin siya sa pagmamahal sa mga nakalipas na araw.
Tumango siya rito.
“Hindi kita iiwan Nhad.” He said with
assurance. “Hindi natin bibitawan ang isa’t isa.”
“I love you babes.” Malambing nitong
sabi saka muling ginawaran ng halik ang kanyang kamay.“Hindi kita bibitawan
kahit ano ang mangyari. Hindi ko na gagawin ulit ang pagkakamaling ginawa ko
noon.”
Ilang saglit pa ay narating nila ang
kanilang destinasyon. Gusto pa sana niyang makasama ito ng matagal pero
kailangan niyang magtrabaho.
“Salamat sa napakasarap na dinner, ah.
At paki sabi salola mo na salamat sa napakagandang pagtanggap.”
“I’m glad na nagustohan mo lahat ng
luto ko.” Nakangiti naman nitong tugon sa kanya. “Yep, sasabihin ko sa kanya.
Susunduin kita mamaya, ah.”
“Huwag na. Magpahinga ka na lang.
Ilang araw nalang matatapos na ang leave mo. Sasabak ka na naman sa trabaho.”
Pagtanggi naman niya rito.Ayaw niyang obligahin itong sunduin siya parati.
Kailangan rin nito ng sapat na tulog at pahinga.
“Ayaw.”Nakangiti nitong
tugon.“Susunduin kita mamaya.”
“Ang tigas ng ulo.” Napapailing na
lamang niyang tugon. “Siya sige na, papasok na ako. Mag-iingat ka sa
pagmamaneho pauwi.”
“Babes, uhmmm…” Napapakamot nito sa
ulong pambibitin sa kanya. “Ayos lang ba kung sa bahay tayo tutuloy mamaya
pagkasundo ko sa’yo? Gusto ko kasing masiguro na walang didisturbo sa
pagpapahinga mo. Mukha kasing hindi ka gaanong nakapagpahinga kanina.”
Kahit hindi nito deretsahang sinabi ay
nakuha niya ang punto nito. Hindi nito nagustohan ang pang-iistubong ginawa ng
kanyang mga kaibigan. Iyon kasi ang naging rason ni Miles dito kung bakit
naroon ang mga ito sa apartment niya kanina at kung bakit naabutan nitong tulog
sa k’warto niya si Jasper.
“Don’t get me wrong babes, wala sa
akin ‘yong pagpunta nila sa’yo. At pagpapagamit mo sa iba ng kama mo. Ang gusto
ko lang ay makapagpahinga ka ng mabuti.”
Napaisip siya. Siguro nga tama lang na
doon na lang muna siya tumuloy mamaya para makaiwas muna kay Jasper. Hindi pa
talaga siya handang harapin ang kaibigan dala ng kanyang mga natuklasan.
Masyado pang magulo sa kanya ang lahat.
“Hindi ba nakakahiya sa Lola mo?”
Kapagkuwan ay tanong niya rito.
Ngumiti ito ng ubod ng tamis.
“Walang kaso kay Lola ‘yon.So, payag
kana?”
Napangiti na rin siya, syempre
gustong-gusto niya itong makasama ng matagal. Ang muling makatabi itong matulog
na nakayakap rito at ang mga kulitan nila na talagang pumapalis sa kanyang mga
alalahanin.
“Sige payag ako, pero wala akong
dalang damit pamalit.”Nakangiti naman niyang tugon.
“Asus! Hindi mo naman kailangan ng
damit sa kwarto ko, eh.” Ang nakangising pilyo naman nitong wika. “Tama na ang
kumot ko pangtakip sa ating dalawa.”
Doon na siya tuluyang napabungisngis
sa kapilyohan nito. Pagdating talaga sa banatan lagi itong nakakalamang sa
kanya. At hindi talaga ito pumapalyang palisin ang kanyang mga negatibong
damdamin sa mga simple nitong hirit.
“Sige na, kiss na at baka hindi na ako
makapagpigil at ibalik na kita ngayon din sa bahay.” Ngingiti-ngiti nitong
pagtatapos ng kanilang usapan.
Agad naman siyang tumalima’t binigyan ito na masuyong halik sa labi.
“See you later kumot king.” Nagbibiro
niyang pagpapaalam na ikinatawa naman nito.
Sa muling pagkakataon ay may panggigil
siya nitong hinalikan na sinabayan pa nito ng isang nang-aakit na bulong.
“I’m ready to give you everything
later kaya humanda ka.”
Agad na nag-init ang kanyang pisngi sa
tinuran nito. At dala siguro ng pinaghalong kaba at excitement ay pabiro niya
itong nahampas sa dibdib na lalo naman nitong ikinatawa.
Itutuloy. . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment