Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (14)

by: Zildjian

Hindi pa rin makapaniwala si Andy sa bilis ng mga pangyayari sa kanila ni Nhad. Noon, kontento na siya kapag nakikita niya itong nakangiti at pinupuri siya sa kanyang angking galing, tapos heto’t kasintahan na niya ang lalaking minsan niyang hinangaan. Aaminin niya, nang tanggapin niya ang pakikipagrelasyon dito ay may pag-aalangan pa siya sa kanyang puso. Siguro, ay dahil sa takot niyang masaktan ulit. Pero sadyang malakas ang pagkagusto niyang subukang sumaya sa piling nito . Gusto niyang maramdaman kong papaano mahalin at alagaan sa paraan na gusto niya.


“Diyos ko! Kanina pa iyang pagpapalitan niyo ng ngiti, ah. Hindi pa ba kayo nagsawa sa mga pagmumukha niyo? Magkatabi na kayong sa pagtulog at halos abutin na kayo ng sikat ng araw sa paghaharutan kanina, ngitian pa kayo ng ngitian diyan.” Ang biglaang pagpansin sa kanila ng kanyang kapatid.

Napangiti na lamang ang kanyang bayaw habang karga nito sa kandungan ang kanyang pamangkin. Nasa hapag sila at sama-samang na nananghalian. Ito ang huling araw nila sa lugar na iyon.Ayaw pa nga sana silang payagang umuwi ng kanyang kapatid ngunit ipinaliwanag niya rito na may trabaho siyang naghihintay.

“So, ang ibig sabihin ba niyang pangiti-ngiti niyo sa isa’t isa ay tuluyan mo nang isinuko ang bataan Andy? At ang mga naririnig naming tawanan kaninang madaling araw ay ang mga ungol mo?”

“Ate!”May pagbabanta niyang wika.“Nasa harap tayo ng pagkain at anak mo!”

Kita niya kung papaano mapahagikhik ang kanyang bayaw. Hindi niya akalain na aabot sa k’warto ng mga ito na ang tawanan at harutan nila. Matapos kasing magkasundo ang kanilang mga puso at palitan ng maiinit na halik ay purokalokohan  na ang pinaggagawa nila. Nariyan ang kikilitiin siya nito ng husto.Ang panggigilan ang kanyang pisngi at ilong. At ang mga nakaw na halik nito sa kanya hanggang sa pareho silang mapagod.

Inakala niya o mas tamang sabihing inaasahan na niya na mauuwi sa isang pagtatalik ang nangyaring halikan sa kanila nito subalit hindi iyon nangyari.  Oo, aminado siyang medyo nakaramdam siya ng panghihinayang. Siguro ay dahil nasanay siya na palaging doon nauuwi ang lahat noong mga panahon na hinahayaan pa niya ang sariling maging parausan ng kanyang dating minamahal. Kaya lalo lamang tumindi ang respeto niya para kay Nhad.Hindi ito katulad ng ibang taong nakasalamuha at nakasanayan niya. Mga taong tanging tawag lamang ng laman ang rason kung bakit nais ng mga itong pumasok sa isang relasyon.

Binalingan nito ang ngingiti-ngiti na ring si Nhad.

“Ikaw Nhad, siguradohin mong hindi mo sasaktan itong kapatid ko kung hindi, babasagin ko ang balls mo. Alagaan mo siyang mabuti, nagkakaintindihan ba tayo?”

Tumango naman ito bago tumugon.

“Opo.”

 “Pasayahin mo siya. Maging masaya kayo sa isa’t isa. Kung may problema ay tawagan mo agad ako. Kapag pinairal niya ang katigasan ng kanyang ulo at hindi mo kinaya, sabihan mo agad ako at magkatulong natin siyang babalatan ng buhay. He’s a pain in the ass sometimes. But I assure you, my brother is worth loving. Siya ang tipong kayang ibigay ang lahat-lahat.”

Napangiti na lamang siya sa mga salitang lumabas sa bibig ng kanyang kapatid. Brutal man ito sa kanya minsan, alam naman niyang mahal na mahal siya nito. At ngayon, ito na mismo ang tumayong magulang sa kanya at nagpakita ng suporta sa relasyon na meron sila ni Nhad.

“Ako po ang bahala sa kanya.” Ang naninigurado namang tugon ni Nhad at saka inabot ang kanyang kamay at marahan iyong pinisil. “At makakaasa po kayong pasasayahin ko siya sa abot ng aking makakaya.”

Tumango naman ang kanyang kapatid at muling bumaling sa kanya.

“Mami-miss na naman kitang lukarit ka. Pero masaya ako na ngayon, hindi ka na nag-iisa. Yung kina mama at papa, huwag mong masyadong iisipin iyon.Panira lang sila ng kaligayahan mo. Narito naman kami ng kuya Vincent mo at ng pamangkin mo.”

“Salamat ate. Salamat din kuya Vincent.”

“Wala iyon Andy, malakas ka sa akin, eh.” Nakangiti namang tugon ng kanyang bayaw sa kanya. “Basta’t huwag mong kakalimutang tawagan kami kung kailangan mo ng tulong.”

“Siya, kumain na tayo ng makapaghanda na kayong umalis.”Ang sabat ng kanyang kapatid.

Kita niya sa mga mata nito ang pagguhit ng lungkot. Marahil ay dahil sa katotohanang ilang buwan o baka nga ilang taon na naman silang hindi nito magkita. Pero tulad niya, magaling rin magtago ng nararamdaman ang kanyang ate Angela.

“Ate, dalawin mo ako doon, ah.” Nakangiti niyang wika rito.

Doon na ito bumigay. Tuluyang kumawala ang mga luha sa mga mata nito at dali-dali itong tumayo’t lumapit sa kinauupuan niya para bigyan siya ng isang mahigpit na yakap na walang pag-aalinlangan naman niyang tinugunan.

“Sorry kung wala akong nagawa para matauhan sina mama. Mag-iingat ka roon at huwag mong pababayaan ang sarili mo. Pupuntahan kami namin doon kaya dapat lang na nakangiti kang sasalubong sa amin, ha.”

“Basta’t huwag mo lang lalaitin ang apartment ko.” Ang kanya namang naitugon.

Pagkatapos na pagkatapos ng kanilang madramang tanghalian ay agad na nga silang naghanda para umalis. Todo naman ang pasasalamat ni Nhad sa mag-asawa sa magandang pagtanggap ng mga ito rito. Muli nilang tinahak ang daan na parehong nakangiti at magkahawak kamay.

Ngingisi-ngisi si Andy habang binabasa ang pagkahaba-habang text galing sa kanyang mga kaibigan.Lahat iyon ay pare-pareho lamang ang laman.

“Humanda ka sa hindi mo pagsasabi sa amin na dumating kana pala!” Ang pabulong niyang pagbasa sa  nagbabantang text message ng isa sa mga ito.

Ngayon lang nalaman ng mga kaibigan niya na nakabalik na siya dahil sa nakalimutan niyang itext ang mga ito kahapon at iyon ay dahil kay Nhad. Nang dumating kasi sila mula sa tatlong oras na biyahe pabalik ay hindi agad ito umuwi, nanatili pa ito sa kanyang apartment at nakipaglambingan pa sa kanya ng ilang oras na kanya namang nagustohan sapagkat napalis nito ang lungkot sa muling paghihiwalay nila ng kanyang kapatid.

Wala pang ilang minuto ang nakalipas ay natanaw na niya ang kanyang mga dakilang kaibigan na papasok sa pinagta-trabahuan niyang bar.Lalo lamang siyang napangisi ng tapunan siya ng masasamang tingin ng mga ito.

“Nginingiti-ngiti mo riyan?” Sita agad sa kanya ng kaibigang si Zandro.

“Wala.” Kaila naman niya.“Na-miss niyo ako?” Dagdag pa niya na nilakipan ng isang nang-aasar na ngisi.

“Hampasin kaya kita nitong jacket ko. Kahapon ka pa pala nakabalik, hindi mo man lang nakuhang itext kami.” Ani naman ni Miles.

“Sorry naman. Nakalimutan ko, eh.” Napapakamot niya sa ulong wika pero hindi pa rin napapalis ang nakaguhit na ngisi sa kanyang mukha.

Napataas ang kilay ng kanyang kaibigang si Miles.

“Anong meron at masaya ka?”Nang-uusisang tanong nito.

“Wala.”.

Nagpalitan naman ng makahulugang tingin ang mga ito at sabay-sabay na bumaling sa kanya.

“Sige, palalampasin namin ang ginawa mong paglimot na sabihan kaming nakauwi kana sa isang kondisyon.” Ani naman ni Marx.

“Anong kondisyon naman iyon?”Pagpapaka-inosente naman niya.

“Kuk’wentuhan mo kami sa mga nangyari sa pag-uwi mo.” Si Kyle.

“Paano kung ayaw ko?” Ang nakangisi naman niyang balik dito.

“Pupugutan ka namin ulo, puputulin namin ang kamay mo, binti, tenga, dila, at….” Pabitin namang turan ni Zandro. “At… `wag na nga lang yung isang ‘yon, tutal di mo naman ginagamit.”

“Gago!” Ang natatawa niyang naibulalas sabay bato rito ng nilamukos na tissue nang makuha niya kung ano ang tinutukoy nitong bagay saka siya bumaling sa nakangiti ngunit tahimik na si Jasper. “Yow!”

“Yow!” Balik naman nito sa kanya.

“Tagal mo yatang ‘di nagparamdam. Busy na ba sa nalalapit mong kasal?” Bahagya pa siyang nanibago sa kanyang sarili. Wala na ang kakaibang kaba at pag-aalangan niya para dito na kanyang laging nararamdaman. Wala na rin siyang nadamang kirot sa kanyang puso sa sa katotohanang malapit na itong ikasal. Napaka-natural ng kanyang pakiramdam habang nakatingin rito.

“Medyo.”Kaswal naman nitong sagot.

“Mamaya na iyang palitan niyo ng kuro-kuro.” Sabat naman ni Miles. “Intersado kaming malaman ang nangyari sa tatlong araw mong bakasyon at kung bakit ka ganyan kasaya ngayon.”

“Bakit ko naman ikuk’wento sa inyo?” Nang-aasar niyang balik dito.

“Dahil intersado kaming malaman kung may kinalaman ba dito si Nhad mo.” Nakangisi namang tugon sa kanya ni Miles. “May balita kasi kaming nasagap na tatlong araw din daw siyang hindi umuwi. At kung tama ang hinala namin, magkasama kayo.”

Napanganga siya dala ng gulat. Saan nakakuha ng impormasyon ang mga ito patungkol sa whereabouts ni Nhad? Wala siyang ma-alalang may kilala ang mga ito na malapit sa lalaking ngayon ay kasintahan na niya.

“Sino si Nhad?” Takang tanong naman ni Jasper.Sa mga kaibigan niya, ito na lang ang hindi pa nakakakilala sa kanyang maligalig na kasintahan.

“Siya lang naman ang lalaking pinagpapantasyahan ngayon ni Andy.” Ani naman niZandro.

“Pinagpapantasyahan?” Halata na ang ibayong pagtataka sa mukha ni Jasper nang balingan siya nito.“Totoo ba iyon Andy?”

“Kailan pa ba naging kapani-paniwala ang mga lumalabas sa bibig ng mga iyan?” Patukoy niya sa mga kaibigan. “Pero oo, siya ang kasama ko sa amin. Wala sa plano iyon, bigla na lang siyang nagdesisyong sumama.” Ang pagbabalik niya ng usapan at pag-amin na rin sa mga ito. Alam naman niyang walang silbi ang mag-deny sa kanyang mga kaibigan. Malalaman at malalaman din ng mga ito ang lahat.

“Sinasabi na nga ba!”  Ang naibulalas ng ng mga ito maliban kay Jasper na napatutok ng husto sa kanya. Halatang naguguluhan ito sa mga naririnig.

“So, ano ang ginawa niyo doon?” Pang-uusisa pang lalo sa kanya ni Miles. “Ano ang naging resulta ng pagsasama niyo ng tatlong araw?”

“Wala.” Pagkakaila niya.

Wala siyang balak na ilihim ang relasyon niya sa mga kaibigan, naisip lang niya na hindi pa ito ang tamang oras para sabihin sa mga ito ang relasyon nila ni Nhad. Dahil maski siya, ay hindi pa rin makapaniwala sa kinahantungan nila dala ng sobrang bilis na mga pangyayari.

“Ows?”Nagkaka-isa namang naibulalas ng mga ito.

“Bahala kayo kung ayaw niyong maniwala. Ngayong nasagot ko na ang mga tanong niyo, um-order na kayo’t hindi tambayan itong bar namin.” Pagtatapos niya sa usapan.

Mabuti na lamang at kahit halatang hindi kumbinsido sa kanya ay hindi na nagpumilit pa ang mga ito. Nang maibigay niya sa mga kaibigan ang mga orders nito ay iba na ang pinag-usapan nila. Subalit, hindi nakatakas sa kanya ang pananahimik ni Jasper na para bang may malalim itong iniisip. Nagsasalita lamang ito kapag pinupuna nila at muli itong mananahimik. Ipinagwalang bahala na lamang niya iyon, at inisip na bunga lamang iyon ng stress sa nalalapit nitong kasal.

Masaya ang kanyang mga kaibigan ng sabihin niya sa mga ito na hindi niya pinagsisisihan ang naging desisyon na umuwi kahit hindi pa rin maganda ang naging pagtanggap ng kanyang mga magulang sa kanya.  Mas nangibabaw sa puso niya ang ipinakitang pagmamahal ng kanyang kapatid at ang bagong relasyon na natagpuan niya.

“Sabi naman kasi sa’yo ‘di ba?Mas magandang harapin ang problema kesa takbuhan.” Ang wika ni Miles.

“Oo na.Ikaw na ang magaling magpayo.”Ang nagbibiro naman niyang tugon rito.

“Syempre naman! Expert yata `to.”Pagyayabang naman nito.

“Expert saan?”Buska naman ng iba pa nilang kaibigan.

“Sa kahalayan malamang. ” Ang ngingiti-ngiting wika naman ni Marx na siyang ikinatawa nila. Pati ang tahimik na si Jasper ay nakita niyang napangiti.

Naputol lamang ang masayang pakikipag k’wentuhan niya sa mga kaibigan ng mag-vibrate ang kanyang cellphone.

Babes, muzta ka? I miss u :(

Agad na gumuhit ang ngiti sa kanyang muka sa kanyang nabasang mensahe. At hindi rin niya maiwasang hindi makadama ng kiliti.

Bk8 gising kpa? Aus lng nman aq, miss you rin. Ang reply niya naman dito.

“Sino iyang ka-text mo?” Pagpansin sa kanya ni Jasper.

“Wala, kaibigan ko.” Nakangiti naman niyang tugon rito.

Tumango lamang ito.

Muling nag-vibrate ang kanyang cellphone.

Can’t sleep. Di ka kasi mawalasa isip q. Miss you a lot.

Lalo lamang lumuwag ang kanyang pagkakangiti sa nabasa. Para silang mga sira kung tutuusin sa ka-kornehan nila. Magre-reply na sana siya ng muli siyang makareceive ng text.

Wait mo ako, puntahan kta.Gusto tlaga ktang makita. Aq narin ang maghahatid syo pauwi. Mwahh!

Bigla siyang na-excite sa kaalamang muli niya itong makikita kahit paman ilang oras pa lang ang nakakalipas nang maghiwalay sila. Dumating kasi ito kaninang tanghalisa kanyang apartment na may dalang ulam na luto mismo nito. Nanatili ito roon hanggang sa pumasok siya sa trabaho. Ito pa nga ang naghatid sa kanya.Ngunit agad na nawala ang excitement na naramdaman niya ng maalala ang kanyang mga kaibigan. Hindi pa pala niya inamin sa mga ito na may namamagitan na sa kanila ni Nhad.

“Problem?” Untag sa kanya ni Jasper.

“H-Ha?W-Wala!” He said defensively.

Magre-reply na sana siya para sabihan sana si Nhad na huwag na lang siya nitong puntahan ng may kung sino namang biglang humablot sa cellphone niya.

“Sino ba itong ka-text mo?” Ang wika ni Miles habang hawak na nito ang kanyang cellphone at pinapakialaman na nito ang kanyang inbox. “Uhoy!Sinasabi ko na nga ba.” Naibulalas nito sabay bigay sa kanya ng ngising nakakagago.

“Bakit, ano ‘yan?”Ang nang-uusisa namang wika ng iba pa nilang kaibigan.

“Later you will see.” Nakangiti nitong tugon sa mga ito saka ibinalik sa kanya ang kanyang cellphone. “Wala pa lang nangyari, ha.” Bakas ang pang-aasar sa na wika nito.

Napangiwi na lamang siya dito.

Hindi na niya alam kung ano ang nararamdaman. Para siyang maiihi na ewan habang hinihintay ang pagdating ni Nhad. Ang mga kaibigan naman niya ay tahimik lamang na nakamasid sa kanya. Mukhang na-i-enjoy pa nga ng mga ito ang kanyang pagkabalisang nararamdaman.

“Matagal pa ba Miles?” At tila yamot na tanong ni Kyle. “Malapit na akong malasing at mukhang malapit ng himatayin si Andy.”

“Hintay-hintay lang tayo.” Ngingiti-ngiti namang tugon ni Miles dito saka sumimsim sa hawak nitong alak. “Panigurado namang magugustohan niyo ang susunod na mangyayari.”

“Kung tama ang hinala ko sa nabasa mo, panigurado nga iyon.” Ang nakangiti naman turan ni Marx

Mga hayup na ‘to! Naibulalas niya sa kanyang isip. Wala na nga talaga siyang lusot, huling-huli na siya.

“Ano ba ang meron, Andy?” Takang-taka namang wika ni Jasper. Walang ideya sa nalalapit niyang pagkabuking.

“Ah… Ano kasi..” Napapakamot niya naman sa ulong naitugon.

“Huwag kanang magpakahirap magpaliwanag, narito na siya.” Ang pagsabat naman ni Mile sabay turo sa entrance.

Sabay-sabay silang napabaling sa gawi ng itinuro nito at nakita nga niya si Nhad na nakaguhit na ang ngiti habang nakatingin sa kanya.Tinugon niya naman ito ng kaparehong ngiti kahit kinakahabahan.

“Narito rin pala kayo mga pare.” Bati nito sa kanyang mga kaibigan ng tuluyan itong makalapit. “Hi Andy.” Baling naman nito sa kanya na nilakipan pa nito ng isang matamis na ngiti.

“H-Hi.” Ang kabado naman niyang turan.

“Sino siya?” Ang pagsabat naman ni Jasper.

“Siya si Nhad.” Nakangising wika naman ng magaling na si Miles. “Ang boyfriend ni Andy.”

Agad niya itong pinandilatan. Hindi pa nila napag-uusapan ni Nhad kung ayos lang ba na ipaalam sa iba ang kanilang relasyon.

“Ay, mali ba ako?” Maang-maangan naman nitong naisambit saka ito bumaling kay Nhad. “Sorry pare.”

Ngumiti naman dito si Nhad.

“Ayos lang. Totoo namang boyfriend ko na siya.” May himig nangpagmamalaki naman nitong tugon. “Wala naman sigurong problema iyon sa inyo di ba?”

“Problema? Syempre wala pare.” Maagap namang tugon ni Zandro. “Ayos nga iyon, eh. `Di ba Casper?” Baling nito sa kanilang kaibigang nakakunot na ang noo sa mga oras na iyon habang nakatingin kay Nhad.

“This calls for celebration. Sa wakas, may nauto na rin itong si Andy at ikaw pa talaga iyon pare.” Biglang pagkuha ni Miles sa atensyon nila. “At dahil diyan, si Zandro ang taya ngayong gabi.”

“Hala! Bakit ako?” Agad namang alma nito.

“Para masaya.” Tugon naman ni Miles dito.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay kasama ngang nakainuman ng kanyang mga kaibigan si Nhad habang siya naman ay paminsan-misan lang na tumatagay dala na rin ng kanyang trabaho. Sa una ay medyo napansin niya ang pagkailang ni Nhad sa kanyang mga kaibigan subalit dahil sa lakas bumangka ng mga ito at sa likas naring pagiging magiliw ng kasintahan ay madaling nagkapalagayan ng loob ang mga ito maliban kay Jasper na hindi na muli pang nagsalita o nakisali man lang sa usapan.

Hindi sila nakatakas ni Nhad sa mga panunukso ng mga kaibigan ng magsimulang mang-usisa ang mga ito kung papaano sila nauwi sa relasyon. Laking pagpapasalamat na lamang niya na game si Nhad sa mga kabaliwan ng kanyang kabarkada na siya namang lihim niyang ikinatutuwa.

Habang tinatahak nila ang daan papunta sa kanyang tinutuluyang apartment ay hindi mapalis ang ngiti sa kanyang mga labi sa ibayong saya na nararamdaman. Matagal-tagal na rin siyang hindi nakakaramdam ng gano’n.

“Bakit nakangiti ang babes ko?” Ang wika ni Nhad at marahan nitong pinisil ang kanyang kamay na nakapatong sa hita nito.

“Wala naman. Masaya lang ako na nagkakasundo kayo ng mga kaibigan ko kahit napakagulo ng mga iyon.”

“Masaya silang kasama, parang ikaw lang.” Nakangiti namang tugon nito.

“Ayan ka na naman sa mga banat mo.” Buska naman niya rito.

“Totoo naman, ah. Kasing ligalig mo sila, maliban lang sa isa. Mukhang hindi niya gusto na naroon ako kanina.”

“Sino, si Jasper?” Hindi pala nakatakas rito ang kakaibang mood na ipinakita ng isa niyang kaibigan. “Huwag mo na lang siyang papansinin. Stress lang ‘yon sa nalalapit niyang kasal.”

“Ikakasal na siya?”

“Yeah.” Matipid niyang tugon.

“ I see.” Hinigpitan nitong lalo ang pagkakawak sa kanyang kamay. “Huwag mo akong iiwan Andy, ah.” Ang may himig ng paglalambing nitong dagdag.

“Bakit biglang liko naman ‘ata ang usapan?” Ang napapangiti niyang turan dala ng kiliting hatid sa paglalambing nito.

Iginaya nito ang kanyang kamay palapit sa labi nito at hinalik-halikan iyon na lalo lamang niyang ikinangiti. Wala talagang katulad ang pagiging malambing nito.

“Basta `wag mo akong iiwan.” Wika nito.

“Pangako.” He replied with assurance.

Nang marating nila ang tapat ng kanyang tinutuluyan ay inaya pa niya itong pumasok para magkape ngunit tumanggi na ito para raw makapagpahinga na siya.

“Sigurado ka talagang ayaw mo munang bumaba?”

“Yep, siguradong-sigurado.” Nakangiti naman nitong tugon. “Ayos lang ba kung hindi muna ako pumunta rito mamayang Lunch?”

“Oo naman.” Ang kanya namang tugon kahit gusto niya sanang itanong kung bakit hindi ito makakapunta.

“Great! Paghahandaan ko kasi ang dinner natin mamaya sa bahay. I want you to meet my lola.”

“Dinner sa inyo? M-May trabaho ako mamaya, eh.”

“I know.  Kaya nga aagahan ko ang paghahanda para makapag early dinner tayo sa bahay. Paniguradong matutuwa ang lola ko.”

“`Di ba nakakahiya sa lola mo?” May pag-aalangan naman niyang tugon.

“Siya nga ang nagbigay sa akin ng ideyang imbitahan kang sa bahay  mag-dinner, eh. Basta, I want you to be ready by 5pm, susunduin kita rito okey?”

“S-Sige, ikaw ang bahala.”

Muli nitong binigyan ng masuyong halik ang kanyang kamay na hawak pa rin nito.

“You don’t have to worry about anything, babes. I’ll take care of you.”

Nhad’s words reached his heart dahilan para mapalis ang pag-aalinlangan niya. Ngumiti na siya rito. Isang klase ng ngiti na nagpapakita na pinagkakatiwalaan niya ito. Saka niya pinanggigilan ang pisngi nito.

“Hmmmm. Ang cute mo talaga!”

“Aw! Aray!” Inda naman nito.

Tatawa-tawa niyang binitiwan ang pisngi nito.

“Paano, bababa na ako bago ka pa makaganti. Ingat ka sa pagmamaneho, ah.” He said at akmang tuluyan na sanang bababa sa sasakyan ng maagap siya nitong mapigilan.

“May nakakalimutan ka yata.” Wika nito sa seryosong tinig.

“Ano naman iyon?” Takang tanong naman niya.

“Iyong kiss ko.” Nakangisi naman nitong tugon.

Sa muling pagkakataon ay hindi niya naiwasang mapahagikhik sa ibayong kilig na nararamdaman hanggang sa hindi na ito makapaghintay sa halik niya at ito na mismo ang kumabig sa kanyang batok para bigyan siya ng isang masuyong halik sa labi.

“Sleep well, babes.” He said flashing his notorious smile.

Itutuloy. . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment