by: Zildjian
Kakaibang kaba ang nararamdaman ko
habang kaharap ko sa hapag ang parents ni Martin kasama ang fiancée at mga
magulang nito. Hindi ko maiwasang pagpawisan ng malamig at manginig sa uri ng
mga tingin na binibigay ng mga ito sa akin na para bang hindi ako welcome doon.
Gusto ko nang umalis o mawala na lang
sa harapan nila. Na-anticipate ko na’ng hindi magiging madali itong gagawin
namin ni Martin na sabihin sa mga magulang niya na may relasyon kami pero,
hindi ko akalain na ganito pala ito kahirap.
Tanging tunog lamang ng kutsara’t
tinidor ang maririnig mo sa hapag-kainan na ‘yon. Ramdam ko ang tensyon sa
bawat paghinga ni Martin na nakaupo sa tabi ko
“You know that this is an important
dinner for our family.” Basag ng ama nito sa katahimikang namuo simula nang
dumating kami. “You shouldn’t have brought him here.” Walang pakundangang wika
nito bakas sa boses ang inis at galit na tinitimpi nito.
Napayuko ako sa ibayong hiya. Masasabi
kong hindi ito sanay makipagplastikan sa kahit na sino man dahil nagawa nitong
iparating sa amin ni Martin ang pagkadisgusto niya sa presensiya ko sa bahay
nila kahit pa man kasama din sa hapag na iyon ang parents at fiancee ng anak
nito.
“I brought him here because we also
have an important thing to say Pa.” Malumanay na sagot ni Martin dito na para
bang hindi apektado sa pagiging matalas ng dila ng papa nito.
“Hindi ba makapaghintay iyang
sasabihin niyo sa amin at dinala mo pa siya sa mismong gabi kung saan
pag-uusapan natin ang kasal niyo ni Dominica?” May bahid ng galit na sabi nito.
Masasabi kong ito ang boses ng tahanan nila dahil hindi ko marinig na nagreact
ang mama ni Martin na minsan ko nang nakita noong graduation namin.
“At ikaw.” Tukoy nito sa akin. “This
is an important night for my family kaya pagkatapos mong kumain umalis kana.
Hindi ka kasali sa pag-uusapan namin.”
“Stop it Pa.” Bakas na sa boses ni
Martin ang galit.
Napa-angat ako ng tingin sa puntong
iyon at kita ko sa mukha ni Martin ang kakaibang galit. Pansin ko rin ang
panginginig ng kamay nito na marahil ay dala ng pagpipigil nitong sumabog.
“Sumusobra kana. Parang basura ang
tingin mo sa ibang taong walang pakinabang sayo.” Ito ang unang pagkakataong
makita ko si Martin na galit. Oo nga’t nagagalit ito noon pero kakaiba ang
pinapakitang galit nito ngayon. “Don’t treat Ken as if he’s nobody.”
“Who gives you the right para
sagut-sagutin ako? Pamamahay ko ‘to, may karapatan akong paalisin ang sinumang
sa paningin ko’ di nararapat na nandito!”
“Kumpare, easy.” Sabat ng isang lalake
na sa tingin ko ay ang ama nang fiancee nito. “Martin iho, paalisin mo na lang
iyang kaibigan mo para hindi na lumaki ang gulo.”
“Oo nga anak, sige na bago pa lalong
magalit ang papa mo.” Sabat naman ng mama ni Martin.
“Hindi ma, kung aalis si Ken, kasama
niya akong aalis. And he’s not just my friend, he’s my boyfriend.” May diin
nitong sabi.
Halatang nagulat ang mga ito sa
narinig. Kita kong namilog ang mata ng papa nito sa sobrang pagkabigla. Ang mama nito ay napahawak sa kanyang bibig
tulad ng fiancee nito.
“You’ve heard it right. Ken is my
boyfriend and I’m gay.”
Isang nakakabinging katahimikan ang
namayani sa puntong iyon. Gulat, pagkadismaya, galit, at pagkasuklam – iyan ang mga nakikita kong ekspresyon sa
mga mukha ng mga taong kasalo namin sa hapag-kainang iyon.
Maya-maya pa’y biglang tumayo ang papa
ni Martin. Bakas sa mukha nito ang ibayong galit. Akmang lalapitan na kami nito
nang mapigilan ito ng mama ni Martin.
“Bitiwan mo ako!” Ang pagpupumiglas
nitong wika. “Walang-hiya ka! Sinadya mong dalhin iyang baklang yan para
ipahiya ako sa harap ng ibang tao noh? Wala kang utang na loob!”
Pareho kaming napatayo ni Martin.
Bakas sa mukha nito ang galit para sa ama habang ako naman ay hindi alam kung
ano ang gagawin sa sobrang takot.
“Martin how could you do this to us?”
Ang naiiyak na wika ng mama nito na bakas ang disappointment sa boses nito.
“I’m sorry ma…”
“Lumayas kayo dito!” Putol ng ama nito
sa iba pang sasabihin ni Martin. “Simula ngayon ay hinding hindi ka na pweding
tumapak sa pamamahay na ito! Wala akong anak na suwail at wala akong anak na
bakla! Sinira mo ang mga plano ko para sa ‘yo!”
“Yeah mga plano ninyo para sa akin.”
May pait na tugon ni Martin dito. “Pero ni minsan ay hindi n’yo man lang inisip
kung gusto ko ba ang mga plano n’yong iyon. Hindi ko naramdaman na may mga
magulang ako dahil ang alam ko ang mga magulang, sinusuportahan ang gusto ng
anak nila hindi ginagawang puppet na susunod na lang sa kung ano man ang gusto
nila.”
“Martin, stop it.” Saway ng mama nito.
“Stop what, Ma? Di ba ganyan ka rin,
gusto mo akong itulad sa ‘yo na sunod-sunuran sa gusto ni Papa. I can’t stand
it anymore Ma, malaki na ako at may sarili na akong buhay.”
“Anong pinagmamalaki mo ngayon? Na
kaya mo nang mabuhay ng walang tulong mula sa amin dahil graduate ka na?” Asik
ng papa nito.
“Wala akong ipinagmamalaki.” Tugon ni
Martin dito. “Gusto ko lang ipakitang kaya ko nang magdesisyon para sa sarili
ko.”
“Magdesisyon para sa sarili mo?”
Pag-uulit ng papa nito sa huling sinabi niya sabay bigay ng nang-iinsultong
tawa. “Tingnan natin kung saan ka pupulutin sa desisyon mong ‘yan. Huwag na
huwag kang babalik dito na hihingi ng tulong sa amin dahil sa oras na mangyari
iyon ako mismo ang kakaladkad sayo palabas ng pamamahay na ito.”
Hindi ko lubos maisip na manggagaling
sa isang ama ang masasakit na salitang iyon. Oo nga’t galit ito dahil sa
pagsuway ni Martin sa kanya pero sapat na ba ang galit na iyon para magbitiw ng
gano’ng klaseng mga salita?
“You’re worst than I thought.” Nabigla
ako sa sinabing iyon ni Martin. Nabaling ang tingin ko rito at kita ko sa mata
nito ang nag-aapoy na galit. “Hindi ako nagsisisi na sinuway kita. Hindi ang
tulad mo ang amang panghihinayangan ko.”
“Martin….”
“Hindi ko ma-imagine kung paano ka
tumagal sa kanya Ma, but don’t worry I don’t hate you as much as I hate him.”
Wika nito sabay hawak sa kamay ko. “Tara na Ken, hindi na tayo kailangan dito.”
At magkasabay kaming lumabas sa bahay nilang iyon.
“Martin okey ka lang?” Ang may
pag-aalala kong tanong sa kanya nang makalabas na kami sa bahay nila.
Bumaling ito sa akin at ngumiti ng
isang napakagandang ngiti na animo’y walang nangyaring eksena sa loob ng bahay
nila.
“Malaya na ako Ken.”
“Ano ang plano mo ngayon?” Ang
nag-aalala ko pa ring tanong sa kanya.
“May konteng ipon ako, gagamitin ko
yon para makahanap ng trabaho para makapagsimula ng buhay na ako ang may
control.”
Nakaramdam ako ng lungkot sa narinig.
Mukhang ito na ata ang simula ng paghihiwalay namin ng landas ng bestfriend ko.
Ngayong nakalaya na ito sa pamilya niya magagawa na niyang gawin ang mga bagay
na matagal na niyang gusto.
“Ganun ba?” Ang may bahid ng lungkot
kong sabi.
“Lalayo ako sa lugar natin Ken. Alam
kong hindi ako tatantanan ng mga galamay ni Papa hangga’t nandito ako sa
teritoryo niya. Samahan mo ‘ko Ken, magkasama nating bigyan ng katuparan ang
mga pangarap natin.” Wika nito na sinamahan pa niya ng mabining pagpisil sa
magkabila kong braso.
________________
“Ken, Ken, Ken!” Ang naririnig kong
pagtawag sa aking pangalan. Ang sumunod kong naramdaman ay ang pagtama ng
malambot na unan sa aking mukha.
Pupungas-pungas akong naupo sa ibabaw
ng kama. Alam ko na kung sino ang taong pweding sumira sa maganda kong tulog at
paniguradong may kailangan na naman ito sa akin.
Nang mabaling ang tingin ko sa kanya
ay hindi nga ako nagkamali. Halata sa mukha nito ang pagpapanic marahil ay may
kapalpakan na naman itong nagawa o worst may nasira na naman ito.
“Bakit ganyan ang mukha mo?” May
pagkaantok ko pang sabi.
“Kenotz, yung bagong bili nating
electric stove nangunguryente.” Ang wika nito na animo’y batang nagsusumbong.
Napatingin ako sa gawi kung saan
nakasabit ang wall clock sa kwarto ko at napabuntong hininga nang makitang
mag-aalas-dose pa lang pala.
“Ang laki-laki ng katawan mo tapos
kuryente lang takot ka?” Ang naibulalas ko na lang sa pagkainis sabay tayo at
tinungo ang lintik na electric stove na dahilan kung bakit nasira ang magandang
tulog ko.
Sumunod naman ito sa akin sa kusina.
Nang makita ko ang nirereklamo nitong nangunguryenteng electric stove ay di ko
alam kung maiinis ba ako sa kanya o matatawa. Basa ito ng tubig mula sa sinaing nitong kanin at dahil na rin
sa wala siyang suot na tsinelas ay di na kataka-taka kung bakit ito nakuryente.
Nakapamewang akong humarap sa kanya na
parang ewan lang na nagtatago sa likod ko. Sa apat na buwan naming pagsasama ni
Martin sa bago naming tinutuluyang apartment ay nalaman ko ang mga bagay na
kinakatakutan nito na hindi nito nakwento sa akin marahil dala ng hiya. Isa sa
mga kinakatakutan niya ay ang kuryente. Bata pa lang daw siya nang makuryente
siya dala ng kalikutan niya at simula noon ay takot na siyang mag-plug o kahit
ano pa mang pwedi siyang makuryente.
“Sino ba naman kasi ang hindi
makukuryente eh nilunod mo ata itong electric stove sa tubig.” Ang sabi ko
dito.
Apat na buwan na mula nang itakwil si
Martin ng mga magulang nito. Nang sabihin nito sa akin na samahan ko siyang
magsimula ng bagong buhay ay hindi na ako nagdalawang-isip pa. Hindi ko kayang
malayo sa bestfriend ko dahil alam kong hindi pa nito kaya ang mag-isa. Mabuti
na lang at sinang-ayunan at sinuportahan kami ni mama nang sabihin namin ni
Martin ang plano naming dalawa. Na-intindihan nito ang kalagayan ng bestfriend
ko at binigyan pa kami ng pera pangsuporta sa mga gastusin namin habang di pa
kami nakakahanap ng trabaho.
Pinili namin ni Martin ang lugar na
malayo sa mga galamay ng papa nito, isang lugar na pwedi kaming magsimula ng
walang makikialam sa amin.
Laking pasasalamat naman naming dalawa
nang pareho kaming makahanap ng trabaho tatlong buwan na ang nakakaraan. Ako
bilang isang call center agent habang si Martin ay natanggap sa isang pribadong
kumpanya.
“Hindi ko kasi napansin na kumukulo na
pala.” Depensa nito na sinamahan pa ng pagkamot nito sa kanyang ulo.
Napailing na lang ako sa panibagong
kapalpakan nito at sinimulan punasan ang electric stove. Martin is trying his
best para masanay sa mga bagay na simula pagkabata ay hindi pa nito
nasusubukang gawin at naiintindihan ko iyon kaya kahit anong mabasag, at masira
nito ay hindi ko siya pinapagalitan ayaw ko kasing mawala ang drive nitong
matuto.
“Di bale, bili na lang tayo ng rice
cooker sa susunod na sahod para di ka na mahirapang magluto ng kanin.”
Paunti-unti kaming nagpundar ng mga
gamit para sa apartment na tinitirhan namin sa tuwing araw ng sahod. Ito ang
naisip namin para hindi kami masyadong mabigla sa mga gastusin. Mabuti na lang
at sa inuupahan naming apartment kasama na sa binabayaran namin buwan-buwan ang
kuryente at tubig kung kaya’t nakakabili kami ng mga kakailanganing gamit.
“Ako na lang bibili ng rice cooker.
Ikaw naman ang bumili ng TV natin at dalawang electric fan.” At muling sumilay
sa kanya ang napakatamis na ngiti at kapag ganun na ay hindi na ako tumatanggi
sa kanya.
“Okey.” Ang sabi ko na lang at muli ko
ng ibinalik ang aking atensyon sa pagpupunas ng nabasang electric stove. Mula
nang tumira kami sa iisang bahay ay unti-unti na namang bumabalik sa akin ang
matagal ko nang ibinaon sa limot na pagtingin sa bestfriend ko.
“Kenotz, may pasok ka ba mamaya?”
“Wala, Saturday at Sunday na ang rest day ko ngayon. Bakit, may lakad
ka?” Simpleng sagot ko sa kanya.
“Wala, nakakabagot kasi mag-isa dito
kapag gabi at nasa trabaho ka mabuti naman at may makakasama ako mamaya.” Wika
nito.
Ito ang mga uri ng gesture na ayaw na
ayaw kong ginagawa niya. Yung tipong parang kulang na lang ay sabihin nito sa
akin na gusto niya na lagi niya akong nakikita dahil kapag ganun ang ugaling
pinapakita niya sa akin hindi ko maiwasan ang mahulog sa kanya.
“Asus! Nababagot ka na ngayon? Bago
yan ah.” Patutsada ko sa kanya. Ito lang ang kaya kung gawin para maiwasan ang
kakaibang damdaming hatid ng bawat pagpapakita niya ng sweetness sa akin.
Binabara ko ito hindi para asarin siya kung hindi para ipasok sa kokote ko na
hindi ako pweding ibigin ng bestfriend ko.
“Sira! Kahit kalian talaga di ka
makausap ng matino.” Tila pikon nitong sabi na sinagot ko lang ng nakakalokong
tawa.
_________
Hindi ko talaga minsan maintindihan
ang tumatakbo sa utak ni Martin. Kapag ito ang inaasar at binabara ay nagagalit
pero kung siya naman ang nang-aasar sa akin pinagtatawanan lang ako.
Katatapos lang naming maghapunan at
simula kaninang tanghalian ay hindi na ako nito kinikibo. Napikon ata ito nang
barahin ko siya na bago sa kanya dahil ito ang unang beses na napikon ito sa
simpleng pangbabara ko.
Tahimik lamang itong nagliligpit ng
pinagkainan namin. Sobrang tipid nitong sumagot sa tuwing kinakausap ko siya
halatang nagtatampo.
“Inuman tayo?” Bigla kong anyaya sa
kanya. Simula kasi nang pareho na kaming magkatrabaho ay hindi na kami
nakapag-inuman nito.
“Di na ako umiinum.” Matipid nitong
tugon na hindi man lang ako tiningnan.
“Kelan pa?” Takang tanong ko naman sa
kanya. Alam ko kung may bagay man na hindi kayang bitawan ni Martin ay iyon ay
ang alak at yosi na siyang kahinaan nito.
“Ngayon lang dahil nagyaya ka.” Basag
nito sa akin.
Aba’t! Talagang nagtatampo nga ang
mama sa akin!
Imbes na maasar sa sinabi nito sa akin
ay napahagikhik ako. Once in a blue moon lang kasi lumabas ang pagiging
isip-bata nito at iyon ay kung talagang pikon na ito. Isa ito sa mga ugali niya
no’ng college pa lang kami na gustong gusto ko sa kanya ang paminsanang
pagiging sensitive nito kunyari.
“Sige ikaw bahala basta ako iinum
ako.” Ang sabi ko sa kanya. “Basta walang sisihan mamaya kung magkulang ang
inumin ha. Maaga pa namang nagsasara ang kaisa-isang tindahan dito sa lugar
natin.” Dagdag ko pang sabi.
Hindi pa man ako nakakailang hakbang
nang magsalita ito
“Gawin mong apat na bote at bili ka na
rin ng yosi ko.” Lihim akong napahagikhik dahil alam ko nang hindi na aabot ng
isang oras at makikipagbati na ito sa akin. Ganito lang naman kadaling kunin
ang pansin nito noon pa man – ang gawin ang isang bagay na hindi nito kayang
hindian.
Ngingiti-ngiti akong lumabas ng bahay
para bumili ng inumin.
Marami pang tao dahil sa gabi na halos
lumalabas sa kani-kanilang lungga ang mga taong taga-rito – mga taong takot sa araw sabi pa nga ni
Martin. Ilan sa kanila ay naging kakilala na namin ni Martin sa halos apat na
buwan naming pananatili rito. Hindi man siya perpektong lugar na walang
magnanakaw at mga basag ulo, masasabi ko namang halos lahat ng tao doon ay
mababait.
“Ken, san ang punta mo wala ka bang
trabaho?” Tawag sa akin ng isa sa nadaanan kong mga tambay doon.
“Rest day ko ngayon. Punta lang
tindahan bibili ng maiinum.” Ang tugon ko sa mga dito. Isa sa tinuro sa akin ni
Martin ay ang matutong makisama sa mga tambay sa lugar na iyon lalo na daw at
pang-gabi ang trabaho ko.
“Libre mo naman ako ng yosi, kahit
dalawang stick lang.” Wika nito
“Oo ba.”
Matapos makabili ng apat na bote ng
Red Horse ay bumalik na ako sa apartment na inuupahan namin. Laking gulat ko
nang pagbuksan ako ni Martin na naka-brief lang ito at wala nang iba pang
saplot sa katawan. Napaatras ako sa pagkagulat, ni minsan ay hindi ko pa
nakikita itong halos hubo’t hubad dahil sa magkaiba naman ang kwarto namin at
doon ito kalimitang nagbibihis.
“Oh bakit? Para kang nakakita ng multo
ah. Maliligo muna ako bago tayo mag-inuman, di pa ako naligo buong araw eh.”
“A-Ah Eh… S-Sige.” Ang tila nauubusan
ng hangin kong sabi. Ang magandang hubog ng katawan nito na noon ko pa
nasisilayan ay mas lalo pang naging maganda ngayong kita ko na ang kabuohan
nito.
“Ano pa ginagawa mo diyan? Pumasok ka
na nang ma-lock na natin ang pinto.” Basag nito sa pagkatulala ko.
“A-Ako na ang bahalang mag-lock ng
pinto maligo ka na.” Pasimpleng pagtataboy ko sa kanya na dahil sa totoo lang
hindi ko magawang pumasok dahil sa nakaharang sa pintuan ang halos hubo’t hubad
nitong katawan.
Binigyan ako nito ng mapanuring tingin
dahilan para mapayuko ako. Ramdam ko ang pag-init ng magkabila kong pisngi sa
mga oras na iyon.
“Maliligo na ako.” Maya-maya ay wika
nito at tinungo na ang banyo.
Ang hot niya shet! Kung araw-araw may ganitong view masisiraan
ako ng bait! Ang wika ko sa aking
sarili.
Itutuloy. . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment