by: Zildjian
Ilang minuto na ang nakakalipas simula
ng iwan ni Maki ang mga kaibigan kasama si Janssen Velasco sa kusina. At sa
nagdaang minutong iyon ay puro halakhak at pagbibida ni Jay sa boyfriend nito
ang naririnig niya.
“Ni hindi man lang ako sinundan ng
luko-lukong iyon para tanungin kung talagang hindi pa ako kakain.” Ang nakasimangot niyang pabulong na
naisambit.
Noon, kapag masyado siyang abala sa
trabaho at hindi niya nagagawang kumain ay hindi siya titigilan ni Jay sa pangungulit
hangga’t hindi siya napapatayo nito. Ito palagi ang tagapagpaalala sa kanya na
oras na ng tanghalian at hapunan. Pero ngayon, para siyang hindi nag-exist sa
bahay na iyon. Ang lahat ng atensyon nito ay naka-focus sa kasintahan nito.
“Kasintahan na nga ba niya iyon?” Muli
niyang pabulong na wika. “Eh, ano naman kung magkasintahan sila? Mas mabuti nga
iyon at nang mabawasan ako ng alalahanin.”
Sinadya niyang dagdagan pa ang volume ng TV para hindi na niya marinig
ang pagdadaldal ng kababata. Ewan ba niya, habang naririnig niya itong
ibinibida ang boyfriend nito ay hindi niya maiwasang makadama ng pagkaasar.
“Hindi ko alam na kailangan na pala ng
malakas na volume ang national geographic channel.” Ang wika ng biglang sulpot
na si Nico sa kanyang tabi. Iniabot nito sa kanya ang dala nitong platong puno
ng pagkain. “Kumain ka na. Nag-text si Alex na medyo mahuhuli siya ng dating
dahil dadaan pa siya sa bahay nila at sa coffee shop.”
“May itinatago ka palang kabaitan.”
Tugon naman niya rito nang kunin niya ang iniabot nitong plato. Sinadya niyang
hindi magbigay ng komento sa una nitong sinabi.
“Pasasalamat ko iyan sa ginawa mong
pagtulong sa amin ni Lantis. Baka isipin mong hindi ako marunong tumanaw ng
utang-na-loob.”
“Naks! Iba na talaga ang epekto sa ’yo
ni Lantis. Nabawasan ng konti ang sungay mo. Pero napasalamatan mo na ako nang
dagdagan mo ang perang ibinayad mo sa akin sa web design na ginawa ko. Hindi mo
na ako kailangan pang pagsilbihan.” Nakangiti naman niyang tugon dito.
“Nagustuhan ni Papa ang design na
ginawa mo kaya niya dinagdagan ang bayad sa ’yo. Wala akong kinalaman doon.”
Wika naman nito. “At ngayon lang kita pagsisilbihan kaya huwag kang umasang
p’wede mo na akong utus-utusan tulad ng ginagawa mo kay Jay. Si Lantis lang ang
binibigyan ko ng gano’ng karapatan.”
“Ang haba naman ng sinabi mo.”
Nang-aasar niyang tugon dito. “Pero salamat, ah.”
Tumango ito bilang pagtugon saka
tumayo. Ngunit hindi pa man ito nakakailang hakbang ay muli itong humarap sa
kanya.
“You know what? Hindi mo na kailangang
gamiting palusot si Alex para makatakas ka sa mga bagay na ayaw mo. Lalo ka
lang kasing nahahalata.”
Napakunot ang noo niya rito.
“Ano’ng pinagsasabi mo?”
“Kilala kita Maki. Simula high school
ay kilala na natin ang isa’t isa kaya kung iniisip mong hindi ko napapansin
iyang kakaibang pagkadisgusto mo sa boyfriend ni Jay, nagkakamali ka.”
“Kakaibang pagkadisguto? Ano naman ang
kakaiba sa ipinapakita ko?” Naghahamon niyang wika.
Seryoso siyang tinitigan nito.
“Stop denying it to yourself that
you’re jealous with that guy.”
Napamaang siya sa sinabi ng kaibigan.
Hindi niya alam kung hahalakhak ba siya o mapapalatak. Hindi pa talaga sumusuko
ito sa panunudyo sa kanya sa kababata.
“Joke ba `yon?” Sa halip ay wika na
lamang niya.
“Ano sa tingin mo?” Tugon naman nito.
“By the way, kung iniisip mong kami ang magpapaliwanag kay Jay kung bakit hindi
siya p’wedeng tumuloy dito kasama ang boyfriend niya, nagkakamali ka. Ikaw lang
naman sa ating lima ang tumututol kaya ikaw ang magpaliwanag kay Jay.”
“Ako na ang bahala sa bagay na iyon.”
Napailing ito.
“You’re making things complicated,
Maki. Masyado mo nang pinapakialaman ang buhay niya.”
“Ginagawa ko lang ang dapat na
ginagawa ng isang kaibigan, Nico. Tulad ng sabi mo, kilala na natin ang isa’t
isa. Alam nating lahat na hindi pinag-iisipan ni Jay ang mga bagay na ginagawa
niya. Sooner or later, ako pa rin ang aayos sa mga kapalpakan niya sa buhay.”
Napabuntong-hininga ito. Senyales na
wala na itong balak pang makipag-argumento sa kanya.
“Siguraduhin mo lang na hindi gulo ang
magiging resulta niyang ginagawa mong pangingi-alam sa kanila, Maki. Dahil kapag nagkataon, wala
akong maitutulong sa ’yo.” Iyon lang at tinalikuran na siya nito.
Hindi na pinansin pa ni Maki ang
huling mga salitang binitiwan ni Nico. Alam niyang hindi iyon tototohanin ng
kaibigan. May pagkasuplado man ito at paminsang pagiging walang pakialam ay
alam niyang hindi makakayanan ni Nico na hayaan na lang na magkasira-sira ang ilang
taong pagkakaibigan nila. Siya man ay hindi makakayanan iyon. Masyado ng
malalim ang kanilang samahan.
Dumating si Alex eksaktong isang oras
pagkatapos nilang magkausap ni Nico. Tulad nina Lantis at ng kasintahan nito,
naging interesado rin itong makilala ang kanilang bisita. Akala pa man din niya
ay maiiba si Alex dahil sa likas itong aloof sa mga taong hindi pa nito gaanong
kilala pero nagkamali siya dahil ngayon, habang nasa iisang mesa sila at
nag-iinuman ay panay ang tanong nito sa boyfriend ng kanyang kababata.
“Sa Cebu ka pala nag-college at doon
ka rin nakahanap ng trabaho. Saan ka naman tumuloy doon?”
“Sa Tita ko. Sa kanila ako tumira
noong nag-aaral pa ako pero after ko maka-graduate, nangupahan na ako ng
apartment. Masyado na kasing nakakahiya sa kanila.” Tugon naman nito sa
katanungan ni Alex.
“Hindi taga-rito mga Velasco ‘di ba?”
Singit naman niya sa usapan. Kesa naman mapanis ang laway niya ay pinili na
lamang niyang makisabay.
“Yeah, taga Cebu ang family ng Papa
ko. Kaya lamang siya napadpad dito ay dahil taga-rito ang mama ko.” Nakangiti
naman nitong tugon sa kanya.
“Nasaan sila ngayon?” Muli niyang
tanong. Gusto niya kasing malaman kung bakit kailangan pa nitong makituloy sa
bahay tambayan nila. Eh, sa pagkaka-alam niya, may bahay naman itong p’wedeng
uwian.
“Pareho na silang may kanya-kanyang
pamilya.” Walang pag-aatubiling tugon nito. “Bago ako mag-graduate ng high
school, naghiwalay ang mga magulang ko. Ang Mama ko ay nandito pa rin, kasama
ang bago niyang asawa habang ang Papa ko naman ay ibinahay na ang dati niyang
sekretarya. Doon na sila ngayon naninirahan sa Cebu.”
“Ayaw niyang makigulo sa mga bagong
karelasyon ng kanyang mga magulang kaya pinili niyang magsarili.” Dugtong pa ni
Jay.
Kung gano’n, galing pala ito sa isang
broken family. At kaya nito piniling
makituloy sa ibang bahay ay dahil hindi ito kumportableng makita ang Mama nito
na may iba nang kinakasama.
“Umuwi ka lang dito dahil sa
kahilingan ni Jay hindi ba?” Tanong naman ni Nico. “Ano ang balak niyong dalawa
ngayon?”
Bumaling ito kay Jay na malapad ang
pagkakangiti sa mga oras na iyon. Halatang gustong-gusto nitong marinig ang
magiging kasagutan ng lalaking matagal na nitong pinagpapantasyahan.
“Bumalik ako rito hindi dahil hiniling
niya sa akin kung hindi dahil sa kagustuhan ko.” Tugon nito saka igi-nap ang
kamay ng kanyang kababata na siya namang lalong nagpalapad ng ngiti ni Jay.
“Dahil balak kong kausapin ang mga magulang namin tungkol sa relasyong meron
kami.”
Napaupo siya ng tuwid sa sinabi nito.
Hindi niya iyon inaasahan at lalong hindi niya iyon napaghandaan. Seryoso ba ito sa mga sinabi nito? Sinubukan
niyang hanapan ng kasagutan ang kanyang katanungan sa pamamagitan ng pagtitig
sa mga mata nito na isa namang malaking pagkakamali dahil nang makita niya ang
katotohanan doon, ay isang hindi pamilyar na damdamin ang biglaang sumiklob sa
kanya.
“Maki?” Pagkuha ng kanyang pansin ni Alex.
Bigla siyang natauhan at nagbawi ng
tingin ngunit huli na sapagkat nasa kanya na ang atensyon ng lahat. Nagtatakang
tingin ang nakita niya sa mga mata ni Jay habang ang magkasintahang Lantis at
Nico naman ay nakakunot-noo.
“P-Paseniya na. May biglaan lang akong
naalalang trabaho kaya naglakbay na naman ang isip ko sa planet Mars.” Inabot
niya ang kanyang basong may lamang alak para maitago ang pagiging uneasy niya.
Kita niya sa gilid ng kanyang mga mata
ang pagtaas ng kilay ni Lantis at ang pag-iling ni Nico. Mukhang hindi bumenta
sa mga ito ang kanyang naging palusot.
Ano ba itong nangyayari sa akin?
Piping naisambit niya sa kanyang isipan.
“So, seyoso na pala talaga ang
relasyon ninyo. Mabuti naman at para mabawasan na ang pagiging slacker nitong
si Jay.” Pagbasag ni Alex sa namuong katahimikan. “Kailan niyo naman balak na
kausapin ang mga magulang ninyo?”
Nagtaka siya nang bumaling sa kanya si
Janssen.
“Bago sana namin sila kausapin ay
balak kong kausapin muna si Maki.” Ani nito.
“Ako?” Literal niyang tinuro ang
sarili. “Bakit?”
“Gusto ko kasi munang masiguro na
tapos na talaga ang lahat sa inyo ni Jay. Don’t get me wrong pero hindi mo
naman maaalis sa akin ang hindi mag-alala lalo pa’t bestfriend niya ang dati
niyang boyfriend at nasa iisang grupo pa kayo.”
Napanganga siya sa pinagsasabi nito
hanggang sa maalala niya ang palabas na ginawa ng kanyang magaling na kababata
tungkol sa kanilang dalawa. Kung gano’n ay tinutoo ni Vicky na hindi sabihin sa
pinsan nito ang mga ginawang kalokohan ni Jay para makuha ang atensyon ng
pinagpapantasyahan nitong dating team captain ng basketball team nila.
Bumaling siya kay Jay na sa mga oras
na iyon ay punong-puno ng pagmamaka-awa ang mga mata. Ang hindi niya alam ay
kung para saan ba iyon. Kung nagmamaka-awa ba itong huwag niyang ibuko ang
kalokohan nito o para bigyan niya ng positibong sagot si Janssen para tuluyan
nang mawala ang wala naman talagang basehang inaalala nito.
Ngunit hindi lamang iyon ang gumugulo
sa kanya sa mga oras na iyon. Dahil ang kakaibang nararamdaman niya ay ginugulo
ang kakayahan niyang magdesisyon.
“Siguro hindi pa ito ang tamang oras
para pag-usapan natin ang mga bagay na iyan.” Biglang pagsingit ni Alex.
“Besides, magtatagal ka pa naman dito Janssen, `di ba? Maaari mong tuklasin ang
kasagutan sa mga tanong mo habang nandito ka. Mas mainam siguro iyon.”
“I agree.” Segunda naman ni Nico. “Mas
mabuti kung makikita mo mismo ang mga kasagutan gamit ang mga mata mo. Sa
ngayon, i-enjoy niyo na lang muna ni Jay ang muling pagkikita ninyo.”
Wala na siyang masabi. Talagang hindi
na siya nakapagsalita dala ng mga gumugulong bagay sa kanya. Could it be na
totoo ang mga sinabi sa kanya ni Nico kanina. Pagseselos nga ba talaga ang
tunay na dahilan kung bakit hindi ngayon magkamayaw ang kaba na kanyang
nararamdaman at ang kakaibang panghihinayang na hindi niya malaman kung para
saan?
Posible ba talaga iyon? Naitanong niya
sa kanyang sarili.
Pasimple siyang bumaling kay Jay na sa
mga oras na iyon ay nasa kay Janssen ang atensyon. Pinakatitigan niya ito. Ang
kababata niya na wala ng ibang ginawa kung hindi ang pasakitin ang ulo niya.
Ang taong naging obligasyon niya simula pa noong makilala niya ito.
No it’s not possible. Kaibigan ko
lamang siya at hanggang doon lamang ang p’wedeng maging relasyon namin. Siguro,
nangungulila lang ako sa atensyon niya. Iyon lang malamang ang dahilan kung
bakit ako ngayon nakakaramdam ng ganito. Iyon ang mga salitang ginamit niya
para i-kumbinse ang sarili na kahit papaano ay nakatulong naman sa kanya.
Nagpatuloy ang inuman nila sa gabing
iyon. At habang lumalalim ang gabi ay nakikita niyang unti-unti ng nagiging
kumportable si Janssen sa kanyang mga kaibigan. Nakikisabay na ito sa mga
biruan at hirit ng magagaling niyang kaibigan na halatang botong-boto rito.
Hindi niya naman masisisi ang mga ito, magaling makisama si Janssen Velasco at
halatang sanay itong makipagkapwa-tao. Paminsanan siyang sumasali sa usapan at
nakikitawa sa mga biruan pero sa likod ng kanyang isipan, naroon pa rin ang
kakaibang damdaming napukaw kani-kanina lang.
Sa kasagsagan ng inuman, tawanan at
hiritan, tumayo siya at nagpaalam na magpapahangin muna sa labas. Idinahilan
niya ang sumasakit na niyang ulo ngunit hindi iyon dala ng alak kung hindi
dahil sa mga gumugulo sa kanyang isipan. Kailangan niya iyon para ma-preskohan
ang kanyang isipan.
“Salamat, ah.”
Mula sa pagkakasandal sa gilid ng
kanyang sasakyan ay napabaling siya sa nagsalita at nakita si Jay na nakatayo.
Dala-dala nito ang basong may lamang alak.
“Para saan?” Matipid naman niyang
tugon saka muling ibinalik ang tingin sa mga nagkikislapang bituin.
“Dahil pinagtakpan mo ang kalokohan ko
kay Janssen.”
“Hindi kita pinagtakpan. Pinili ko
lang manahimik at hayaang ikaw ang magsabi sa kanya ng totoo.”
“Hindi ko pa magagawa iyon.”
Napalingon siya rito.
“Hindi mo p’wedeng itago sa kanya ang
katotohanan, Jay. For once, panindigan mo naman ang mga kabulastugan mo. Sawa
na akong ayusin ang lahat kapalpakan mo sa buhay.”
“I can’t afford to lose him.” Sa
pangalawang pagkakataon ay nakita niyang magseryoso ang kababata. “Taon ang
binilang ko para makuha ko ang taong una kong ginusto. At ngayong nasa mga
kamay ko na siya, hindi ko hahayaang basta na lamang siyang mawala sa akin.”
Bakit gano’n? Bakit may kirot siyang
naramdaman sa mga sinabi nito? Hindi siya dapat nakakaramdam ng gano’n sapagkat
alam niyang hindi iyon makabubuti para sa kanya.
“Bigyan mo ako ng ilang araw pa Maki.
Kailangan kong maisaayos muna ang lahat at mapaghandaan ang mga p’wedeng maging
resulta kapag sinabi ko ang buong katotohanan kay Janssen. Sa ngayon, hayaan mo
muna akong maging masaya sa muli naming pagkikita.” Pagpapatuloy nito.
“Jay...” Wala siyang makalap na
salitang maaring sabihin. Gano’n na ba ito kaseryoso sa pakikipagrelasyon nito ngayon? Hindi ito ang
Jay na kilala niya. Dahil ang Jay na kilala niya ay hindi marunong magsalita ng
ganito kaseryoso na maski ang mga mata nito ay wala siyang mabakasang
pag-aalinlangan. Bagkus, puno ng determinasyon ang nakikita niya roon.
Ngumiti ito ng ubod ng tamis sa kanya.
Sa isang iglap ay biglang nawala ang kaninang Jay na hindi niya lubos na kilala
at ibinalik ang kanyang kababata na wala ng ibang ginawa kung hindi ang
pasakitin ang ulo niya. Ang kakabatang inalagaan at inalalayan niya sa loob ng
maraming taon.
“Ang g’wapo niya `no? Excited na akong
malaman kung hanggang saan ang kakayanin ng magandahang hubog niyang katawan
mamaya.” Biglang pag-iiba nito sa daloy ng usapan na sinamahan pa nito ng
paghagikhik.
Napamaang siya sa bilis ng pagpapalit
nito ng mood ngunit nang ma-realize niya ang ibig sabihin ng mga binitiwan
nitong salita ay siya namang pagkunot ng kanyang noo.
“Don’t tell me ––”
“Hep!” Biglang pagputol nito sa kanya.
“Nagbibiro lang ako kaya huwag mo nang ituloy iyang sasabihin mo dahil
paniguradong sermon na naman iyan. Wala akong gagawing karumal-dumal mamaya,
pangako.” Dagdag pa nito na sinamahan pa ng pagtaas ng kanang kamay nito na
animo’y nanunumpa.
Bigla niyang naalala ang pagtutol niya
sa ideyang pagtira nito sa kanilang bahay-tambayan kasama ang bisita nito.
Kilala niya ang kaibigan, oo nga’t masyadong polluted ang utak nito at marami
itong nalalaman patungkol sa mga kabastusan pero hindi ito ang tipo ng tao na
basta-basta na lamang titihaya. Subalit hindi niya kilala si Janssen Velasco,
at sa nakikita niyang pagkahumaling dito ng kababata, hindi malayo ang
posibilidad na hindi ito makatanggi kung hihilingin ng kinahuhumalingan nito
ang isang bagay na
“Hindi ka p’wedeng tumuloy dito kasama
siya, Jay.” Kapagkuwan ay seryoso niyang sabi.
Ito naman ngayon ang napakunot-noo.
“Bakit?”
“Dahil ayaw ko.” Diretsahan niyang
tugon dito saka siya mabilisang nag-isip ng isang kumbinsidong rason. “Hanggat
hindi mo sinasabi sa Janssen na iyon ang katotohanan patungkol sa mga
pinaggagawa mo, hindi kayo p’wedeng tumira sa iisang bubong.”
“Pero, Maki ––”
“Iyan ang kapalit ng pagsakay ko sa
mga kasinungalingan mo. Ngayon, nasa sa iyo kung hanggang kailan mo papatagalin
ang pagsasabi sa kanya ng totoo, pero isipin mo rin na hanggat hindi mo
sinasabi ang totoo, hindi kayo p’wedeng magsama sa iisang bahay.” Pagputol niya
rito.
Halatang hindi nito nagustuhan ang
kanyang mga sinabi dahil bigla itong napasimangot.
“Napakasama mo talagang tao! Una ay
inalila mo ako tapos pangalawa, pinarusahan mo ako sa pamamagitan ng mga naging
ex ko. Tapos ngayon, heto’t nakagawa ka na naman ng paraan para hindi ko magawa
ang mga gusto ko!” Bakas ang pinaghalong panunumbat at inis sa boses nito.
“Pasalamat ka iyan lang ang kondisyon
ko. Alam mong hindi ko ugaling makiayon sa mga kalokohan mo. Hindi iyon kasama
sa jurisdiction ko. I won’t jeoparidize my belief for your own sake, Jay. Dahil
kapag ginawa ko iyon, hindi na ako si Maki na kababata mo.”
Iyon lang at iniwan niya na itong
nakaguhit ang ngiting tagumpay sa kanyang mga labi. Though kailangan niyang
mag-isip ulit ng panibagong taktika dahil nasisiguro niyang makaka-isip ito ng
paraan para makawala sa taling ginawa niya.
“Para saan iyang nginingiti-ngiti mo
riyan?” Sita sa kanya ng kaibigang si Nico nang makabalik siya sa umpukan.
“Wala naman. May maganda lang kaming
napag-usapan ni Jay sa labas.” Tugon naman niya rito saka niya binalingan si
Janssen na nakatingin sa kanya. “Don’t worry pare, hindi iyon tungkol sa NAGING
relasyon namin dati.”
Ngiming ngiti lamang ang binagay nito
sa kanya saka ito tumango.
“Sundan mo si Jay sa labas,
paniguradong may mga bagay kayong pag-uusapan ngayon.” Pagpapatuloy niya.
Kahit halatang naguluhan ito ay agad
naman itong tumalima para puntahan ang kanyang kababata. Nang tuluyan na itong
makaalis ay siya namang pagbaling sa kanya ng kanyang mga kaibigan. Puno ng
pagtatanong ang mga mata nito.
“Ano na namang kademonyohan ang ginawa
mo, Maki?” Hindi tonong nagtatanong kung hindi nang-aakusang tanong sa kanya ni
Nico.
“Masyado naman yatang mabigat ang
salitang ginamit mo, Nico. Wala akong ginawang kademonyohan, sa katunayan
pasado sa langit ang ginawa ko.” Ngingiti-ngiti niyang tugon.
“Hindi ako naniniwala.” Pagpupumilit
nito.
“Nasa sa ’yo `yan. Wala naman akong
balak na pilitin kang maniwala.”
“Ikaw ang bahala basta huwag ka lamang
hihingi ng tulong sa amin oras na gulo ang maging resulta ng mga ginagawa mo
ngayon. Dahil ngayon pa lang, sinasabi
ko na sa’yo na wala kang aasahan sa amin.”
“Walang gulong mangyayari, Nico. Dahil
hindi ko hahayaan na mangyari iyon. Pero kung meron man, don’t worry, I can
handle it myself.”
“Kaya pala nagawa mong i-handle ng
mabuti ang biglaang selos na naramdaman mo kanina. Feel free to deny it to
yourself for now Maki, normal lang iyan.” Ani naman nito.
“Hindi ko alam ang pinagsasabi mo,
Nico.” Maang-maangan niya saka niya binalingan ang kasintahan nito. “mabuti pa
sigurong payuhan mo iyang boyfriend mo na magdahan-dahan sa pag-inum. Mukhang
hindi na maganda ang tama sa kanya ng alak. Kung anu-ano na ang pinagsasabi
niya.”
“Hindi siya ang dapat magdahan-dahan
sa pag-inum, Maki, kung hindi ikaw. Baka mamaya, hindi mo na magawang maitago
ng mabuti ang tunay na nararamdaman mo.” Tugon naman sa kanya ni Lantis.
Aba’t talagang pinagtutulungan siya ng
dalawang magkasintahang ito, ah.
“Both of you are sick.” Sa halip ay
wika niya. Wala siyang mapapala kung makikipagtalo pa siya sa mga ito.
“No, you’re the sick one. `Di ba
Alex?” Biglang baling nito sa kaibigang kaya pala nananahimik ay dahil abala sa pagkakalikot sa cellphone
nito.
“`Yan ang totoong may sira. Panay ang
ngiti ng wala namang dahilan. Pustahan ang baliw niyang boyfriend ang ka-text
niyan.”
“Hindi baliw ang boyfriend ko,
maligalig lang.” Pagtatanggol nito. “Saka, tama si Nico, napaka-lousy mong
magtago ng damdamin. Kahit bulag, mapapansin ang biglaang pag-iiba ng timpla mo
kanina ng malaman mo ang balak nina Janssen.”
“Huh? Hindi ko alam ang pinagsasabi
mo.”
“Yeah right!” Nagkaka-isang hirit ng
mga ito.
Itutuloy. . . . . . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment