Tuesday, December 25, 2012

Chances (10)

by: Zildjian

Nagising ako sa ingay na nagmumula sa labas ng kwarto. Kunot noo akong napatingin sa may bintana kung saan malayang nakakapasok ang preskong hangin mula sa labas. Iba pala talaga ang  probinsya presko ang hangin at kakaiba ang amoy nito kumpara sa mga lugar na puno nang sasakyan.

“May riot ba sa labas?” Ang pupungas-pungas kong sabi’t inilbot ang tingin sa buong kwarto na ipinaubaya sa akin ni Alex the maldita. Ang half-half na buong akala ko ay masungit, suplado’t higit sa lahat walang kabaitan sa loob ng katawan.

Hindi gaanong kalakihan ang kwartong iyon infact, sakto lang ito sa isang tao. May maliit na higaan na gawa sa kahoy na pinatungan ng foam, maliit na bentilador at isang cabinet na sa tingin ko ay sampong dekada na ang tanda.

Napatingin ako sa aking relo mag-aalas-sais palang pala nang umaga pero maingay na sa labas ng kwartong iyon. Gising na gising na ang mga tao.


Sabagay, sa ganitong mga lugar normal na ang gumising ng maaga. Nasambit ko sa aking isip at bahagyang nakaramdam ng hiya. Lagi kasing sinasabi ni papa sa amin noon ni Dorwin na kapag makikitulog kami sa ibang bahay siguraduhin naming hindi kami mauunahan ng gising nang mga may-ari. Nakakahiya raw iyon.

Lalabas na sana ako nang kwarto nang marinig ko ang pinaguusapan nila.

“Gwapo ba siya? May girlfriend na ba?” Ani nang isang boses ng babae. Napahinto tuloy ako’t piniling makinig muna sa usapan parang ako kasi ang tinutukoy nito kung hindi ako nagkakamali.

“Gwapo siya pero hindi ko alam kung may karelasyon siya.” Sambit naman ng isa na kaboses ni Alex. Napangiti ako nang marinig kong na gugwapuhan pala ito sa akin lalo tuloy akong nagkainteres sa pinaguusapan nila.

“Wow! Mayaman na nga, gwapo pa! Ibugaw mo ako pinsan mukhang ito na ang pagkakataon ko.” Wika ulit nang babaeng kausap nito.

“Shhh! Hinaan mo nga ang boses mo’t baka marinig ka nun.” Nagpipigil na wika ni Alex. “Sigurado ba kayo na ako ang ipinunta niyo rito?” Dagdag pa nitong wika.

Kahit pala talaga sa mga pinsan nito masungit siya. Ang di ko maiwasang mmaisambit sa sarili ko.

“Wag mo akong isama sa katarandahan ni Ate, kuya. Napilit lang niya akong samahan siya nang mabalitaan namin sa kapitbahay na may bisita raw sina tiyang na may kotse.” Mas bata ang boses ng lalaking nagsalita at pansin kong may arte ang pagsasalita nito.

“Sus! Ako pa ang idinahilan mo Michaela. Ikaw nga itong pumunta sa bahay para ibalita sa akin na ayon sa kapatibahay nitong si pinsan may bisita silang gwapo eh.” Nanunudyong sabi naman ng babae.

“Hindi na talaga kayo nagbagong dalawa ang hilig niyo parin sa tsismis! Kung ako sa inyo bumalik na kayo sa mga bahay niyo’t marami pa kaming gagawin dito.” Ani ni Alex.

Ako nga talaga ang pinaguusapan ng mga ito. At base na rin sa mga narinig ko mukhang kumalat na sa buong baryo ang tungkol sa pagbisita ko doon. Mukhang past time nang mga ito ang i-radyo sa buong taga roon ang lahat ng bagay na bago sa baryo nila.

“Wag kang madamot pinsan. Hindi kami aalis dito hanggat hindi nasisilayan ng mga mata namin ang ka-kisigan ng bisita mo. Malay mo, siya na pala ang matagal ko nang hinihintay na prince charming ko.”

“Tama si Ate Aloda, gusto ko ring makakita nang totoong gwapo.” Pagsangayon naman ng batang sa tingin ko ay binabae base na rin sa tono nang boses nito.

Totoong gwapo? May hindi ba totoong gwapo sa mundo? Mukhang may mga sayad rin tulad ko ang mga pinsan nito. Ngingit-ngiti kong wika sa aking sarili.

“Alex, anak gisingin mo na si Dave nang makapagalmusal na tayo. Aloda, Michael, dito na rin kayo mag-almusal.

Boses iyon nang nanay nito. Doon na ako nagdesisyong lumabas ng kwarto. Sakto naman na pagbukas ko nang pintuan bumungad sa akin ang papakatok na si Alex naka taas na ang kamay nito at handa nang kumatok. Syempre sinalubong ko siya nang mapagpala kong ngiti.

“Good morning.” Bati ko sa kanya.

Alam kung nagulat ito dahil bahagyang nanlaki ang mga mata niya, ngunit nang makabawi ay hinagod ako nito nang tingin. Marahil ay dahil sa suot kung sando na hapit sa akin na nakalagay na sa higaan nang pumasok ako sa kwarto nito kasama ang isang basketball short kagabi matapos naming magusap. Hindi ko alam kung sino ang naglagay ng mga ito doon wala pa naman ito bago ako lumabas at mag-pahangin. Di ko tuloy maiwasang isipin na hindi naman talaga ang nakabukas na pintuan ang pakay ni Alex kagabi kung bakit ito lumabas siguro ay naalala nitong wala akong pamalit kaya ito lumabas sa silid ng kanyang kapatid.

“Ehem!” Ekseharadong pagtawag ng pansin ng mga kausap nito kanina na nasa likod na pala niya hindi manlang namin napansin. Busy kasi akong basahin ang kung ano mang pweding mabasa ko sa mga mata nito habang siya naman ay napukol na sa akin ang tingin. At ang konklusyon ko, mukhang nagustohan nito ang nakita niya base narin sa kakaibang kislap sa mga mata nito.

Naks! Conceited kana masyado Renzell Dave! Kontra agad ng maligalig kong isip.

Gusto ko pang matawa nang hawiin ito nang isang babae na sa tingin ko ay kaedad ko lamang katabi nito ang isang binatilyo o mas tamang sabihing dalagita sa suot nitong maiksing short at hapit na kulay pink na damit. Mukhang hindi nga ako dinaya nang pandinig ko tungkol sa sekswalidad nito.

“Papa bol nga ate.” Wika nang dalagitang kasama nito na ikinangiti ko pang lalo.

“H-Hi.” Ang tila naman tinamaan ng hiyang wika nang kasama nito na kani-kanina lang ang lakas ng loob na sabihing ipakilala ako sa kanya.

“Dave mga pinsan ko sina Ate Aloda at Michael.” Pagpapakilala ni Alex sa akin sa mga ito. “Aloda, Michael, si Dave kapatid siya nang asawa ng boss ko.”

Ako na ang unang naglahad ng kamay sa dalawang tila na estatwa sa kanilang kinatatayuan. Si Michael ang unang kumuha noon na sinundan naman ng babaeng nagngangalang Aloda.

“Pwedi ba kitang halikan?” Sambit ni Aloda. Hindi ko alam kong biro iyon o kung anu man mukha kasi itong seryoso.

“Ate Aloda, gutom lang yan tara na sa kusina.” Wika ni Alex sabay hila nito sa pinsan niya. “Dave sumunod ka nalang.”

Natatawa ko nalang silang sinundan. Mukhang may mga kalahi pala ako sa lugar na ito at mukhang mas malakas pa ang sayad ng mga ito kesa sa akin. Nagsisimula palang ang unang araw ko sa baryong ito nageenjoy na ako at sa tingin ko marami pa akong makikilalang kakaibang tao sa baryong ito.

“Dave anak, maupo kana’t nang makapag-almusal na tayo. Gusto mo bang ipagtimpla kita nang kape?” Wika nang nanay nito. Nakakatuwa ang pagiging maalaga nito sa akin parang si nanay ko lang sa bahay.

“Magandang umaga po Aling Marta, Mang Tonio.” Bati ko sa mga ito.

“Siya pala ang bisita natin.” Ani naman ng isang babae na tumutulong sa paghahanda nang pagkain. “Mabuti naman at nagkasya sayo ang damit ng asawa ko.”

“Magandang umaga po.” Bati ko rito.

“Ito nga pala ang panganay namin Dave, si Belenda. Ang bunso namin ay nasa labas pa’t kasama si Rodrigo para bumili ng tinapay.” Wika nang ina nito.

Nginitian ako nito bilang pagbati.

“Kape mo.” Wika ni Alex at inilahad sa akin ang mug.

“Salamat.” Nakangiti kong tugon.

Dumating ang bunso nitong kapatid at ang bayaw nito at tulad rin ng mga unang taong nakilala ko sa lugar na iyon maganda rin ang naging pagtanggap ng mga ito sa akin. Halatang masaya ang pamilya nila at aaminin kong medyo na inggit ako. Hindi naman dahil sa hindi naging masaya ang paglaki namin ni Dorwin, pinuno rin naman kami nang pagmamahal ni papa. Lahat ng luho naming mag-kambal ay ibinigay nito. Siguro na miss ko lang ang ganitong klase nang bonding –ang mag-almusal na kasama mo ang buo mong pamilya.

Alam kong mahal na mahal ng mga magulang at mga kapatid niya si Alex. Panay kasi ang pangungumusta nila rito. Bakas rin ang saya sa mga mata nito habang kausap niya ang kanyang mga magulang at kapatid. Isang bagay na ikinatutuwa ko naman. Ngayon ko lang kasi nakita ang ganoong saya sa mga mata niya. Siguro tama nga ang desisyon ni Red na pagbigyan ang bakasyong hiniling nito.

“Pare, umiinum ka ba?” Tanong sa akin nang bayaw nito.

“Basta talaga inuman Rodrigo ang galing-galing mo.” Sita nang asawa nito na ikinakamot naman nito sa ulo.

“Malakas uminum yan.” Sabat naman ni Alex.

“Sige at mag-iihaw ako nang manok mamaya para pulutan natin.” Wika naman ng tatay nito.

“Si tatay, kinunsente na naman ang asawa ko.”

“Hayaan muna sila anak para masulit nitong si Dave ang bakasyon niya rito.” Wika naman ng nanay nito.

“May trabaho kana ba Dave?” Sabat naman ni Aloda na hindi pa nahihiwalay ang tingin sa akin simula nang maupo kami sa mesa.

“Meron na.” Nakangiti kong tugon rito.

Nangislap naman ang mga mata nito sa narinig.

“Ang swerte naman nang babaeng papakasalan mo. Meron na ba? Baka pwedi akong mag-apply crush kasi kita eh.”

Nasamid naman ako sa pagiging prangka nito. Na sobrahan ata ito nang ng tinatawag nilang pagiging prangka.

“Ano ba yan Ate Aloda, wag mo ngang takutin ang bisita ko.” Asik ni Alex dito. Nang tingnan ko ang ekspresyon ng mukha nito hindi iyon maipinta halatang naasar sa kakulitan ng pinsan niya. Hindi ko alam pero natuwa ako sa naging reaksyon nito para kasi itong nagseselos base sa reaksyon nito.

Nagseselos nga ba siya? Naitanong ko sa aking sarili.

Nangyari nga ang inuman namin ng tatay nito’t bayaw niya. Hindi pa naman pweding uminum ang bunso nila dahil sa wala pa itong lisensya sa mga magulang nito. Ang dalawang makukulit naman nitong pinsan ay kanina pa umuwi. Hindi na kasi naging maganda ang mood ni Alex matapos ang kaprangkahan ng Ate Aloda nito. Kaya minabuti nalang ng dalawa na umalis nalang bago pa raw sila gawing handa nito sa nalalapit na pista.

Masasabi kong mukhang sanay na ang mga ito sa sumpong ng kanilang pinsan wala kasi akong nakitang bakas ng pagtatampo sa mga ito kanina nang umalis. Nagawa pa ngang humirit ni Aloda sa akin bago umalis, mukhang sinasadya nitong inisin lalo si Alex.

“Ito pare, masarap na pulutan to.” Wika nang bayaw nitong si Rodrigo. Sa lilim nang isang malaking manga namin naisipang mag-lamesa para daw presko ang hangin at hindi kami agad malasing. Dalawang emperador ang binili nito pagkatapos naming mananghalian. Ang buong akala ko pa naman ay mamayang gabi pa kami mag-iinuman.

“Ano ba to pare?” Di ko maiwasang maitanong.

“Yan ang specialty ng misis ko. Ginataang ibon na linagyan ng maraming sili.”

Tumikim naman ako.

“Ayos to ah.” Wika ko nang magustohan ko ang lasa. Mahilig rin kasi ako sa maaanghang na pagkain na taliwas sa kambal ko.

Ilang minuto pa ay kasama na namin sa inuman si mang Tonio, makwela rin itong kainuman. Doon ko napagalaman na mahilig pala ito sa mga manok at may mga bini-breed na raw siya. Kaya tungkol sa mga manok ang naging usapan namin. Hindi naman ako nakaramdam ng inip dahil na eenjoy ko naman ang mga nalalaman ko tungkol sa iba’t ibang klase nang pag-breed ng manok panabong.

Paminsan-minsan namang lumalapit si Alex sa amin para pagdalhan kami nang pulutan at ang nakakatuwa pa ay lagi ako nitong pinapaalalahanan na wag masyadong mag-lasing. There’s this feeling that he somehow care for me.

“Yang anak kong si Alex, sobrang bait nean.” May tama na nitong sabi. “Lagi niya kaming inuuna kahit alam ko namang may sariling pangangailangan din siya.”

Mukhang dito ko na masisimulan ang pagkalap ko nang impormasyon tungkol sa tunay na Alex.

“Bakit po lagi syang masungit kung ganun?”

“Siguro para maitago niya ang tunay niyang nararamdaman.” Tugon naman nito na sa pintuan ng bahay nila nakatingin. “Bata palang si Alex ay lagi na siyang tinutukso nang mga kalaro niya dahil sa pagiging mahinhin nito na hindi karaniwan sa mga lalaki dito sa amin.”

Ibig sabihin ba ay alam nito ang tungkol sa pagiging half-half ng anak niya?

“At simula noon ay naging mailap na siya sa mga taga rito maliban sa apat na kababata niya na siya lamang tinuturing niyang kabigan. Nang umalis ang mga ito para mag-koleheyo sa ibang lugar ay naging malungkutin na si Alex. Nagsumikap kaming mag-asawa dahil sa mahal namin ang anak namin at dahil narin sa pagpaparaya nang dalawang kapatid niya napagaral namin si Alex sa koleheyo. Gusto kasi naming mapasaya ang anak namin. Alam kung gustong-gusto ni Alex ang makapagtapos.

Mataman lang kaming nakikinig ni Rodrigo sa kanya.

“Pero minalas kami nang maapektuhan ng bagyo ang pinagsasakahan ko. Hindi namin iyon ipinaalam kay Alex pero nalaman parin niya. Napilitang tumigil siya sa koleheyo.” Huminto muna ito’t inisang lagok ang tagay niya. Kita sa mga mata nito sa mga oras na iyon ang sobrang kalungkutan.

 “Alam niyo ba ang pakiramdam na hindi mo maibigay sa anak mo ang gusto niya? Masakit, Ako pa man din ang ama, ako dapat ang mag-tataguyod sa pamilaya ko pero wala akong nagawa. Ang buong akala namin ay uuwi nalang si Alex pero hindi iyon nangyari. Nakahanap siya nang trabaho at sa awa nang diyos naging mabait sa kanya ang kanyang mga amo. Sila ang tumulong sa kanya para makapagtapos siya nang koleheyo.”

Alam kong sina Red ang tinutukoy nito. Kung ganun, sila pala ang tumulong para makapagtapos si Alex. Alam kung kahit ganun kagulo ang pitong kurimaw na iyon hindi ko maikakailang mababait sila at yon ang isang rason kung bakit nahulog ang kambal at pinsan ko sa dalawang hunghang na sina Rome at Red.

“Sabi niyo po ay kakaiba si Alex sa mga normal na lalaki.  Ano po ang ibig niyong sabihin doon?” Di ko maiwasang maitanong. Gusto ko kasing malaman kung ano ang pagkakaintindi nito sa sinabi niya. Kung alam ba nito ang tungkol sa sekswalidad ng anak nito.

“Alam kung hindi normal na lalaki ang anak ko.” Nakangiti nitong wika sa akin. “At tanggap namin iyon. Walang rason para ikahiya namin ang anak namin. Proud kami kay Alex at kung saan siya masaya malugod at buo namin iyong tatanggapin dahil iyon ang dapat na ginagawa nang mga magulang ang suportahan ang kanilang anak.”

Naintig naman ako sa sinabi nito. Tama nga naman ito, bakit kailangan mong ipilit sa mga anak mo ang isang bagay na alam mo namang hindi mag-papasaya sa kanila. Pareho ang prinsipyo nang tatay ni Alex sa papa ko at gustong gusto ko iyon.

“Mang Tanio, magandang hapon po nabalitaan naming narito raw ngayon si Alex.” Napatingin kaming tatlo sa taong nagsalita.

“Jay anak, kelan ka dumating?” Wika naman ng matanda. Habang ako ay napako ang tingin rito hindi karaniwan ang kulay ng balat nito kaya masasabi kong isa rin itong dayo. Pero bakit kilala ito nang tatay ni Alex at higit sa lahat bakit hinahanap nito si Alex?

“Kanina lang umaga lang po.” Tugon nito sa matanda. “Ikaw ba ang sinasabing bisita ni Alex?” Baling naman nito sa akin.

Isang tango lang ang naging sagot ko sa kanya bilang pagtugon.

“Nice to meet you. Ako nga pala si Jay kaibigan niya.” Sabay lahad nito nang kamay niya sa akin na tinanggap ko naman.

“Jay!” Wika naman ni Alex, agad itong lumapit sa ‘KAIBIGAN’ niya at guess what? Nagyakapan ang mga hunghang.

“Kelan ka dumating?” Bakas naman ang tuwa sa mga mata ni Maldita. Medyo nakaramdam ako nang pagkaasar sa nakikita kong pagkawili nito sa kaibigan niya kuno. May kung anong damdamin ang pilit na sumisiksik sa akin.

“Kanina lang. Nakapag file ako nang leave sa opisina namin kaya hetot nakahabol ako sa tatlong itlog.” Magiliw naman nitong tugon.

“You mean pati yung tatlo nandito?”

“Noong isang araw pa kaya. Ayan kasi, kung anu-ano ang inaatupag mo.” Sabay lingon nito sa akin at ngumisi.

“Loko-loko!” At sabay pa silang nagtawanang dalawa.

“Anyway, hindi ako mag-tatagal dahil may utos pa sa akin si mama. Dumaan lang ako rito para sabihin sayo ang plano mamaya.” Wika nang kaibigan nitong si Jay.

“Plano?”

“Sabi ni Lantis, punta raw tayo mamaya sa plaza para makapag bonding. Hindi biro ang ma kompleto tayong lima.” Kakaiba rin ang isang to parang si Brian lang ang daldal.

“Talaga? Sige pupunta ako. Anong oras daw ba?” Excited naman na sagot ni Maldita. So, ito pala ang sinasabi ni mang Tonio na mga kaibigan nito.

“After dinner. Pahingi nga ako nang number mo nawala kasi ang phone ko.” At ibinigay nga nito ang number niya. Naunahan pa akong humingi nang number ng loko.

“Paano, alis muna ako kita nalang tayo mamaya.” Pagpapaalam nito saka bumaling sa akin. “Sumama ka mamaya ah.” At tuluyan na itong umalis.

Nabaling ang tingin nito sa akin nang makaalis ang kanyang kaibigan.

“Gusto mo sumama?” Tanong nito.

“Syempre naman. Alanga namang iwan mo ako rito.” Nakangiti kong sabi.

“Hindi kapa lasing?”

“Tubig lang sa akin ang emperador.” Pagyayabang ko sa kanya pero, ang totoo medyo groogy na ako.

“Yabang mo!” Asik nito na tinawanan lang namin ng bayaw at ama nito. Ngayong alam ko na ang rason sa likod ng lagi nitong pagsusungit ay lalo tuloy akong nagkainteres sa kanya at alam kong marami pa akong malalaman sa tatlong araw na pagsasama naming ito.

“Tulog na ang tatay mo?” Tanong ko sa kanya nang ibigay nito sa akin ang pinahiram na damit sa akin ng bayaw niya.

“Sa awa nang diyos nakatulog rin. Ang problema si kuya Drigo, ayon at suka pa nang suka sa kusina. Ilang emperador ba ang tinumba nyot nalasing ang dalawang yon? First time may nakatumba sa dalawang henyo sa inuman na yon ah.”

Napangisi ako. Matapos kasi naming maubos ang dalawang emperador na binili nang bayaw nito kanina ay nagpabili pa ulit ako nang tatlong beer na dahilan kung bakit naging pasyente nang mga asawa nila ang dalawang kainuman ko kanina.

“Anong nginingisi-ngisi mo diyan?” Wika nito.

“Wala, proud lang ako’t napatumba ko ang dalawang yon.” wika ko na sinabayan ko pa nang malokong tawa.

“Ang sabihin mo sunog baga ka kamo.” Pagsususngit na naman nito sa akin.

Hindi ko alam kung bakit pero may nag udyok sa akin na lapitan siya na kanya namang ikinaatras dahilan para mapasandal ito sa nakasarang pintuan ng kwarto niya. Akmang iiwas sana ito pero maagap kong naisandal ang dalawang kamay ko sa may pintuan at na corner ko siya.

Ramdam ko ang pagdampi ng hanging nagmumula sa kanya paghinga sa sobrang lapit ng mukha namin. Nang mag-tama ang aming mga mata ay muli ko na namang naramdaman ang kakaibang pakiramdam na hindi ko mabigyan ng pangalan.

“Dave…”

“Shhh… Wala akong gagawin na hindi mo magugustohan.”

Dahan-dahan kong inilapit ang aking mukha sa kanya na hindi tinatanggal ang pakikipagtitigan sa kanyang mga mata. Kaya nakita ko ang unti-unti nitong pagpikit.

“Alex, tulungan mo nga ako rito sa bayaw mong lasengo!” Tawag nang kapatid nito dahilan para maitulak ako nito papalayo sa kanya.

“M-Maligo kana Dave.” Wika nito at mabilisang lumabas ng kwarto.

Anak ng pucha! Was I going to kiss him? Di ko maiwasang maitanong sa aking sarili. Dahil ako man ay nabigla sa reyalisasyon na iyon.

Dumating kami sa plaza nang baryo nila. Ang buong akala ko ay sayawan lang meron doon pero hindi pala dahil may mga lamesa’t tindahan sa paligid nito na ngayon ay puno ng mga taong nagiinuman at nagkakasayahan.

Hindi pala pahuhuli ang baryo nilang ito pagdating sa mga kasayahan.

Isang beses lang akong kinausap ni Alex simula nang mangyari ang aksidenting iyon kanina – ang muntikan na naming paghahalikan. Iyon ay n’ong sabihin nito na sumakay nalang kami nang tricycle papunta sa plaza nila. Hindi ko tuloy maiwasang mag-sisi sa katarantuhang pumasok sa kokote ko kanina kahit paman hindi ko iyon sinadya.

“Alexis!” Kumakampay-kampay pang tawag ng isang lalaki di kalayuan sa entrance ng plaza. Nasa isa sa mga lamesa ito.

Lumapit naman kami rito at doon ko nakilala ang tatlo pa sa mga kaibigan nito.

“Maki, kamusta?” Tugon naman nito nang makalapit.

“Bakit si Maki lang ang kinukumusta mo?” Ani naman ng isang lalaki na may hawak na isang puting pusa.

“Nilalamig na si Kerochan bakit mo kasi dinala-dala pa yan dito. Pag-sinipon yan lagot ka sa akin Lantis.” Ani naman ng isa.

“Karupin. At wala kang paki kung dinala ko ang pusa ko dito.”

“Kerochan! Anong walang paki? Pusa ko yan.”

“Wang kang mangarap Niccollo, and for the last time his name is Karupin.” Wika nang lalaking nagngangalang Lantis.

“Pwedi kitang kasuhan ng kidnapping sa ginawa mong pagdala kay Kerochan dito nang walang pahintulot ko.” Ani naman ng lalaking nagngangalang Niccollo.

“Correction, catnapping. Bakit ko kailangang mag-paalam sayo eh pusa ko to?”

“Hep! Ceasefire muna kayong mga kolokoy kayo.” Saway nang lalaking nagngangalang Maki. “Kahit kailan talaga hindi na kayo nagkasundo hindi na kayo nahiya sa kasama ni Lexis.”

Anak nang teteng! Mas baliw pa ata sa akin ang mga kaibigan nitong si maldita. Pusa lang pinag-aawayan pa.

Nahinto naman ang walang kwentang pagtatalo ng dalawa at pareho napangitin sa akin.

“Sorry.” Mag-kasabay nilang wika na tinanguan ko lang.

Isa-isang nagpakilala ang mga ito sa akin. Masasabi kong may maipagmamayabang rin naman ang mga ito pagdating sa hitsura. Tulad ng Jay na una ko nang nakilala kanina ay may kaputian rin ang mga ito taliwas sa mga taong nakatira sa baryong iyon. Sabagay, umalis pala ang mga ito sa baryong iyon para mag-aral sa ibang lugar.

“Um-order na kami nang inumin. Alexis, hindi pweding hindi ka iinum ngayon. Tagal nating di nagkita-kitang lima.” Sambit ni Maki.

“Alam…”

“Wag kanang mag-attempt  na mag-dahilan hindi ka papayagan ni Karupin.” Pagputol ni Lantis sa mga sasabin sana ni Alex.

Napatingin tuloy ako sa pusang hawak nito na enosenteng enosente sa mga nangyarari.

“Kerochan.”

“Bakit ba mas marunong kapa sa nagbigay ng pangalan?” May bahid ng pagkapikong wika ni Lantis.

“Bakit ba mas marunong kapa sa nagbinyag?” Sagot naman ni Niccollo.

May mga sayad ata ang dalawang to. Napapaling ko nalang sabi sa aking isip.

“Wag mong pansinin ang dalawang ungas na yan Dave, kulang lang yan sa pansin.” Wika ni Jay na nakangiti.

“Nagsalita ang hindi kulang sa pansin.” Bara naman ng Niccollo.

Ibinaling ko nalang sa natahimik na si Alex ang pansin ko bago pa masira nang tuluyan ang ulo ko sa dalawang magkaibigan na iyon. Nakatingin rin pala ito sa akin na animoy may kung anong iniisip. Binigyan ko ito nang aking mapagpalang ngiti na tinugon naman niya ng isang tipid na ngiti bago ibaling sa mga kaibigan niya ang kanyang atensyon.

Dumating ang in-order nilang barbeque at Red Horse. Okey naman sa akin ang uminum ulit dahil narin sa nahimasmasan na ako nang makaligo ako kanina. Gusto ko mang tanungin si Alex kong anu ang mga bumabagabag dito ay hindi ko magawa. Oo, alam kung may bumabagabag sa kanya at sa tingin ko iyon ay dahil sa nangyari sa amin kanina.

Nang masimula ang tagay ay nagsimula na rin ang kwentohan. Syempre ako ang naging tampulan nila nang tanong since na bago ako sa kanila. Lahat naman ay sinagot ko hanggang sa unti-unti nang mapalagay ang loob ko sa mga ito.

Kamustahan at kung anu-ano pang kalokohan ang sumunod na mga nangyari sa gabing iyon. Hinayaan ko silang makapagbonding dahil alam kung matagal na panahon silang hindi nagkita-kita base na rin sa mga naririnig ko. Hanggang sa mapansin ko ang pamumula ni Alex.

“Lasing kana?” Tanong ko sa kanya.

“Hik! Hinde talaga ako umiinum pero dahil sa na miss ko itong mga kutong lupa na ito kaya ito. Shabi ko naman kasi kanina na hindi ako umiinum talaga ayan tuloy nalasheng ako.” Nakangisi nitong tugon sa akin.

May sasabihin pa sana ako nang humilig sa akin ang ulo nito’t sumandal sa aking braso. At boom! Nakatulong ang maldita.

“Nakatulog.” Nakangising wika ni Maki.

“Ano pa ba ang bago.” Wika naman ni Lantis.

“Akala ko pa naman lumevel up na siya dahil sa isang bar siya nagtratrabaho.” Si Niccollo.

“Oh well, atleast hindi na tayo ang kakarga sa kanya ngayon.” Si Jay.

Mga kaibigan ba talaga niya ang mga ito? Di ko maiwasang maitanong sa aking sarili.

Itutuloy. . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment