by: Zildjian
Inilibot ni Nicollo ang kanyang
paningin sa kabuuan ng lugar. Probinsiyang-probinsiya ang dating nito at malayo
sa sibilisasyon. Mula sa highway ay isang oras pa ang biniyahe nila papasok sa
baryong iyon. Mabuti na lang at mataas ang gulong ng kanyang Montero dahil kung
sakaling hindi ay malamang na stock na sila sa mga nadaanang butas sa kalsada.
The place is surrounded with green fields wala siyang ibang nakita kanina kung
hindi ibon, napakaraming puno ng niyog, kalabaw at mga palayan. Gusto na niya
sanang umatras, pero naalala niya ang naging kasunduan nila ni Lantis na kapag
umatras siya ibig sabihin ay talo siya sa kasunduan nila.
Inakala niyang remote area ang
pupuntahan nila kung hindi pa nila nadadaanan kanina ang mga kabahayan na sa
tingin niya ay ang poblacion ng lugar na iyon. Pero iba pa rin ang lugar na
iyon para sa kanya. Mas malala pa iyon sa lugar ng mga kaibigan niyang sina
Alex, Jay at Maki.
Muli niyang binigyan ng pansin ang
bahay na nasa gitna ng isang malawak na palayan. Kung tutuusin napakapreskong
tingnan ng bahay na iyon. Malawak ang bakuran nito na napapalibutan ng bakod na
gawa sa kawayan. Isama mo pa ang katahimikan na gustong-gusto niya, hindi na
masama na napunta siya doon.
“Dito mo na lang iwan ang sasakyan
mo.” Kapagkuwan ay wika ni Lantis.
“I just can’t leave it here!” Protesta
niya.
“Kung gano’n, magsama kayo rito nitong
sasakyan mo.” Tugon nito sa kanya kasabay ng pagbaba nito ng sasakyan bitbit
ang pusang laging dahilan ng iringan nila.
Hindi niya mapigilan ang impit na
mapamura. Monster talaga itong isang ito
at walang konsensiya pagdating sa kanya. Napilitan na lang siyang bumaba na rin
ng sasakyan. Wala naman siyang balak maiwang mag-isa roon.
Habang hirap na hirap siya sa pagbalanse
ng kanyang katawan makatawid lang sa makipot na pilapil na iyon sa gitna ng
palayan, ay hindi niya maiwasang mapansin si Lantis. Halatang sanay ito sa
pagtawid na para bang doon na ito lumaki. Napakunot ang noo niya, hindi niya
dapat ito pinupuri.
Kapag monster talaga, lahat kayang
gawin. Ang pabulong niyang sabi.
“May sinasabi ka?” Biglang harap sa
kanya ni Lantis.
“Guni-guni mo lang iyon. Bilisan mo na
nga ang paglalakad at baka tuluyan na akong mahulog dito.” Hirap na hirap na
talaga siyang balansehin ang sarili hindi lang tuluyang mahulog sa mga bagong
tanim na palay. Paniguradong lalangoy
siya sa putikan kapag nagkataon.
Ngunit imbes na sundin siya nito at
kaawaan sa kanyang tinatamasang pakikibaka sa makipot na daan ay lalo lamang
nitong binagalan ang pagtawid.
“Hindi ka ba talaga marunong maawa o
sadyang matigas lang talaga ang ulo mo?” Asar niyang sabi.
“Wala akong makitang rason para
kaawaan ang isang katulad mo. Besides, I’m intentionally making you suffer so
that you can leave me and my Karupin alone.” Nakatalikod nitong tugon sa kanya.
“Monster!” Punong-puno ng pagkapikon
niyang sabi.
“Good for nothing bastard!” Ganti
naman nitong tugon.
Hanggang sa tuluyan silang makatawid
sa pilapil na iyon ay hindi na nabalik sa normal ang pakiramdam niya. Ibayong
iritasyon ang nararamdaman niya para kay Lantis. Ngayon lang siya nakaramdam ng
gano’n sa loob ng ilang taon nilang palaging pagbabangayan. Marahil dahil sa kauna-unahang
pagkakataon ay ngayon lang siya naubusan ng ipambabara rito.
Malugod silang sinalubong ng yaya nito
na nakikilala pa niya sa kabila ng malaking pagbabago sa hitsura nito dala ng
edad. He was 12 years old no’ng huling makita niya ito. Nasisiguro niyang
lampas singkwenta na ito ngayon base sa hitsura nito.
“Hindi ko inaasahan na bibisitahin mo
ako rito Lantis, anak at isinama mo pa talaga itong si Nicollo.” Binalingan
siya nito. “Tama nga ang sapantaha kong lalaki kang napakakisig, Nico.”
Pilit na ngiti ang ibinaling niya sa
matanda. Noon pa man, ay lagi na siya nitong pinupuri sa tuwing lalabas siya ng
bahay at naroon ito.
“Naynay, ayos lang ba kung dito lang
muna ako sa inyo ng mga ilang araw?” Pagsingit ni Lantis.
“Aba s’yempre ayos lang. Kay tagal na
rin nang muli kitang makita anak. Teka, ‘wag mong sabihin na hanggang ngayon ay
––”
“Maraming salamat po naynay.” Ang
pagputol nito sa iba pang sasabihin sana ng dating yaya nito.
Natural, na-curious siya sa kung ano
ang gustong sabihin ng yaya ni Lantis, batid niya kasing may kinalaman iyon sa
taong iniiwasan nito pero ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon. Ayaw niyang
lumabas na tsismoso at lalong ayaw niyang makialam sa kung anumang problema ng
mortal niyang kaaway.
Napansin niya ang nakasilip na batang
babae mula sa kusina ng bahay. Tingin niya ay nasa anim na taong gulang pa
lamang ito.
“Siya ang bunso namin.” Biglang wika
ni Aleng Melissa. “Bunso, halika rito, ipapakilala kita kay kuya Lantis at Kuya
Nico mo.”
May pag-aalinlangan naman itong
lumapit sa ina nito.
“Ito ang bunso ko, si Sheila. Ang
dalawang panganay ko ay nasa labas at tinutulungan ang ama nila sa bukid namin.
Pabalik na ang mga iyon at nasisiguro kong matutuwa silang makita ka ulit
Lantis, lalo na si Popoy ko.”
“Kamusta na pala si Popoy, naynay? May
katagalan ko na siyang hindi nakikita, ah.”
“Ayon at tulad mo ay malaki na rin ang
pinagbago. Siya ang katulong ng tatay niya sa pangangalaga sa bukid at mga
kabalaw namin kapag may pasok si Rodney.”
“Ilang taon na ba ngayon si Rodney,
nay?”
“Binata na rin ang isang iyon anak,
magse-seventeen na siya ngayong taon.” Nakangiting tugon ng yaya nito.
“Binata na nga. No’ng huling bisita ko
rito ay uhugin pa ang isang iyon, ah.”
Dahil hindi naman siya makasabay sa
usapan ng dalawa ay pinili na lang niyang manahimik. Panaka niyang sinusulyapan
si Lantis na masayang nakikipag-usap sa yaya nito. Doon lang niya nakita ang
mga ngiti nito habang binabalikan ng dalawa ang mga panahon kung saan pareho pa
silang bata ni Lantis. At aaminin niyang mas bagay rito ang nakangiti.
Ilang minuto pa ang itinagal ng usapan
ng dalawa hanggang sa dumating na nga ang mga taong pinag-uusapan ng mga ito.
Ka-edad lang nila ang panganay na anak ng mga ito na minsan na niyang nakita
noong maliit pa sila. Ito ang batang lagi niyang nakikitang kalaro ni Lantis sa
loob ng bakuran ng bahay ng mga ito noon.
Halatang matagal na panahon na ngang
hindi nagkikita ang dalawa dahil hindi magkamayaw ang mga ito sa kamustahan.
Napasimangot siya, paano natatagalan ng Popoy na iyon ang napakasamang ugali ni
Lantis.
“Rodney, halika at samahan mo akong
hulihin ang isa mga inahin natin nang maipagluto natin ng masarap na ulam ang
kuya Lantis at kuya Nico mo.” Wika ng asawa ni Aleng Melissa na si Mang Andoy.
“P’wede ho ba akong sumama?”
Pagpresenta niya. Ang totoo, gusto lamang niyang umiwas na makita ang masayang
pag-uusap nina Lantis at Popoy. Lalo lang kasi siyang naasar sa katotohanang sa
kanya lang talaga masama ang ugali nito.
May pag-aalinlangan itong bumaling ng
tingin kay Lantis at sa asawa nito.
“Anak, dumito ka na lang at baka
madumihan pa iyang damit mo. Tsaka, hindi ‘ata bagay sa ‘yo ang makipaghabulan
sa mga manok namin.” Hindi naman siya nakaramdam ng pagkainsulto sa sinabi ni
Aleng Melissa. Batid niyang sinsero ang pag-aalala nito sa kanya.
“Hayaan niyo siya naynay, malaki na
‘yan, alam na niya ang dapat at hindi dapat para sa kanya.” Biglang sabat ni
Lantis. Pinukol niya ito ng masamang tingin bago binalingan ang matanda.
“Huwag ho kayong mag-aalala sa akin.
Sa isang monster nga ay nakakaya kong tumagal, sa manok pa kaya?” Ang may
pasaring niyang wika na nilakipan pa niya ng ngising nakakagago.
Kita niya ang pagdilim ng anyo ni
Lantis kaya bago pa ito muling makahirit sa kanya ay nagpatiuna na siyang lumabas
sa bahay na iyon.
“May hindi ba kayo pagkakaunawan,
Lantis?” Narinig pa niyang wika ni Aling Melissa bago siya tuluyang makalayo sa
mga ito.
Malaki talaga ang pinagkaiba ng lugar
na pinagmulan niya sa lugar kung saan sila naroon ngayon. Kung sa kanila ay ang
normal na hapunan ay alas-siyete-y-media, sa lugar na iyon ay alas-sais palang
ay naghahapunan na ang mga tao. Tanging ang ilaw na nagmumula sa mga lamparilya
ang nagbibigay liwanag sa kabuohan ng bahay.
“Nico anak, kumain ka ng marami.” Ang
wika ng yaya ni Lantis.
Sa totoo lang, nakaramdam siya ng
inggit sa pamilya nito. Hindi naging hadlang ang kakulangan ng liwanag at hirap
ng buhay para hindi ang mga ito sabay-sabay na umupo sa hapag at magkakasamang
kumain. Sila, kahit hindi sila naghihirap sa buhay at kahit maliwanag ang buong
kabahayan nila ay hindi nila magawang kumain ng sabay-sabay dahil masyadong
abala ang mga magulang niya sa mga negosyo ng mga ito at trabaho. Kaya nga niya
minabuting magtayo ng sarili niyang negosyo para kahit papaano ay mailihis niya
ang sarili sa katotohanang iyon.
May mga magulang man ay pakiramdam
niya ay nag-iisa pa rin siya. Ilang beses nga ba siyang kumain sa napakahabang
mesa nila sa bahay ng mag-isa? Ilang family day na nga ba sa mga paaralan niya
ang nag-daan na hindi niya magawang maka-attend dala ng hiya na wala siyang
mabibitbit na magulang? Pero kahit kailan ay hindi siya nagtanim ng sama ng
loob sa mga ito. Inintindi niya ang mga magulang dahil alam niyang para rin
naman sa kanya kung bakit nagpapakakuba ito sa pagtatrabaho. Ngunit ngayon,
habang pinagmamasdan niya ang masayang pamilyang iyon sa hapag ay hindi niya
maiwasang makadama ng inggit.
“Nico.” Ang narinig niyang tawag ni
Lantis sa pangalan niya. Doon lang niya napansin na inaabot pala ni Aling
Melissa ang mangkok na may lamang ulam na ito mismo ang nagluto.
“S-Salamat po.”
Sa di malamang kadahilanan ay hindi
sinasadyang napatingin siya sa gawi ni Lantis, nahuli niya itong matamang
nakatitig sa kanya dahilan para mapaiwas
siya ng tingin. For some strange reason natakot siya sa p’wedeng makita sa
kanya ni Lantis sa mga oras na iyon.
“Siya nga pala Lantis anak, bakit
hindi kayo naghihiwalay niyang pusang ‘yan?”
“Baka po may kumuhang hindi tao
naynay, eh.”
Batid niyang siya ang pinapatamaan nito.
“Hindi tao? Maligno ba anak?”
Inosenteng tanong naman ng ginang. Walang kaalam-alam na siya ang pinapatamaan
ng walang budhing si Lantis.
“Lamang-lupa po na nagpapanggap na
tao, nay.”
“Naku, marami niyan dito sa amin,
Lantis.” Sabat naman ni Popoy.
“Oo nga, yung kaklase ko nga sinapian
ng duwende, eh.” Gatong pa ni Rodney.
“Takot ako, nay.” Ani naman ng bunsong
si Sheila.
“’Wag kang matakot anak, hindi
papayagan ni tatay na may makapasok na lamang lupa o kahit na ano pa mang
masasamang elemento dito sa bahay natin.” Ani naman ni Mang Andoy.
“Nakapasok na po.” Sabi niya at
pasimpleng binalingan si Lantis. “Mas malala pa po sa mga lamang-lupa ang
napakasok dito sa bahay niyo.”
“May pinatatamaan ka ba?” Asik sa
kanya ni Lantis.
“Bakit, tinamaan ka ba? Bah, masama na
‘yan, mukhang paunti-unti mo nang natatanggap ang masamang katotohanan na hindi
ka tao kung hindi isang monster.”
Napatawa ng malakas sina Rodney at
Popoy habang ang mag-asawa ay napailing na lang. Sinadya niyang hindi na muling
balingan ng tingin si Lantis para hindi na ito makaganti pa.
“Kayong mga bata talaga, puro kayo
kalokohan.” Napapailing na wika ni Aling Melissa.
Natapos ang hapunan na iyon na hindi
na muling umimik pa si Lantis na ipinagpasalamat naman niya ng husto dahil sa
sobra siyang ginanahan sa pagkain ng tinolang manok na sila mismo ang humuli
kanina.
“Nico, magtabi na lang kayo ni Lantis
doon sa k’warto ni Popoy at Rodney.” Wika ni Aling Melissa.
“Diyan siya matutulog sa sala, naynay.
Kami ni Karupin ang magkatabing matutulog.” Sabat naman ni Lantis.
“Lantis naman. Uunahin mo pa ba ang
pusa mo kesa sa kaibigan mo?” Protesta ng ginang.
“Wala akong kaibigan na hindi tao.”
“Lantis.” May pagsaway sa tono ng
boses nito.
“Ayos lang po. Ayaw ko rin namang
makipagtabi sa isang impakto, Aling Melissa. Doon na lang ako sa sasakyan ko matutulog.”
“Pero anak, ilang araw din kayong
pipirmi dito sa bahay. Hindi naman ‘ata maganda na sa bawat gabi ay doon ka
matutulog sa sasakyan mo. Baka kung ano ang mangyari sa’yo roon.”
“Ayos lang ho ako, ‘wag kayong gaanong
mag-alala sa akin.”
“Naku, hindi ako papayag.” Matatag
nitong sabi. “Lantis, matutulog katabi mo itong si Nico.” May bahid ng
pag-uutos nitong wika.
“Naynay ––”
“Hindi. Kung anuman iyang hindi niyo
pagkakaunawaan ay kakalimutan niyo sa gabi at magkatabi kayong matutulog.”
“Pero naynay ––”
“Walang pero pero Lantis. Hala sige
na, matulog na kayo at gabi na.” At agad na itong umalis at pumasok sa k’warto
kasama ang asawa at ang bunsong anak nito.
Aaminin niya, lihim siyang nagbunyi
nang makita ang pagkatalo sa mga mata ni Lantis bago ito walang imik na pumasok
sa k’warto. Subalit siya man ay hindi rin kumportable na makatabi itong matulog
ngunit bago pa siya makapag-isip ng dahilan kung bakit, ay muling nagbalik sa
kanya ang nakaraan kung saan nag-iinuman sila noon na magkakaibigan.
“Alam
niyo, nawewerduhan na ako diyan kay Alex. Sa tingin niyo ba bakla siya?”
Ang lasing na wika ni Maki.
“Bakit naman natin pakikialaman kung
ano ang kasarian ni Alex? Hindi ba’t kaya naman natin siya nagustuhan dahil sa
pagiging masipag at totoo niya sa sarili hindi dahil sa lalaki siya?” Usal
naman ni Lantis.
“Tama si Lantis, Mak-Mak. Hindi na
importante kung ano pa man ang kasarian ni Alex. Kung ako nga natanggap niyo na
tagilid din ang kasarian ko, iyon pa kaya.”
“Tagilid ka rin? Akala ko nagpapanggap
ka lang, eh.” Ani ni Maki.
“Batukan kaya kita riyan. Matagal ko
nang alam na hindi babae ang type ko, noh.”
“Eh, sino naman ang type mo?”
“Yung klasmate natin. Yung captain ng
basketball.” Ang tila nangangarap nitong sabi.
“Ang landi mo! Ang dami pa namang
nagkakacrush sa ‘yong babae.”
“Inggit ka lang dahil ‘di ikaw ang
crush ko.”
“Hindi rin naman kita papatulan kaya
mabuti na lang. Kayo, Lantis at Nico baka may gusto rin kayong aminin. Sabihin
niyo na ngayon para wala na tayong lihiman pa.”
“Wala akong aaminin sa ‘yo.”
Kapagkuwan ay wika niya.
“May mahal na ako.” Wala naman sa
sariling wika ni Lantis. “Pero hindi ko sasabihin sa inyo.”
Para silang nahimasmasan sa sinabi
nito. Kahit ang tulog na tulog na si Alex dala ng kalasingan mula sa isang
tagay na ininom nito ay bahagya pang umungol. Hindi sila makapaniwala na ang
palaging aburido at masungit na si Lantis ay marunong palang magmahal.
“Sure ka ba diyan?” Diskumpyadong
tanong ni Maki. “Baka dala lang yan ng tama mo.”
“Sigurado ako.”
“Wala naman kaming nakikitang babaeng
dinidikitan mo, ah.” Wika naman ni Jay.
“’Wag mong sabihin na lalaki rin ang
tipo mo?”
“At anong masama kung lalaki nga ang
tipo ko?” Asik nito sa kanila at dahil doon ay minabuti na lang nilang hayaan
na ito. Alam kasi nilang hindi magandang ideya ang tuluyan itong pikunin.
Sa k’wentong lasing na iyon nagsimula
ang lahat. Matapos ang gabi ng aminan na iyon ay nagsimula na ang tuksuhan. Si
Jay kay Maki at siya kay Lantis. No’ng una ay ayos lang sa kanya dahil silang
lima lang naman ang tanging nakakaalam sa kalokohan na iyon at batid naman
niyang biruan lang nilang magkakaibigan iyon subalit, habang naglalaon ay
parang paunti-unti na ring umuukit sa kanyang isip ang posibilidad na isa rin
siyang alanganin.
Hinilot niya ang kanyang ulo. Hanggang
ngayon talaga ay hindi pa rin niya alam kung ano ba talaga siya at kung ano ba
talaga ang gusto niya. Hindi pa naman siguro siya bading dahil wala pa naman
siyang nagugustuhang lalaki.
Wala nga ba? Biglang tanong ng isang
bahagi ng isipan niya.
Ipiniling niya ang kanyang ulo.
Nababaliw na ‘ata siya o baka tuluyan na nga siyang nadala sa biruan nilang
magkakaibigan. Tinungo niya ang k’warto nila ni Lantis. Nakahiga ito patagilid
paharap sa dingding. Minabuti niyang hindi makagawa ng ingay at kumuha ng unan.
Doon na lang siya sa sala matutulog.
Nicollo’s first night was a disaster.
Hindi siya nakatulog ng mabuti dahil bukod sa namamahay siya ay sobrang tigas
ng napili niyang higaan - ang mahabang upuan sa sala ng bahay na tinutuluyan
nila ngayon ni Lantis.
Alas-singko-y-media pa lang ng
madaling araw at hindi pa gaanong maliwanag sa labas ngunit sa lugar na iyon
nagsisimula na ang buhay ng mga tao. Paglabas niya ay agad niyang nakita si
Aling Melissa na nagwawalis ng mga nagkalat na dahon sa bakuran nila. Habang
ang dalawang anak naman nito ay abala sa pagsisibak ng kahoy na malamang ay
gagamitin bilang panggatong.
“Nico anak, ang aga mo naman ‘atang
nagising?” Pagpansin sa kanya ni Aling Melissa. “At bakit sa sala ka natulog?
Kayo talagang mga bata kayo.”
“May maitutulong ho ba ako Aling
Melissa?” Hindi niya pagpansin sa naging katanungan nito. Ayaw niya nang
palakihin pa ang issue patungkol sa kanila ni Lantis. Ang importante, kahit
disaster ang unang gabi niya sa probinsiyang iyon ay nagawa naman niyang
tumagal at nasisiguro niyang magagawa pa niyang magtiis ng mga ilang araw.
“Naku, hayaan mo na anak. Tara sa loob
at nang makapagkape ka na. Ano ba ang gusto mong almusal?”
Medyo nakaramdam siya ng hiya. Hindi
naman ‘ata porke’t dahil bisita sila doon ay hindi na sila tutulong. Hindi man
siya sanay sa mga gawaing bahay ay may natutunan naman siya tungkol sa tamang
ugali ng mga taong nakikituloy tulad niya. Kaya imbes na sundin ito ay
linapitan niya sina Rodney at Popoy.
“May maitutulong ba ako?”
Napaangat ng tingin sa kanya si Popoy
at bahagyang binigyan siya ng isang alanganing ngiti na para bang ito pa ang
nahihiya sa kanya.
“P’wede ko bang subukan ‘yan?” Tukoy
niya sa ginagawang pagsisibak nito. “Mukhang magandang ehersisyo iyang ginagawa
mo.”
“Ah.. Eh.. Hindi ho ‘ata magandang
magsisibak kayo ng kahoy, eh bisita ho namin kayo.” Ani nito na halata ang
pag-aalangan.
“Dahil ba sa nakadamit ako at baka
madumihan?” Inosenting tanong naman niya rito.
Napakamot ito ng ulo.
Tinanggal niya ang kanyang damit at
isinampay ito sa malapit na sampayan. Saka muling bumaling kay Popoy.
“Pasubok.”
Bumaling ito ng tingin sa ina nito na
para bang humihingi ng tulong doon. Mukha namang naintindihan ng ginang na nais
lamang niyang makatulong kaya naman napatango na rin ito sa anak. Iniabot nito
sa kanya ang may kabigatang palakol.
Sa unang subok ay bahagya pa siyang
nahirapang asintahin ang kahoy. Hindi pala madaling gawin iyon tulad ng
inaakala niya nang makita niyang ginagawa iyon ng magkapatid. Agad siyang
nakadama ng excitement. Lalo pa’t nanunuod sa kanya ang dalawa pati ang ina ng
mga ito at gusto niyang ipakita na kahit lumaki siya sa karangyaan ay may alam
din naman siyang gawin.
“Madali palang matuto si Kuya, ‘nay.”
Nakangiting wika ni Rodney.
“Ang galing pala nito.” Ang hindi niya
maiwasang masabi. Talagang nag-enjoy na siya sa ginagawa niya.
“Hay naku, kayong mga bata talaga. Ang
hilig-hilig niyong gawin ang mga bagay na bago sa inyo.” Napapailing namang
wika ni Aling Melissa ngunit nakangiti na ito. Bakas ang amusement sa mga mata
nito para sa kanya.
“Maganda nga ho ito, eh. Para lang din
akong nasa gym.”
“Hala, maghahanda na ako ng almusal
natin. Popoy, Rodney, huwag niyong masyadong pagurin iyang si Nico.” Saka ito
tumalikod at pumasok na sa loob.
“Kuya, kapag napagod ka sabihin mo
lang, ah. Ako ang rerelyibo sa ‘yo.”
“Ayos lang, kaya ko ‘to. Siyanga pala,
‘asan na ‘yong masungit na monster?” Simpleng tanong niya habang abala sa
pagsisibak.
“Hindi pa lumalabas sa k’warto, eh.
Malamang tulog pa ‘yon.” Sagot ni Popoy.
“Batugan talaga ang isang iyon.”
Komento niya.
“Hindi naman, napagod lang siguro si
Lantis. Sa katunayan, kapag narito siya sa amin ay tulad mo lagi siyang
nagpupumilit na tumulong kahit pa man hindi siya pinapayagan ni nanay.” Tugon
nito.
Hindi niya alam kung bakit pero medyo
na curious siya. Lalo pa’t parang kilalang-kilala ng mga ito ang mortal niyang
kaaway. Kaya kahit hindi naman talaga siya mahilig mang-usyuso ay nagsimula
siyang magtanong-tanong.
“Ilang beses na ba siyang napupunta
rito?”
“Mga tatlong beses na. Yung huli ay
bata pa itong si Rodney.”
“Ah...” Tatango-tango niyang tugon dito.
Kaya pala simple na lang rito ang pagtawid sa makipot na pilapil sa palayan.
“Di ba ikaw ‘yong nakikita ko noon sa kanila?”
“Oo, dati akong sinasama ni nanay noon
kapag wala akong pasok.”
“Kung gano’n, matagal mo na pala
siyang kilala. Mabuti at natatagalan mo ang kasungitan at pagiging aburido
niyon.”
Tumawa ito dahilan para mapahinto siya
sa ginagawang pagsisibak at mapatingin rito.
“Masungit nga siya sa akin noon. Hindi
nga niya ako pinapansin kapag naroon ako sa bahay nila, eh.” Ang tatawa-tawa pa
nitong wika. Na para bang binabalikan nito ang nakaraan. “Hindi ko nga
inaasahan na magiging magkaibigan kami.”
Lalo lang tuloy siyang nagtaka.
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Mahirap din kasing ipaliwanag. Basta,
nangyari na lang ‘yon isang araw nang muli akong dalhin ni nanay sa bahay nila.
Umiiyak ako no’n dala ng sumpong at gutom. Hindi naman ako maasikaso ni nanay
agad dala ng marami rin siyang trabaho. Nagulat na lang ako nang lapitan ako ni
Lantis, binigyan niya ako ng chocolate. Doon nagsimula ang lahat.”
Natural hindi siya makapaniwala sa mga
sinabi nito. Hindi ang tipo ni Lantis ang unang lalapit para makipag-kaibigan
unless...
“Kailan ang huling punta niya rito?”
Kapagkuwan ay tanong niya.
“Noong bago kami mag-fourth year high
school.”
Napakunot ang noo niya. Hindi siya
sigurado kung tama ba ang nasa isip niya at lalong hindi niya alam kung bakit
iyon na agad pumasok sa isip niya.
“Bakit daw niya rito naisipang
magpunta noon?”
“Wala naman, gusto lang daw niyang
dalawin si nanay at magbakasyon dito sa amin.” Tugon nito. “Nakakatuwa nga, eh.
Kasi dahil doon, lalo pa kaming naging malapit sa isa’t isa.”
“Lalong naging malapit? Eh, di ba
malapit na kayo noon pa? Nakikita ko ngang lagi kayong naglalaro sa barukan
nila ‘di ba?” Hindi niya maisawang maitanong. Ito ang kauna-unahang pagkakataon
na mang-usisa siya ng husto.
“Mas malapit pa roon.” Kapagkuwan ay
wika nito habang nakangiti. “Dahil doon ko tuluyang nakilala ang tunay na
siya.”
Posible kayang ito ang sinasabi noon
ni Lantis? Ito ba ang taong inakala nilang magkakaibigan na hindi totoo. Si
Popoy ba ang taong tinutukoy ni Lantis noon na mahal niya? Iyon ang mga
katanungang agad na naglakbay sa kanyang isipan.
Mataman niya itong tinitigan. Hindi
imposibleng si Popoy nga iyon. Maganda ang tindig nito at hindi rin ito
pahuhuli pagdating sa ganda ng katawan. Kung tutusuin, mas maganda pa ang hubog
ng katawan nito kumpara sa mga taong nakakasalamuha niya sa gym. Mas proportion
kasi iyon dala marahil ng natural na pagkahubog nito. Kahit bilad sa araw ang
kulay ng balat nito ay hindi iyon naging hadlang, bagkus lalo pa ‘atang
nagpadagdag iyon sa angkin nitong kakisigan.
Muli na namang napakunot ang kanyang
noo at bahagyang ipiniling ang ulo. Bakit niya ina-assess ang taong ito? Dala
lang ba iyon ng simpleng kyuryosidad niya o dahil sa katotohanan na posibleng
ang lalaking nasa harapan n’ya ngayon ang tinutukoy ni Lantis na mahal nito?
Kung gano’n bakit tila may nararamdaman s’yang kakaiba, bakit tila apektado
s’ya sa mga nalaman dito? Bakit parang hindi niya gusto ang ideya na ito na nga
ang lalaking tinutukoy ni Lantis?
“Bakit?” Untag sa kanya ni Popoy. Agad
naman siyang nagbawi ng tingin.
“W-Wala.”
Pero sa kabila niyon ay hindi na
naging normal ang utak niya. Parang may kung anong nagsusumiksik doon na hindi
niya maipaliwanag o mas tamang hindi niya maintindihan. Parang biglang
nabulabog ang kanyang pagkatao.
Itutuloy. . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment