Tuesday, December 25, 2012

Make Me Believe (20)

by: Zildjian

Hindi parin natitinag si Martin sa kadadaldal habang minamaneho nito ang kanyang bagong sasakyan papunta sa apartment na tinutuluyan ko. Sa sobrang pagkabigla ng biglaang pagsulpot nito mula nang umalis ito at magpakalayo-layo mahigit tatlong buwan na, ay natagpuan ko na lang ang sarili na nasa loob na ng sasakyan nito nang pasakayin niya ako kanina.

Oo, pansamantalang nakaramdam ako ng pagka-miss dito. I longed for my bestfriend na matagal ko ng gustong makita pero, agad naman din iyon napalitan ng pagkainis habang kinakausap ako nito na parang wala lang nangyaring hiwalayan sa amin. It’s as if he didn’t left me at all, at iyon ang ikinaaasaran ko. Pakiramdam ko kasi ay parang wala lang sa kanya ang matagal naming hindi pagkikita habang ako ay halos isang buwang nagluksa.


“Kenotz, nakikinig ka ba sa akin?” Pukaw nito sa pananahimik ko.

“Oo.” Hindi na ako nag-abalang lingunin man lang ito dahil sa inis na nararamdaman ko. How could he act like this, habang ako ay heto’t hindi magkamayaw ang pagtibok ng aking puso?

Na miss ko lang siguro ang taong ito kaya ganito na lang ulit ang pagwawala ng puso ko. With that thought, huminga ako ng malalim at pilit pinapakalma ang sarili sa magkahalong inis at pangungulila rito.

“Hindi ka ba masaya na bumalik na ako?” Ang may bahid ng pagtatampo nitong wika. Hindi ko nga lang alam kung tama ba ang nahimigan kong iyon dahil nasa labas ng bintana ang tingin ko.

Hindi na ako sumagot pa. Di ba dapat masaya ako ngayon na tuluyan nang nagbalik ang matalik kong kaibigan? Di ba iyon naman ang gusto kong mangyari para maibalik namin sa dati ang samahang nasira dahil sa pagiging makasarili ko noon? Yeah, naging makasarili ako sapagkat inisip ko lang ang pansariling kaligahan ko, hindi inalintana na p’wede kong masira ang samahan namin.

“I missed you Ken.”

Sa sinabi nitong iyon ay hindi ko na naiwasang lingunin ito. Handsome as he always is, mas lalo pa nga ‘atang gum’wapo ito. Tatlong buwan lang kaming hindi nito nagkita, pero ang laki nang ipinagbago nito. Maaliwalas na ang mukha nito hindi katulad nang huli kaming makapag-usap. Ang kakaibang ningning sa mga mata nito ay nagsasabi kung gaano ito kasaya.

What’s your problem about him being happy with his life? Hindi ba’t masaya ka na rin naman ngayon? Ani ng isang bahagi ng utak ko.

“Na-miss din kita.  Ang tagal mong nawala Matt. Saan ka ba naglagi?” Pinilit kong iwaksi ang mga namamahay na agam-agam sa aking isipan. I should be happy that he’s back now. Iyon naman talaga ang tanging bagay na hinihiling ko – ang magbalik ito. Ipinangako ko noon na kapag bumalik ito ay gagawin ko ng tama ang lahat sa amin. May Nhad na ako na mahal ako.

“Tama nga ako, hindi ka nga nakikinig sa akin.” Tila may bahid ng tampo nitong wika. “Kanina mo pa naitanong iyan at ang haba na ng isinagot ko wala ka palang naintindihan.”

“Pasens’ya na, medyo nagulat lang talaga ako na narito ka na ulit ngayon.”

Panandalian muna nitong ibinaling ang tingin sa akin mula sa kalsada, giving me his very handsome smile.

“Sinorpresa talaga kita. Anyway, uulitin ko na lang ang sinabi ko tutal malakas ka naman sa akin. Sinama ako ni mama sa California to give a visit to her only sister. Para na rin daw makilala ko ang mga pinsan ko na naninirahan doon.”

“Nasa ibang bansa ka pala.” Tatango-tango kong sabi. “I’m glad na okey na kayo ng parents mo.”

“Okey na kami ni mama, kami ni papa casual lang. Simula nang umuwi ako sa bahay ay hindi pa kami nag-uusap ng matino. Ini-expect ko na nga no’n na susumbatan niya ako pag-uwi ko but he didn’t. Wala na talaga siyang pakialam sa akin.”

“I don’t think so.” Kontra ko naman. “Kailangan lang sigurong isa sa inyo ang lumapit at magsimula ng usapan para magkalinawan kayo.”

“You think so?”

Nakakapanibago na hindi ito kumontra sa sinabi ko. I know how much he hated his father at noon kapag may bagay akong sinasabi para mapag-ayos ang mga ito ay lagi itong kumukontra. He did change for the better. At masaya ako na handa na siyang ayusin ang problema niya sa pamilya niya.

“Matagal ka ring nawala pare, saan ka ba nagpunta?”

“Nagbakasyon lang para makapag-isip.”

Dahil na rin sa matagal kaming hindi nagkita ni Martin ay inanyayahan ko itong doon na lang sa apartment namin maghapunan kasama si Nhad. Si Lantis naman ay sinabing hindi niya daw kami masasamahang mag-dinner sa di malamang dahilan. Siguro, hindi pa tapos ang pag-uusap nila ni Nico.

Habang inihahanda ang pagkain ay hindi ko mapigilan ang hindi mapatingin sa dalawang lalaki na nakaupo na sa mesa. Martin is wearing a plain red shirt paired with a dark blue denim jeans and Nhad wearing his all white uniform. They both look dashingly handsome.

Maliit lang ang mesa namin sa loob ng apartment para hindi nito masyadong maukupa ang space. Magkaharap na nakaupo sina Nhad at Martin habang ako naman ay sa gitna. Ang hindi ko lang maintindihan ay ang biglang pagbabago ng ekspresyon ng mukha ni Matt. Ang kaninang kislap na nasa mga mata nito ay naglaho bigla at napalitan ito ng blankong ekspresyon.

“Here.” Wika ni Nhad at ito na ang naglagay ng kanin sa aking plato. “So, pare babalik ka ba ulit sa pagtratrabaho rito sa amin?”

Iyon din dapat ang itatanong ko sa kanya kanina. Hindi lang ako makasingit dahil hanggang sa loob ng bahay ay ito pa rin ang dumadaldal. Kung hindi lang dumating si Nhad ay hindi ito titigil. Pakiramdam ko tuloy ay na-miss talaga ako nito.

“Hindi na.” Tila wala sa sarili nitong sabi, habang ang tingin ay nasa ginagawang paglalagay ni Nhad ng kung anu-ano sa plato ko.

Nakaramdam ako ng disappointment sa naging sagot nito. Kung gano’n, pansamantala lang pala ang pagkikita namin. Inakala ko kasing dito na ulit siya magtratrabaho at makakasama ko ulit siya katulad noon. Pero okey na iyon, ang importante ay nagbalik na ito. May chance na akong maibalik ang dating pagkakaibigan namin.

“Are you here for business?”

“No, I’m here to claim what is rightfully mine.” Matatag nitong sabi. Habang diretsong nakatitig sa mga mata ni Nhad.

Sa di malamang dahilan ay nakaramdam ako ng tensyon sa loob ng apartment na iyon. Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy nito nang sabihin nito na kaya ito napadpad ulit sa lugar naming to claim something. Hindi ko na lang iyon binigyan ng pansin.

“Kumain na tayo.” Pagsingit ko para kahit papaano ay maagaw ang pansin ng mga ito. “How long will you be staying here Matt?”

“Pinapaalis mo na ba ako?”

“Sira, tinatanong ko lang. Hindi na kasi bakante ang k’wartong iniwan mo kaya kung magtatagal ka rito wala kang matutuluyan.”

“P’wede naman akong maki-share ng k’warto sa ‘yo ‘di ba?”

Sa tinuran nito ay bigla na namang nagrigudon ang puso ko. I know, dapat hindi na ako nakakaramdam ng gano’n. Kinalimutan ko na ang nararamdaman ko kay Martin besides, I already have Nhad. Agad kong pinakalma ang puso ko pero bago pa man ako makasagot, naunahan na ako ni Nhad.

“I don’t think that’s possible pare, medyo may kasikipan ang k’warto ni Ken. But I can help you find a place to stay kung talagang kailangan mo ng matutuluyan.”

“Ayos lang, sanay naman kaming magkatabing mahiga. `Di ba Kenotz?”

Agad akong nakaramdam ng pagkabalisa nang bigyan ako ni Nhad ng makahulugang tingin.

“Hindi ba niya alam Kenotz?” Tila inosenting tanong naman ni Matt.

“Nagtatabi kayong matulog? Hindi ba dalawa ang k’warto dito?” Sunod-sunod nitong tanong. Bakas ang pagtataka sa mga mata nito.

“M-minsan lang iyon no’ng pumunta rito ang mama niya at dito sa amin tumuloy.” Maagap ko namang pagpapaliwanag. Ewan ko pero medyo nakaramdam ako ng inis sa ginagawa ni Martin. Para kasing nananadya ito na ‘di ko mawari.

“Hindi ka p’wedeng dito tumuloy Matt. Hindi na pinapayagan ni Manang Susi na may ibang taong tutuloy sa apartment bukod sa mga nangungupahan.”

Ang totoo, wala namang gano’ng sinabi ang pobreng may-ari ng apartment namin. Nakaramdam lang ako ng inis sa ginagawa nitong pananadya na para bang may gusto itong patunayan na hindi ko maintindihan.

“Gano’n ba? Sige, hahanap na lang ako ng ibang matitir’han habang narito ako.”

Natapos ang dinner na iyon na hindi na masyadong kumikibo si Martin, ako naman ay nakipagk’wentuhan kay Nhad. Mabuti na lang at hindi na ito nag-usisa pa patungkol sa mga nalaman nito, marahil ay nakuntento na ito sa naging paliwanag ko.

Nang parehong makaalis ang dalawa ay nabigyan ako ng pagkakataong makapag-isip sa mga naging reaksyon ko kanina. Masyado nga yata akong nangulila sa presensiya ni Matt para mag-react ako ng gano’n. Pero may kung anong bumabagabag sa akin na hindi ko matukoy. Parang may kung anong dapat akong paghandaan sa pagbabalik nito.

“Diretso ka na ba sa inyo Ken?”

 Kasalukuyan kong kinukuha ang mga gamit ko sa locker. Katatapos lang ng shift namin sa araw na iyon. Napilitan kaming mag-overtime ng dalawang kasamahan dahil sa marami ang tawag sa araw na iyon.

“Oo, medyo inaantok na ako eh.”

“Sumama ka na lang kaya muna sa aming mag-lunch. Masarap matulog ng may laman ang tiyan.”

“Kayo na lang siguro Jay, wala na akong lakas kumain. Gusto ko na lang sumampa sa higaan ko at matulog.”

“Ang sabihin mo, si Nhad ang kasabay mo.” Wika naman ng kadarating lang na si Rachalet. Kasama ang boyfriend nito at si Chelsa. “Nakakahalata na kami sa ‘yo Kenneth, ha. Mula nang maging opisyal ang relasyon niyo ni Nhad in-itsap’wera mo na kami.”

“Hindi mo siya masisisi girl. Ako man, kung kasing wafu ni Nhad ang magiging fafa ko ay sa kanya na ako laging didikit.” Singit naman ni Chelsa.

“Hindi naman sa gano’n.” Pagdepensa ko naman sa sarili ko. “Nasapawan na talaga ng antok ang appetite ko.”

Ang totoo lagi naman kaming magkakasama ng mga ito. Simula ng mawala si Matt ay lagi na akong dumidikit sa kanila kasama si Nhad. Kapag sila kasi ang kasama ko natatabunan ng mga kalokohan nila ang bigat ng dinadala ko.

“Huwag niyo nang pilitin si Ken, pinagod siguro siya ni Nhad kagabi kaya wala na siyang energy ngayon.” Ang gatong naman ni Rex. Bagay na bagay talaga itong mapareha kay Rachalet. Likas din kasi ang pagiging polluted ng utak nito.

Inulan ako ng tukso galing sa mga ito na sinagot ko lang nang pangiti-ngiti at pag-iling. Walang k’wenta kung magpapaliwanag pa ako sa kanila. Aaksayahin ko lang ang laway ko dahil tiyak naming lalo lang akong tutuksuhin ng mga ito.

Magkakasama kaming lumabas ng opisina. Habang abala ang mga itong pag-usapan kung saan sila kakain ay abala naman akong basahin ang mga txt messages ko galing kay Nhad. Agad na gumuhit ang ngiti sa aking labi nang mabasa ko ang huling mensahe nito.

Morning Ken ko! Tapos na ang shift ko. I’ll take a rest first then I will be at your place before dinner. Na-miss na agad kasi kita and I want us to have a dinner together bago tayo pumasok sa mga trabaho natin mamaya. Ingat ka sa pag-uwi! I love you.

“Earth calling Kenneth!” Ang may kalakasang wika ni Chelsa.

“Hah? Bakit?” Takang tanong ko naman dito.

“Hay naku! Basta talaga si Nhad, nawawala ka sa katinuan. Sabi ko, isama mo si Nhad sa Friday.”

“Bakit, ano ang meron sa Friday?”

“Ihampas ko kaya itong bag ko sa iyo nang maalala mo?” Tila asar nitong wika. “Birthday ko sa Friday at nagkasundo na tayong mag-bar.”

Oo nga pala, kaarawan pala ng demonyitang ito sa biyernes kaya nga napilit ako nitong um-absent sa araw na iyon.

“Nakalimutan ko. Sige sasabihan ko siya.” Ang napapakamot ko sa ulong wika. Sadya nga ‘atang hindi na umaandar ng tama ang utak ko sa sobrang antok.

Magpapaalam na sana ako sa mga ito nang marating namin ang pinag-pa-park-ingan ng sasakyan ni Jay at Rex nang biglang sumulpot galing sa kung saan si Matt.

“Mabuti naman at lumabas ka na. Kanina pa ako naghihintay dito.”

Sa pagkagulat ay hindi agad ako nakapag-react, ni hindi ko nga alam kung saan ako nagulat. Kung sa biglang pagsulpot ba nito o sa hitsura nito ngayon. He’s wearing a green polo shirt na hapit sa katawan nito and gray walking short paired with also gray gazelle of shoes. Pati ang mga kasama ko ay pansamantalang natigilan nang makita ito.

“M-Matt? Anong ginagawa mo rito?

“Sinusundo ka, so we can have lunch together. Hindi tayo nakapag-usap ng matino kagabi kasi may asungot na dumating.”

“Pero ––”

“C’mon, I drove my ass here for almost 3 hours just to have lunch with you.”

“Ano? Ibig sabihin ––”

“Yeah, galing pa ako sa atin. Let’s go?”

“Teka teka.” Ang biglang sabat ni Chelsa. “Who are you handsome?”

“I’m Martin.” Simpleng sagot nito.

“Martin? I thought your name is Matt?” Walastik talaga ang kakulitan ni Chelsa.

“Only Ken can call me Matt.” Wala naman sa boses nito ang pagsusuplado pero halata ring wala itong panahong makipagkulitan kay Chelsa.

Naalarma ako nang balingan ako ng mga katrabaho ko ng tingin. Bakas sa mga mata nito ang pagtataka. Parang biglang akong nakaramdam na kailangan kong magpaliwanag.

“Bestfriend ko siya.” Agad kong wika. “Matt na ang nakasanayang tawag ko sa kanya.”

“`Yong dating kasama mong nangungupahan sa apartment?” Si Jay.

“Oo, siya nga `yon.”

“Ang gwapo niya.” Wala sa sariling wika ni Chelsa na nakaangat ang tinging nakatitig kay Martin na para bang nakakita ng isang artista. Well, pang artista naman talaga ang dating ni kolokoy lalo na’t matangkad ito at maganda ang pangangatawan. “P’wede ba kitang halikan?”

Sa sinabing iyon ni Chelsa ay doon na ito hinila ni Rachalet. Alam na siguro nitong nag-activate na naman ang kagagahan ng kaibigan-cum-katrabaho namin.

“Totoo bang galing ka pa sa atin?” `Di makapaniwalang tanong ko rito.

Nasa isang restaurant kami at kasalukuyang linalantakan ang in-order nitong mga pagkain na halos lahat ay paborito naming dalawa. Nawala bigla ang antok ko sa pagkagulat sa biglaang pagsulpot nito sa labas ng opisina namin kanina kaya naman sumama ako sa kanya, isama mo pa ang ginawang pagmamaneho nito ng mahigit tatlong oras para lang yayain akong mag-lunch ay hindi ko na ito magawang tanggihan pa. Gusto ko rin naman na kahit papaano ay magkaroon kami ng oras makapag-usap, medyo may katagalan din kaming hindi nagkita at talagang na-miss ko ito.

“Mukha ba akong nagbibiro?” Ang nakangiti nitong tugon.

“Akala ko ba maghahanap ka ng matutuluyan kagabi?” Na-guilty naman ako kung bakit hindi ko pa ito sa apartment na lang pinatulog. Napilitan pa tuloy itong magmaneho pauwi.

“Kulang ang dala kong damit. Mukha kasing matatagalan pa ako rito kaya kinailangan kong umuwi para kumuha ulit.”

“Ang lakas talaga ng sayad mo. Ano ba talaga ang rason at nandito ka?”

“Itinanong na sa akin iyan ng kolokoy na `yon kagabi. I’m here to claim what is rightfully mine.”

“His name is Nhad.” Pagtatama ko. “At ano naman ––”

“Ano ang relasyon mo sa kanya?” Biglang putol nito sa iba ko pa sanang sasabihin.

Hindi ko alam kong papaano ko sasabihin sa kanya ang tungkol sa amin ni Nhad. Alam nga ni Martin ang tunay kong pagkatao pero hindi ko naman alam kung ano ang magiging reaksyon nito kapag nalaman niyang boyfriend ko na si Nhad. Baka mailang ito sa akin dahil alam ko namang hindi ito sanay na may nakikita siyang lalaking may relasyon sa kapwa lalaki.

“Ah.. Eh.. Kumain na lang kaya muna tayo?” Pag-iiba ko ng usapan pero hindi nito kinagat iyon. Mataman lang akong tinitigan nito at ng salubungin ko ang mga mata nito ay muling bumilis ang tibok ng puso ko. He had a pair of chocolate brown eyes na sigurado akong namana nito sa kanyang ina at habang nakatitig ako sa mga mata nito hindi ko magawang umiwas.

“Babawiin kita mula sa kanya.”

His declaration really shocked the hell out of me. Ni hindi ko nga alam kung tama ba ang narinig ko mula rito o isang imahinasyon lang.

“Nagpapatawa ka na naman Matt. Mabait si Nhad, kung kikilalanin mo lang siya baka magkasundo rin kayo.”

“Seryoso ako Kenotz.” Pati ang mga mata nito ay hindi mababakasan ng anumang bahid ng pagbibiro. Ang uri ng tingin nito sa akin ay nagbigay ng kilabot sa buo kong katawan.

“No you’re not.” Nakaramdam na ako ng pagkaasar. Ayaw na ayaw ko ang pinaglalaruan ang damdamin ko.

“I will claim back what’s rightfully mine, at ikaw iyon Kenneth Jeh Quijano. Kaya ako nagbalik dito dahil tapos na akong makapag-isip.”

Natawa ako ng pagak. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari at lalong hindi ko alam kung ano ang binabalak nito. Naguguluhan ako, tila masyadong mabilis ang lahat. Kung kelan nakapagdesisyon na ako na tuluyang kalimutan ang nararamdaman ko sa kanya ay heto naman siya at magde-deklara ng kung anu-ano. Laro lang ba talaga ang lahat sa kanya?

“This is crazy. Kung kaya ka lang bumalik dito ay para guluhin ulit ang tahimik kong buhay mas mabuti pa ngang hindi na tayo magkita pa ulit. Tinanggap ko nang hindi na p’wedeng maging tayo, `wag mo namang paglaruan ang damdamin ko.”

“Hindi ako nagpunta rito para guluhin ang buhay mo. Nagpunta ako rito para ayusin ang lahat ng hindi ko nagawang ayusin noon dala ng kalituhan ko ng mga panahong iyon. At hindi kita pinaglalaruan Ken, this time, kaya ko ng suklian ang nararamdaman mo.”

Tuluyan ng umapaw ang galit sa akin. Kahit anong pilit ko hindi ko magawang ikatuwa ang mga naririnig sa kanya. Pakiramdam ko kasi para lang akong isang sangkap na kukunin tinambak sa isang tabi at gagamitin lang kapag kailangan na. At ano ang gusto nitong palabasin, na hanggang ngayon ay pareho pa rin ang nararamdaman ko sa kanya? Na hanggang ngayon ay ako pa rin ang Kenneth na naghihintay na mahalin niya? Gano’n ba kababaw ang tingin nito sa akin?

Huminga ako ng malalim, pilit pinakalma ang sarili. Ayaw kong makahakot ng audience at napapansin kong nagsisimula nang mabaling ang mga pansin ng mga kumakain sa naturang restaurant na iyon sa gawi namin.

“Ano ba talaga ang balak mo Matt?”

“Ang agawin ka kung kinakailangan mula sa Nhad na yon.”

“Mahal ko siya.”

“Minahal mo rin ako.”

“Mahal niya ako.”

“Mas mahal kita. At di hamak naming mas mahaba ang pinagsamahan natin.”

“Tang-ina naman Matt!” Hindi ko na napigilan ang sumabog. Magkahalong pagod, antok, at pagkalito ang biglang sumakop sa buo kong katawan.

“Alam kong marami akong naging pagkakamali sa ‘yo noon, at handa akong itama ang mga pagkakamaling iyon. Alam ko rin na p’wedeng nagbago na nga ang nararamdaman mo sa akin pero handa akong gawin ang lahat para maibalik lang iyon. Call me selfish Ken, but no one, nobody can take away my happiness from me. Again, I’m here to claim you back, by hook or by crook, come high or low waters.”

Itutuloy. . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment