Tuesday, December 25, 2012

The Devil Beside Me (01)

by: Zildjian

“Finally we’ve met Mr. Iglesias.” Nakangiting bati sa kanya ng isang may edad ng babae nang maglahad siya rito ng kamay.

“Mrs. Serano. Have a seat.” Pagbati naman niya rito.

“I’m really sorry kung hindi ko magawang maisingit sa schedule ko itong meeting natin Mr. Iglesias. Alam mo naman ang nag-iisa na lang sa buhay, maraming kailangang gawin.”


“I really don’t mind.”Nakangiti niyang balik. “And please, call me Jay.”

Nginitian siya ng ginang. Kung hindi siya nagkakamali ay nasa late 40’s na ang edad nito. Sophisticated at halata ang pagiging metikuluso. Hindi na siya ngayon nagtataka kung bakit siya nahirapang makipag-meet dito. Pero hindi dapat siya magpa-intimidate, kailangan niyang maipakita rito na deserving siya na pagkatiwalaan nito or else, mapupunta sa wala ang lahat.

“I was informed by your father’s secretary that on behalf of Arturo, ikaw ang pupunta. Honestly, I really didn’t like the idea.”

Totoo pala ang sabi ng kanyang ama, prangka at walang paligoy-ligoy ang kanyang katatagpuing tao. Mukhang mahihirapan siyang makipag-close deal dito.

“Was it because of my reputation, or because of my sexuality?” Kalmado niyang tanong. Hindi naman lingid sa kanya na may mga tao talagang issue ang kanyang seksuwalidad. “If it was because of my sexuality, I can assure you that it will never be a problem. I can still do my job properly.”

Muli itong nagpakawala ng matamis na ngiti sa kanya. Hindi niya tuloy mabasa kung ano ba talaga ang tumatakbo sa isipan nito. Pinaghandaan na niya ang pakikipagkita rito ngunit heto’t hindi niya maiwasang hindi kabahan.

“I’m not a homophobic Jay. I don’t judge a person with their sexuality. It’s just that, it was really hard for me to believe about the information that my hired detective had gathered.”

“Pina-imbistigahan n’yo ako?” Ang may bahid ng pagkabilga niyang naisatinig.

“I have to.”

Napangiwi siya. Sigurista nga pala ang mga taong nasa business world. At kung nag-hire ito ng detective para kumalap ng impormasyon patungkol sa kanya, nasisiguro niyang lalong lumiit ang kanyang tsansa na magkaroon ng deal dito. Mrs. Serano own a courier company na nagkalat na ngayon sa buong bansa, na kailangan ng kumpanya nila para mapabilis ang exporting ng kanilang mga items sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.

“Have I failed my father?” Diretso niyang tanong dito. “And the reason why you’ve finally decided to meet me is to reject our company?”

Umiling ito.

“Such a pessimistic you are Mr. Iglesias. No, I haven’t made any decision yet. Kaya ako nakipagkita sa ’yo ngayon to confirm if what my detective had gathered was all true.”

Napakunot-noo siya. Hindi niya ito maintindihan.

“What do you mean?”

“I have all my appointment today to be cancelled so we can have all the time in the world. Gusto kong sa ’yo ko mismo malaman ang lahat ng katotohanan tungkol sa ’yo.”

Puno ng katangungan ang kanyang ibinigay na tingin dito.

“I really don’t get it, Mrs. Serano.”

“Masyadong maganda ang offer sa akin ng iyong ama. I will have a 12% stock in your company if I merge with you pero hindi ako p’wedeng mabulag sa gano’ng offer lamang. Yes, your company is a stable one. Nakikita ko rin na malakas ang value niyo sa market. But I have to make sure that the person behind the success of the company is also stable physically, and mentally. Your father is sick, and you’re now the acting CEO of Iglesias Computer company. Soon you will have your father’s position.”

Hindi siya makapaniwala. Ang bilis nitong naanticipate ang mga magiging sitwasyon kung sakali ngang siya ang magtake-over ng kumpanya nila.

“The changes in you amaze me Jay. Ang dating walang sense of responsibility at sense of commitment na nag-iisang anak ni Arturo at Meralda ay biglang nagbago. Gusto kong malaman ang dahilan ng pagbabago mo ngayon.”

“Kailangan pa ba iyon? You have all the information about me from your detective. At hindi ko makita ang koneksyon niyon sa business proposal ko.”

“Ang mga malalaman ko tungkol sa ’yo ang magiging daan para makapagdesisyon ako.” Nakangiti nitong tugon. “Mahilig ako sa mga k’wento Mr. Iglesias, at mukhang isang interesanteng k’wento ang maririnig ko mula sa iyo.”

Medyo na-werduhan siya rito. Hindi rin niya maiwasang magduda. Pinaglalaruan lang ba siya ni Mrs. Serano? Paano ito gagawa ng desisyon sa pamamagitan ng pagkukwento niya sa naging dahilan ng malaking pagbabago ngayon sa kanya?

“So?” Untag nito sa kanya.

Pinakatitigan niya ito ng maigi. Kailangan nila ang kumpanya nito at kailangan niyang maipakita sa kanyang ama, na handa na siyang pangatawanan ngayon ang isang bagay na tinatakbuhan niya noon. Kung ang k’wento ng buhay niya ang tanging susi para makuha ang tiwala nitong makipag-merge sa kanila ay gagawin niya.

Nagpakawala siya ng buntong-hininga bago tumugon.

“I have to warn you, my life story was not the typical story. If you wanted me to stop, feel free to cut me.”

Bumakas ang excitement sa mga mata ng ginang. Matapos itong tumango sa kanya ng nakangiti ay tumawag ito ng waiter.

“Mas maganda kung habang kumakain tayo ay nagku-kwento ka.” Ani nito matapos maibigay ang kanilang mga orders. Hindi na niya ikinagulat pa na alam nito ang mga pagkaing gusto niya. After all, nag-hire ito ng detective para makakalap ng impormasyon sa kanya.

Ilang minuto ang nakaraan ay isa-isa nang inilapag sa mesa ang kanilang tanghalian. Isa ang Fish Out Of Water seafood restaurant sa masasarap na kainan sa Makati kung saan nakatayo ang main building ng kanilang kumpanya.

“You can start now.” Tila excited nitong wika.

“Where do you want me start?”

“From the very beginning.”

The Devil Beside Me

Salubong ang kilay na pumasok si Maki sa coffee shop ng kanyang kaibigang si Nicollo. Natapos na niya kagabi ang pinapagawa nitong website na magpo-promote sa resort na pagmamay-ari ng pamilya nito at isa lamang ang ibig sabihin niyon, mayroon na naman siyang perang makukuha. Bukod kasi sa pagiging web designer niya sa isang online company ay suma-sideline rin siya sa kanyang mga kakilala bilang tagagawa ng website at kung anu-ano pa na sakop ng kanyang napag-aralan.

Sinalubong siya ng nakangiting tauhan ng kanyang kaibigan.

“Masama `ata ang araw natin ngayon sir Maki, ah.”

“Ikaw ba naman ang gisingin ng wala sa oras ng isang taong walang magawa sa buhay kung hindi ka maasar. Asan nga pala ang amo mong tinamaan na ni pareng kupido, Popoy?”

Tumawa ito. Sa loob ng ilang buwang pagta-trabaho nito sa coffee shop ay tuluyan na itong napalapit sa kanila. Sa katunayan ay hindi naman isang empleyado ang tingin nila rito. Matalik itong kaibigan ni Lantis na isa sa kanyang mga kaibigan at malapit rin ito kay Nico. Ang balita pa nga niya, ito ang naging daan para tuluyang matanggap ng dalawa niyang kaibigan na nagmamahalan ang mga ito.

“Mukhang kilala ko na kung sino ang salarin sa masamang mood mo ngayon.” Ani nito sa likod ng paghagikhik. “Nasa loob ng kanyang opisina si Nico.

Tinaasan niya ito ng kilay.

“Bakit kay Nico hindi ka masyadong pormal, pero pagdating sa akin at kay Alex, palagi mo kaming tinatawag na sir?”

“Kayo naman kasi ni sir Alex ang mentor ko kaya dapat lang na respetuhin ko kayo.” Magiliw ang ngiting tugon nito.

 Sila ni Alex ang nag-train ng husto rito para magawa nito ng maayos ang posisyong ibinigay dito ng kanyang magaling na kaibigan na sa kasamaang-palad ay abala sa pakikipag-date noon. Kaya sila ang nauwing nagturo dito sa mga dapat gawin.

“Hindi naman ako ang boss mo at lalong hindi ako ang may-ari ng coffee shop na ito, kaya Maki na lang ang itawag mo sa akin. Ang ginawa namin ay isang tulong para sa ’yo at hindi mo kailangang bayaran iyon ng pagtawag sa akin ng kung anu-ano .  Nagmumukha akong matanda kapag tinatawag mo akong sir Maki.”

Nagthumbs-up ito sa kanya habang may ngiting nakakagagong nakaguhit sa mukha nito. Honestly, ikinatutuwa niya ang pagiging magiliw nito pero minsan, hindi niya maiwasang maasar. May naaalala kasi siyang tao sa gano’ng gesture.

“`Wag mo ngang gayahin si Jay!” Sita niya rito.

Inihit ito ng tawa. Tama ang kanyang sapantaha. Sinasadya nitong asarin siya. Gumaganti ito sa ginawa niyang pagbibigay ng number nito sa ilang kababaihan na naging costumer ng coffee shop na iyon.

“Puntahan mo na nga lang si Nico sa opisina niya. Mukhang hindi ka handa ngayon makipag-asaran, eh. Papasundan na lang kita ng paborito mong kape baka sakaling makatulong iyong lumamig ang ulo mo.”

Hindi na siya tumugon, batid niyang lalo lamang siyang aasarin nito kung umalma pa siya. Hahayaan na lamang niya munang makapuntos ito ngayon sa kanya.

Pagkapasok na pagkapasok ni Maki sa pribadong opisina ng kanyang kaibigan ay agad niya itong nakitang kumportableng nakaupo habang may kausap sa telepono. Nakapatong pa ang mga paa nito sa mesa.

“Wait lang baby, may dumating na asungot. Tatawagan na lang kita ulit.” Ani nito sa kausap habang nakakunot-nuong nakatingin sa kanya na animo’y isa talaga siyang istorbo.

 Batuhin kaya niya ito ng dala niyang laptop. Pinagpuyatan niya kagabing tapusin ang pinapagawa nito sa kanya para lamang tigilan na siya sa pangungulit nito  tapos heto’t isang asungot pa ang naging dating niya.

“Ano ang atin?” Walang gana nitong wika sa kanya nang maibaba nito ang tawag.

Kasing bigat ng sampong sako ng buhangin ang kanyang mga yabag nang lumapit siya rito saka niya padabog na inilapag ang kanyang laptop bag sa mesa nito.

“Ayan na ang pinapagawa mo sa akin. Tingnan mo, at kung wala ka nang ipapabago pa, bayaran mo na ako ngayon din at magkalimutan na tayo.” Asar na asar niyang wika. He had too much for this day. Sobra na talagang nasira ang kanyang araw.

“Badtrip ka?” Ni walang mabakasang pagkabahala o pagkagulat sa tono ng boses ng kanyang kaibigan. Nicollo may have changed pero paminsan-minsan ay nag-aactivate pa rin ang pagiging walang pakialam nito sa mundo lalo na sa damdamin ng ibang tao.

“Hindi ba halata?” Pamimilosopong tugon naman niya rito.

Nagkibit-balikat lamang ito sa kanya, saka nito kinuha ang laptop sa lalagyan nito. Ilang segundo lang ay nakatutok na ang mga mata nito sa kanyang ginawa habang napapatango-tango.

“This is great! I’m sure matutuwa nito sina mama. I’ll just deposit the payment to your account. Makukuha mo iyon bukas na bukas din.” Ani nito sa kanya sabay sara ng kanyang laptop.

“Hindi halatang nagmamadali kang palayasin ako, no?”  May bahid ng sarkasmo niyang sabi.

“Bakit, may iba ka pa bang sasabihin? Tungkol ba iyan sa nabalitaan naming pagbabalik ng kasintahan ni Jay?”

Napakunot-noo siya rito.

“Kasintahan? He never had one since birth, Nico.”

“Ano ang tawag mo kina Patric, Aizen, Joey, Paul, Rupert at `yong latest? Sino nga ba iyon?”

“Jobert.” Tila tinatamad niyang sagot.

“Ayon si Jobert. `Di ba mga kasintahan niya ang mga iyon?”

“They were just his flings. Ni wala ngang tumagal ng isang Linggo sa mga iyon. We know Jay. Isang laro lamang ang mga kumag na iyon sa kanya. Masyado lamang siyang nabuburyo sa kanyang buhay kaya naghahanap siya ng kung sinu-sinong makakalaro.”

“That may be true pero iba si Janssen Velasco.”

“Iba? Paano naiba ang laos na MVP player  na iyon sa mga naging kapalaran ng mga kalaro ni Jay?”

“So, alam mo na pala ang nalalapit na pagbabalik ni Janssen.” Nakangiting wika sa kanya ni Nico. “At kung hindi ako nagkakamali, siya ang rason kung bakit mainit ang ulo mo ngayon.”

“Oo, siya nga ang rason kaya mainit ang ulo ko ngayon. Dahil nasira ang magandang tulog ko ng dahil sa kanya.”

Tumawa ito ng nakakaloko at sa totoo lang, hindi niya nagustuhan iyon.

“You can’t help it. Sa ating magkakaibigan, ikaw ang pinaka-close kay Jay. Hindi nga ba’t simula pa pagkabata ay magkaibigan na kayo? Kaya natural lamang na ikaw ang unang taong bubulabugin niya para ipangalandakan ang napakagandang balitang iyon.”

“Magandang balita. Yeah right!” May bahid ng sarkasmo niyang pag-uulit sa huling salitang binitiwan nito.

Muli itong nagpakawala ng isang malutong na tawa.

“Huwag mo nga akong tawanan ng ganyan!” Naasar niyang sita dito. “At ano iyong sinasabi mong iba si Janssen Velasco sa mga naging fling ni Jay?”

Tumigil nga ito sa pagtawa ngunit hindi naman nawala ang malokong ngisi sa mukha nito. Kaunti na lamang at babatuhin na talaga niya ito ng mug na nasa harap niya.

“Mukhang masama talaga ang dating sa ’yo sa nalalapit na pagbabalik ng Janssen na iyon, ah. Hindi pa kita nakitang ganito kaasar. Ang akala ko ay si Lantis lamang ang may kakayahang mapikon sa ating lima pagdating sa mga biruan natin.” Ngingiti-ngiti nitong wika.

“Don’t make it sound as if I’m threatened to that jerk’s big come back Nicollo.”

“Sa ’yo nanggaling `yan, hindi sa akin.”

Gusto niya na lamang mag-walkout sana kaso alam niyang hindi iyon magandang ideya sa mga oras na iyon. Kung bakit naman kasi nauso sa kanilang grupo ang pag-ibig. Noon, hindi ganito kalakas makapanukso ang mga ito sa kanya ngunit ngayong silang dalawa na lamang ni Jay ang walang karelasyon sa grupo, sa kanila ngayon naka-fucos ang mga nakaka-asar na hirit ng mga ito.

“Itinatanong mo kung bakit naiba si Janssen sa mga naka-fling ni Jay?” Pagpapatuloy ni Nico. “Isa lamang ang sagot niyan. Iyon ay dahil ni isa sa mga nakarelasyon ni Jay ay wala siyang binalikan at hinabol-habol,  tanging si Janssen lamang. Alam kong alam mo iyan Maki, kaya ka masyadong apektado ngayon.”

“At ano ang gusto mong palabasin?”

“Wala naman. Sinasabi ko lang ang nakikita ko sa’yo.” Wika nito saka muling binalingan ang teleponong nakapatong sa mesa nito. “if you’ll excuse me, tatawagan ko na ulit si Lantis. Asahan mo na lang ang pera bukas sa account mo. And in case you need my help, feel free to call me.” Iyon lang at muli na namang nagtagpo ang tenga at telepono nito.

Mabilis na dumaan ang mga araw at sa loob ng mga araw na iyon ay naging abala si Maki sa kanyang mga pending na trabaho. Hindi na rin niya gaanong binigyan ng pansin ang huling pag-uusap na nangyari sa kanila ng kaibigan si Nico. Alam niyang inaasar lamang siya nito.

Maaliwas ang kanyang pakiramdam sa araw na iyon. Hindi lamang siya nakapagpahinga at nakabawi ng ilang gabing pagpupuyat kung hindi nakakuha pa siya ng malaking bonus nang magustohan ng kanyang kliyente ang kanyang design. Balak niyang ibigay iyon sa kanyang mama para pangtustos sa mga gastusin nila sa bahay.

“Kuya, tumawag si Kuya Lantis, hindi ka raw niya ma-contact sa cellphone mo.” Bungad sa kanya ng kanyang kapatid na si Ely.

“Malamang dahil tulog ako.” Pagbibiro naman niya rito.

“Wow! Mukhang maganda ang gising mo ngayon, ah. Ibig bang sabihin niyan ay p’wedi na kitang singilin sa pinangako mo sa akin?”

Kunyari ay hindi niya ito narinig. Dumeretso siya sa kusina para tingnan kung ano ang p’wedi niyang makain doon. Sanay na ang kanyang pamilya sa hindi normal na gising niya. Alam ng mga ito na babad siya masyado sa trabaho kaya palagi siyang ipinagtatabi ng kanyang mama.

“Kuya Maki `wag kang magbingi-bingihan!” Sumunod pala ito sa kanya. “Nangako ka na kapag sumahod ka ay bibigyan mo ako ng pambili ng bagong cellphone.”

Anak na tinapa talaga. Mukhang hindi talaga siya titigilan ng kapatid niyang ito. Dapat talaga hindi muna siya agad na bumababa para hindi sila nagkasalubong.

Hinarap niya ito.

“Wala akong ma-alala na may sinabi akong gano’n.” Maang-maangan niya.

Sumimangot ito.

“Ang daya mo kuya.” Nakalabi nitong sabi.

Napabuntong hinging siya. Alam talaga nito kung papaano siya mapapasuko. Mahal na mahal niya ang nag-iisang kapatid ngunit syempre hindi niya ito pinamimihasa masyado. Ayaw niyang dumating ang panahon na ma-spoiled niya ito ng husto. Kaya naman bawat hingin nito ay may nakaantabay na kondisyon bago nito iyon makuha.

“Nagawa mo na ba ang kondisyon ko?”

Nagliwanag ang mukha nito. At patakbong tinungo ang k’warto nito na katabi lamang ng k’warto ng kanyang mga magulang. Ilang saglit pa ay nakabalik na ito bitbit ang naging resulta ng exam nito.

“Ayan!” Ani nito saka iwinagayway sa kanya ang ang naging resulta ng exam nito.

Agad naman niya iyong kinuha at tiningnan. Gumuhit ang kontentong ngiti sa kanya ng makita ang magandang result na iyon.

“Good.” Ang kanya na lamang naisambit dala ng ibayong tuwa. Alam niyang matalino ang kanyang kapatid. Nasa 3rd year na rin ito sa kursong Nursing at ilang elimination na ang nalampasan nito. Kailangan lang talaga itong i-motivate ng husto dahil may pagka-praning din ito minsan.

“So?” Untag nito sa kanya.

“Magkano nga ulit ang cellphone na gusto mong bilhin?”

“Twenty-two thousand kuya.” Kumikislap ang matang wika nito.

“Ang mahal naman!” Alma niya.

“Iyon kaya ang pangako mo sa akin! Ako na lang sa mga classmate ko ang nahuhuli pagdating sa cellphone kaya dapat mo na talaga akong bilhan.”

“Iyong cellphone ko na lang ang gamitin mo. Magpalit na lang tayo.” Mungkahi niya.

“Ayaw ko. Gusto ko bago at iyong may box talaga. Iyong cellphone ko ay pinaglumaan mo lang. Gusto kong ma-experience bumili ng brand new talaga.”

Tama ito. Maski siya noon ay hindi nagawang magkaroon ng cellphone na brand new. Kung hindi pa siya nakakapagtrabaho ay baka hindi na siya nakatikim ng talagang bago. Hindi naman sa naghihirap sila sa buhay. Sadyang masyado lamang praktikal ang kanyang mga magulang kaya naman halos lahat na yata ng gamit nila ay second hand. Mula sa kanilang sasakyan hanggang sa kanilang T.V.  Nagbago lamang iyon ng makapagtapos siya at makapagtrabaho. Ini-incourage na niya ngayon ang kanyang mama na bumili ng mga gamit na matatawag talaga niyang sila ang unang nakagamit.

“Fine!” Pagsuko niya. “Kakain lang ako at maliligo tapos pupunta tayo ng mall para bumili ng bago mong cellphone.”

Halos makulili ang kanyang tenga sa lakas ng naging pagtili nito. Mahigpit din siya nitong niyakap at hinalik-halikan sa pisngi dala ng sobrang tuwa.

“Thank you kuya! The best ka talaga!” Ang paulit-ulit nitong sambit.

Sa mall, halos kaladkarin na siya ng kanyang kapatid sa sobrang excitement nito. Hindi tuloy maiwasang makakuha sila ng pansin sa mga taong naroon. Kahit anong saway niya naman ay parang bingi ang kanyang kapatid kaya hinayaan na lamang niya ito.

Nang sa wakas ay marating nila ang bilihan ng cellphone ay agad na nga niya itong pinapili sa gusto nito. Habang siya naman ay tahimik lang sa isang tabi na pinagmamasdan ang walang pagsisidlang tuwa sa mukha ng kanyang kapatid.

Napangiti siya, ngayong kumikita na siya ay kaya na niyang maibigay ang mga bagay na hindi niya makuha noon. Iyon naman talaga ang dahilan kung bakit siya nagsumikap sa pag-aaral at pagta-trabaho. Pinangako niya sa kanyang sarili na kapag nakapagtapos siya ay hindi na niya ide-deprive ang kanyang pamilya. Ibibigay niya rito ang lahat na hindi na kailangan pang alalahanin ang kanilang budget.

“Matagal pa ba iyan?” Kunyari ay naiinip niyang sabi.

“Sige ito na lang po.” Ani ng kanyang kapatid na ang kinakausap ay ang babaeng naga-assist dito. Napatingin ito sa kanya at ngumiti na kanya namang ginantihan ng isa ring magandang ngiti.

“Miss!” Untag dito ng kanyang kapatid. “Ang sabi ko ito na lang ang bibilhin ko.”

Para namang binuhusan ng tubig na biglang nagbawi ng tingin ang babae sa kanya. At nang mabaling ang kanyang tingin sa kapatid ay nakakunot na ang noo nito.

“What?” Naisatinig niya.

“Would you stop flirting!” May pamamaratang nitong sambit sa mahina ngunit may diing tono.

“I’m not!” Depensa naman niya sa mahinang tinig. Mabuti na lamang at iniwan na sila ng babae para kunin ang unit na napili ng kanyang kapatid.

“As if hindi ko nakita ang pakikipagpalitan mo ng ngiti sa kanya. Isusumbong kita kay kuya Jay!”

Napataas ang kanyang kilay sa tinuran nito.

“At ano ang kinalaman ni Jay sa pakikipagngitian ko sa magandang babaeng iyon?”

“Dahil siya ang kasintahan mo.”

“Ano?” May kalakasan niyang naisambit dahilan para mapalingon sa kanila ang mga taong naroon.

Nginisihan siya ng kapatid.

“Iyon ang sabi ni kuya Dave.”

Hindi pa man siya nakakapag-react ng mag-vibrate ang kanyang cellphone. Seninyasan niya ang kapatid na hindi pa sila tapos nito bago siya lumayo upang sagutin ang telepono.

“Sa wakas gising ka na rin.” Bungad sa kanya ng isa sa kanyang mga kaibigan na kung hindi siya nagkakamali ay boses ni Lantis.

“Anong kalokohan ang pinagsasabi niyo sa kapatid ko?” May inis at panunumbat na balik niya rito.

“Wala akong alam sa sinasabi mo.”

“Sinabi daw sa kanya ni Dave na kami ni Jay!”

“Oh, ano naman ang bago doon? Sanay na ang kapatid mo sa mga biruan natin. She won’t take it seriously.”

“Well she did!” Giit niya.

“Binibiro ka lang niya Maki. Bakit ba parang masyado ka yatang apektado ngayon sa mga gano’ng biro? Hindi ka naman ganyan noon, ah.” Kalmadong wika nito sa kabilang linya.

“Kung sa atin lang, ay ayos lamang sa akin. Pero pati ang kapatid ko? I don’t think maganda iyon. Ano na lamang ang sasabihin ng mga magulang ko kapag umabot iyang kalokohan niyo sa kanila. Pati ang pagkakaibigan namin ni Jay ay mabibigyan ng malisya! Shit!”

“Tulad nga ng sinabi ko. Alam ng kapatid mo na biruan lamang natin iyon. Matagal na siyang sanay. Noon pa mang tinutukso niyo pa kami ni Nico. Masyado ka lang praning. Anyway, I don’t have much time with your sentiments na halata namang dahil lamang sa pagiging defensive mo. Darating ngayong hapon sina Alex at Dave, at may inumang magaganap. Same location at same time. Pumunta ka na lamang doon kung gusto mo talagang kumprontahin kami. We will be ready.” Sabay baba nito ng telepono.

Impit siyang napamura. Sumusobra na talaga ang panunukso ng kanilang mga kaibigan sa kanila ni Jay. It should be stop dahil hindi talaga maganda ang mga nangyayari. At ano ang sinasabi ni Lantis na ang nararamdaman niyang pagkapikon ay dahil lamang sa pagiging defensive niya? Ano ang gusto nitong palabasin? Yes masyado nga siyang apektado pagdating kay Jay pero iyon ay dahil gusto lamang niyang maipakita turuan ito kung papaano patatakbuhin ang buhay nito ng tama. Wala na siyang ibang rason pa.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment