Tuesday, December 25, 2012

The Devil Beside Me (14)

by: Zildjian

Samo’t-saring mga ala-ala pa ang bumalik kay Maki habang minamaneho niya ang daan pauwi sa kanilang bahay. Hindi siya makapaniwala na ang mga magagandang ala-ala nila ni Jay ay pansamantala niyang nakalimutan. Na hinayaan niya ang sariling mawala ang mga ala-ala kung saan nagbago ang kanyang buhay elementary.

“Jay…” Ang pabugang hangin niyang pagsambit sa pangalan ng taong siya ngayong laman hindi lamang ng kanyang isipan kung hindi pati na rin ng kanyang puso.


Pagkatapos niyang balikan ang lahat ng mga ala-ala nila ay parang isang batong tumama sa kanyang ulo ang isang reyalisasyon, at iyon ay ang katotohanan na noon pa man, ang nararamdaman niya dito ay higit pa sa isang kababata o kaibigan. Subalit, itinatanggi iyon ng kanyang isip at isinara nito ang kanilang magagandang ala-ala para mapigilan nito ang kanyang pusong siyang nagsasabi ng kanyang tunay na nararamdaman. Dahil doon, tanging ang mga mali na lamang nito ang kanyang palaging nakikita. Pinaniwala siya ng kanyang isipan na imposibleng magustohan niya ang isang taong taliwas sa kanyang pinaniniwalaan at prinsipyo ang ugali.

“Napakalaki kong gago.” Ang napapa-iling niyang naisatinig. Punong-puno ng panghihinayang at pagsisi ang kanyang nararamdaman. “Ako ang tumulak sa kanya palayo sa akin.”

His friends were right.  Siya ang nagbigay ng limitasyon sa relasyon nila ng kababata. Siya ang nagturo rito na hindi siya nito p’wedeng mahalin dahil wala itong aasahan sa kanya. Ngayon tuloy ay hindi niya maiwasang tanungin ang kanyang sarili kung makakaya pa ba niyang makabawi sa mga taong kanyang sinayang.

“Kakayanin ko to.” Ang determinado niyang naisatining. “Ibabalik ko ang magagandang ala-ala naming dalawa.”

Dumating siya sa bahay nila na buo na ang desisyong ayusin ang mga pagkakamaling nagawa niya. Ngunit agad naman siyang napakunot ng noo nang hindi niya makita ang sasakyan ni Jay sa kanilang garahe.

Agad siyang bumaba ng sasakyan saka tinungo ang loob ng kanilang bahay.

“Mabuti naman at napaaga ka ngayon ng uwi.” Bati sa kanya ng kanyang ina.

Simula ng magkaroon ng gap sa pagitan nila ni Jay, pagdating nila mula sa bukid ng mga ito ay agad naman siyang umaalis para tumambay sa kung saan-saan maka-iwas lamang na makita itong nakikipag-usap sa kanyang karibal at sa katotohanang hindi siya nito kinakausap. Hindi kasi niya matagalan ang lahat at natatakot siya na baka sa muling pagkakataon ay hindi na naman niya ma-kontrol ang kanyang sarili.

“`San si po Jay ma?”

“Nakakapanibago naman `ata na hinahanap mo siya ngayon.”

“Ma ––”

“Hindi ko alam kung ano talaga ang nangyayari sa inyong dalawa ni Jay pero hindi ko nagugustohan ang ginagawa mong pakikipag matigasan sa kanya. Ikaw ang nagdala sa kanya rito Maki, hindi ba’t dapat ikaw ang nagpapakumbaba?” Pagputol nito sa kanya.

“Iyon na nga po ang gagawin ko ma. Kaya nga iya agad ang hinanap ko.” Depensa naman niya sa kanyang sarili. “Asan  ba siya? Bakit wala  ang sasakyan niya sa labas?”

“Isinama ni Ely sa isang birthday party.”

“Birthday party?” Nagtataka niyang naiwika.

“Pansin namin ng kapatid mo kung papaano siya nabuburyo rito sa tuwing aalis ka at iiwan mo siya na nag-iisa sa k’warto niyo. Kaya naman nagdesisyon si Ely na isama siya para makapag-enjoy.” Tugon nito.

“At pinayagan mo  sila?”

Pinagtaasan siya nito ng kilay.

“Hindi preso rito sa bahay si Jay, Maki. Wala akong makitang dahilan para pigilan siyang lumabas.”

“Pero maaga pa po kaming aalis bukas ma. Huling araw  ng pagha-havest kaya hindi kami p’wedeng ma-late.” Pagrarason naman niya rito. “Anong oras po ba sila uuwi?”

Napailing ito na siya namang kanyang ipinagtaka.

“What?” Kunot-noo niyang tanong dito.

“Wala. Gusto ko lang ipa-alala sa ‘yo Maki na may nagmamay-ari na ngayon kay Jay. Kung ano man iyang nararamdaman mo, mabuti pang kalimutan mo na lang. Hindi lamang masisira ang pagkakaibigan niyo niyan kung ipagpapatuloy mo `yan, baka masaktan kapa sa huli.”

Natural nagulat siya. Hindi niya inaasahan ang mga gano’ng salita mula sa bibig ng kanyang ina. Sadya nga yatang totoo ang kasabihan na malakas ang pakiramdam ng mga inang tulad nito.

“Sa nakikita kong hindi niyo pagkikibuan ngayon, masasabi kong tama ako, anak. Iyang damdamin mo sa kanya ang sisira sa pagkakaibigang ilang taon niyong pinag-ingatan.” Pagpapatuloy pa nito.

“Hindi ko bibitawan ang nararamdaman ko sa kanya, ma.” Ang matatag niyang wika. “Inaamin ko, pansamantala ko pong hinayaan na sirain ng nararamdaman ko ang samahan namin pero iba na ngayon. Alam ko na kung ano siya talaga sa akin at iyon ang ipaglalaban ko.”

There’s no point of denying the truth to his mom. Panghahawakan na lamang niya ang sinabi ng kanyang kapatid na tanggap na nito ang posibilidad na p’wede silang magkaroon ng romantikong relasyon ng kanyang kababata.

“Anak ––”

“Buo na ang desisyon ko. At hindi ko po hinihiling sa inyo na suportahan niyo ako dahil alam kung mahirap iyon lalo pa’t pinili ko ang isang buhay na maaring magdala sa inyo ng kahihiyan.” Pagputol niya naman dito.

Mataman itong napatitig sa kanya. Animo’y inaarok nito ang paninindigan niya sa kanyang mga sinabi. Nang makita nito na buo na talaga ang kanyang loob ay nagpakawala ito ng buntong hininga.

“Malaki ang tiwala ko sa’yo, Maki. At naniniwala ako na tama ang ginawa naming pagpapalaki sa inyo kaya hindi ko tututulan ang buhay na pinili mo. Sana lang anak, magtagumpay ka sa gagawin mo dahil hindi ko alam kung kakayanin kong makita kang nasasaktan sa bandang huli.”

Those last touching worlds of his mom moved him. Dama niya kung gaano siya nito kamahal. At ang pagrespeto nito sa kanyang desisyon ay isang napalaking bagay. He is indeed lucky to have her as his mother.

“Salamat sa pag-intindi ma.”

 Hindi mapakali si Maki at kahit anong pilit niyang matulog ay hindi niya magawa. Muli siyang napabaling sa kanyang relo. Pasado ala-una na ng madaling araw at hanggang sa mga oras na iyon ay wala pa ring Jay na dumarating.

Ayon sa kanyang ina, hanggang alas-dose lamang daw ang paalam ng kanyang magaling na kapatid pero heto nga’t pasado ala-una na ay wala pa rin ang mga ito. At ang nagpapagulo pang lalo sa kanyang isipan ay hindi sinasagot ng kanyang kapatid ang kanyang mga tawag. Na pudpud na lang ang kanyang daliri kaka-dial sa number nito ay hindi pa rin siya nito sinasagot.

Napatayo siya mula sa pagkakahiga. Bumababa siya at tinungo ang k’warto ng kanyang ina. Pupungas-pungas siya nitong pinagbuksan.

“Sorry  ulit sa abala, ma, pero hindi niyo  ba talaga alam kung saang birthday party ang pinuntahan nila Ely?”

“Pangatlong katok mo na sa akin, Maki. At kahit ilang beses mo pang bulabugin ang tulog ko, ay pareho pa rin ang isasagot ko sa’yo. Hindi nasabi sa akin ni Ely kung saan sila pupunta.”

“Mag-aalas-dos na kasi. Akala ko ba ay hanggang alas-dose lang ang paalam nila sa inyo?”

Alam niyang nakukulitan na ito sa kanya pero talagang nag-aalala na siya ng husto.

“Baka napasarap sila sa party.”

“Sobra naman  `ata silang nag-enjoy para hindi nila mapansin ang oras. Tsaka, kanina ko pa  tinatawagan si Ely pero ayaw akong sagutin.”

Hindi pa man ito nakakatugon nang marinig nila ang pagpara ng isang sasakyan sa tapat ng kanilang bahay. Sinabayan iyon ng pag-iingay ng mga aso ng kanilang kapit bahay.

“Baka sila na iyan.” Wika ng kanyang ina.

Agad niyang tinungo ang bintana para kumpirmahin kung ang mga ito na nga ba ang nasalabas at nakita nga niya ang kanyang kapatid na bumababa sa sasakyan ng kanyang kababata. Subalit, agad din naman siyang napakunot-noo nang bumaba mula sa driver seat ang hindi pamilyar na lalaki at tunguhin nito ang back door ng sasakyan.

“Sila na ba iyan?” Pangungusyoso ng kanyang ina na sumunod din pala sa kanya para sumilip.

Hindi na siya nakatugon pa rito nang makita niya ang pakay ng lalaki sa back door ng sasakyan. Ang kanyang kababata! Pinagtutulungan itong akayin ng kanyang kapatid at ng lalaki. Dali-dali niyang tinungo ang pintuan at lumabas ng bahay.

“Anong nangyari?” Bungad niya nang pagbuksan niya ang mga ito ng gate. Agad niya ring pinalitan ang kanyang kapatid sa pag-aalalay rito. “Bakit lasing na lasing `to, Ely?”

“Napasubo sa inuman kuya. Sinubukan kong pigilan pero hayon, ayaw paawat kaya heto ang kinalabasan.”

Napabaling siya sa kababata. Pulang-pula ang magkabilang pisngi nito at sumisingaw ang amoy ng ininum nitong alak na kung hindi siya nagkakamali ay alcohol.

“Ano ba ang ininom nito?” Takang tanong niya sa kanyang kapatid.

“Halo-halo po sir.”

Doon lamang niya muling nabigyan ng pansin ang lalaking hindi pamilyar sa kanya.

“Siya ang sinasabi ko sa’yo Jaypee, ang kuya Maki ko. Kuya, Si Jaypee, schoolmate ko. Siya ang nagmagandang loob na ipagmaneho kami kasi hindi na kaya ni Kuya Jay.” Ang pagpapakilala ng kanyang kapatid.

Sa halip na batiin at pasalamatan ang lalaking nagmagandang loob ay muli siyang bumaling sa kanyang kapatid na magkasalubong ang kilay.

“Alam mong mahina at may allergy ang kuya Jay mo sa mga alcohol hindi ba?”

“Pinigilan ko naman ––”

“Mag-uusap tayo mamaya pagkagising mo Ely. Sumobra ka na nga sa oras na ipinagpaalam mo, hinayaan mo pang malango ng ganito ang kuya Jay mo.” Pagputol niya sa gagawin sana nitong pagpapaliwanag saka niya binalingan ang natahimik na lalake. “Tulungan mo akong i-akyat siya sa k’warto namin. Kailangang mapunasan siya agad ng maligamgam na tubig bago pa siya atakehin ng allergy niya.”

Nang makarating sila sa k’warto ay siya na mismo ang naghiga sa walang malay niyang kababata sa kanilang pinagsasaluhang kama. Walang imik na nakatingin lamang ang lalaking nagngangalang Jaypee. Bakas sa mukha nito ang pagkalito marahil ay sa nakikitang ibayong pag-aalala sa kanya.

Ilang saglit pa ay dumating na ang kanyang kapatid bibit ang palangganang may lamang tubig at bimpo na kanyang iniutos kanina. Agad nitong ipinatong iyon sa kanyang study table.

“Nagsisimula na siyang magpantal kuya.” Ani nito nang mapansin ang namumuong pamumula sa kaliwang kamay ng kanyang kababata. “Kailangan ko na siyang mapunasan agad para bumaba ang tama ng alcohol sa kanyang katawan.”

“Ako ang magpupunas sa kanya.” Tugon niya rito.

Binigyan siya nito ng `di makapaniwalang tingin.

“Seryoso ka kuya?”

“Mukha ba akong nagbibiro?” Tila asar naman niyang tugon dito. “Samahan mo na lang ang kaibigan mo sa baba at ipagtimpla mo ng kape habang hinihintay akong matapos sa pagpupunas kay Jay. Ihahatid ko siya bilang pasasalamat sa perwisyong idinulot niyo.”

“Ah… eh…  Ayos lang ho naman ako. May mga tricycle pa naman ho sa may labasan na p’wede kong sakyan.” Ang halatang nag-aalangang wika naman ng lalake. Mukhang isa na naman ito sa mga manliligaw ng kanyang kapatid na nagpapagulat sa kanya.

“Hindi. Ihahatid kita. Hintayin mo na lang ako sa baba.” He insisted.

Sinimangutan siya ng kanyang kapatid saka nito nilapitan ang kaibigan.

“Tara sa baba, hindi tayo nababagay sa k’warto ng isang taong hindi marunong magpasalamat.” Aya nito sa kaibigan.

Hindi na niya pinansin ang pasaring ng kanyang kapatid. Sa halip, muli niyang itinuon ang kanyang atensyon sa kababatan. Nagsisimula nang kumalat ang pantal nito at lumalalim na ang paghinga nito. Nahihirapan na naman itong huminga.

“Tatanggalin ko ang damit mo para mapunasan ko ang katawan mo.” Pagka-usap niya rito.

Umungol ito at iyon ang ginamit niyang senyales na hindi ito tumututol.

Mula sa dulo ng damit nito ay ipinasok niya ang kanyang kamay patungo sa likod ni Jay para maiangat ito at hindi siya mahirapang alisin ang t-shirt nitong suot. Maingat niyang itinaas ang damit nito pero dahil nakahiga ito ay kinakilangan rin niyang bahagyang i-angat ang ulo nito para tuluyan itong mahubaran.  Dahilan para lalong mapalapit ang katawan niya sa katawatan nito. Dama niya tuloy ang init na sumisingaw sa katawan nito dala ng alcohol.

Nang mapagtagumpayan niyang mahubaran ito ng pangitaas at iaayos na sana ulit ang pagkakahiga nito ay muling napaungol si Jay. Subalit, hindi lamang pala pag-ungol ang gagawin nito nang iyakap nito ang magkabilang kamay sa kanya. Tuloy, nawalan siya ng balanse at bumagsak siya sa ibawbaw nito.

Natural nataranta siya at akmang ilalayo na sana niya ang katawan dito nang parang nagdedeliryo itong magsalita.

“Nakakainis ka.” Ang paulit-ulit nitong sabi.

 “Bakit hindi mo ako sinusuyo? Nagbago kana talaga. Hindi na ikaw ang dating nakilala ko. Puro pagkakamali ko na lamang ang pinapansin mo.” Dagdag pa nito.

Natigilan siya. Si’ya ba ang tinutukoy nito?

“Nangako ka sa akin na habang buhay ay mananatili ka sa tabi ko. Bakit ngayon pakiramdam ko ay napakalayo mo na sa akin?”

“Jay…” Iyon na lamang ang kanyang naisambit nang mabatid niyang siya ang tinutukoy nito.

“Madaya ka.  Sinubukan ko namang sundin lahat ng gusto mo para lang hindi mo ko bitawan, ah. Kahit minsan pakiramdam ko ay binabago mo na ako. Bakit ngayon, parang wala ng halaga sa’yo ang lahat ng pinagsamahan natin? Pati ang pagtawag ko sa palayaw na pinili ko para sa’yo ay ayaw mo na rin.”

“Jay…”  Wala siyang makapag salitang sasabihin sapagkat tinamaan siya sa mga narinig niyang kinikimkim nito. Hindi niya alam na may mga gano’n pala itong dinadala.

“Masakit. Napakasakit na maririnig mo sa mismong bibig ng taong gusto mo na wala kang aasahan sa kanya. Na isang napakaimposibleng bagay  na magkagusto siya sa’yo. Matagal kong tinuruan ang sarili ko na tanggapin ang katotohanang iyon at inakala kong tanggap ko na.”

Sa pagkagulat sa narinig mula rito ay napaupo siya ng tuwid. Totoo ba ang lahat ng mga sinabi nito? Nagkagusto ito sa kanya at ang mga pagtanggi niya noon sa tuwing tinutukso sila ng kanilang mga kaibigan ay nagdadala ng pasakit dito?

Napatitig siya ng husto sa nakapikit paring si Jay. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Kung magsasaya ba siya sa kanyang mga narinig o magsisisi sa katotohanang siya ang tunay na may sala kung bakit hindi siya ang taong inibig nito.

Hindi na nakatulog pa si Maki dahil sa mga nangyari. Wala sa sarili siyang nakaupo sa isang tabi ng kanyang k’warto at matamang pinakatitigan si Jay habang mahimbing na natutulog. Kanina pa siya ganito. Kahit noong ihatid niya ang kaibigan ng kanyang kapatid ay lumilipad na ang kanyang isipan. Masyado siyang ginulantang sa mga narinig mula sa kababata.

He can’t imagine how hurtful it was to Jay every time he rejects the possibility that there’s a chance for the two of them.  At harap-harapan pa niya iyong ginagawa rito. Ngayon, pagkatapos niyang marinig lahat ng kinimkim nitong sama ng loob, hindi niya maiwasang pagsisihan ang lahat ng iyon. Hindi lamang ang pagkakaibigan nila ang kinalimutan niya kung hindi sinaktan pa niya ito at pinahirapan. Tuloy, hindi niya maiwasang muling magdalawang isip.

“Dapat ko pa bang ipagpatuloy ito?” Kanina lang ay punong-puno siya ng determinasyon subalit pagkatapos ng mga nangyari, bigla siyang tinakasan ulit niyon. Binalikan rin siya ng takot pero hindi na para sa kanyang nararamdaman kung hindi para sa kanyang kababata na hindi niya na maitatangging kanya na talagang minamahal.

 He’s afraid to hurt Jay. Malinaw na nasaktan na niya ito kahit hindi niya sinasadya iyon and he can’t afford hurting him again. At sa tingin niya, iyon ang mangyayari kapag ipinagpilitan pa niya ang nararamdaman niya. Subalit  nagsusumiksik ang kanyang nararamdaman  para dito at iyon ang lalong nagpapahirap sa kanya ng husto.

Muli niya itong pinakatitigan. Ang mga taong pinagsamahan nila nito. Ang mga masasayang pagkakataon at mga tampuhan nila noon ay nanariwa sa kanya na parang ipina-alala kung papaano nito binago ang kanyang buhay. Kung ititigil niya ang kanyang naumpisahan, will he be able to save their friendship? And if he does, kaya niya bang makita itong masaya sa piling ng iba?

No. Agad niyang naisagot sa nabuong katanungan sa kanyang isipan. In-imagine pa lang niya ay hindi na niya matanggap ano, pa kaya kung nangyayari na iyon?

 Magagawa kong isalba ang meron kami ng hindi ko binibitawan ang nararamdaman ko.

Itutuloy. . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment