Tuesday, December 25, 2012

The Devil Beside Me (02)

by: Zildjian

Matapos niyang maihatid sa bahay at makumbinsi ang kapatid na huwag nitong patulan ang kalokohan ng kanyang mga kaibigan ay dali-dali namang tinungo ni Maki ang lugar kung saan sila madalas nagba-bonding ng kanyang mga kaibigan. Ang lugar na siyang naging saksi kung papaano pinatatag ng panahon ang kanilang pagkakaibigan kahit pa man sa kabila ng pagkakaroon nila ng iba’t-ibang personalidad.

Malinaw pa sa kanyang alaala kung papaano nagsimula ang lahat. Nangyari iyon no’ng nasa 1st year high school pa lamang sila ni Jay. Dahil sa isang activity sa isa nilang subject ay nakilala nila ang tatlo pang tao na ni sa hinagap ay hindi niya inaasahang magiging matalik nilang mga kaibigan.


Nahirapan silang makapag-adjust sa isa’t isa dala ng pagkakaiba ng kanilang mga personalidad. Nabansagan pa nga silang pinaka-weirdong grupo sa kanilang eskwelahan. Hindi naman niya masisi ang mga taong ang tingin sa kanila ay gano’n. Dahil may pagka-weirdo naman talaga ang kanilang samahan. Una ay dahil walang araw na dumaan na walang Lantis at Nicollo na nagbabangayan, Alex na hindi makausap dala ng sobrang pagiging tahimik at hinihilang Jay para lamang mapilit na pumasok at um-attend ng flag ceremony.  Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin niya maiwasang ma-sorpresa kung papaano sila tumagal ng halos anim na taon.

Narating niya ang kanilang tambayan o mas tamang sabihing bahay nilang magkakaibigan. Nabili ito ng pamilya ni Nico at dahil wala namang gumagamit ay iyon ang ginawa nilang tambayan noong high school sila. Dito rin sila unang nakatikim ng alak na ang naging pasimuno ay ang kanyang magaling na kakabatang si Jay. Agad siyang bumaba sa kanyang dalang sasakyan na pinamana na sa kanya ng kanyang ama nang maka-graduate siya ng college.

Hindi pa man siya nakakalapit sa mababang gate ng bahay ay agad na siyang sinalubong ng taong masasabi niyang isang napakalaking sakit ng ulo para sa kanya.

“Maki-Maki! Mabuti naman at dumating ka na!”

“Tigilan mo nga ako sa ganyang pagtawag mo sa akin!” Iritado niyang balik dito. Noong bata pa sila ay may nakasanayan silang tawagan sa bawat isa at iyon ay ang pag-uulit sa mga pangalan nila. Nagkataon kasing pareho silang nabigyan ng maikling pangalan kaya napagkatuwaan nila noon na pahabain ito.

“Bakit naman?” Pa-inosente naman nitong tugon. Ganito ito mangulit at talagang iyon ang pinaka-unang nagpapasakit sa kanyang ulo.

“Dahil hindi na tayo mga bata.” Tila tinatamad naman niyang tugon rito.

“May usapan ba tayo noon na kapag tumanda na tayo ay hindi na natin p’wedeng tawagin ang isa’t isa sa nakasanayan nating tawagan?”

Napapalatak siya. Napakadaldal at napakakulit talaga nitong kaibigan niya. Isama mo pa ang galing nitong makahanap agad ng irarason sa kanya.

“Nariyan na ba sina Dave?” Pag-iiba na lamang niya ng usapan. Siya lang ang masisiraan ng bait kapag pinatulan niya ang kakulitan nito.

“Hulaan mo.” Nakangisi nitong tugon.

Napabuntong-hininga na lamang siya. Kailan kaya magmamature ang kaibigan niyang ito? Mabuti pa ang dalawang parang aso’t pusang si Nico at Lantis, may pagbabago na siyang nakikita simula ng maging magkasintahan ang mga ito.

Walang pasabing iniwan niya ito at tinungo ang pintuan ng bahay. Alam niyang nasa loob na ang magkasintahang Alex at Dave. Ang magpapatotoo niyon ay ang sasakyan ng huli na nakaparada sa kabilang kalsada.

“Mabuti naman at dumating ka na.” Nakangiting bungad sa kanya ng kaibigang si Alex. As usual, nakadikit na naman na parang sticker ang kasintahan nito. Parehong nakaupo ang dalawa sa sofa habang nanunuod ng T.V.

Kung tutuusin ay napakas’werte nila nang hayaan ng mga magulang ni Nico na gawin nilang tambayan ang bahay na iyon. Bukod kasi sa nagkaroon sila ng pribadong tambayan ay kumpleto pa ito sa gamit. Kaya kung isa sa kanila ang gustong tumakas sa mga problema nila ay dito sila nagtatago.

“Sabi ko naman kasi sa inyo na kay Maki-Maki na ang sasakyang dumating, eh.” Singit naman ni Jay na nasa kanyang likuran.

“Talagang memorize mo na ang tunog ng sasakyan ng future boyfriend mo, ah.” Ngingisi-ngising wika naman ni Dave.

Pinukol niya ito ng masamang tingin bilang pagsaway na tinugon lang nito ng nakakagagong ngisi. Paano ba nagustuhan ng kaibigan niya ang isang ito? Oo nga’t kung sa hitsura at pera ay lamang ito, pero walang katumbas naman ang pagiging sira-ulo nito.

“Paupuin niyo muna kaya si Maki-Maki bago niyo asarin. Sige kayo, baka biglang mag-walkout ‘yan.” Pagsali namang wika ni Jay mula sa kanyang likuran.

“Bakit naman siya maaasar?” Ani naman ng kanyang kaibigang si Alex saka siya nito binalingan na animo’y siya ang gusto nitong sumagot sa katanungan nito.

“Dahil walang patutunguhan iyang mga panunukso niyo sa amin.”

“Alam mo naman pala na walang patutunguhan ang mga panunukso namin. Kung ganon, bakit ka nagpapa-apekto?” Biglang sabat naman ng kadarating lang na kaibigan niyang si Lantis. Bitbit ang pusang naging sanhi noon ng palaging pagkikipagbangayan nito sa ngayon ay kasintahan nitong si Nicollo.

Marahil ay narinig nito ang boses ng kasintahan, biglang inuluwa ng nag-iisang k’warto sa bahay na iyon si Nico. Mukhang kanina pa ito naroon at nagkukulong lang sa lungga nito.

“Baby!” Bakas ang galak na pagtawag nito sa kasintahan saka ito mabilisang lumapit at kinuha sa mga bisig nito ang walang kamuwang-muwang na pusa. “Hello Karuchan na miss ko kayo ng Daddy mo.” Dagdag pa nito na ang kinakausap ay ang inosenteng pusa na pinangalanan na ngayong Karuchan na nabuo mula sa mga pangalang ibinigay ng mga ito noon dito.

“Na-miss ka rin namin.” Nakangiti namang wika dito ni Lantis saka nito kinantilan ng halik ang kasintahan.

Napangiwi siya sa nakita. Ito ba talaga ang nagagawa ng pag-ibig sa isang tao? Nagiging posible ang isang bagay na imposible? Dati-rati ay kulang na lang na magpatayan ang dalawang kaibigan niyang ito sa tuwing magku-krus ang mga landas nito. At ano ang nangyari sa batuhan ng maaanghang na salita noon? Bakit ngayon ay napalitan iyon ng walang kasing tamis na lambingan?

“Naiingit si Maki-Maki, oh.” Nang-aasar na wika ni Jay.

“Mukha nga.” Ngingisi-ngisi namang pagsang-ayon ni Alex. Isa pa sa mga tinamaan ng sakit na dala ng mga taong umiibig. Ang dating kumibo’t-hindi nilang kaibigan, walang self-confidence at takot makipag-usap sa ibang tao ay malaki na rin ang ipinagbago simula ng mapaibig ito ni Renzell Dave Nievera.

“Tigilan niyo nga ako!” Ang  asar niyang turan. Ewan ba niya, dati-rati ay siya ang magaling mang-asar sa kanilang lima pero simula nang silang dalawa na lamang ni Jay sa kanilang grupo ang natirang  single, biglang nabaliktad ang sitwasyon niya sa grupo nila.

”Let’s go back to the question.” Ani ni Lantis. “Bakit ka masyadong apektado sa mga panunukso namin Maki? Hindi mo ba naisip na habang nagpapakita ka ng reaksyon sa mga panunukso namin ay lalo lamang kaming ginagahanang tuksuhin ka?”

Nabusalan siya dahil may punto ito. Hindi tuloy siya agad nakapag-isip ng isasagot dito.

“Baka dahil gusto niya talagang tinutukso natin siya.” Ngingisi-ngising wika ni Dave.

Muli niya itong pinukol ng nagbabantang tingin na tinugon lamang nito ng pagkikibit-balikat. Alam niya sa kanyang sarili na hindi niya gusto na sa kanila ni Jay napupunta ang atensyon ng kanilang mga kaibigan ngunit ang hindi niya alam ay kung bakit.

“No, I don’t think iyan ang rason.” Ani naman ni Nico. “Siguro, kaya siya apektado sa mga panunukso natin sa kanila, ay dahil hindi niya maiwasang maisip na posible nga ang ideyang isinisiksik natin. At iyon ang kanyang ikinakatakot.”

“What?” Hindi makapaniwalang naibulalas niya sa kaibigan. “Isang malaking kalokohan iyang pinagsasabi mo!”

“Ows? Sa inyong dalawa ni Jay, ikaw lang itong masyadong apektado sa mga panunukso namin. At dalawang bagay lamang ang nakikita kong rason. Una, ay kasasabi ko pa lang at pangalawa, maybe you have already fallen for Jay ayaw mo lang aminin kaya ganyan ka ngayon maka-react.”

Nagulantang siya sa mga salitang namutawi rito. Bumaling siya kay Jay para humingi rito ng tulong rito sa mga kalokohang lumabas sa bibig ni Nico. Alam nila pareho kung ano at hanggang saan lang ang kaya nilang maibigay sa isa’t isa. At iyon ay pagkakaibigan lamang.

“Tigilan niyo na `yan.”

Napakunot ang kanyang noo. Ito ang kauna-unahang beses na makita niya ang kababata na seryoso ang aura.

“Hindi kami matutulad sa inyo ni Lantis, Nico. Magkaibigan lamang kami. At kahit pa man sabihin niyong isang nakagawiang pagbibiro lamang ang ginagawa niyo, mas makakabuti siguro kong ititigil niyo na iyan.”

“I agree.” Pagsali naman sa usapan ni Alex. “Hindi maganda na tinutukso natin silang dalawa gayong heto’t malapit ng dumating ang future boyfriend ni Jay. Baka makagulo lamang tayo.”

“Oo nga pala. May kinahuhumalingan na pala itong si Jay.” Pagsang-ayon naman dito ng kasintahan nitong si Dave. “It’s poinless na tuksuhin pa natin sila.”

Kita niya kung papaano biglang nagpalit ng aura ang kaninang puno ng kaseryosohang si Jay. Animo’y biglang binawi rito ang nakita niyang natitirang kaseryosohan sa katawan nito nang mapasok sa usapan ang kinahuhumalingan nitong dating team captain ng basketball team nila no’ng high school.

Dahil sa pagpasok sa usapan ng taong sa tingin niya ay ang panibagong magiging kalaro ng kanyang kaibigan ay biglang nakalimutan na ng kanyang mga kaibigan ang kanyang sentimyento. Napag-alaman niya rin na ang Janssen Velasco na iyon ang dahilan kung bakit biglang nakumpleto sila ng kanyang mga kaibigan. Dahil nang malaman ng mga ito mula kay Jay ang nalalapit na pagbabalik nito sa kanilang lugar at ang nagsisimulang magandang relasyon ng mga ito ay biglaang napabalik sa lugar nila si Alex.

Masasabi niyang napukaw talaga ng dating basketball team captain na iyon ang curiousity ng kanyang mga kaibigan. Hindi na kasi natigil ang mga ito sa pagtatanong ng kung anu-ano kay Jay na sa nakikita niyang ekspresyon ng mukha nito ay masasabi niyang tuwang-tuwa itong magk’wento.

Napailing siya. Alam niyang madaldal si Jay at gustong-gusto nito ang magk’wento, ngunit hindi niya lubos akalain na matindi pala talaga ang kadaldalan nito. At ang nakakaasar pa ay ginagatungan pa ito ng kanyang mga kaibigan na siyang lalo lamang nagpapagana ditong magk’wento.

“So, 1st year high school pa lang tayo crush mo na talaga siya gano’n?” Ang halatang nag-i-enjoy sa k’wentong tanong ni Alex.

Tumatangong humagikhik naman ang kanyang magaling na kababata na animo’y kinikilig. Muli tuloy siyang napa-iling at inisang-lagok ang laman ng hawak niyang baso. Ito na siguro ang pinaka-boring na inumang naganap sa kanilang grupo.

“`Di ba ahead sa atin iyon ng isang taon?” Sabat naman ni Lantis. “At bakit hindi ka namin nakitang nakikigulo tuwing may laro sila? Di ba iyon ang behavior ng mga taong may crush sa kanya. Parang mga nasisiraan ng bait kapag nakikita nila si Janssen sa basketball court.”

“ Ano naman ang mapapala niya kung makikigulo siya sa mga praning na babaeng naghahabol sa laos na team captain-cum-MVP na iyon?” Pagsabat niya.

Pinagtaasan siya ng kilay ni Lantis at Alex.

“Insecure.” Narinig niyang pabulong na wika ni Nico. Hindi na lamang niya pinansin iyon.

“Wala lang. Nahihiya kasi ako talaga sa kanya noon. Ni hindi ko nga magawang tumingin sa kanya ng matagal, eh.” Ngingiti-ngiti namang pag-amin ni Jay na sa sobra sigurong pagpapantasya nito sa team captain sa mga oras na iyon ay hindi nito napansin ang kanyang sinabi. Pakiramdam niya tuloy ay hindi siya nag-e-exist sa harap nito ngayon.

“So, paano kayo nagkaroon ng contact?” Ani naman ni Dave. “Nauna siyang grumaduate sa inyo ‘di ba? At sabi mo, hanggang sa magtapos siya ay hindi ka nabigyan ng pagkakataong makausap o pormal na makipagkilala sa kanya.”

Biglang nagningning ang mga mata ng kanyang kaibigan.

“In-add niya ako sa facebook.”

“Hindi ako naniniwala!” Alma niya. “Kilala kita Jay, alam kong may ginawa ka para makuha mo ang pansin niya.”

Nginisihan siya nito. Iyong tipo ng ngising ginagamit nito kapag may kapilyohan itong ginawa. Napalunok siya. Parang biglang nanuyot ang kanyang lalamunan.

“Don’t tell me ––”

 “Ginamit ko ang pagkakaibigan natin para makilala niya ako kahit wala akong gagawing hakbang.” Pagputol nito sa kanya.

“A-Anong ginawa mo? I mean, paano mo ginawa?” Bigla siyang kinabahan.

“Remember Vicky? Iyong babaeng habol ng habol sa ’yo noong 4rd year high school tayo?”

Tumango siya. Naalala nga niya ang babaeng iyon. Iyon ang naging prom queen nila. Maganda ito kung maganda  at balak sana niya itong ligawan noon ngunit bigla siyang na turn-off nang unahan siya nitong manligaw.

“It was all thanks to that woman at nakuha ng grupo natin ang pansin ni Janssen.”

“Teka-teka. Bakit ko naman gugustuhing mapansin ng Janssen na iyon?” Sabat ni Nico. “Sa pagkaka-alam ko, mas marami akong taga-hanga kumpara sa kanya.”

“`Wag ka na lang kumontra baby, makinig ka na lang.” Saway dito ng kasintahan nito. “Sige Jay, ituloy mo ang pagkuk’wento.”

“Ayon nga. Dahil kay Vicky ay nakuha ko ang pansin ni Janssen because she’s Janssen’s first cousin. Ang mama ni Vicky ay bunsong kapatid ng Papa ni Janssen at––”

“Wala akong pakialam sa family tree nila. Ang gusto kong malaman ay kung ano ang ginawa mo –– oh, shit!” Bigla siyang may na-realize. “Ikaw ang may pakana kung bakit bigla-bigla na lamang nagtapat sa akin si Vicky ng pag-ibig!”

Humagikhik ito at alam na niyang iyon ang paraan nito ng pag-amin.

“Tama nga ang kasabihan. Tuso man daw ang matsing naiisahan din.” Nanunudyong sabat ni Nico na sinang-ayunan naman agad ni Dave sa pamamagitan ng pakikipag high- five rito.

“Nice moves Jay.” Ngingiti-ngiting wika ni Alex. “Akala ko si Maki lang ang magaling mag-manipulate ng mga tao. Marunong ka rin pala.”

Gusto niyang sakalin ang kanyang mga kaibigan. Bakit parang tuwang-tuwa pa ang mga ito sa ginawa ni Jay? Hindi ba’t kasalanan ang manggamit ng ibang tao para lamang makuha mo ang gusto mo? What’s wrong with his friends?

“So you convinced Vicky na magtapat kay Maki dahil alam mo ang magiging reaksyon ni Maki sa gagawin niya. At dahil na upset si Vicky nang layuan siya ni Maki, nagsumbong siya sa kanyang pinsan para magpatulong  na maghiganti which happened to be Janssen.”

“Exactly!” Tila proud namang tugon nito.

“At syempre walang taong sasabak sa laban ng hindi handa kaya nag-imbestiga si Janssen patungkol kay Maki at doon ka niya nakilala.” Pagpapatuloy pa ni Lantis.

“Iyon naman talaga dapat ang kalalabasan ng naging plano ko.” Ngingiti-ngiti nitong wika.

“At ang pag-add ni Janssen sa ’yo ay kasama rin sa resulta ng naging plano mo.” Ani naman ni Alex.

“Yep. Ako ang pinaka-close kay Maki, lahat ng tao sa school natin ay alam ang pagiging protective niya sa akin kaya alam kong ako ang una niyang hahanapin para maumpisahan niya ang paghihiganti niya para sa kanyang pinsan. But of course, dahil magaling ako, I changed the course of his plan.”

Hindi na siya nagulat pa sa narinig mula rito. Kilala niya ang kaibigan niyang ito, at kung papaano nito gagawin ang lahat para makuha ang mga bagay na gusto nito.

“Gusto niyo bang malaman kung papaano ko ginawa iyon?” Bakas ang pagka-proud nito sa mukha sa nakamit na tagumpay ng naging plano nito.

“Paano?” Sabay-sabay nilang naibulalas. Ngayon ay talagang tuluyan ng nakuha nito ang kanyang interes lalo pa’t involve siya sa kalokohan nito.

Binalingan siya nito na may kakaibang kinang sa mga mata. Sa muling pagkakataon ay nakadama na naman siya ng kaba. Basta talaga pagdating sa mga kalokohan ni Jay ay kinakahaban siya dahil kilala niya ang kababata, at kung hanggang saan ang p’wede nitong gawin makuha lamang ang mga bagay na gusto nito.

 Yes, Jay is very irresponsible at napakahirap tantiyahin. Pero kung ang bagay na gusto nito ang pinag-uusapan, lumalabas ang galing at talento nito na siya namang pinanghihinayangan niya. Kasi, kung sa ikauunlad lang sana ng family business nito gagamitin ang katalinuhan nito ay nasisiguro niyang mapapalago pa nito iyon.

“Pinalabas kong magkasintahan kami ni Maki.”

“You what?!” Hindi niya mapigilang mapataas ng boses sa sobrang pagkagulantang.

“Ginawa ko lamang iyon para hindi ka mapahamak. Kung sinabi ko sa kanya ang totoong rason kung bakit mo tinanggihan si Vicky ay nasisiguro ko sa ‘yong baldado kang tutungtong ng college.  Interesado talaga ang pamilya nilang ipabugbog ka dahil muntik ng magpakamatay si Vicky sa kabiguan niya sa ’yo. So ang ginawa ko ay sinabi ko sa kanya na naging fair ka lang kay Vicky at ginawa mo lang ang sa tingin mo ay tama.”

 Hindi siya makapaniwala na nagawa iyon sa kanya ni Jay. Kaya pala biglang natigil ang pagpapadala sa kanya ng mga love letters ng kanyang mga admirers ay dahil isang lalaking pumapatol sa kapwa lalaki na pala ang tingin sa kanya ng mga ito. At ang mga panunukso pala sa kanila ni Jay noon ng mga kaklase nila ay may pinaghuhugutan. Damn! How can he be so stupid? Ginamit nito ang pagiging aloof ng kanilang grupo para magawa nito ng maayos ang plano nito na hindi niya mapapansin.

“Nakatulong naman ng husto ang ginawa ko `di ba? Tumigil ang paghahabol sa ’yo ng mga admirers mo. At madaling naka-move on si Vicky sa ’yo.” Wika sa kanya ni Jay.

Yes it may be true. Maari ngang natulungan siya nito kahit papaano pero alam niyang hindi naman iyon ang intensiyon nito. Kung baga, isa lamang siya sa mga nakinabang sa plano nitong makuha ang taong gusto nito.

“Hindi ko maintindihan.” Ang pagsabat naman ni Dave. “Bakit mo pinalabas kay Janssen na may relasyon kayo ni Maki? Hindi ba’t para mo na ring itinaboy siya sa ginawa mo?”

“It was all part of his plan.” Siya na mismo ang sumagot sa katanungan nito. Oo, ngayon ay tuluyan na niyang nakuha ang buong picture ng naging plano nito.

“What do you mean?” Takang-tanong ni Nico.

“Everything he did up to now is all part of his plan. Mula sa biglaang pagde-desisyon niyang magpaka-low profile hanggang sa pagpapalit-palit niya ng boyfriend.”

Kita niya kung papaano maguluhan ang kanyang mga kaibigan maliban kay Jay na nakangiting nakatingin sa kanya.

“Sinadya niya ang lahat. Una ay ang pekeng relasyon namin. Pangalawa ay pinalabas niya na hindi naging successful iyon at na-depress siya.  Ang hindi mga successful na relasyon niya ay dala ng kanyang depression hanggang sa palabasin niya na wala na siyang gana sa buhay at inabandona niya ang lahat. That’s why nagpaka-low profile siya. Everything was just for a show. Pati ang mga nakarelasyon niya ay parte ng plano niya upang makuha ang loob ni Janssen. ”

Nabaling ang mga tingin ng kanyang mga kaibigan kay Jay. Nagtatanong ang mga mata nito at naghihintay ng kumpirmasyon kung totoo nga ba ang mga sinabi niya. Hindi naman nito binigo ang mga ito ng tumango ito bilang pagkumpirma.

“Grabe!” Ang naibulalas ni Dave. “You manipulated everything para sa araw na ito. Sa araw ng pagbabalik niya.”

“So you see? Evething for him is a game to entertain him. Kaya hindi ako naniniwala na naiiba si Janssen sa mga nakarelasyon niya. He doesn’t know how to commit himself. He knows nothing about responsibility. Kaya lamang siya interesado ngayon sa Janssen na iyon ay dahil natsa-challenge pa siya.”

“Maki-Maki naman.”

“Huwag mo akong kausapin! Kung inaakala mong nakalusot ka na sa mga pinaggagawa mo para lamang makuha iyang bagong playmate mo nagkakamali ka. You just crossed the boundary this time Jay, at hindi ko na p’wedeng i-tolerate iyon. You better fix yourself dahil kung hindi, mawawalan ka ng kaibigan.” Iyon lang at walang paalam siyang tumayo at lumabas ng bahay na iyon.

Hindi niya maipaliwanag kung para saan ang nararamdaman niyang matinding inis sa mga oras na iyon. Kung dahil ba nagamit siya ng wala siyang kaalam-alam o kung dahil sa mga pinaggagawang kalokohan ni Jay para lamang sa janssen na iyon.

Itutuloy. . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment