by: Zildjian
“Okey ka lang ba Ken?” Simpleng
katanungan lamang iyon pero hindi ko mabigyan ng kasagutan dahil sa iba’t ibang
pakiramdam na bumabalot sa buo kong katauhan.
Matapos ang deklarasyon na nangyari
kaninang tanghali nang paunlakan ko si Martin sa imbitasyon nito, ay hindi ko
na alam kung anu ang p’wede kong maramdaman o mas tamang sabihing hindi ko na
alam kung ano ba talaga ang nararamdaman ko, o dapat kong maramdaman.
Sa lahat ng mga nakakabigla ay ang
deklarasyon na ‘ata kanina ni Martin ang pinakanakakabigla sa lahat. Hanggang
ngayon ay tumatakbo pa rin sa isip ko ang lahat ng mga sinabi nito na kahit
anong pilit kong iwaksi ay hindi ko magawa. Umaalingawngaw pa rin ang mga
huling salitang binitawan nito.
“Alam kong marami akong naging pagkakamali
sa ‘yo noon, at handa akong itama ang mga pagkakamaling iyon. Alam ko rin na
p’wedeng nagbago na nga ang nararamdaman mo sa akin pero handa akong gawin ang
lahat para maibalik lang iyon. Call me selfish Ken, but no one, nobody can take
away my happiness from me. Again, I’m here to claim you back, by hook or by
crook, come high or low waters.”
“May problema ba Ken?” Untag ulit sa
akin ni Nhad. Doon lang tuluyang naagaw nito ang atensyon ko mula sa malalim na
pag-iisip. Nang maibaling ko ang atensyon ko sa kanya ay nakita ko ang
pagtataka at pag-aalala sa mga mata nito.
“Y-Yeah, okey lang ako.” Agad kong
binawi ang aking composure.
Lalo namang bumakas ang pagtataka sa
mga mata nito. I can’t believe myself. Bakit sobra akong apektado sa mga sinabi
sa akin ni Martin kanina? Hindi ba dapat ay baliwalain ko na lang ang mga iyon.
I have Nhad, siya na lang dapat ang binibigyan ko ng pansin pero heto’t kaharap
ko na siya kung saan-saan pa tumatakbo ang isip ko.
“You don’t seem to look okey to me.”
Kapagkuwan ay wika nito sa seryosong tinig at seryosong mukha. “You look
bothered. May problema ba? Kanina ko pa napapansin na malalim ang iniisip mo.”
“Ayos lang ako Nhad.” May bahid ko ng
pangungumbinsi na sinamahan ko pa ng isang matamis na ngiti. Hindi ko hahayaang
masira ng tuluyan ni Martin ang kung anumang meron sa amin ni Nhad. Hindi ko
siya hahayaang magtagumpay sa kung anumang kalokohang binabalak niya.
“Sure ka?”
“Mukha ba akong hindi sigurado?” May
bahid ng pagbibiro kong sabi.
Sa wakas ay nagawa na rin nitong
ngumiti – ang ngiting gustong-gusto ko sa kanya. Nhad loves me at siya ang
tanging taong nagtiyaga sa akin. Siya rin ang tanging nagturo sa akin kung
papaano ngumiti ulit. Hindi ko hahayaan ang kahit na sinuman na sirain ang
relasyon naming, kahit ang taong dati ko pang minahal. Masaya na ako kay Nhad,
at nakikita ko ring masaya ito sa akin.
“Basta, kung kailangan mo ng kausap
handa pa rin akong making, okey? Alam mo namang ayaw na ayaw kong nakikita kang
nalulungkot. I promised you na pasasayahin kita at iyon ang lagi kong gagawin.”
Naantig ako sa mga sinabi nito. He
never failed to remind and show me how much he loves me. Walang araw na hindi
nito ipinapakita at ipinaparamdam sa akin iyon. Napakas’werte ko na ako pa
talaga ang napili nitong mahalin kaya dapat lang na sa kanya ko na lang ibigay
ang lahat ng atensyon ko.
Isang napakatamis na ngiti ang
isinukli ko sa mga sinabi nito. Siniguro kong sa ngiting iyon maipararamdam ko
sa kanya ang tunay na nararamdaman ko.
“Siyanga pala Nhad, sa Friday imbitado
tayo ni Chelsa.” Ang wika ko ng maalala ko ang imbitasyon ni Chelsa.
“Yeah, natanggap ko ang text niya.
Pinagbantaan pa nga niya ako, eh. Sabi niya hindi niya raw ako mapapatawad
kapag hindi ako sumama.”
Natawa naman ako. Hanggang ngayon
hindi pa rin ito sanay sa mga kalokohan ni Chelsa. At minsan, nabibigla pa rin
ito kapag nagpapakita ng kabaliwan ang isang iyon.
“`Wag mong masayadong bibigyan ng
pansin ang mga pagbabanta niya. Ugali na talaga ng demonyitang iyon ang manakot
ng mga tao sa piligid niya.” Pareho kaming
napahagikhik sa tinuran ko. Ito ang gusting-gusto ko tuwing kasama ko si
Nhad. P`wede kaming makapagk’wentuhan na para bang magkaibigan lang kami. Yung
tipong hindi naming kailangang maging sweet palagi. Kontento na kami na may
napag-uusapan kami kahit pa man madalas ay puro kalokohan lang ang mga iyon.
“Pero kailangan natin siyang
pagbigyan. Malaki rin ang utang na loob ko sa makukulit mong katrabahong iyon.
Kung hindi dahil sa mga panunudyo nila sa’yo hindi mo ako sasagutin.”
“Sinagot kita hindi dahil sa mga
panunudyo nila kung hindi dahil sa effort mo.” Pagtatama ko naman dito.
“At pagiging mabait at gwapo ko rin.”
Dagdag naman nito na muling naging dahilan ng tawanan namin.
“Ang sweet niyo naman.” Biglang nawala
ang nakaguhit na ngiti sa mukha ko ng makita ko ang taong nagsalita. Marahil sa
sa sobrang pagkawili ko sa kulitan namin ni Nhad ay hindi ko napansin ang
paglapit nito.
“M-Matt?”
“Having dinner together? How sweet.”
Hindi ko alam pero may natunugan akong sarcasm sa boses nito, isama mo pa ang
nakakunot nitong mukha habang sa akin nakatingin.
Siguro, tulad ko ay nabigla rin si
Nhad, hindi rin kasi ito nakapagsalita agad.
“Narito ka lang pala. I told you to
wait for me inside my –– oh, kaya pala.” Ang wika ng isang lalaking lumapit din
sa mesa namin. Panandalian lang itong sinulyapan ni Martin at muli ako nitong
hinarap.
“Enjoying your date?”
“Ah..” C’mon Ken, ito na ang
pagkakataon mong ipakita sa kanya na hindi ka apektado sa mga sinabi niya
kanina. “Yeah, very much.” Ipinagpapasalamat ko na lang na nakipag-cooperate
naman sa akin ang boses ko.
Bumaling ito kay Nhad at tinanguan
niya ito marahil ay iyon ang paraan niya ng pagbati. Tinugon naman iyon ni Nhad
ng isa ring tango at nang ibaling nito sa akin ang kanyang atensyon ay
nakaguhit na ang ngiti sa mukha nito pero hindi umabot ang ngiting iyon sa
kanyang mga mata. Halatang pilit lang itong nagpapakapormal.
Tumango-tango ito at binalingan ang
lalaking lumapit din sa amin.
“Pinsan, meet Kenneth, siya ang
sinasabi ko sa iyo. Ken, this is my cousin Claude Samaneigo he owns this
restaurant.”
Pormal na nakipag-kamay sa akin ang
taong nagngangalan palang Claude. Doon ko lang nabigyan ng pansin ang mukha
nito at masasabi kong marami silang pagkakapareho ni Martin, isa na roon ay ang
kanilang Chocolate brown na mata. But unlike Martin, Claude’s eyes were glowing
with happiness habang si Martin ay kahit nakangiti walang kinang ang mga mata
nito. Halatang pilit iyon.
“Finally we’ve met.” Masayang wika
nito. “Pero gusto kong itama ang sinabi ng pinsan ko. I don’t own this humble
restaurant. Isa lamang akong hamak na sugo rito ng magaling kong asawa dahil
busy siya ngayon sa kanyang new found hobby.”
Bumaling ito kay Nhad na mataman lang
na nakamasid.
“Small world huh? Kamusta na Leonard?”
“Magkakilala kayo?” Ang magkasabay na
wika namin ni Martin na punong-puno ng pagtataka. Ang pinsan na mismo nito ang
sumagot sa katanungan namin.
“Pinsan niya ang bestfriend ng asawa
ko.” He said, extending his hand to Nhad.
Kinamayan naman ito ni Nhad na
nakangiti.
“Kuya Claude.”
Muli nitong binigyan ng sulyap si Matt
bago bumaling sa akin na may ngiting punong-puno ng ibig sabihin.
“Masaya ito.” Makahulugan nitong wika
habang hindi pa rin nawawala ang ngiti nito. “Anyway, mukhang naaabala na namin
kayo. Enjoy your dinner na lang. Tara na pinsan marami pa tayong pag-uusapan.”
Saka inakbayan nito si Martin at iginiya papalayo sa amin.
“Small world.” Sa sinabi nito ay
napatingin ako kay Nhad na sinundan pala ng tingin ang magpinsan. “Who would
have thought na ang bestfriend mo at ang lalaking dahilan ng pagiging
heartbroken ng dalawang pinsan ko ay magpinsan.”
“Mapaglaro talaga ang tadhana.”
Pagsang-ayon ko naman pero wala na roon ang isip ko kung hindi na kay Matt at
ang huling tinging ibinigay nito bago tuluyang umalis kanina na kung tama ang
hinala ko ay panghihinayang.
Ipinagpatuloy namin ni Nhad ang dinner
namin. Mabuti na lang at hindi na nito muli pang napansin ang panaka-naka kong
pananahimik. Nang matapos kami, ay nagpaalam muna akong pupunta ng restroom,
nagbabakasakaling sa pamamagitan ng paghihilamos ay mawawala ang lahat ng
bumabagabag sa akin. Kanina lang ay nasabi kong kaya kong baliwalain lahat ng
mga sinabi sa akin ni Martin pero nang makita ko ang panghihinayang sa mga mata
nito kanina, ay hindi ko mapigilang hindi mabagabag.
Alam kong hindi na tama na ibang tao
ang umuukupa sa aking isipan, dahil may Nhad na ako. Ayaw kong paniwalaan ang
lahat hindi dahil sa ayaw ko, kung hindi dahil hindi na dapat. Ayaw kong
makasakit dahil alam ko kung ano ang pakiramdam ng nasasaktan. Sadya nga ‘atang
pinaglalaruan ako ng tadhana, kung kailan ayos na ang lahat ay heto’t may bago
na naman siyang paraan para guluhin ang mundo ko at gawing komplikado ito.
“Hindi ko inaasahan na kilala pala ng
pinsan ko ang Nhad na ‘yon.” Halos mapatalon ako sa sobrang pagkabigla ng
malingunan ko si Martin na nakahalukipkip sa may pintuan ng comfort room ng
naturang restaurant. “But that doesn’t change my plan. Hindi mababago ng
pagkakaibigan nila ni kuya Claude ang plano kong agawin ka sa kanya.”
Dahil sa muli na naman nitong
ipinaalala ang plano nito ay muli na namang uminit ang ulo ko. Tuluyan na akong
nilamon ng inis. Oo naiinis ako dahil pakiramdam ko ay laro lang ang lahat sa
kanya at baliwala sa kanya kung masasaktan niya ako basta makuha lang niya ang
gusto niya.
“Bakit mo ba ginagawa ito?”
“Wala pa akong ginagawa Kenotz.”
Pagtatama nito. Oo nga naman, wala pa siyang ginagawa pero nagulo na niya ang
utak ko. Ano pa kaya kung kumilos na ito. Kaya siguro ganito na lang ang inis
na nararamdaman ko ngayon dahil hindi ko matanggap na sa simpleng pagpapakita
nito sa akin ay magugulo na ang lahat.
“Look Matt, hindi ko alam kung ano ang
plano mo pero hindi na ako natutuwa samga pinaggagagawa mo.”
“I already told you about my plan at
hindi na rin ako natutuwa sa ginagawa mong pakikipaglandian sa Nhad na ‘yon.”
“Landian? Hindi ako nakikipaglandian
kay Nhad, boyfriend ko siya at normal lang sa relasyon namin ang kumain sa
labas. Teka, bakit ba ako nagpapaliwanag sa ‘yo? Ano ba kasi ang gusto mo?
Bumalik ka lang ba rito para guluhin ako?”
“Ikaw ang gusto ko at hindi ako
bumalik para guluhin ka. As I’ve said, I’m here to take back what truly belongs
to me.”
Ngali-ngaling ibinato ko sa kanya ang
panyong ginamit kong pamunas sa mukha ko. How could he act so cool and irritate
me this much, habang ako ay heto’t gusto ng maiyak sa sobrang pagkapikon. Pero
hindi, hindi ko siya hahayaang manalo sa kung anumang trip niya.
“Hindi na kita gusto.” Matatag kong
sabi. “Si Nhad na ang gusto ko at masaya na ako sa kanya.”
Mukha namang tinamaan ito sa sinabi ko
dahil natigilan ito at biglang nangunot ang noo. Pansamantalang nawala ang
pagiging kalmante nito, pero agad rin nitong naibalik sa dating composure ang
sarili at ngumiti ng nakakaloko.
“Not a problem. Kung no’ng wala pa
akong ginagawa ay napaibig na kita. Ano pa kaya kung may gawin na ako di ba?
Besides, alam kong mas sasaya ka sa akin.” Akmang lalabas na ito ng CR nang
tumigil ito at bumaling ulit sa akin.
“Siyanga pala Kenotz, bago ko
makalimutan. This will be the last time na papayagan kong dumikit sa ‘yo ang
lalaking iyon. Good night.” At tuluyan na
itong lumabas ng CR. Naiwan akong napatanga at natulala sa mga sinabi
nito.
Martin
“I can’t believe you misis!
Nakakatampo ka na, akala ko ba tatlong araw ka lang diyan sa Italy para
pag-aralan ang mga luto nila.” Ang narinig kong sentimyento ng pinsan ko.
Marahil ay kausap nito ang asawa sa telepono.
“Eh, sino ba naman kasi ang hindi
magtatampo, iniwan mo ako rito. Kung alam ko lang na magtatagal ka ng halos
isang linggo eh sana pala sumama na lang ako. Nami-miss na kaya kita.”
Hindi ko sukat akalain na ang tigasin
kong pinsan ay mapapalambot ng isang Laurence Cervantes. Tama, isang lalaki ang
inibig nito at piniling maging katuwang sa buhay. Noong biglaang tipunin nito
ang angkan naming, high school pa lang ako n’yon, para sabihin na may taong
nagpapatibok na ng puso nito at iyon ay isang lalaki ay talagang nabigla kami.
Natural, hindi makapaniwala ang mga magulang ko sa piniling taong mahalin nito,
pero wala rin naman silang nagawa dahil sinuportahan iyon ng mga magulang ni
Kuya Claude.
Pero hindi na natuloy ang
pagpapakilala nito sa amin sa taong minahal niya dahil sa isang insidente. May
kumalat na scandal patungkol kay Laurence na naging dahilan ng pag-alis ng
bansa ni Kuya Claude. Ngunit nang bumalik ito ng bansa ay nagkabalikan sila at
ngayon nga ay mag-asawa na.
“Sus! Gusto mo lang ‘atang tumakas sa
akin eh. Hindi mo na ba ako love?”
“Promise? I love you too misis. Umuwi
ka na ha, miss na miss na kasi kita.”
Gusto kong matawa sa ka-kornihan ng
pinsan ko, ngunit hindi ko naman ito masisisi. Alam kong normal lang sa mga
taong tinamaan ni kupido ang maging corny at sa kasamaang-palad, mukhang
mapapabilang na ako sa kanila. Nakakatawang isipin na tulad ng pinsan ko ay
pinili ko na ring magmahal ng kapwa ko lalaki at ang masama pa ay ang taong
minahal ko ay pinapahirapan ako ngayon.
“Kenneth” Ang pangalang dahilan ng
palaging pagbilis ng tibok ng puso ko. No’ng huli kaming mag-usap tatlong araw
na ang nakakaraan ay alam kong kulang na lang ay isumpa ako nito. Masakit mang
aminin pero talaga nga ‘atang nawala na ang pagmamahal nito sa akin. I can’t
blame him, kung sana ay nagawa kong matugunan agad ang nararamdaman nito sa
akin noon, hindi na sana kami aabot sa puntong ito. Pero tulad ng sabi ng
pinsan ko, hindi ko p’wedeng sisihin ang sarili ko. Kenneth was my bestfriend
since college. Nasanay ako na magkaibigan lang kami at noong inamin niya sa
akin ang damdamin niya ay nabigla ako, nalito at nagalit sa sarili ko for
letting him fall for me.
Ayaw kong masira ang pagkakaibigan
namin. Siya lang ang tanging taong umintindi sa akin no’ng mga panahon na may
problema ako sa mga magulang ko. Siya ang naging sandigan at takbuhan ko no’ng
mga panahon na pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Natakot ako, hindi para sa sarili
ko kung hindi para sa kanya na baka masaktan ko lang siya.
But everything’s changed no’ng
dumating si Nhad. Doon gumulo ang tamihik na mundo namin ng bestfriend ko, the
moment na nakita ko sila ni Kenneth na masayang kumakain sa restaurant na
pag-aari ng pinsan ko ay doon tuluyang umusbong ang kakaibang damdamin sa akin.
Nagselos ako, pakiramdam ko ay ginago ako ng mundo. Ikinatakot ko ang lahat, I
was under confusion sa tunay kong nararamdaman kung dahil lang ba sa nasanay
ako na ako lang ang tanging taong nakakapagpasaya kay Ken o dahil may iba na
akong nararamdaman sa kanya. At dahil doon ay nasaktan ko ang taong
pinakaimportante sa buhay ko.
Nakita ko kung papaano gumuhit ang
sakit sa mga mata ni Ken no’ng maabutan niya kaming nagkakasayahan ng mga
katrabaho ko sa apartment, and worst nang makita niya ang babaeng ikinama ko.
When I realized I was jealous seeing Ken happy with another guy hindi ko
maiwasang pagdudahan ang sexual preference ko dahilan para makagawa ako ng
isang bagay na makakasakit sa kanya.
Kinain ako ng guilt, selos at
confusion ko at dahil doon nagdesisyon akong lumayo para maiwasan ko siyang
masaktan, hindi para tuluyang takasan ang problema naming dalawa. Because I
know, I have to weigh things out. Kailangan ko munang malaman kung ano ba
talaga sa akin si Kenneth; a friend or a lover.
Pero mukhang hindi magiging madali ang
lahat, may Nhad na sa buhay nito at base sa mga nakalap kong impormasyon,
mabait na nobyo si Nhad at mahal na mahal nito si Kenneth. Ngunit alam kong may
nararamdaman pa rin sa akin si ken, at iyon ang panghahawakan ko. Nangako ako
bago bumalik na hinding-hindi ako susuko. Na ipaglalaban ko ngayon ang isang
bagay na hindi ko nagawang ipaglabaan noon, at iyon ay ang pagmamahal ko para
sa kanya.
“Oh pinsan, kanina ka pa ba riyan?”
Basag ni Kuya Claude sa akin. Tapos na siguro itong makipaglampungan sa misis
niya.
“Medyo.”
“Masama na naman ang timpla mo ah,
iniwasan ka na naman ba ulit ng irog mo?” Ngingisi-ngisi nitong wika.
Ang huling pag-uusap namin ni Ken ay
no’ng magdinner ito kasama ang Nhad na iyon sa restaurant ng pinsan ko tatlong
araw na ang nakalilipas. At simula noon ay pilit na akong iniiwasan ni Kenneth.
Ni hindi ako nito binibigyan ng pagkakataong makalapit sa kanya.
“Masyado na akong pinapahirapan ng
isang iyon.” Nakasimangot kong wika.
“Ikaw naman kasi, imbes na suyuin mo
ang tao ay pinaiiral mo ang kaangasan mo. Believe me, hindi mo makukuha ulit
ang loob ng isang iyon kung ganyang istilo ang gagamitin mo, been there and
done that, at muntik na akong ipabarang ni Lance noon dahil sa istilong ‘yan. ”
Ako man ay hindi ko maintindihan kung
bakit imbes na suyuin si Ken ay kabaliktaran pa ang ginagawa ko. Hindi ko kasi
maiwasang hindi kabahan kapag kaharap ko ito kaya automatic na umaandar ang
pagiging sira-ulo ko.
Napabuntong-hindinga na lang ako sa
sobrang frustration. Hindi ko alam na ganito pala kahirap manuyo ng lalaking
ubod ng tayog ang depensa. Yeah, alam kong denidepensahan ni Ken ang sarili
niya sa akin marahil dahil ayaw na nitong masaktan ulit, isama mo pa ang Nhad
na iyon na laging nakabuntot sa kanya.
“You’re hopeless.” Kapagkuwan ay wika
ng pinsan ko. “Kailan ka ba kasi matatauhan na wala ka ng babalikan sa Kenneth
na iyon. He already have Nhad, at nakikita kong mahal siya nito. Why can’t you
just be happy for him?”
“I can’t because I love him and I know
he can be much happier with me.”
“Malala ka na nga.” Napapailing na wika nito. “Hindi porket
dahil minahal ka niya noon ay mahal ka pa rin niya hanggang ngayon Martin, your
missed your chance, kaya kung ako sa ‘yo itigil mo na ‘yan dahil nagsasayang ka
lang ng oras.”
“Matatanggap ko pa kung sasabihin mong
baliw na ako, pero hindi ko matatanggap na sasabihin mong wala na akong
pag-asa. Alam kong natutulog lang sa puso ni Ken ang nararamdaman niya sa akin
at gagawin ko ang lahat para muling buhayin iyon.”
“Paano si Nhad? Kaya mo bang sirain
ang relasyon nila para lang sa pansarili mong kaligayahan?”
Napag-isipan ko na rin ang tungkol kay
Nhad, wala akong galit na nararamdaman sa kanya kung hindi selos, sa katunayan
dapat ko pa ngang ipagpasalamat na binantayan niya si Ken no’ng mga panahon na
wala ako.
“Mahal na mahal ko si Kenneth pinsan,
nasisiguro ko iyon nang tatlong buwan ko siyang hindi nakita. Gagawin ko ang
lahat para maibalik ang pagmamahal niya sa akin. Kung kinakailangan kong
lumuhod kay Nhad gagawin ko.”
Napabuntong-hininga ito.
“Mas malala ka pa pala kesa sa akin.”
Itutuloy. . . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment