Tuesday, December 25, 2012

Complicated Cupid (08)

by: Zildjian

Malaki ang naitulong kay Nicollo sa nangyaring pag-uusap nila ng kanyang ina kanina. Kakaibang ngiti ang nakaguhit sa kanyang mukha habang minamaneho ang sasakyan papunta sa bahay ng isa sa mga dahilan ng malaking pagbabago sa buhay niya. Hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa agarang pagtanggap sa kanya ng kanyang butihing ina na para bang nanaginip lamang siya.

Napatingin siya sa gawi ng passenger seat at nang makita ang bagay na naroon ay napangiti siya.

“No, this is not a dream.” He said.


Muling bumalik sa kanyang ala-ala ang gabi kung saan nalaman niya ang katotohanang tuluyang nagpawala ng kanyang pag-aalinlangan. Ang gabi kung saan napag-usapan nila ni Popoy ang tunay na damdamin ni Lantis para sa kanya.

“Alam mo bang may gusto ako kay Lantis?” Ang umaaming pagpapatuloy nito. “Noon, inakala kong masyado lang akong nawiwili sa kanya dahil sa kabaitang ipinapakita niya sa akin pero nang dumating kayo ulit dito nagbago ang lahat ng iyon lalo na nang makita kita. Ang taong gustong-gusto niya sa kabila ng pagiging walang pakialam nito sa kanya.”

Kung nagulat siya sa unang mga salitang binitawan nito ay lalo namang nabulabog ang kanyang dibdib sa mga huling salita nito. Hindi siya makapaniwala sa narinig, dahilan para mapatawa siya ng hilaw.

“Ako, mahal niya? Imposible iyan.” Napapailing niyang wika.

“Nasa sa ’yo iyan kung hindi ka maniniwala sa akin pero totoo ang sinasabi ko. Noon pa man ay mahal ka na ni Lantis at nasisiguro kong hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang mahal niya.” Ang may bahid ng lungkot nitong sabi.

Mataman niya itong tinitigan. Pilit na inaarok kung totoo ba ang lahat ng mga sinasabi nito ngunit wala siyang makitang pagbibiro sa mukha nito, bagkus ay lungkot at matinding selos. Pero hindi siya agad nagpadala.

“Hindi totoo iyan. Papaano ako mamahalin ng taong kasing laki ng mundo ang galit sa akin?” Ang nanunubok niyang tanong rito.

“Hindi sa ’yo galit si Lantis.” Mahinang usal nito. “Galit siya sa sarili niya, dahil kahit ilang taon na ang nakalipas, kahit ayaw na niya, sa ’yo pa rin tumitibok ang puso niya. Alam mo bang halos takbuhin niya papunta rito no’ng bigla kang umalis sa ilog sa sobrang pag-aalala niya para sa’yo?”

Hindi agad siya nakasagot sapagkat nauwi siya sa malalim na pag-iisip.

“Imposible iyang sinasabi mo.” Taliwas sa gustong sabihin ng kanyang puso ang lumabas sa kanyang bibig dahil sa mga oras na iyon nakaroon ng pagtatalo ang kanyang puso at isipan.

Gustong paniwalaan ng kanyang puso na totoo ang lahat ng sinasabi nito at hindi niya maikakailang nakadama siya ng pag-asa na p’wede palang matugunan ang kanyang nararamdaman. Subalit, ang kanyang isip naman ay nagsasabing huwag siyang magpadala.

“Sana nga.” Kapagkuwan ay wika nito. “Sana nga, mali ang nakikita ko sa mga mata niya tuwing tititigan ka niya mula sa malayo. At sana nga mali ang nakikita kong lungkot sa kanya sa mga nagdaang araw simula ng mag-away kayo.”

“Bakit mo sinasabi ito ngayon sa akin Popoy?” Hindi niya maiwasang maitanong dala marahil ng magkahalong pakalito at pagdududa rito. “ Hindi ba’t sabi mo ay gusto mo siya? Kung gano’n bakit mo pa sinasabi sa akin ang lahat ng ito ngayon?”

Sinalubong nito ang kanyang tingin.

“Dahil gusto ko siyang sumaya.”

“Masaya siya sa ‘yo.” May pait niyang tugon dito.

“Mas sasaya siya sa taong mahal niya at ikaw iyon.”

“Nagkakamali ka ‘ ata Popoy.Kasasabi ko lang, imposible niya akong mahalin.”

Natahimik ito na para bang nauwi sa pag-iisip.

“Mahal mo ba siya?” Kapagkuwan ay wika nito.

Hindi niya napaghandaan ang biglaang tanong nito sa kanya. Mataman niyang tinimbang sa kanyang sarili ang kanyang tunay na nararadaman para rito. Binalikan niya ang mga araw kung saan nakakadama siya ng kakaiba sa tuwing makikita niya si Lantis na masaya kasama ito. Ang mga araw na hindi niya na alam kung ano ang gagawin niya makuha lamang ulit ang pansin ni Lantis. Ang patuloy niyang paglapit at pagdikit dito sa kabila ng palagi nilang pagbabangayan. Then all of a sudden biglang nagkaisa ang kanyang puso at isipan.

“Oo.” Matatag niyang sabi. “Mahal ko siya.”

“Kung gano’n bakit hindi mo mapaniwalaan ang lahat ng sinasabi ko?”

“Dahil mahirap.” Pag-amin niya. “Napakahirap para sa akin na paniwalaan ang lahat. Nakita mo naman kung paano namin ituring ang isa’t isa. Daig pa namin ang aso’t pusa tuwing magku-krus ang landas namin.”

Natawa ito ngunit hindi iyon ang tawa ng isang taong masaya.

“Kabaliktaran ng ipinapakita ni Lantis ang tunay na nararamdaman niya. Iyon ang unang napansin ko sa kanya noon pa man. Ayaw niyang ipinapakita ang kanyang totoong damdamin sa iba dahil para sa kanya ay kahinaan iyon. Kung talagang mahal mo si Lantis tulad ng sinasabi mo ngayon, subukan mong bigyan ng panahong tingnan siya hindi lang sa kung ano ang nakikita mo at pinapakita niya.”

Nakadama siya ng hiya sa kanyang sarili sa mga huling salitang binitiwan nito. Siguro dahil totoo iyon, hindi niya binigyan ng kahit katiting na panahon na bigyan ng pansin ang dahilan ng kasungitan at pagiging aburido nito palagi.

“Mahal ko si Lantis ngunit ikaw ang mahal niya, kaya magpapaubaya ako dahil alam kong sa ‘yo siya liligaya. Matagal na siyang naghihintay sa ’yo. Sana ngayon, sa mga sinabi ko, magtagpo na ang mga puso ninyo.”

Sadya talagang mapaglaro si pareng tadhana. Ang taong naging dahilan para magising ang matagal na damdaming natutulog sa kanyang puso ay pareho rin pala ang naramdaman nang makita siya. At ito pa ang kupido na naging tulay para tuluyan niyang matanggap sa kanyang sarili na mahal na nga niya si Lantis. Yes, Popoy was the complicated cupid who's secretly in love with the person that is profoundly in love with someone else.

Nang lumiko siya sa kanto papunta sa apartment kung saan naroon ngayon ang taong kagabi pa niya kinasasabikang makita ay hindi niya maiwasang makaramdam ng kaba dala ng excitement. Muli niyang binalingan ang kumpol ng bulaklak na nakapatong sa kanyang passenger seat na ideya ng kanyang mga kaibigan.

“Tama bang pinaniwalaan ko ang mga ugok na iyon?” Hindi niya maiwasang maisambit. “Bahala na nga. Hindi naman siguro ako pinagti-trip-an lamang ng mga loko-lokong ‘yon.”

Lalong tumindi ang pagrigudon ng kanyang puso ng marating niya ang apartment na tinutuluyan ni Lantis na dahilan kung bakit hindi siya agad nakababa sa kanyang sasakyan.

“Pambihira!” Hindi niya maiwasang maibulalas. “Ngayon pa ba ako dadagain?”

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na aakyat siya ng ligaw at sa isang tao pa na naging hobby na sa buhay ang magsalubong ang kilay sa tuwing makikita siya dahilan para tuluyang mawala ang kumpyansang meron siya kani-kanina lang.

“Hindi pala ito madali tulad ng inaasahan ko.” Naiwika niya sa kanyang sarili habang nakatingin sa nakasarang pintuan ng apartment.

Muli niyang binalingan ang kumpol ng bulaklak at saka inabot iyon.

“Sayang naman ang effort kong bilhin kayo kung hindi ako tutuloy.” Pagkakausap niya sa mga bulaklak saka muling binalingan ang pintuan ng apartment. “Ah, bahala na nga!” Ang parang tangang naibulalas niya saka nagmamadaling bumaba ng kanyang sasakyan bago pa siya tuluyang sapian ng kaduwagan.

Tatlong sunod-sunod na katok ang kanyang pinakawalan nang marating niya ang pintuan ng apartment at halos mabuwal na ang kanyang dibdib sa malakas na pagtibok nito ng pagbuksan siya ni Lantis na nakakunot ang noo.

“Bakit?”

Sabi na nga ba’t magsasalubong ulit ang kilay nito, eh!

“Ah… eh…” Pasimple niyang itinago sa kanyang likod ang hawak na kumpol ng bulaklak na hindi naman nakatakas  rito.

“Ano iyan?” Wika nito na hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon ng mukha.

“Ha? A-Alin?” Maang-maangan niyang sagot.

Shit! Naibulalas niya. Gusto na niyang tumakbo sa mga oras na iyon at ipagpaliban na lang muna ang gagawing panililigaw.

“Iyang nasa likod mo, ano iyan?”

“W-Wala.” Kaila niya na naging dahilan naman para lalong mangunot ang noo nito kaya napilitan siyang ilabas na lamang iyon bago pa ito tuluyang mapikon sa kanya.

“Para kanino iyan?” Ani nito na ang tingin ay nasa hawak niyang kumpol ng bulaklak.

“Ah… Eh..” Ramdam na niya ang pamumuo ng pawis sa kanyang noo.

Muli siya nitong binalingan. Wala na ang pangungunot ng noo nito dahil napalitan na iyon ng pagtataka. Tinatagan na lang niya ang kanyang loob at umamin.

“P-Para sa ‘yo.” Mahina niyang usal at napayuko siya dala ng hiya.

Hinintay niya na may sabihin ito subalit mag-iisang minuto na lang yata ay wala pa siyang naririnig na kahit anuman mula rito. Napilitan tuloy siyang mag-angat ng tingin at sumalubong sa kanya ang nakataas ang kilay na si Lantis.

“What?” Di niya maiwasang maitanong.

“Nagpunta ka lang ba rito para asarin ako, Nicollo?” May pamamaratang na wika nito na siya namang ikinakunot ng noo niya dala ng pagtataka.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Sa pagkakaalam ko, babae lang at mga nasa cementeryo ang binibigyan ng bulalak, Nicollo.” Tila asar nitong tugon sa kanya.

“Hindi iyan ang sabi sa akin nina Maki.” Tugon naman niya rito.

Iniabot niya rito ang kumpol ng bulaklak.

“Nag-effort akong bumili nito, the least you could do is to accept this.”

“Bakit ko tatanggapin iyan? Hindi ko naman hiniling sa ’yo iyan, ah. And why the hell are you giving me flowers? Ano ang akala mo sa akin, babae?” Ang nagsisimula na naman nitong magsupladong wika.

He let go a frustrated sigh. Pambihira talaga ang isang ito. Kahapon lang ay pakiramdam niya okey na sila nang ngitian siya nito at pasalamatan matapos niyang maihatid ito at masabi rito kahit papaano ang kanyang nararamdaman. Tapos ngayon, heto’t nagsisimula na naman itong magpakita ng pagkadisgusto sa kanya.

Napkaahirap mo talagang tantyahing monster ka! Ang gusto niya sanang maiwika kung hindi lang niya napigilan ang sarili. Oo, nakakaramdam na siya ng pagkapikon hindi para rito kung hindi para sa sarili niya dahil nasisiguro niyang nagmumukha na siyang tanga sa mga oras na iyon.

“Bakit ba ang dami mo pang tanong? At sino ang nagsabi sa’yong babae lang ang binibigyan ng bulalak? Sabi nina Maki, lahat ng liniligawan ay binibigyan ng bulaklak.”

Lalong tumaas ang kilay nito saka bumaling ng tingin sa kanyang dalang bulaklak. Then, when Lantis finally turned to him, disbelief was visible on his chocolate brown eyes.

“A-Ano kamo? Liniligawan mo ako?” Hindi mapakapaniwalang wika nito.

“Ayaw mo ba?” Ang parang dismayado naman niyang tugon. Mukhang sa unang beses niyang subok manligaw ay maba-busted siya. Akala pa naman niya totoo ang first timers luck.

Kunot-noong kinuha nito ang bulaklak sa kanyang kamay.

“Pumasok ka, mainit dito sa labas.” Wika nito at nagpatiuna nang pumasok sa loob ng apartment. Iniwan nitong nakabukas ang pintuan para sa kanya.

Naiwan siyang napatulala. Does it mean na sa ginawa nitong pagtanggap sa kanyang mga bulaklak ay tinanggap na rin nito ang kanyang panliligaw?

“Papasok ka ba o tatayo na lang diyan?”

Bigla siyang natauhan nang marinig muli ang boses nito saka sumilay sa kanya ang napakagandang ngiti. Ngiti ng tagumpay.

Habang binabaybay ni Niccollo ang daan papunta sa kanyang coffee shop ay hindi niya maitago ang kakaibang saya na nararamdaman. He spent his whole day with Lantis. Hindi siya makapaniwalang sa halos ilang oras niyang pananatili kasama ito ay naiwasan niyang mapikon or mairita ito sa kanya.

Casual conversation ang namagitan sa kanila matapos niyang aminin dito ang intention niyang panliligaw. In fact, ni hindi nga nila muling napag-usapan iyon pagkapasok niya ng apartment nito. At first, nahirapan siyang magsimula ng usapan dito hanggang sa yayain siya nitong pakainin ang pusang lagi nilang pinag-aawayan noon at doon nagsimula niyang makita ang ibang ugali nito.

Kahit wala itong ibinigay na reaksyon sa kanyang intensiyong ligawan ito ay nakuntento pa rin siya, because he had the chance to get to know the real Lantis. Sa normal na pag-uusap na naganap sa kanilang dalawa ay doon niya paunti-unting nakilala ang totoong ito. Tama si Aling Melissa at si Popoy. Lantis was a nice person and he deserves to be happy, of course with him.

Naks! GUmaganon ka na ngayon! Ang naisambit ng isang bahagi ng kanyang isipan.

Nang marating niya ang coffee shop ay agad siyang sinalubong nga mga kaibigan niya. Natawa pa siya nang makita ang naka-apron na si Jay na may hawak pang mop.

“Anong trip iyan Jay?” Hindi niya maiwasang maitanong na ikinasimangot nito.

“OJT niya dito hanggang sa susunod na buwan.” Nakangising wika naman ni Maki. “At hindi niya p’wedeng gawin ang laging ginagawa niyang pag-absent sa dati niyang kumpanyang pinapasukan.”

“Dati? ‘Wag mong sabihin na itinuloy mo ang pag-resign sa trabaho mo?” Baling niya sa kaibigang sa mga oras na iyon ay masama na ang tingin kay Maki.

“Eh sa tinatamad na ako, eh.”

“Ang sabihin mo tamad ka lang talaga at wala kang plano sa buhay kaya ngayon, pagtiisan mong maging waiter dito.”

“Inaalila mo ako!”

“Bagay lang yan sa ’yo. Hala sige, bumalik ka na sa trabaho mo. Hindi p’wede sa akin ang mga tatamad-tamad.”

Nakasimangot itong tumalikod sa kanilang dalawa.

“Paano mo nagagawang paamuhin ‘yon? Anong pananakot na naman ang ginawa mo?” Natatawa niyang paratang dito. Kilala niya si Maki alam niyang may pinanghahawakan ito para matalian sa leeg ng ganoon ang isa sa kanyang mga kaibigan.

“Masama ang mamaratang, Nicollo. At bakit ako ang ini-interview mo? Hindi ba’t ikaw dapat ang tinatanong ko kung kamusta na ang pakikibaka mo kay Lantis.”

Ngumisi siya rito.

“Sa akin na lang iyon.”

“Aba aba, mukhang maganda ang nangyayari, ah. Kailan daw siya magpapakita sa amin?”

“Later after our dinner together.” Malapad ang ngiti niyang tugon.

 Oo, inanyayahan niya itong lumabas para kumain at laking gulat niya ng walang pag-aalinlangan itong pumayag. Ang akala pa naman niya ay uulanin na naman siya nito ng tanong tulad ng nangyari nang bigyan niya ito ng bulaklak.

“Dinner? Together?” Halos hindi makapaniwalang usal ni Maki. “Don’t tell me gumana ang itinuro namin sa’yo. Akalain mo ‘yon.”

Binigyan niya ito ng nag-aakusang tingin.

“I had a feeling na pinagtripan niyo lang ako sa ideya niyong iyon.”

“Hindi, ah!” Kaila nito kahit bakas na sa mukha nito ang pagpipigil na matawa.

Napailing na lamang siya. Mukha ngang pinagsamantalahan ng mga kaibigan niya ang pagiging baguhan niyang manliligaw.

“Pasalamat ka’t bumenta ang bulaklak na iyon dahil kung nagkataon na hindi, pagbubuhulin ko kayong tatlo. Siyanga pala, asan si Alex?”

“Huwag mo munang hanapin ang isang iyon at hayon kasama ang kanyang irog.”

“Narito na si Renzell Dave?”

“Kagabi pa, no’ng makauwi ka. Pambihira talaga ang isang iyon, kahit ‘ata bagyo hind papapigil iyon makita lang si Alex.”

Napangiti siya. Sadyang malaki nga talaga ang nagagawa ng pag-ibig sa isang tao na kahit ang ilang oras na biyahe ay hindi magiging hadlang makita lamang ang taong pinakamamahal mo. Naiintindihan niya na ngayon iyon sapagkat tulad ni Renzell Dave, umiibig na rin siya ngayon.

“You did manage to change pare.” Kapagkuwan ay seryosong wika ni Maki. “Natutuwa ako para inyo ni Lantis.”

“Dahil iyan sa pakikialam mo.” Nakangiti niyang wika.

“Tumutulong lang ako.” Tugon naman nito.

“Alam ko.”

Inilahad nito ang kamay sa kanya na para bang may hiningi ito.

“Penge pera pambili ng snack kay Jay. Baka sabihin niyon masyado ko siyang inaalipin.” Nakangisi nitong tugon na ikinatawa nilang dalawa.

“Siya ba?” Tanong niya.

“Alin?”

“Siya ba ang dahilan kung bakit hanggang ngayon single ka pa rin?” Ngingisi-ngisi niyang tanong dito.

“Huwag kang ganyan Nicollo, magkaibigan lang kami ni Jay. Kung ako sa ’yo, umuwi ka na at paghandaan ang date mo mamaya ng maging masaya tayong lahat. Hindi iyang kung anu-ano ang pumapasok diyan sa kokote mo.” Tugon nito sa kanya at walang pasabi siyang iniwan.

Tulad nga ng oras na napagkasunduan nila ni Lantis dumating siya sa apartment nito eksakto alas-syete-y-media ng gabi.  He was never this excited before na halos hilahin na niya ang oras para lamang muling masilayan ang taong bumago sa kanya.

Bahagya siyang nagulat nang hindi si Lantis ang nagbukas sa kanya ng pinto. Bagkus isang lalaki iyon na hindi pamilyar sa kanya.

“Sino ka?” Ang naitanong niya rito dala ng pagtataka dahil ang alam niya, si Lantis at Ken lamang ang nangungupahan sa apartment na iyon.

“Matt, sino ‘yan?” Ang narinig niyang boses mula sa loob. Hindi niya na bosesan ang taong nagsalita sapagkat malalim iyon.

“Lalaki boyfie!” Tugon naman nito sa taong nagsalita mula sa loob.

Lalong nangunot ang kanyang noo. Pamilyar sa kanya ang pangalan nito. Binalikan niya sa kanyang isipan kung saan ba niya iyon narinig hanggang sa maalala niya ang dating kasama ni Ken na nangungupahan doon.

“Ikaw si Martin?” Naniniguro niyang tanong.

“Siya nga.” Biglang sabat ni Lantis mula sa likuran nito. Nakabihis na rin ito at mukhang handa ng gumayak.

“Ikaw pala si Nico.” Ang nakangiting wika ni Martin.

Napatango na lang siya rito.

So ito pala ang bestfriend ni Ken. Naiwika niya sa kanyang isipan.

“Martin, pakisabi na lang kay Ken na nauna na ako. Mukhang matatagalan pa siya sa banyo, eh.  At kayo na lang muna ang bahala kay Karupin ko.”

“Matagal talagang maligo ang isang iyon, eh kaya nga pinauna ka na niya. Sige, kami na muna ang bahala sa anak-anakan mo, ingat na lang kayo sa lakad niyo.” Tugon naman nito saka bumaling ito sa kanya at naglahad ng kamay. “Nice to meet you pare.”

Malugod naman niya iyong tinanggap. Mukhang sa wakas ay nagkatuluyan na rin ang dalawa matapos ang ilang buwang pagkawala nito and he’s happy for them lalo na kay Ken na naging kaibigan na rin nila.

Sa isang restaurant niya dinala si Lantis na ang mama pa niya ang nagbigay ng suhestyon. Nang makauwi siya kanina para maligo at makapagpalit ng damit ay agad siya nitong sinalubong at kinumusta ang naging resulta ng panliligaw niya na masaya naman niyang ikinuwento. Nakita niya kung papaano ito natuwa sa kinalabasan ng ginawa niya at sa sobrang tuwa nito pati ang dinner date nila ay ito pa ang pumili ng lugar.

“So, Kailan pa dumating si Ken?” Pagbubukas niya ng usapan matapos niyang maibigay ang mga orders nila sa waiter.

“Kanina lang nang makaalis ka.” Wika nito saka nagpalinga-linga ng tingin na para bang hindi ito komportable sa lugar.

“What’s wrong?” Takang-tanong niya? “Ayaw mo ba rito? P’wede ko pang i-cancel ang mga orders natin kung hindi ka komportable rito.”

“No, naninibago lang siguro ako.”

“What do you mean?”

“T-This is my first time having dinner with a guy at sa isang romantikong restaurant  pa.”

Dahil ang atensyon niya ay nasa kay Lantis hindi niya nagawang mabigyan ng pansin ang kabuuan ng restaurant and when he did, doon niya napagtantong Lantis was right. The place is so romantic mula sa instrumental na musika hanggang sa mga dekarosyon niyon.Halos lahat ng naroon sa mga oras na iyon ay kung hindi mag-asawa ay magkasintahan. Sila lang yata ang parehong lalaking naroon na magkasama sa iisang mesa.

“You’re right.” Kapagkuwan ay wika niya.

“Don’t tell me na ngayon mo lang napansin?” Tila hindi naman makapaniwalang tanong nito.

Napakamot siya sa kanyang batok bilang pag-amin.

“Ikaw kasi.”

“Bakit ako sinisisi mo?”

“Ikaw naman talaga ang may kasalanan kung bakit hindi ko agad nabigyan ng pansin ang lugar. Masyado mo kasing kinuha ang atensyon ko.”

Ang sunod na nangyari ay ang pagtama ng table napkin sa kanyang mukha.

“Umayos ka nga Niccollo.”

Napahigikhik siya. Kita niya kasi ang pamumula ng pisngi nito. Matapos niyang masabi rito ang kanyang intensiyon ay parang naging komportable na siya rito. Biglang nagbago ang tingin niya ngayon kay Lantis, binura ng pag-uusap na nangyari sa kanila kanina ang lahat ng masasamang alaala nilang dalawa sa isa’t isa noon.

“Bakit, masama na bang magsabi ngayon ng totoo?” Ang ngingiti-ngiti niyang sabi.

“Hindi pa ako sanay Nicollo.”

“Saan?” Pa-inosenteng tanong niya.

“Sa lahat ng ito. We never had this kind of moment before kaya mahirap sa akin ang lahat. Hindi ako sanay na nangungulit ka at lalong hindi ako sanay na nagpapa-cute ka.”

“You’re right, we never had this kind of moment before that’s why im doing this. Kasi gusto kong magkaroon tayong dalawa ng pagkakataong magkasama na hindi nag-aaway. I want to have a good memory with you, Lantis. Dahil ayaw ko na sa mga alaala natin noong palagi pa tayong nagbabangayan.” Seryoso niyang wika.

“Kahapon ko pa gustong itanong sa ’yo ito. What made you change this much Nicollo? Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala sa nakikita kong mga pagbabago sa ’yo.”

“You.”  Sinserong pag-amin niya. “Maniwala ka man o hindi, ikaw ang dahilan ng pagbabago kong ito.”

“A-Ako, bakit ako?” Takang tanong naman nito.

“Yes you, and what I feel for you. I’ve changed because I wanted you to be happy with me. I want to be the person na magpapangiti sa ‘yo tulad ni Renzell Dave kay Alex.”

“NIco…”

“Alam kong nahuli ako ng konte Lantis, pero sana naman hindi pa huli ang lahat. Babawi ako pangako, babawiin ko ang ilang taong ipinaghintay mo sa akin.”

“Sinabi rin pala sa’yo ni Popoy ang tungkol doon.” Mahina nitong turan at napayuko.

Inabot niya ang baba nito upang maiangat ang mukha nito saka niya ito binigyan ng ngiti.

“Huwag kang mahiya. Ako nga ang dapat mahiya sa ’yo dahil pinaghintay kita ng napakatagal di ba?” Nang-aalo niyang wika.

Naputol lang ang drama nila nang biglang sumulpot ang waiter dala ang kanilang mga in-order na pagkain. Masaya siya na sa wakas, ay nasabi na rin niya ng diretso ang kanyang tunay na nararamdaman, isama mo pa ang pagpapalitan nila ng ngiti ni Lantis habang kumakain. Kahit wala itong sinasabi alam niya sa mga ngiti nito na nagkakaintindihan na ang mga damdamin nila.

Itutuloy. . . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment