by: Zildjian
“Hindi ko alam na may ganito palang
bar dito.” Ang may pagka-groogy nang wika ko kay Nhad. Dinala ako nito sa isang
bar matapos ang eksena sa apartment kanina. “I’m really not that fond of mixed
drinks before. Mabilis kasi akong patumbahin ng mga hinayupak na ‘to. But this
one is great.” Dagdag wika ko pa rito habang nakaupo kami pareho sa bar
counter.
Kahit halata na sa mukha nito ang
pag-aalala sa akin ay ngumiti pa rin ito. Marahil ay hinahayaan lang nitong
mailabas ko ang sama ng loob ko. Nhad is very observant and sensitive sa mga
taong nasa paligid niya, malamang alam na nitong may mali sa mga ikinikilos ko.
“One of the best kasi ang bartender
nila rito, at dito na rin ang naging tambayan ko kapag gusto kong mag-unwind at
mapag-isa. For some odd reason nakakahanap ako ng katahimikan sa bar na ito.”
Inilibot ko naman ang aking tingin sa
naturang bar. The ambiance is good, walang duda ‘yon. May kalakihan iyon at
halos lahat ng customers na naroon ay mga yuppies. Mga ka-edad namin na mas
pinili ang tahimik at relaxing na bar na iyon.
“You’re right.” Pagsang-ayon ko rito.
“One more piñacolada, please.” Baling ko naman sa bartender na abalang
pinupunasan ang mga shot glass at iba pang mga parapernalya sa bar na iyon.
“Hindi ko akalain na malakas ka palang
uminom Ken.” Wika ni Nhad ngunit hindi naman ako nito pinigilan. “At napapansin
ko rin na medyo nag-iba ang mood mo nang makaalis tayo sa apartment niyo. Galit
ka ba dahil sa ginawang motel ng bestfriend mo ang apartment niyo?”
Dahil sa sinabi nito ay muli ko tuloy
naalala ang nangyari kani-kanina lang sa apartment namin ni Martin. Agad na
nawala ang tama ng alak sa katawan ko nang muli kong maramdaman ang kakaibang
kirot sa puso ko. Alam kong wala akong karapatang magalit sa pagdadala ni
Martin sa mga katrabaho niya roon lalong-lalo na ang ginawang kahalayan nito
dahil wala namang namamagitan sa amin. Ang hindi ko lang matanggap ay ang
ipinakita nitong ugali sa akin kanina na para bang wala kaming pinagsamahan.
Hindi naman sa nagbibilang ako sa mga
naitulong ko sa kanya. Ang sa ‘kin lang ay sana man lang kinunsidera niya ang
pagkakaibigan namin lalo pa’t alam niya ang nararamdaman ko sa kanya. Bakit
kailangan pang harap-harapan niya akong saktan ng gano’n.
“Wala akong karapatang magalit.
Magkahati kami sa upa ng bahay na iyon kaya p’wede niyang gawin ang lahat ng
gusto niya.” Kapag kuwan ay sagot ko naman dito at inisang lagok ang kabibigay
lang na inumin. “Wala bang mas matapang pa rito? Parang hindi naman ako
nalalasing sa inuming ito.” Baling kong muli sa nakamasid na bartender.
Batid kong may gusto pa sanang sabihin
si Nhad ngunit pinili na lang nitong manahimik at binalingan ang waiter.
“Bigyan mo nga kami ng mas malakas na
inumin. Yung tipong sa isang lagukan lang titirik ang mata namin.” Halatang
gusto lang nitong magpatawa at hindi naman ito nabigo dahil ngumiti sa kanya
ang bartender.
Nagsimula ngang maghalo nang inumin
ang bartender. Iba’t ibang uri ng alak ang ginamit nito, mukhang sineryoso nga
niya ang sinabi ni Nhad habang kami naman ay tahimik lang na nakamasid sa
kanya. I wanted to forget everything, gusto kong magsaya tulad ng ginagawa
ngayon ni Martin sa apartment pero kahit anong pagpapakalunod ko sa alak ay
hindi pa rin nawawala ang sakit na dulot ng mga nasaksihan ko kanina.
Gusto kong lumaban dahil pakiramdam ko
ay naaapi ako. Pakiramdam ko ay natapakan ang pagkatao ko sa uri ng pakikitungo
sa akin ni Martin kanina. Gusto kong bumalik doon at magwala pero naisip ko rin
na gagawin ko lang mas kaawa-awa ang sarili ko.
Kung ito ang paraan mo para ipakita sa
akin na wala akong aasahan sa ‘yo `pwes sinusumpa kong hinding-hindi ko na
ipipilit ang nararamdaman ko sa ‘yo. Ang wika ko sa aking isipan. Ramdam ko ang
muling pagsikdo ng galit sa loob ko.
Nang i-serve na sa amin ni Nhad ang
bagong inumin na ginawa ng magaling na bartender ay pareho ang naging reaksyon
ng mukha namin nang matikman iyon.
“Ang tapang nga!” Ang nangungunot pang
sabi ni Nhad. “Hindi ba masusunog ang baga ko sa inumin na ‘to?”
Sa di malamang kadahilanan ay natawa
ako ng bahagya sa naging komento nito at pansamantalang nakalimutan ng puso ko
ang galit. Kakaiba talaga ang kagiliwan nito na talagang nakakahawa.
“Iyan na ang pinakamatapang na inumin
na kaya kong gawin sir.” Ani naman ng bartender. “Wala pang customer na
nakakalampas ng limang shots sa inumin na ‘yan na hindi umuuwing
gumegewang-gewang kaya kung ako ho sa inyo, dahan-dahan lang sa pag-inom at
baka di na kayo makauwi.” Nakangiti pa nitong dagdag.
Doon ko lang napagtuunan ng pansin ang
bartender na iyon. Hindi malayo ang edad nito sa edad namin ni Nhad base sa
hitsura nito and he’s quite good looking too. Makakapal ang kilay nito na
binabagayan ng dalawang pares ng mapupungay na mata.
“Ganun ito katapang?” Ani naman ni
Nhad na sinipat-sipat pa ang hawak na inumin. “Hindi naman siguro kami babawian
ng buhay nito noh?”
Muling napangiti ang bartender.
Halatang enjoy na enjoy ito sa mga patawang kalbo ni Nhad. Sino ba naman ang
hindi matutuwa sa isang ito na maski ako na may dinaramdam sa mga oras na iyon
ay nagawa nitong pangitiin.
“Hindi naman siguro sir.” Pasakay nito
sa biro ni Nhad. “Nagawa pa naman nilang makabalik dito. Ang kaso nga lang
iniwasan na nilang matikman ulit ang Darkest Doom ko.”
“Darkest Doom?” Nagtatakang wika ni
Nhad.
“Iyan po ang ipinangalan ko sa inuming
iyan.” May pagmamalaki nitong sabi. Mukhang proud ito sa nagawang inumin.
“Iyon pala ang pangalan nito?
Nakakatakot naman.” Parang ewan namang sagot ni Nhad. “Narinig mo sinabi niya
Ken? Hinay-hinay lang sa paginom nitong Darkest Doom ni pareng bartender at
baka sa kadiliman tayo nito dalhin.”
Parehong napatingin kami rito ng
bartender. Medyo may ibang dating kasi ang mga huling hirit nitong sinabi.
“What?” Takang tanong naman nito sa
aming dalawa.
Nagbigay ng alanganing ngiti ang
bartender at napailing na para bang nahiya sa kung anumang pumasok na ideya sa
utak nito. Muli nitong binalikan ang mga shot glass na pinupunasan niya habang
ako naman ay natatawang ibinalik ang atensyon sa aking inumin.
“Baka sa kadimilan…” Ang narinig kong
mahinang wika ni Nhad. “Ay! Hindi iyon ang ibig kong sabihin promise!” Wika
nito nang marahil ay mapagtanto ang double meaning na sinabi niya.
Pareho kaming napahagikhik ng
Bartender sa kalokohan ni Nhad. Nang mapatingin ako sa kanya ay sa akin na ito
nakatingin at bakas na naman ang amusement sa mga mata nito.
“Napatawa na ulit kita ng totoo.”
Nakangiting wika nito.
“Yeah, ang adik mo kasing makahirit.”
Tugon ko naman sa kanya na sinabayan ko rin ng isang ngiti.
“Mas maganda kasi kung nakangiti ka
lang. Hindi kasi bagay sa ‘yo ang seryoso masyado.”
“Thanks.” Ang naiwika ko na lang sa
kanya sabay lagok ng ipinagmamalaking inumin ng bartender.
Nagsisisi ako kung bakit ko pa
naisipang hamunin ang magaling na bartender na iyon na bigyan ako nang matapang
na alak. Ramdam ko ang sobrang pagkahilo nang makalimang shot ako ng ginawa
nitong inumin.
“Ayos ka lang ba?” Ang tanong ni Nhad
sa akin. Nakapatong na ang ulo ko sa bar counter at ginawang unan ang mga braso
ko. “Hindi ka naman kasi nakinig sa paalala ni pareng bartender eh.”
“Hayos lang ahko! Hanglakahs pala
nitong Dharkesh Doom. Isha pa nga!” Tugon ko naman rito na sinamahan ko pa ng
pagtaas ko nang isa kong kamay at ikinampay-kampay iyon.
Hindi ko na ito narinig pang nagsalita
hanggang sa maramdaman ko na lang ang pagsuporta nito sa akin para makatayo.
“Hanoba! Mamaya na tayo humuwi.
Mashakit pa ulo ko.”
“Umuwi na tayo Ken, lasing ka na.”
Dala marahil nang sobrang kalasingan
ko ay hindi ko na nagawang makipagtalo pa rito ni hindi ko na nga magawang
maimulat ang mga mata ko sa sobrang pagkahilo.
“Ingat ho kayo sir.” Ang narinig ko
pang wika ng bartender bago kami tuluyang nakalabas ng bar na iyon.
Nang marating namin ang sasakyan nito
ay agad ako nitong iniupo sa passenger seat. Ine-recline nito ang upuan para
siguro maging komportable ako. Kasabay ng pagkabuhay ng makina ng sasakyan ay
ang pagbuga nang malamig na hangin mula sa aircon. Nabawasan ang init na hatid
ng alak sa katawan ko ngunit hindi ko pa rin magawang makatulog sa sobrang
pagkahilo.
“May dala ka bang susi ng apartment
niyo Ken?” Wika ni Nhad.
Sa pagkakabanggit nito sa apartment
namin ay muling bumalik sa akin ang dahilan ng paglalasing ko sa gabing iyon na
kanina ko pa gustong ayaw maalala – ang mga nasaksihan ko sa apartment at ang
ipinakitang pakikitungo ni Martin sa akin.
Bakit kailangan mo akong saktan ng
ganito Matt? Dala marahil ng tama ng alak ay tuluyan ng umapaw ang emosyon ko. Naramdaman ko na lang ang
pagpatak ng luha sa aking mga mata. Mabuti na lang at nakapaling ang ulo ko
paharap sa bintana ng sasakyan.
Ngayon ko lang napagtanto na hindi
pala talaga nagagawa ng alak na tuluyan kang makalimot sa sakit na gusto mong
iwasan. Dahil kong totoo iyon bakit nararamdaman ko pa ang kirot sa puso ko na
ayaw kong maramdaman sa mga oras na iyon?
“Ken?” Tawag ni Nhad sa akin ngunit
hindi ko na ito sinagot pa. Nagkunwari na lang akong tulog at hinayaan ito kung
ano ang balak niya. Masyado nang okupado ang isip at puso ko para magawa ko pa
itong sagutin.
Nagsimulang umandar ang sasakyan at
inisip kong sa aming apartment ako dadalhin ni Nhad. Ayaw ko pa sanang umuwi
doon dahil hindi pa ako handang harapin ulit si Martin o mas tamang sabihin
hindi pa ako handa sa mga p’wede ko ulit abutan sa apartment namin. Hindi ko
naman magawang sabihin iyon kay Nhad at baka maghinala pa ito. Ipinikit ko na
lang ang aking mata at pilit na isinarado ang aking isip hanggang sa makatulog
na rin ako sa wakas.
Nagising ako sa marahang mga tapik at
ang pagtawag ni Nhad sa pangalan ko. Hindi ko alam kung ilang oras na akong
nakakatulog o kung isang oras na ba iyon. Agad kong naramdaman ang pagkirot ng
aking sintido nang maimulat ko ng bahagya ang aking mga mata.
“Aray…” Ang naiwika ko at napahawak sa
aking ulo.
“’Wag ka munang gumalaw para hindi ka
mahilo.” Ani nito na bakas sa boses ang pag-aalala. Napatutok tuloy ako sa
mukha nito. Biglang rumihestro sa utak ko ang imahe ni Martin –ang mga
pag-aalala nito sa akin noong magkasakit ako. Ang mga kakaibang tingin nito sa
akin tuwing magsasalubong ang aming tingin. Marahan kong ipiniling ang aking
ulo para maiwaksi ang lahat ng iyon.
Bakit hindi kita matanggal sa isip ko
Matt. Piping sambit ko sa aking isipan.
“I hope you don’t mind na dito na lang
kita sa bahay dinala Ken. Hindi kasi ako sigurado kung bukas pa ang apartment niyo
baka kasi tulog na rin sa kalasingan ang mga tao doon. Tara sa loob para
makapagpahinga ka na.” Muli ako nitong inalalayang makatayo hinayaan ko naman
ito dahil na rin hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin mawala ang
pagkahilo ko.
Laking pasasalamat ko nang hindi ako
nito iniuwi sa apartment namin kahit pa man medyo nakakahiya rin na sa bahay pa
talaga ako nito mismo dinala. Kinapalan ko na lang ang mukha ko sa mga oras na
iyon, importante pansamantalang makakalayo ako kay Martin.
Dire-diretso kami sa k’warto na nasa
ikalawang palapag ng bahay. Maingat ako nitong inaalalayan para makatayo at
makapaglakad ng tuwid.
“Pasensiya ka na Nhad.” Ang wika ko
nang marating namin ang k’warto nito at maiupo ako nito sa kanyang kama.
“Wala iyon.” Nakangiti naman nitong
tugon. “Gusto mo bang maligo muna para mabawasan ang pagkahilo mo? May sarili
akong banyo dito sa kwarto ko, pahihiramin na lang kita ng pamalit.”
Ikinunsidera ko naman ang alok nito
para mabawasan ang tama ng alak sa akin. Inabutan ako nito ng tuwalya at
pumasok na ako sa banyo. Sa sobrang okupado na ang isip ko sa mga nangyari sa
araw na iyon dahilan para hindi na ako makapag-isip ng kung anu-ano pa. Isa
lang ang alam ko, kailangan ko ng masasandalan ngayon at si Nhad ang taong iyon
dahil bukod sa hindi nito inuungkat ang mga napapansin nitong pagbabago sa akin
ay magaan ang loob ko rito.
Lahat naman siguro ng tao ay
naghahanap ng masasandalan lalo na sa mga oras na wala na silang mahanap na
kakampi. Itinuon ko ang buong atensyon ko kay Martin na bestfriend ko at siya
lang ang nag-iisang taong lagi kong nasasandalan sa tuwing magkakaproblema ako.
Pero ngayon, wala ng Martin, wala na ang bestfriend ko at mag-isa na lang ako.
Habang nakatapat sa dutsa ay hinayaan
kong kumawala ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Sa unang pagkakataon sa
araw na iyon ay hinayaan kong tuluyang umagos ang emosyon sa buo kung katawan.
Kung tutuusin ay matagal ko nang pinaghandaan
ang ganitong pangyayari sa amin noong iniisip ko pa lang na ipagtapat sa kanya
ang nararamdaman ko. Pero sadya nga ‘atang kahit na anong klaseng paghahanda
ang gawin natin ay iba pa rin ang dating kapag nasa sitwasyon ka na. Ayos na
sana eh, tanggap ko ng hindi niya ako magagawang mahalin. Pero hindi,
pinakitaan niya ako ng pag-asa no’ng mga panahon na handa na akong kalimutan
ang lahat, at ako naman si tanga ay pinaniwalaan ang lahat ng ipinakita niyang
pagpapahalaga sa akin at inisip na lahat ng iyon ay totoo.
“Hindi ko dapat sinasaktan ang isang
taong dinamayan ako sa lahat ng bagay. Malaki ang utang na loob ko sa ‘yo Ken.
Hindi ko maatim na saktan ka.”
Those were the words of Martin. Ang
pangako niyang hindi niya nagawang tuparin.
“Akala ko ba hindi mo ako kayang
saktan? Bakit nagawa mo sa akin ito?” Pabulong kong sabi na lalo lang
nagpabigat ng pakiramdam ko. “Hindi na dapat kita minahal at hindi na dapat ako
umasang mamahalin mo rin ako. How can I be that fool and made believe that
everything was real? Ngayon, pati pagkakaibigan natin ay nasira dahil sa lintik
na damdamin kong ito.”
“Ken?” Ang narinig kong pagtawag sa
akin ni Nhad mula sa labas ng pintuan ng banyo. “Ken, ayos ka lang ba diyan?”
Agad kong pinatay ang shower at
iniabot ang nakasabit na tuwalya malapit sa may pintuan.
“Tapos na ako.” Wika ko nang pagbuksan
ko ang pintuan. Halatang nabigla ito pero agad din namang nakabawi at muli ko
na namang nakita ang amusement sa mga mata nito.
“Heto na ang pamalit mo. Hindi ka na
ba nahihilo?” Wika nitong tutok na tutok sa akin. Sa di malamang dahilan hindi
ako naasiwa sa ginawa nitong pagtitig sa akin. Sa uri ng tingin nito sa akin
para itong nakatingin sa pinakamagandang tanawin sa tanang buhay niya.
“Konti na lang. Salamat.” Wika ko na
sinamahan ko pa ng isang ngiti.
“M-Mabuti naman. Sige magbihis ka na
bago ka pa lamigin.” Akmang tatalikod na ito sa akin pero agad ding napatigil
ng marahil ay may maalala itong sasabihin. “Ken, would you mind if I kiss you?”
At walang anu-ano nitong kinabig ang batok ko at nagsalubong ang aming mga
labi. Sa sobrang pagkabigla ay hindi ko na nagawang pumalag. Mabilis lang ang
ginawang paghalik nito sa akin at nang maghiwalay ang aming mga labi ay pareho
ang ekspresyon ng mukha namin – pagkagulat.
“S-Sorry.” At dali-dali itong lumabas
ng kanyang kwarto at naiwan akong tulala pa rin sa mga nangyari.
What was that for? Ang naitanong ko sa
aking sarili.
Nakapagbihis na ako’t lahat-lahat ay
hindi pa rin mawala sa isip ko ang nangyari sa amin ni Nhad. Nabigla ako sa
ginawa nito pero kahit anong gawin ko wala akong makapang galit sa ginawa nito
o marahil ay hindi na kayang i-accommodate pa ng puso ko ang kahit na ano mang
galit sa mga oras na iyon.
I was silently sitting on the edge
side of his bed nang muli itong pumasok sa kanyang k’warto. Halatang
nakapaghimalos at presko na ang dating nito. Nang mapatingin ako sa kanya ay
mabilis itong nagbawi ng tingin na para bang nahihiya ito.
“Nhad ––” “I’m sorry Ken.” Ang
magkasabay naming wika.
Muling namayani ang katahimikan sa
aming dalawa. Hindi ko alam kung ano ang mga tumatakbo sa isipan nito basta
ako, ang laman ng utak ko sa mga oras na iyon ay ang ginawang paghalik nito sa
akin.
“I’m sorry Ken kung nabigla kita
kanina but I’m not sorry na hinalikan kita.” Kapag kuwan ay wika nito.
Sinalubong ako nito ng tingin. Wala
nga akong makitang pagsisisi sa mga mata nito sa ginawa niya pero halata pa rin
ang discomfort sa mukha nito.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa.
Gusto kita Ken and I tend to court you, kung papayagan mo lang ako… No, kahit
hindi mo ako payagan liligawan pa rin kita.”
Mukhang nakahiligan na talaga nitong
manggulat at heto na naman ang pangalawang round ng kanyang mga shocking
behavior.
“Alam kong wala ako sa tamang timing
ngayon na sabihin ang lahat ng ito, but who cares about right timing? Una pa
lang kitang makita doon sa videoke bar ay gusto na kita. Nasa likod mo lang ako
noon at matiyaga kang tinitingnan, and when I got the chance to introduce
myself to you ginawa ko agad. Hindi ako naniniwala noon sa love at first sight
pero nang makita kita nagbago iyon. I like you Ken and I want to keep you and
make you happy.”
Gusto ng sumabog ng utak ko sa mga
narinig sa kanya. Literal akong napanganga sa mga ipinagtapat nito sa akin. Ang
bilis, ito pa nga lang ang pinakamatagal na nagkasama kami, ni hindi pa nga
kami umaabot ng 24 hours gano’n na agad ang mga nasabi niya.
“N-Nhad….” Wala akong maisip na
salitang sasabihin sa kanya.
“Please don’t say no.” Wika nito na
halata sa boses ang pagsusumamo.
“M-Masyado naman ‘atang mabilis Nhad,
ni hindi pa nga natin kilala ang isa’t isa.” I was searching for the right
words to say para tanggihan ito.
“Hindi ko naman sinasabi ang lahat ng
ito sa ‘yo ngayon para sagutin mo ako agad. Sinabi ko lang ang totoong
intensyon ko sa ‘yo, that you may be aware of my feelings. Handa akong
maghintay at suyuin ka, ‘wag mo lang akong tanggihan ngayon. Pinapangako kong
gagawin ko ang lahat para mahalin mo ako.”
Somehow nakita ko ang sarili ko sa
kanya. Gano’n din ang ginawa ko noon at alam kong hindi madali ang magtapat ng
tunay na nararamdaman. Ibinigay ko rin
ang lahat ng pagmamahal ko para lang mahalin ako ng taong pinili ng puso ko at
alam ko kung gaano kasakit ang matanggihan at pagkaitan ng pagkakataong
maipadama ito.
“I-I can’t promise you anything Nhad. Hindi
pa ‘ata ako handa sa ganito.”
Agad na nagliwanag ang mga mata nito,
as if nakakuha siya ng isang positibong sagot.
“You don’t have to promise anything.”
Wika nito na ngayon ay nagniningning na ang mga mata. “Because I will do
everything to make things possible for us.”
Itutuloy. . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment