Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (17)

by: Zildjian

“Gusto mo bang tulungan ka naming magpaliwanag sa kanya?” Wika ng isa sa kanyang mga kaibigan na si Miles.

Dumating ang mga ito sa kanyang pinagtatrabahuan ilang minuto pa lang ang nakalilipas. Ikinuwento niya sa mga ito ang hindi magandang nangyari sa pagitan nila ni Nhad at nag-alok naman ito ng tulong sa kanya. Subalit alam niyang walang maitutulong ang mga ito sa gulo nila ni Nhad ngayon.


“Hindi na.” May bahid ng lungkot niyang tugon rito.

“Kung mahal ka talaga ng taong `yon, maiintindihan niya kung bakit hindi mo agad sinabi sa kanya ang lahat.” Wika naman ni Keith.

Napabuntong-hininga siya. He knew better, nasira niya ang tiwalang ibinigay sa kanya ni Nhad at ngayon dalawang araw na itong hindi nagpapakita sa kanya. Nagsisisi tuloy siya kung bakit hindi niya agad sinabi rito ang kanyang damdamin noon para sa kaibigan.

Sa isang iglap lang, sinira ng isang tawag ang magandang relasyon nila ni Nhad. Oo, tinawagan siya ni Jasper ng umagang iyon at sa kasamaang-palad ay si Nhad ang nakasagot. Hindi niya alam kung ano ang eksaktong mga sinabi rito ni Jasper. Ang nasisiguro lamang niya ay kung papaano nito muling binuhay ang galit kay Nhad.

Masakit para sa kanya ang mga paratang na binitawan nito sa araw na iyon. Sinubukan niyang magpaliwanag pero lalo lamang iyon nagpadagdag sa galit nito. Ayaw nitong maniwala na wala silang relasyon ni Jasper. Nhad thought that he had been betrayed for the second time at hindi naging sapat ang mga paliwanag niya dahil sa muli itong nagbalik sa pagiging sarado ang isipan, galit, at punong-puno ng hinanakit.

“Nasaktan ko siya.” Sinisisi niya ang sarili sa mga nangyari. Kung sana ay agad niyang sinabi rito ang lahat hindi sana sila aabot sa ganito. Pakiramdam niya ay muli lamang niyang ibinalik si Nhad sa kamiserablehan nito.

“Katulad ka rin ni Ken, iiwan mo rin ako sa bandang huli!”

Napapikit siya ng maalala ang mga salitang binitiwan ni Nhad. Kita niya sa mga mata nito ang pinaghalong galit at sakit na talagang dumurog sa kanya. Dahil kahit anong gawin niya, hindi niya nagawang mapaniwala ito na iba siya sa dating kasintahan nito. Na hindi niya ito iiwan dahil mahal na mahal niya ito.

“It was not you who hurt him Andy.” Ang seryosong wika sa kanya ni Miles. “It was his past.”

Miles maybe right, but he still can’t deny the fact na may kasalanan rin siya kung bakit nasira ang relasyon nila ni Nhad. Hindi niya  itong magawang sisihin dahil sa simula pa lang ay alam niya na kung gaano ka-fragile ang kasintahan. Pero imbes na protektahan at iwasan itong masaktan ay hayon, ginawa pa niya ang isang bagay na may kahalintulad sa ginawa ng dating kasintahan nito –ang maglihim patungkol sa kanyang nakaraan.

“Maiba ako. Nakausap mo na ba si Jasper?” Pagsabat naman ni Zandro.

Umiling siya. Wala siyang balak kausapin ngayon ang isa pa nilang kaibigan. Tama na muna sa kanya ang isang pasakit at baka hindi niya kayanin ang lahat. Sa kaibuturan ng kanyang puso ay may nararamdaman siyang galit kay Jasper sa ginawa nito at sa kung anumang sinabi nito kay Nhad.

“Hindi mo siya matatakasan.” Ani naman ni Marx.

Alam niya iyon. Kilala niya si Jasper pero sa abot ng kanyang makakaya ay gusto muna niya itong iwasan. Ayaw niya itong harapin na may galit siyang nararamdaman para rito at baka kung ano pang hindi maganda ang masabi niya.

“I’m sorry Ands.” Kapagkuwan ay wika ni Miles. “Hindi naman mangyayari ang lahat ng ito kung hindi kami masyadong nangialam.”

“Hayaan na lang natin. Wala na tayong magagawa sa bagay na iyan.” May pait niyang tugon rito.

Ilang araw pa ang mabilis na lumipas at sa bawat araw na iyon ay wala siyang ibang iniisip kung hindi si Nhad. Gusto niya sanang puntahan ito at muling subukang kausapin subalit natatakot siya na makita ulit ang galit sa mga mata nito.

Sa mga araw din na nagdaan ay nagawa niyang hindi harapin o kausapin man lang si Jasper. Nagpupunta ito sa bar na pinagtatrabahuan niya at sa kanyang apartment, ngunit hindi niya ito binibigyan ng pagkakataon na makausap siya. Batid niyang nasasaktan niya ito sa kanyang ginagawang pag-iwas pero para sa kanya, mas maganda na iyon kesa salubungin nito ang galit na lalong umuusbong sa kanyang dibdib para rito habang tumatagal na hindi sila nagkaka-usap ni Nhad.

Nasa mall siya sa araw na iyon. Dahil araw ng Linggo at wala siyang trabaho ay doon niya naisipang ubusin ang oras para maiwasan ang makapag-isip ng kung anu-ano na lalo lamang nagpapabigat sa kanyang damdamin at para na rin maibsan ang pangungulila niya kay Nhad.  Ngayon lamang niya napagtanto kung gaano na niya kamahal ito. Kung mabibigyan lamang siya ng muling pagkakataon ay sisiguraduhin niyang ipapakita niya rito kung gaano ito kahalaga sa kanya.

Habang pinagmamasdan ang mga taong masayang naglilibot sa loob ng mall na iyon ay nag-ring ang kanyang cellphone.

“Bakit, Miles?” Ang bungad niya rito.

“Hello rin sa ‘yo.” Sarkastikong tugon naman nito sa kabilang linya. “Asan ka Andrew Miguel?”

“Nasa mall.” Matipid niyang tugon.

“Hindi ka pa rin nagbabago. Diyan ka pa rin tumatakbo kapag masama ang loob mo.”

Kilala na nga talaga siya ng kanyang mga kaibigan. Halos alam na ng mga ito ang kanyang ugali.

“Ano ang atin Miles, bakit ka napatawag?” Pinili niyang ibahin ang paksa.

“Wala naman, sinisigurado ko lang kung buhay ka pa.”

Imbes na maasar ay natawa pa siya sa tinuran nito.

“Huwag kang mag-alala, wala akong balak mag-suicide.”

“Sanabi mo `yan, ha. Anyway, if you need something feel free to text or call us. Nandito lang kami’t abala sa pagtatago kay Jasper. The unwanted sperm is trying to kill us for what we did.” He chuckled.

Walastik talaga ang mga ito. Imbes na matakot ay mukhang nai-enjoy pa ng mga ito ang galit ni Jasper. Sabagay, hindi nga pala normal ang mga kaibigan niya.

“Good luck na lang sa inyo kung gano’n. Sige na, inaabala mo na masyado ang paglilibot ko.”

“Teka, isang tanong na lang. Wala ka pa bang planong kausapin si Jasper, Ands?”

“Hindi pa ako handa.”

“Galit ka sa kanya?”

“Akala ko ba isang tanong lang?”

“Sagutin mo na lang. Galit ka ba sa kanya dahil sa nangyari sa inyo ni Nhad?”

He let go a sigh.

“Oo.” Pagsasabi niya ng totoo.

“Hindi ka dapat nagagalit sa kanya, Ands. Kami ang may kasalanan ng lahat.”

Alam niya iyon. Hindi kasalanan ni Jasper ang mga nangyari pero hindi niya magawang hindi makadama ng galit dito. Siguro dahil hindi maamin sa kanyang sarili na siya talaga ang nagkamali. He should have told Nhad everything about Jasper bago pa man siya nakipagrelasyon dito.

“Kung hindi na talaga siya ang mahal mo harapin mo siya at sabahin mo sa kanya ang totoo. Set the record straight to his face para madali niyang magawan ng paraan kung papaano niya tatanggapin iyon.” Dagdag pang wika nito.

“Madali para sa iyo na sabihin iyan dahil hindi ikaw ang nasa sitwasyon ko.”

“Alam kong hindi madali pero, nakita mo naman ang nangyari di ba? Habang pinatatagal mo ang lahat ay lalo lamang gumugulo.”

“Dahil pinagulo niyo ang sitwasyon para sa akin.” Ang hindi niya na maiwasang panunumbat rito. “Kung sinabi niyo sana agad ang totoo, hindi tayo aabot sa puntong ito.”

“Kung sinabi namin sa ’yo ang totoo, hindi mo malalaman na kaya mo pa rin palang magmahal ng iba.” Maagap nitong tugon.

Hindi siya agad nakapagsalita because what Miles said was true.

“Di ba tama ako Andy? Kung nalaman mo agad ang tungkol sa pag-atras ni Jasper sa kasal, hindi mo na mabibigyan ng pansin si Nhad dahil mauuwi ka na naman sa paninisi mo sa sarili mo. At alam ko na kahit malaman mong hindi natuloy ang kasal ni Jasper, hindi mo pa rin siya babalikan. Wanna know why? Because 3 years of suffering was already enough for you to forget your feelings for him. Matagal mo nang binitiwan ang nararamdaman mo sa kanya Andy. All you need is someone to help you realize that. And that someone is Nhad.”

Again, Miles words hit him and put him into realization. Kaya pala ang bilis niyang nahulog kay Nhad. Because his heart was already free from Jasper.

“Ano ngayon ang gusto mong gawin ko?” Kapagkuwan ay naitanong niya sa kausap na nasa kabilang linya.

“Harapin mo na siya. Once and for all tapusin mo na ang paghihirap niyong dalawa.”

Ilang oras pa ang itinagal ni Andy sa loob ng mall na iyon. Paikot-ikot lamang siya habang pinag-iisipan ng mabuti ang mga sinabi sa kanya ni Miles. Nagtatalo ang kanyang isipan at puso kung ano ba ang dapat gawin at kung may silbi pa ba iyon. He already lost Nhad, at sa totoo lang, unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa na makakaayos pa sila na lalo lamang nagpapahirap sa kanya na makapagdesisyon.

Pauwi na siya. Tuluyan ng nasakop ng dilim ang kalangitan. Ang amoy ng panggabing hangin ay lalo lamang nagpapabigat ng kanyang damdamin. Nang sa wakas ay pumara na ang kanyang sinasakyang jeep ay agad siyang bumaba. May kalayuan pa ang kanyang lalakarin para marating niya ang kanyang apartment.

Ano ba ang dapat kong gawin? Naitanong niya sa kanyang sarili.

Mahirap mang tanggipin pero tama ang kaibigan niya kanina. Habang pinapatagal niya ang lahat ay lalo lamang nagugulo ang sitwasyon niya, where in fact madali lang naman ang dapat niyang gawin iyon ay ang harapin si Jasper at tapusin na ang kung anumang dapat niyang tapusin sa kanila.

Nasa gano’n siyang pagmumuni-muni habang naglalakad nang maaninag niya ang pamilyar na sasakyan na nakaparada sa harap ng kanyang tinutuluyan at ang taong nakasandal sa nakaradong pintuan sa may driver seat nito. Agad na bumilis ang pagpintig ng kanyang puso.

“Nhad?” Ang halos pabulong niya sa hanging naisambit.

Habang papalapit siya ng papalapit ay lalo lamang niyang napagtatanto na hindi nga siya nililinlang ng kanyang mga mata. Marahil ay naramdaman nito ang kanyang presensiya dahil lumingon ito sa gawi niya.

“Saan ka nanggaling at ginabi ka?” Seryosong bungad nito sa kanya.

Hindi siya agad nakapagsalita. Nhad is wearing an all white uniform and he was dashingly handsome on it. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niya itong naka-uniporme.

“Tinatanong kita Andy, saan ka nanggaling?” Untag nito sa kanya.

Doon lamang siya tila natauhan. Agad niyang binawi ang kanyang composure na isa namang pagkakamali dahil nang matauhan siya ay kasabay rin iyon ng pagsipa sa kanya ng katotohanan. The man who now standing dashingly handsome in front of him ay ang taong tinanggihan ang kanyang paliwanag.

“Sa Mall.” Matipid niyang sagot.

“Anong ginawa mo roon, nakipag-date kay Jasper?” Bakas ang pang-uuyam at pait sa boses nito.

Heto na naman ito at ang mga pamamaratang nito sa kanya.

“Nhad…”

“I don’t want to beg again Andy, nagsawa na ako sa pagmamakaawang mahalin ako. Ginawa ko na iyon kay Kenneth and believe me, it hurts like hell nang hindi niya ako mapagbigyan. Kaya ako nandito ay dahil may gusto lang akong itanong sa ’yo. Isang tanong na nangangailangan ng isang totoong sagot.” Kahit kalmado ay bakas naman sa mga mata nito ang tunay nitong naramdaman. He’s hurting inside, kita niya iyon sa mga singkitin nitong mata.

“A-Ano iyon?” Ang nagpipigil niyang mapaluhang wika. Parang pinupunit pira-piraso ang kanyang puso sa nakikita niyang pait at sakit sa mga mata nito.

“Minahal mo ba ako?”

Iyon ang mga salitang tuluyang dumurog sa kanyang puso. Aaminin niyang may reservation ang pagmamahal niya rito simula nang maging sila. Natatakot kasi siyang masaktan at magamit ulit. Pero habang pinuprotektahan niya ang sarili ay wala siyang kamalay-malay na tuluyan na nitong nasakop ang kanyang puso.

“I’ll take that as a no.” Wika nito sa kanya nang hindi siya makatugon. Akmang bubuksan na sana nito ang pintuan ng sasakyan para siguro umalis ng magsalita siya.

“Walang namamagitan sa amin ni Jasper, Nhad. Ikaw ang mahal ko, at ikaw ang gusto ko.”

“Sabihin na nating totoo iyan. Wala kayong relasyon ngayon pero paano bukas o sa makalawa? Tulad ni Ken, once you realize na hindi ako ang mahal mo, iiwan mo lang ako.”

“Ano ba ang gusto mong gawin ko para maniwala ka sa akin Nhad?” He helplessly asked. Wala na siyang alam na ibang dahilan para mapaniwala ito.

“Hindi ko alam. Because as much as I wanted to believe you, hindi na maaalis sa akin ang pangamba ko na iiwan mo pa rin ako sa bandang huli.” Nhad said.

“Bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon.” Desperado na kung desperado pero wala na siyang ibang maisip. “Ipaparamdam ko sa ’yo na ikaw ang mahal ko. Please Nhad, ako na ngayon ang nagmamakaawa sa ’yo, bigyan mo ako ng pagkakataon. Gagawin ko ang lahat.” At doon na niya tuluyang pinakawalan ang mga luhang kanina pa nagbabadyang pumatak. Hindi niya kaya ang mawala ito, dahil ito ang kaligayahan niya. He’s willing to do everything para lamang makuha niya ulit ang tiwala nito.

Kanina pa halos ma-praning si Andy kung ano ang isusuot niya. Hindi siya p’wedeng magmukhang ewan sa party na dadaluhan. Actually, hindi naman siya ang tipong baduy manamit lalo pa’t kahit gaano ka-simple ang kanyang suot ay hindi siya nagmumukhang ewan.

Nasa kasagsagan siya ng paghahalungkat ng kanyang maliit na cabinet nang mag-ring ang kanyang cellphone. Mabilis pa sa alas-kwatro niya itong hinalungkat sa kanyang kama dahil natabunan ito ng mga nagkalat niyang damit na pinagpipilian. Wala na sigurong mas pa-praning pa sa kanya sa mga oras na iyon.

“Hello?” Agad na bungad niya na may nakaguhit na ngiti sa kanyang mukha.

“Ang tagal mo namang sumagot.”

“Sorry naman, natabunan ng mga damit ko itong cellphone ko, eh. On the way ka na ba?” Excited na talaga siyang makita ito kahit pa man mag-aapat na oras pa lang silang naghihiwalay.

“Yep, on the way na ako. Nakapagbihis ka na ba?”

“Ayon nga ang problema ko, hindi ko alam kung anu ang isusuot ko.” May himig ng pagpapa-cute niyang sabi.

He heard him chuckled before he spoke again.

“Anything will do babes. Hindi naman formal party ang pupuntahan natin kaya kahit ano ay p`wede mong isuot.”

Para siyang kiniliti sa singit nang muling marinig ang endearment nito sa kanya.

“Gustong-gusto ko talaga kapag tinatawag mo akong babes, kinikilig ako.” Parang timang niyang wika rito.

Again, he heard him laugh out loud. Halatang wiling-wili ito sa kanyang ka-praningan na siya namang lalong nagpapasaya sa kanya. Nhad gave him his chance with one condition. Bawal siyang makipag-usap o makipagkita man lang kay Jasper na hindi ito kasama. Isang kondisyon na nahirapan siyang sundin dahil wala pa ring tigil si Jasper sa kasusubok na makausap siya.

Ikinatutuwa niya na walang masyadong nagbago sa kanilang relasyon maliban lamang sa paminsanang pagiging mapaghinala nito. Hindi niya ito masisisi, nawala ang tiwala nito sa kanya at iyon ang gusto niyang maibalik kaya ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya. He wanted to secure him with his love.

Ilang minuto pa ay dumating na ito sa kanyang apartment. And again, natulala na naman siya sa kakisigan nito. Ang gwapo nitong tingnan sa suot nitong yellow v-neck t-shirt na  hapit sa katawan nito na pinarisan naman ng itim na pantalon at casual shoes.

Agad siya nitong binigyan ng halik ng salubungin niya ito sa may pintuan ng kanyang apartment.

“Ang g’wapo ng babes ko, ah.” Puri niya rito.

“Sige, bolahin mo pa ako at gusto ko iyan.” Nakangisi naman nitong tugon. “Tara, kanina pa sila naghihintay sa atin.”

“Sure ka ba na ayos lang na sumama ako roon?” Ang biglang tinakasan naman ng confidence niyang naiwika rito.

“Alam nila na kasama kita. Excited na nga silang makilala ka, eh.” Nakangiti naman nitong pag-encourage sa kanya.

“Eh itong suot ko, ayos lang ba?”

Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa bago siya nito muling kinantilan ng halik sa labi.

“You look great and cute as always.” Nakangiti nitong wika.

“Sure ka?”

“Yep!” Saka nito in-on ang makina ng sasakyan.

Ilang minuto lang ang kanilang linakbay at nasa tapat na sila ng isang may kalakihang bahay. Halatang bagong renovate ito. Dito gaganapin ang party na dadaluhan nila ngayon at kailangan pa niyang um-absent mapagbigyan lang ang kasintahan sa hiling nito na sumama siya. Though kahit hindi siya nito inaya ay sasama pa rin siya sapagkat ito ang bagong bahay ng dati nitong kasintahan.

Kaya siya hindi magkanda-ugaga kanina kakahanap ng matinong maisusuot dahil gusto niyang maipagmalaki siya ng kasintahan. At para na rin maipakita sa ex nito na hindi pipitsugin ang bagong boyfriend ng dati nitong ex.

“Let’s go?” Wika nito nang patayin na nito ang makina at sabay silang bumababa ng sasakyan.

Marami na ang tao sa loob. Ayon kay Nhad, regalo raw ang bahay na ito ng mga magulang ni Martin para sa dalawa at ngayon ang araw na lumipat ang mga ito rito mula sa pangungupahan sa isang apartment kaya nagpa-party ang mga ito.

“Sabihin mo nga ulit sa akin ang rason kung bakit tayo nandito at nakiki-party sa ex mo?” Naitanong niya. Hindi kasi niya maiwasang magtaka kung ano ang pumasok sa kokote ng kanyang boyfriend at pumayag itong dumalo sa party ng dati nitong kasintahan.

“Wala naman. Naisip ko lang na it’s about time na makipagkaibigan na ulit ako sa kanila. Wala na akong rason para hindi, masaya na ako sa buhay ko ngayong narito kana. Unless ––.”

“Unless iiwan kita at sumama ako kay Jasper tulad ng ginawa sa ‘yo ni Ken.” Siya na mismo ang nagpatuloy sa walang kamatayan nitong dialogue.

“It’s possible right?”

Heto na naman ito. MInsan talaga ay hindi na niya alam ang gagawin kung papaano niya aalisin ang mga pangamba nito. Nakakasama minsan ng loob sa tuwing pinagdududahan o kinukuwestiyon nito ang kanyang nararamdaman pero wala siyang magagawa kung hindi ang hintaying dumating ang araw na ipagkakatiwala ulit nito sa kanya ang puso niya.

“Tara na sa loob at maki-party na tayo.” Ang naiwika na lamang niya.

Halos hindi magkamayaw ang kaba ni Andy nang tuluyan na silang makapasok sa bagong bahay nina Ken. Agad na nahagip ng kanyang mga mata ang mga pamilyar na tao na minsan na niyang nakita sa hospital.

“Nhad my love!” Wika agad ng mga ito na kung hindi siya nagkakamali ng pagkaka-alala ay Chelsa ang pangalan nito. Agad sila nitong sinalubong at mahigpit na yumakap sa kanyang kasintahan. Natawa pa siya nang amuy-amuyin nito na parang aso si Nhad. Kung hindi pa ito hinahablot  ng isang kasama nito ay hindi pa nito pakakawalan ang kanyang kawawang kasintahan.

“You’re harassing him Chelsa.” Ani ng babaeng humablot dito. “Mabuti naman at dumating na kayo Nhad, kanina pa naghinhintay sa inyo sina Matt at Ken.”

Napakamot naman sa ulo ang kanyang kasintahan.

“Pasensiya na kung na-late kami.”

“Walang pasi-pasensiya. Hindi ako tumatanggap niyon.” It was Kenneth. Mukhang agad sila nitong napansin. Sabagay, sino ba sa loob ng bahay na iyon ang hindi makakapansin sa kanila sa naiibang klase ng pag-welcome ng babaeng si Chelsa.

Bumaling sa kanya si Kenneth na nakangiti. Ngayon niya napatunayan kung bakit halos mabaliw ang kasintahan niya rito. Maaliwalas at maamo ang mukha nito, isama mo pa na maganda rin itong ngumiti.

“Hi, Andy.”

Nagulat siya sa natural na pagtawag nito sa kanyang pangalan. Hindi naman sa ito ang una nilang pagkikita pero hindi pa sila nito pormal na nakakapagkilala.

Itutuloy. . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment