Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (19)

by: Zildjian

“Jasper! Palabasin mo si Andy!” Miles said with a panicked voice. Halos sirain na nito ang pintuan sa lakas ng paghampas nito.

“Hindi namin kayo kailangan dito. Umalis na kayo!” Ang balik namang sigaw ni Jasper dito.

Doon lamang siya tila natauhan at biglang nataranta. Sinubukan niyang kumawala sa pagkakahawak nito sa kanya subalit nang maramdaman nito ang gagawin niya ay lalo lamang nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kanya.


“Hindi ka puwedeng lumabas.” May diin at may awtoridad nitong sabi. “Hindi ka lalabas sa k’wartong ito hanggat hindi mo sinasabing ako pa rin ang mahal mo!”

Natigilan siya at bahagyang napangiwi nang maramdaman ang hatid na sakit sa sobrang higpit ng pagkakahawak nito sa kanya. Wala na sa hitsura nito ang taong minsan niyang pinaglaanan ng lahat. Tuluyan na itong nawala sa tamang huwisyo.

“Palabasin mo siya Jasper! Wala siyang kasalanan sa’yo!” Muling pasigaw na wika ni Miles sa likod ng pintuan.

“At bakit ako makikinig sa inyo? Para hayaan na naman kayong sirain ang pagkakataong makasama ko siya?” Punong-puno ng hinanakit at panunumbat nitong dagdag.

Naiintindihan niya ang galit nito sa mga kaibigan. Bahagya ring lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanya subalit imbes na kumawala rito ay hindi siya gumalaw. Aaminin niya, natatakot siya at malakas ang kaba niya sa p’weding gawin nito lalo pa’t parang wala na ito sa sarili. Pero mas nanaig ang awa niya sa nakikitang malaking pagbabago sa dating minamahal.

“Kung hindi sana kayo nakialam masaya sana kami ngayon. Malaya niya sanang naipararamdam sa akin ang totoo niyang damdamin. Pero anong ginawa ninyo? Inilayo ninyo siya sa akin at hinayaan ninyo siyang mapunta sa iba! Hindi niyo ako binigyan ng pagkakataong maipakita at maipadama ko sa kanya ang pagmamahal ko! Wala kayong mga kwentang tao!” Pagpapatuloy pa nito.

Alam niyang tinamaan ang kanyang mga kaibigan sa sinabi nito dahil natahimik ang mga ito sa likod ng pintuan.  Siya naman ay tinamaan rin sa mga sinabi nito.

“Pinangunahan ninyo ako, tapos sasabihin ninyong ginawa niyo lang ang sa tingin ninyo ay dapat? Karapat-dapat bang husgahan niyo ang kakahayan kong magmahal? Nahuli ako oo, pero wala na ba akong karapatang magbago?”

Batid niya na ngayon kung gaano ito nasaktan sa ginawa ng kanilang mga kaibigan. Nakikita niya iyon sa mga mata nito. Pero alam niyang walang masamang intensiyon ang kanilang mga kaibigan. Nais lamang ng  mga ito na matulungan silang dalawa at ma-protektahan.

“Miles, hayaan niyo na muna kami.”

“A-Ands?” Ang tila hindi makapaniwalang naisambit nito sa likod ng pintuan.

“Hindi niya ako sasaktan, `wag kayong mag-alala sa akin.” Maagap niyang tugon rito habang nakatitig kay Jasper.

“Pero Andy––”

“Hayaan ninyo kaming makapag-usap.” Pagputol niya sa iba pa sanang sasabihin nito. Yes. He already made a decision at iyon ay ang ipaintindi kay Jasper ang lahat. Hindi niya p`wedeng hayaan na lang na tuluyang masira ang pagkakaibigan nila na ilang taon din nilang iningatan.

Ngayon lamang niya naintindihan ang lahat. At ngayon lamang niya nakita ang kanyang malaking pagkakamali. Tinularan niya ang ginawa sa kanya ni Jasper noon nanahimik siya at pinili niyang tumakbo sa problema dahil ayaw niya itong masaktan. Hindi niya naisip na lalo lamang niyang pinahirapan ang kanilang mga sarili. Na lalo lamang niyang pinagulo ang sitwasyon. Miles was right after all. He should have face Jasper and told him the truth noon pa mang malaman niya ang totoo.

“Alright.” Ang narinig niyang napipilitang pagsangayon ni Miles. Alam nitong wala nang ibang paraan kung hindi ang sumunod.

Maingat upang hindi makagawa ng ingay na isinara niya ang pintuan ng kwarto kung saan ngayon mahimbing na natutulog si Jasper. Kanina pa niya alam mula mismo sa hitsura nito na ilang araw na itong hindi nakakaranas ng tulog. Nang tuluyan niya iyong maisara ay doon lamang siya nakahinga ng maluwag ngunit hindi pa rin iyon nakatulong para ma-ibsan ang pinaghalong galit at awa niya sa taong nasa loob.

“I knew it would never be easy.” Patukoy niya sa nangyari sa kanila ni Jasper sa loob ng kwarto nito. At sa muling pagkakataon ay kumawala sa kanyang mata ang isang butil ng luha. “But I never thought that it would be this hard.”

Inaasahan na niya na hindi magiging madali ang ipaintindi sa kaibigan ang katotohanang hindi na ito ang taong mahal niya subalit mas malala pa pala iyon kaysa sa kanyang inaasahan dahil aaminin niyang nasaktan siya ng husto sa nangyari sa kaibigan.

“I made my choice Ands, and that choice was to give up on Ivy and be happy with you. Pero bakit imbes na maging masaya ako ito pa ang sinapit ko? Ito ba ang kabayaran ko sa mga pagkakamali ko sa ’yo noon?”

Napapikit siya nang maalala ang mga katagang iyon mula sa bibig ng dating iniibig. Halos punitin ang kanyang puso ng pira-piraso nang maramdaman niya mismo ang matinding sakit at pighati sa likod ng mga katagang iyon. Hindi siya bato at kahit sinaktan siya ng husto ng taong iyon ay hindi naging sapat na dahilan para hindi siya makadama ng matinding awa para rito.

“Please tell me you still love me Andy. Tell me that what Mile’s and the others told me are all lies. Ako pa rin ang mahal mo ‘di ba? Hindi pa huli ang lahat sa atin.”

Napahigpit ang kanyang pagkakahawak sa seradura na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin niya magawang mabitawan nang bumalik sa kanya ang hitsura nito; pagmamakaawa at pagsusumamo. Hindi niya sukat akalain na makikita niya ito sa gano’ng hitsura. Jasper was strong and confident. College pa lang sila ay gano’n na ang image na itinatak nito sa kanilang mga humahanga rito. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit halos pagkaguluhan ito ng mga kababaihan at kalahi niya. Kaya nga halos mabaliw siya no’ng una niyang matikman ang lalaking pinagkakaguluhan sa campus nila. Pakiramdam niya ay napakasuwerte niya nang natikman niya ito. Iyon siguro ang naging dahilan kung bakit siya sobrang nahulog dito. Kung bakit siya nawalan ng kontrol sa kanyang damdamin.

Subalit hindi niya rin akalain na ang isang bagay na hinihiniling niya simula pa nang makilala niya ito ay mangyayari. Pero imbes na ikatuwa niya iyon ay siya pa ngayon ang magiging dahilan upang muli siyang malugmok sa pag-iisa.

“Matagal akong naghintay sa ’yo at matagal akong umasa na darating ang panahon at mamahalin mo rin ako pero habang ginagawa ko iyon, hindi ko namalayan na unti-unti ko na pa lang napapakawalan ang damdamin ko para sa ’yo.”

“No Ands, please.” Ang lumuluha na nitong sabi bakas sa mukha ang matinding pagmamakaawa.

“I’m sorry Jas, pero si Nhad na ang mahal ko. Siya na ang taong pinapahalagahan ko ngayon. I suffered for too long dahil sa ’yo sana naman ngayon, hayaan mo na akong lumigaya.”

“NO!” Mariin nitong pagtutol. “Hindi totoo `yan! Noon pa man ay ako lang ang mahal mo! Ako lang ang nagmamay-ari sa `yo.”

Ang sumunod na tagpo ay siyang tuluyang sumira sa kanyang natitirang respeto sa sarili. Muling bumalik ang dating silbi ng k`warto ni Jasper – ang maging pugad at saksi sa kanyang pagpapakababa para lamang mahalin ng taong lubos niyang pinangarap noon.

“Ands…” Ang boses na bumasag sa kanyang malalim na pag-iisip.

Nalingunan niya si Miles, nasa likod nito ang tatlo pa nilang kaibigan. Bakas ang pag-aalala sa mga mata ng mga ito.

Isang mapait na ngiti ang kanyang pinakawalan.

“Narinig ninyo?” Ang wala sa sariling naitanong niya sa mga ito.

Lalo lamang bumigat at nanikip ang kanyang kalooban nang makita ang pagtango ng kanyang mga kaibigan at sa muling pagkakataon ay napaluha siya at nakaramdam ng matinding panliliit sa kanyang sarili.

“I should’ve never brought you here.” May pagsisising naisambit ni Miles habang napapailing.

“Too late for regrets. Nangyari na ang nangyari at wala na tayong magagawa pa. Ang mahalaga ay nasabi ko na sa kanya ang totoo.”

“Bakit mo siya hinayaan na gawin iyon sa ’yo?” Ang tila awang-awa na wika ni Marx.

“Dahil kaibigan ko siya.” Pagsasabi niya ng totoo. “At iyon lang ang nakita kong paraan para maibsan ko ang sakit na ako ang may gawa.”

“Pero dahil sa ginawa mo, lalo mo lamang binigyan si Jasper ng rason para hindi ka niya pakawalan, Andy. Lalo lamang niyang guguluhin ang relasyon ninyo ni Nhad.” May pag-aalalang wika sa kanya ni Keith.

“Alam ko.” Matipid niyang sagot.

“Oh no!” Naibulalas ni Zandro. “You’re planning to give up everything just to save him?” Dagdag pa nito na bakas sa mukha ang sobrang pagkagulat nang mabasa ang kanyang nasaisip.

Kilala na nga siya ng kanyang mga kaibigan.

“NO!” Mariing tanggi ni Miles nang hindi siya tumugon. “You suffered enough!”

“And he suffered enough as well. Kung naroon kayo kanina sa loob maiintindihan ninyo ako ngayon. Oo, hindi ko na siya mahal at nasabi ko na iyon sa kanya pero hindi ko siya kayang saktan at hayaang tuluyang masiraan ng bait. He gave up everything for me. Ngayon ko lang siya nakitang nasasaktan ng ganito at ngayon ko lang siya nakitang magmakaawa. I can’t just abandon him.”

“Huwag mong gawin ito, Andy.” May pagsusumamong wika sa kanya ni Miles.

Isang pilit na ngiti ang itinugon niya rito. Siya man ay sobrang nasasaktan sa nabuong desisyon niya dahil batid niya kung ano ang magiging kabayaran niyon. Masasaktan niya si Nhad –ang taong pinangakuan niyang hindi sasaktan kahit na anuman ang mangyari. Ang taong muling nagparamdam sa kanya kung gaano siya ka importante kahit pa man sa likod ng mga kaunting pagbabago nito sa kanilang relasyon ngayon.

“I have no other choice Miles.” Tugon naman niya. “Besides, kahit hindi ko gawin ito, kapag nalaman ni Nhad ang ginawa kong pakikipagkita kay Jasper at ang nangyari ngayon sa amin nasisiguro kong hihiwalayan din niya ako. Hindi niya maiintindihan ang ginawa ko.”

“Tutulungan ka naming magpaliwanag sa kanya basta `wag mo lang gagawin ang binabalak mo.” Ang hindi pa rin sumusukong pagtutol ni Miles sa kanyang plano.

Napangiti siya ng mapait habang umiiling.

“Hindi niya kayo pakikinggan. He Changed.” Pag-amin niya sa mga ito. No point hiding the truth to them.

“What do you mean?” Takang tanong ni Keith.

“Sinira ng nakaraan niya ang kakayahan niyang magtiwala sa tao.” May himig ng lungkot niyang sabi. “At nasisiguro kong sa ginawa ko ngayong pagsira sa aming napagkasunduan lalo lamang iyong lalala.”

Lalo lamang bumakas ang awa sa mga mata ng kanyang mga kaibigan para sa kanya. Ngumiti siya sa mga ito para ipakitang ayos lang siya. Isang ngiting nakalimutan na niyang gawin simula ng makilala niya si Nhad  – ang ngiting nagtatago ng kanyang tunay na saloobin. Walastik talagang magpaasa ang tadhana. Akala pa naman niya ay tuluyan na siyang liligaya sa piling ng taong nagmamahal sa kanya. Patikim lang pala ang lahat.

Nhad

Hindi mawari ni Nhad ang kanyang nararamdaman. Balisa siya na parang kinakabahan sa di malamang dahilan at dahil doon ay muntik na siyang mapagalitan kanina ng doctor sapagkat hindi siya makapag-concentrate sa pag-assist dito.

“What’s wrong with you?” Puna sa kanya ng matalik na kaibigan na si Jonas.

Nakalabas na sa ER ang pasyenteng sinugod doon kani-kanina lang na agad nilang inasikaso na siya ring dahilan kung bakit muntik na siyang mabulyawan ng ina-assist na doctor nang bigla siyang matulala sa kalagitnaan ng kanilang ginagawa.

“I don’t know.” Pag-amin naman niya. “Ni minsan ay hindi pa ako naging ganito ka bothered.”

Tototo iyon. Kahit minsan ay hindi pa siya nakaramdam ng gano’n sa tanang buhay niya. Never in his life na bigla siyang makadama ng matinding kaba na hindi niya maipaliwanag.

“Pare, kailangan mong mag-focus. Hindi tayo p`wedeng basta-basta na lang mawawala sa ating mga sarili sa klase ng trabaho nating `to.”

Hindi na niya nagawa pang tumugon rito dahil hindi pa rin mawala sa kanya ang kakaibang kaba at pagkabalisa na kanyang nararamdaman. He knew something bad is happening at hindi niya p`wedeng maitanggi na isa sa mga taong pinahahalagahan niya ang involve.

“Andy.” Wala sa sarili niyang pagbanggit ng taong lubos niyang pinahahalagahan.

“Anak ka ng tatay at nanay mo! Don’t tell me na kaya ka nawawala sa sarili ngayon ay dahil sa irog mong sa mga oras na ito ay abala sa paggawa ng alak?” Napapalatak na naibulalas ni Jonas.

Binigyan niya ito ng masamang tingin. Mukhang hindi nito sineseryoso ang kanyang pagkabagabag na nararamdaman. Kaya bago pa siya mapikon ng tuluyan dito ay agad niyang kinuha ang kanyang cellphone at mabilis na tinawagan ang kasintahan para masiguro kung nasa maayos itong lagay ngunit lalo lamang tumindi ang kanyang pagkabahala nang hindi nito sagutin ang kanyang tawag.

“Bakit niya hindi sinasagot?” Punong-puno ng pag-aalala niyang naisatinig.

“Tulad natin, nagta-trabaho ngayon si Andy kaya siguro `di niya masagot ang tawag mo.” Tugon naman sa kanya ng kasusulpot lang galing sa kung saan na si Anthony.

“Hindi.” Mariin niyang pagtanggi. “He always answers my calls kahit gaano pa siya kaabala sa trabaho.”

“Naks naman! How sweet!” Nanunuksong wika ng dalawa.

“`Wag niyo akong bibiruin ganitong hindi maganda ang kutob ko at baka kayo ang sumunod na ipasok sa ER!” May pagbabanta niyang wika.

Sabay na napataas ng kamay ang dalawang kaibigan at piniling manahimik. Minsan na niyang pinakita sa mga ito ang kanyang pinakamasamang ugali kaya alam ng mga ito kung kailan dapat tumigil.

Halos paliparin na niya ang kanyang sasakyan. Ilang minuto pa lang ang nakakaraan nang sa wakas ay matapos ang kanyang duty at ngayon nga ay tinatahak na niya ang daan papunta sa bar kung saan nagta-trabaho si Andy. Sobra na talaga ang kanyang pag-aalala, kanina ay sinubukan niya ulit itong tawagan ngunit nakapatay na ang cellphone nito na lalo niyang ikinabahala.

Nang marating niya ang naturang bar ay mabilis niyang ipinarada ang sasakyan at halos patakbong tinungo ang entrance nito.

“Sir!” Bati sa kanya ng isa sa dalawang bouncer. “Ang kisig nating tingnan ngayon, ah.”

Napangiti siya rito. Kilala na rin siya ng mga ito sa halos araw-araw niyang paghatid-sundo sa kasintahan. Ngunit ito ang unang pagkakataon na bababa siya sa kanyang sasakyan na naka-uniporme.

“Busy pa rin ba ang pakay ko rito?” Nakangiti niyang tanong rito.

“Si Andy? Hindi siya pumasok ngayon sir.”

Napakunot ang kanyang noo. Paanong hindi ito pumasok eh napagkasunduan nga nila kanina bago niya ito ihatid sa apartment nito na dadaanan niya ito roon. At hindi ang tipo ng kanyang kasintahan ang um-absent sa trabaho ng walang dahilan.

Baka masama ang pakiramdam niya kaya hindi siya nakapasok. Naisatinig niya sa kanyang isipan. P’wede nga iyon, baka sobra nga niyang napagod ito sa ginawa nila kaninang madaling araw.

“Gano’n ba? Sige, pupuntahan ko na lang sa kanyang apartment at baka masama ang pakiramdam niya kaya hindi siya nakapasok ngayon.” Nakangiti niyang wika rito.

“Sige sir. Ingat na lang sa pagmamaneho.”

Agad nga siyang tumalima at tinahak ang daan papunta sa apartment ni Andy. Nakadama siya ng konsensiya sa kanyang naisip na rason kung bakit hindi ito nakapasok.

“Di bale, babawi na lang ako sa kanya.” Nakangiti niyang wika at lalo pang pinabilis ang takbo ng kanyang sasakyan. Sabik na siyang makita at mahalikan ito.

Narating na niya ang apartment ng kasintahan ngunit halos ilang beses na siyang kumakatok ay wala pa rin siyang marinig na pagtugon mula sa loob. At sa muling pagkakataon ay naramdaman na naman niya ang kakaibang kaba na kani-kanina lang ay bumagabag sa kanya ng husto. Muli niyang sinubukan ang kumatok at sinadya niyang bahagyang lakasan iyon.

“Wala siya riyan.”

Napalingon si Nhad sa taong nagsalita at bumulaga sa kanya ang isa sa mga kaibigan ng kanyang kasintahan, si Miles. Napakunot-noo siya rito at naroon na naman ang pakiramdam sa kanya na may hindi magandang mangyayari.

“Asan siya?” Seryoso niyang pagtatanong.

Lalo siyang naguluhan nang hindi agad ito nakasagot at kung papaano biglang naging seryoso ang mukha nito. Sa totoo lang, ayaw niya sa mga kaibigan ni Andy dahil nawalan na siya ng tiwala sa mga ito nang malaman niya ang lahat-lahat kay Jasper – ang taong gustong umagaw kay Andy sa kanya. Isiniwalat nito ang lahat simula sa nakaraan nito at ng kanyang kasintahan hanggang sa ginawa ng mga kaibigan nito at alam ng Diyos kung gaano siya binalot ng matinding takot na baka maulit ang lahat ng nangyari sa kanila ni Kenneth.

“Nhad, you have to understand him.” Bakas ang paghihirap sa boses nito.

“Sagutin mo ang tanong ko! Asan si Andy?” Hindi na niya mapigilan ang biglaang pagsiklob ng kanyang galit. Kinakabahan siya, natatakot, at higit sa lahat nakakaramdam siya ng hindi maganda sa magiging sagot nito.

“N-Nasa bahay ni Jasper.” Nag-aalangan at halos pabulong na naisatinig nito.

Pansamantala siyang natigilan dala ng pagkabigla. Tama ba ang kanyang narinig? Nasa bahay ng kanyang karibal ang kanyang kasintahan? Hindi ba’t Ipinagbawal niya rito ang puntahan o kausapin man lang  si Jasper na hindi siya nito kasama ngunit bakit siya nito sinuway? Biglang bumalik sa kanyang isipan ang hindi nito sinagot na tawag niya at ang pag-off ng cellphone nito.

Sinadya niyang patayan ako ng phone? Naisatining niya sa kanyang isipan at doon na parang apoy na sumiklab ang kanyang galit. Mukhang sa muling pagkakataon ay talunan na naman siya.

“Nhad, kailangan ngayon ni Andy ang pag-intindi mo. Hindi niya ginusto ang mga nangyayari at lalong hindi ka niya ginustong suwayin. Makinig ka muna sa akin bago mo siya kondenahin.” Muling wika sa kanya ni Miles.

Binigyan niya ito ng matalim na tingin. Wala na ba siyang ibang p’wedeng marinig kung hindi ang mga salitang iyon na ilang beses na rin niyang narinig sa mga kaibigan ni Ken? Iyon na lang ba talaga ang pampalubag-loob na kaya ng mga itong maibigay sa kanya?

“Pag-intindi saan? Sa ginawa niyang pagsuway sa kasunduan namin o sa isang kasalanan na dahilan para patayan niya ako ng cellphone? Is this your friend’s way of dumping me?” Tiim bagang niyang naitanong rito.

“Hindi ito ang talagang gusto ni Andy, Nhad. Makinig ka muna sa mga paliwanag ko.” Nagsusumamong wika nito sa kanya.

Lalo lamang siyang nakadama ng kirot sa naging tugon nito. It was already clear as crystal to him. Andy is dumping him for Jasper and Miles didn’t deny it. Ibayong sakit ang naramdaman niya sa katotohanang iyon. How could Andy do this to him? Nangako ito na hindi siya nito sasaktan at babawi ito sa pagkakamali nitong ilihim sa kanya ang lahat ng tungkol sa ugnayan nito sa isa sa mga kaibigan.

“Para ano? Para mabawasan mo ang kasalanan ng kaibigan mo o para makumbinsi ulit ako na hindi niya sinasadyang gaguhin ako? Tell him this, hindi ako maghahabol sa kanya at lalong hindi ako luluhod sa harapan niya para balikan niya ako. Si Jasper ang pinili niya, so be it!” Punong-puno ng hinanakit at galit niyang sabi at akmang papasok na sana siya sa kanyang sasakyan nang muling magsalita si Miles.

“Andy was right, hindi ka marunong makinig dahil pinaiiral mo ang kakitiran ng utak mo. Kailangan ng kaibigan ko ngayon ng isang taong handa siyang panindigan and I thought it was you kaya ako nagkusang pumunta rito para hintayin ka. Pero mali pala ako, you don’t deserve Andy. Hindi pagmamahal ang nararamdaman mo sa kanya kung hindi pangangailangan para may umaliw at  mag-boost ng natapakan mong ego nang hilawayan ka ng dating kasintahan mo.”

Nagpinting ang tenga niya sa mga salitang binitiwan nito. Hindi biro ang mga binitiwan nitong paratang sa kanya. Masasaktan ba siya ng ganito ngayon kung hindi niya mahal ang kasintahan? Oo, naging praning siya at hindi niya iyon itatanggi pero dahil iyon sa pagmamahal niya kay Andy. Ayaw niya itong mawala pero heto’t sa pangalawang pagkakataon siya na naman ang maiiwang luhaan tapos siya pa itong palalabasing walang k’wenta?

“Wala kang alam sa nararamdaman ko kaya wala kang karapatang kuwestyunin ako!” Nagtatangis niyang sabi hindi na mapigilan ang mapagaralgal ang boses sa tindi ng galit niya.

“Ikaw ba, may nalalaman ka ba sa nararamdaman ngayon ng kaibigan ko?”

Natigilan siya sa sinabi nito.

“Hindi mo alam kung gaano kabigat para kay Andy ang naging desisyon niya ngayon at lalong hindi mo rin alam kung bakit niya ginawa iyon. Huwag mo siyang husgahan dahil hindi katulad mo ang kaibigan ko na makitid ang utak at tanging sariling damdamin lamang ang binibigyan ng pansin!”

“Malinaw na mas pinili niya si Jasper kesa sa akin!”

“Pero hindi mo alam ang dahilan niya.” May diin naman nitong sabi.

“Wala akong makitang rason para alamin ko pa kung bakit niya ako ginago.” Balik naman niyang tugon rito.

Kita niya kung papaano bumagsak ang mga balikat nito bago tumalikod sa kanya. Nakakailang hakbang pa lang ito ng muli ito tumigil.

“Hanapin mo sa sarili mo ang rason kung bakit mo kailangang pakinggan ang dahilan niya Nhad. At kapag nahanap mo iyon, puntahan mo lang ako. Kailangan ka ng kaibigan namin.”

Itutuloy. . . . . . . . . . .  .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment