Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (11)

by: Zildjian
“So what’s your plan? Pupunta ka ba o hindi? Huwag mong sabihin na bibiguin mo ang Ate mo? Kilala mo ‘yon, mas sira ang ulo niyon kesa sa atin.”

“Sinabi mo pa! Pero `yon ang mga tipo kong babae.  Bukod sa pagiging astig ay napakaganda pa. Sayang lang at hindi niya nahintay na maka-graduate tayo. Liligawan ko sana siya.”

“Huwag ka nang mangarap Zandro at ‘di ka papatulan niyon.” Buska niya sa kaibigan.


“Sa g’wapo kong `to? I doubt it.” May pagyayabang naman nitong tugon sa kanya saka nito binalingan ang isa pa nilang kaibigan. “Miles pare, kung ayaw niyang umuwi huwag natin siyang pilitin. Huwag lamang siyang lalapit sa atin at magpapatulong kapag ibinitin siya patiwarik ng Ate niya. Wala akong balak mapasama sa malaking disgrasya.”

Napangiwi siya sa sinabi nito. Tulad niya ay kilala rin ng mga ito ang kalibre ng kanyang kapatid at kung hanggang saan ang sayad nito.

“Ako man ayaw ko ring masali d’yan. Nakakatakot pa naman `yon kapag nagbi-beast mode. At siguradong hindi `yon mangingiming ibaon ka ng buhay Ands, ikaw na mismo ang nagsabi, hindi ka niya binibigyan ng karapatang tumanggi ngayon.” Pagsang-ayon naman ni Miles.

“Huwag niyo nga akong takutin lalo!” Ang naasar naman niyang sita sa dalawa. “Tulungan niyo na lang akong gumawa ng alibi. Wala pa talaga akong balak na umuwi at magpakita sa kanila.”

“So, kaya mo kami pina-summon dito para tulungan kang makalusot na naman?” Naibubulalas ng kaibigan niyang si Zandro.

“Medyo.” Nakangiwi niyang tugon na nilakipan pa niya ng pagkamot ng kanyang batok.

Ayaw man niyang aminin pero iyon ang totoo. Matapos niyang makausap kahapon ang Ate niya ay hindi na siya natahimik kaya naman pinapunta niya ang mga kaibigan sa bar para humingi ng tulong sa mga ito. His sister wanted him to go home para dumalo sa birthday party ng kanyang pamangkin. Sinubukan niyang gumawa ng palusot tulad ng lagi niyang ginagawa tuwing pauuwiin siya nito subalit hindi ito pumayag at pinagbantaan pa siyang susugurin kapag hindi siya nagpakita sa kaarawan ng kanyang pamangkin sa Biyernes.

Syempre gusto niyang um-attend. Matagal na niyang hindi nakikita ang kanyang baliw pero napaka-supportive na kapatid, isama mo pa ang kanyang nag-iisang pamangkin na huli niyang nakita ay noong bininyagan ito magdadawalang taon na ang nakakaraan. Pero kahit anong gusto niyang pumunta, hindi naman niya maiwasang magdalawang-isip sa kaalamang muling magku-krus ang landas nila ng kanyang mga magulang.

Natatakot siya, nag-aalinlangan. Hindi niya kasi alam kung handa na ba niyang harapin ang mga ito at muling makita sa mga mata ng mga magulang niya ang pakadisgusto at pandidiri ng mga ito sa kanya. Ayaw niya ulit masaktan, ayaw niyang muling maramdaman ang naramdaman niya noon dahilan para mapilitan siyang manirahan at mamuhay mag-isa.

“Pass ako diyan. Si pareng Miles na lang.” Wika ng kaibigan niyang si Zandro. “Takot talaga ako sa kapatid mo.”

“Wala ka talagang k’wentang kaibigan.” Ang tila may pagtatampo naman niyang balik dito.

“Kung ako ang masusunod Andy, I suggest na dumalo ka. Pangalawang birthday na ngayon ng pamangkin mo and it has been two years. Hindi ka pa ba napapagod tumakbo?” Ang seryoso namang wika ng kaibigan niyang si Miles.

Sa mga kaibigan niya, si Miles ang pinakamagulo kung mag-isip pero kapag ganitong nagiging seryoso ito ay isa lamang ang dahilan niyon; ang ikabubuti nilang magkakaibigan.

“I’m sure you’ve already realized it now. You won’t accomplish anything by just running away from your problem. Tulad ng ginawa mo kay Jasper, harapin mo na rin sila. Kung hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nila kayang tanggapin, bumalik ka lang dito at kami ulit ang bahala sa ’yo.” Pagpapatuloy pa nito.

“Tama! Di ka namin iiwan sa ere.” Tatango-tango namang wika ni Zandro.

Hindi siya agad nakapagsalita. Umabot sa kanyang puso ang mga huling salitang binitawan ng kaibigan niya. Noon pa man ay alam na niyang masuwerte siya sa kanyang mga kaibigan at ngayon, lalo lamang niya iyong napatunayan sa kanyang sarili. Oo nga’t magugulo ang mga ito ngunit sa kabila ng lahat, hindi siya iniwan ng mga ito sa ere. Tinanggap ng mga ito ang kanyang tunay na pagkatao ng walang pag-aalinlangan.

 Isang buntong-hininga ang kanyang pinakawalan.

“Sige, pag-iisipan ko.”

“Good!” Magkasabay namang turan ng dalawa.

“’Asan nga pala ang tatlong unggoy?” Naitanong niya patukoy sa iba pa nilang kaibigan.

“Si Keith may family dinner daw kuno. Si Marx, malay ko sa isang iyon. Siguro kaulayaw ang kanyang pinakamamahal na hotdog pillow. At si Casper the unwanted sperm, missing-in-action.” Tugon naman sa kanya ni Zandro.

“Missing-in-action?”

“Missing-in-action.” Pag-uulit naman ni Miles, at alam na niyang wala na siyang makukuhang matinong sagot patungkol sa kanyang tanong.

“Siya, ano ang mga order niyo?” Naitanong na lamang niya sa mga ito. Naiintindihan naman niya kung bakit ayaw ng mga itong bigyan siya ng masyadong impormasyon patungkol sa isa pa nilang kaibigan.

“Gatas sa akin.”

“Ako kape.”

Napailing na lamang siya na nagsimulang gumawa ng inumin para sa mga ito.

Habang lumalalim ang gabi ay nadaragtagan ang costumer sa bar na pinagta-trabahuan ni Andy na ikinatutuwa naman ng isa niyang kaibigang si Zandro. Likas kasi ang pagiging babaero nito kung baga, ito ang dakilang player sa kanilang barkadahan.

“Tingnan mo ang gagong ‘yon, ibang babae na naman ang kausap.” Naibulalas niya habang pinagmamasdan ang kaibigang abala na sa pakikipag-flirt sa isang babae.

“Hindi ka na nasanay kay Zandro. Hindi papayag ‘yan ngayon na umuwing luhaan.” Ang ngingisi-ngisi namang tugon sa kanya ni Miles.

“Sabagay, pareho nga pala kayong hayok sa babae.”

“Kesa naman sa lalaki kami maging hayok ‘di ba?” Ganting pang-aasar naman nito sa kanya.

Minabuti na lamang niyang tumahimik. Wala siyang panalo ngayon dito sapagkat ginugulo pa rin ang kanyang isipan ng kung ano ba talaga ang gagawin sa imbitasyon ng kanyang kapatid.

Aaminin niyang may punto ang sinabi ng kanyang kaibigan at tinamaan siya ng husto sa mga sinabi nito. Subalit, hindi pa rin mawala-wala sa kanya ang takot at pag-aalinlangan. Natatakot siyang masaktan pero naroon naman ang pagkagusto niyang muling makita ang kapatid at pamangkin niya.

“Uy, mukhang magiging masaya ang gabi ngayon, ah.” Ang wika ni Miles na nagpabalik sa kanya mula sa malalim na pag-iisip.

Napatingin siya rito at nakitang nakaupo na ito patalikod sa kanya habang ang tingin ay nasa entrance ng kanilang bar. Dala ng kyuryosidad ay napatingin din siya sa  gawi kung saan ito nakatingin, at laking gulat niya nang makita ang papasok na costumer sa mga oras na iyon.

“Nhad?” Naibulalas niya.

Umikot parahap sa kanya ang kaibigan saka siya binigyan ng nakakalokong ngisi.

“This is going to be the most interesting night in my life.” Miles said while grinning at him.

Agad na gumuhit sa mukha ng bagong dating ang ngiti nang magtama ang kanilang paningin. At nang maglakad na ito papalapit  sa kanya, ay bigla na naman ang pagrigodon ng kanyang puso. Hindi niya inaasahan na makikita niya ito ngayon. Hindi kasi ito nagpakita sa nakagawian nitong oras ng pagbisita sa apartment niya, kaya inakala niyang busy ito.

“Hi.” Bati nito sa kanya nang makalapit ito na hindi napapalis ang ngiti sa mukha.

“H-Hi.” Ang nauutal naman niyang balik dito. “Nahuli ka yata ng dating.”

“Oo nga, eh. Kinulit kasi ako ng mama ko sa skype. Siyanga pala pasensiya ka na kung ‘di kita napuntahan kanina, may ipinaasikaso kasi sa akin ang Lola ko eh. Balak ko pa naman sanang ipagluto ka ulit ng pagkain.”

Kita niya sa sulok ng kanyang mata kung papaano napataas ang kilay ng kanyang magiting na kaibigan na lalong nagpabalisa sa kanya. Kilala niya ito, at nasisiguro niyang kung anu-ano na ngayon ang tumatakbo sa isipan nito.

 “Mukhang may masayang nangyayari dito pareng Miles, ah.” Ang pagsingit naman ng isa pa niyang kaibigan na si Zandro.

“Napansin mo rin pala.” Nakangisi namang balik ni Miles rito.

Ibinalik niya ang kanyang pansin kay Nhad na sa mga oras na iyon ay sa dalawang kaibigan na niya nakatingin.

“Mga kaibigan ko nga pala Nhad.” Pagkuha niya ng pansin nito. “Sila rin ‘yong tumulong sa aking madala sa talyer ang sasakyan mo.”

“Sila ba?” Ang kaswal naman nitong wika na sa mga kaibigan niya pa rin nakatingin. “Salamat sa tulong mga pare.”

“Kami nga.” Si Zandro. “Wala iyon, talagang matulungin kaming tao, lalo na kapag iyong taong nangangailangan ay lihim na pinag ––”

“Zandro!” Ang maagap nyang pagputol sa iba pa sanang sasabihin nito saka ito binigyan ng nagbabantang tingin.

Nginisihan naman siya nito saka binalingan ang halatang nalilito nang si Nhad.

“Kunyari wala na lang akong sinabi, ‘tol.” WIka nito, sabay lahad ng kamay. “Zandro nga pala.”

“Nhad.” Kaswal naman nitong tugon na tinanggap ang pakikipagkamay ng kanyang kaibigan.

“Miles pare.” Sunod namang pagpapakilala ni Miles dito.

“Paano ko ba kayo mapapasalamatan sa nagawa niyong tulong sa akin?”

“Hindi na kailangan. Wala iyon.” Nakangiti namang tugon ni Miles pero alam niya kung ano ang meron sa likod ng mga ngiting iyon. “So, tumatambay ka na pala ngayon sa apartment ni Andy. Kami rin tumatambay doon paminsan-minsan.

Sinasabi ko na nga ba! Naibulalas niya sa kanyang isipan dahil batid niyang kumakalap lamang ng impormasyon ang kanyang kaibigan.

“Oo, sa katunayan kahapon naroon ako halos buong araw.” Ang walang ideya naman nitong tugon sa ginagawang pagkalap ng impormasyon ng kanyang magaling na kaibigan.

Kita niya kung papaano mapatango-tango ang dalawa na may mga ngiti sa mga labi.

Binalingan siya ni Nhad.

“Igawa mo naman kami ng inumin nitong mga kaibigan mo para naman mapasalamatan ko sila kahit papaano.”

“Naku pare hindi na, salamat na lang. Paalis na kasi kami, alam mo namang may trahabo pa bukas.” Maagap na pagpigil naman dito ni Miles.

“Tama. Tama paalis na nga kami.” Pagsang-ayon naman ni Zandro.

Nagtaka siya sa biglaang desisyon ng mga itong umuwi. Subalit hindi nagtagal iyon nang muling magsalita si Miles.

“Pare, di ba gusto mong makabawi sa amin? Ayos ng pambawi kung maihahatid mo ang kaibigan namin pauwi. Alam mo namang delikado ang panahon ngayon. Lalo pa’t dayo lang siya rito.”

Mga gagong ‘to! Ibugaw daw ba ako.

“Kaya nga, eh.” Tugon naman nito dito. “Sige, ako na ang bahalang maghatid sa kanya.”

“Nice.” Ang naibulalas naman ni Miles na may maluwag ng ngiti na nakaguhit sa mukha saka siya nito binalingan. “Ands, paano una na kami. Galingan mo ang pagsakay sa kanya mamaya, ah. Kumapit kang mabuti.”

Ngali-ngali niyang batuhin ito ng shot glass sapagkat batid niyang may ibang ibig sabihin ang mga huling salitang binitawan nito. Sa halip, isang alanganing ngiti na lang ang itinugon niya sa dalawa at isang tango.

Nang tuluyang makaalis ang mga ito ay muli niyang binalingan si Nhad na sa mga oras na iyon ay ngingiti-ngiti na sa kanya.

“Pagpasensiyahan mo na ang dalawang iyon. Makukulit lang talaga sila.” Ang wika niya nang tuluyan ng makaalis sina Miles at Zandro.

“Ayos lang. May pinagmanahan ka pala sa kakulitan.”

< hr color="pink" align="center" width="30%">

Kasalukuyan nilang binabaybay ang daan papunta sa kanyang tinutuluyan. Tulad nga ng ipinangako ni Nhad sa kanyang mga kaibigan ay ipinilit nito na hintayin siyang umuwi para maihatid kahit anong tanggi pa niya rito.

“Problem?” Kapagkuwan ay basag nito sa namayaning katahimikan sa kanila sa loob ng sasakyan nito.

“Wala naman.” Kaswal naman niyang tugon rito.

Kanina ay sobra siyang nawili sa presensiya nito at sa kanilang pagkukwentuhan kaya naman nakalimutan niya pansamantala ang kanyang mga iniisip. Subalit ngayong kumportable na siyang nakaupo sa may passenger seat nito ay hayon at muli na namang sumagi sa kanyang isipan ang imbitasyon ng kanyang kapatid.

“Umidlip ka na lang muna kaya. Mukhang inaantok ka na, eh.”

Napatingin siya rito. Naisip niyang hingin ang opinyon nito tutal, nagkakasundo na sila at naikuwento na rin niya rito ang problema niya sa kanyang mga magulang.

“Tumawag ang ate ko sa akin kahapon noong makaalis ka.” Pagsisimula niya.

“Oh? Ano’ng sabi?”

“Gusto niya akong umuwi para dumalo sa kaarawan ng pamangkin ko.”

“Aalis ka pala.” Hindi siya sigurado kung tama ba ang nabakasan niyang panghihinayang sa boses nito.

“Ang totoo, hindi pa ako nakakapagdesisyon. Gusto kong pumunta pero natatakot ako na baka hindi magustuhan ng mga magulang ko ang makita akong muli.”

“Bakit ka naman matatakot na muling harapin sila? Dahil ba natatakot kang masaktan ulit kapag nakita mong hindi ka pa rin nila tanggap hanggang ngayon?”

“Oo.” Pag-amin niya. “Baka kasi di ko kayanin.”

“That much I doubt. You have a strong personality. Nagawa mo ngang tumayo mag-isa ng halos dalawang taon ‘di ba?”

May punto ito. Ano pa nga ba ang ikinatatakot niya? Matagal na naman niyang alam na wala ng amor ang mga magulang niya sa kanya. Hindi lang niya iyon lubusang matanggap, kaya naman pilit niyang iniiwasan ang mga ito.

Muli niyang tinimbang sa kanyang sarili ang lahat. Ang pagkagusto niyang makita ang kapatid at ang takot na harapin ulit ang kanyang mga magulang. Tinantiya niyang mabuti kung ano ang mas nangingibabaw doon, then a realization hit him. Mas nangingibabaw ang pagkagusto niyang muling makita ang kapatid at pamangkin.

Bahala na. Naibulalas niya sa kanyang isipan na nilakipan pa niya ng isang malalim na buntong-hininga.

“Siguro nga tama ka. Thanks Nhad.” Kapagkuwan ay wika niya rito.

Bumaling ito sa kanya ng may ngiti.

“Walang anuman. So, kailan ang alis mo?”

 “Sa Biyernes.”

“Magtatagal ka ba roon?” Kaswal nitong tanong na talaga namang nagpangiti sa kanya ng todo. Hindi pa rin kasi siya makapaniwala na ganito na sila ngayon kalapit sa isa’t isa.

“Ano’ng nginingiti-ngiti mo riyan?” Sita nito sa kanya.

“Wala naman. Bakit masama na bang ngumiti ngayon?” Balik pagtatanong naman niya rito.

“Masama kung walang dahilan. So, magtatagal ka ba?”

“Bakit, mami-miss mo ba ako?” Ang nagbibiro niyang pagtatanong dito.

“Medyo.” Diretsong tugon naman nito.

Hindi niya inaasahan ang naging sagot nito. Ang akala niya kasi ay gaganti ito ng hirit sa kanya na siyang kanyang nakasanayan dito sa halos maikling panahon nilang pagiging malapit sa isa’t isa.

“Baka sa Linggo.” Sa halip ay tugon niya. Ayaw niyang bigyan ng ibang kahulugan ang sinasabi nito para hindi siya umasa at mangarap ng kung anu-ano. Mahirap na, baka ma-disappoint lamang siya sa huli.

“Kung gano’n tatlong araw ka palang mawawala.”  At hayon na naman sa boses nito ang panghihinayang na kanina lang ay nabakasan niya rito.

Matapos ang gabi kung saan inihatid siya ni Nhad sa kanyang apartment ay lalo lamang silang naging panatag sa isa’t isa. Napakalaki ng naitulong nito sa kanya para tuluyang mapagdesisyunan ang isang bagay na matagal na niyang ayaw gawin kahit na paminsan-minsan ay nagugulo nito ang kanyang isipan sa tuwing babanatan siya nito ng mga kung anu-anong banat na hindi niya napaghahandaan.

Marami siyang napagtanto habang napapalapit sila nito, at isa na roon ang katotohanang hindi ito mahirap mahalin. At dahil hindi naman siya bato ay aaminin niyang minsan ay nadadala na rin siya sa mga paglalambing at mga hirit nito. Subalit agad niyang isinisiksik sa kanyang kokote na wala iyong ibang ibig sabihin dahil ayaw niya ulit paasahin ang sarili sa wala tulad noon.

Hindi rin nakatakas sa iba pa niyang kaibigang magagaling ang mga nakalap na impormasyon ng isa sa mga ito patungkol sa pagbibisita at pagluluto sa kanya ni Nhad ng pagkain. Inulan siya ng tukso sa mga ito maliban na lamang kay Jasper na sa mga nagdaang araw ay hindi nagpaparamdam sa kanila kahit sa kanya.

Sobrang saya. Iyon ang naramdaman niya sa mga nagdaang araw at iyon ay dahil sa isang taong hindi na siya tinantanan pa, si Nhad. Wala itong mintis na pumupunta sa apartment niya bago magtanghalian para ipagluto siya at makitambay na rin, dahilan para lalo silang mapalapit sa isa’t isa. Subalit ngayon, may kaunti siyang lungkot na nararamdaman. Ngayon kasi ang araw ng kanyang pag-alis, at ang katotohanang hindi sila magkikita ng halos mahigit tatlong araw ng kanyang bagong kaibigan, ay nagpapabigat sa kanyang damdamin.

“Bakit, mami-miss mo ako?” Ang biglang pagpasok sa kanyang isipan sa pabirong tanong niya rito kamakailan.

Wala sa sarili siyang napangiti at napailing.

Mukhang ako yata ang makaka-miss sa ‘yo.

Nakuha ang kanyang pansin ng biglaang mag-ring ang kanyang cellphone. Agad naman niya iyong inabot na nasa ibabaw ng kanyang kama.

“Oh bakit?” Ang pagkayamot niyang bungad sa taong tumawag.

“Heto na nga’t naghahanda na ako. Hinaan mo nga ang boses mo’t ang sakit sa tenga. Oo, darating ako ngayon diyan kaya p’wede mo na akong tantanan ate, kagabi mo pa ako kinukulit.”

Inilayo niya sa kanyang tenga ang telepono at napangiwi.

“Gees! ‘Di ka na talaga nagbago, parang machine-gun pa rin ang bibig mo. Sinabi ko na naman ‘di ba? Darating ako, at hindi ako nagbibiro o nagpapalusot. Sige na, mamaya ka na lang maglitanya kapag kaharap mo na ako’t baka mahuli pa ako sa bus.” Saka agad niya itong binabaan ng linya bago pa siya mabingi sa kasisigaw nito.

Napapailing na lamang niyang isinara ang zipper ng kanyang bag na may lamang mga damit para sa tatlong araw niyang lakad.

Wala na talagang atrasan ito. Ang kanyang naiwika sa sarili.

Bago tuluyang lumabas ay sinigurado muna niyang wala siyang naiwang naka-plug na gamit. Nang masigurong ayos na ay saka niya tinungo ang pintuan ng kanyang apartment subalit laking gulat niya nang pagkabukas niya nito ay bumulaga sa kanya ang naka-shades at nakangiting si Nhad.

“Buti ‘di ako nahuli ng dating.” Bungad nito sa kanya.

“N-Nhad? Anong ginagawa mo rito?”

“’Di pa ba obvious? Sasamahan kita sa pupuntahan mo.” Ang nakangiti naman nitong tugon sa kanya.

“H-Hah?” Parang tanga niyang naibulalas dala ng pagkabigla at pagkalito.

“I know hesitant ka pa talaga sa pag-uwi mong ito, kaya naisipan kong samahan na lang kita para may moral support ka. Ayos lang naman siguro iyon sa ate mo ‘di ba?”

“Pero tatlong araw ako roon. Paano ang lola mo?”

“She wanted me to enjoy my leave. Mahal ako ng Lola ko kaya suportado niya itong pagsama ko sa ’yo.”

“Pero ––”

“Please `wag ka nang tumanggi pa.” Pagputol nito sa iba pa niyang sasabihin. “I promise to behave and cooperate at kung hindi talaga ako welcome doon ay nariyan naman ang sasakyan ko na p’wede kong matulugan. Gusto ko lang talagang sumama dahil ayaw kong malungkot ulit sa tatlong araw na wala ka. Ayaw kitang ma-miss, eh.”

Ito ang klase ng mga hirit nito na palaging gumugulo sa kanyang damdamin. Dahil sa tuwing ganitong mga salita ang pinapakawalan nito sa kanya ay hindi niya mapigilan ang sariling makadama ng kiliti.

“Ang adik mo.” Naibulalas na lamang niya kapagkuwan. Hindi niya talaga kayang matanggihan ito, o mas tamang sabihin na hindi niya matanggihan ang sarili dahil siya man, gusto na niya ang lagi itong nakikita. Lalo na ang mga ngiti nitong mukhang nakaadikan na niya.

“So, payag ka na?” Nakaguhit na sa mukha nito ang nagbubunying ngiti.

“Sa isang kondisyon.” Tugon naman niya rito.

“Anong kondisyon?” Ang nag-aamo-amohan naman nitong balik.

“Ako ang magpapa-gas ng sasakyan mo.”

“Iyon lang pala. Akala ko naman kung ano ng kondisyon. Deal!”

At wala na nga siyang nagawa kung hindi ang isama ito patungo sa lugar kong saan siya lumaki. Ang lugar kung saan mahigit dalawang taon na niyang hindi nakikita.

Nasa kalagitnaan na sila ng kanilang byahe at habang papalit sila ng papalapit sa kanilang destinasyon ay patindi naman ng  patindi ang kaba na kanyang nararamdaman na dahilan para pagpawisan siya kahit naka-on ang aircon ng sasakyan.

Nagpakawala siya ng isang mahinang buntong hininga para i-relax ang sarili.

“Parasaan ang buntong hininga mong iyon?” Ang pagpansin naman sa kanya ni Nhad.

“Para sa nalalapit kong pakikibaka.” Patawang kalbo niyang wika.

“Takot ka talagang harapin sila, noh? Tama nga ang desisyon kong samahan kita dahil alam kong kakailanganin mo ng karamay.” Nakangiting wika nito.

“Thanks Nhad.”

“Thank me later. For now, I want you to relax at kwentuhan ako bago ako tuluyang antukin dito. Kanina ka pa nananahimik diyan, eh.”

Napangiti siya. Alam niyang sinusubukan nitong pagaanin ang pakiramdam niya. Hindi na siya nagsisi na kasama niya ito ngayon.

“Naubusan na ako ng sasabihin. Halos magdadalawang oras na akong dumadaldal.” Totoo iyon. Nang masimula silang bumayahe magdadalawang oras na ang nakakalipas ay marami na siyang naikuwento dito patungkol sa kanyang ate. Oo, ito ang ibinibida niya rito.

“So, ang ate mo ay tulad ko ring isang nurse? So, paano siya nauwi sa pagiging isang negosyante?”

“It’s because of her friends. Out of boredom ay napagtrip-an nilang mag-invest sa isang bar at hayon, sinuwerte sila at napalago iyon. Doon na siya nawili sa pagiging business minded instead na i-pursue ang career niya bilang nurse.”

“And now she runs a restaurant?”

“Yep. Katulong ang mga kaibigan niya.”

“Hindi na lang ako magtatanong kung bakit hindi ka sa kanila nagtrabaho dahil alam ko na rin naman ang sagot. Ang tanong ko na lang, malayo pa ba tayo?” Nakangiti nitong wika sa kanya.

Doon na siya tuluyang natawa. Kakaiba talaga ito kung humirit. Sabagay, alas-tres pa lang sila ng hapon nagsimulang bumayahe at heto, mag-aalas-singko na ay nasa daan pa rin sila.

“Isang oras pa. Bakit, nagugutom ka na ba?”

“Hindi naman. Gusto ko nga malayo pa tayo para ma-solo pa kita ng matagal.” Ngingiti-ngiti nitong banat na siyang ikinahagikhik niya. Ewan ba niya, kahit anong pigil niya sa sarili `di talaga niya maiwasang hindi kiligin sa mga kalokohan nito.

“Humirit ka na naman. Umayos ka at baka hindi ako makapagpigil at patulan ko na iyang mga banat mo.” Pagsakay naman niya rito.

“Bakit ang tagal?” Ang tila naghahamon naman nitong tugon.

Nginisihan na lamang niya ito at nagkunyaring may iti-text. Hindi niya kayang makipagsabayan dito ng sobra-sobra sa takot na tuluyan siyang madala sa mga biruan nila.

Iksaktong isang oras ay nasa tapat na sila ng bahay nang kanyang kapatid. Masasabi niyang marami na ang taong nasaloob base na rin sa nakikita niyang mga nakahilirang sasakyan na nakaparada. Muli siyang nagpakawala ng buntong hininga ng tuluyan ng panatayin ni Nhad ang makina ng kotse.

“Ready?” Tanong nito sa kanya. “Ang laki pala ng bahay ng ate mo at mukhang marami silang bisita.”

“Mamaya mo na purihin ang bahay niya. Tara.”

Ngunit bago pa siya tuluyang makababa ay maagap siyang napigilan nito sa pamamagitan ng paghawak ng kanyang kamay at ng balingan niya ito para sana itanong kung ano ang problema ay siya namang pagsalubong nito sa kanya ng isang mabilisang halik sa kanyang pisngi.

“P-Para saan iyon?” Ang nagulat niyang tanong dito.

“Para hindi ka na kabahan.” Nakangisi naman nitong tugon saka nagpatiuna ng bumaba ng sasakyan.

Wala sa sarili niyang naidampi ang kanyang palad sa parte kung saan siya nito hinalikan. Oo, nagulat siya ng husto sa ginawa nito dahilan para hindi agad siya makagalaw. Kung hindi pa siya nito kinakatok ay hindi pa siya makakabawi sa nangyari.

Did he just kissed me? Ang hindi makapaniwalang naitanong niya sa kanyang sarili.

Pagkapasok nila sa gate ay agad na bumulaga sa kanila ang napakaraming tao. Ilan sa mga ito ay mga batang masayang naghahabulan sa malawak na hardin ng kanyang kapatid na napapalamutian ngayon ng banderitas, mga pambatang upuan, isang mini-stage at iba pa.

“Wow!” Naibulalas ni Nhad. “Ang daming tao.”

“Andrew Miguel!”

“Oh great!” Naibulalas naman niya nang marinig ang malakas na pagkakatawag sa kanya ng kanyang dakilang kapatid habang halos patakbo itong sinalubong sila.

“Bungga! Mabuti naman at dumating kang hayup ka. The who naman itong hunky fafa na ito? Jowa mo?” Patukoy naman nito kay Nhad. “Ang pogi mo naman. Buti pinatulan mo itong kapatid ko.”

Ito na nga ba ang sinasabi ko. Ang napapalatak niyang naisambit sa kanyang isip.

“Kaibigan ko siya ate, si Nhad. Nhad, siya ang ate Angela ko.” Sa halip ay pagpapakilala niya sa mga ito.

“Nice to meet you po.” Magalang namang bati ni Nhad dito.

“Taray! Ang galang! Bet ko siya para sayo sisteret. Dapat jowain mo na ang isang ‘to bago ka pa maunahan ng iba.”

“Kaya ayaw ng bumalik dito ni Andy, eh nakukulili siya sa kadaldalan mo.” Ang sabat naman ng isang pamilyar na boses mula sa kanilang likuran.

“Kuya Ace, Kuya Rome.” Naiwika niya ng malingunan ang mga ito.

“Musta Andy.” Ang nakangiting bati sa kanya ng kanyang kuya Rome.

“Mukhang lalo ka yatang guma-guwapo, ah.” Ani naman ng kanyang kuya Ace saka binalingan ang kanyang ate. “Babaeng parang machine-gun ang bibig. Kesa kung anu-anong kabaliwan ang sinasabi mo, hindi ba’t mas magandang pakinin mo muna itong kapatid mo’t kasama niya? Hindi biro ang biyenahe nila makarating lang dito.”

“Tse! Late na naman kayo!” Sita naman ate niya sa mga ito. “Siya, tara na nga sa loob at doon na lang natin ipagpatuloy ang chikahan.”

“Ate..”

“Don’t worry, wala pa sila at kahit na nandito na ang mga iyon, wala kang dapat ikatakot. Let’s go, kanina ka pa hinihintay ng pamangkin mo.”

Itutuloy. . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment