Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (02)

by: Zildjian

“Mabuti naman at nakapasok ka ngayon, Andy.” Ang nakangiting salubong sa kanya ng may-ari ng bar na pinagta-trabahuan niya.

Ikinabigla pa niya ang pagbaba nito mula sa second floor ng bar na iyon kung saan naroon ang opisina nito. Minsan lang kasi itong bumaba at iyon ay kung gusto nitong magpagawa ng inumin sa kanya o kung may katatagpuin na naman itong bibiktimahin.


Kilala niya ang kalibre ng boss niyang ito. Likas dito ang pagiging babaero na naging dahilan ng paghihiwalay nito ng dating misis. Pero hindi naman maikakaila ang kabaitan nito sa kanilang mga empleyado nito kaya kahit na napaka-babaero nitong tao ay hindi pa rin nawawala ang respeto nila dito.

“Oo nga boss, eh. Akala ko kasi kanina, ta-trangkasuhin ako kaya agad na akong nag-abiso sa iyo na baka hindi ako makapasok ngayon.” Pagsisinungaling naman niya dahil ang totoo, ang dahilan kung bakit biglang nagbago ang kanyang isip na hindi pumasok sa araw na iyon  kahit na medyo may kabigatan ang kanyang pakiramdam ay dahil sa pangungulit sa kanya ng kanyang kaibigan na si Jasper.

Matapos nilang makapag-usap kahapon ay iniwasan na niya ito talaga. Sa katunayan, kahapon ay alas-dyes na ng gabi siya nakauwi sa kanyang tinutuluyang apartment maiwasan lamang ito na ayon sa text nito ay naroon ito sa labas at naghihintay sa kanya.

Oo, aaminin niya na hindi niya gustong iwasan ito lalo pa’t ilang taon din silang hindi nagkita. Subalit natatakot siya na baka matukso na naman siya rito kapag nabigyan sila ulit ng pagkakataong magkaharap. Balak na muna niyang ihanda ang kanyang sarili bago ito harapin sapagkat alam naman niyang hindi habang buhay niya itong maiiwasan.

“Basta kapag sumama ulit ang pakiramdam mo, akyatin mo lang ako sa taas at may mga gamot ako roon.” Nakangiti nitong turan. “Paano, maiwan na muna kita at dumating na ang labidabs ko.”

Napatingin siya sa gawi ng kanilang entrance at nakita nga niya ang pagpasok ng medyo may kabataan pang babae na agad gumuhit ang ngiti nang salubungin ito ng kanyang boss.

Pambihira talaga si Boss, ang hilig sa mga babaeng kalahati yata ang agwat sa edad niya. Napapailing niyang wika sa kanyang sarili habang pinagmamasdan ang dalawang paakyat na patungo sa opisina ng boss niya.

“Iba na talaga ang nagagawa ng pera ano, Andy.  Nagagawa nitong mapapatol kahit ang pinakabata at sexy na babae kay boss.” Singit ng isa sa mga kasamahan niya sa trabaho na si Nelson.

“Kung makapagsalita ka naman. May hitsura rin naman si boss, ah.” Pagtatanggol naman niya sa butihing amo.

Ngumisi ito sa kanya ng nakakaloko.

“Wala akong sinabing pangit siya, Andy. Masyado ka naman yatang apektado. May crush ka ba kay boss?” Ang nanunudyo nitong wika.

“Eh, kung iumpog kaya kita sa isa sa mga lamesa rito? Masabi mo pa kayang may pagnanasa ako kay boss?”

Napahagalpak  ito ng tawa na dahilan para mapangisi na rin siya. Ganito sila magkulitan ng kanyang mga kasamahan sa tuwing hindi sila masyadong abala sa trabaho tulad na lang ngayon na mangilan-ngilan pa lang ang costumer nila.

Inakbayan siya nito at ginulo ang kanyang naka-wax na buhok.

“Astig ka talaga, Andy, kaya gustong-gusto ka namin dito, eh.” Ang tuwang-tuwa nitong wika sa kanya.

Isa sa mga dahilan kung bakit di niya maiwan-iwan ang bar iyon kahit pa man marami ng bar ang gustong mamirata sa kanya, ay dahil napalapit na rin siya sa kanyang mga kasamahan.

“Siyanga pala, may naghahanap sa ’yo kanina.” Pagpapatuloy nito.

“Sino?” Takang tanong naman niya rito.

“’Di nagbigay ng pangalan, eh. Basta matangkad at kasing pogi ko.”

Nasisiguro niyang si Jasper ang taong tinutukoy nito. Wala naman siyang ibang maisip na taong maghahanap sa kanya sa lugar kung saan isa siyang dayo.

“Anong oras ba siya nagpunta rito at ano ang sinabi mo sa kanya?”

“Kaninang pasado alas-syete yata yon. Si boss ang nakausap niya pero ang narinig ko, sinabi ni boss na di ka papasok ngayon.”

Napatingin siya sa kanyang relo. Magdadalawang oras na ang nakakaraan.

“Gano’n ba?” Hindi niya alam kung bakit bigla na namang namigat ang kanyang kalooban. Siguro dahil hanggang sa mga oras na iyon, hindi pa rin niya maitatangging kahit papaano ay may kaunting damdamin pa rin siya para sa kaibigan at iyon ang nagpapahirap sa kanya.

“Syota mo ba ‘yon? May LQ siguro kayo ano?” Ang muling panunudyo na naman ng kanyang kasamahan.

“Alam mo ba ang dahilan kung bakit kahit may hitsura ka ay hindi mo magawang mapasagot ang mga nililigawan mo?”

“Hindi, eh. Bakit nga ba ayaw nila sa akin? G’wapo naman ako ‘di ba?”

“Hali ka, lapit ka at ibubulong ko sa ’yo.”

Parang tanga naman itong lumapit sa kanya na lihim niyang ikinahagikhik.

“Ano ‘yon?” ‘Di makapaghintay nitong tanong.

“Dahil…” Sinadya talaga niyang bitinin ito. “Sa KADALDALAN MO!”  May kalakasan niyang wika sa tenga nito saka ito pabirong binatukan.

“Aray! Masakit ‘yon, ha.”

Kita niya kung papaano matawa ang ilan sa mga costumers nilang nakakita at nakarinig sa ginagawa nilang kulitan ni Nelson.

Habang lumalalim ang gabi ay paunti-unti namang nadaragdagan ang mga costumers nila Andy sa bar. Ipinagdarasal niya na sana hanggang sa makauwi siya ay hindi na maisipan pa ni Jasper na puntahan siya roon.

Sa nagkakatawanang costumer niya naipako ang kanyang tingin. Para sa kanya, isang napakagandang tanawin ang mga taong masaya at nakangiti. At nakakatulong iyon sa kanya para gumaan ang kanyang pakiramdam.

Biglang pumasok sa kanyang isipan ang isang tao na malaki ang naitulong sa kanya – ang kanyang nag-iisang kapatid, na siyang nagbigay sa kanya ng dahilan para muling ipagpatuloy ang buhay. Ang kanyang Ate ang nag-udyok sa kanya para muli niyang isaayos ang nasirang buhay matapos manlamig at mawalan ng gana sa kanya ang kanyang mga magulang.

Kamusta na kaya iyon? Ang pabulong niyang sabi.

“Can you give me something to drink?” Wika ng isang pamilyar na baretonong boses sa kanya na siyang pumukaw sa kanyang pagmumuni-muni.

Nang ibaling niya ang tingin dito ay bumungad sa kanya ang lalaking ilang buwan nang hindi nadadayo sa bar nilang iyon. Ang lalaking muling pumukaw sa kanyang interes at ang lalake na lihim niyang hinangaan. Subalit, malaki na ang nagbago ngayon dito. Wala na ang ngiting laging sumasalubong sa kanya sa tuwing mapapatingin siya rito. Ang ningning na lagi niyang nakikita sa singkitin nitong mata ay napalitan na ng pait.

“A-Ano ho ba ang gusto niyo?.” Ang nag-aalangang naisambit niya pilit inisangtabi ang biglaang pagkalito niya sa nakitang malaking pagbabago rito.

“A drink that can make me forget everything.” Malamig nitong tugon.

Agad naman siyang tumalima para igawa ito ng inumin, hindi niya alam kung bakit para siyang nakaramdam ng takot dito. Siguro ay dahil hindi siya sanay na ganito ito kaseryoso ngayon na para bang handa itong pumatay hindi mo lang maibigay ang gusto nito.

Hindi niya maiwasang pasimpleng pagmasdan ito habang ginagawa niya ang order nito. Kabaliktaran ang nakikita niyang aura nito ngayon kumpara no’ng huli itong mapadayo sa bar nila magtatatlong buwan na ang nakakaraan.

Anong nangyari sa kanya? Ang hindi niya maiwasang maitanong sa kanyang sarili sa sobrang pagtataka.

“Matagal pa ba iyan?” Ang tila naiinip nitong untag sa kanya.

Dali-dali siyang nagsalin ng bagong likhang inumin sa isa sa mga shot-glass.

“I-Ito na po sir.”

Agad naman nitong dinampot iyon at ini-isang lagok. Kita niya kung papaano ito mapapikit sa hatid na pait ng alak.

“Isa pa.” Usal nito.

“H-Ho?” Naisambit niya dala ng pagkabigla sapagkat ang alak na ginawa niya para dito ay hindi ang tipo ng alak na dapat iniinum ng isang lagokan lamang. Gawa iyon sa pinaghalo-halong malalakas na inumin na kahit pa sinong malakas ang tolerance sa alcohol ay nagagawa nitong patumbahin ng ilang shots lang.

“Are you deaf? I said one more.” Kunot-nuong wika nito.

“P-Pasensiya na po.”

Anak ng tipaklong! Anong nangyari sa mala anghel nitong imahe? Bakit bilang naging demonyo?

Para makaiwas na masungitan ulit nito ay minabuti na lamang niyang tumahimik at ibigay na lamang dito ang gusto nito.

Habang nagpapakalunod ito sa kanyang ginawang inumin ay siya nama’y pasimple itong tinitingnan. May awa siyang nararamdaman para rito at hindi rin niya maitatangging nadadala siya sa kanyang nakikitang kalungkutan sa mga mata nito.

“Life is so unfair.” Nagsisentimyento nitong wika saka siya nito binalingan. “Tell me, pangit ba ako? Am I not worth loving? Ano ba ang mali sa akin?”

“S-Sir?”

“Ibinigay ko naman lahat ng p’wede kong maibigay sa kanya pero bakit hindi pa rin niya ako magawang mahalin?”

Napatingin siya sa mga dalawang costumer na nakaupo rin sa bar-counter na iyon at tulad niya, gulong-gulo rin ang mga ito sa nakikita at naririnig na pagsisentimyento ng lalaking lihim niyang hinangaan noon.

Oo,  ito ang lalaking muling bumuhay sa kanyang interes subalit, nang makita niya kung papaano magliwanag ang mga mata nito nang huling mapadayo ito sa bar nila kasama ang sa tingin niya ay ang taong mahal nito ay sumuko na siya. Kasama sa pagbabagong-buhay niya ay ang pangakong huwag nang ipilit ang mga bagay na hindi naman para sa kanya dahil batid niyang siya lamang ang masasaktan sa bandang huli.

“Bakit ayaw mong sumagot? Kinakausap kita. Ano bang mali sa akin? Bakit hindi ako magawang mahalin ng taong mahal ko?”

Mukhang nakaramdam ang dalawang costumer niya na tulad nito ay nakaupo rin sa  mga counter chairs na nasa harapan niya na hindi maganda ang manatili pa roon dahil tumayo ang mga ito at lumipat sa isa sa mga bakanteng mesa nila.

Napabuntong-hininga siya. Minsan talaga, sa isang bar tulad ng pinagta-trabahuan niya ay hindi maiiwasang magkaroon sila ng isang costumer na nagpapadala sa tama ng alak. Though naiintindihan naman niya kung bakit tila handa na itong magwala anumang oras, dahil may pinagdaraanan ito.

“Wala pong problema sa inyo sir at wala po akong nakikitang mali sa inyo.” Pinili niyang sakyan na lamang ito para hindi na ito tuluyang magwala at mukhang nagtagumpay naman siya.

Ngunit ang hindi niya inaasahan ay ang sunod nitong katanungan na nagbigay sa kanya ng kakaibang lungkot at kirot sa kanyang puso.

“Hindi ba ako karapat-dapat mahalin? ”

The question hit him ten times because it was also the same question that he asked to himself three years ago. No’ng mga panahon na ang taong kanyang minamahal ay hindi siya magawang mahalin kahit sa kabila ng pagbibigay niya ng buong pagkatao niya rito.

“H-Hindi ko po iyan masasagot sir.” Ang pagsasabi niya ng totoo. Maski siya ay walang nahapuhap na kasagutan  sa tanong na iyon magpahanggang ngayon.

“Wala kang k’wentang kausap.” Wika nito saka muling ini-isang lagok ang hawak nitong basong may lamang alak saka ito humugot ng wallet mula sa likod ng pantalon nito at padabog na nagbaba ng isang libo “Sa ‘yo na ang sukli.” At walang sabi-sabi itong umalis.

Sa ‘di malamang dahilan ay bigla siyang nakaramdam ng pagkapikon dahil pakiramdam niya ay nabastos siya.  Sino ba ang humingi ng kanyang opinyon? ‘Di ba ito naman, at nang wala siyang maisagot ay sasabihan siyang walang k’wentang kausap at biglaan siyang lalayasan?

I can’t believe na nagkagusto ako sa taong iyon! Ang kapal ng mukha niyang sabihing wala akong k’wentang kausap. Bakit, anong akala niya, na madaling sagutin ang tanong niyang iyon?

Sobra ang ngitngit na naramdaman niya na hindi na niya napansin na nilamukos na pala niya ang isang libong iniwan nito. Hindi siya makapaniwala na ang taong lihim niyang hinahangaan dahil sa pagiging magiliw at palangiti nito ay may itinatago palang kagaspangan at siya pa talaga ang nakatikim noon.

Huminga siya ng malalim para pakalmahin ang sarili. Hindi niya dapat hinayaang maapektuhan siya nito. ‘Di nga ba’t iyon ang naging pangako niya sa kanyang sarili nang magsimula siya ng bagong buhay sa siyudad na iyon?

Relax Andy. Hindi ka dapat nagpapaapekto sa lalaking iyon. Hindi ba’t kinalimutan mo na siya at ang paghanga mo sa kanya? And besides, that man was drunk he didn’t mean what he said. Pagpapakalma niya sa kanyang sarili subalit bigo lamang siya.

Hanggang sa nagsara na lamang sila at nakauwi siya sa kanyang apartment ay hindi na talaga nabalik sa normal ang mood ni Andy. Hindi niya alam kung kanino siya napipikon. Napikon nga ba siya dahil sa ipinakitang kagaspangan sa kanya ng taong dati niyang hinangaan o dahil sa katotohanang hanggang ngayon, kahit ilang taon na ang nakakalipas ay hindi pa rin niya mabigyan ng kasagutan ang naging tanong nito na minsan na rin niyang naitanong sa kanyang sarili.

Hindi ba ako karapat-dapat mahalin? Pabulong niyang pag-uulit sa katanungang hindi niya nagawang mabigyan ng kasagutan.

Nagising si Andy sa lakas ng tunog ng cellphone niya. Medyo mahapdi pa ang kanyang mga mata tanda na hindi pa sapat ang kanyang tulog. May halong antok at pagkapikon niyang inabot ang kanyang cellphone na hanggang sa sandaling iyon ay wala pa ring pakundangan sa pagri-ring.

“Natutulog pa ako. Tawag ka na lang ulit mamaya.” Bungad niya rito at agad itong binabaan na hindi man lang inabala ang sariling alamin kung sino iyon.

Pipikit na lamang siya nang muli na naman itong mag-ring.

“Bakit ba?” Ang yamot niyang pakikipag-usap sa taong tumatawag.

“Kapag hindi mo kami pinagbuksan Andrew Miguel, pagtutulungan naming sirain ang pintuan mo!” Ang pasigaw namang sabi sa kanya ng kanyang kausap.

Napapitlag siya dala ng gulat. Inilayo niya ang telepono sa kanyang tenga at nakakunot-noo niyang tiningnan kung sino ang kanyang kausap. Nanlaki ang kanyang mga mata sa pangalang nakarehistro sa screen ng kanyang cellphone at dali-daling bumangon para tunguhin ang pintuan.

Nang mabuksan niya ang pintuan ay bumalaga sa kanya ang apat na taong malaki ang naging bahagi sa kanyang buhay – ang buhay mag-isa. Ang mga kaibigang umagapay sa kanya at hindi siya binitawan sa kabila ng lahat.

“Lunch time!” Magiliw na wika ni Miles, ang kasundo niya sa kakulitan.

Pero imbes na ibalik ang pagbati nito ay mas binigyan pa niya ng pansin ang kanyang pintuan. Inimpeksyon kung ayos pa ba ito.

“’Wag kang mag-alala, wala pa kaming ginagawa sa pintuan mo.” Nakangisi namang wika sa kanya ni Marx. Ang pinakamasunurin sa kanilang lahat.

Doon lamang siya nakahinga ng maluwag. The last time that his destructive friends visited him ay napagalitan siya ng may-ari ng inuupahan niyang apartment sapagkat sinira ng mga ito ang kanyang doorknob nang hindi niya agad napagbuksan ang mga ito. Oo, gano’n ka mga praning ang mga kaibigan niya subalit hindi naman maikakailang masaya ang mga itong kasama.

“Bakit kayo nandito mga pangit? At ano ‘yang mga bitbit niyo?”

“Wow! Kung makapagsalita ka naman parang kay gwapo mong nilalang. Pasalamat ka pa nga’t binisita ka namin dito sa lungga mo at pinagdalhan pa ng tanghalian.” Ani naman ni Zandro.

“Salamat ha.” May bahid ng sarkasmo niyang wika. “Salamat ng marami dahil sa pagsira ninyo ng tulog at araw ko.” Dagdag pa niya.

“Hindi mo ba kami papapasukin? Hindi maganda sa kutis ko ang sobrang nae-expose sa araw eh.” Ani naman ng pinaka-vain sa kanilang si Keith.

“Hindi. Magpapahinga ako ngayon kaya umuwi na kayo at maghanap na lang kayo ng iba niyong mapagti-tripan.” Wika niya sa mga ito.

Akmang pagsasarhan na sana niya ng pinto nang maagap siyang napigilan ni Miles.

“Subukan mo at pasasabugin namin itong apartment mo.” May pagbabanta nitong wika na nilakipan pa nito ng nakakagagong ngisi.

Wala na siyang nagawa pa. Hinayaan na lamang niyang makapasok ang mga ito habang siya naman ay tila nayayamot na nakasandal sa may pintuan na sinusundan ng tingin ang mga kaibigang at-home na at-home sa kanyang tinutuluyan.

“Ano, tutunganga ka na lang ba riyan at panunuorin kami? Halika na’t papakin na natin itong mga binili namin.” Si Zandro.

“Nandito ba kayo para maki-tsismis?” Nang-aakusa niyang tanong sa mga ito.

Mukha namang hindi siya nagkamali dahil biglang nagpalitan ng tingin ang mga kaibigan niya at nang bumaling sa kanya ay nakangisi na ang mga ito tanda ng pag-amin.

“Wala akong sasabihin sa inyo kaya kung ako sa inyo, magsilayas na kayo.”

“Masama ang gising mo?” Nakangising wika ni Keith.

“Hindi pa ba halata?”

“Hindi, eh. Galingan mo pa ng konti. Basta kami, ay kakain muna bago ka namin isalang sa lie detector test.” Ngingisi-ngisi nitong tugon.

Pambihira talaga! Napapalatak niyang sambit sa kanyang sarili.

Kesa mamatay siya sa gutom ay sinabayan na lamang niya ito sa kanyang mesa. Mga pagkaing lagi nilang trip pagsaluhan no’ng nasa college pa sila ang mga dala ng mga ito.

“So, what made you decide to stop now Andy?” Ang pagsisimula ng pang-uusyuso ni Miles.

“Stop what?” Maang-mangan naman niyang sagot at sinadyang magsalita habang puno ng pagkain ang bibig sa harap ni Keith.

“Ang baboy mo.” Nakangiwi nitong alma na nginisihan lamang niya. Alam niyang madali itong mawalan ng gana sa tuwing isa sa kanila ang umaasal hayup sa hapag, gano’n ito ka-vain.

Kala mo ikaw lang ang magaling mang-asar.

“About your affair with Casper the user-friendly animal.” Ang pagpapatuloy naman ni Marx sa naumpisahang usapan. “Bakit ngayon mo pa siya naisipang tanggihan?”

Biglang naging seryoso ang mga mukha ng mga ito. Alam ng mga kaibigan niya ang kakaibang turingan nila ni Jasper na tulad niya ay kaibigan din ng mga ito. Subalit wala siyang narinig na pangungutya at paninisi mula sa mga ito. Bagkus, mas pinili ng mga kaibigan niya na huwag magbigay ng kahit na anong komento patungkol sa kakaibang relasyon nila ni Jasper maliban sa mga pang-aasar na tawag ng mga ito sa turingan nila.

“I guess I grew tired of it.” Pagsasabi niya ng totoo. “I’ve waited long enough, siguro naman sapat na ang paghihintay ko ng kay tagal para mapagod rin ako.”

Nagpalitan ng makahulugang mga tingin ang mga ito.

“Alam mong walang naging problema sa amin ang naging kakaibang relasyon ninyo ni Jasper, nagbulag-bulagan kami dahil alam naming sumasaya ka kahit papaano, pero you’re right. It’s about time na isuko mo na ang damdamin mo sa kanya, dahil he’s getting married Andy. Wala ka nang aasahan sa kanya.”  Seryosong wika ni Miles.

“Ikakasal na siya?” Ang tila nagulat naman niyang tanong.

“Yep, the very reason kung bakit siya nagbalik ng bansa.” Tugon naman ni Zandro. “Pinuntahan niya ako kagabi, galing nga raw siya rito sa apartment mo pero pinagtataguan mo raw siya. Nandito kami para suportahan ka sa naging desisyon mo at ipaalam sa ’yo na handa kaming tulungan kang manindigan dahil alam naming hindi magiging madali ito para sa ‘yo.”

“Kung gano’n bakit hindi pa niya ako tinitigilan? Ano ba ang tingin niya sa akin, parausan?” Hindi na niya naitago ang sobrang sama ng loob sa mga kaibigan. Akala niya nakalimutan na niyang magpaapekto sa mga problema pero hindi pa pala.

“Hindi namin p’wedeng sagutin iyan.” Wika ni Marx. “Dahil kung may tao mang tunay na nakakaalam kung bakit makalipas ang tatlong taon ay ikaw pa rin ang hinahanap-hanap niyang makatabi sa kama, ay siya iyon. At kung bakit ka naman pumayag sa gano’ng set-up sa haba ng panahon, ay dahil mahal mo siya at alam namin iyon. Pero since na ikaw na ngayon ang gumawa ng hakbang na lumayo sa kanya, siguro panahon na rin para gawin na rin namin ang dapat na ginagawa ng mga tunay na kaibigan.”

Itutuloy. . . . . . . . .

zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment