Tuesday, December 25, 2012

The Devil Beside Me (12)

by: Zildjian

Hindi magawang i-iwas nii Maki ang kanyang tingin kay Jay habang mahimbing itong natutulog. Maraming bagay ang tumatakbo sa kanyang isipan. Isa na doon ay ang katotohanang nagustohan niya ang presensiya nito buong gabi sa loob ng kanyang silid. Sa katunayan, napakahimbing ng kanyang naging pagtulog dahil doon.

Batid niyang malaki ang tampo nito sa ginagawa niyang pagpapasunod dito . Matapos ang kanilang pag-uusap kahapon nang tanghalian ay sa kanyang kapatid na ito dumikit at nakipagk’wentuhan. Ni hindi nga nito nagawangtapunan siya ng tingin hanggang sa maghapunan sila. Nang nasa k’warto naman sila ay wala itong ibang ginawa kung hindi ang kalikutin ang cellphone nito. Alam niyang ang kanyang kabiral ang ka-text nito pero pinili niyang hindi ito sitahin dahil batid niyang lalo lamang titindi ang inis nito sa kanya.


“Bakit ba kasi hindi ka na lang sa akin nagkagusto. “ Pabulong niyang naisambit.

Maingat niyang ini-ayos ang kumot nito at mataman itong tinitigan. Walang makakapagsabi na sa likod ng napaka-amo’t inosente nitong mukha ay naroon at nagkukubli ang pag-uugali nitong lubos na nagpasakit ng kanyang ulo sa mga taong nagdaan.  He can’t help himself but to reminisce the past. Ang panahon kung saan kailangan pa niya itong kaladkarin para pumasok lamang ito ng eskwelahan. Ang pag-tutor niya rito na palaging na-uuwi samatindi niyang pagka-asar. Ang mga kapilyuhan nito at mga gulong pinasukan na siyang palagi niyang inaayos ng palihim para hindi nito isipin na ayos sa kanya ang mga ginagawa nito.

Napangiti siya ng mapait sa mga ala-alang iyon. Those were the days na pareho pa ang kanilang nararamdaman sa isa’t isa ngunit ngayon, nagbago na ang lahat. At mahirap mang tanggapin ngunit ang mga pagbabagong nangyayari ay nagmula sa kanya. Because now, hindi na isang kababata o kaibigan ang tingin niya rito kung hindi ang taong bubuo sa kanyang pagkatao.

Aaminin niya, hanggang ngayon ay hindi parin siya sanay sa nararamdaman niya. Naroon pa rin ang mumunting takot. Ngunit hindi niya kayang  baliwalain siya ng kanyang kababata. Ayaw niyang mabaling sa iba ang atensyon nito. Dahil noong nangyari iyon, kahit pa man sa loob lamang ng ilang araw, ay talagang nabulabog ang kanyang sistema.

“Kailangan ko lang palang makitang may ibang tao kang pinapahalagahan para ma-realize ko kung ano kaba talaga sa akin. Kung sana noon ko pa ito nalaman, hindi sana kita hinayaan pang makilala ang Janssen na iyon.”May bahid ng paghihinayang niyang naiwika.

Ang laki ng kanyang sinayang na pagkakataon. Ngunit masisisi ba niya ang kanyang sarili? At kung nagkataon ngang nalaman niya agad kong ano ito sa kanya, magagawa niya bang mapanindigan ito noon?

“No. I don’t think so.” Siya na mismo ang sumagot sa katanungang nabuo sa kanyang isipan. “Baka nasira pa niyon ang samahan namin.”

Bahagya itong gumalaw at nagpalit ng posisyon parahap sa kanya.Agad naman siyang umayos ng pagkakahiga ngunit dala marahil ng paggalaw niya ay tuluyan itong nagmulat ng mata at nagsalubong ang kanilang mga tingin.

“Bakit?”May pagka-antok nitong naitanong.

“A-Anong bakit?”Ang tila nag-panic niyang tugon.

“Bakit ka nakatingin?”

“Hindi ako nakatingin sa’yo `no.”May pagka-defensive niyang tugon rito.

Ngumiti ito sa kanya habang bakas pa rin sa mga mata nito ang pagka-antok. Mukhang ang ala-ala ng pagka-inis nito sa kanya sa nagdaang araw ay tulog pa rin.

“Ang cute talaga ng Janssen ko.”

Napakunot-noo siya sa tinuran nito. Tama ba ang pagkakarinig niya? Tinawag siya nito sa pangalan ng kanyang karibal?

“Tulog lang muna tayo inaantok pa ako, eh.” Muli nitong wika kasabay ng pagkayap nito sa kanya. “Mahal na mahal kita Janssen.”

Tama nga ang pagkakarinig niya! Tinawag siya nito sa pangalan ng kanyang karibal! Agad na nagpintig ang kanyang tenga na sinabayan naman ng pag-ahon ng isang napakatinding selos. Hindi para sa kanya ang magandang ngiting iyon kanina, iyon ay para sa kanyang karibal na inaakala nitong siyang katabi pa rin nito sa pagtulog.

Maharas niyang ini-alis sa pagkakayakap ang kamay nito na siya namang dahilan para tuluyan na itong magising.  Dali-dali rin siyang bumangon mula sa pagkakahiga.

Kita niya ang pagtataka sa mga mata nito.

“Bumangon kana riyan.Mag-aalas-singko na.”Malimig niyang wika rito.

“M-Maki?” Ang tila parang naguluhan pa nitong sabi na siya namang lalong ikina-inis niya.

Imbes na sagutin ito at ipaliwanag sa nangungulap pa nitong utak ang sitwasyon ay minabuti na lamang niyang lumabas ng k’warto. Mas mainam iyon dahil baka hindi na niya mapigilan pa ang sarili at tuluyan ng sumabog sa harap nito.
                                                                                                                                         

Aaminin niyang na-insulto siya, nasaktan sa kaalamang kahit siya ang nasaharap at kasama nito ay wala pa rin sa kanya ang atensyon nito. Ang magpapatunay niyon ang nangyari kanina lamang. Ibig sabihin ay kahit sa pagtulog ay ang kinahuhumalingan pa rin nito ang nasa isip.

Damn it! Hindi niya mapigilang mapamura sa pinaghalong selos at inis na nararamdaman. Akala niya ay kapag nawala na sa kanyang landas ang kanyang karibal ay sa kanya na muli mababaling ang atensyon nito pero mukhang nagkamali siya.

“Sineryoso mo talaga ang pagsama kay Jay sa bukid nila, ah.” Bati ng kanyang ina sa kanya ng magsalubong sila sa kusina.

Hindi siya tumugon. Nagti-tense ang muscle niya sa ibayong selos. Baka kung ano pa ang mapansin nito kung magsasalita siya. Ang tipo pa naman ng kanyang ina ang klase ng taong madaling makabasa ng isipan kahit sa pamamagitan lang ng tono ng boses.

“Inihahanda ko na ang almusal niyo at ang babaunin niyo mamaya. Maligo na muna kayo. Paniguradong pagkatapos niyo ay nakahanda na rin ako. Teka, gising na ba si Jay?”Muling wika nito.

“Gising na po ako Tita. Good morning.”Ang biglaang pagsulpot nito mula sa kanyang likuran.

“Aba! Matatawag ko ba itong himala, Jay?” Nakangiting pagbibiro naman dito ng kanyang ina.“Siya, maghanda na kayo para ma-aga kayong maka-alis. Maki, doon ka na lang sa k’warto namin ng papa mo maligo para hindi niyo na kailangang maghintayan.”

Tumango siya sa kanyang ina saka bumaling kay Jay.

“Bilisan mo ang kilos mo ng hindi tayo mahuli.Wala akong balak paghintayin ang mga tauhan niyo.” Malamig niyang wika rito saka siya muling pumanik sa kanyang silid para kumuha ng tuwalya. Kailangan niya ang malamig na tubig. Baka sakaling makatulong iyong mabawasan ang pagkairita niya.

“Masama ba ang gising ng isang `yon?” Ang narinig pa niyang wika ng kanyang ina.

Dumating sila sa bukid na pagmamay-ari ng mga magulang ni Jay na walang naganap na usapan sa pagitan nilang dalawa. Ni walang lumabas na kahit na anong pagrereklamo mula sa bibig nito kahit pa man talagang minadali niya ito kanina. Marahil ay alam nitong wala siya sa tamang timpla sa araw na iyon.

Talagang tinamaan siya ng matinding pagkairita dahil sa nangyari. Ngayon lamang siya nakadama ng gano’n na kahit ang malamig na tubig nang maligo siya kanina ay hindi nakatulong para mapalis iyon.

“Ang aga niyo naman ho sir Jay, sir Maki.” Bati sa kanila ni mang Ben. Ang matandang siyang pinagkakatiwalaan ng kanyang tito Arturo. “Tumawag sa akin si sir Art, at nasabi nga niyang kayo ang ipinadala niya.”

“Si papa talaga.” Nakasimangot na wika ni Jay. “Ang hilig niyang gumawa ng desisyon na biglaan at hindi nagtatanong sa akin.”

Napangiti ang matanda rito. Alam na alam na nito ang ugali ng kanyang kababata. Simula’t sapol talaga ay wala itong interes na pamahalaan ang mga negosyo ng mga magulang nito.

“Sir Jay, p’wede naman ho kayong ditona lamang sa loob ng bahay para hindi kayo mainitan. Tutal narito naman si sir.Maki.Ipagluluto pa kayo ng manang Elma mo ng masarap na pagkain.”

Ang bahay na tinutukoy nito ay ang bahay kung saan lumaki ang ama ni Jay kasama ang dalawa pang kapatid nito na ngayon ay nasa ibang bansa na. Ang ancestral house ng mga Iglesias na siyang tinutuluyan nila kapag naroon sila sa malawak  na haciendang iyon.

“Hindi po.Sasama po siya sa atin.”Mariin niyang wika.

“Pero baka kasi ––.”

“Kaya ko po siya isinama rito para maturuan siya sa mga dapat niyang gagawin sakaling siya na po ang mamamahala rito Mang Ben.” Pagputol niya sa iba pa nitong sasabihin.

“Ayos lang po Mang Ben.”Nakangiti namang wika rito ng kanyang kababata.“Hindi po magandang kinu-kontra si Maki kapag ganitong masama ang gising niya.”May bahid ng sarkasmo pa nitong dagdag.

“Pasensiyahan niyo na ho ako.” Hinging paumanhin naman sa kanya ng matanda.

Sa katunayan, ayaw niyang may ibang taong nadadamay sa tuwing mainit ang kanyang ulo. Sa kanilang magkakaibigan ay siya ang pinakamagaling mag-control ng sarili. Pero sadyang hindi niya magawa iyon ngayon. Marahil ay tama nga si Nico, he should learn how to control his temper dahil baka iyon pa ang makasira sa kanya at sa mga plano niya.

“Saang banda po ba tayo magsisimula Mang Ben?.” Ang sa halip ay naitanong niya sa matanda patukoy sa ilang hektaryang niyogan ng mga Iglesias.

“Doon sa may malapit sa ilog.”

“Gano’n po ba?Kakailanganin ko nga po pala ang listahan ng mga tauhang kinuha niyo. Iyon po ang bilin sa akin ni Tito Arturo.”

“May problema ho tayo sa bagay na iyan. Lumampas sa bilang na inaprobahan ni sir Art ang mga tauhan natin ngayon.”

“Paano po nangyari iyon?”

“Dahil nagsara ho ang poultrysa kabilang baryo na siyang pinagkakakitaan ng ilang taga rito.Ngayon, umaasa silang tatanggapin ni sir Art ang kanilang serbisyo dahil talagang wala na silang iba pang pinagkakakitaan.”

“Ilan po ba ang nadagdag?”

“Sampong katao ho. Pero hindi ko pa sila pinagsisimula. Minabuti ko munang hintayin kayo at hayaang kayo ang magdesisyon.”

Napatango-tango siya. Hindi na siya ngayon nagtataka kung bakit ito ang pinagkatiwalaan ng kanyang Tito Art sa ilang hektaryang lupain ng mga ito.

Bumaling siya kay Jay na sa mga oras na iyon ay panay ang kalikot sa cellphone nito marahil ay umaasang makakakuha ito ng signal.

Napailing siya. Wala talaga itong interes kapag tungkol sa negosyo ng magulang nito ang pinag-uusapan.

“Stop it Jay.” Ang tila tinatamad niyang saway dito.

Agad naman itong sumunod at muling ibinulsa ang cellphone nito.

“Ano ang masasabi mo sa problema ni Mang Ben?” Seryoso niyang tanong rito.

“Problema?Anong problema?”Takang tanong naman nito.

Napabuntong hininga siya. Sinasabi na nga ba niya’t wala itong ni isang narinig sa pinag-usapan nila ng katiwala ng mga ito, eh. Nagsayang pa siya ng oras na magtanong.

Bumaling siya sa katiwalang napapangiti na lamang ng pilit.

“Samahan mo po kami sa mga taong iyon Mang Ben. Gusto kopo silang maka-usap muna.”

“Sige ho.”

Masasabi niyang napakalawak ng lupain ng mga Iglesias at hanggang ngayon, kahit nakailang punta na siya roon ay hindi niya pa rin mapigilang mapahanga. Hindi rin niya maiwasang mangarap na sana, dumating ang panahon na mabibigyan niya rin ng lupaing pagkakakitaan ng kanyang mga magulang para hindi na kailangan pa ng kanyang ama na magtrabaho sa malayong lugar. Iyon talaga ang kanyang pinag-iipunan kaya naman nag-invest siya sa coffee shop ng kanyang kaibigan.

Noon, may mga pagkakataon na kina-iinggitan niya si Jay at ang tinatamasa nitong ginhawa. Subalit habang lumalaon at nakikita niya ang epekto ng pagkakaroon nito ng lahat-lahat ng walang kahirap-hirap ay nagbago iyon. Hindi niya gusto ang buhay na naka-upo lamang at walang ginagawa. Mas gusto niya iyong kahit kaunti lang ay nakakatulong siya sa kanyang mga magulang.

“Naroon ho sila.” Kapagkuwan ay wika ni Manong Ben habang itinuturo sa kanila ang kumpol ng mga taong nasa isang pinasadyang silungan.

Lumapit sila sa mga ito.

“Magandang umaga ho.” Bati sa kanila ng mga ito.

“Kilala niyo naman siguro ang nag-iisang anak ni sir Art, si sir Jay.Kasama niya ang kanyang kaibigan para siyang mamahala sa magaganap na pagha-harvest ngayon, si sir Maki.”

“Actually, kaming dalawa ni Jay ang mamahala hindi lamang ako.” Pagtatama niya kay Mang Ben.“Balita ko, ay nagsara ang pinagta-trabahuan niyo kaya kayo nandito ngayon.”

“Oho sir.Umaasa ho kami na sana ay tanggapin niyo ang serbisyo namin. Wala na ho talaga kaming ibang mapagkakakitaan at halos hindi na namin napapakain ng tama ang mga pamilya namin.” Ani ng isa na sa tantiya niya ay tatlong taon ang tanda sa kanya.

“Kahit po hindi na kapareho ng sahod sa mga nauna sa amin ay ayos lang po sir. Ang importante lang naman ay may maiuwi kami sa mga pamilya namin.” Sabat naman ng isa.

“Hindi magiging patas iyon.” Ang hindi niya inaasahang pagsali sa usapan ni Jay. “Kung kukunin natin sila ay nararapat lamang na pantay ang magiging bayad nila. Pare-pareho rin lang din naman ang magiging trabaho nila hindi ba?”

“Hindi tayo basta makakapagdesisyon sa bagay na iyan.Hindi sila kasama sa inaprobahan ng papa mo. Ibig sabihin, walang budget para sa kanila.”Ani naman niya rito.

Bumaling ito kay Mang Ben.

“Sa tingin niyo po ba ay makakasama sa atin ang magdagdag ng tao Mang Ben?”

“Hindi ho. Sa katunayan ay malaki ang maitutulong niyon para lalong mapadali ang lahat.”Tugon naman dito ng matanda.

“So, ibig sabihin, walang pong magiging problema kung tatanggapin natin sila?” Ang tila naninigurado nitong tanong sa matanda.

“Ah… Eh..Hindi po kasi ito naaprobuhan ng ama niyo.”Sa hitsura ni Mang Ben ay masasabi niyang gusto nitong matulungan ang mga kabaryo nito. Kaya lamang ay ayaw nitong magdesisyon ng walang pahintulot sa amo nito.

“`Yon lang po ba ang problema?” Muling pang-uusisa ni Jay dito.

Tumango dito ang matanda bilang pagtugon.

“Kung gano’n po, ako na po mismo ang mag-a-aproba sa kanila.”

“Jay?” Ang hindi niya makapaniwalang nasambit. “Hindi mo p’wedeng basta na lamang silang paasahin. Paano kung hindi pala sangayon ang papa mo patungkol sa bagay na ito? Wala silang sasahurin pag nagkataon.”Protesta niya.

Hindi naman yata tama na basta-basta na lamang ito magdedesisyon.Ano ba ang tingin nito? Laro lang ang lahat? Papagtrabahuin nito ang sampong katao na walang kasiguraduhan kung mababayaran ba ang mga ito.

Bumaling ito sa kanya.

“Hindi ba’t ikaw na rin ang nagsabi, pinadala tayo ni papa rito para tayo ang  mamahala ng lahat.Ibig sabihin, pati ang mga ganitong problema ay tayo ang magdedesisyon. Besides, hindi makakasama ang gagawin natin. Nakatulong na nga tayo ng sampong tao na wala ng ibang napagkakakitaan, mapapabilis pa ang pag-aani natin.”

May punto ito at hindi niya inaasahan na kahit papaano ay may simpatya pala ito sa mga taong kapos. Mas nasanay o mas tamang sabihing mas na-expose siya sa pag-uugali nitong tanging ang sariling kailangan at gusto lamang nito ang mahalaga. At marunong rin pala itong magdesisyon.

“What assurance can you give to them na may makukuha sila sa pagta-trabaho nila? They can’t just rely into your words. Baka sa huli, gulo ang kalabasan nito Jay.” Gusto niyang makasigurado dahil siya man ay nais ring makatulong sa mga ito.

“You can have my bank account. Kapag hindi sila binayaran ni papa, doon mo kunin ang ipambabayad natin sa kanila.”

Hindi niya alam pero sa isang iglap ay nawala ang pagkainis niyang nararamdaman dito. Bagkus ay napalitan ito ng ibayong tuwa. Kung dahil ba iyon sa pagkabilib niya sa pinakitang paninindigan sa desisyon nito ay hindi niya alam.

Bumaling siya kay Mang Ben na nakangiti. Ang kauna-unahang ngiti niya sa araw na iyon.

“Isama nyo po silang sampo sa listahang ibibigay nyo po sa akin Mang Ben.”Wika niya rito saka niya binalingan ang mga ito.“P’wede na kayong magsimula. Mas maaga ay mas maganda para makarami tayo ngayong araw.”

Nang marinig iyon ng sampo ay ibayong pasasalamat ang ginawa ng mga ito sa kanya lalo na sa kanyang kababata na napapakamot na lamang sa ulo habang nakangiti. Kita niya sa mga matanito ang ibayong tuwa sa naibigay nitong tulong. Siya man, sa kaibuturan ng kanyang puso ay naroon ang sayang walang pagsisidlan sa ipinamalas nito.

Naging mabilis ang oras nila sa bukid. Lahat ay naging abala sa kanya-kanyang trabaho. At himalang walang pagrereklamo siyang nakuha mula sa kababata. Bagkus, nagawa pa nitong makipagbiruan sa mga tauhan nito. Pagsapit ng tanghalian ay dinala ng anak ni Mang Ben ang kanilang pagkain kasama na roon ang ipinaghanda sa kanila ng kanyang ina. Iyon ang pinagsaluhan nilang tatlo.

“Hindi ko alam na may natitira pa palang katinuan sa utak mo.” Pagbasag niya ng katahimikang namagitan sa kanila nang iwan sila ni Mang Ben para kumuha ng malamig na tubig.

“At hindi ko rin alam na kapag badtrip ka pati matanda ay pinapatulan mo.” Tugon naman nito sa kanya.

“Wala akong ma-alala may pinatulan akong matanda ngayong araw.” Maang-maangan naman niyang tugon.

“Sa susunod, kung ayaw mo lang na niyayakap kita, huwag ka na lang makipagtabi sa aking matulog.”

Nangunot ang kanyang noo rito.

“Ano ang pinagsasabi mo?” Takang tanong niya.

“Hindi ba’t iyon naman ang dahilan kung bakit kanina pa umuusok iyang ilong mo? Dahil aksidente kitang niyakap kanina.”

Ano raw? Iniisip nito na kaya masama ang mood niya ay dahil sa pagyakap nito sa kanya? Saang libro naman nito nakuha ang gano’ng kahibangan?

“Kung iniisip mong pinagsasamantalahan kita, p’wes nagkakamali ka. Malikot lang talaga akong matulog `no!” Pagpapatuloy pa nito.

“Wala akong gano’ng iniisip!” Depensa niya sa kanyang sarili. “Tsaka, saan mo nakuha ang ganyang paniniwala?”

“Oh bakit, iyon naman talaga ang totoo diba? Noon pa man, kaya ayaw mong makipagtabi sa akin dahil takot kang gapangin kita.”

“At saan mo naman nakuha ang mga ganyang paniniwala? Ayaw ko lang na hindi ka maging kumportable sa pagtulog mo kaya binibigay ko sa’yo ang k`warto ko.” Nagsisimula na rin siyang mapikon dahil sa mga pamamaratang nito sa kanya.

“Mukha mo! May pakumportable-kumportable kapang nalalaman. Halata namang wala kang tiwala sa akin, eh. Kaya nga ayaw na ayaw mong doon ako tumuloy sa bahay-tamabayan natin kasama si Janssen dahil inaakala mong gagapangin ko siya.”

Napuruhan siya kasi iyon naman talaga ang inisip niya. Pero masisisi ba siya nito. Eh, halos ito ang pinaka-polluted ang utak sa kanilang magkakaibigan.

“Kita mo. Hindi ka nakapagsalita kasi totoo.” May panunumbat nitong muling wika. “Wala kang tiwala sa akin. Iniisip mo na kapag binigyan mo ako ng pagkakataong madikit sa’yo, eh, pagsasamantalahan na kita.”

“Hindi totoo yan.” Mahina pero mariin niyang tugon.

“Kaibigan kita Maki, wala pa sina Lantis ay magkaibigan na tayo. Sa tingin mo ba magagawa kong gapangin ang kabababata ko?”

“Sabi ng hindi totoo `yan! Ano ba?!” Hindi na niya napigilan ang sarili. “Gusto mo ba talagang malaman kung bakit mainit ang ulo ko kanina, ha? Dahil nagseselos ako! Nagseselos ako sa Janssen na `yon dahil kahit ako na ang katabi mo, siya pa rin ang tumatakbo diyan sa lintik na isipan mo!”

Itutuloy. . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment