Tuesday, December 25, 2012

Make Me Believe (18)

by: Zildjian

“Hindi naman kayo nag-abiso Ma na luluwas pala kayo rito.”

“Nag-aalala na kasi ako sa ‘yo anak.  May katagalan na rin nang huli kang magparamdam sa amin ng kapatid mo. Baka kako kung napa’no ka na.”

“Wala ho kayong dapat ipag-alala sa akin Ma, ayos lang ako rito. Mabuti na lang at gising pa ako nang tumawag kayo para magpasundo sa terminal.”


“Sinadya ko talagang sorpresahin ka.” Ani nitong kahit nakangiti ay mababakas pa rin ang pag-aalala sa mukha nito. “Kung hindi pa pala ako nagdesisyong lumuwas dito, hindi ko pa malalamang wala ka ng kasama rito.”

Hindi ako naka-imik. Sinadya ko talagang hindi ipaalam sa kanya ang tungkol sa paghihiwalay ng landas namin ni Martin para hindi ito mag-alala pa sa akin.

“Ano ba ang nangyari sa inyo ni Martin?” Naramdaman ko ang pag-aalala ng isang ina sa tinig nito. May ideya si mama tungkol sa nararamdaman ko kay Matt. Ito pa mismo ang nagpayo sa akin noon na huwag masyadong umasa pero dahil sa katigasan ng ulo ko hindi ako nakinig.

“Matagal na ho iyon Ma, huwag na lang nating pag-usapan.” Ang paiwas kong wika kasabay ng pagbigay ng isang ngiti para mawala ang pag-aalala nito.

Saktong dalawang buwan na ang nakakaraan nang maghiwalay kami ng landas ni Matt – ang nag-iisang taong pinaglaanan ko ng lahat-lahat sa akin. Gumuho ang mundo ko no’n ngunit dahil na rin sa mga sinabi sa akin ni Lantis ay pinilit kong magpakatatag. Sinubukan kong isaayos ang buhay ko para na rin sa mga taong nagmamahal sa akin.

Hindi naging madali iyon. Isang buwan akong umasa na babalik si Martin at muli naming maibabalik sa ayos ang lahat pero hindi iyon nangyari. Isang buwan ko ring pinilit na itago sa harap ng mga taong nakakasalamuha ko ang totoong nararamdaman ko dahil ayaw ko silang mag-aalala para sa akin hanggang sa tuluyan na lang akong magsawa at bumitiw.

Napabuntong-hininga ito. Bakas pa rin sa mukha ang pag-aalala. Pero, hindi na rin ito nagpumilit pang ungkatin ang lahat. Marahil nahalata nitong wala akong balak pang pag-usapan ang nakaraan. Gusto ko nang tuluyang kalimutan ang lahat at magsimula ng bagong buhay kasama ang mga taong nagmamahal at nagpapahalaga sa akin. I had to move on with my life even without Martin at ngayon nga, unti-unti na akong nakakabangon.

“Umuwi ka na lang kaya sa atin? Nami-miss na rin naman kita, doon ka na lang muna sa akin tutal sakto pa naman ang kita ko para sa inyong magkapatid.”

“Ma naman. Sayang ang trabahong iiwan ko rito kung sasama ako sa inyo. ‘Tsaka, gusto kong ring matulungan ka sa mga gastusin sa bahay.” Alam ko namang nag-aalala lang ito sa kalagayan ko kaya gusto ako nitong pauwiin. Pero buo na ang desisyon kong ibalik ang pag-aalaga nito sa amin ng kapatid ko.

“Nag-aalala lang naman ako para sa ‘yo anak. Lalo pa’t nag-iisa ka na lang dito ngayon.”

Napangiti ako sa kanya. Hindi pa rin nagbabago ang pagiging maalalahanin nitong ina.

“Ayos lang ako rito Ma, hindi ako nag-iisa. May mga kaibigan akong makukulit na laging nagpapasaya sa akin dito, kaya hindi ka dapat mag-alala sa akin.”

Mataman ako nitong tinitigan na para bang sinusukat nito kung totoo lahat ang mga ipinapakita ko sa kanyang kasiglahan. Nang marahil ay napagtanto nitong totoo lahat ng iyon, ay marahan itong tumango at ngumiti.

“Masaya ako na may mga bagong tao na sa buhay mo Kenneth.”

“Ako rin Ma.” Ang nakangiti kong tugon dito.

Malaki ang utang na loob ko sa mga kaibigan ko ngayon dahil kung hindi dahil sa kanila ay hindi ko magagawang ipagpatuloy ulit ang buhay ko. Isa sila sa mga dahilan kung bakit nagagawa ko na ulit ngumiti ngayon. Marami akong bagay na natutunan sa buhay sa pagkawala ni Martin. Isa na roon ay ang makita na may iba pa palang taong nagpapahalaga sa akin. Noon, kay Martin lang umiikot ang mundo ko dahilan para hindi ko mabigyan ng pansin ang mga taong ang tanging gusto lang ay mapasaya ako.

Oo, may mga oras na hindi ko maiwasang hindi malungkot tuwing naalala ko ang matalik kong kaibigan. Normal na siguro iyon, marami rin kasi kaming pinagsamahan ni Martin at kahit kailan ay nakatatak na iyon sa aking puso’t isipan. Nami-miss ko siya – ang lahat ng mga alaala naming dalawa ngunit natutunan ko na ring tanggapin ang lahat. Walang mangyayari sa akin kung itatali ko pa rin ang sarili ko sa nakaraan – iyon ang sabi ni Lantis kaya ginawa ko ang lahat para maipagpatuloy ko ang buhay ko.

“Dito muna ako kahit hanggang ngayong araw lang. Na-miss ko na talaga ang panganay ko. Kahit gustohin ko mang magtagal rito para masamahan ka ay hindi rin p’wede, baka wala na akong bahay na datnan pag-uwi ko.

Natawa ako sa tinuran nito. Kahit kailan talaga napakalambing nitong ina. Kung may bagay man akong ipinagpapasalamat sa Maykapal, iyon ay nang bigyan ako nito ng isang ina na bukod sa pagiging supportive nito’t maalaga ay hindi rin matatawaran ang pagmamahal nito para sa aming magkapatid.

“Si Chester kamusta Ma? Nag-aaral ba siya ng mabuti?”

“Isa pang sakit sa ulo ang batang iyon. Wala ng ibang inatupag kung hindi ang computer na binili mo para sa kanya. Kita mo nga’t ipinagpalit pa sa computer niya ang pagkakataong madalaw ang kuya niya.”

“Hayaan mo na Ma, para naman lagi kang may kasama sa bahay.” Iyon naman talaga ang totoong rason kung bakit ko binilhan ng personal computer si Chester. Para hindi na ito lumabas pa at doon na lang mamalagi sa bahay. Napag-alaman ko kasing adik ito sa mga online games at halos doon na tumitira sa computer shop na malapit sa amin.

“At talagang sinuhulan mo pa ang isang iyon para lang may makasama ako.” Kita ko sa mga mata nito ang ibayong tuwa sa mga narinig. Alam ko naman na kahit ang wonder woman naming ina ay nangangailangan din ng pag-aalala at pagmamahal sa kanyang mga anak. Soft-hearted si Mama at very emotional. Sa mga simpleng bagay na magpapakita sa kanya na importante siya ay lubos nitong ikinatutuwa.

“Dinagdagan ko lang ang baon niya para pang-load niya. Nagbibinata na rin kasi si bunso.”

“Salamat anak. Napakas’werte ko talaga na ikaw ang naging anak ko.”

“Kain na tayo Ma, alam kong hindi ka pa nanananghalian.”

Bago pa ito tuluyang magdrama ay inasikako ko na ang tanghalian naming dalawa. Maagap naman ako nitong tinulungang ilabas mula sa ref ang ulam na lulutuin ko para sa amin. Mabuti na lang ay may stock pa ako, dahil paminsan-misan ay napagtri-tripan ko pa ring magluto kahit mag-isa na lang ako sa bahay.

Ilang minuto lang ay nakapaghanda na kami ng makakain, at muli ko na namang naramdaman ang mapagsilbihan ng sarili kong ina. Ito na ang naglagay tubig sa akin na lagi nitong ginagawa sa amin no’ng mga panahon na nasa poder pa ako nito. That simple gesture of her never ceased to make me feel how much she loves me.

Hindi na nito nabanggit pa si Martin habang kumakain kami. Mas naging interesado ito sa mga bagong kaibigan na binanggit ko sa kanya. Alam ni Mama ang lahat sa akin at alam ko rin na ayaw na nitong ipaalala pa sa akin ang lahat. Naging masaya at magana ang tanghalian ko. Hindi ko naramdaman ang antok na naramdaman ko kanina nang matapos ang shift ko.

Hindi pa man kami tuluyang natatapos ni Mama sa tanghalian namin dahil sa mga kakulitan nito patungkol sa mga bago kong kaibigan nang may kumatok sa pintuan ng apartment. Parehong nabaling ang tingin namin sa nakasarang pintuan at pareho rin ang naging ekspresyon ng mukha namin –  pagtataka.

“May inaasahan ka bang bisita?” Ang may pagtatakang tanong ni mama sa akin.

“Wala naman Ma. Sandali po, baka ang may-ari `yan ng apartment. Hindi pa kasi siya nagpunta rito para kunin ang buwanang bayad ko.”

Tinungo ko ang pintuan para pagbuksan ang inaakalang ang may-ari ng inuupahan ko ang kumakatok, pero laking gulat nang hindi ito ang tumambad sa harapan ko.

“Happy Monthsary!” Ang magiliw nitong bati na sinamahan pa nito ng isang mabilis na halik. Sa pagkagulat ay hindi na ako nakaiwas pa.

“N-Nhad?”

“Sino pa ba ang inaasahan mo?” Sabay bigay nito ng kanyang pamatay na ngiti.

“D-Di ba may trabaho ka?”

Biglang nalungkot ang mukha nito.

“Ayaw mo ba na pinuntahan ko muna ang nag-iisang taong laman ng puso ko para batiin? May dala pa naman akong lunch para sa ating dalawa.”

Imbes na aluin ito ay natawa ako sa naging pagtatampo nito. He’s kinda cute pouting his lower lip while he’s in his all white uniform.

“Pinagtawanan pa ako. Makaalis na nga.” Akmang tatalikod na ito nang maagap kong mahawakan ang braso nito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito pumapalyang mapangiti ako at mapatawa ng totoo. Isa sa mga rason kung bakit tuluyan kong ibinigay sa kanya ang sarili ko. Because with Nhad beside me, he can make me forget about my pains and how I suffered.

“Ito naman. Hindi na ba p’wedeng mabigla ngayon? Ikaw naman kasi, basta-basta ka na lang sumusulpot para gulatin ako.” Ngingiti-ngiti kong sabi.

“Nagtatampo pa rin ako.” Ang wika nito.

“Sorry na. Nagulat lang talaga ako sa biglaang pagsulpot mo.” Pang-aalo ko sa kanya. Ganito ito kapag nagtatampo, parang bata.

“Ayaw ko ng sorry mo.”

“Ano ba ang dapat kong gawin para mapatawad mo na ako?” Nakasanayan ko na rin ang mga simpleng hirit at pagpapa-cute nito. Sa nagdaang buwan ay tuluyan ko pang nakilala ang totoong Nhad at lahat ng natuklasan ko sa kanya ay mas lalong nagbigay sa akin ng rason na subukan ang buhay kasama ito.

“Kiss. Gusto ko ng kiss para mapatawad kita.” Nakangisi nitong wika.

Sabi na nga ba’t nagpapa-cute na naman ito eh.

“Asus! Gusto mo lang palang makaisa sa akin.” Ang wika ko kasabay ng mabilisang halik sa labi nito na dahilan para matigilan ito pansamantala at nang makabawi, ay muling gumuhit ang napakagandang ngiti nito kasabay ng pagningning ng mga mata nito.

“Ang sarap. P’wede na akong ‘di kumain.” Hirit nito.

Muli akong napatawa. Mababaw mang tingnan pero ang mga simpleng gesture ko at paglalambing sa kanya ay nagbibigay rito ng ibayong saya. Ramdam ko rin ang tunay na pagmamahal nito para sa akin sa tuwing tititigan ako nito ng may ningning sa kanyang mga mata, as if he was staring with the only person who owns his heart.

“Ehem!”

Sa sobrang pagkagiliw ko kay Nhad ay nakalimutan ko nang naroon pala si Mama. Agad akong nakaramdam ng pamumula. Nakita at narinig siguro nito ang lahat ng kakornihan namin ni Nhad.

“Hindi mo ba ako ipapakilala sa kanya Kenneth?” Wika ulit nito nang hindi ako makapagsalita agad. Pati si Nhad ay halatang nabigla rin sa presensiya nito.

“M-Magandang tanghali po.” Ang nag-aalangang wika ni Nhad.

“Magandang tanghali rin naman sa iyo. Pasok ka.”

“Ah.. eh…” Ang napapakamot nito sa ulong wika. Wala rin siguro itong maisip na sasabihin sa pagkabigla.

“Nhad, ang mama ko nga pala.” Pagpapakilala ko sa kanila. “Ma, si Nhad.”

Binigyan ako nito ng nanunuksong ngiti na lalo ko pang ikinamula.

Bakit ko ba kasi nakalimutang nasa loob pala si mama. Paninisi ko sa aking sarili.

Nabaling ang tingin nito kay Nhad at binigyan ito ng mapanuring tingin. Parang imbestigador lang ang hitsura nito na animo’y isang suspek ang sinisipat nito sa mga oras na iyon. Halatang naging uncomfortable si Nhad si ginawa ni Mama pero nagawa parin nitong ngumiti. Alanganin nga lang.

“G’wapo rin ang isang ‘to anak ah.” Kapag kuwan ay wika nito. “Halika iho, pasok ka. Sabayan mo kaming mananghalian nang makilatis ko naman ang boyfriend ng anak ko.” Sabay baling ulit nito sa akin at muling sumilay mula rito ang mapanuksong ngiti bago nagpatiunang bumalik sa kusina.

Napapa-iling akong bumaling kay Nhad na halatang hindi na mapakali.

“Tell me I’m not in big trouble.”

“You are.” Tugon ko rito at nakangiwi itong napakamot muli sa kanyang batok.

Tinungo namin ang mesa kung saan naghihintay ang magaling kong ina. Wala itong imik pero halatang gusto na ako nitong tuksuhin base na rin sa nakikita kong ekspresyon sa mukha nito. Habang si Nhad naman ay tahimik lang na umupo sa aking tabi. Hinihintay marahil nito ang gagawing pagsasabon sa kanya ni Mama.

“So, tell me iho, paano kayo nagkakilala nitong anak ko?” Pagsisimula ni mama ng usapan.

“Ma, hayaan muna nating makakain si Nhad bago mo siya usisain.” Saway ko rito.

“Okey lang Ken.” Wika ni Nhad. “Sa isang bar po kami nagkakilala ng anak ninyo.” Baling nito kay mama.

“Nagba-bar na pala ang anak ko.” Ani nito na may himig ng panunukso at sa akin nakatingin. “Ang buong akala ko’y, walang kahilig-hilig sa mga gano’ng lugar itong si Kenneth ko.”

“Minsan lang po. No’ng magkayayaan sila ng mga katrabaho’t kaibigan niya.” Ang tila nagpapaliwanag namang wika ni Nhad. Iniisip siguro nito na baka ikapahamak ko ang nasabi niya kay mama.

Tumango-tango naman ang aking ina na halatang tuwang-tuwa sa mga naririnig.

“Ilang buwan na kayong magkasintahan nitong anak ko?” Walang prenong tanong nito. Halos mapapalatak ako sa pang-uusisang ginagawa nito. Though, kahit papaano ay natutuwa akong tanggap nito ang pakikipagrelasyon ko sa isang lalaki.

“Ho?” Nhad’s uneasiness really made him much cuter. Namumula na kasi ito at halatang nahihiya sa aking ina. Kung alam lang nitong sinasadya iyon ni mama para mapagtripan kami.

“Narinig ko kanina na kaya ka pumunta rito para batiin ang anak ko sa espesyal na araw niyo.”

“Ah.. eh.. Isang buwan pa lang po.”

“Ma, huwag niyo namang i-torture si Nhad. Pinagpapawisan na sa inyo ang tao, oh.” Saway ko sa aking ina, medyo naaawa na natatawa na rin kasi ako sa hitsura ni Nhad.

“Hindi naman masamang magtanong di ba iho?”

“O-Opo.”

Napapailing na lang na pinagpatuloy ko ang pakikinig sa ginagawang interrogation ni mama kay Nhad. Habang tumatagal ang kanilang usapan ay napapansin kong unti-unti na ring nagiging komportable si Nhad rito. Si mama naman ay halatang nagugustuhan nito ang lahat ng mga nalalaman niya hanggang sa nagagawa na ni Nhad na ngumiti sa mga pilyang banat ng nanay ko.

Naging maganda naman ang tanghalian naming tatlo. Madaling napalagay ang loob ni mama kay Nhad, siguro’y dahil nakikita nitong wala naman talagang masamang intensyon ito sa akin. Ang natural na kabaitan at pagiging magiliw nito ay ang naging daan para makuha nito ang loob ni mama. Nagagawa kasi nitong maipakita ng walang pag-aalinlangan ang tunay nitong nararamdaman. Transparent kung baga, at iyon ang isa sa mga traits nito na nagustuhan ko sa kanya.

Nang tuluyan ko nang tanggapin sa sarili ko na kailangan ko ng magsimula ng bagong buhay – ang buhay na hindi na kasama si Matt, ay siya namang pagbukas ko ng aking puso para kay Nhad. Alam ko, di ko pa tuluyang nakakalimutan ang nararamdaman ko para kay Martin pero alam ko rin na may nararamdaman na rin ako kay Nhad. Hindi man kasing-lakas at kasing-tindi ng naramdaman ko kay Martin alam kong magagawa ko rin itong mahalin ng buo.

Nakita ko ang effort nitong mapasaya ako no’ng mga araw na nalugmok ako sa ibayong kalungkutan. At ito ang nag-iisang taong laging nasa tabi ko no’ng mga araw na kailangan ko ng kausap, ng diversion. Bago ko siya sinagot, sinabi ko sa kanya na hindi ko pa kayang maibigay ang lahat ng ako. Pero siya na ang nagsabing siya na mismo ang gagawa ng paraan para mahalin ko siya ng buo. I held on to his word because I needed to. Not only because I wanted to forget about Martin, but also I wanted to feel how to kove and be loved. Gusto ko namang maramdaman ang ako’y mahalin, at iyon ang laging ipinararamdam sa akin ni Nhad.

Bawat araw ay naipaparamdam nito sa akin kung gaano niya ako ka-mahal. Hindi ako nagsisisi na binigyan ko ito ng pagkakataon na mahalin ako. Nhad is the kind of person na gugustuhin ng lahat. Material boyfriend sabi nga nila.  Sweet, Kind, seloso, matampuhin, kengkoy, at kung anu-ano pa. Lahat ng iyon ay palaging dahilan ng paguhit ng mga ngiti sa aking labi.

“Mabait siya. Gusto ko siya.” Wika ni mama nang makaalis na si Nhad para bumalik sa kanyang trabaho. Sinadya lang nitong dumaan sa bahay para raw makasabay akong magtanghalian dahil alam naman nitong wala na akong oras mamaya.

“Hindi halata.” Nakangiti kong tugon.

“At masaya akong malaman na ngayon, may isang tao na kayang maibalik at suklian ang pagmamahal mo anak.”

Somehow her words hit me. Kay tagal kong itinali ang puso ko sa isang pagibig na hindi naman pala kayang matumbasan ng taong tinatangi ng puso ko. Alam kong may ibig sabihin ang sinabi ni mama, pero pinilit kong hindi iyon bigyan ng pansin. She only wanted me to be happy and now, I can say that somehow I am.

“Isip-bata nga lang minsan ‘yon Ma.” Gatong ko na lang rito.

“Mukha nga siyang bibo.” Nakangiti nitong wika. “Pero ang g’wapo niya. Sayang ang lahi niya anak pero okey na rin iyon at least masaya ka.”

“Hindi naman sayang ma. Napapakinabangan naman kahit papaano.” Pagsakay ko sa biro nito.

“Masarap ba siyang humalik anak?” Nanunuksong tanong nito.

“Ma!”

“Oh, relax lang.” Ang natatawang wika nito. “Tinatanong ko lang naman.”

“Ma, pumasok ka na nga sa k’warto para makapagpahinga ka na. Kung anu-ano na kasing tumatakbo sa isip mo.”

“Maya na. Pag-usapan pa natin ang boyfriend mong tsinoy. Marami pa akong gustong malaman sa kanya mula sa ‘yo.”

“Wala akong balak magk’wento sa ‘yo. Magpahinga ka na, malapit na rin akong matapos rito.” Tukoy ko sa mga hinuhugasang plato’t baso na ginamit naming tatlo.

“Anak?” Tawag nito ng aking pansin. Napalingon naman ako rito at nakita ko na naman ang nanunuksong ngiti nito. “May nangyari na ba sa inyo ng tsinoy na iyon?”

“Ma!” Di ko maiwasang pamulahan sa tinuran nito. Walastik talaga ang kakulitan ng nanay kong ‘to, na marahil ay namana ni Chester.

Humagalpak ito ng tawa. Na-miss ko ang ganitong kulitan namin noon. No’ng mga panahon na mag-isa itong kumakayod para sa amin ng kapatid ko. Ni minsan ay hindi namin nakitang nagpakita ito ng kapaguran o nagreklamo ito sa kabila ng halos siya na lang lahat ang kumikilos para sa amin.

“I miss you Ma.”

Natigilan ito sa kakatawa at sumeryoso ang mukha. Bumakas ang sari-saring emosyon sa maganda’t maamo nitong mukha.

“Mas na-miss ko ang panganay ko.” Tugon nito sabay ng kanyang paglapit sa akin at niyakap ako nito ng mahigpit. Sa muli pa’y naramdaman ko ang init ng yakap ng aking butihing ina – isang mapagmahal na ina.

Itutuloy. . . . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment