by: Zildjian
“Was it just me?” Ang pabulong na
tanong sa kanya ni Nhad habang magkasabay silang kumukuha ng pagkain sa
mahabang buffet table.
“Huh? Bakit?” Takang tanong naman niya
rito.
“Normal na lang ba talaga sa mga
kaibigan ng ate mo ang mga katulad nila?” Ani nito sa mahina pa ring tinig
sabay pasimpleng sinipat ang mesa kung nasaan nakaupo ang mga kaibigan ng
kanyang kapatid.
Dala ng kyuryusidad ay napalingon na
rin siya sa mga ito at doon niya nakita na sa kanilang dalawa rin nakatuon ang
mga mata ng mga ito. Kita niya kung papaano gumuhit ang ngisi ang mga kaibigan
ng kanyang kapatid na ngayon ay mga kumare at kumpare na nito.
Agad siyang nagbawi ng tingin. Kung
ang mga kaibigan niya ay nuknukan ng baliw, itong mga kaibigan naman ng ate
niya ang mga master sa kabaliwan kaya alam na niya kung ano ang mga nasa isip
ng mga ito.
Mukhang mali ang pagdadala ko sa kanya
dito. Naiwika niya sa kanyang sarili patukoy kay Nhad.
“I mean, tulad ng kuya Ace at kuya
Rome mo.” Pagpapatuloy pa nito.
Hindi niya maiwasang mapatingin rito
na sa mga oras na iyon ay sa grupo pa rin ng ate niya nakatingin. Bakas sa
mukha nito ang hindi makapaniwala sa nakikita subalit hindi rin nakatakas sa
kanya ang inggit na nagkukubli sa mga mata nito at nasisiguro niya kung para
saan iyon.
“Huwag mo silang kainggitan Nhad.” Ang
naiwika niya dahilan para mapabaling ito sa kanya. “Marami rin silang mga
pinagdaanan noon bago sila humantong sa nakikita mo ngayon. At oo, normal na sa
kanilang magkakabarkada ang ganyang relasyon. Tanggap nila ang isa’t isa.
Ganyan ka solid ang samahan nila.” Mahaba niyang wika.
Ngumiti ito sa kanya. Ang ngiting
palaging nagpapalakas ng kabog ng kanyang puso.
“Iba ka talaga, pati ‘yon napansin mo
sa akin. Well, tulad nila ay ginusto ko rin ang maging masaya sa piling ng
taong mahal ko. And seeing how contented they are with their partners beside
them, I can’t help myself not to envy them.” Seryoso nitong wika.
Muli siyang napatingin sa grupong tinutukoy
nito. At doon niya napagtanto na hindi nga imposibleng kainggitan ang mga ito
ng mga katulad nilang wala ng ibang ninais kung hindi ang maranasan ang maging
maligaya sa piling ng taong gusto nila.
“Tama ka, nakakainggit nga sila.”
Pagsangayon naman niya sa sinabi nito.
“Pero wala tayong patutunguhan kung iyon ang paiiralin natin di ba?
Kaya, imbes na mainggit tayo, gawin na lang natin silang inspirasyon na p’wedi
rin tayong maging masaya sa tamang panahon at sa tamang pagkakataon. Dahil
nandiyan sila na magpapatotoo na walang pinipiling sekswalidad ang totoong
pagmamahal.” Ang mahaba niyang naiwika na sa mga ito pa rin na katingin.
“Ang haba ng sinabi mo, ah.” Ang wika
naman nito dahilan para mapabaling siya rito. Kita niya na malapad na ang ngisi
nito at wala na rin ang kaninang nagkukubling negatibong emosyon sa mga mata
nito. “But you’re right, I’m glad na nakilala kita. Ikaw ang nagpapaalala sa
akin sa mga bagay na nakalimutan ko dala ng pagkabigo ko. You really are my cure,
Andy.”
Syempre pinamulhan siya sa mga huling
salitang binitiwan nito at hindi niya napigilan ang makadama ng kiliti pero
hindi niya iyon pinahalata dito. Sa halip, pabiro niya itong sinutok sa braso.
“Binanatan mo na naman ako.”
Tatawa-tawa niyang sabi kahit pa man ang totoo ay gusto niya nang manginig dala
ng sobrang kilig.
“Dahil alam kong kikiligan ka.”
Ngingisi-ngisi naman nitong tugon.
“Asa ka pa.”
“Denial! Ayan nga’t halata na ang
pamumula mo, eh.” Sabay nanggigil na pinisil nito ang kanyang pisngi.
Dala ng hiya sa pagkabuking nito sa
kanya ay agad niyang pinalis ang kamay nito at binalingan muli ang mga
nakahilirang ulan sa mahabang buffet table.
“Puro ka kalokohan. Bilisan na nga
natin ang pagkuha ng pagkain at nagugutom na ako.”
“Oi, umiiwas siya.” Ang nanunukso
naman nitong wika na nilakipan pa nito ng pabirong pagsiko sa kanyang tagiliran
na tinugon lang niya ng isang malokong ngisi sabay binusalan ang bibig nito ng
lumpia. Napahagikhik na lamang siya ng hindi ito makaiwas.
“Bad ka.” Ani nito nang sa wakas ay
malunok nito ang lumpia.
“Salamat.” Tugon naman niya at
nagpakawala ng malokong tawa.
Parehong puno ang platong bumalik sila
sa umpukan ng kanyang mga kuya at ate. Ayaw niya sanang sa lamesa ng mga ito
umupo subalit napilit siya ng kanyang ate. Hindi naman siya nakahindi dahil
batid niyang linalambing lamang siya ng kapatid at alam naman niyang mababait
ang mga kaibigan nito na naging malapit na rin sa kanya.
“Mukhang natapos rin ang harutan niyo,
ah.” Nakangising buska sa kanya ng kanyang kuya Dave nang makaupo na sila sa
mesa ng mga ito.
Kita niya kung papaano ito pasimpleng
kinurot sa tagiliran ng katabi nitong kasintahan.
“Igagawa mo kami ng napakasarap na
inumin ngayon Andy, ah.” Ani naman ng kanyang ate Tonet. “Ngayon lang ulit ako
iinum ng bonggang-bongga at dahil iyon sayo.”
“Susubukan ko po ate.” Napapakamot
niya sa ulong naisatinig.
“Ako rin, gusto ko ring matikman ulit
ang mga likha mong inumin. At ‘yong paborito ko dapat ang gagawin mo, ah.” Ani
naman ng kanyang kuya Red.
“Ako rin.” Pagsali naman ng katabi
nitong isa sa pinakasikat at matinik na abogado.
“Ayaw ko sa’yo kuya Dorwin, palagi
kang nalalasing kapag pinapatikim kita ng inumin ko. Baka pagalitan ako ni Kuya
Red.” Pagbibiro niya naman dito na siyang ikinatawa ng mga kaibigan nito.
“Ang tahimik naman yata ng kasama mo
Andy. At hindi mo pa siya pormal na ipinapakilala sa amin.” Pagsingit ng
kanyang ate Mina ang bestfriend o mas tamang sabihing pinaka-close sa ate niya.
“Nagugutom na kasi siya.” Pabiro naman
niyang tugon saka binalingan si Nhad na halata ang discomfort sa mukha.
“Magsalita ka raw.”
“Ah… Eh… Kuwan.”
“Wala kang dapat ikahiya sa amin pare.
Mas mag-i-enjoy ka kung makikisali ka sa amin.” Nakangiting wika ng kanyang
kuya Niel.
“Akalain mong tumatama ka pala
minsan?” Buska naman dito ng kanyang kuya Brian na siyang ikinatawa muli ng mga
kaibigan nito.
“Mamaya niyo na lang kaya sila
kulitin. Hayaan na lang muna natin silang kumain bago pa makabalik ulit ang
babaeng machine-gun ang bibig.” Suhestyon ng kanyang kuya Ace.
“Tama si Supah Ace ko, pakainin na
muna natin sila bago natin i-interrogate.” Ang ngingiti-ngiti namang
pagsangayon ng kanyang kuya Rome.
“Asan nga pala iyon? At bakit di ko pa
yata nakikita si bayaw?” Takang tanong naman niya sa mga ito.
“Gumagawa ng panibagong lahi sa
k’warto nila.” Nakangising tugon sa kanya ng kanyang kuya Dave.
“Gago ka talaga Renzell Dave.” Ang
pagsingit naman ng kanyang bayaw na papalapit na sa kanila karga ang kanyang
pamangkin.
Agad siyang napatayo. Talagang na miss
niya ang pamangkin at lalo siyang natuwa ng makita ang pagbabago dito simula ng
huli niya itong makita.
Walang pag-aatubili namang ipinakarga
sa kanya ng kanyang bayaw ang pamangkin.
“Ang laki mo na George.” Ang may
panggigigil niyang naisambit ng tuluyang makarga ang bata. “Naalala mo pa ba
ako?”
“Naaalala ka niyan, dahil lagi ka
naming ikinuk’wento sa kanya.” Singit naman ng kanyang ate na papalapit na rin
sa kanila.
Muli niyang ibinaling ang atensyon sa
pamangkin at may panggigigil itong hinalikan sa pisngi. Ngayon, masasabi na
niya kung kaninong lahi ito nagmana.
“Ang cute mo. Mabuti na lang at di ka
sa mommy mo nagmana.”
Tuluyang umapaw ang pananabik niya sa
pamangkin ng ngitian siya nito at abutin ang kanyang damit.
“Tito.” Ang wika nito.
“Wow!” Ang galak na galak niyang
naiwika. “Kilala niya ako.”
“Shunga ka talaga. Kasasabi ko lang di
ba? Palagi ka naming ikinuk’wento sa kanya.” Ani naman ng kanyang ate. “Siya,
mamaya mo na siya kargahin at kumain ka muna.” Sabay kuha ng anak nito sa
kanya.
Ayaw pa sana niyang ibigay ito subalit
naisip naman niyang ilang araw pa niya itong makakasama kaya hinayaan na lamang
niya muna ito sa kapatid at naupo ulit sa tabi ng wala pa ring imik na si Nhad.
“Mabuti at nag-decide kang totohanin ang
pagpunta rito. Akala ko kailangan pa kitang sugurin at kaladkarin, eh.” Ang
wika ng ate niya sa kanya saka binalingan ang nakamasid lang na kanyang kasama.
“Nhad right? Salamat at sinamahan mo siya dito. Alam kong isa ka sa mga dahilan
kung bakit narito ngayon itong mailap kong kapatid.”
“Ahh… W-Wala ho iyon.” Ang
nag-aalangan namang tugon nito na nilakipan pa nito ng alanganing ngiti.
“They look good together.” Biglang
sabat naman ng kanyang ate Mina na bakas ang mukha ang pagkagiliw sa kanilang
dalawa. “At base sa nasaksihan ko kanina habang pinanunuod namin silang
nagbibiruan sa may buffet table, they have a connection.”
“I agree.” Tatango-tango namang
pagsangayon ng kanyang ate Tonet. “Habang tinitingnan ko sila kanina, `di ko
maiwasang hindi maalala ang mga masasayang pinagdaanan natin bago tayo umabot
sa puntong ito ngayon.”
“Para lang silang kami ni Supah Ace
ko.” Nakangiting sabat naman ng kanyang kuya Rome.
“Nakita ko sa kanila ang kaparehong kislap
ng mga mata namin ni Dorwin noong nag-uumpisa pa lang kami.” Ani naman ng
kanyang kuya Red.
“Naalala ko sa kanila ang rason kung
bakit si Alex ang pinili kong mahalin.” Nakangiti namang wika ng kanyang kuya
Dave.
“Pare-pareho lang tayo ng naramdaman.”
Pagsangayon naman ng kanyang kuya Carlo. “Weird man kung iisipin but seeing
them together reminds us about our past –the good one.”
Sabay-sabay na napatango ang mga
kaibigan nito tanda ng pag-sangayon habang siya naman ay halos matunaw na sa
hiya sa mga oras na iyon. Ngunit hiya nga ba ang nararamdaman niya? Napatingin
siya kay Nhad at doon nakita niya na sa kanya rin pala ito nakatingin.
“Bagay daw tayo.” Ani nito na
nakangiti sa kanya.
“Bagay na bagay.” Nagkakaisa namang
wika ng mga kasama nila sa lamesa.
“Ligawan kaya kita?”
Hindi niyan inaasahan ang sunod nitong
sinabi kaya naman dala ng gulat ay nasamid siya at ang sunod na nangyari ay ang
pag-abot nito sa kanya ng baso ng tubig habang may kakaibang ngiting nakaguhit
sa mukha nito.
Magdadawang oras na silang naroon sa
bahay ng ate niya. At habang tumatagal ay lalong nagiging masaya ang birthday
party ng kanyang pamangkin. Kanina, matapos ang hindi inaasahang proposal sa
kanya ni Nhad ay medyo nakaramdam siya ng pagkailang rito. Gusto niyang isiksik
sa kanyang isipan na nagbibiro lamang ito at sinasakyan lamang ang mga kaibigan
ng ate niya subalit, may parte naman sa kanya ang hindi niya maintindihan kung
iyon ba ay excitement o takot sa maaraming kalabasan ng lahat.
“Andy, paalis na sina mama. Hindi mo
ba sila lalapitan man lang?” Ang pagbasag sa kanya ng kanyang kapatid.
“Hindi na ate.” May bahid ng lungkot
naman niyang tugon. “Mukha namang hindi nila nagustohan na narito ako.”
Ilang saglit lang matapos ang
nakaka-gulat na sinabi ni Nhad ay dumating ang kanyang mga magulang na dahilan
para maputol ang panunukso ng mga kaibigan ng ate niya sa kanila. At tulad ng
una na niyang inaasahan, muli niyang nakita ang pagkadisgusto sa mga mata ng
kanyang mga magulang ng makita siya ng mga ito.
“Hindi naman ––”
“Pagamit muna ako ng CR. Kanina pa
gustong sumabog ng pantog ko.” Pagputol niya sa iba pa nitong sasabihin saka
deretsong tinungo ang banyo ng bahay na iyon.
“Huwag na nating ipilit ang hindi
p’wedi. Masasaktan lang lalo ang kapatid mo.” Ang narinig pa niyang wika ng
kanyang bayaw.
Hindi niya maintindihan ang sarili.
Inaasahan niya na ang gano’ng klase ng pagtanggap sa kanya ng mga magulang
subalit hindi pa rin niya maiwasang hindi masaktan. Oo, muli na naman siyang
nasaktan lalo pa’t hindi manlang siya kinumusta ng mga ito. Muli na naman
niyang naramdaman na wala na talagang pakialam ang mga ito sa kanya.
“You’re strong Andy.” Ang biglang wika
sa kanya ng taong hindi niya napansin na nakasunod na pala sa kanya sa loob ng
cr na iyon.
Dali-dali niyang pinahid ang mga
luhang sumasalamin sa kanyang tunay na nararamdaman sa mga oras na iyon; galit
at pighati. Galit siya hindi sa kanyang mga magulang kung hindi dahil sa
katotohanang kahit magdadalawang taon na ang nakakalipas, hindi pa rin siya
matanggap ng mga ito. Pighati, sapagkat muli na naman niyang naramdaman na
nag-iisa na lang talaga siya at wala siyang ibang maaasahan kung hindi ang
sarili niya.
“Hindi mo naman kasalanan kung hindi
ka pa rin nila kayang tanggapin. You only did what is right Andy. Naging totoo
ka lang sa sarili mo. I may not have the right to say this pero sasabihin ko pa
rin. The problem is not you. Not with the life you chose to take. It’s your
parents at ang kakitiran ng mga utak nila.” Mahaba at seryoso nitong
pagpapatuloy.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko Nhad.
Gusto ko lang namang ulit maramdaman na may pamilya ako.” Ang naiwika niya rito
dala ng sobrang frustration.
Lumapit ito sa kanya at mahigpit siya
nitong yinakap.
“May pamilya ka pa rin Andy. Nariyan
pa ang ate mo at ang bayaw mo kasama ang anak nila. Sila ang pamilya mo na
tanggap kung ano ka. Huwag mong kakalimutan iyan.”
Siguro ay dala ng kanyang nararamdaman
ay tuluyan na rin siyang napayakap rito.
“Huwag ka nang malungkot. Pinapatawag
ka na ng ate mo at mga kaibigan niya. Gusto na raw nilang matikman ang mga
inuming gagawin mo.” Muling wika nito sa kanya gamit ang boses na nang-aalu.
Tinupad nga nito ang dahilan ng
pagsama nito sa kanya at iyon ay ang pagaanin ang kanyang loob. Sa pamamagitan
ng pagyakap nito sa kanya at marahang paghagod ng kanyang likod ay nakuha na
naman nitong pagaanin ang kanyang loob kasama ang pagkailang na naramdaman niya
rito kani-kanina lang.
“Salamat Nhad.” Ang paulit-ulit niyang
naisambit.
Magaan na ulit ang kanyang pakiramdam
nang tunguhin nila ang mesa kung saan naroon ang mga kaibigan ng kanyang ate.
At iyon ay dahil ulit sa lalaking ngayon ay nakaabay na sa kanya.
“Anong ingay iyon?” Pagpansin niya sa
naririnig na echo at guitara.
“Isa rin sa mga dahilan kung bakit ka
na nila pinapatawag. Dinala ng ate mo ang bandang tumutugtog sa bar nila para
daw lalong pang pasayahin ang gabi at ngayon nagse-setup na sila sa may
hardin.” Nakangiti namang tugon nito sa kanya.
“Wow may banda? Ang dami talagang alam
ng kapatid kong iyon.” Nakangiti na rin niyang sabi.
“She just wanted the best for her son
at para na rin daw hindi mo pagsisihan ang papunta rito. `Di mo naman nasabi sa
akin na mahilig ka pala sa mga banda.”
“Hindi ka naman kasi nagtanong.”
Ngingiti-ngiti niyang wika.
“Oi, kanina lang indecent proposal pa
lang. Ngayon, may paakbay-akbay na kayo.” Buska sa kanila ng kanyang kuya Dave
ng mapansin sila nitong papalapit na.
“Mukhang idinadaan yata sa bilis si
Andy natin, ah.” Ani naman ng kaibigan nitong si Brian. Alam niya talagang ang
dalawang ito ang mga baliw sa grupo ng kanyang bayaw.
Binalingan naman niya ang naka-akbay
pa rin sa kanyang si Nhad para tingnan kung ano ang reaksyon nito at nang
makitang ngingiti-ngiti lang ito ay doon na niya pabirong siniko ang tagiliran
nito.
“Bakit?” Nakangisi nitong tugon.
“Bakit ka riyan. Tanggalin mo na ang
pagkaka-akbay mo sa akin kung ayaw mong dumugin ulit tayo ng tukso ng mga
‘yan.”
“Hayaan mo lang sila.” Ngingiti-ngiti
nitong tugon at lalo pa niyang naramdaman ang paghigpit ng pagkaka-akbay nito.
Lakas rin ng sayad ng isang ‘to.
Napapailing na lamang niyang naiwika sa sarili.
Isa-isang nagsitayuan ang mga ito.
“Saan kayo pupunta?” Takang tanong
niya.
“Tapos na ang childrens party. Oras na
para mag-party naman ang matatanda.” Nakangising wika sa kanya ng kanyang kuya
Red. “Sa labas na tayo, naroon ang banda ng seventh bar at doon mo ipapamalas
sa amin ang galing mo sa paggawa ng inumin.”
“Bongga talaga ito!” Ang excited
namang wika ng kanyang ate Mina.
Nang tuluyan silang makalabas ay doon
lamang niya naintindihan ang ibig sabihin ng kanyang kuya Red. Ang mga
pambatang upuan na kanina lang ay naroon sa malawak na hardin ay napalitan na
ng mga bar tables. Sa tabi naman nito ay ang mahabang mesa kung saan naroon ang
iba’t ibang klase ng alak at mga shot glass. Nagkakalat na rin ang mga
naka-unipormeng waiters na siyang nagsisilbi sa mga bisitang naroon.
“Wow.” Naibulalas niya. Hindi niya
inaasahan ang malaking pagbabago ng set-up sa hardin ng kapatid niya.
“This is the true party for us.
Kanina, para sa mga bata iyon at ngayon tayong matatanda naman ang
mag-i-enjoy.” Wika ng kanyang bayaw.
Nabaling ang tingin ng mga taong
naroon sa kanila. Nakangiti ang mga ito. Ang iba ay pamilyar sa kanya habang
ang iba naman ay hindi. Kung hindi siya nagkakamali ay mga kaibigan, katrabaho,
at empleyado ng kanyang kapatid at kaibigan nito.
“First of all, my hushand and I would
like to thank Claude and Laurence Samaniego for providing us the best food and
services. Hindi man sila makakadalo ngayon at masasamahan kami sa pagdiriwang
na ito, ay hindi naman nila kinalimutan ang obligasyon nila sa kanilang inaanak
sa pamamagitan ng pagpapadala nila sa catering crew ng Yolandas dito.” Ang
narinig niyang boses ng kanyang kapatid at ng muling mabaling ang tingin niya
sa mini-stage ay naroon na ito.
Palakpakan.
“Kung bakit naman kasi ngayon pa
naisipang mangibang bansa ng dalawang iyon, eh. Ayan tuloy hindi tayo
kompleto.” Rinig niyang komento ng kanyang kuya Ace.
“At syempre, gusto ko ring pasalamatan
ang mga kaibigan ko na tumulong sa amin para mapaghandaan ng husto ang birthday
ng anak namin. Guys, thank you so much.” Pagpapatuloy naman ng kanyang ate.
Muli, nagpalakpakan ang mga bisitang
naroon.
“Mukhang nagiging emosyonal na ang
numero unong baliw sa atin, ah. Sign of aging na ba ito?.” Ngingisi-ngisi
namang wika ng kanyang ate Mina na ikinatawa ng mga kaibigan nito.
“And tonight. My friends, and also our
extended friends want to enjoy this evening. Matagal-tagal na rin kaming hindi
nakakapag-enjoy dala ng may mga tali na kami at mga anak na ubod ng kulit. At
ngayong tulog na ang mga tsikiting kasama ang mga yaya nila. Party time na!”
Umugong ang sigawan sa mga bisitang
naroon dala ng excitement. Maski siya, nakakadama na rin ng excitement sa mga
oras na iyon.
“Pero syempre kulang ang party kung
walang inuman at walang performer na magpapasaya pang lalo sa gabi natin di ba?
Kaya naman dinala namin ni Red dito mismo ang mga taong magpapagana sa gabi
natin ngayon. Everyone, I would like to introduce to you our barista for this
night who also happened to be my only brother, Andrew Miguel Mijares.”
Muling umugong ang palakpakan na siya
namang dahilan para makadama siya ng
pinaghalong excitement at kaba. At syempre, hindi niya maiwasang hindi makadama
ng tuwa sa ginawang pagmamalaki sa kanya ng kanyang kapatid sa harap ng mga
bisita nito.
“Do your best babes.” Ang bulong naman
sa kanya ni Nhad na nilakipan pa nito ng nakakalokong ngisi. “Make us all
proud.”
“Babes ka riyan.” Balik bulong naman
niyang wika rito saka pasimpleng tinanggal ang pagkaka-akbay nito sa kanya at
tinungo ang mahabang mesa kung saan naroon ang mga iba’t ibang klase ng inumin.
Lahat ng tao ay sa kanya nakatingin
lalo na nang simulan na niyang paghalo-haluin ang mga malalakas na alak. At
tulad ng palaging nagiging reaksyon ng mga costumers niya sa bar na kanyang
pinagta-trabahuan tuwing ipapamalas niya ang talento ay napabilib niya ang mga
ito. Ang ilan ay hindi maiwasang mapa-sipol ng simulan niyang ipamalas ang
kanyang mga kakaibang stunt sa paghahalo habang ang ilan naman ay hindi
mapigilang mapa-palakpak.
“Wow! Ang galing niya!” Naibulalas ng
isa sa mga ito kasabay ng hiyawan at palakpakan sa hardin na iyon.
“Kapatid ko ‘yan! Ngayon naman, para
mas maging masaya ang gabing ito kasama ang alak na gawa ng kapatid ko ay
dinala ni Red ang tinatangkilik na ngayong banda ng seventh Bar para kantahan
tayo ng mga kantang magpapabaliw sa atin ngayong gabi. Everyone, the Skyband!”
Kasabay ng palakpakan ng mga bisita ay
ang pagsimula namang pagtugtog ng banda na lalong nagpasaya sa mga taong naroon
sa party na ‘yon lalo na ng magsimulang kumanta ang bokalista.
Abala na siya sa pakikinig ng banda
habang ang mga kaibigan ng kanyang ate ay nagkanya-kanya na ng usapan. Nakikita
niya kung gaano kasabik ang mga itong makapag-bonding at iyon ay naiintindihan
naman niya. Minsan na lang din kasi ang mga itong makumpleto dala ng trabaho at
pagiging busy sa kanya-kanyang pamilya.
“Ang mgakanta ba talaga ng banda ang
kinahihiligan mo o ang mga hitsura ng meyembro?” Basag sa kanya ni Nhad. Silang
dalawa lamang ang naka-ukupa sa isa sa mga bar chair na naroon.
“At ano ang ibig sabihin mo sa tanong
mong iyan?” Nakangiti naman niyang balik pagtatanong rito.
Binigyan siya nito ng mapang-akit
nitong ngiti.
“Baka lang kako kaya hindi mo maiwas
ang tingin mo sa banda ay dahil sa mga hitsura ng bumubuo nito at hindi dahil
sa talagang hilig mo ang manuod ng mga local bands na nagpi-perform.”
“Sira! Bakit naman ang mga mukha nila
ang titignan ko eh nariyan naman ang mukha mo na mas komportable akong
tingnan?” Huli na ng marealize niya na nadulas na siya ng tuluyan na siguro ay
dala ng tama sa kanya ng iniinum na alak.
Kita niya kung papaano kuminang mga
mata nito at kung papaano gumuhit ang amusement sa mga ito.
“Did I hear it right? Komportable kang
tingnan ang mukha ko? Does it mean that you’re attracted to me?”
“Attracted agad? `Di ba p’weding
nag-e-enjoy lang akong pagmasdan ka?” Depensa naman niya.
“I miss that glimmer in your eyes.”
Ang wika nito sa halip na patulan ang kanyang walang k’wentang pagiging defensive.
“Iyan ang kinang na nakikita ko noon sa tuwing pupurihin ko ang mga inuming
gawa mo.”
Again, hindi niya napigilan ang
kanyang pusong magrigodon sa kaalamang napapansin pala nito noon kung papaano
siya sumasaya sa tuwing makakatanggap siya ng mga papuri mula rito.
“And wan’t to know how do I find it?”
Wika nito sa naglalambing na boses na talagang lalong nagpakaba sa kanya.
Kinakabahan siyang tumango.
Inilapit nito ang mukha sa kanyang
tenga.
“I find it attractive.” Ang pabulong
nitong wika.
Itutuloy. . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment