by: Zildjian
Sa hapag, naroon na si Lantis
pagkapasok nila nang tawagin sila ni Aling Mellisa para sabay-sabay na
mag-almusal. Nang magsalubong ang kanilang paningin ay sinimangutan lamang siya
nito.
Ano na naman kaya ang sumapi rito?
Hindi niya maiwasang maitanong sa sarili.
Pasimple niya itong binalingan.
Hanggang doon ay hindi na siya pinatahimik ng kanyang isipan. Paulit-ulit pa
ring tumatakbo sa kanya ang mga konklusyon niya matapos makakuha ng mga ilang
impormasyon mula kay Popoy. Hindi siya tuloy nakapag-concentrate sa pagkain.
Papalit-palit siya ng tingin kina Popoy at Lantis na masayang nag-uusap.
“Lantis, naalala mo iyong naligo tayo
sa ilog noon?” Wika ni Popoy.
“’Wag mo nang ipaalala, nakakahiya.”
Napatawa ng malakas ito.
“Naka-brief lang tayong naliligo noon.
Hindi alintana ang mga labanderang naroon. Naalala ko pa nga, natanggal ang
brief mo ng mag-dive ka eh.” Nanunukso nitong sabi na ikinatawa naman ng ilan
maliban sa kanya na mataman lang na nakikinig sa mga ito. Kung sa unang araw
nila sa lugar na iyon ay wala siyang makitang malisya kapag nag-uusap sina
Popoy at Lantis, biglang nag-iba iyon habang masaya ang dalawang binabalikan
ang nakaraan. Lalo kasing tumitindi ang hinala niya na ito nga ang taong
sinasabi ni Lantis.
“Sus! Nagsalita naman ang butas ang
brief. Naalala ko pa noon, halos hindi ka magkamayaw sa kasisigaw no’ng may
biglang pumasok sa brief mo habang naliligo tayo, eh.” Muling nagtawanan ang
mga kasama niya sa hapag.
“Ikaw ang naglagay noon sa akin.” May
bahid ng paratang nitong sabi.
“Wala kang ebidensiya.” Tugon naman
nito na halatang gumaganti ng biro habang nakaplastar sa mukha nito ang
malokong ngiti.
Sa ‘di malamang dahilan ay nakadama
siya ng pagkainggit sa ginagawang batuhan ng biruan ng mga ito. Sila, sa loob
ng mahigit apat na taon nila sa isang grupo ay ni hindi niya nagawang
makabiruan ito bagkus, ay puro iringan ang nangyayari sa kanila.
“Eh, paano mapupunta sa loob ng brief
ko ang uod na iyon kung hindi ikaw ang naglagay?” Ani naman ni Popoy.
“Malamang no’ng umupo ka sa may
damuhan nakapasok iyon. Kasalanan mo, butas kasi ang brief mo.” At tumawa ito
ng malakas. Unang beses niyang marinig at makitang tumatawa ito ng gano’n.
“Ang sabihin mo, linagay mo ‘yon para
makaganti ka sa akin. Alam niyo ba nay, tay, ang lakas makasigaw niyang si
Lantis kapag natatakot. Inakala niyang
ahas ang inilagay kong baging sa mga damit niyang iniwan niya sa batuhan. Ayon,
nang balikan niya, halos mabulabog ang mga ibon at isda sa ilog ng magsisigaw
siya.”
“Ayan! ‘Di umamin ka rin na ikaw ang
naglagay noon.”
“Patas lang tayo, ikaw rin naman
naglagay ng uod sa brief ko.”
Dama niya ang ibayong inggit sa biruan
ng mga ito. At may kung anong damdamin ang nagsisimulang magising sa kaibuturan
ng kanyang puso na hindi niya maintindihan.
“Bakit hindi niyo dalhin si Nico sa
ilog.” Kapagkuwan ay wika ni Aling Mellissa. “Paniguradong magugustuhan niya
roon tulad ni Lantis. Malinis ang tubig sa ilog na iyon.”
Nabaling ang tingin ng dalawang
nagbibiruan sa kanya. Bigla siyang umasa na yayain siya ni Lantis doon ngunit
laking pagkadismaya niya nang mawala ang ngiting nakaplastar nito sa mukha at
walang imik na nagpatuloy sa pagkain.
“Sama ka sa amin Nico, doon tayo
maligo pagkatapos nating magsibak ng mga panggatong.” Ang wika ni Popoy.
Binalingan nito si Lantis. “Ano game ka?”
“Sige na Lantis, para naman masulit
niyo ni Nico ang bakasyon niyo rito sa amin.” Sabat ni Mang Andoy. “Malaki na
rin ang nagbago sa ilog dala ng mga bagyong nagdaan pero imbes na pumangit ay
lalo lamang iyong gumanda ngayon.”
Inakbayan ito ni Popoy at pabirong
kiniskis ang ulo.
“Sama ka na. Na-miss ko na rin kasi
ang makasama kang maligo doon, eh.”
“S-Sige.” Ang tila napilitan nitong
tugon.
“Kung ayaw niyang sumama huwag na lang
natin siyang pilitin.” May bahid ng pagkaasar niyang wika. Pakiramdam niya kasi
ay kaya ito ayaw sumama ay dahil kasama siya.
“Sasama ako.” May diin nitong sabi.
“Ang dami mo pa kasing arte. Hilig
mong magpapilit.” Tugon naman niya rito.
“Ano bang pakialam mo?” Asik nito sa
kanya.
“Tama na iyan. Hindi maganda ang
nag-aaway sa harap ng hapag-kainan Lantis, Nicollo.” Sabat ni Aling Mellisa.
“Pasensiya na ho.” Hinging paumanhin
niya rito. Hindi nga naman tama na pati sa hapag ay magbabangayan sila ni
Lantis. Masyado ‘ata siyang nadala sa kanyang nararamdaman sa mga oras na iyon
dahilan para hindi na siya makapagpigil.
Ano ba kasi itong nararamdaman ko? Ang
hindi niya maiwasang maitanong sa kanyang sarili.
“Hala, bilisan niyo na ang pagkain at
nang makapaghanda na kayo. Ipaghahanda ko kayo ng mabibitbit ninyong pagkain
doon.”
“Nay, sama ako!” Wika ni Sheila.
“Hindi p’wede. Masyado ka pang bata.
Sa susunod ka na lang sumama sa kanila anak.”
Ibayong pagkamangha ang naramdaman
niya nang dumating sila sa ilog na ipinagyayabang ni Mang Andoy sa kanya
kanina. Hindi nga ito nagsisinungaling sa sinabi nito patungkol sa ilog na iyon
dahil totoong napakaganda nito.
Dahil sa pagkamangha ay pansamantala
muna niyang nakalimutan ang mga inaalala at pinagsawa niyang pinaglibot ang
kanyang mga mata sa lugar. Alas-nuebe na ng umaga ngunit hindi niya madama ang
init mula sa may kataasan ng araw dala ng malalaking puno na nakapaligid sa
lugar na iyon. Ang napakalinaw na tubig ng ilog na marahang umaagos mula sa
kung saan. Ang mga bato sa magkabilang dulo nito na para bang sinadya ng kung
sinumang napakagaling at napakamalikhaing tao na naglagay doon. Ang nakahilig
na puno ng niyog na siguro ay dala ng mga nagdaang bagyo na p’wedeng gamiting
talunan para mag-dive sa napakagandang ilog na iyon.
Isa lang ang salitang naiisip niya
para sa lugar “Perfect.” Hindi siya gaanong mahilig sa mga nature trips at
kapag nagkakayayaan sila ng mga kaibigan niya ay ginagamit lamang niya iyon
para makapagpahinga at makabawi ng tulog. Subalit itong lugar na ito biglang
nag-activate ang kanyang adrenaline rush.
“Ano kuya, maganda ba?” Untag sa kanya
ni Rodney na siyang naging kasabay niya papunta sa lugar na iyon dahil ang tinamaan
ng lintik na si Lantis ay doon dumikit kay Popoy. Nauuna sa kanila ang dalawa,
na habang naglalakad at tumatawid sa mga pilapil ng palayan ay panay ang
kulitan.
“Oo, ang astig.” Punong-puno ng
pagkamanghang wika niya.
“Hindi pa iyan kuya, mamaya kapag
sumulong ka na sa tubig mapapahiyaw ka sa sobrang lamig.” Tila proud namang
sabi nito.
“Saan ba nagmumula ang tubig nitong
ilog? Ang linaw, ah.”
“Mula iyan sa bundok kuya. Kaya
napakapresko niyan sa katawan.”
Napatango naman siya rito. Binalingan
niya sina Popoy at Lantis na pareho nang nakaupo sa may batuhan. Hindi pa rin
magkamayaw ang dalawa sa tawanan na ikinaiirita na niya.
Hindi ba nauubusan ng pinag-uusapan
ang dalawang iyon? Naitanong niya sa kanyang sarili dala ng iritasyon na ‘di
niya alam kung saan niya hinuhugot.
Bakit, ano ba ang pakialam mo kung
masaya sila? Nagseselos ka ba? Usal naman ng isang bahagi ng kanyang isipan.
Ako, nagseselos? Napasimangot siya sa
salitang iyon. Hindi! Bakit naman ako magseselos? Eh, ano ngayon kung siya nga
ang taong tinutukoy ng monster na iyon na mahal niya. The hell I care!
“Kuya?” Untag sa kanya ni Rodney.
“H-Hah? Pambihira! Ano ba itong
nangyayari sa akin? Pati sarili ko kinakausap ko na!
“Ang sabi ko kuya kung maliligo na ba
tayo?”
“Sige tara, mabuti pa nga. Baka
sakaling matahimik ang utak ko.” Wala sa sarili niyang tugon.
“Anong ibig sabihin mo kuya?” Takang
tanong nito. Pati ito ay naguguluhan na sa kanya. Well, who wouldn’t? Siya nga,
‘di na niya maintindihan ang sarili niya ang iba pa kaya?
“Wala, ‘wag mo na lang pansinin ang
sinabi ko. Tara, maligo na tayo bago pa magtanghalian at nang makauwi tayo ng
maaga sa inyo.”
“Kuya Poy! Maliligo na kami ni kuya
Nico, kayo?” Tawag nito sa kapatid.
“Sige, susunod kami.” Tugon naman nito.
Walang pag-aalinlangan namang nag-alis
ito ng damit at saka short. Naka-brief itong patakbong nag-dive sa ilog.
Bahagya siyang natawa. Siya naman ay inilapag muna sa batuhan ang kanyang
dalang bag bago mag-alis ng pang-itaas. Nakapagpalit na siya ng board short
kanina bago umalis dahil alam naman niyang maliligo sila sa ilog kaya iyon ang
suot niya papunta roon. Kita niyang bahagyang napatutok ng tingin si Lantis sa
kanya ngunit nang subukan n’yang hulihin ang tingin nito ay agad naman itong
pumaling ng tingin sa ibang dako.
Paghanga ba iyon? ‘Di niya maiwasang
maitanong sa sarili tungkol sa tingin na ipinukol sa kanya ni Lantis. Agad na
sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. Ang sunod niyang ginawa ay ang pagbaba
niya ng kanyang board short at hayaang bumalandra ang kanyang itim na boxer
brief. Gusto niyang makita kung ano ang magiging reaksyon nito.
“Anong ginagawa mo?” Ang bilang wika
ni Lantis.
“Alin?” Maang-maangan naman niyang
tugon.
“W-Why are you removing your board
short?”
“Ano naman ang masama? Eh, sa hindi ko
siya trip na mabasa, eh.” Paliwanag niya.
“Nag-board short ka pa kung huhubarin
mo lang naman. Hindi mo ba alam na may pupuntang mga maglalaba dito maya-maya
lang? Gusto mo bang dumihan ang mga utak nila?” Bakas ang pagka-asar nitong
wika.
“Bakit, ilog naman ‘to, ah. Wala akong
makitang mali sa suot ko.”
“Wala? Para sa ‘yo wala, pero para sa
mga babaeng makakakita sa ayos mo ngayon, mayro’n. Ibalik mo ang board short
mo.” May diin nitong utos sa kanya.
“Ayaw ko nga.”
“Ibabalik mo ang board short mo o
kakaladkarin kita pauwi ng bahay nina naynay?” May bahid ng pagbabanta nitong
sabi.
Lihim siyang nagbunyi sa nakita niyang
reaksyon dito. Bakit parang pakiramdam niya ay pinagdadamot siya nito sa ibang
p’wedeng makakita sa kanya sa gano’ng pagkakataon? Naloloko na ba siya o
sadyang malakas lang talaga ang trip niya. Pero imposible ‘ata ang iniisip
niya. Bakit naman siya nito ipagdadamot sa iba, eh halos kung p’wede nga lang
‘ata ay tuluyan na siya nitong burahin sa mundo ay gagawin nito.
Minabuti na nga lang niyang ibalik sa
ayos ang board short niya bago pa siya nito tuluyang masakal. At least, nagawa
niyang pansamantalang maagaw ang pansin nito mula kay Popoy.
“Ayan. Masaya ka na?” Sarkastiko
niyang sabi. Kita niya mula sa likuran nito si Popoy na napangisi.
“Mag-isip ka nga sa susunod bago ka
gumawa ng kung anu-ano.” Asik nito saka siya tinalikuran.
Talagang tuluyan na nga yata itong na
badtrip sa kanya dahil kahit naliligo na sila sa ilog ay hindi na siya nito
muli pang tinapunan ng tingin. Ayos lang naman sa kanya dahil kahit papaano ay
medyo natahimik ang kanyang mundo at na enjoy niya ng husto ang paliligo isama mo pa ang mga kalokohan nila
nina Rodney at Popoy.
Hindi niya maikakailang masayang
kasama ang magkapatid, pareho kasing makulit ang mga ito at marami silang bagay
na napagkasunduan isa na doon ang pagtalon mula sa nakahilig na puno ng niyog. Hindi rin gaanong binigyan ng pansin ng mga
ito ang nangyaring iringan sa kanila ni Lantis at gustong-gusto niya ang
gano’ng ugali ng tao.
Tulad nga ng sabi ni Lantis ay
dumating ang mga kadalagahan, binabae at ginang sa lugar na iyon para maglaba. Tuwang-tuwa
ang mga itong pinagmamasdan sila sa kanilang kulitang tatlo. Doon din niya
nakita ang karisma ni Popoy. Ngunit ang ilan sa mga ito ay sa kanya na
napatutok ng tingin. Ipinagpapasalamat niyang sinunod niya ang utos ng mortal
niyang kaaway na ibalik ang kanyang board short dahil kung hindi, baka lalo
siyang pinagpiyestahan ng mga ito lalo pa’t malalagkit ang tingin sa kanya ng
mga binabae at kadalagahan na naroon.
Napalis lang ang masayang aura niya
nang hindi sinasadyang mabaling ang tingin niya kay Lantis na inaalalayan ni
Popoy. Isang pakiramdam ang sumiklob sa kanya nang makita niya na
magkahawak-kamay ang mga ito paakyat sa pinagtatalunan nilang puno ng niyog.
Ngunit mas lalo pang nangunot ang noo niya nang yakapin ito ni Popoy mula sa
likuran nito at magkasabay na tumalon ang dalawa.
“Woo! Ang sarap pala sa pakiramdam!”
Tila tuwang-tuwang wika ni Lantis.
“Sabi sa ‘yo, eh. Ayaw mo kasing
subukan.” Ani naman ng ngingiti-ngiting si Popoy na kahit tapos na ang mga
itong makatalon ay magkadikit pa rin ang mga katawan nito sa tubig.
Hindi niya maintindihan ang sarili.
Ibang damdamin ang agad na sumakop sa kanya at ramdam niya ang mabilis na
pagpintig ng kanyang puso. Mabilis
siyang umahon sa tubig at tinungo ang kinalalagyan ng kanyang bag at damit.
Hindi na siya nag-abala pang isuot iyon at bitbit ang mga ito ay walang pasabi
siyang umalis.
“Kuya Nico, saan ka pupunta?” Pagtawag
sa kanya ni Rodney pero hindi na niya iyon nagawang pansinin pa at tuloy-tuloy
niyang binagtas ang daan pabalik sa bahay nina Aling Mellisa.
What the hell is wrong with me? Why
did I feel that way? Could it be.... could it be na nagselos nga ako? Pero
hindi p’wede iyon! Tang-ina!
Sa bahay. Nagulat pa si Aling Mellisa
nang makita siya.
“Nico anak, bakit narito ka na, asan
sila?” Takang tanong nito sa kanya.
“Saan po may signal dito? I need to
call someone.” Sa halip ay wika niya rito.
“Sa baryo,hanggang doon umaabot ang
signal ng cellphone. May problema ba?” Nag-aalalang tanong nito. “Gusto mo bang
samahan na kita roon.”
“Hindi na po.” Saka niya pinuntahan
ang kanyang sasakyan.
Hindi ito p’wede. Ang paulit-ulit
niyang sabi habang binabaybay ang daan papunta sa poblacion ng lugar na iyon.
Kailangan niyang makausap si Maki tungkol dito, iyon ang agad na pumasok sa
isip niya kanina habang pabalik siya sa bahay nina Aling Mellisa.
He can’t be jealous dahil ang alam
niya ang mga taong nagseselos ay ang mga taong may pagtingin sa isang tao. At
hindi iyon p’wede. Hindi p’wedeng may nararamdaman siya para kay Lantis. He was
his enemy for Pete’s sake at abot-langit ang galit nito sa kanya. Malaking
problema kapag nagkataon na may nararamdaman siya para rito dahil una, alam
niyang wala itong pagtingin sa kanya at pangalawa kaibigan niya ito.
Nang magkasignal ang cellphone niya ay
agad niyang tinawagan si Maki.
“Problem? Pangalawang araw pa lang,
ah.” Bungad sa kanya nito.
“Malaki.” Tugon niya rito. “I think
something is wrong with me.”
“Matagal ko nang alam na may mali sa
‘yo, but you could at least try to be specific para alam ko naman ang sasabihin
ko.”
“I think dapat na akong umalis dito,
Maki.” Sa halip ay wika niya rito.
“Bakit, naayos niyo na ba ni Lantis
ang tungkol sa problema niyong dalawa?”
“Hindi mo ba ako narinig? I think i
better leave him alone. There’s something wrong with me!” Hindi niya mapigilang
mapasigaw dala ng magkahalong iritasyon at ibayong pagkalito. At hanggang sa
mga oras na iyon ay hindi pa rin bumabalik sa normal ang tibok ng kanyang puso
na para ba siyang kinakabahan na ewan. Hindi niya maipaliwanag.
“Oh, relax lang hindi ako kaaway. Ano
ba kasi ang problema? Hindi ka naman madaling mag-freakout, ah. What happened?”
“I shouldn’t feel this way right? I’m
here to settle things between me and Lantis at hindi kasama doon ang makaramdam
ng kakaiba sa kanya.” Ang parang nagsusumbong niyang wika.
“Teka, teka, hindi kita maintindihan.
Ano ba ang ibig mong sabihin?”
“I think... I think I’m jealous.
Worst, I think I’m in love with that monster.” Ang tila nauubusan ng hangin
niyang sabi.
“Oh.” Ang tanging naging pagtugon lang
nito dala marahil ng gulat.
“Anong klaseng reaksyon iyan? Hindi mo
ba narinig ang sinabi ko? Tingin ko may nararamdaman ako sa impaktong iyon!
Damn!”
“Relax, narinig ko, nagulat lang ako.
Hindi ko akalain na ikaw ang unang bibigay sa inyong dalawa.”
“What do you mean? ‘Wag mong sabihin
na kasama ito sa mga plano mo Maki, mapapatay talaga kita. Hindi mo ba alam
kung gaano kalaki itong problemang binigay mo sa akin?”
“Wala akong binibigay na problema sa
’yo. I was just trying to help.” Kapagkuwan ay wika nito. May nahimigan siyang
excitement sa boses nito.
“I have a feeling that you’re enjoying
this. Kung gano’n, alam mong posibleng mangyari ito and yet itinuloy mo pa rin?
Tang-ina!”
“Bawal ang magmura Nico, kagagaling ko
lang sa isang prayer meeting. Alright, I admit alam kong posibleng mangyari nga
ito pero, kaya ko ito itinuloy para tulungan kayong dalawa na mailabas ang
tunay na nararamdaman ninyo para sa isa’t isa and I think I succeeded in that
regard. Ngayon, alam mo na kung bakit hindi ka magkagusto sa iba, dahil ang
talagang taong gusto mo ay ang taong matagal nang nasa tabi mo at hindi mo lang
binibigyan ng panahong pansinin.”
“Hindi ko siya pupuwedeng magustuhan,
Maki!” Galit na galit niyang wika.
“And why not?” Naghahamon naman nitong
balik sa kanya.
“Because he hated me so much! At hindi
makakabuti itong nararamdaman ko para sa kanya because it will just make things
worse for both of us.”
“You are the one who is making things
worse, Nico. Tulad niyan, imbes na tanggapin mo sa sarili mo na may
nararamdaman ka para kay Lantis ay kung anu-ano pa ang sinasabi mo.”
“Dahil mali ito.” May diin niyang
sabi. “Papaano ko tatanggapin ang katotohanan na may nararamdaman ako sa kanya
kung alam ko mismo sa sarili ko na wala naman siyang nararamdaman sa akin bukod
sa galit.”
“At paano ka naman nakakaisgurong wala siyang nararamdaman para sa ’yo?”
Naghahamon nitong tugon sa kanya.
“Because he’s in love with someone
else.” Halos pumiyok ang boses niya sa katotohanang iyon.
“Hindi kita maintindihan, Nico.” Wika
nito sa kabilang linya.
“Remember no’ng high school pa lang
tayo. No’ng magkainuman tayo at napag-usapan natin ang kasarian ni Alex? Di ba
may sinabi si Lantis na taong mahal niya? Mali ang hinala natin na hindi iyon
totoo Maki, dahil narito sa probinsiya ang taong iyon kaya natin hindi ito
nakita.”
Hindi agad ito nakasagot.
“You see, pinalala mo ang sitwasyon
Maki, ginulo mo lang lalo ang sit’wasyon namin ni Lantis. Papaano ko ngayon
aayusin ang samahan namin kung heto’t may iba na akong nararamdaman sa kanya.
Uuwi na ako diyan, p’wede ko pa itong maiwasan.”
“So, tatakas ka na naman tulad ng lagi
mong ginagawa, gano’n?” Kapagkuwan ay wika nito. “Iiwan mo na naman ang
problema kasi hindi mo alam kong papaano lulusutan? Hindi ka na talaga
nagmature Nicollo.” Dissapointment was in Maki’s voice.
“At ano ang gusto mong gawin ko? Ang
ipagpilitan ang nararamdaman ko? Kilala ko ang sarili ko Maki, and I know that
this is beyond my grasp. Hindi ko kayang pigilan ang sarili ko basta damdamin
ko na ang pinag-uusapan at nakataya. Magugulo ko lang ang lahat and worse, baka
tuluyan pa kaming magkasakitan ni Lantis.”
“At sa tingin mo ba hindi mo siya
masasaktan kapag iniwan mo na lang siya ng basta?” Wika nito. “Marami ka pang
p’wedeng gawin aside from running away. But if you think na hindi mo talaga
kayang panindigan iyang nararamdaman mo, then mabuti pa ngang lubayan mo na si
Lantis.”
“Maki..”
“You are always too busy keeping
yourself protected from pains Nico, kaya hindi mo nakikita ang mga bagay na
dapat matagal mo nang nakita noon pa. Tuluyan ka na ‘ata talagang nadala sa
pagiging walang pakialam mo sa lahat ng bagay.” At pinutol na nito ang linya.
Naiwan siyang napatanga sa mga sinabi
nito. Gano’n nga ba talaga siya? Wala na nga ba talaga siyang ibang alam gawin
kung hindi ang tumakbo kapag hindi na sakop ng kakayahan niya ang sit’wasyon?
Was it because he wanted to protect himself from pains o dahil duwag lang
talaga siya? Ano na ngayon ang gagawin niya?
Pinakalma niya ang sarili. Ilang
buntong hininga ang pinakawalan niya ngunit hindi parin natigil ang puso niya
sa pagrigudon nito. Hindi pa tumitibok ang puso niya ng gano’n ka lakas na
animoy nasabingit siya ng kamatayan. Aaminin niya, ikinatakot niya ng husto ang
damdamin na nagising ngayon sa puso niya dahil una ay hindi pa siya
nakakaramdam ng gano’n katinding damdamin.
“You are always too busy keeping
yourself protected from pains Nico, kaya hindi mo nakikita ang mga bagay na
dapat matagal mo nang nakita noon pa.” Muling umalingawngaw sa tenga niya ang
sinabing iyon ni Maki.
“Is it possible? Could it be na noon
pa man may nararamdaman na ako sa kanya? Pero bakit ngayon ko lang nalaman ito?
Bakit ngayon pa kung kalian masyado ng magulo ang lahat?” Naiwika niya ng
pabulong.
“Psst! Bata, huwag mo ngang hahawakan
ang aso ko, ipapakagat kita sa kanya.” Kanina pa niya hinahanap ang kanyang
alagang aso at hayon nga’t nakita niya ito sa labas ng kanilang bahay na
masayang nakikipaglaro sa isang batang lalaki.
“Nakikihawak lang naman ako sa kanya,
ah.” Rason naman nito.
“Hindi ko pinapahawak sa iba ang aso
ko bata. Buffy, come here huwag kang lalapit sa iba.”
Lumabas mula sa gate ng katapat na
bahay nila ang isang babae.
“Oh baby, kaninong aso iyan?”
“Sa bata pong iyan mommy, inaaway niya
ako.” Sabay turo pa nito sa kanya.
Nabaling naman ang atensyon ng ginang
sa kanya. Medyo nakaramdam siya ng takot mula rito sa pag-aakalang papagalitan
siya nito ngunit ngumiti ito sa kaya.
“Ikaw ba si Nicollo?”
Tumango naman siya bilang pagtugon.
“Ikaw pala ang anak ni Mrs. Alegre,
kamusta ka?”
“Okey lang po.” Mahiya-hiya niyang
tugon.
“Nagluto ako ng spaghetti para sa anak
ko, baka gusto mo kaming saluhan.”
“Mommy ayaw ko sa kanya, bad siya.”
Alma naman ng batang lalaki.
Binalingan ito ng ginang at
nakangiting hinimas ang ulo ng anak.
“Ayaw mo bang may makalaro ka anak? Sa
tingin ko mabait na bata si Nicollo p’wedi kayong maging magkaibigan at mukhang
magka-edad pa kayo.”
Muli siyang binalingan ng batang iyon
saka muling ibinalik ang atensyon sa kanyang aso na sa mga oras na iyon ay
abala paring dilaan ang kamay nito.
“Itong dog nalang po mommy ang
pakainin natin.” Kapagkuwan ay wika nito.
Napasimangot siya. Tinanggihan nito
ang makipagkaibigan sa kanya kahit paman hindi iyon derektang sinabi nito.
Nilapitan niya ang ito at inagaw ang kanyang aso sa batang iyon.
“Tara na sa loob Buffy, mas masarap
ang snack natin sa loob.” Wika niya saka sinimangutan ang batang lalaki at
walang lingon likod siyang pumasok sa loob ng bahay nila.
Hanggang sa loob ay hindi parin niya
mapigilan ang magngitngit sa talipandas na batang iyon. Dahil palaging wala ang
mga magulang ay sa kanyang yaya siya nagsumbong sa kasungitang ipinakita sa
kanya ng nakaengkwentrong bata at doon niya napag-alaman ang pangalan nito.
“Lantis.” Wika niya sa kanyang sarili.
At mula noon ay pinangako niyang hinding-hindi siya makikipagkaibigan sa batang
iyon at lalong hindi na niyang hahayaan na mahawakan nito ang kanyang alagang
aso. Simula noon ay di na siya lumapit pa dito o makipag-usap man lang.
Dumating ang hindi inaasahang
pangyayari sa buhay niya. Ang tanging kaibigan, kalaro, kasama sa bahay na
kanyang aso ay namatay ng masagasaan ito. Ibayong lungkot ang naramdaman niya
ngunit dala ng palaging pagiging busy ng kanyang mga magulang ay wala siyang
napaglabasan ng kanyang damdamin. Binago siya ng pagkawala ng kanyang matalik
na kaibigan at sa muling paglabas niya ng bahay nila ay ibang Nicollo na ang
ipinakita niya sa mga tao. Isang Nicollo na walang pakialam sa lahat. Isang
batang hindi nangailangan ng kaibigan, karamay, at atensyon.
Ngunit lahat ng iyon ay nagbago ng
tumapak siya ng high school. Muling pinagtagpo ang ang landas nila ng batang
tinangihan siyang maging kaibigan noon at sa kasamaang palad, dahil sa isang
activity ay napasama silang dalawa sa iisang grupo kasama ang tatlo pang
ka-klase nila. Doon nagsimula ang pagkabuo nilang lima ngunit dahil sa
pangakong binitawan noon ay iniwasan niya ang isa sa mga ito at iyon ay si Lantis.
Ngunit mapagbiro ang tadhana, kung sino pa ang taong ayaw niyang kausapin ay
siya pa ang laging dahilan kung bakit siya napapangiti. Dahil sa tuwing
matatapos ang iringan at palitan nila ng kung anu-anong pang-aasar maipakita
lang ang pagkadisguto nilang dalawa sa isa’t isa ay ibayong excitement at saya
naman ang nararamdaman niya. Hanggang sa hanap-hanapin na niya ang
makipagbatuhan ng salita rito.
“Could it be... Could it be that
unconsciously, i was already feeling something for him? At ngayon ko lang
napansin ito dahil may ibang tao ng umaagaw ng atensyon niya sa akin?” Hindi
niya maiwasang maitanong matapos balikan ang mga ala-alang iyon.
Itutuloy. . . . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment