by: Zildjian
Patapos na ang kanta ni Jay nang
makabalik ako sa mesa kung saan masayang nakikisabay sa kanta ang mga kasama ko
sa trabaho na ngayon ay mga kaibigan ko na rin. Hindi pa rin ako mapakali dahil
sa ako na ang susunod na sasalang sa isang marubdob na kahihiyan sa buong buhay
ko.
Muli kong nilibot ng tingin ang buong
bar na iyon, ngunit sana pala ay hindi ko na lang ginawa dahil umapaw na naman
ang kaba sa aking dibdib nang makita ang maraming taong naroon. I know from the
very beginning na hindi ako binigyan ng Maykapal ng kakayahang kumanta kaya
naman kakaibang kaba ang dulot nito sa akin ngayon.
“Ken, wag mong masyadong dibdibin ang
pagkanta mo. Isipin mo na lang, kahit magkalat ka hindi ka rin naman kilala ng
mga tao rito.” Ang ngingisi-ngising wika ni Chelsa.
Kakaiba talaga ang mga kasama kong
ito. Imbes na moral support ang makuha ko mula sa kanila ay lalo pa atang
ikinatutuwa ng mga ito ang hitsura ko ngayon.
“Oo nga naman Ken, don’t worry susuportahan
namin ang iyong nalalapit na kahihiyan.” Ani naman ng isa pang baliw kong
kasama na si Rachalet.
“Oi, wag niyo namang masyadong takutin
si Ken, tingnan niyo nga, namumutla na tuloy ang kawawang mama.” Gatong naman
ni Rex na ikinatawa naman nilang lahat, kahit si Jay na feel na feel ang
pagkanta ay napatawa rin.
Iiling-iling akong napapapalatak sa
mga kalokohan nila. They reminded me of my friends’ way back in college. Ang
makukulit ko ring mga kaibigan na wala nang ibang ginawa kung hindi ang sirain
ang araw ng bawat isa, gano’n kasi ang way ng mga ito ng paglalambing.
Karinyo-brutal ‘ika nga nila.
Natapos ang pagkanta ni Jay at umani
ito ng masigabong palakpakan mula sa iba pang costumer na naroon. Hindi naman
kataka-taka iyon dahil talaga namang maganda ang boses nito. Nagawa pa nga
nitong mapaindayog at mapasabay ang ibang costumer sa pinili nitong kanta. Lalo
lang tuloy akong kinabahan dahil paniguradong kung si Jay ay inulan ng
palakpakan ako, siguradong uulanin ng bote ng mga inumin nila.
Nakangising ibinigay sa akin ni Jay
ang mic.
“It’s your time to shine.”
Nanginginig ang mga kamay na kinuha ko
ito mula sa kanya. Nagsimula na ring tumugtog ang intro ng napiling kanta ni
Rachalet. Ganun sila ka determinadong maipahiya ako sa buong sangkatauhan
ngayong gabi.
Intro pa lang ay alam ko na ang
kantang iyon. Hindi na ako nagtaka kung paano nalaman ni Rachalet na alam ko
ang kantang iyon dahil sa ito ang ringing tone ng cellphone ko. Hindi pa rin
mawala ang panginginig ng kamay ko nang makita ko na ang lyrics ng kanta.
Ibubuka ko na ang bibig ko nang biglang may humawak sa balikat ko.
“Ken?”
Napalingon ako sa taong tumawag sa
pangalan ko at nakahawak ngayon sa aking balikat. Napakunot naman ang noo ko
nang makita ang lalaking kanina lang ay nakilala ko sa loob ng comfort room.
“Ikaw nga ‘yan Ken.” Ang tila
tuwang-tuwa pa nitong sabi. “Kumusta ka na?”
Hindi agad ako nakapagsalita marahil
sa sobrang pagkalito sa inaasta ng lalaking ito.
“Hindi mo na ba ako naalala? Ako ito,
si Nhad, ‘yong dati mong kaklase no’ng high school.”
Classmate daw kami? Bakit di niya
sinabi iyon kanina no’ng magkausap kami? At wala akong naalalang may naging
kaklase ako na Nhad ang pangalan.
Hindi pa rin matanggal ang pangungunot
ng noo ko dahil sobra akong naguguluhan sa ikinikilos niya hanggang sa
maramdaman ko na lang ang marahan nitong pagpisil sa hawak pa rin nitong
balikat ko at nakita ko sa mga mata nito ang ibig niyang sabihin.
“O-Oh.” Ang naiwika ko na lang ng
mapagtanto ang binabalak nito. The guy is trying to save me from humiliation.
“Naalala mo na ako? Grabe ang laki na
nang ipinagbago mo pare. Kumusta ka na?” Pagpapatuloy nito halatang gusto na
nitong matawa sa naging reaction ko. I must admit hindi ko napaghandaan ang
improntong drama na ito.
Rinig kong eksaheradong tumikhim si
Chelsa kaya naman nabaling ang pansin ko sa mga kasama ko sa lamesa.
“A-Ah…” Napakamot ako sa ulo nang wala
akong masabi sa mga ito. Parang nawalan ako ng kakayahang makapag-isip sa sobrang
gulat ko.
“Hi.” Ang magiliw na wika ng lalaking
nakilala ko kani-kanina lang. Inilahad nito ang kanyang kamay kay Chelsa. “Kayo
siguro ang mga katrabaho nitong kaklase ko.”
Napabilib naman ako nito nang walang
kahirap-hirap nitong mapaniwala sa drama niya ang mga kasama ko. Walang kahirap-hirap rin nitong nakuha ang
atensyon nilang lahat, dahilan para hindi na nila mapansin ang naudlot kong
pagkanta.
“Ken, hindi mo naman sinabing may
ganito ka-pogi ka palang kaklase.” Wika
ni Chelsa na halatang nagpapa-cute sa estrangherong lalaki na tumulong sa aking
makatakas sa kahihiyan.
“Ah.. Eh….” Ang napapakamot ko sa
ulong wika dala nang sobrang hiya. Hiya para sa taong ngayon ay magiliw nang
nakangiti sa akin.
Tila hindi naman ako pinansin ni
Chelsa nang muli nitong balingan ang estrangherong lalaki na ang alam ko lang
ay Nhad ang pangalan.
“May girlfriend ka na ba Nhad? Ako
kasi wala pa akong boyfriend baka gusto mong syotain ako ayos lang sa akin.”
“Ay girl ano ba ‘yan nakakahiya ka.”
Ang agad na protesta ni Rachalet. Natawa naman ako sa ginagawang indecent
proposal na iyon ni Chelsa kita ko ring napahagikhik sina Jay at Rex sa
kalokohan nito.
“Bakit ba? Iba na ang panahon ngayon
girl, hindi na uso ngayon ang Maria Clara effect. Sabi ng nanay ko, grab the
opportunity when you see one kung ayaw mong maubusan. Di ba Nhad?” Ang
ngingisi-ngisi nitong sabi.
He chuckled, halatang tuwang-tuwa ito
sa kabaliwan ni Chelsa.
“Nakakatuwa naman itong mga katrabaho
mo Ken.” Wika nito na sa akin na ulit nakatingin at muli ko na namang nakita sa
mga mata nito ang amusement na nakita ko sa kanya kanina nang makilala ko ito
sa CR.
Isang nahihiyang ngiti ang ibinigay
kong tugon rito.
Lumapit ang isa sa mga waiter ng bar
na iyon upang kunin sa mesa namin ang mic. Ibig sabihin tapos na ang kanta ko
at ngayon ibang lamesa naman. Tatlong kanta lang kase sa bawat lamesa, iyon ang
patakaran nila sa loob ng videoke bar na iyon. Nakahinga naman ako, nang sa
wakas ay makatakas ako sa kabalbalang naisip ni Rachalet of course without them
noticing it. Masyado na kasing nawili ang dalawang babaeng may sa demonyo sa
pakikipag-usap kay Nhad.
Habang tahimik lang na nakikinig sa
kanilang usapan hindi ko maiwasang isipin kung ano ang nag-udyok sa estrangerong
ito na tulungan ako. Kung tutuusin ngayon lang kami nito nagkakilala kaya naman
naging isang malaking palaisipan sa akin kung ano ang talagang motibo nito sa
kanyang pagtulong sa akin.
Tinawag ito ng mga kasamahan niya na
tulad nga ng sabi nito ay nakaupo sa mesang nasa likod namin. Tinanguan naman
nito ang mga kasama niya.
“Paano guys, as much as I’m enjoying
your company mukhang gusto nang umalis ng mga kaibigan ko. It was really nice
meeting you all.” Ang pagpapaalam nito sa mga kasama ko.
“Aw, aalis na kayo? P’wede bang
humingi ng goodbye kiss sa ‘yo?” Ang malokong wika ni Chelsa. Astig talaga ang
pagiging makapal nitong babaeng ito.
“You’re harassing him Chelsa.” Ani ni
Rachalet at pabiro nitong sinabunutan ang babaeng baliw. “Nagbibiro lang siya
Nhad, pero kung ako sa ‘yo umalis ka na at baka totohanin niya. Polluted na
kasi ang utak ng babaeng ‘to.” Pare-pareho kaming napahagikhik nina Jay at Rex.
Instead na mabastos sa kalokohan ni
Chelsa ngumiti lang ito nang ubod ng tamis. And I can say na nakakahawa ang mga
ngiti nito. Bagay kasi ang mga iyon sa maganda rin nitong singkiting mata.
“Kakaiba talaga kayo.” Ang
ngingiti-ngiti nitong sabi. “Anyway, Ken, kunin ko na lang ang number mo para
naman may communication na tayo.” Dagdag pa nitong sabi na sa akin na
nakatingin.
Hindi ko naman maintindihan ang sarili
ko kung bakit ibinigay ko nga sa kanya ang totoong number ko. Ewan ko ba,
parang may nag-udyok sa akin na ibigay rito ang totoong number ko. Kung kasama
man sa drama niya ang paghingi niya ng number sa akin pwedi naman niyang
i-delete iyon agad.
Nagpapaalam na nga ito sa amin ng
hindi man lang ako nabigyan ng pagkakataong makapagpasalamat sa malaking tulong
na ginawa nito sa akin. Nahihiya naman akong sundan ito nang lumabas na ito ng
bar kasama ang mga kaibigan niya, kaya ipinagkibit-balikat ko na lang iyon. At
nangako sa sarili na sa susunod na mabigyan kami nito ng pagkakataong magkrus
ang landas namin ulit ay pasasalamatan ko ito.
Kararating ko lang sa apartment na
tinutuluyan namin ni Martin. Napatingin ako sa relong pambisig ko at
napabuntong-hininga. Mag-aalas-dos na nang madaling araw pero wala pa rin si
Martin. Siguro ay talagang na-miss nito ang mag-bar kaya hanggang ngayon ay
wala pa ito.
Sadya nga ‘atang totoong pansamantala
kang makakalimot sa kahit na anumang problema kapag may kaharap kang alak dahil
kanina lang ay nakikitawa at nakikipagbiruan ako sa mga kaibigan ko. Pero
ngayon, muli na namang bumalik sa akin ang kakaibang lungkot nang maalala ko
kung papaano i-reject ng matalik kong kaibigan ang kakaibang damdamin meron ako
sa kanya.
Kay hirap nga naman talagang magmahal
lalo na kung ang minamahal mo ay isa sa pinaka-importanteng tao sa buhay mo.
Ang pakunswelo ko na lang ngayon sa sarili ko ay ang hindi pagbabago ng
pakikitungo ni Martin sa akin.
Nasa gano’n akong pag-iisip nang
marinig ko ang pag-iingay ng cellphone ko. Aaminin kong na-excite ako na si
Martin iyon pero agad ring napalitan iyon ng pagtataka nang makita ko sa main
screen na unregistered number iyon.
“Hello?” Bati ko rito.
Hindi ito nagsalita.
“Hello, sino ‘to?” Ang may bahid ng
iritasyon sa boses ko. Maraming beses na kasi akong nakatanggap ng ganitong
tawag. Mga tawag ng mga taong walang magawa at nagtri-tripan lang dahil sa
unlimited ang mga ito.
“Ang sungit mo naman.” Wika ng isang
pamilyar na boses.
“Nhad? Ikaw si Nhad ‘di ba?” Hindi ko
p’wedeng makalimutan ang taong nagmamay-ari ng boses na iyon. Ang taong
tinulungan akong makalusot sa kabalbalan ng isa sa mga kasama ko kanina sa bar.
“Wow! Naalala mo ang boses ko? I’m
glad!” Magiliw nitong wika as if he wasn’t expecting that I can easily
recognize his voice.
Medyo gumaan naman ang pakiramdam ko
sa sobrang kagiliwan nito.
“Mabuti naman at tumawag ka––”
“Hinihintay mong tawagan kita?” Now I
can feel the amusement sa boses nito. Parang nagustuhan nito ang narinig
dahilan para hindi na nito mahintay pang matapos ko ang sasabihin ko.
Ang weird talaga ng lalaking ito. Ang
nakangiti kong wika sa aking isip. Well, sino ba ang hindi mawe-weirduhan kung
bigla ka na lang tulungan ng isang taong wala pa ngang limang minuto mong
nakilala.
“Salamat pala kanina sa tulong mo ah.
You really did save me from my agony.”
Rinig kong tumawa ito sa kabilang
linya.
“Naawa na kasi ako sa ‘yo kanina.
Sobra na kasi ang pamumutla mo kaya naisipan kong tulungan ka.” I can imagine
how he looks like when he was uttering those words. Paniguradong nagpipigil
itong mapahalakhak ulit. Pero imbes na maasar sa kanya ay napangiti pa ako,
nakakatuwa kasi ang pagiging komportable nito sa akin.
“Paano ba kita mapapasalamatan sa
ginawa mong pagtulong sa akin?” Untag ko sa kanya.
“Napasalamatan mo na ako nang binigay
mo ang bagay na gusto kong hingin sa ‘yo.”
Medyo nagulat ako sa naging sagot nito
sa akin at hindi agad ako nakapag-react. Hanggang sa unti-unti kong ma-process
sa utak ko ang ibig nitong sabihin.
“M-My number?”
“Yeah. Kanina ko pa gustong hingin ang
number mo nang makausap kita sa comfort room kaso nahiya ako eh.” He said with
apprehensive voice.
“Bakit?” Ang ‘di ko mapigilang
maitanong, out of curiosity.
“Because I want to be friends with
you?” Medyo may natunugan na ako sa kanya pero s’yempre ayaw ko rin namang
maging assuming.
“Bakit ako ang tinatanong mo?” Ang
tila natatawa ko namang sabi. Hindi ko alam pero nagugustohan ko ang pagiging
komportable nito sa akin. He reminds me of Martin, no’ng una palang kaming
nagkakilala.
Rinig kong napahalakhak ulit ito sa
kabilang linya. Masyado nga ‘atang masayahin ang taong ito at ikinatutuwa ko
ang pagiging masayahin niya.
“Ang sarap mo palang kausap Ken, I’m
glad na nakuha ko ang number mo. Would you mind, kung minsan tawagan at i-text
kita?”
Kahit may natutunugan na ako sa kanya
ay hindi pa rin iyon naging rason sa akin para tanggihan ito. I like his guts
at gusto ko ang pagiging masayahin niya kasi nakakadala.
“Ayos lang basta wag ka lang
mag-expect na lagi akong makakapagreply sa ‘yo bihira lang kasi akong
mag-load.”
“Sure!” Magiliw nitong sabi.
Marami pa kaming napag-usapan ni
Leonard o mas kilala sa pangalang Nhad. Tunay na napakamasayahing tao nito, na
talaga namang madadala ang sinuman. Para lang kaming mga baliw na nagtatawanan
na animo’y matagal nang magkakilala. Marami rin akong nalaman tungkol sa kanya
at isa na roon ang profession nito bilang isang Nurse.
Bukod sa pagiging masayahin ay makulit
rin itong kausap. Madaldal at some point, na ayos naman dahil may sense naman
ang mga idinadaldal nito. In fact, nagustuhan ko ang mga pananaw nito sa buhay
na medyo kakaiba pero astig. Marami rin kaming napagkasunduang mga bagay-bagay
at mga pananaw kaya naman mabilis na naging komportable ako sa kanya.
Nasa kalagitnaan kami ng biruan ni
Nhad nang marinig ko ang ingay na nagmumula sa sala. Agad akong nagpaalam sa
kanya para tingnan kung ano iyon at nabungaran ko si Martin na lasing na
lasing. Nakasalampak ito sa bukana ng pintuan at halatang hindi na kayang
maitayo ang sarili nito dahil sa kalasingan.
Nagmamadali ko itong linapitan at
inalalayang makatayo. Bahagya pa itong napamulat at binigyan ako nang isang
matamis na ngiti bago magsimulang mag-kalat. Nakakapanibago, ito ang unang
pagkakataong makita ko si Martin sa ganitong ayos hindi kasi ang tipo nito ang
madaling malasing lalo pa’t amoy kong Red Horse lang ang ininum nito. Malakas
ang tolerance niya sa inuming iyon kaya paniguradong nakarami ito kaya ganito
siya ngayon.
Inihiga ko siya sa sofa nang tumigil
na ito sa pagsusuka. Kahit na latang-lata na ito ay hindi parin maikakaila ang
angkin nitong kakisigan.
“Kenotz..”
Napangiti ako nang marinig ko ang
pagtawag nito sa aking pangalan. Emotions flooded in me dahil kahit pala
papaano ako parin ang hinahanap nito.
“Sino ngayon sa ating dalawa ang
lasengo?” Iiling-iling kong sabi habang tinatanggal ang damit nitong
narumihan. This time tinanggal ko muna
sa aking isip kung anu mang damdamin meron ako para sa bestfriend ko. Ngayon,
ginampanan ko ang pagiging kaibigan dito.
Matapos matanggal ang maruming damit
nito ay agad naman akong nagpunta sa kusina para kumuha nang panglinis sa mga
ikinalat nito.
“Kenotz.” Pagtawag muli nito sa akin
pero hindi ko na iyon pinansin pa at pinagpatuloy nalang ang paglilinis sa
sahig.
“Mahal mo ako Kenotz?” Ang narinig
kong sunod nitong sinabi. Napalingon naman ako sa gawi nito at kita kong
nakapikit parin ang mga mata nito.
“Ba-Bakit ako pa? Paano ang
pagkakaibigan natin?” Sa narinig ay doon ko napagtanto na hindi lang pala ako
ang nahihirapan sa sitwasyon namin. Maski pala ito ay nahihirapan din, marahil
ay hindi nito alam kung papaano niya dadalhin ang mga nalaman. Napatigil ako sa
aking ginagawang paglilinis at napatitig sa kanya.
“Sorry.” I whispered. Batid ko kung
paano ko pinagulo ang noon ay tahimik na sitwasyon namin ni Martin. Hindi ko
tuloy maiwasang sisihin ang lintik na puso ko kung bakit sa kanya pa nito
napiling tumibok. Ngayon tuloy naging magulo ang samahan namin ni Martin.
Kinabukasan araw nang lingo ay maaga
akong nagising o mas tamang sabihin na maaga akong bumangon sa pagkakahiga ko.
Hindi kasi ako nakatulog sa sobrang pagiisip ko sa mga nangyaring komplikasyon
sa amin ng matalik kong kaibigan na ako ang may gawa.
Mag-aalas-sais palang ng umaga at
naisipan kong magsimba sa araw na iyon. May isang maliit na chapel malapit sa
tinutuluyan namin ni Martin nagbabakasakaling mabigyan ng liwanag ng simbahan
ang isip ko.
Sinilip ko muna si Martin sa kwarto
nito. Doon ko ito dinala kaninang madaling araw matapos kong linisin ang
sinukahan nitong sahig. Mahimbing parin itong natutulog kaya nagpasya na akong
lumabas.
Hindi nga naman ako nagsisisi na
nagsimba ako dahil kahit papaano ay nagawa kong makapagisip-isip ng mabuti.
Nakapagdecide akong tuluyan ng kalimutan ang nararamdaman ko para kay Martin.
Hindi ko pala kayang makitang pati ang pinakamamahal kong tao ay nahihirapan na
sa sitwasyon. Martin might not say it pero kanina sa kasagsagan ng kalasingan
nito ay doon ko napagalaman kung anong epekto sa kanya nang malaman nito ang
damdamin ko.
Dumaan ako sa isang bakery shop na
nadaanan ko nang pauwi na ako nang bahay para sa almusal namin ni Martin. Balak
ko ring kausapin siya ngayon para masimulan na naming ayusin ang mga
bagay-bagay sa aming dalawa.
Bubuksan ko palang ang pintuan ng
apartment namin ng may marinig akong naguusap sa loob. Nagtaka naman ako kung
sino iyon hindi pa naman ngayon ang araw nang pagkuha nang labandera sa mga
damit namin. Tuluyan ko nang pinihit ang seradura. Gulat at ibayong kaba ang
naramdaman ko nang makita ko ang kausap ni Martin.
Itutuloy. . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment