Tuesday, December 25, 2012

Make Me Believe (22)

by: Zildjian

Kenneth

Tatlong araw na rin ang nakalilipas, at sa loob ng tatlong araw na iyon siniguro kong hindi na muling makakalapit pa si Martin sa akin. Ayaw kong gawing komplikado ang lahat at lalong ayaw kong masira ang relasyon namin ni Nhad.

Ang sabihin mo umiiwas ka dahil alam mong malapit ka nang bumigay. Malapit mo na namang paniwalaan ang mga pinapakita niya. Usal ng isang bahagi ng isipan ko.


Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit, kahit tatlong buwan na ang nakakaraan ay hindi ko pa rin magawang kontrolin ang tibok ng puso ko kapag kaharap ko si Martin. Alam kong mali, alam kong hindi tama na may nararamdaman pa ako sa kanya pero sadya nga ‘atang mahirap kalimutan ang isang malalim na pagmamahal. Malalim? Oo, dahil noon pa man, college pa lang kami ay alam kong si Martin ang gusto ng puso ko kahit pa man sa kabila ng katotohanang hindi ako p’wede nitong mahalin ng higit pa sa isang kaibigan.

He said he loves you. Di ba nga, iyon ang sabi niyang dahilan kung bakit siya nagbalik? Dahil mahal ka niya, at kaya na niyang matugunan ang pagmamahal mo?

Ewan ko ba, kay tagal kong hinintay na dumating ang panahon na matutunan din nitong matugunan ang nararamdaman ko sa kanya subalit ngayong nangyayari na iyon, bakit hindi ko na mapaniwalaan pa? Dahil ba natatakot na akong masaktan at umasa ulit, o dahil ayaw kong makasakit?

Ang hirap, napakahirap supilin ang nararamdaman mo para sa isang tao lalo pa’t sa una pa lang, siya na ang taong tanging ginusto mo. Kung tutuusin, dapat na akong makontento sa buhay ko. Nariyan ang mama ko na handang suportahan ang lahat ng bagay na gusto kong gawin. Ang mga kaibigan ko na kahit masyadong makukulit, pakialamera, tsismosa at may mga sayad ay nagagawa naman akong pasayahin. Si Nhad, ang taong nagpakita ng pagpapahalaga, pang-unawa at higit sa lahat, pagmamahal para sa akin. Pero bakit, bakit hanggang ngayon si Martin pa rin ang hinahanap-hanap ng puso ko na para bang siya lang ang tanging kukompleto sa pagkatao ko? Ano ba ang nangyayari sa akin?

Gulong-gulo na ang isipan ko. Hindi ko napaghandaan ang lahat ng ito. Ang tanging gusto ko lang naman ay maibalik ko ang pagkakaibigan namin ni Martin na nasira dahil sa akin. Oo, aaminin ko, the very moment I laid my eyes on him again, may isang bahagi ng puso ko na akala ko ay tuluyan ko ng naibaon sa limot ang sa muli’y nagising. Pero, huli na sa amin ang lahat. Hindi ko kayang maatim na saktan si Nhad at lalong hindi ko kayang aminin sa sarili ko na ginamit ko lang siya para makalimot.

“Kanina pa nagri-ring ang cellphone mo, di mo ba sasagutin?” Untag sa akin ni Lantis. Mukhang naglakbay na naman ang isip ko dahilan para hindi ko mapansin ang maingay na tunog ng cellphone ko.

Agad naman akong tumayo at tinungo ang k’warto ko kung saan doon ko iniwan ang cellphone ko. It was Nhad, dalawang araw din kaming hindi masyadong nakapag-usap ng mabuti dahil sa naging abala ito sa kanyang trabaho nang magkasakit ang isang kaibigan nitong nurse rin sa kaparehong hospital na pinagtatrabahuan niya. Ipinagpasalamat ko naman iyon sapagkat maiiwasan kong mapansin nito ang mga gumugulo sa akin.

“Oh, Nhad?” Pilit kong pinasigla ang boses ko.

“Kamusta na ang pinakamamahal ko? Ready ka na ba mamaya para sa birthday ni Chelsa?” Magiliw din nitong sabi.

Oo nga pala, ito pala ang araw ng birthday ni Chelsa kung saan gaganapin iyon sa isang bar. Masyadong mahilig si Chelsa sa mga mataong lugar ang rason niya, para daw marami siyang papang makita. Walastik talaga ang isang iyon.

“Ayos naman. Yeah, ready na ako. Anong oras ba ang out mo?”

“9 ang out ko at uuwi pa ako ng bahay para makapagbihis. Siguro, mga quarter to ten pa kita masusundo.”

“P’wede namang doon na lang tayo sa bar magkita. Sasabay na lang ako kina Lantis para hindi ka na maabala pang sunduin ako.”

“Hindi abala sa akin ang sunduin ka alam mo ‘yan pero, mas mabuti ngang sumabay ka na lang kina Lantis, para hindi ka mabagot diyan sa apartment mo sa paghihintay sa akin.”

“Umandar na naman ang kakesohan mo.” Biro ko sa kanya. “Okey, sige sasabay na lang ako sa kanila, doon na lang tayo magkita.”

“Copy that. I love you and I miss you.” Punong-puno ng paglalambing nitong wika. Napakagat-labi ako sa paglalambing nito. Noon, kapag naririnig kong sinasabi niya iyon sa akin ay di ko maiwasang kiligin. Bukod kasi sa angking tikas at kag’wapuhan nito ay hindi rin maikakailang maganda sa pandinig ang boses nito lalo na tuwing naglalambing siya. Pero ngayon, imbes na kiligin ay guilt ang naramdaman ko dahil sa mga oras na si Nhad ang kausap ko si Martin ang laman ng utak ko.

“M-Mag-iingat ka sa pagmamaneho pauwi.” Ang naisambit ko na lang at agad na pinutol ang linya.

Nakatayo pa rin ako habang ang tingin ay nasa hawak kong cellphone. Hindi ko maiwasang maitanong sa aking sarili kung tama ba itong ginagawa kong panloloko, hindi lang sa sarili ko kung hindi pati na rin kay Nhad. Oo panloloko, dahil alam kong kahit anong pilit kong i-deny sa sarili ko, hindi ko pa talaga tuluyang nakalimutan ang damdamin ko para kay Martin, kaya nga hanggang ngayon nagugulo pa rin nito ang isipan ko at dahil doon, nahating muli ang puso ko sa kanilang dalawa ni Nhad. Mali iyon, dapat wala ng ibang umuukupa sa puso’t isipan ko kung hindi si Nhad lamang – ang taong nagbigay sa akin ng sobrang pagmamahal.

“Paki sabi kay Chelsa na hindi ako makakasama sa party niya.” Ang biglang wika ni Lantis habang nakahalukipkip sa pintuan ng kwarto ko.

“H-Hah?” Ang may bahid ng pagkabigla kong tugon.

“Nawala ka na naman sa katinuan mo. Tatlong araw ka nang ganyan ah, may problema ba?” May pag-aalala nitong wika.

Dahil na rin sa nakatira na kami sa isang bahay ay nabigyan ako ng pagkakataon na makilala kahit papaano si Lantis. Hindi tulad ng mga taong ang tingin sa kanya ay suplado, mabait si Lantis, sadya lamang na hindi talaga ito palasalita lalo na sa mga bagay na wala siyang interes. Likas lang siguro sa kanya ang pagiging mailap sa mga tao.

“W-Wala. Nagulat lang ako. Bakit hindi ka makakapunta sa birthday ni Chelsa? Balak ko pa naman sanang sumabay sa ‘yo.”

Bigla naman itong napasimangot.

“Because of that bastard Nicollo.” Ang halatang inis nitong wika.

“Nag-away na naman kayo?” Hindi na talaga magkasundo ang dalawa.

“Mabuti sana kung away lang.” Iba ang nakikita ko sa mga mata nito, taliwas sa ekspresyon ng mukha nito. Mukhang may itinatago ito.

“Tungkol saan naman ngayon ang pinag-awayan niyo?” Doon ko napagtantong may itinatago nga si Lantis sa akin bigla kasi itong umiwas ng tingin.

“Basta, pakisabing happy birthday na lang kamo kay Chelsa.” At mabilisan na itong pumasok sa k’warto niya.

Naiwan akong napatanga sa kakaibang ikinilos ni Lantis. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makita ko itong balisa na para bang may kung anong itinatago at iniiwasan.

Ano kaya ‘yon? Ang di ko maiwasang maitanong sa aking sarili pero sa huli’y ipinagkibit-balikat ko na lang iyon. Si Lantis ang klase ng taong mahirap espelingin lalo na kapag patungkol kay Nico ang pinag-uusapan.

Tulad ng inaasahan sa isang disco bar. Halos puno ng tao ang loob ng napiling bar ni Chelsa para i-celebrate ang birthday niya. Hindi na talaga nagpapilit pa si Lantis at nagkulong na lang ito sa kanyang k’warto sa di malamang dahilan.

Maingay, buhay na buhay ang mga tao sa naturang bar. Halos lahat ng tao ay masayang sumasayaw at sinasabayan ang tugtog na nagmumula sa malalaking speakers. Ang mga iba’t ibang kulay ng ilaw sa loob ay lalong naghahatid ng kakaibang sigla sa mga tao na naroon.

Matapos na mailibot ang aking paningin sa kabuuan ng bar ay isinunod kong hanapin ang mesa ng mga kaibigan ko. Nakawalong text messages na ang mga ito sa akin at lahat sila ay nagsasabing nasa bar na raw sila. Medyo nahirapan akong hanapin ang mga ito dala ng may kadiliman sa loob ng disco bar na iyon. Kailangan pang tuluyang makapag-adjust ang mga mata ko para lang masanay sa malilikot na ilaw ng bar.

“Hi.” Ang nakangiting wika sa akin ng isang babae. Hindi nakaiwas sa akin ang amoy alak nitong hininga mukhang kanina pa ito naroon sa bar halata kasing groggy na ito. Ang alam ko sa ganitong oras pa lang nagsisimula ang totong party sa mga ka-edad ko. Pero mukhang masyadong excited ang babaeng ito at hindi na nakapaghintay.

“Hi.” Balik bati ko naman dito na nilakipan ko pa ng isang ngiti.

“Alone? Ako rin eh, wanna party with me?” Ang wika nito na inilapit pa sa may bandang tenga ko ang kanyang mukha marahil ay para marinig ko siya.

Hindi na kagulat-gulat ang mga gano’ng paanyaya sa mga lugar na tulad ng disco bar na ito. Halos lahat ‘ata ng mga taong naroon ay kung hindi pagsasaya ang pakay ay magpakawala at maghanap ng panandaliang karamay.

“No. I’m with my friends.” Tugon ko rito habang nagpapalinga-linga at hinahanap pa rin ng mga mata ko ang mga kaibigan ko.

“Too bad. Enjoy the night with your friends then.”

“Thanks.” Sinamahan ko pa ito ng humihingi ng paumanhing ngiti. I know somehow I disappointed her. Nakita ko ang sarili ko sa kanya noon. No’ng mga panahon na kinailangan ko ng taong makakasama at makakapitan ko nang mawala si Martin. Gano’n naman siguro ang tao, we tend to cling to others kapag nasasaktan tayo. Kapag akala natin, nag-iisa na lang tayo sa buhay. Why? Maybe because no matter how hard we try to believe that we can live life alone alam nating hindi totoo ‘yon. Masyado lang tayong ma-pride. Kakailanganin pa rin natin ang tulong ng ibang tao para muling maitayo ang mga sarili natin. Dependent as it may sound pero iyon ang totoo.

“Ken!” Biglang tawag sa akin ni Chelsa nang siguro ay makita ako nito. Napatingala ako, nasa second floor pala sila nakapwesto kaya naman pala hindi ko sila mahanap. Kumaway-kaway pa ito. Halatang Masaya ang babaeng demonyita sa kaarawan niya.

Agad kong tinungo ang hagdan paakyat ng second floor. Kumpleto nga ang barkada maliban kay Lantis na piniling makaulayaw ang mga unan niya kesa makisaya sa gabing iyon.

“Ang tagal mo!” Asik agad sa akin ni Rachalet hindi pa man ako tuluyang nakakalapit sa kanila.

“Asan si Nhad?” Nakangiting wika naman ni Jay.

“Susunod na lang daw siya.”

“Si Lantis?” Nakakunot ang noo namang tanong ni Nico.

“Hayon, hindi daw siya makakasama ngayon. Happy birthday na lang daw sa ‘yo Chelsa.”

“Sayang naman.” Magkasabay na komento nina Rachalet at Chelsa habang sina Jay at Maki naman ay napatingin kay Nicollo na para bang ito ang sinisisi sa hindi pagsulpot ni Lantis.

“Ang arte talaga ng isang iyon.” Tila napikon namang wika nito at tumayo.

“Oh, saan ka pupunta?”

“Saan sa tingin mo?” Balik tanong nito kay Jay.

“Naks, bago ‘yan ah. Sige lang, ituloy mo lang iyang habulan niyo, masaya ‘yan.”

Hindi na pinansin ni Nicollo ang pang-aasar sa kanya ni Jay. Bumaling ito kay Chelsa para magpaalam at mabilisan na itong lumabas ng bar.

“Kahit kailan ang weird talaga ng dalawang iyon.” Komento ni Rachalet.

“Lahat ng taong in love weird talaga.” Tugon naman ni Maki.

“Bakit Maki-Maki na in love ka na ba?”

“Shut up Jay.”

Nagsimula ang inuman. Naka-recieve ako ng text galing kay Nhad na nasa bahay na raw ito. Maliligo lang daw siya at susunod na sa amin.

“Siyanga pala Chelsa, na kay Nhad na ang regalo namin para sa ’yo, pagpasensiyahan mo na nakayanan namin.” Nakangiti kong wika.

“Talaga? May regalo kayo para sa akin?” Ang tila excited naman nitong wika.

“May regalo rin kami ni Rex sa ‘yo girl.” At may kinuha ito sa kanyang bag. “Pagtiisan mo na lang ang regalo namin alam mo namang nag-iipon na kami.”

A beautiful pair of earrings ang naging regalo nina Rachalet at Rex na ikinaluha naman ni Chelsa. Napayakap ito kay Rachalet bakas sa mukha ang saya.

“This is the first time na may nagbigay sa akin ng regalo sa kaarawan ko. Thank you so much Rachalet, Rex.”

“Syempre hindi kami pahuhuli diyan ni Maki-Maki.” Singit naman ng nakangiting si Jay.

“Wala kaming masyadong alam pagdating sa mga hilig niyong mga babae kaya kinailangan ko pang hatakin at suhulan ang kapatid ko.” Ani naman ni Maki at mula sa may paanan nito ay kinuha nito ang kanilang regalo. “Hope magustuhan mo.”

Tama nga ako. Mababait na tao ang mga kaibigan ni Jay dahilan para maging close na rin ito sa amin. Hindi magkamayaw ang saya sa mga mata ni Chelsa sa mga regalong natanggap.

“Nakakainis kayo, pinapaiyak niyo ako. Masasayang ang binayad ko sa nag-makeup sa akin.”

“At ito naman ang gift ni Nico at Lantis. Hindi ko alam kung bakit ako pa ang naatasan ng mga ‘yon na magbigay ng regalo nila but anyway here.”

“What’s this?” Takang wika ni Chelsa.

“A pet ID tag.” Simpleng wika ni Maki. “Daanan mo na lang bukas sa coffee shop ni Nico ang Pomeranian dog mo.”

“May aso na ako? Omg! I never imagine na tototohanin ni Nico ang pangako niya.”

“Mamaya ka na umiyak girl, maganda pa naman ang tugtog let’s dance na lang para bonggang bongga ang birthday mo.” Agad na pagpigil ni Rachalet sa umiiyak nang si Chelsa.

“T-Thank you guys.”

Ngiti ang isinagot namin dito.

“Tara na. Let’s party! Sayang ang oras!” Biglang yaya ni Rachalet.

Pinili kong magpaiwan na lang sa mesa dahil wala naman talaga akong hilig sumayaw, isa pa walang magbabantay sa mga gamit ng mga kasama ko. Nakatulong ang ingay sa disco bar na iyon para pansamantalang makalimutan ko ang mga gumugulo sa akin. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko matatakasan si Martin pero may isang bagay akong napagdesisyunan kanina at iyon ay ang sabihin kay Nhad ang tungkol kay Matt para kahit papaano mabawasan ang mga kasalanan ko sa kanya.

I still may have feelings for Martin but that doesn’t change the fact that I also have feelings for Nhad at committed na ako sa kanya. Siguro nalilito lang ako ngayon dahil sa nabigla ako sa mga deklarasyon ni Matt. Yeah, p’wedeng totoo ang lahat ng mga sinabi nito sa akin pero hindi sapat iyon para bitiwan ko na lang bigla si Nhad.

“Ken.” Tawag sa akin ng isang baritonong boses at hindi ako p’wedeng magkamali kung kanino iyon.

Napalingon ako at agad na kumabog ng husto ang puso ko nang malingunan ko ang nakatayong si Martin. Kahit na may kadiliman ang loob ng disco bar na iyon hindi pa rin naitago ang angking tikas nito. But something’s odd, wala na rito ang matapang nitong aura na lagi kong nakikita tuwing bigla na lang itong susulpot para guluhin ako at magdeklara ng kung anu-ano. Ngayon, ibang Martin ang kaharap ko. Bakas ang pangungulila sa kanyang mga mata at lungkot? Bakit, para saan?

“Iniiwasan mo ba ako Ken?” Maski sa boses nito ay mahihimigan mo ang lungkot.

“A-Anong ginagawa mo rito Matt?” Ang wika ko sa halip na sagutin ang tanong nito.

“Sabi ng mga kaibigan mo narito ka raw. Can we talk please?” Nagsusumamo nitong wika.

“Parating na si Nhad, Matt. Bukas na lang tayo mag-usap.” Pasimpleng pagtanggi ko kahit pa man halos hindi na magkamayaw ang puso ko sa sobrang lakas ng tibok nito. Papaano nito nagagawang patibukin ang puso ko ng ganito?

“Hanggang kailan mo ba ako balak pagtaguan Ken? Oo, inaamin kong nagkamali ako no’ng iwan kitang mag-isa pero ginawa ko lang naman iyon para matukoy ko kung ano ka ba talaga sa buhay ko. Kung ano nga ba talaga ang nararamdaman ko para sa’yo.”

“Matt, ano ba iyang pinagsasabi mo?” Ang di ko maiwasang sabihin. Napakaraming tao sa loob ng disco bar na iyon at may mangilan-ngilan ng nakakapansin kay Martin.

“Handa naman akong pagbayaran lahat ng pagkukulang ko noon ‘wag lang ganito na iniiwasan mo ako. Nahihirapan na ako Ken, hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.”

Sa puntong iyon ay napatayo na ako. Mabilis ko itong kinaladkad palabas ng naturang bar. Wala akong balak na mapahiya sa mga tao sa loob dahil sa kalokohan ni Martin. Of all places, doon pa nito napiling magdrama at gumawa ng eksena.

Nakarating kami sa may parking area. Doon ko ito tuluyang hinarap imbes na maawa rito ay inis at pagkapikon ang naramdaman ko dahil sa hiya. Mabuti na lang at wala doon ang mga kasamahan ko dahil kung hindi paniguradong uulanin ako ng mga tanong and worse is, baka umabot pa ‘to kay Nhad.

“Ano ba ang probelam mo? Pati ba naman sa harap ng maraming tao ipapangalandakan mo iyang lintik na pagmamahal mo? Hindi ka na nahiya!”

“Hindi ko ikinahihiya ang nararamdaman ko sa ‘yo.”

Halos mapasabunot ako sa sobrang pagkainis. How could he be so calm like this knowing na baka pinagtsi-tsismisan na kami sa loob.

“For pete’s sake Matt, wala ka bang pinipiling lugar sa kalokohan mong ito?”

“Hindi kalokohan ang pagmamahal ko para sa ‘yo.”

Kung i-umpog ko kaya ito sa kotseng nakaparada malapit sa amin bumalik kaya ito sa tamang katinuan?

“Sige, para matapos na itong… itong trip mo sa buhay.” Pinilit kong pigilan ang inis na nararamdaman ko sa mga oras na iyon. “Oo, iniiwasan kita dahil ayaw kong tuluyang magulo ang relasyon namin ni Nhad ng dahil lang sa’yo. Iniwan mo ako noon Matt at si Nhad ang umagapay sa akin no’ng mga panahon na pinagdusahan ko ang pagkakamaling minahal ko ang bestfriend ko.”

“Iniwan kita noon hindi dahil sa hindi kita mahal Ken. Alam kong may nararamdaman na ako sa’yo noon pa mang ipagtapat mo sa akin ang nararamdaman mo. Pero nalito ako, natakot dahil hindi ko alam kung papaano ko tatanggapin ang pagmamahal mo. Nasanay ako na magkaibigan lang ang turingan natin sa isa’t isa. The old me can’t offer you anything that’s why I had to leave. Ang doing so gave me a space to think. Kailangan kong ayusin ang mga bagay na nagpapalito sa akin bago kita harapin dahil ayaw kitang masaktan sapagkat sa tuwing nakikita kitang nasasaktan ko, doble ang sakit sa akin niyon.”

Napatahimik ako sa mga sinabi nito. Pilit kong inaarok kung totoo ba ang lahat ng mga pinagsasabi nito sa akin.

“God knows how much I hated leaving you. Pero naisip ko, I don’t want to offer a confused me. Unfair para sa iyo ‘yon, na wala ng ibang ginawa kung hindi ang mahalin at alalayan ako. Gusto ko, buong-buo akong haharap sa ‘yo at sigurado na sa nararamdaman ko.”

“Kaya ka ba umalis ng bansa?” Ang di ko maiwasang maitanong.

“Oo. Nagdesisyon akong pumunta na lang muna sa mga kamag-anak namin sa California dahil hindi ko alam kung makakayanan kong tiisin na hindi kita makita.”

“Pero hindi mo ba naisip na sa ginawa mong pag-iwan sa akin ay p’wede akong makahanap ng bagong mamahalin?” Tuluyan ng sinira ng mga sinabi nito ang harang na ginawa ko para sa kanya.

Hindi ito nakaimik. Nanatili lamang itong nakatingin sa akin na punong-puno ng emosyon ang kanyang mga mata. Tuluyang bumagsak ang mga pinipigilan kong luha – luha ng panghihinayang. Dahil kahit saang angulo tingnan hindi na kami pup’wede sa isa’t isa.

“Huli na sa atin ang lahat hindi ko p’wedeng saktan si Nhad dahil mahal niya ako.”

“Ken….”

“Tama na Matt, parang awa mo na… tama na. Huwag mo na akong pahirapan pa ng sobra-sobra.” Totoo man ang lahat ng mga sinabi nito o hindi ay wala na ring halaga iyon.

“Pero mahal mo pa rin ako Ken.”

“Oo, mahal pa rin kita.” Walang pag-aalinlangan kong pag-amin. What for? This will be the last time na mag-uusap kami kaya mas mabuti ng kahit ngayon lang magpakatotoo ako. “Pero may Nhad na ako.”

Hindi ko inaasahan ang sumunod nitong ginawa. Yinakap ako nito ng buong higpit na para bang ayaw na ako nitong pakawalan. Napayakap rin ako sa kanya. Kahit man lang sa huling pagkakataon mayakap ko ang taong nagturo sa aking magmahal nang hindi humihingi ng kapalit.

“So, this was the real score between the two of you.”

Agad akong napakalas ng yakap kay Martin.

“N-Nhad?”

“Kaya pala… Kaya pala gano’n na lang ang pagbabago ng reaksyon mo tuwing magpapakita sa ‘yo itong bestfriend mo. How could you do this to me Ken. Ginawa mo akong tanga. Pinaniwala mo ako na ako ang mahal mo pero iyon pala ––”

“Nhad let me explain. It’s not what you think it is.” Ang agad kong putol sa mga sasabihin pa nito.

“Explain? Ano pa ba ang p’wede mong sabihin na hindi ko pa narinig? So all along, siya pala talaga ang mahal mo at ako, ano ako para sa ‘yo Ken? Minahal mo ba talaga ako o ginawa mo lang akong panakip-butas?” May panunumbat nitong sabi.

“Hindi kita ginawang panakip-butas Nhad.”

“Kung gano’n mahal mo rin ako gano’n?” Tuwa ito ng pagak. Bakas ang ibayong galit sa mukha nito. Nawala ang pagiging mahinahon nito. “Minahal mo ako pero mahal mo pa rin siya?”

“Minahal kita Nhad.”

“Hindi iyan ang pagkakaintindi ko sa mga narinig ko sa usapan niyo. You never loved me Ken, you used me.” At walang anu-ano itong naglakad papalayo. Kita ko pa ang pagsuntok nito sa nadaanang nakapark na sasakyan. Akmang hahabulin ko na sana ito nang pigilan ako ni Matt.

“Bitawan mo ako! Tingnan mo ang ginawa mo Matt, sinira mo ang relasyon namin ni Nhad!” Marahas kong iniwaksi ang pagkakahawak nito sa akin at hinabol ko si Nhad pero nakasakay na ulit ito sa kanyang sasakyan at mabilis iyong pinaharurot. Nanlulumo akong napahawak sa aking ulo dala ng matinding frustration at halo-halong emosyon.

What have I done? Ang hindi ko mapigilang maitanong sa aking sarili.

“Ken…”

“Iwan mo muna ako Matt.” Ang halos mangiyak-ngiyak kong wika. Hindi ko na alam kung papaano ko pa ba maayos ang gulong nagawa ko.

“Pero Ken.”

“I said leave me alone!”

Itutuloy. . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment