Tuesday, December 25, 2012

Make Me Believe (13)

by: Zildjian

Kinabukasan, nauna akong nagising kay Martin. Agad na gumuhit ang magandang ngiti sa mukha ko nang makita ang posisyon naming dalawa habang natutulog.  Nakadantay ang isang kamay ni Martin sa akin habang ang ulo nito ay nagsusumiksik sa aking balikat.

Ilang minuto ko munang hinayaan ang sarili kong magsawa sa posisyon namin. Hindi ko pa rin maiwasang pamulhan nang maalala ko ang kahihiyang sinapit ko kagabi nang marinig nito ang mga papuri ko sa kanya. Maingat akong tumayo sa kama para hindi ko maabala ang mahimbing pa rin nitong tulog.


“Kulit mong gunggong ka. Naisahan mo na naman ako kagabi.” Wika ko nang iayos ko ang kumot sa kanya. Nakakatuwang pakinggan ang mahihina nitong hilik.

Muling gumuhit ang isang ngiti sa aking mukha.

“Thanks for taking good care of me Matt.” Pabulong kong wika at nagpasya nang bumangon.

Gusto kong kahit papaano ay maibalik kay Martin ang ginawa nitong pagbabantay sa akin kahapon. Alam kong ilang minuto lang ay gigising na ito para pumasok sa kanyang trabaho kaya naman agad na akong dumiretso sa kusina.

Nagsimula akong maghanda ng agahan para sa aming tatlo. Minabuti kong hindi pakialaman ang mga pinamili ng mama nito at baka malintikan pa ako. I was about to go open the can of beef loaf when I heard her mom.

“Ibinaba ko na kagabi mula sa freezer ang Hot Dogs at Tocino. Kunin mo diyan sa may chiller.”

Walang imik na sinunod ko naman ito hindi pa rin mapuknat ang saya sa mga mata ko. Hindi maaapektuhan ng mga pagtataray nito sa akin ang napakagandang mood ko ngayong araw.

“Magkape na muna ho kayo.” Wika ko sabay abot sa kanya ng isang tasa ng kape. “Kayo na ho ang bahalang maglagay ng asukal at coffee mate.”

“Hindi ko pa nakitang mag-alala nang gano’n ang anak ko, ni hindi nito nagawang kumain sa sobrang pag-aalala sa ‘yo kahapon.” Ang malumanay na wika nito dahilan para mapalingon ako sa kanya. Jealous? Tama ba ang nakikita ko sa mga mata nito?

Nagseselos ang ina niya sa akin?

“I’m jealous.” Kapag kuwan ay wika nito na animo'y nabasa nito ang tumakbong katanungan sa isip ko. “Ni minsan ay hindi ko nakitaan ng gano’ng pag-aalala ang anak ko para sa akin… sa amin ng Papa niya. He hated us for being a control freak parent to him.” Bakas ang lungkot sa boses at mga mata nito.

Pinili kong hindi magkomento hindi sa takot ako rito kung hindi gusto kong mailabas nito ang lahat ng dinaramdam nito.

“I’m one of the few women who has the difficulty of bearing a child kaya naman sobrang natuwa kami noon ng Papa niya nang sa wakas ay makabuo kami.” Wika nito habang nasa tasa ng kape nitong hawak ang kanyang atensyon. “We treated Martin as if he was the most valuable treasure we have. Nag-iisang anak lang namin siya, kaya naman sobra ang proteksyon na ginawa namin ng Papa niya sa kanya.”

“Hindi ko alam kung saan kami nagkamali ng papa niya. Ibinigay naman namin lahat ng p’wedeng maibigay ng mga magulang sa kanilang anak. Car, credit card, magagandang damit, magandang bahay, pagkain… Everything this world could offer pero imbes na mahalin kami ng anak namin ay napalayo pa ang loob niya.”

“Dahil wala ho sa mga ibinigay niyo ang gusto ni Matt. Alam ko ho iyon dahil simula pa no’ng nagkolehiyo kami, ako na ang naging sumbungan niya.” Walang kagatul-gatol kong sabi.

Napatingin ito sa akin ng may pagtataka.

“Simula pa noon, gusto lang ni Matt na makuha ang suporta niyo sa mga bagay na gusto niyang gawin. Nawalan siya ng tiwala sa sarili niya noon kaya siya naging rebelde. Inisip niyang wala siyang kakayahang gawin ang mga bagay-bagay kaya hindi niyo siya hinahayaang magdesisyon sa sarili niya.”

Para itong nauwi sa malalim na pag-iisip sa hitsura nito, marahil ay pina-process nito sa kanyang isipan ang mga sinabi ko.

“Siguro nga tama ka.” Kapag kuwan ay wika nito. “Masyado kaming nabulag sa kagustuhan naming mapaganda ang buhay ng anak namin dahilan para hindi namin maipakita sa kanya ang pinakaimportanteng bagay na dapat ginagawa ng isang magulang  - ang suportahan ang kanilang anak. I guess Martin was right. Hindi nga kami naging mabuting magulang sa kanya.”

“Tao lang ho tayo na nagkakamali. Tila hindi lang ho nagtugma pareho ang inyong mga inaasahan sa isa’t isa, kung kaya para kay Matt parang kulang ang naipakita n’yong pagmamahal sa kanya, na wala naman talaga kayong ibang intensyon kung hindi ang mapabuti siya. Hindi pa ho huli ang lahat para kayo’y makabawi.”

“Huli na siguro kami.” Ani nitong bakas ang kawalang pag-asa sa kanyang mga mata at hindi ko mapigilang makaramdam ng lungkot. Hindi ko kayang makita sa ganitong ayos ang kahit na sinumang magulang na walang ibang ginusto kung hindi ang maibigay ang lahat sa kanilang mga anak.

“Huwag ho kayong mawalan ng pag-asa. Walang anak ang kayang tiisin ang kanilang mga magulang.” Hindi ko alam kung bakit wala akong makapang kahit na anong pagtatampo sa puso ko para sa kanya kahit na hindi naging maganda ang trato nito sa akin.

Muli ako nitong matamang tinitigan. Nakakailang ang ginagawa nitong pagtitig sa akin na para bang inaarok nito kung totoo ba sa puso ko ang mga pinakita’t sinasabi ko sa kanya. Pero sa halip na bumawi ng tingin ay binigyan ko siya ng isang nang-uunawang ngiti.

“Hindi na ako nagtataka ngayon kung bakit gano’n nalang mag-aalala ang anak ko sa ‘yo.” Wika nito na sinamahan pa nito nang isang ngiti. “Thank you iho.”

Pinagtulungan namin ng ina ni Martin ang paghahanda ng agahan na iyon. Kahit anong pangungumbinsi ko sa kanya na maupo na lang at i-enjoy ang kape nito ay nagpumilit pa rin itong tulungan ako.

“Sa tingin ko hindi maganda ang bigas na nabili niyo.” Ani nito habang nagsasandok ng kanin.

“Diyan lang ho namin kasi binili ‘yan sa kalapit na tindahan.”

“Samahan mo ako mamaya’t tuturuan kita kung paano pumili ng magandang bigas.”

“Sige po.”

“Wala rin akong nakitang water dispenser dito kaya mamaya bibili ako. Hindi kayo dapat basta-basta umiinom ng tubig na galing sa gripo.”

Tango’t ngiti na lang ang itinugon ko rito. Kahit papaano kasi ay naalala ko ang pagiging praning ni mama pagdating sa kalusugan namin ng nakababata kong kapatid.

“Hindi ‘ata ako sanay na maingay ang bahay na ito.” Ang biglang pagsulpot ni Martin.

Parehong nabaling ang atensyon namin ng kanyang ina sa kanya.  Kahit bagong gising ay napakagwapo pa rin nitong tingnan.

“Good morning anak. Tamang-tama, katatapos lang naming makapaghanda ng agahan para sa atin.” Magiliw na bati ng ina nito.

“Magkatulong kayong naghanda ng pagkain?” Ang tila hindi makapaniwalang tanong nito sa akin.

“Yep!” Nakangiti kong sagot. “Kaya halika na nang hindi ka ma-late sa trabaho mo.”

Kahit bakas pa rin ang pagkalito’t pagtataka sa mga mata nito ay naupo na rin ito sa hapag. Panaka-naka itong sumusulyap sa akin na para bang may gusto itong sabihin.

Naging masaya naman ang agahan naming tatlo. Hindi katulad kahapon na halos walang mamutawing usapan sa mag-ina ngayon ay napapansin kong unti-unti na ring nawawala ang harang na ginawa ni Martin sa kanyang ina at natutuwa ako sa mga nangyayari.

Matapos makapag-agahan at makapagbihis ay agad na umalis si Martin para pumasok. Hindi naman nagtagal ay sumunod na rin ang mama nitong umalis para dumalo sa isang meeting sa bagong investor ng negosyo ng mga ito. Napag-alaman ko rin na nagpla-plano na ang mga magulang nito na mag-expand ng negosyo nila sa lugar na iyon na unti-unti nang umaangat.

Ilang araw ang lumipas at simula nang makapag-usap kami ng mama ni Martin ay unti-unti nang nawala ang tensyon sa loob ng apartment namin. Muli kong nakitaan ng pag-asa ang ina nitong maaayos pa niya ang samahan nila ng kanyang anak. Nabawasan rin ang panlalamig ni Martin sa kanyang ina marahil ay nakita nito ang effort ng kanyang ina na maibalik sa dati ang respeto’t pagmamahal ng kanyang anak.

Naging masaya ang loob ng bahay namin habang dumadaan ang mga araw. Katumbas ng saya na nakikita ko sa mga mata ng ina ni Martin ang nararamdaman ko. Matapos akong alagaan ni Martin no’ng magkasakit ako ay naging kakaiba na ang mga ikinikilos nito. Mas lalo na itong naging praning sa kalusugan ko. Ang natural na pagiging maalalahanin nito ay lalo pang dumoble sa mga nagdaang araw na nagpapalito sa akin ng husto. Lagi na rin itong nagtetext tuwing lunch break namin sa opisina. Mga bagay na kahit anong pilit kong mabigyan ng paliwanag ay hindi ko magawa at tila napakailap ng mga kasagutan.

Ilang araw pa ang lumipas at bumalik na ang ina nito sa kanila. Ang buong akala ko ay babalik na sa normal ang lahat sa amin ni Martin dahil wala nang rason para ipagpatuloy pa namin ang pagpapanggap ngunit wala akong nakitang pagbabago sa pakikitungo nito sa akin. Nariyan pa rin ang pagiging malambing, maalalahanin, at ang mga text nito kahit madaling araw na. Hindi na rin ito bumalik pa sa k’warto niya na lalo kong ipinagtataka. Ayaw ko naman itong tanungin kung bakit, at baka isipin pa nitong itinataboy ko siya.

Dahil doon ay nagsimula na naman akong umasa na pwede akong ibigin ng bestfriend ko; na pweding higit pa sa magkaibigan ang maging relasyon naming dalawa. Hindi ko rin maikakailang sa bawat tingin nito sa akin ay may nakikini-kinita akong kakaibang kislap sa mga mata nito as if he was staring to the person who owns his heart.

“Napapansin kong nagiging masayahin ka ngayon Ken, ah.” Ang wika ni Jay. “At sino ba iyang ka-text mo? Madaling araw na may ka-text ka pa rin?”

“Malamang kuwago iyang ka-text niya.” Singit naman ni Chelsa.

“Malamang may lovelife na si Ken.” Ani naman ni Rachalet at umugong ang kanya-kanya nilang panunukso sa akin.

“Bakit ba ako na naman ang nakita niyo?” Ang tatawa-tawa kong sabi.

Huli na para mapigilan ko si Chelsa na maagaw ang cellphone na hawak ko.

“Hoy! Akin na ‘yan!” Ang pagtatangka kong pagbawi ng cell phone ko sa kanya ngunit mabilis lang niya itong nailayo sa akin.

“Stay put ka lang diyan, titingnan ko lang naman kung sino itong ka-text mo.” Wika nito’t kinalikot na ang cell phone ko. “Matt? Sino si Matt? Babae ba to?”

Nang makakita ng pagkakataon ay muli kong binawi ito sa kanya at di naman ako nabigo. Mabilis ko itong ibinalik sa aking bulsa.

“Who’s Matt, Ken? Siya ba ang misteryosang girlfriend mo?” Si Rachalet.

“He’s not a She. Bestfriend ko si Matt.” Simpleng sagot ko sa mga ito, at muling ibinalik ang aking atensyon sa aking pagkain.

“Bestfriend? Bakit hindi mo siya naikuk’wento sa amin?” Nagsimula na naman ang pagiging mausisa ni Chelsa at paniguradong kung walang pinagkakaabalahan si Rachalet ay baka nagdouble team pa ang mga ito.

“I don’t think it was necessary. Besides, hindi niyo naman kilala ng personal ‘yong tao.”

“Is he cute? May asawa na ba? May girlfriend? Pakilala mo naman sa akin please.”

“Girl, define desperada?” Basag ni Rachalet dito na ikinatawa naming lahat maliban kay Chelsa na sambakol na ang mukha.

“Desperada na kung desperada basta kailangan ko na ng Papa. So Ken,  taken na ba ang bestfriend mo na ‘yan? Baka pwede mo naman akong ilakad sa kanya. Promise, pagsisilbihan ko siya mula ulo hanggang sa ulo ulit… sa baba?”

“Girl! Ang baboy mo! Polluted na talaga iyang utak mo!” Lalong lumakas ang tawanan sa mesa naming iyon habang kumakain pero ako, hindi ko nagawang matawa sa birong iyon ni Chelsa. Iniisip ko pa lang kasi na may ibang taong handang pagsilbihan si Martin hindi ko mapigilang hindi makaramdam ng kirot sa aking puso.

“Kumain na nga lang tayo bago pa mawala ang gana ni Ken kumain.” Biglang wika ni Jay at nang mapatingin ako dito ay binigyan lang ulit ako nito ng isang ngiti.

“Mukhang may naamoy ako dito ah.” Wika naman ni Rachalet. “OMG! Could it be? Kenneth is–– .”

Hindi na nito natuloy pa ang sasabihin niya nang palsakan ni Rex ng hambuger ang bibig ng girlfriend nito.

“Kumain ka na lang ng marami sweety para madagdagan ang energy mo mamaya. Nakakagutom pa naman ang masigaw-sigawan ng customer.”

Muli pa sana itong magsasalita, nang bigla itong matigilan.

“Oh! It’s you.” Wika nito sa kung sino mang taong nasa likuran ko. And when I turn around to check kung sino iyon ay ang nakangiting si Nhad ang sumalubong sa akin. He’s wearing an all white uniform na lalo lang nagpakisig sa kanya.

“Yeah, it’s me. Fancy meeting you guys here.” Tugon naman nito kay Rachalet. “Hi Ken.” Baling nito sa akin.

“H-Hi.” Bahagya pa akong nagulat. Ibang-iba ang dating nito ngayon kumpara no’ng una ko itong makilala and he looked good and charming with his uniform.

“Hi Nhad!” Ang biglang singit ni Chelsa sabay pulupot nito sa braso nang nabiglang si Nhad. “Kaya ka ba nandito dahil nasilayan mo ang kagandahan ko?”

“Ah.. Eh.. Ano kasi.” Ang napapakamot sa ulo nitong sabi. Halata na rin ang pagiging uneasy nito.

Rinig ko pang napahagikhik ang ibang costumer na malapit sa amin sa narinig na kalokohan ni Chelsa. Wala talagang pinapalampas na lugar ang isang ito kapag tinamaan ng kabaliwan.

“Girl, lumayo ka nga diyan.” Saway naman ni Rachalet ng mapansin marahil na hindi na komportable si Nhad. “Tinatakot mo na ang tao sa ginagawa mo.”

“Ayaw ko! Dito lang ako sa tabi ni Nhad.” Wika naman nito na sinamahan pa nang pagsinghot-singhot sa uniporme ni Nhad. “God! Ang bango-bango niya girl grabe! Want to try?”

Hindi ko alam kung matatawa ako o mahihiya sa ginagawang kahalayan este kalokohan ni Chelsa kay Nhad. Rinig kong napabungisngis sina Rex at Jay, halatang enjoy na enjoy sa ginagawang kalokohan ni Chelsa.

Marahil ay tuluyan ng nahiya si Rachalet sa ginagawa nang kasama namin kaya napatayo na ito’t inalayo si Chelsa kay Nhad.

“Maupo ka riyan!” May diin nitong wika sabay ng pwersahang pagpapaupo nito kay Chelsa. “Pagpasensiyan mo na itong kasama namin. Nawawala talaga ito sa tamang huwisyo kapag nakakakita nang lalaki.”

“Nasa tamang––”

“Shutup!” Pagputol nito sa iba pang sasabihin ni Chelsa. “I-zipper mo iyang bibig mo Chelsa kung ayaw mong ipamigay ka namin sa mga taong grasa.”

“Okey.”

“Pasensiya na ulit.” Hinging paumanhin ulit ni Rachalet.

“Wala iyon.” Ang nakangiti nitong sabi. Mukhang nakabawi na ito sa ginawang pangmomolestiya sa kanya nang sira ulong si Chelsa.

“Anyway, what brought you here? Duty mo palang?” I know Rachalet is trying to return the situation to normal.

“Actually tapos na. Nakaramdam lang ako nang gutom kaya dumaan ako rito at nakita kayo.”

“Join us then. Tutal kasisimula palang naman namin.”

“Okey lang ba? Hindi ba nakakahiya?” Ang napapakamot nito sa ulong sabi. Ewan ko ba pero hindi ko maiwasang maisip na parang iyon naman talaga ang gusto nito kaya ito lumapit sa amin.

“Hindi, basta sa akin ka tatabi ha. Para naman masimulan na kitang ligawan.”

Muli na namang nagbungisbungisan sina Rex at Jay, ako man ay lihim ding natawa sa straight to the point approach na ginagawa ni Chelsa sa kawawang nurse.  Si Nhad naman ay napakamot lang ulit sa kanyang ulo na animo'y ito pa ang nahiya.

“Girl, behave.” Saway ulit ni Rachalet sa aming kasama. “Okey lang Nhad, mas maganda nga kung dito ka na lang sa amin umupo para naman may iba akong makausap. Nakakasawa na kasing mga kausap ang mga kurimaw na to eh.”

“Pinagsasawaan mo na ako sweety?” Tila nagtatampo namang wika ni Rex.

“Sila lang sweety hindi ka kasama.”

Nag-oder na nga si Nhad at nang matapos ay sa lamesa na namin ito dumeretso. Tulad ng inaasahan ay nagsimula nang magtanong ang dalawang pinaka intregerang tao na nakilala ko. Puro tungkol sa paborito, mga hilig at kung anu-ano pang mga tanong na halos makikita na sa slam book ang mga binabato ng mga ito kay Nhad at ang nakakatuwa pa ay sinasagot naman ni Nhad ang mga tanong ng maayos.

Pati kami ay nadamay sa trip ng dawalang baliw naming kasama na lalo lang nagpapasaya sa lunch break naming iyon.

“So, favorite color mo pala ay Red Ken.” Ang wika ni Nhad. “At idol mo rin pala si Doreamon. Pareho pala tayo.”

Sa totoo lang hindi naman talaga ako mahilig sa Doreamon, iyon lang ang unang pumasok sa akin kanina kaya iyon ang naisagot ko.

“Paborito ko rin iyan.” Singit naman ni Chelsa. “Di ba siya yung bilog na bagay na kapag nababasa nang tubig ay nagiging papel?”

“Si Mojacko ang tinutukoy mo iha hindi si Doreamon.” Basag naman ni Rachalet dito. “Eepal ka na nga lang mali-mali pa.”

Muling umugong ang tawanan sa mesa naming iyon sa kalokohan ng dalawa. I must admit na kahit mga intregera at ubod ng daldal ang dalawang kasama namin ay sila naman ang laging nagpapasaya sa grupo.

“Ay, magkaiba ba yon? Kala ko kasi magkapareho lang sila.”

“Magkaiba sila Chelsa, wag mo nang i-insist. Next time ka nalang magpa-impress kong alam mo na ang pinaguusapan.”

“Nakakatuwa talaga kayong kasama, walang dull moment.” Ang tatawa-tawang wika ni Nhad.

“Masanay ka na sa kabaliwan ng dalawang iyan Nhad.” Ani naman ni Jay na nakatanggap ng nilamukos na tissue galing sa dalawang hitad.

“Almost time na pala.” Ang pagsingit ko nang mapansin ko ang oras. “Kailangan na nating bumalik.”

“Ay!” Magkasabay na wika nang dalawang babae at nagkanya-kanya na ito nang re-touch.

“Ikaw Nhad?” Baling ko naman rito.

“Uuwi na rin ako para makapagpahinga.” Parang may nahimigan akong disappointment sa boses nito.

Magkakasama kaming lumabas sa food chain na iyon. Matapos magpaalamanan ay tinungo na namin ang sasakyan ni Jay na sa unang pagkakataon nitong dinala. Marahil ay nagsawa na ito sa trip niyang pagpapaka low profile habang si Nhad naman ay pinuntahan na rin ang kanyang dalang sasakyan.

Papasok na sana ako nang sasakyan ng marinig ko ang pagtawag sa akin ni Nhad. Napalingon naman ako dito at nakita itong papalapit sa akin.

“Oh, Nhad.”

“May gagawin ka ba bukas Ken?” Wika nito. “Uhmmm.. Off ko kasi bukas baka pweding yayain kitang lumabas. You know, for old time sake?”

Old time sake?

“Wala siyang gagawin bukas. Rest day niya.” Ang singit ni Rachalet. Nang mapalingon ako dito ay doon ko lang napagtanto kung bakit kailangang may ganong linya si Nhad. Umandar na naman kasi ang pagiging tsismosa nang dalawa na ngayon ay parehong nakalabas na ang mga ulo sa bintana nang sasakyan at nakikinig sa aming usapan. Ang alam ng mga ito ay dati kong kaklase si Nhad.

Mabilis talagang mag-isip ang isang ito.

“So?” Bakas pa ang pakikiusap sa mga mata nito.

“Ano kasi Nhad, may pupun––”

“Please?” Wika pa nito na sinamahan pa nang kanyang pag-beautiful eyes. Hindi ko tuloy maiwasang hindi matawa.

“Okey sige.” Pagpayag ko. Meron din naman kasi akong utang sa kanya no’ng sa Videoke bar. “Text mo nalang ako kung anong oras at kung saan tayo magkikita.”

“Great! I’ll see you tomorrow then.”

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment