Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (08)

by: Zildjian

Napataas ang kilay niya rito. Aba, pagkatapos nitong sungit-sungitan siya kanina sa harap ng mga taong hindi niya gaanong kilala ay bigla siya nitong babalingan ngayon para manghingi ng pagkain? Sinusuwerte naman yata ang taong ‘to.

“Nagugutom ako. Hindi mo ba ako narinig?” Kunot-nuong muling wika nito nang hindi siya gumalaw.

“Eh di kumain ka kung nagugutom ka.” Balik naman niyang sagot dito sabay hugot ng kanyang cellphone at nagkunyaring may itetext.


Ewan ba niya. May inis talaga siyang naramdaman ngayon na sa kasamaang palad ay hindi niya mawari kung para saan. Minsan na siyang nainis dito noong pagsupladuhan at walang kyeme siyang sinabihan na wala siyang k’wentang kausap nito. Pero iba ngayon ang nararamdaman niya, kakaibang inis iyon na hindi niya mabigyan ng pangalan.

“Kaya nga, dalhin mo ang pagkain ko rito para makakain ako.” Bakas ang iritasyon nitong balik naman sa kanya.

Padabog siyang tumayo kasabay ng pagbibigay niya ng matalim na tingin dito na tinugon naman nito ng kapareho ring tingin. Kung may makakakita lang sa kanila sa lagay na iyon ay paniguradong iisipin ng kung sino mang taong iyon na malapit na silang magpatayan.

“Hindi ko nagustohan ang inakto mo sa akin kanina sa harap ng mga taong iyon.” Parang may mali sa sinabi niya. Maski siya ay hindi kumbinsido kung iyon ba ang dahilan talaga kung bakit ibayong pagkapikon ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Nagsimula lang naman siyang makaramdam ng gano’n nang makita niyang nakayakap dito ang lalaking naging dahilan kung bakit isinuko niya ang kanyang naiibang paghanga sa taong ito.

Para naman itong nabigla sa narinig mula sa kanya. Mula sa matalim na pagkakatitig nito ay bigla iyong napalitan ng pagsasalubong ng kilay na animoy naguluhan. Sabagay, sino ba naman ang hindi maguguluhan eh sa halos ilang araw na nagdaan sa kanilang dalawa, ay ni minsan hindi sila nabigyan ng pagkakataong makapag-usap ng matino.  Tapos ngayon, bigla siyang magrereklamo ng gano’n na para bang naging close na sila minsan.

Kaya bago pa ito makapag-isip ng panabla sa kanyang sinabi at mapahiya rito ay padabog na lamang niyang hinila ang lamesa kung saan nakalagay ang dala niyang prutas at ilan pang pagkain na marahil ay mula sa mga katrabaho at mga kaibigan nitong bumisita dito.

“Anong problema mo?” Ang nakakunot-noo paring tanong nito sa kanya.

“Wala!” Saka siya muling bumalik sa kanyang kinauupuan kanina at muling kinalikot ang kanyang cellphone kahit wala naman siyang gagawin doon.

Narinig niya ang pag-iingay ng kama nito. Marahil ay umaayos ito ng upo para makapagsimulang kumain. Upang makaiwas sa kung ano mang diskusyon ay minabuti na lamang niyang hindi na ito tapunan pa ng tingin.

Tama nga siya, nawala nga sa isip niya ang kanyang dinadalang problema pero heto’t may kung ano naman siyang nararamdamang kakaiba na hindi niya mawari kung saan galing. Siya ang tipo ng taong hindi madaling mainis unless matindi na iyon to the point na masyado na siyang minamata pero heto siyat inis na inis dito kahit wala naman siyang mahagilap na rason.

Hindi naman siguro ako nagseselos na nakayap sa kanya kanina ang dati niyang kinahuhumalingang tao. Ang biglang wika niya sa kanyang isip na dahilan para mapailing siya.

Imposible iyon. Wala na akong nararamdaman sa kanya.

“Sa tingin mo ba tama ang ginawa ko?” Ang narinig niyang biglang pagsasalita nito.

Napatingin siya rito ng may pagtataka.  Ito ang kauna-unahang beses simula nang magkrus ulit ang landas nila na kinausap siya nito na walang mababakasang iritasyon o ano pa mang negatibong emosyon sa boses nito. Natural iyon, kaswal kung baga na para bang walang nangyaring bangayan sa pagitan nilang dalawa kani-kanina lang.

Nagkibit balikat naman ito habang linalantakan ang iba’t ibang klase ng pagkain sa mallit na mesa.

“Minsan talaga, sobra kung makapagbiro ang tadhana.” Napapailing nitong pagpapatuloy. “Noon, sabi ko kaya kong dalhin ang sarili ko. But look at me now, I’m a mess. Sinabi ko rin noon na hindi ako tutulad sa dalawang pinsan ko, pero hayon, I ended up being like them; talunan, iniwan ng taong pinaglaanan ko ng lahat-lahat.” Dagdag pa nito na sinamahan ng isang mapait na ngiti.

Anong nangyayari dito? Kanina lang ay halos isumpa na nila ang isa’t isa tapos heto’t bigla itong mag-o-open ng sariling saloobin sa kanya? Naguluhan siya bigla sa taong kaharap, hindi niya mahabol o mas tamang sabihing hindi nakayanan ng utak niyang maintindihan ang biglaang pagbabago ng trato nito sa kanya. At bakit parang lumambot ang puso niya sa nakikita niyang pait at sakit sa mga mata nito? Nasaan na ang inis na nararamdaman niya?

“Pero alam mo kung ano ang mas masakit? Iyong alam mong sinubukan ka niyang mahalin pero sa huli, hindi niya nagawa. I deny that fact dahil sa tuwing naiisip ko ang katotohanang iyon, lalo lamang akong naaawa sa sarili ko. Pakiramdam ko ang pangit ko. Pakiramdam ko wala akong silbi, na napaka incompetent ko dahil ang taong mahal ko, hindi nagawang mahalin ako.”

Naiintindihan niya ang nararamdaman nito. Dahil siya man, naramdaman na rin iyon noon. Ang umibig ng sobra-sobra sa isang taong hindi naman kayang ibalik ang nararamdaman niya. Gumuho rin ang mundo niya noon, nasira din ang buhay niya at naging pakawala rin siya.

Muling niyang naalala ang tanong nito sa kanya na kaparehong tanong rin niya noon sa kanyang sarili na hindi niya mabigyan ng kasagutan.

“T-Tinanong mo ako noon kung hindi ka ba karapatdapat mahalin. Sa tingin ko, kaya ko nang sagutin iyon ngayon.” Ang may pag-aalangan niyang wika.

Napatingin naman ito sa kanya ngunit hindi ito nagsalita kaya naman nagpatuloy siya.

“Walang taong hindi karapat-dapat mahalin. Sadyang hindi lang naipipilit ang pagmamahal. Oo nga’t ginagawa natin ang lahat para sa taong gusto natin, pero hindi ibig sabihin noon ay magagawa ka na niyang mahalin. P’wedi nilang maibalik ang mga nagawa natin sa kanila, pero hindi sa paraan na gusto natin. Ngunit hindi ibig sabihin niyon ay hindi kana karapatdapat mahalin, sadya lamang na hindi natin matanggap agad sa mga sarili natin na hanggang doon lang ang kaya nilang maibigay.”

Parang realisasyon din sa kanya ang mga salitang namutawi sa kanyang bibig. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon o kung saan niya hinugot ang mga salitang iyon subalit nasisiguro naman niyang naliwanagan siya ng husto.

Ngayon niya tuluyang napagtanto na mali ang ginawa niyang itali ang kanyang sarili sa isang tao. Mali ang ginawa niyang pagbibigay ng lahat-lahat sa kanya dahil noong iniwan siya ng taong iyon, nasira ang buhay niya.

“So, are you saying that what I did was the right thing? Na tama lang na pakawalan ko na siya?” Basag nito sa kanyang pag-iisip.

“Nasa sa’yo ang sagot niyan. Tanungin mo ang sarili mo kung iyon ba talaga ang gusto mo.”

“Ayaw ko na sa nararamdaman ko. Hindi ito ang gusto ko para sa akin. Hindi ko gusto ang makaramdam ng ganito katinding sakit.” Helplessness was visible in his voice.

Para siyang binuhusan ng napakalamig na tubig sa naging tugon nito dahil iyon din ang rason niya kung bakit siya bumitiw sa nararamdaman niya. Dahil ayaw niya nang masaktan.

“I want to have my old self back dahil sa mga nagdaang araw, hindi ko na kilala ang sarili ko. Natatakot ako, ayaw kong matulad sa nangyari sa mga pinsan ko.”

Pagkahabag, tama, iyon ang nararamdaman niya para rito sa mga oras na iyon. Ramdam niya ang takot, sakit sa mga mata nito. Nakita niya ang saliri niya rito tatlong taon na ang nakakalipas. At hindi niya maiwasang maramdaman ulit ang naramdaman niya noon. At sa puntong iyon, lalo lamang niyang naintindihan ang pinagdaraanan nito.

“Alam mo, kung gugustuhin mo lang, nasisiguro ko sa’yo na makakayanan mong maibalik sa dati ang buhay mo. Ang isipin mo lang, may mga taong nagmamahal sayo at ayaw kang makitang nagkakaganyan. Sila ang gawin mong inspirasyon para muling tumayo, at muling subukan ang buhay. Sa kanila ka humugot ng lakas.”

Ilang araw ang mabilis na lumipas. Maraming nagbago sa ilang araw na iyon. At isa na nga doon ang tuluyang pagbibitiw sa trabaho  ng isa sa naging kaibigan na rin niyang  si Nestor. Ngunit nangako naman ito sa kanya na bibisitahin siya nito at dadalawin sa kanyang apartment paminsan-minsan.

Malaki ang naitulong sa kanya sa nangyaring pag-uusap nila ng lalaking nagngangalang Nhad. Ang lalaking minsan na ring pumukaw ng atensyon niya noon. Hindi lamang ito ang natulungan niya sa pag-uusap nilang iyon, pati rin siya ay maraming natutunan sa huling pag-uusap nila.

Matapos ang araw kung saan naabutan niya ang ginawang pagbibigay laya ni Nhad sa kanyang galit sa dating kasintahan nito ay hindi na siya muling bumalik sa hospital. Nagawa na niya ang pangako niya sa kaibigan nitong si Jonas. Sa tingin niya, natulungan at naturuan na niya ito kung papaano dadalhin ang problema kaya naman naisip niyang hayaan na ito.

Kahit may naramdamang panghihinayang dahil kung kailan sa tingin niya ay may posibilidad na silang maging magkaibigan ay pinigilan niya ang sariling bumalik sa hospital kung saan ito naka-confine. Para bigyan ito ng panahong makapag-isip at mapagtanto lahat ng mga sinabi niya rito. Ang kaibigan na lamang niya ang nagbalik ng sasakyan nito na siyang pinaayos niya para makabawi man lang sa perwisyong naidulot niya rito.

Ipinagwalang bahala na rin niya ang damdaming hindi niya mabigyan ng pangalan para dito. Ayaw na rin niyang magulo pa ang kanyang isipan kaya naman lalo lamang niyang pinanindigan ang lumayo na rito.

“Kasing lalim yata ang balon ni Sadako iyang iniisip mo, ah.”

Nabasag ang malalim niyang pag-iisip dahil sa taong nagsalita.

“Miles.” Nakangiti niyang bati rito nang mapagtanto kung sino iyon.

“Narito rin kaya kami.” Singit naman ng isa pa niyang kaibigan na si Zandro. “Pambihira, anong kalaswaan na naman kaya ang tumatakbo sa isip mo para hindi mo kami mapansin?”

Napatingin naman siya rito at sa mga katabi nito. Mukhang nauwi nga siya sa malalim na pag-iisip para hindi mapansin na nakaupo na pala sa mga nasa harapan niyang counter chair ang buong barkada niya.

“Lutang ang isip mo Ands, ah.” Nakangiting wika sa kanya ng isa sa mga ito, si Jasper.

Napangiti na rin siya rito. Nakalimutan niyang nangako pala ang mga ito na dadayo sa bar na pinagta-trabahuan niya sa gabing iyon para i-celebrate ang sixth year anniversary nilang magkakaibigan. Tama, anim na taon na silang nagkukulitan at naggagaguhan at syempre masaya siya na kompleto sila ngayon sapagkat sa nakaraang tatlong taon, hindi nila nakasama si Jasper na nasa ibang bansa sa mga panahong iyon.

Sobrang napaka sentimental nitong mga kaibigan niya. Ang mga ito ang nagdesisyong i-celebrate nila bawat taon simula ng magkakila-kilala sila. Weird man ang dating dahil kalalaking tao ng mga ito ay may nalalaman pang gano’ng celebration, ay hindi na rin siya tumutol lalo pa’t sa bawat taon na ginawa nila ito ay lalo lamang silang nalalapit sa isa’t isa.

“Huwag mo siyang ngingitian Casper the unwanted sperm, at baka kung saan na naman mauwi iyang ngitian niyo.” Bara dito ni Zandro.

“Tama tama. May kasunduan na tayong lahat di ba? Wala ng mamamagitang kahalayan sa inyong dalawa kung ayaw mong putulin namin iyang ugat mo sa gitna.” Ani naman ni Marx.

“Wow naman! At kailan pa pinagbawal ang ngumiti sa kaibigan aber?” Depensa naman nito sa sarili.

“Ngayon lang. Pinagbabawalan ka namin makipagpalitan ng ngiti kay Andy dahil diyan kayo nag-umpisa noon sa mga pangiti-ngiti niyong ‘yan.” Si Keith.

Magsasalita pa sana ito ng bigla itong barahin ni Miles.

“Huwag ka nang magsalita. Gawin mo na lang ang sinasabi namin hanggat hindi ka pa nakakasal dahil kung hindi, buburahin ka namin sa friendslist naming lahat.” Nakangisi naman nitong tugon.

Alam niyang nagbibiro lang ang mga kaibigan niya. Tapos na ang issue nila ni Jasper. Isa iyon sa mga pagbabago sa buhay niya sa mga nagdaang araw. Matapos ang namagitang seryosong usapan nila ni Nhad ay marami siyang napagtanto sa sarili at isa na nga doon ay ang tuluyang pakawalan ang damdamin niya para sa taong ibinigay niya ang lahat-lahat sa kanya.

Kasama ang mga kaibigan ay hinarap niya Jasper at sinabi dito ng walang pag-aalinlangan na pinili niya ang isang bagay na hindi sila parehong masasaktan at makakasakit. At iyon ay ang manatili na lamang bilang magkaibigan. Alam niyang nabigla ito, pero dahil sa tulong ng iba pa nilang kabarkada nagawa nilang maipaintindi rito na ituloy ang pangako nitong kasal sa kasintahan at tuluyan ng kalimutan ang lahat na nangyari sa kanilang dalawa.

Kahit may pagmamahal pa siya para dito ay masaya na rin siya kahit papaano sa naging desisyon niya. At kahit may panghihinayang sa kanyang puso ay pinangibabaw pa rin niya ang tama at gamitin na lang ang pagmamahal niya rito para lalong paigtingin ang pagkakaibigan nila.

Muli, nagpalitan sila ng ngiti ni Jasper. Ngiting hindi niya mapigilang maibigay dito sa sobrang tuwa na sa wakas, tapos na ang kalbaryo niya para rito at ngayon, magagawa na nilang gawing normal ang kanilang pagkakaibigan.

“Hoy Andrew Miguel, gumawa ka na ng inumin, nauuhaw na ako!” Basag sa kanya ni Zandro.

“Oo nga Andy, ipatikim mo na sa amin iyong sinasabi mong bagong likha mong inumin.” Pagsang-ayon naman ni Keith.

Napailing na lamang siya. Mukhang wala talagang balak ang mga ito na hayaan siyang muling maakit sa kaibigan nila. At iyon ang dahilan kung bakit sobra siyang nagpapasalamat sa mga ito. Kung baga, ang mga kaibigan niya ang palaging nagpapaalala sa kanya kung hanggang saan lang dapat sila ni Jasper.

Nagsimula na nga siyang gumawa ng inumin.

“Nga pala Casper, bakit di mo isinama si Ivy? Kaya hindi umaamo sa amin iyon kasi sobra mong ipinagdadamot, eh.” Si Miles.

“May lakad siya kasama ang mga kaibigan niya.” Kaswal nitong sagot.

“Eh di tawagan mo. Sabihin mong sumunod dito. Ano ba ‘yan, ikakasal na lang kayo hindi pa namin muling nakakadaupang palad iyang fiancĂ© mo. Simula ng umalis ka papuntang ibang bansa hindi na nagparamdam sa amin ‘yon.”

“Huwag na. Gabi nating magkakaibigan ngayon, bawal ang mga sabit. Tsaka alam niyo namang hindi mahilig iyon sa mga ganitong klaseng trip.”

“Sabagay, masyado ngang sosyalera iyong fiancĂ© mo na ‘yon.”

“At masyado ring mataray.” Dugtong naman ni Keith.

“Pero maganda.” Ani naman ni Marx.

“Mas maganda pa si Andy doon.” Ngingisi-ngisi namang wika ni Zandro.

“Tumpak!” Nagkaka-isa namang pagsang-ayon ng iba pa niyang kasama.

“Mga walang hiya kayo. Isinali niyo na naman ako sa mga kagaguhan niyo. Lagyan ko kaya ng lason itong inumin niyo ng mawala na kayo ng tuluyan sa buhay ko.” Natatawa niyang wika. Kahit kailan talaga mga sira ulo itong mga kaibigan niya.

“Malulugi ka. Wala ka na ngang makikisig na kaibigan, mawawalan ka pa ng mauutangan.” Si Miles.

“Buti nalang pina-alala niyo sa akin iyan. Andy, yung listahan mo sa akin naka dikit na sa ref namin. Minsan dumalaw ka roon para naman mahiya ka sa haba niyon at maisipan mo namang bawasan.” Si Marx

Humagikhik siya. Ang pinakamabait sa kanila na si Marx ang palagi niyang nauuto kapag kinakapos siya ng pera.

“Umasa ka pa.” Singit naman ng ngingiti-ngiti ring si Jasper. “Iyong utang niya sa akin noong college nabaon na sa limot.”

“Bayad na siya sayo, noh.” Nakangisi namang singit ni Zandro. “Ang katawan niya at pagpapaligaya sa’yo gabi-gabi noon ang kapalit ng utang niya sa’yo.”

Nakatanggap ito ng batok mula sa mga kaibigan niya. Halos makuha na nila ang pansin ang ibang costumer nila sa bar na iyon sa sobrang kakulitan nila. Siya man ay napapahagikhik na rin sa mga kakaibang hirit ng mga ito.

Pasimple niyang binalingan si Jasper habang nagkakagulo ang iba pa nilang kaibigan at doon niya ito nahuling nakatingin rin pala sa kanya. Seryoso ang mukha na animoy may kung anong malalim na inisip. Nang mapansin nito na nakatingin siya dito ay ngumiti ito sa kanya na sinagot naman niya ng isa ring ngiti bago inilapag sa mga ito ang ginawa niyang inumin.

“Simulan na ang gabi!” Magiliw niyang sabi.

Kinabukasan, hapo ang ulong bumangon siya dahil sa panunuyot ng kanyang lalamunan. Inabot sila ng mga kaibigan niya sa pagsasara ng bar at hindi biro ang dami ng nainum nila na lalo lamang nagpasaya sa kanilang inuman. Masaya, napakasaya ng gabing nagdaan na halos hilingin niya na sana’y hindi na matapos iyon.

Nagsalin siya ng malamig na tubig sa kanyang baso. Ito ang kapalit ng sobrang kasayahan nila kagabi. Kumikirot ang sintido niya dala ng hang-over pero gayon pa man, hindi niya pinagsisisihan ang lahat. Ilang taon din silang hindi nakompleto. Ilang taon din na hindi siya nakaramdam ng gano’ng klaseng enjoyment na halos makalimutan na niya ang trabaho niya sa bar. Mabuti na lamang at napaka maintindihin ng boss niya at hinayaan siyang magsaya kasama ang mga kaibigan.

We’re so proud of you Ands.

Wala sa sarili siyang napangiti ng muling sumagi sa kanyang isipan ang sinabing iyon ni Miles. Proud ang mga ito sa kanayang naging desisyong tuluyang itama ang lahat sa kanila ni Jasper. Hindi pumayag ang mga itong si Jasper ang maghatid sa kanya pauwi. Wala na talagang balak ang mga kaibigan nila na bigyan pa sila ng pagkakataong makagawa ng hindi maganda. Naiintindihan niya naman ang mga ito, hindi madaling umiwas sa tukso.

Tatlong sunod-sunod na katok ang kanyang narinig na ikinataka naman niya. Wala siyang naalalang may usapan silang magkakaibigan na dadayo ang mga ito ngayon sa kanya. Napatingin siya sa kanyang wrist watch. Mag-aala-una palang ng hapon.

Dahil sa pag-aakalang isa sa mga kaibigan lang niya ang taong kumakatok ay hindi na siya nag-abala pang mag-suot ng pangitaas at tinungo ang pintuan hawak-hawak ang basong may lamang tubig. Dala kasi ng tama ng alcohol ay matinding init ang naramdaman niya kaya naman natulog siyang walang damit. 

Ngunit halos pagsisihan niya ang lahat ng mapagbuksan niya ang taong kumakatok. Agad siyang nakaramdam ng matinding hiya.

“Hi.” Nakangiting bati nito sa kanya.

Hindi siya agad nakatugon. Nasaharapan niya ngayon ang taong hindi niya lubos akalaing pupuntahan siya. Ngunit ibang iba na ang aura nito ngayon kumpara ng huli silang magkaharap nito.

“Mukha yatang naistorbo ko ang tulog mo.” Muling wika nito bakas ang pagkagiliw marahil sa nakikita nitong hitsura niya sa mga oras na iyon.

Lalo lamang siyang naging uneasy sa harap nito ng pasadahan siya ng tingin nito mula sa kanyang ulo hanggang sa kanyang paa saka nang muling magtama ang kanilang mga mata ay nagpakawala ulit ito ng isang magiliw na ngiti dahilan para mapatayo siya ng tuwid at wala sa sariling inaayos ang kanyang magulong buhok gamit ang kanyang kamay.

“H-Hindi naman.” Alanganin niyang wika. “A-Ano pala ang ginawa mo rito at paano mo nalaman itong tinutuluyan ko?” Wala, kahit anong pilit niyang gawing natural ang kanyang boses ay hindi niya magawa.

“Kay Jonas. Siya ang nagsabi sa akin kung saan ka tumutuloy.” Nakangiti nitong tugon. “Anway, nandito ako para personal na magpasalamat sa ginawa mong pagpapaayos ng kotse ko at para na rin humingi ng tawad sa kagaspangang pinakita ko sa’yo sa nakalipas na mga araw.”

Kahit kumakabog ang dibdib niya ay nginitian niya na rin ito. Hindi niya inaasahan ang paghingi ng tawad nito pero hindi rin niya maikakailang may tuwa siyang naramdaman sa nakikita niyang pagbabago rito.

“Wala iyon.” Wika niya. “Ako naman talaga ang may kasalanan kung bakit naaksidente ka di ba? Kaya obligasyon kong ipaayos ang sasakyan mo. Tungkol naman sa mga nangyari sa pagitan natin, ayos lang iyon, naiintindihan ko naman kung bakit ka nagkagano’n.”

Sa muling pagkakataon ay ngumiti ito sa kanya. Aaminin niya, isa ito sa mga taong biniyayaan ng isang napakagandang ngiti kaya naman sobra nalang ang panghihinayang niya nang makita niya ang malaking pagbabago nito dala ng pagkabigo nang muling magkrus ang landas nila.

“I want to make it up to you kung ayos lang.” Kapagkuwan ay wika nito.

“Naku, hindi na. Wala naman talaga sa akin iyon.” Pagtanggi naman niya rito. Wala naman siyang nakikitang rason para bumawi ito sa kanya.

“I insist. I want to get to know the person who made me realize my worth.” Sabay lahad nito ng kamay sa kanya. “I’m Nhad.”

Napatingin siya sa nakalahad na kamay nito at may pag-aalalangang tinanggap iyon. Halos mapakislot pa siya nang may kakaibang kuryente siyang maramdaman nang maglapat ang mga kamay nila.

“A-Andy.”

“Would you mind if  I invite you for Lunch, Andy?”

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment