Tuesday, December 25, 2012

Complicated Cupid (09)

by: Zildjian

Para makabawi sa ilang araw niyang pagkawala ay sinimulan na ni Nicollo ang bumalik sa kanyang negosyo. Matapos ang nangyaring dinner date kagabi sa kanilang dalawa ni Lantis ay kakaibang saya ang kanyang nararamdaman at lahat ng gana niya sa buhay ay biglang nagbalik na hindi niya maitago sa mga taong nakakasalubong at nakakausap niya.

“Mukhang ang ganda ng mood natin ngayon sir, ah?” Ang wika sa kanya ni Gizel, isa sa kanyang empleyada na hayagang nagpapakita sa kanya ng atraksyon.


Taliwas sa lagi niyang ginagawa tuwing may pumapansin sa kanya ay nginitian niya ito.

“Maganda lang talaga ang gising ko ngayon.” Wika niya.

“Mas g’wapo kayong tingnan sir kapag nakangiti kayo.” Wika nito.

“Really?” Bigla siyang napaisip. “Sa tingin mo ba kapag palagi akong nakangiti ay mapapasagot ko agad ang liligawan ko?”

Bigla namang nagningning ang mga mata ng kanyang empleyado.

“Panigurado ho iyon sir. Kung noon nga na lagi kayong seryoso ay marami na ang nahuhumaling sa inyo ano pa kaya ngayon na nakangiti na kayo?”

Muli siyang napangiti dahil iyon din ang wika sa kanya ng kanyang mama nang magkita sila kanina sa bahay. Pinansin agad nito ang kanyang maaliwalas na aura.

Ilang sandali pa ay dumating na ang kanyang dalawang kaibigan. Alam ng mga ito na naroon na siya sa coffee shop dahil bago siya umalis kanina ng bahay ay tinext na niya ang mga ito.

“Kamusta ang buhay-buhay kaibigan?”  Wika ni jay.

“In love ka na raw?.” Ani naman ni Renzell Dave.

“Kamusta ang dinner date kagabi?” Ang nakangisi namang wika ni Maki.

“Napagtagumpayan mo na ba si Lantis?” Si Alex.

Kahit kailan ay napakakulit talaga ng mga ito na palagi niyang ikinaiirita noon subalit ngayon, nakukuha na niyang masakyan ang kapraningan ng mga ito.

“Pagdating talaga sa pagkalap ng balita sabay-sabay kayong dumarating.” Ngingisi-ngisi niyang buksa sa mga ito.

“Wow, ikaw ba yan? Ano ang nanyari sa mala-suplado mong dating? Nakangising turan naman ni Dave.

“Iniwan ko na sa probinsiya. Ikaw, bakit ka napadayo rito?” Ganting biro naman niya.

“Itinatanong pa ba ‘yan? Ang tugon naman nito sabay bigay ng nakaw na halik sa kasintahan nito. “I love you Maldita.”

Umugong ang tuksuhan sa loob ng mallit na k’wartong iyon sa coffee shop niya. Kung noon ay bigla siyang lalayo kapag nagsisimula ng maglambingan ang dalawa ngayon ay para pa siyang kinilig na hindi niya maintindihan at bigla niyang nahiling sa kanyang sarili na sana gano’n din sila ni Lantis.

“So, asan na si Lantis?” Pagbabalik ng usapan ni Maki. “Akala ko ba dadaan kayo dito pagkatapos niyong mag-dinner?”

“Biglang nagyayang umuwi si Lantis, eh.” He casually answered.

Nang matapos silang kumain sa restaurant kagabi ay agad na nagyayang umuwi si Lantis kahit pa man sinabi niya rito na inaasahan sila ng mga kaibigan nila. Hindi pa raw ito sanay na inilalakad at itinatapak ng matagal ang paang napinsala nito kaya naman hindi na siya nagpumilit pa.

“Naks! So, doon kayo naglabing-labing sa apartment niya?” Ang wika naman ng madaldal na si Jay. “Ano ang ginawa niyo? Siguro nag ––”

Hindi na nito naituloy pa ang sasabihin dahil maagap na tinakpan ni Maki ang bibig nito.

“Huwag mong papansinin ang mga kahalayang lumalabas sa bibig ng isang ito. Wala ka na ngang mapapala, magkakasala ka pa.” Ani nito saka pinandilatan si Jay.

Ngingiti-ngiti na lamang siyang napapailing sa inaasta ng dalawa.

“Bakit nga ba narito ‘yan? Di ba alipin mo siya ngayon?” Pagbabago niya ng usapan.

“Mamayang after lunch pa ang shift nito.” Tugon naman nito saka binalingan ang ngingisi-ngising magkapareha. “Kayong dalawa, ikuha niyo nga ako ng packing tape.. hindi stapler  na lang nang mapatahimik ko na ito ng tuluyan.”

“Busy kami, eh. Di ba Maldita?” Ang tugon naman ni Renzell Dave saka muli na naman nitong hinalikan ang kasintahan.

“Pambihira talaga kayo.” Ang nasambit na lang niya habang napapailing. Wala talagang kupas ang mga kaibigan niyang ito sa kakulitan.

“Naiinggit ka sa kanila ano?” Ang nanunudyong wika ni Maki.

“Ikuha mo na rin ang sarili mo ng packing tape at tapalan mo iyang bibig mo. Nahahawa ka na sa kadaldalan at pagiging tsismoso niyang….” Muli niyang binalingan si Jay na hanggang sa mga oras na iyon at hindi pa rin makapagsalita dahil nakatapal pa rin sa bibig nito ang kamay ni Maki. “Never mind.”

Dahil sa hindi naman gaanong marami ang costumer nila tuwing umaga sapagkat ayon kay Alex ay sa hapon nagsisidatingan ang mga costumers nila ay naisipan na lamang muna niyang dalawin si Lantis. Agad siyang nagpaalam sa mga ito na wala pa ring patid ang kulitan.

“Tutal, wala naman akong mapapala sa inyo dito, ay mauuna na muna ako sa inyo. Babalik na lang ako.” Ang wika niya sa mga ito.

“Saan ka pupunta?” Takang tanong naman ni Alex.

“Pustahan tayo manliligaw na naman ‘yan.” Sabat naman ni Maki.

“Dalhan mo siya ng maraming bulaklak, ‘yong iba’t ibang kulay para masaya.” Gatong pa ni Jay.

“Hindi niyo na ako mauuto. The last time na pinatulan ko iyang suhest’yon na ‘yan muntik na akong makakain ng kumpol ng bulaklak.”

Nagtawanan ang mga ito. Ngayon, nasisiguro na niyang pinagtripan lamang siya ng mga kaibigan niya at pinagsamantalahan ang kanyang kainosentihan sa panliligaw.

Tumayo na siya para umalis. Alam niyang masisira lamang ang araw niya kapag nagtagal pa siya roon. Gusto na rin niyang makita si Lantis sabik na siyang makausap ito ulit at makita.

“Ikamusta mo ako kay Lantis, Nico, ah.” Nakangiting wika ni Alex.

“Pakisabing magparamdam naman siya sa amin.” Ani naman ni Maki.

“Huwag mong kalilimutang gumamit ng proteksyon bago umaksyon. Mahirap ang buhay ngayon.” Dagdag naman ni Jay.

Hindi niya na lang pinansin ang mga ito dahil kahit pa man gano’n kakukulit ang mga kaibigan niya, hindi maikakailang malaki ang naitulong nito sa kanya lalo na sa parte ng pakikibaka niya kay Lantis.

Tatlong sunod-sunod na katok ang ginawa niya nang marating ang apartment na tinutuluyan ni Lantis. Halo-halong emosyon ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Una ay pagkasabik na makita ito, Pangalawa ay pagkagusto na marinig ulit ang boses nito. Hindi naman nagtagal ay bumukas ang pintuan at bumungad sa kanya ang taong laging laman na ng kanyang utak.

“Hi.” Ang nakangiti niyang bati rito.

Sinadya niya talagang bigyan ito ng pinakamatamis na ngiti na kaya niyang maibigay dahil gusto niyang subukan kung totoo ba ang sinasabi sa kanya ng kanyang empleyada kani-kanina lang. Mukhang hindi naman ito nagsisinungaling dahil kita niyang parang natulala sa kanya si Lantis.

“Ah..H-Hi.” Alanganing wika nito at marahang ipiniling ang ulo. “A-Anong ginagawa mo rito?”

Totoo nga! Naisambit niya sa kanyang sarili.

Magiliw niyang inilahad dito ang kanyang biniling isda.

“Ano iyan?” Takang tanong naman nito.

“Pagkain para kay Karupin.”

“Ah.. Salamat.”

Parang may nahimigan siyang pagkadismaya sa boses nito kaya naman inilabas na rin niya ang kanyang binili na nasa isa niyang kamay.

“And chocolates. Di ba mahilig ka nito?”

Kita niya ang biglaang pamumula ng pisngi nito and he knew na hindi siya ngayon pumalpak sa piniling ibigay dito.

“Nakikita ko kasi noon kapag nasa bakuran ka ng bahay niyo, palagi kang may bitbit na ganyan.” Nakangiti niyang dagdag.

“S-Salamat.”

Kahit simpleng pasasalamat lang ang namutawi rito ay hindi niya mapigilan ang mapangiti. Mababaw man kung iisipin pero sa simpleng appreciation nito sa binigay niya ay kakaibang saya naman ang hatid sa kanya.

Kuntento na siya, ayos na sa kanya na nakita niya ito at narinig ang boses nito kahit saglit kaya ipinasya na niyang magpaalam.

“Paano, aalis na ako, sumadya lang talaga ako rito para ibigay sa iyo iyan.”  Pagpapaalam niya na rito.

Hindi pa man siya tuluyang nakakalapit sa kanyang sasakyan nang tawagin siya nito.

“Wala sina Ken at Martin, sa labas sila manananghalian ngayon. Gusto mo bang mananghalian dito?” Wika nito nang lumingon siya.

Kung may nakakagulat mang pangyayari sa buhay niya ay iyon na siguro. Hindi niya iyon inaasahan mula kay Lantis, at lalong hindi niya inaasahan ang ngiting nakaguhit sa mga labi nito na walang dudang para sa kanya.

“S-Sigurado ka?” Ang naiwika niya dala ng pagkagulat.

“Bakit, ayaw mo ba? Hindi ako kasing galing ni naynay magluto pero kahit papaano may lasa naman ang mga luto ko at kayang kainin ng tao.”

S’yempre tatanggi pa ba siya? Gumanti siya ng ngiti rito. Isang ngiti na nagpapakita rito kung gaano siya nito pinasaya sa paanyaya nito sa kanya.

“Kahit hindi masarap basta luto mo kakainin ko ‘yan.” Tugon niya.

“Kung gano’n, halika na sa loob.”

Sa loob ng apartment, habang abala si Lantis sa paghahanda ng pagkain para sa kanilang dalawa ay hindi niya mapigilang pagmasdan ito. Ibang-iba ang Lantis na nakikita niya ngayon.

Ito ba ang ibig sabihin ni Popoy? Ito ba ang totoong Lantis na nagtatago sa kasungitan noon? How come I didn’t have the chance to notice all these before? Ang naitanong niya sa kanyang sarili.

“Kumakain ka naman siguro ng adobong baboy, noh?” Untag sa kanya nito.

“H-Ha?”

“Lumilipad ang isip mo Nicollo. Ang sabi ko, kung ayos lang ba sa’yo na adobong baboy na lang ang lutuin ko. Hindi pa kasi kami nakakapag-grocery ni Ken.”

“Ah.. Oo naman.” Tugon niya na hindi pa rin tinatanggal ang mataman niyang pagkakatitig dito.

“Bakit?” Tanong nito sa kanya.

“Anong bakit?”

“Bakit ka nakatingin sa akin ng ganyan?”

“Wala naman.” Pagde-deny niya.

“’Wag mo akong titigan ng ganyan at baka hindi ko magawa ng tama itong ginagawa ko. Ikaw rin, baka isuka mo lahat ng kakainin mo mamaya.” May bahid ng pagbibiro nitong sabi.

Kahit papaano ay nagawa na nilang magbiruan. Tulad na lang ng nasa probinsiya pa sila habang magkasabay silang naligo sa poso. But he knew back then, Lantis was still holding back pero ngayon, wala siyang makitang reservation sa mga mata nito.

Maski kagabi, matapos nilang makapag-usap ay nararamdaman pa rin niya ang pag-aalinlangan nito na kahit ngumingiti ito sa kanya, naroon pa rin ang hindi nakikitang bakod na nakapalibot dito na para bang pinuprotektahan pa rin nito ang sarili sa kanya. Naiintindihan naman niya iyon, sapagkat alam niyang hindi gano’n kadali ang ipagkatiwala nito sa kanya ang lahat, after all what they had been through together.

They treated each other like an enemy for almost twelve years. Kaya tama lamang na itaas nito ang depensa nito sa kanya. Kaya nga sa abot ng kanyang makakaya, kahit gustong-gusto niya itong tulungan ay hindi niya magawang ipasok ang problemang dinadala nito dahil natatakot siyang baka muli siya nitong layuan. Katulad ng ginawa nito sa dati nitong yaya at sa matalik nitong kaibigan sa probinsiya.

He wanted to build a new relationship for both of them. He made a promise to himself that he will do everything to win Lantis’ trust. Then, little by little he will try everything in his power to make Lantis forget some bad memories of the past, and therefore build new ones together. Kasi gusto niya itong makitang nakangiti palagi at gusto niya itong maging masaya sa piling niya.

“Natulala ka na naman, Nicollo.” Pagbasag nito sa kanya.

Hindi siya agad nakapagsalita sa nakikitang pagbabago mula rito.

“Hoy! Ano bang nangyayari sa ‘yo?” Muling wika nito.

“W-Wala.” Ang nabigla niyang tugon.

“Nagugutom ka na siguro, noh? Saglit lang to, tiisin mo muna o di kaya uminom ka na lang muna ng tubig para mabawasan iyang gutom mo.” Nakangiti nitong wika na lalo lamang niyang ipinagtaka dahil hindi tulad ng mga nakaraang araw, umaabot na sa mga mata nito ngayon ang ngiti nito.

“May nangyari ba?” Hindi niya maiwasang maitanong rito.

Tinaasan siya nito ng kilay pero nakaguhit naman sa mukha nito ang ngiti.

“Nangyari? Wala naman bakit?”

Pinili na lamang niyang huwag na itong tanungin pa at baka masira pa niya ang magandang mood nito. Ipinagpapasalamat na lamang niya ang kung anumang nangyari o nakain nito para maging gano’n ito kagiliw sa kanya ngayon. But he knewfrom hindsight, something happened or maybe something is about to happen.

“’Wag mo na lang akong pansinin. Nalipasan lang siguro ako ng gutom.” Sa halip ay nakangiting wika niya. He won’t spoil the moment, iyon ang sabi niya sa kanyang sarili. Lulubusin niya ang pagkakataon.

Magkasalo nilang linantakan ang pagkaing ito mismo ang nagluto at talagang iyon na ata ang pinakamasarap na adobo na natikman niya hindi lang dahil ang taong itinitibok ng puso niya ang nagluto niyon kung hindi dahil na rin totoong napakasarap nito. He never thought that Lantis can cook dahilan para mapakain siya ng marami.

Puro papuri ang tinanggap nito mula sa kanya na tinatawanan lang nito. At nakikita niya sa mga mata nito ang pagkagusto sa mga ibinigay niyang papuri. Matapos nilang kumain ay sunod naman nilang pinakain ang dati niyang pusa na isinuko na niya rito. Kung makikita lamang sila ng mga kaibigan nila sa mga oras na iyon ay paniguradong uulanin sila ng tukso dahil para silang mga magulang na magkatulong na pinapakain ang kanilang sangol.

“Tinatanong pala nila Alex kung kailan ka daw magpapakita sa kanila.” Ang wika niya.

“Saka na siguro. Marami pa akong dapat gawin, eh.” Tugon naman nito na abalang naghuhugas ng mga pinagkainan nila.

“Tulad ng?”

“Basta, marami pa.”

“Need help?” Pag-aalok niya.

“Nope, I’ll do it myself. Kailangan ko ‘yon. But thanks for the offer anyway.”

“Okey. Basta kung kailangan mo ng tulong ko sabihan mo lang ako, ah.” Magiliw niyang wika. Iyon na siguro ang pinakamasayang araw sa tanang buhay niya dahil sa wakas mukhang bumubuti na talaga ang sitwasyon sa pagitan nilang dalawa.

Binalingan siya nito at binigyan ng isang magandang ngiti.

“Thanks Nico, thank you for everything.”

“May nagawa na ba ako? Mukhang wala pa naman, ah.” Nakangiti niyang tugon. “ Seriously, ayos lang iyon basta para sa ’yo lahat gagawin ko.” Nakangiti niya ring tugon.

“Napapadalas na ‘ata ang mga banat mo, ah.” At sabay silang nagtawanan na para bang napaka-close na nila sa isa’t isa.

Ayaw pa man niya sanang umalis dahil gusto pa niyang makasama ito ng matagal ay hindi na p’wede. Nakatanggap siya ng text galing sa mga kaibigan niyang walang magawa sa buhay at hinahanap na siya ng mga ito.

“Paano, mauna na muna ako sa’yo. Salamat sa napakasarap na adobo.” Nakangiti niyang pagpapaalam rito nang maihatid siya nito sa may pintuan.

“Wala iyon, mag-iingat ka sa pagmamaneho.”

Nasa loob na siya ng kanyang sasakyan nang bigla itong sumulpot sa may window seat niya.

“Baka na-miss mo na si Karupin. Sa ’yo na lang muna siya. Huwag mo lang aangkinin ulit, ah.” Nakangiti nitong wika ng ilahad nito sa kanya ang pusa.

“Hah? Ayos lang, dadalawin ko na lang siya dito kapag namimiss kita, este ko siya.” Pahapyaw niyang banat.

“Nagbago ka na talaga.” Amusement was on Lantis’ eyes. “Sige na, dalhin mo na lang muna siya.”

Hindi na siya tumanggi pa rito.

“Kailan ko siya dapat ibalik?”

“Ako na mismo ang pupunta sa ’yo para kunin siya.” Nakangiti nitong sabi.

S’yempre natuwa siya sa kaalamang ito pa mismo ang pupunta sa kanya.

“Sabi mo ‘yan, ah. Sige, paano, mauuna na ako.”

Binuhay na niya ang makina ng sasakyan ngunit hindi pa rin umaalis ito.

“Oh, bakit? Huwag mong sabihing namimiss mo ‘ko agad?” Nagbibiro niyang sabi.

Inasahan na niya na babarahin siya nito subalit hindi iyon nangyari. Bagkus, isang ngiming ngiti ang ibinigay nito sa kanya saka walang lingon-likod na bumalik sa loob ng apartment.

Ano’ng nangyari doon? Takang-tanong niya sa kanyang sarili subalit masyado na siyang masaya para bigyan pa iyon ng pansin.

“Pinabalik niyo lang ako rito para ayaing kumain ng pizza?” Hindi niya maiwasang maibulalas dala ng magkahalong iritasyon at panghihinayang sa naputol nilang moment ni Lantis.

“Aba, pasalamat ka nga’t tinawagan ka pa namin nang bumili si Renzell Dave nitong napakaraming pizza, eh.” Si jay.

“Dave.” Pagtatama naman ng asawa ng kaibigan niya. “Si Alex lang ang p’wedeng tumawag sa akin sa buo kong pangalan.”

Napapalatak siya. Mga kaibigan ba talaga niya ito? Alam niyang makukulit ang mga ito pero bakit kailangan pang i-timing iyon kung saan maganda na ang nangyayari sa kanila ni Lantis.

“Easy lang Nico, nag-aalala lang naman kami sa ’yo at baka hindi ka pa nananghalian dahil sa wala sa oras mong panliligaw.” Wika naman ni Maki. “Saka, ang nanliligaw, gabi dumadayo hindi gaya ng ginagawa mo na tirik na tirik pa ang araw ay pumuporma na.”

Pinukol niya ito ng masamang tingin. Hindi niya talaga maiwasang makadama ng iritasyon sa mga ito.

“C’mon Nicollo, easy lang.” Si Alex. “Kaya ka talaga namin pinabalik dito ay dahil may kailangan akong itanong sa ’yo tungkol sa negosyo natin. Binibiro ka lang niyang dalawang iyan.”

“Oo nga, bakit ba masyado kang hot? Ano ba ang ginagawa niyo ni Lantis sa apartment nila at ganyan ka na lang makapag-react?”

“Malamang, nabitin si kabayan.” Ngingisi-ngising wika ni Dave na nakatanggap ng batok mula sa asawa nito.

“Iyon nga ba ang nangyari Nicollo?” Nakangising baling sa kanya ni Alex.

“Pambihira! Pati ba naman ikaw Alex?”

Nagtawanan lang ang mga kaibigan niya sa kanyang tinuran. Napapailing na lang siyang dumampot ng pizza, alam naman kasi niyang kahit ano ang maging reaksyon niya ay hindi siya seseryosohin ng mga ito.

Napag-usapan nga nila ni Alex ang tungkol sa negosyo nila at sa pagbabalak nitong magdagdag ng mga items. Sinang-ayunan naman niya iyon dahil alam naman niyang maasahan talaga ito pagdating sa pagpapatakbo ng negosyo at ayon sa kasintahan nito, si Alex ay isa sa mga dahilan kung bakit ngayon, isa na sa mga sikat na bar ang dati nitong pinagtatrabahuan.

Naging mabilis ang oras sa araw na iyon para sa kanya sapagkat may karamihan ang costumers nila sa araw na iyon. Nakatulong din sa kanya ang pusang ipinahiram ulit sa kanya ni Lantis para kahit papaano ay maaliw siya. Nakakatawang isipin na na-miss niya agad si Lantis kaya naman nang sa wakas ay nagkaroon siya ng pagkakataon ay tinawagan niya ito subalit hindi niya ma-contact ang number nito kaya naman napagpasyahan na lamang niya itong daanan para ayain itong lumabas ulit.

Matapos makapagpaalam sa mga kaibigan ay agad na nga niyang binaybay ang daan patungo sa apartment ni Lantis. Hindi niya maintindihan ang sarili, kanina lang nang huli n’yang makita ito subalit sabik na sabik pa rin siyang makita ulit ito.

Ganito ba talaga kapag nagmamahal ka? Ganito ba ang nararamdaman ni Dave, kaya kahit madaling araw ay sumusulong ito sa daan makita lang si Alex? Hindi niya maiwasang maitanong sa kanyang sarili sapagkat kakaibang pananabik ang kanyang nararamdaman and he was never been like this before na halos liparin niya ang daan makita lang agad ang taong napakahirap tant’yahin ngunit hindi naman niya maikakailang lubos niyang kinasasabikan.

Nang marating niya ang apartment nito ay hindi niya maitindihan ang kanyang naramdaman. Ang kaninang excitement na meron siya habang nasa daan pa lamang ay biglang nawala at napalitan iyon ng kakaibang kaba na para bang may hindi tama.

Ipinagwalang bahala na lang muna niya iyon at bumaba na ng kanyang sasakyan.

“Oh pare, ikaw pala.” Ang bati sa kanya ni Martin nang mapagbuksan siya nito ng pintuan.

“Kamusta?” Bati naman niya rito. “Nariyan ba si Lantis?”

“Si Lantis? Wala, eh. Umalis na. ”

“Umalis?” Lalong lumakas ang kakaibang kabang nararamdaman niya. “Saan daw siya pupunta?”

“Pasok ka muna pare, si Kenneth na lang siguro ang magsasabi sa ’yo. Hindi ko kasi alam ang detalye, eh.”

Kahit naguguluhan ay pumasok na nga siya. Pumasok naman ito sa isa sa dalawang k’warto at paglabas nito ay kasama na nito si Kenneth na talagang ibang-iba na ang aura. Bakas na sa mga mata nito ang kakaibang saya at contentment.

“Nico, ikaw pala.”

“Umalis daw si Lantis? Alam mo ba kung saan siya nagpunta?” Diretsong tanong niya rito.

“Oo, umalis na si Lantis. Umalis na siya rito sa apartment. Kami na ulit ni Martin ang nangungupahan dito.”

Napakunot ang kanyang noo sa tinuran nito.

“A-Anong ibig mong sabihin? Kanina lang ay narito pa siya, eh.”

“Hindi ba niya sinabi sa ‘yo? Kagabi, nang maihatid mo siya ay nagpasama siya sa akin sa may-ari nitong apartment para magpaalam. Pagkatapos n’yon ay nag-impake na siya.”

“Impake?” Ang naguguluhan pa rin niyang tanong. “A-Anong ibig mong sabihin?”

“Hindi ko alam ang detalye Nico, eh. Maski nga ako ay nabigla sa agaran niyang desisyon na umalis. Sinubukan kong itanong sa kanya kung saan siya pupunta pero hindi naman niya ako sinagot. Ang akala ko nga ay alam mo ang plano niya, eh.”

Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon niya sa mga narinig. At sa di malamang dahilan biglang bumalik sa kanya ang mga kakaibang ikinikilos nito. Mula sa pagiging mabait at magiliw nito sa kanya hanggang sa pagbigay ulit nito sa kanya ng pusa.

“Lantis.” Ang wala sa sariling naiwika niya kasabay ng konklusyong nabuo sa kanyang isipan.

Itutuloy. . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment