Tuesday, December 25, 2012

The Devil Beside Me (03)

by: Zildjian

Apat na araw ang mabilis na lumipas na hindi pinupuntahan ni sinasagot ni Maki ang mga tawag sa kanya ng mga kaibigan. Ang huling text na natanggap niya ay mula kay Nico, pinagbabantaan  na siya na kung hindi pa raw siya magpapakita ay hindi na siya makakalibre pa ng wifi sa coffee shop nito. Walang problema iyon sa kanya, kung tototohanin man ng kaibigan ang banta nito. Mas mahalaga sa kanya ngayon ang maturuan ng leksyon si Jay.


Mga bata pa lamang sila ay kilala na niya ng husto ang kababata. Alam niyang hindi nito matitiis ang kanyang ginagawang silent treatment dito. Ito ang paraan niya para matuto ito sa ginawang kalokohan. Oo nga’t medyo nag-overreact siya sa ginawa niyang pagwo-walkout noong huling magkita-kita sila. Subalit, sadyang tinamaan siya ng matinding pagkaasar sa  mga kolokohang pinaggagagawa ng kanyang magaling na kakabata. Sumobra ang pagiging maligalig nito na pati ang mga inosenteng tao ay nadamay.

Bumangon siya sa pagkakahiga at tinungo ang kanyang computer table. Sisimulan na niya ang kanyag araw at uumpisahan niya ito sa pag-check ng mga e-mails at pag-visit ng mga forums na sinalihan niya. Malaki ang silbi sa trabaho niya ang pagbisita araw-araw sa mga iyon sapagkat doon sila nagpapalitan ng mga kuro-kuro ng iba pang tulad niya na umiikot ang trabaho sa mundo ng mga computer.

Matapos magbasa ng mga e-mails at mag-update sa forum ay pinatay na niya ang kanyang computer. Balak niyang maligo muna bago bumaba para tingnan ang kusina kung ano ang p’wede niyang kainin. Subalit, hindi pa man siya nakakatayo sa kanyang kinauupuan nang may kumatok sa kanyang pintuan.

“Kuya?” May kahinaang pagtawag sa kanya ng kanyang kapatid mula sa labas ng pinto. Iyon ang isa sa pinakagusto niya sa kanyang pamilya. Alam ng mga itong irespeto ang kanyang tulog. Hindi katulad ng kanyang kababatang si Jay na nasobrahan sa pagiging feel-at-home na kapag dumadayo sa bahay nila ay dire-diretso siyang pinupuntahan sa kanyang silid at binubulabog.

“Bakit Ely?” Tugon niya sa nakababatang kapatid na babae nang pagbuksan niya ito ng pinto.

“Nagising ba kita?”

“Huwag ka nang magpanggap na mabait. Nakuha mo na ang gusto mo ‘di ba? Naibili na kita ng cellphone kaya hindi ka na dapat nagbabait-baitan sa akin.” Ang kunyaring iritado niyang tugon rito.

Umingos ang pang-ibabang labi nito.

“Nakakainis ka!”

Natawa siya sa inasta ng kapatid. Kahit kailan ay pikon-talo pa rin talaga ito sa kanya. At simula pagkabata ay hindi pa ito nanalo sa kanya pagdating sa pikunan puwera na lang kung pine-personal na siya nito tulad na lang no’ng nagpunta sila ng mall at sinabi nitong kasintahan niya si Jay.

Kasintahan. Ang wala sa sariling naiwika niya sa kanyang isipan. Hindi niya maiwasang ma-alala na naman ang mga kalokohang ginawa ni Jay. Wala naman sa kanya ang ginawang kabulastugan nito, ang sa kanya lamang ay bakit kailangan pa nitong mangdamay ng ibang tao para lamang makuha nito ang gusto nito.

“Kuya!” Untag sa kanya ng kapatid.

Bahagya niyang ipiniling ang kanyang ulo para maalis ang mga bagay na tumatakbo sa kanyang utak. Masyado na talagang sakit sa ulo ang kababata niyang iyon.

“Gising ka na ba talaga?” Nasa boses nito ang panunudyo.

“Huwag kang mang-asar Ely, hindi maganda ang gising ko ngayon.”

“Ngayon lang? Kung tama ang observation ko, dalawang araw ka nang wala sa mood. Nagtataka na nga si mama kung bakit hindi ka na lumalabas ng k’warto, eh.”

“May trabaho akong tinatapos.” Tila tinatamad niyang sagot sa nangungulit na kapatid.

“Asus! Magsisinungaling ka na rin lang, galing-galingan mo naman. Alam naming tapos na ang mga trabaho mo para sa buwang ito. Nag-away siguro kayo ni kuya Jay `no?”

“Ano ang kailangan mo Ely?” Pag-iiba niya ng usapan.  Wala siyang balak na ibahagi sa kapatid ang mga nangyayari dahil alam niyang ira-radyo agad nito iyon sa kanyang mama. Tag-team kasi ang dalawa pagdating sa kanya.

“Ipinapatanong ni Mama kung may gusto ka raw ipabili. Mag-go-grocery kasi kami ngayon para sa mga lulutuin niya mamaya.

“Bakit, ano ang meron mamaya?” Ang nagtataka naman niyang naitanong. Wala siyang maalalang may okasyon sila ngayong araw.

Biglang nagningning ang mga mata nito. Bakas ang excitement at matinding tuwa.

“Darating si Papa.” Magiliw nitong pag-aanunsiyo.

`Di maiwaasan ni Maki ang mapangiti. Kailan ba ang huling pagkakataon na kumpleto silang nagsasalo-salo sa hapunan? Kung tama ang pagkakaalala niya ay mahigit isang buwan na ang nakakaraan at iyon ay dahil na-assign ito sa malayong lugar.

Sa government ito nagta-trabaho, at ang kapalit sa promotion na nakuha nito ay ang madestino sa iba’t ibang lugar. Though alam niya ang tunay na dahilan ng pagkaka-transfer nito. Ipinatapon ang kanyang ama sa malayong lugar para hindi nito mapakialaman ang mga illegal na ginagawa ng opisina kung saan ito unang na-assign. Masyado kasi itong maprinsipyo at iyon ang namana niya rito.

“Mabuti naman Pa at nagdecide kang umuwi ngayon.” Pagsisimula niya ng usapan habang ang kanyang ina ay hindi magkanda-ugaga sa paglalagay ng mga niluto nitong pagkain sa mesa.

“Oo nga, eh. Natakasan ko ang mga trabaho ko roon.” Nakangiti naman nitong tugon.

“Mabuti na lang at umuwi ka ngayon. Dahil sabi ko sa sarili ko, kapag hindi ka pa nagparamdam ngayong buwan na ito, wala ka nang asawang uuwian.” Ang halata namang nagbibirong wika ng kanyang ina.

“`Yan pa ang isang dahilan kung bakit ako nagpumilit talagang umuwi ngayon kahit marami akong naka-pending pang trabaho. Nararamdaman ko na kasing mawawalan na ako ng napakagandang asawa at mga anak.” Natatawang pagbibiro ng kanyang ama na kanila namang ikinatawa.

Kung tutuusin ay p’wede naman itong umuwi ng lingguhan. Kaso, sa sobrang dami ng trabahong naiwan ng dating pinalitan nito ay hindi iyon nagiging posible.

Bumalling ito sa kanyang kapatid.

“Kamusta naman ang pag-aaral mo Ely? Baka naman puro lang lakwatsa ang ginagawa mo?”

“Naku Pa, wala kang dapat ipag-alala sa pag-aaral ko, I’m doing great. Mana `ata ako sa inyo.” Pagyayabang ng kanyang kapatid na sinamahan pa nito ng wagas na pambobola.

“Mabuti naman kung gano’n.” Tatango-tango nitong sabi. “`Wag niyong pahirapan masyado ang mama ninyo at baka bigla tayong iwan niyan.”

“Takot ka lang maiwan ng asawa mo idinamay mo pa kami.” Ang natatawa niyang pagsabat na dahilan naman para mapatawa niya ng husto ang kanyang ama. Ganito talaga sila noon pa, para lamang silang magkakapatid kung magbiruan ng kanyang mga magulang lalo na ang kanyang ama na napaka-kalog.

“Ikaw Maki, kamusta ang trabaho mo?” Pagpapatuloy nito sa naiibang pangungumusta  sa kanila habang hindi mawala-wala ang napakagandang ngiti sa mukha nito.  “Balita ko sa Mama mo, palagi ka na lang daw nagpupuyat. Anak, ayos lang magparami ng pera pero sana naman isipin mo rin ang mga kalusugan mo.”

Napangiti siya sa pag-aalala nito sa kalusugan niya.

“Ayos lang ang kalusugan ko Pa. Hindi kami pinapabayaan ni mama kaya wala kang dapat ipag-alala. Tsaka, itong katawan bang ito ang katawan ng isang taong hindi malusog?” Pagbibiro niyang tugon rito na sinamahan pa niya ng pag-flex ng kanyang muscle. Kita niya kung papaano mapataas ng kilay ang kanyang kapatid.

“Basta hinay-hinay pa rin Maki. Ayaw kong isa sa inyo ang magkakasakit lalo pa’t palagi ako ngayong wala rito sa bahay.” Ani nito sa nagpapa-alalang tono na kanya na lamang tinugon ng isang sumasang-ayong ngiti. Kung sasagot pa kasi siya ay lalo lamang hahaba ang usapan.

Nasa kasagsagan na sila ng masarap na pagkukuwentuhan habang pinagsasaluhan nila ang mga inihandang pagkain ng kanyang ina nang may marinig siyang sasakyan pumarada sa labas ng kanilang bahay. May pagtataka siyang napatingin sa kanyang ina.

“May inaasahan ba kayong bisita Ma?” Ang hindi niya maiwasang maitanong.

“Ako na ang magbubukas.” Presenta naman bigla ng kanyang kapatid na nasa mukha nito ang nakakalokong ngisi.

“Don’t tell me ––”

“Si Papa ang nag-suggest na imbitahan si kuya Jay kaya sa kanya ka magreklamo.” Ang may pagka-defensive namang pagputol sa kanya ng magaling niyang kapatid.

“Bakit, may naging problema ba sa inyo ni Jay?” Singit naman ng walang kaalam-alam niyang ama. “Sige na Ely, pagbuksan mo ng pinto ang kuya Jay mo at padiretsuhin mo siya rito sa kusina.”

Mukhang hindi `ata maganda ang nangyayari. Batid niya ang pinaplano ng kanyang ama at nasisiguro niyang ang nagbigay ng suhestiyon dito ay walang iba kung hindi ang kanyang magaling na kapatid at ina. Baka nga kasali rin ang kanyang magaling na kababata sa pagpa-plano.  Alam naman kasi niya kung gaano kalapit sa kanyang pamilya si Jay. Paniguradong humingi ito ng tulong para makapag-usap sila.

Ilang saglit pa ay kasama na nga ng kanyang kapatid ang magaling niyang kababata. Nakuha pa nitong ngumiti sa kanya na para bang nagsasabing hindi na siya nito matatakasan o maiiwasan pa. At talagang nananadyang ibinigay pa ng kanyang kapatid ang bakanteng upuang katabi niya, sa kanilang bagong dating na buwisita.

“Mabuti naman at nakarating ka Jay.” Nakangiting wika ng kanyang Mama nang bigyan ito ng plato.

“Hindi ko po kasi kayang tanggihan kapag kayo ang nagbibigay ng imbitasyon, eh.” Ang tugon naman nito na walang pag-aalinlangang ngumiti ng ubod ng tamis sa kanyang ina. Isa ito sa mga charm nito para lalong mahumaling ang kanyang pamilya rito. Ang hindi nga lang  alam ng kanyang pamilya ay isang demonyong nagkukubli sa katawan ng tao ang kanyang kakabata. Oo, iyon ang tingin niya rito ngayon.

“Ikaw talagang bata ka. Napakalambing mo pa rin hanggang ngayon. Iyan siguro ang rason kung bakit hindi kita makalimutan sa bawat okasyon dito sa bahay.”

“Ang sabihin niyo, ang mga panunuhol niya ang hindi niyo makalimutan.” Nakasimangot niya namang pagsabat sa usapan. Sa tuwing dadayo kasi ito sa bahay nila ay palagi itong may dalang kung anu-ano bilang panuhol at syempre paninipsip na rin sa kanyang mga magulang at kapatid.

Noong una ay ikinatutuwa niya rin iyon, nakikita niya naman kasi na talagang nahuli na talaga nito ang loob ng kanyang mga magulang kaya naman labas-masok na ito sa kanilang bahay noong mga bata pa lamang sila. Subalit ngayon, ikina-aasar na niya ng husto ang ginagawa nito sapagkat dito na napupunta ang simpatya ng kanyang pamilya. At siya na itong lumalabas na kontrabida.

“`Wag mo siyang pansinin Jay, hindi lang talaga marunong ang anak kong `yan sa salitang appreciation.” Pambabaliwala ng kanyang ina sa kanya.

“He shouldn’t be here.” Ani niya. “This is a family affair. Hindi dapat tayo nang-iimbita ng ibang tao. Besides, he has his own family to share dinner with. Sila dapat ang binibigyan niya ng panahon.” Pinakita na talaga niya ang pagkadisguto niya sa presensiya nito.

“Maki.” May pagsaway na wika ng kanyang Papa.

“Galit talaga sa akin si Maki-Maki Tito.” Ang nagpapa-awang wika naman nito.

“I told you not to call me that anymore.” Tila asar niyang wika. Ang bilis niya talagang tamaan ng pagkapikon ngayon dito lalo pa’t kapag nakikita niya ito ay pinapapaala nito ang mga kalokohang pinaggagawa nito noon.

“Tumigil ka Maki.” Ang nagbabantang saway naman ng kanyang ina. “Hindi mo dapat ginaganyan si Jay. Kung anuman iyang hindi ninyo pagkakaunawaan ay hindi sapat na rason para bastusin mo ang taong ilang taon mo nang naging kaibigan.”

“Pag-uusapan natin ang problema ninyong dalawa pagkatapos nating kumain.” Pagsali naman ng kanyang ama. “Sa ngayon, i-respeto muna natin ang grasya at namnamin ang masasarap na luto ng napakaganda kong asawa.”

Sabi na nga ba’t doon ang pupuntahan ng lahat. Ngayon, hindi na niya maitatangging tama ang naging sapantaha niya kung bakit kasalo nila ngayon ang magaling niyang kababata. Malamang ay nanghingi na ito ng tulong sa kanyang ina at kapatid dahil alam nitong hindi talaga siya nagbibiro sa sinabi niya noong huling magkita-kita sila.

“At bakit kayo makikisali sa gulo namin?” Kapagkuwan ay alma niya. “Hindi na kami mga bata para pakialaman niyo pa. We can handle this on our own.”

Binitawan ng kanyang ama ang hawak nitong kutsara at seryosong tumitig sa kanya habang si Jay naman ay hindi pa rin maawat ang ginagawang pagda-drama na kunyari ay nasasaktan ito sa kanyang mga sinasabi.

“Ok then. Sa bibig mo na mismo nanggaling na kaya niyong ayusing dalawa ito. Kung gano’n, gusto kong hindi matatapos ang gabing ito na hindi ninyo naaayos ang kung anumang problema niyong iyan. Hindi kami makikialam kung iyan ang gusto mo pero bibigyan mo ng pagkakataon itong si Jay na makapagpaliwanag. You said you’re old enough right? Then act like one Mr. Maki Delgado.”

Kita niya kung papaano gumuhit ang ngiti ng tagumpay sa mukha ng hinayupak niyang kaibigan. Ipinagdidiwag na nito ang pagkapanalo sa pagkuha nito ng simpatya ng kanyang mga magulang and honestly, he hated him for that.

“Kakaiba talaga kayong magkaroon ng misunderstanding nitong si kuya Maki ano kuya Jay? Para kayong magkasintahan kung magtampuhan.” Humahagikhik na pagsali ng kanyang kapatid.

“Oo nga.” Pagsali naman ng kanyang Mama. “Kung hindi pa kayo parehong lalake, iisipin ko talagang papunta na ang pagkakaibigan ninyo sa ibang level.”

“Ma!” Alma niya. Hindi alam ng kanyang pamilya ang tunay na katauhan ng kanyang mga kaibigan maliban kay Alex na noon pa man ay kapansin-pansin na pagiging iba nito sa isang normal na lalake. Mabuti na lamang at hindi nabilang ang kanyang mga magulang sa mga taong hindi tanggap ang isang Katulad ni Alex.

“Pero ‘di ba Ma, hindi imposible na mangyari iyang iniisip niyo kina kuya Jay at kuya Maki? Uso na rin kasi ngayon ang….. m2m relationship?”

“M2M relationship? Ano ‘yon?” Ang walang ideyang pagsali naman ng kanyang ama.

“Sus si Papa, kunyari ka pang hindi mo alam.”Ngingisi ngising pambubuska ng kanyang kapatid sa kanilang ama.

“Iyon ba iyong katulad ng kay Alex at ng boyfriend niya?”

“Oh, `di ba tingnan mo, ni hindi ka nga nagdalawang isip na bigyan ng label ang relasyon ni kuya Dave at kuya Alex, tapos magkukunwari ka pang hindi mo alam ang M2M. Ikaw talaga Papa, napaka etchusero mo.”

Inihit ng tawa ang kanyang Papa at Mama sa kalokohan ng kapatid. Habang siya naman ay hindi maiwasang mapailing na lamang. Gano’n pa rin ba ang magiging reaksyon ng mga ito kung sakaling malalaman ng kanyang mga magulang na tulad rin ni Alex ang paborito ng mga itong kaibigan niya? Minsan tuloy ay gusto na niyang sabihin sa mga ito ang katotohanan. Baka sakaling kapag ginawa niya iyon ay mabawasan ang ibinibigay na espesyal na atensyon ng mga ito kay Jay.

“Ito ang gusto ko sa tuwing kayo ang kasama ko sa hapunan, eh.” Ani ng tatawa-tawa ring si Jay. “Walang dull moments. Palaging masaya ang usapan.”

“Sipsip.” Pabulong niyang sabi na alam niyang hindi nakatakas sa pandinig nito.

NAGING maayos naman ang kanilang hapunan at iyon ay dahil ang bumangka sa usapan ay si Jay. Umandar na naman kasi ang pagiging madaldal nito. Kita niya ang pagkagiliw ng kanyang mga magulang at kapatid sa mga k’wentong-barbero nito. Mga k’wentong masasabi niyang nagmula lamang sa maligalig nitong pag-iisip.

Natagpuan na lamang niya ang sarili sa loob ng kanyang k’warto kasama si Jay. Nakaharap siya sa kanyang computer at kunyari ay may kinakalikot doon kahit wala naman. Gusto lamang niya talagang ipakita kay Jay na napilitan lamang talaga siyang kausapin ito.

“Maki-Maki, sorry na.” Ito na ang unang nagsalita.

Hindi pa rin siya sumagot. Ipinagpatuloy niya ang hindi pagkibo rito.

“Oo na, mali na ang ginawa ko. Hindi ko dapat ginamit si Vicky para lamang makuha ko ang pansin ni Janssen. Patawarin mo na ako, oh.”

Nanatili pa rin siyang tahimik.

“Maki.” Ani nito sa nagpapa-awang boses na nilakipan pa nito ng pagkalabit sa kanya. Hindi tuloy niya maiwasang lihim na mapangiti. Hindi pa rin nagbabago ang kaibigan niyang ito, para pa rin itong bata kapag nanghihingi ng tawad sa kanya. “Sorry na. Patawarin mo lang ako at gagawin ko ang lahat ng sasabihin mo.”

Iyon ang hinihintay niyang cue. Alam niyang hindi na siya p’wedeng magmatigas pa rito dahil kapag ginawa niya iyon ay paniguradong mangingialam na ang kanyang mga magulang. Kaya naman, nag-isip na siya ng magandang plano para hindi ito ang makalamang sa sitwasyon.

Pinaikot niya paraharap dito ang kanyang computer chair tanda na interesado siya sa bribery na ginawa nito.

“Oo. Patawarin mo lang ako, gagawin ko ang lahat ng i-uutos mo sa akin kahit muli mo akong gawing waiter sa coffee shop nina Alex at Nico.” Nakataas pa ang isang kamay nitong sabi na animo’y nangangako.

Mataas ang sikat ng araw at hindi na magkamayaw si Maki sa pagpupunas ng kanyang pawis. Ngunit hindi siya p’wedeng magreklamo dahil siya naman ang may gusto sa ginagawa nila ngayon.

“Maki-Maki, kumain kaya muna tayo? Mukhang hindi yata alam ng isang iyon na may Lunch break sila.” Ani ni Jay na tulad niya ay tagaktak na rin ang pawis.

“No. Hihintayin natin siyang lumabas.”

“Pero mag-aala-una na Maki-Maki. Nagwe-welga na ang mga alaga ko sa tiyan at isa pa, mamayang alas-kwatro darating si Janssen. Ayaw kong magmukhang ewan sa muli naming pagkikita.” Ang patuloy pa rin nitong pagrereklamo.

“Nangako ka sa akin na gagawin mo ang lahat ng gusto ko ng walang reklamo ‘di ba? Kaya magtiis ka. Ako man ay nagugutom na rin pero hindi natin p’wedeng palampasin ang pagkakataong ito. Ilang araw din nating hinanap itong huling taong kakausapin mo. At tigilan mo nga iyang kalandian mo sa Janssen na iyon. Wala kang mapapala roon, kung hindi man ikaw ang pagsasawaan niya, ay ikaw ang magsasawa sa kanya. Kilala kita Jay.”

“Totoo ang nararamdaman ko kay Janssen `no! Siya na talaga ang taong para sa akin!” Alma nito na tinugon lang niya ng pagmi-makeface. “At bakit ba kailangan ko pang gawin itong pakikipag-usap sa mga tao sa nakaraan ko? Ni hindi na nga nila ako gustong makita pa, eh. Nakakalibre pa ako ng mura at insulto sa kanila.” Nakalabi nitong wika.

Iyon ang naging kondisyon niya noong hingin nito ang kanyang kapatawan sa mga kalokohang pinaggagawa nito – ang isa-isang puntahan ang mga taong dinamay nito para lamang makuha ang gusto nito. Sinimulan nila iyon kay Vicky. Mabuti na lamang at masaya na sa karelasyon nito ang babaeng dati ay patay na patay sa kanya kaya madali nitong napatawad si Jay ng i-confess nito ang lahat ng kalokohan  nito noon. Kasama iyon sa mga kondisyones niya. Natawa pa nga ito nang malaman ang rason ni Jay kung bakit nito iyon ginawa.

 Ang isinunod naman nila ay ang mga ex-boyfriends nito. Isa-isa nilang hinagilap ang mga ito maliban sa dalawang tao na imposible na nilang maka-usap dahil nangibang-bansa  na ang mga ito matapos hiwalayan ng kanyang sira-ulong kaibigan. At ngayon nga ay nakita na nila ang huling taong pangungumpisalan nito. Kung noong una ay medyo nagulat pa siya sa naging reaksyon ng una nilang nakausap, ngayon ay medyo sanay na siya.

“Bagay lang sa ’yo iyon. Ginamit at pinaglaruan mo sila kaya may dahilan sila para kasuklaman ka.” Pambabaliwala niya sa pagda-drama nito.

“Napakasama mo talagang kaibigan! Gusto mong nakikita akong iniinsulto at minumura ng mga baliw na iyon.”

“Baliw nga sila dahil nagkagusto sila sa isang tulad mong walang ibang alam kung hindi ang paglaruan ang mga damdamin nila.”

“Hindi ko sila pinaglaruan `no!” Pagdi-depensa nito sa sarili.

“Yeah right! Tell that to the marines.”

“Why are you doing this to me Maki? Akala ko ba kaibigan kita?”

“Tigilan mo ako sa kadramahan mo Jay, ha. Hindi para sa akin itong ginagawa nating ito. Para ito sa ’yo, nang mabawasan naman ang mga kasalanan mo rito sa mundo.”

“Ang sabihin mo, pinaparusahan mo lang talaga ako! Napakasama mong tao! Wala kang konsen –– Siya na iyon!” Biglang wika nito sabay turo sa lalaking palabas ng building na ilang oras rin nilang minamanmanan.

“Siya iyong Rupert?” Pangungumpirma naman niya, pilit inaaninag ang mukha ng taong tinuturo nito.

“Oo, siya si Rupert. Damn ang pogi pa rin niya talaga pero syempre mas pogi pa rin si Janssen ko.”

“Ang landi mo! Hala sige, kung siya na nga iyon ay bumaba ka na ng sasakyan at salubungin mo siya.” Utos niya rito.

“Hindi mo ako sasamahan?”

“No, I’ll stay here. Nagsawa na ako sa pakikinig sa mga mura at kadramahan ng mga taong nauto mo. I’ll give you 30 minutes.”

Napipilitang bumaba ito ng sasakyan. Masasabi niyang bilib siya sa tapang at tolerance ng damdamin ng kaibigan. Hindi biro ang makatanggap ng malulutong na mura at insulto sa ibang tao pero sa nakikita niya kay Jay, mukhang tinatanggap nito ang lahat ng hindi na-aapektuhan ang ego nito. Sa tingin niya ay iyon ang paraan nito ng pagbabayad sa mga kasalanan nito.

Nakita nga niyang linapitan ni Jay ang lalaking itinuro nito kanina. Ang lalaking nahirapan silang hagilapin dahil ayon sa huling pinuntahan nilang dating pinapasukan nito ay biglaan na lang daw itong nag-AWOL o absence without leave.

Ilang saglit pa ay nag-uusap na ang dalawa. Dahil nakaharap sa gawi niya ang lalaki ay kita niya ang pagsasalubong ng kilay nito. Hindi niya tuloy maiwasang mapailing, paniguradong isang malutong na mura na naman ang matatangap ni Jay pagkatapos nitong mangumpisal sa lalaki ngunit laking pagkagulat niya nang hindi ang kanyang inaasahan ang nangyari.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


 zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment