Tuesday, December 25, 2012

Complicated Cupid (04)

by: Zildjian

Inihinto ni Nicollo ang kanyang sasakyan sa dati nitong kinalalagyan no’ng unang dumating sila sa lugar na iyon. Kanina, sinubukan niyang tuluyan na nga lang umiwas sa bagong damdamin na nagising sa kanyang puso ngunit hindi pa man siya gaanong nakakalayo sa poblacion ng lugar ay bigla siyang nagdalawang-isip. Something was holding him back. Pakiramdam niya ay kapag lumayo siya may isang parte ng buhay niya ang tuluyang mawawala rin.

“Lumabas ka riyan!”

Bahagya pa siyang nagulat nang malingunan niya ang taong dahilan ng lahat ng pagtatalo ng kanyang isip at puso. Lantis was now outside in his window car. Nakakunot ang noo nito at halatang hindi maganda ang timpla.


“Bakit ka biglang umalis kanina? Saan ka nanggaling?” Sunod-sunod nitong tanong sa kanya nang maibaba niya ang bintana. Ngunit imbes na sagutin ito ay napatutok lang siya na parang tanga rito. Ngayon, nasa harap na niya ang taong nagbigay sa kanya ng isang kakaibang damdamin sa hindi inaasahang pagkakataon.

Ngunit lalo lamang itong nangunot ang noo sa ginawa niyang pagtitig rito.

“S-Sumakit lang ang tiyan ko.” Ayon na naman ang parang tambol ng pagtibok ng puso niya. At sa di malamang dahilan hindi siya makaramdam ng pagkainis ngayon sa presensiya nito bagkus para pa siyang natuwa na linapitan siya nito at tila mukhang nag-alala para sa kanya biglaan pag-alis ng walang paalam.

“Don’t give me that crap. Kung totoong sumakit ang tiyan mo then, bakit ‘di mo ginamit ang palikuran nina naynay?”

“May importante lang naman akong ––”

“Sa susunod na biglaan mong maisipang makipagphone-pal, siguraduhin mong wala kang mapeperwisyong tao. Hindi ka nag-iisip! Paano kung hindi ka nakabalik? Paano kung naligaw ka?” Putol nito sa iba pa niyang sasabihin.

“Hindi naman ako tanga para maligaw ako ng daan.” Pagrarason naman niya sa mahinahong tinig.

“Hindi ka nga tanga pero hindi mo rin inisip na p’wede kaming mag-alala sa ‘yo sa pag-aakalang maari kang maligaw. Palibhasa wala kang pakialam sa ibang tao sa paligid mo maliban lang diyan sa sarili mo!”

Sa unang pagkakataon tinamaan siya sa mga sinabi nito lalo na sa mga huling binitiwan nitong salita. Pangalawang beses na niyang narinig iyon sa araw na ito. Una kay Maki at ngayon naman kay Lantis, pero dito siya talagang tinamaan at tila nakaramdam ng konting kirot sa damdamin.

“Is that the reason why you hated me so much? Dahil tingin mo wala akong pakialam sa damdamin ng ibang tao, na makasarili ako?” Ang hindi niya maiwasang maibulalas.

Kung ikinabigla man nito ang tanong niyang iyon ay hindi niya nasisigurado. Panandalian lang kasing nawala ang galit na ekspresyon nito bago siya nito talikuran. Ngunit hindi niya ito hinayaang tuluyang makaalis. Mabilis siyang bumababa ng sasakyan niya at hinabol ito.

“Ano ba talaga ang problema mo sa akin, Lantis?” Wika niya nang maabutan niya ito at mahawakan sa braso. Once and for all gusto na niyang matapos ang lahat. All of a sudden, he got tired of the way they treated and been treating each other.

“Ikaw ang problema ko.” Tugon nito sabay at marahas na iwinaksi ang kanyang kamay na nakahawak dito.

“Why? What did I do para kasuklaman mo ako ng ganito?”  He desperately asked ngunit binigyan lamang siya nito ng isang walang ekspresyong tingin saka muli siyang tinalikuran.

“Tatalikuran mo na lang ba ako lagi? For pete’s sake Lantis, ilang taon na tayong ganito. Hindi ka pa ba nagsasawa,  sawang-sawa na ko at pagod-na-pagod na sa ganito. Kung isa sa mga dahilan ng galit mo sa akin ay si Kerochan, I’m willing to give him up just to settle things between us, once and for all.”

Huminto ito. Nakaramdam siya ng pag-asa na posible pa niyang maayos ang samahan nilang dalawa ngunit laking pagkadismaya niya nang humarap ito na wala pa ring makikitang ekspresyon sa mukha.

“You think na magagawa mong ayusin ang lahat sa pamamagitan lang ng pagpapaubaya mo sa akin kay Karupin? Hindi gano’n kadali iyon, Nicollo.”

“Then what do you want me to do? Ano ba ang p’wede kong gawin para matapos na ang lahat ng ito?” Hindi niya maiwasang maitanong dala ng tuluyang paghahari ng kakaibang emosyon sa kanyang puso.

“Get out of my life.” Walang kagatul-gatol nitong tugon.

Kung kaya ko lang, ginawa ko na kanina pa!  Ang gusto na sana niyang maisatinig kung hindi lang niya napigilan ang sarili dahil nababatid niyang hindi makakabuti sa sitwasyon nila ngayon kung iyon ang isasagot niya.

“I can’t do that.” Sa halip ay wika niya. “Magkaibigan tayo Lantis, kaya gusto kong maayos natin ito.”

Biglang gumuhit sa mga mata nito ang pait. Pait na hindi niya alam kung saan at paano nag-umpisa.

“I don’t consider you as my friend.” Walang pag-aalinlangan nitong wika kapagkuwan.

Aaminin niya, nasaktan siya sa sinabi nito. How can he say those words without even showing hesitations. Hindi nga ba’t ilang taon din silang naging magkaibigan nito. Oo nga’t hindi sila palaging nagkakasundo at lagi silang nagkakairingan pero sa kabila ng lahat ng iyon itinuring niya itong isa sa mga malalapit niyang kaibigan isama mo pa ang bagong damdaming ginising nito sa kanyang puso.

“Are you saying that even once hindi mo inisip na kaibigan mo ako? Kung gano’n, lahat pala ng mga pinagsamahan natin noon baliwala lang sa’yo, gano’n?” Magkahalong pagkadismaya at pait na wika niya.

“Iyon ang pinaramdam mo sa akin, Nicollo. Lagi mo kaming itinataboy kapag may mga bagay na gumugulo sa isip mo hanggang sa tumatak na sa isip ko na hindi isang kaibigan ang turing mo sa amin kung hindi pampalipas-oras lang o pampawala ng boredom mo sa buhay. Kaya don’t blame me kung bakit hindi ko ma-consider na kaibigan kita, dahil ikaw ang nagturo sa akin kung papaano kita dapat na tratuhin. You made me hate you, Nicollo.” Wika nito saka walang lingon-likod na umalis.

Natulala siya sa mga narinig mula rito at hindi niya rin maikakaila ang hatid na sakit ng bawat mga salitang binitiwan nito. Pinagpasalamat niya na tuluyan siya nitong iniwan dahil kung sakaling hindi, makikita nito ang isang luhang kumawala sa kanyang mata, ang luhang tunay na sumalamin sa kanyang totoong nararamdaman sa mga oras na iyon.

Ilang araw ang nagdaan matapos ang naging pag-uusap nila ni Lantis, at sa ilang araw na iyon ay lalo lamang niyang napagtanto na tama ang lahat ng mga sinabi nito.

Sa ilang araw ding iyon ay ilang beses niyang sinubukan umalis na lang sapagkat sobra siyang nahihiya sa kanyang sarili sa mga nagawa niya noon. Ngunit sa tuwing magtatangka pa lamang siya ay may kung anong damdamin ang pumipigil sa kanya.

“Kuya Lantis, sasama ka ba ulit ngayon sa bukid?” Tanong ni Rodney.

“Oo, wala rin naman akong gagawin dito sa bahay.” Simpleng tugon naman nito.

“Tatay, ako sasama ngayon, ah.” Ani naman ni Shiela.

“Sige anak. Basta walang sisihan at walang iyakan, ha?” Wika naman ng ama nito.

“Ikaw kuya Nico, sasama ka ba sa bukid ngayon?”

“Hindi. Dito na lang siguro muna ako.” Tugon niya.

Ang totoo gusto niyang sumama ang kaso nga lang ay kapag sumama siya si Lantis naman ang gagawa ng paraan para hindi ito makasama. Ilang araw na itong ganito, ang pasimpleng umiiwas na magkasalubong sila o magkasama man lang.

“Popoy, punta tayo sa palaisdaan niyo, ah. Magdala tayo ng pamingwit.”

Hindi niya maiwasang hindi balingan ito. Nakaramdam siya agad ng kirot nang makita niya ang nakaguhit na ngiti sa mukha nito. As if making him feel na hindi ito apektado sa mga nangyayari sa kanila.

“Sige ba.” Nakangiti namang tugon ni Popoy dito. “Matagal-tagal na rin tayong di nakakapamingwit doon.”

“Oo nga, eh. Na-miss ko na ang feeling ng nakakahuli ng isda.” Wika nito sabay hagikhik na parang bata.

“Hindi ko gusto iyang tawa mo Lantis, ah. Siguro may naiisip ka na namang kalokohan, noh?”

“Wala, ah!”

“Sus! No’ng huling mamingwit tayo may ginawa kang hindi kaaya-aya sa akin, eh.” Ang napapangiti na ring wika ni Popoy.

“Wala akong ginagawa sa’yo, noh”

“Itinulak mo ako sa palaisdaan namin kaya!” Nagpaparatang nitong sabi na sinamahan pa nito ng pagsimangot.

Napatawa ng malakas si Lantis. Isang tawa na hinding-hindi pa niya naririnig mula rito. Lalo lang tuloy siyang naiingit sa nakikitang kulitan ng dalawa. How he wished at that moment that he was in Popoy’s shoes. Gusto niyang malaman ang pakiramdam ng nakikipag-asaran at nakikipagbiruan sa taong ngayon ay nasisiguro na niyang kahit sa kabila ng kanilang palaging pag-iiringan ay ang taong pinili ng puso niyang mahalin.

Natapos ang agahang iyon at agad na nagsipag-alisan ang mga tao kasama si Lantis. Tanging sila na lamang ni Aling Melissa ang naiwan sa bahay.

“Nico, gusto mo ba akong samahan sa kalapit na bayan?” Untag sa kanya ng ginang habang nakaupo siya sa paborito niyang p’westo sa lugar na iyon, ang upuang gawa sa kawayan sa ilalim ng malaking mangga sa bakuran nito.

“Ano ho ang gagawin niyo roon?” Kaswal niyang tugon.

“Mamamalengke ako ngayon. Doon ako namamalengke kapag ganitong araw ng Sabado, bukod kasi sa mura na ang mga bilihin ay naroon pa lahat ng produkto mula sa mga karatig-baryo. Samahan mo ako nang hindi ka masyadong mainip dito.”

Wala talaga siyang balak na umalis sa araw na iyon. Ang tanging gusto lang niya ay makapag-isip-isip sa kung ano ang p’wede nyang gawin sa sitwasyon nila ngayon ni Lantis. Habang tumatagal kasi na wala silang kibuan ay lalo lamang bumibigat ang loob niya.

Tumayo siya, kapagkuwan. Hindi niya mahindian ang ginang na napakaganda ng naging trato sa kanila simula ng dumating sila sa baryong iyon.

“Sige po. Sasamahan ko na kayo. Gamitin na lang natin ang sasakyan ko nang hindi na kayo mahirapan sa pagdadala ng mga bibilhin niyo.” Nakangiti niyang tugon.

“Sigurado ka ba?” Hindi makapaniwalang wika ng ginang. “Baka madumihan lang ang sasakyan mo.”

“Si Aling Melissa talaga. Natural lang po sa isang sasakyan ang nadudumihan. Sandali lang po at papasok muna ako sa loob nang makapagpalit ako ng damit. Ako na nga ho pala ang magdadala niyang bayong niyo.” Sabay kuha niya ng hawak nitong lalagyan.

Gumuhit ang isang napakagandang ngiti sa ginang. Isang ngiti na sa di malamang dahilan ay nagpagaan ng damdamin niya.

“Salamat anak.”

Ganito pala ang pakiramdam ng may nakaka-appreciate sa ‘yo. Ang hindi niya maiwasang maibulong sa sarili dahilan para pati siya ay mapangiti na rin. Noon, wala siyang tanging hiniling kung hindi ang makakuha ng appreciation mula sa mga magulang niya ngunit dala nga sa busy ang mga ito sa trabaho ay hindi na nagawa ng mga ito ang purihin ang mga bagay na nagagawa niya. Hanggang sa magsawa na siyang magpasikat hindi lang sa mga ito kung hindi pati na rin sa ibang tao na naging dahilan para ang tingin sa kanya ng lahat ay walang pakialam sa mundo.

“Aba suki, ka-g’wapong bata naman nitong kasama mo.” Ang magiliw na wika ng isang tindera sa magulong merkadong iyon.

Nang dumating sila sa bayan na sinasabi nito ay agad na sumalubong sa kanya ang napakaraming tao at paninda na nagkalat sa buong paligid. Market day pala ngayon sa ibayong iyon at doon dinadala ng mga karatig-bayan ang lahat ng produktong gusto nilang ibenta, syempre sa murang halaga.

“Kaibigan siya ng dati kong inaalagaan Milag.” Nakangiti namang tugon ni Aling Melissa. “Pagbilhan mo nga ako ng isang kilong sibuyas at katamis.”

“Aba, kung ganyan kakisig na bata lang naman ang magiging bisita ko ay hindi ko talaga siya tatanggihan.” Ngingisi-ngisi namang sabi ng ginang. “Iho, may girlfriend ka na ba?”

“W-Wala pa ho.” May pag-aalinlangan niyang tugon. Hindi niya maiwasang mailing talaga kapag masyado siyang binibigyan ng pansin ng ibang tao. Hindi kasi siya sanay.

“Sa g’wapo mong iyan? Baka gusto mong makilala ang anak ko. Parangap ko kasing magkaapo ng kasing g’wapo mo, eh.”

“Ikaw talaga Milag, kung anu-ano na naman ang sinasabi mo.” Ngingiti-ngiting sabi ni Aling Melissa.

“Hindi naman siguro masamang humiling ng g’wapong manugang at apo Melissa. Saka mukhang anak mayaman itong bisita mo, baka siya na ang magpapabago ng buhay namin ng pamilya ko.”

“Hindi mayamang manugang ang magpapabago ng buhay ninyo Milag, kung hindi isang pamilyang nagtutulungan. Tingnan mo nga’t nag-iisa ka rito at nagpapakahirap na magtrabaho. ‘Asan ang mga anak mo, bakit wala sila rito para tulungan ka?”

“Hay naku, wala akong aasahan sa mga anak kong iyon. Hayon at imbes na samahan ako rito para magtinda ay mas pinili pang manuod ng telebisyon. Pinagsisisihan ko na talaga na bumili-bili pa ako niyon.”

“Ikaw naman kasi, masyado mong sinanay ang mga anak mo na ikaw lang ang kumakayod.”

“Wala, eh. Kahit mga batugan iyon, hindi ko pa rin sila matiis. Alam mo naman tayong mga magulang, pagdating sa mga anak napakalambot natin.

“Tama ka, mahal kasi natin sila.” Pagsang-ayon naman ni Aling Melissa. “Kaya lahat ay gagawin natin para sa kanila kahit pa man kapalit niyon ay ang pagpapakakuba natin sa trabaho. S’werte lang ako na naaasahan ko na ang dalawang binata ko.”

Nakuha ng pansin niya ang sinabing iyon ni Aling Melissa. Parang tinamaan siya sa sinabi nito tungkol sa pagmamahal ng isang magulang sa kanilang anak dahil iyon ang lagi niyang naririnig sa mama niya tuwing kaarawan niya na wala ang mga ito.

“Tandaan mo Nico, mahal ka namin ng papa mo.Kaya kami nagpapakahirap sa pagtratrabaho para maibigay namin lahat ng gusto mo. Sana anak ‘wag mong isipin na pinababayaan ka namin at sana huwag mo ring kalimutan na mahal na mahal ka namin and we’re so proud of you.”

Those words from the past hit him. Para siyang natauhan bigla. Those were the words of his mom when she told him na hindi makakauwi ang mga ito sa graduation niya no’ng grade school. Halos hindi siya magkamayaw sa kakaiyak noon sa sobrang kabiguan. Umasa kasi siya na uuwi ang mga ito para samahan siyang tangapin ang mga awards at medalyang pinagsumikapan nyang makuha.

Nasaktan siya, sa murang edad niyang iyon ay ibayong disappointment ang naramdaman niya hanggang sa pinili niyang maging matigas. He doesn’t want to go through the same disappointment again, but what had happen was he ended up hurting the people who truly cares for him at isa na doon ay si Lantis. Ngayon, hindi niya tuloy maiwasang maisip kung ano ang nararamdaman sa kanya ng mga magulang niya sa tuwing magde-demand ang mga ito ng time sa kanya at tinatanggihan niya. For sure, kahit hindi ito ipakita ng mga ito ay nasasaktan din niya ang mga magulang na gusto lamang makabawi sa mga panahong nagkulang ang mga ito.

Sa daan, habang pabalik na sila ni Aling Melissa ay wala pa rin siyang imik. Gusto niyang sumigaw, magwala. How can he be so insensitive? Bakit hindi niya naisip na nasasaktan din ang mga magulang niya kapag may isang importanteng okasyon sa buhay niya na hindi nakakadalo ang mga ito.

“Si Lantis ba ang iniisip mo?” Untag sa kanya ni Aling Melissa.

“H-Ho?”

“Bigla ka kasing nawalan na naman ng imik kanina habang nasa merkado tayo. Dahil ba iyan kay Lantis at sa hindi niyo pagpapansinan sa mga nakalipas na araw?”

“H-Hindi po.” May pag-aalangan niyang tugon.

“Kung ano man ang mga nasabi sayo ni Lantis, nasisiguro kong hindi iyon ang bagay na gusto niyang sabihin. Siguro, nadala lamang siya sa sobrang pag-aalala sa’yo.  Kilala ko si Lantis, ako ang nag-alaga sa kanya hanggang sa magka-isip siya.”

“Hindi.” Mariin niyang tugon rito. “Totoo po lahat ng mga sinabi niya. Napakalawang-kwenta kong tao. Hindi ko pinahalagahan ang mga taong nagmamalasakit at nagmamahal sa akin dahil sarili ko lang ang iniisip ko.” Ngayon, lalo lamang pinagtibay ng mga reyalisasyon niya ang mga sinabi sa kanya ni Lantis. Tanging ang sarili niyang damdamin lamang ang importante sa kanya. Na hindi niya nagawang pahalagahan ang mga taong nagmamahal at handang magmahal sa kanya.

“Mabait kang bata Nicollo, alam ko iyon kahit pa man ilang araw pa lang kitang nakikilala. Sadya nga lang na hindi mo alam kung papaano mo dadalhin ang sarili mo sa ibang tao kaya ganyan ang naging tingin ng ilan sa ‘yo. Pero anak, lahat tayo nagkakamali sa buhay para matuto. Gamitin mo ang mga sinabi sa’yo ng mga tao para pagandahin ang buhay mo hindi para ilublub pa ito lalo.”

“Hindi ko po alam kung magagawa ko pang maitama ang lahat ng pagkakamali ko.” Pagsasabi niya ng totoo dahil para sa kanya mukhang huli na ang lahat. Batid niyang nasaktan na niya ang mga magulang niya at ngayon, ang taong unang minahal niya ay malayo na ang loob sa kanya. How can he undo things for him? How can he change the fact that right now, everything in his life is a mess.

“Magagawa mo.” Kapagkuwan ay wika ng ginang. “Dahil nakikita ko sa mga mata mo na handa kang gawin ang lahat para mataima mo iyon. Iyan ang kailangan ng isang tao Nico, ang pagpupursiging gawin ang lahat para mabago niya ang buhay niya. Walang imposible sa mundong ito. Nasa atin iyon kung paano natin gagawin.” Mahabang wika ng ginang.

Tama ito sa lahat ng mga sinabi nito. P’wede pa niyang ayusin ang lahat at alam niya kung kanino niya uumpisahan iyon.

Doon lang muling sumilay ang ngiti sa kanyang mukha.

“Maraming salamat po.” Kapagkuwan ay wika niya.

I will difinitely win this time. Kung hindi ko kayang itama ang mga bagay na nagawa ko noon, siguro naman kaya kong mag-umpisa ulit ng bago kung iyon lang ang paraan para makuha ko ang mga bagay na dapat noon pa ay nasa akin na.

“Ma, kamusta kayo riyan?” Bati niya sa kanyang ina. Nang maihatid niya si Aling Melissa sa bahay nito ay agad siyang nagpaalam na pupunta ng poblacion para makakuha ng signal. Kanina, nang maisipan niyang ilagay sa ayos ang lahat ay ang una niyang naisipang gawin ay ang tawagan ang mama niya.

“Okey lang naman ako anak, biglaan ka ‘atang napatawag. Nagluluto ako ngayon ng bagong ulam para sa amin ng papa mo. I hope you’re here so you can taste it.”

“ I just missed you. Mukhang masarap nga iyan. Hayaan niyo’t pagbalik ko riyan ay titikman ko iyang bagong luto n’yo.” Nakangiti niyang tugon habang kausap ito sa kabilang linya.

“Y-You missed me? Are you alright anak? May problema ka ba? May sakit ka ba?”” Ang sunod-sunod nitong tanong damang-dama niya ang sobrang pag-aalala nito.

“Of course I’m alright. Wala ho akong sakit ma.” Ang natatawa niyang sabi.

“Well, it has been so long since you talked to me like this Nicollo. May nangyari ba?”

“Gano’n ba? Wala naman, let’s just say na may kung ano akong nakain kanina kaya heto at biglaan kitang naalala at na-miss.” Paglalambing niya rito.

“Really?” Hindi pa rin makapaniwala nitong sabi. “I miss you too Nico. E-Even if it is just all of a sudden you really did make me feel happy son.” Dama niya ang ibayong emosyon sa boses nito.

“Are you crying?” May pag-aalala niyang wika.

“I can’t help it. I missed my sweet Nicollo.”

Napaluha siya sa narinig. His parent really love him, sadyang binulag lang siya noon ng damdamin niya para pagdudahan niya ang pagmamahal ng mga ito.

“I should’ve done this a long time. I’m sorry ma.” Madamdaming paghingi niya ng paumanhin rito.

“No, we should be the one to say sorry to you. Napabayaan ka namin ng Papa mo sa kagustuhan naming maibagay sa ‘yo ang lahat. I thought it was already too late for us. I love you anak, p’wede ka na bang umuwi ngayon? Gusto kitang mayakap.”

“I love you too ma, but i can’t be there yet. I still have things to do here but I promise you na uuwi ako before you know it and we will be having our quality time as a family.”  Nangangako niyang sabi.

“Aasahan ko yan Nicollo. Mag-iingat ka riyan. Nasisiguro kong matutuwa ang Papa mo sa ibabalita kong ito sa kanya.” The excitement in her mom’s voice truly made him smile.

“Alright! Got to go ma, take care. I’ll see you soon.” At pinutol na niya ang linya bago pa man siya madala ng tuluyan sa emosyon niya. Nangako siya sa kanyang sarili na aayusin niyang muli ang samahan nila ng kanyang mga magulang.

Maganda ang naidulot sa kanya sa ginawa niyang pakikipag-usap sa kanyang ina. Hindi niya mapigilang mapangiti habang pabalik na siya sa bahay nina Aling Melissa. He was right, noon pa dapat niya ginawa ang lumapit muli sa kanyang mga magulang, dahil ngayon pakiramdam niya ay nabawasan ang bigat ng mga dinadala niyang problema.

Sana ganito rin kadaling kunin ang loob ng isang iyon. Piping sambit niya sa kanyang isipan.

Hindi pa man niya tuluyang napapatay ang makina ng kanyang sasakyan nang makita niya si Aling Melissa na nagmamadaling tumawid sa may palayan. Bakas ang sobrang pag-aalala nito at pagpa-panic sa mukha.

“Nicollo si Lantis.” Ang halos humahangos pa nitong wika.

“Bakit, ano ho ang nangyari sa kanya?” Takang tanong naman niya rito hindi maiwasan ang kabahan lalo na’t nakikita niya ang ibayong pag-aalala sa mga mata nito.

“Nahulog siya mula sa isang puno.”

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment