Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (Finale)

by: Zildjian

“Kami ang mga guardian ni Andy, at kaya kami nandito ay dahil sa utos ng ate niya. Wala kayong karapatang pagbawalan kaming kunin siya.” Matatag namang sagot ni Rome.

“Ayaw sumama sa inyo ni Andy. Hindi niyo p’wede siyang pilitin.” Kung hindi siya nagkakamali ay ang pangalan ng kalmadong nagsalita ay si Marx.

“ Kung magpupumilit kayong kunin siya, kahit mas matanda kayo sa amin ay hindi namin kayo aatrasan.” Ang may angas namang wika ng isa na una na niyang nakilala, si Zandro.


Mukhang hindi na nga nila yata maiiwasan ang mapaaway. Halatang matatag ang mga paninindigan ng mga ito at ang mga kasama naman niya ay mukha talagang naghahanap ng away. Para itong mga ibon na pansamantalang nakawala sa hawla at gustong gawin ang lahat ng walang pag-aalinlangan.

Nabaling ang kanyang tingin kay Jasper. Mas malaki ang katawan nito kumpara sa kanya at mas mataas rin ito. Sa tantiya niya ay nasa 5’11” ang height nito. Base sa nakikita niyang ekspresyon sa mukha nito handa itong makipagbasag-ulo mapigilan lang sila. Pero sabi nga nila, walang malaki at mataas sa taong pursigido.

“Bakit ka pa nagbalik ulit dito Nhad? Hindi pa ba malinaw sa ’yo na ayaw ka nang makausap ni Andy?” Doon lamang nabaling ang kanyang atensyon kay Miles. Hindi tulad ng mga kasama nito na handa nang lumaban si Miles ay nanatiling kalmadong nakatayo at matamang nakatitig sa kanya.

“May mga bagay pa akong hindi nasabi sa kanya.” Walang paligoy-ligoy niyang tugon.

“Kahit na ano pa ang sabihin mo sa kanya, hindi mo na siya ulit makukuha pa. Tapos na para kay Andy ang lahat sa inyo.” Tiim-bagang namang tugon ni Jasper.

Maaari ngang tama ito sa mga sinabi nito pero determinado na siyang ipaglaban ang nararamdaman niya. Handa siyang tanggapin ang lahat kung mabibigo man siya ngayon basta’t ang importante ay lumaban siya. Hindi na niya uulitin ang pagkakamali niya noon – ang hindi ipaglaban ang nararamdaman niya.

He lost Ken and Andy because he refused to listen to any explanation, hinayaan niyang tuluyang makuha sa kanya ang mga taong mahal niya nang hindi man lamang siya lumalaban. Pinaniwala n’ya ang kanyang sarili na siya itong iniwan pero ang totoo, siya ang nang-iwan at hindi ipinaglaban ang mga taong mahal niya. He made the same mistake twice and that’s enough. Wala na siyang balak ulitin pa ang pagkakamali niya sa pangatlong beses. Kaya ngayon, kahit huli na, hanggat may magagawa pa siya ay gagawin niya. He will take every opportunity that he has kahit ang kapalit niyon ay p’wede siyang masaktan ng todo.

“Mababago ba ng mga sasabihin mo ngayon kay Andy ang sitwasyon ninyo, Nhad?” Muling tanong sa kanya ni Miles.

“Hindi ko malalaman kung hindi ako susubok.” Pagsasabi niya ng totoo. “Pero handa akong tanggapin ang kalalabasan ng lahat kahit hindi man iyon maging paborable sa akin. Gusto ko lang masabi sa kanya ang lahat ng nararamdaman ko. Kung hindi pa rin iyon sapat sa kanya, handa akong layuan siya ng tuluyan.”

Mataman siya nitong tinitigan na para bang inaarok nito kung totoo ba sa kanyang sarili ang kanyang mga binitiwang salita. Kapagkuwan ay marahan itong tumango at inilahad sa kanya ang kamay nito.

“Ito ang huling pagkakataon na papayagan kitang guluhin ang buhay ng kaibigan ko. At aasahan ko rin na magiging totoo ka sa pangakong binitiwan mo na re-respetuhin mo ang magiging desisyon niya.”

Hindi lamang siya ang nagulat, pati ang mga kaibigan nito lalo na si Jasper, ay nanlaki ang mata sa sinabing iyon ni Miles.

“You can’t decide by yourself Miles!” Mariing pagtutol ni Jasper ngunit hindi ito pinansin pa ng kaibigan. Hindi na ito naghintay pa na abutin niya ang nakalahad nitong kamay. Kusa na siya nitong hinawakan sa braso. Ngunit bago pa man siya nito mahila papasok ng gate ay agad na silang hinarangan ni Jasper.

“Hindi ko kayo papayagang makapasok!” Tiim-bagang nitong wika sa kanya.

“At hindi rin kita papayagang makialam.” Biglang singit naman ni Dave saka ito bumaling sa kanila ni Miles. “Sige na, dumiretso na kayo sa loob at kami na ang bahala sa mga hunghang na `to. Matagal-tagal na rin na hindi ko nagagamit ang mga kamao ko.”

Wala ng sinayang na pagkakataon si Miles, agad siya nitong hinila papasok sa gate at hindi na sila nagawa pang mapigilan ng iba pa nitong kaibigan dahil sa tulong ng kanyang mga kasama. Nang sa wakas ay marating nila ang pintuan ay saka lamang siya nito binitiwan.

“Hanapin mo sa loob si Andy, babalikan ko muna ang mga kaibigan ko at baka magkapatayan pa ang mga iyon.” Wika nito sa kanya.

“Bakit mo ako tinutulungan Miles?”

Nagkibit-balikat lang ito.

“Nangako ako sa ’yo di ba? Oras na mahanap mo na ang rason para makinig sa paliwanag ng kaibigan ko ay tutulungan kita.” Saka siya nito mabilis na iniwan.

Pagpasok ni Nhad sa loob ng bahay ay agad na hinanap ng kanyang mata si Andy ngunit hindi niya ito nakita. Ang sunod niyang pinuntahan ay ang kusina ngunit muli lamang siyang nabigo. Nagsimula na siyang mag-alala, paano kung wala pala sa bahay na iyon si Andy at nilalansi lamang pala siya ni Miles?

Mula sa mahinang pagtawag niya sa pangalan nito ay lumakas iyon subalit wala siyang marinig na pagtugon. Hanggang sa maalala niya kung saan tumungo si Jasper para kunin si Andy nang pumunta siya sa bahay nito kagabi. Iyon ang sunod niyang pinuntahan. Pagkabukas niya ng nag-iisang k’warto na naroon ay doon niya nakita ang kanyang hinahanap nakayukong nakaupo sa gilid ng kama. Agad na bumilis ang pagtibok ng kanyang puso nang mag-angat ito ng tingin.

“Anong ginagawa mo rito?” Mukhang hindi na ito nasorpresa pa sa kanyang pagsulpot. Walang expression ang mukha nito tulad ng una silang magkaharap kagabi.

“G-Gusto kitang makausap.”

“Nakapag-usap na tayo kagabi Nhad. Malinaw na sa ating dalawa ang lahat. Umalis ka na.”

Masakit para sa kanya na itinataboy siya nito lalo pa’t wala siyang maski  katiting man lang na palatandaan ng pag-aalinlangan sa mga mata nitong diretsong nakatitig sa kanya. Animo’y hindi siya minsan naging parte ng buhay nito sa ginagawa nitong pagtitig sa kanya ngayon.

Isinangtabi niya ang kirot na dulot ng pagiging passive nito. Wala siyang karapatang magreklamo dahil amindo siyang may pagkakamali siyang nagawa. He deserves Andy’s treatment.

“I love you Andy.” Diretsahang sabi niya rito. Hindi siya makakapayag na basta na lamang ulit siyang maitataboy nito nang hindi man lang niya nasasabi ang mga bagay na gusto niyang sabihin.

“Alam kong mahirap paniwalaan pero iyon ang totoo. Ako man, hindi ko agad nakita ang katotohanang iyon because I was overwhelmed with hatred. It blinded me of my true feeling for you. Nagkamali ako oo, pero handa akong bumawi Andy. Handa kong itama ang pagkakamali ko noon kung bibigyan mo lang ako ng pagkakataon.” Ang umaasang pagpapatuloy niya.

Marahan itong umiling.

“Umalis ka na, Nhad. Hindi ko na kailangan ang pagmamahal mo.”

 Bumagsak ang kanyang mga balikat at dama niya ang kakaibang kirot sa kanyang puso. Wala na siyang iba pang alam na sasabihin dito. Mahal niya ito at iyon lamang ang tanging pinanghawawakan niya.

“Hindi mo na ba talaga ako p’wedeng mapatawad, sa mga pagkakamali ko, Andy?” Paanas niyang sabi. “Wala ka na ba talagang ni katiting na pagmamahal para sa akin?”

“Iniwan mo ako Nhad, pinabayaan at inabandona.” May himig ng panunumbat nitong sabi. “Sapat ng dahilan iyon para patayin ko ang pagmamahal ko sa ’yo.”

Linapitan niya ito igi-nap ang mga kamay nito saka siya padaus-dos na lumuhod. Bahagya itong nagulat sa kanyang ginawa at akmang babawiin sana nito ang kamay nitong hawak niya ngunit hindi niya iyon pinayagan. Lulunukin niya lahat ng pride niya at kakainin niya lahat ng mga sinabi niya noon. Magmamakaawa siya.

“Pinagsisisihan ko na ang lahat ng iyon Andy. Maniwala ka sa akin mahal na mahal kita. Babawi ako. Pupunan ko lahat ng pagkakamali ko sa ’yo. Buburahin ko ang lahat ng masasamang alaala sa relasyon natin. Andy please, give me another chance.” Tuluyan ng dumaloy ang mga luha sa kanyang mga mata.

“Ayaw ko na sanang ipagkatiwala sa iba ang puso ko dahil no’ng huling ginawa ko iyon nasaktan lamang ako. Pero, ang puso ko mismo ang nagbigay sa ’yo ng karapatang panghawakan ito.” Dagdag pa niyang wika sa likod ng paghikbi. “I’ve let my past ruin our relationship dahil sa sobrang takot kong masaktan muli. I unconsciously shielded my heart so no one can break it again but you’ve managed to destroy the defenses created by my subconscious mind.  Maniwala ka sa akin Ands, `di ko sinasadya ang lahat. Hindi ko sinasadyang abandonahin ka.” Ang humihimikbi niyang pagpapatuloy.

“Nhad..” Tila ito naman ngayon ang napipilan. Kung dahil iyon sa mga sinabi niya ay hindi niya alam.

“Paliligayahin kita Andy, pangako ko ‘yan. Bigyan mo lang ako ulit ng pagkakataon. Kahit hindi mo ako mahalin tulad ng pagmamahal mo noon ayos lang, huwag mo lang akong ilayo sa ’yo.”

Wala siyang narinig na pagtugon dito kaya naman napaangat siya ng tingin at nang magsalubong ang kanilang mga mata nakita niya ang ibayong lungkot dito.

“I’m sorry Nhad, hindi ko mapagbibigyan ang hiling mo.”

“Ands?” Parang hinataw ng baseball bat ang kanyang ulo sa narinig mula rito. Ginawa na niya ang lahat pero mukhang hindi na talaga sila p’wede nito.

Muling naglandas ang mga luha sa kanyang mga mata. Mga luhang dala ng matinding pagkabigo na muli niyang makuha ang taong kanyang minamahal. Siguro ito na ang tamang panahon para sumuko at hayaan na lamang itong maging masaya sa piling ng iba. Nangako siya na oras na hindi siya magtagumpay sa kanyang gagawin ay malugod niya iyong tatanggapin kahit gaano pa man kasakit ang dala niyon sa kanya.

Muli niyang pinahid ang kanyang mga luha. Kasabay din niyon ay ang tuluyan niyang pagbitiw sa dalawang kamay nito saka siya tumayo.

“I understand.” Hindi lahat ng lumalaban ay nanalo. Tatanggapin niya ang pagkatalong iyon kahit halos pinagpira-piraso ang puso niya sa sobrang sakit.

Inilibot ni Nhad ang  kanyang tingin sa kabuuan ng lugar. Maganda ang panahon sa araw na iyon  and the place was also perfect. Mula sa magandang landscape ng lugar, properly trimmed na mga halaman na sumasayaw sa hangin hanggang sa mga kakaibang desenyong cottages. Napakaganda ng resort na iyon hindi nagkamali ang kung sinumang pumiling doon idaos ang isang espesyal na okasyon na iyon.

“Nagustuhan mo ba kuya?” Untag sa kanya ng kanyang kapatid.

“This is great!” Ani naman niya.

“Kung gano’n bakit parang hindi ka masaya? It’s your birthday for pete’s sake at sa matagal na panahon, ngayon lang ulit tayo nakumpleto.” Tama nga naman. Birthday niya at hindi lamang iyon, kasama niya ngayon ang kanyang buong pamilya para ipagdiwang ito kaya lalo lamang itong naging espesyal. Pero hindi sapat ang lugar at ang presensiya ng buong pamilya niya para maibsan ang pangungulila ng kanyang puso.

Nagulat siya nang yakapin siya ng bunsong kapatid. Ito ang malaking naitulong sa kanila ng computer at internet. Kahit malayo ang mga ito sa kanya ay hindi naputol ang kanilang komunikasyon. Napanatili niyon ang bond nila at nasubaybayan niya rin kahit papaano ang mga buhay nito.

“Kung hindi ako nagkakamali, ikaw ang may pakana kung bakit napunta tayo rito sa Albuera imbes na sa bahay tayo ngayon nagsi-celebrate.” Ang wika niya nang gumanti siya ng yakap dito. “Salamat sis. May babayaran ba ako pagkatapos nito?”

Kumalas ito sa pagkakayakap niya at sinimangutan siya.

“Gift namin ito ni kuya Lloyd, `noh. Pinagtulungan naming hanapin ito sa internet as our gift sa pinakamamahal naming kuya.”

“Naks!” Ang nakangisi niyang wika rito. “Hindi yata ako sanay na nagbabait-baitan ka, Mimi.” Ang totoo, sa kanilang tatlong magkakapatid ay ang bunso nilang ito ang talagang ubod ng lambing noon pa man. Inaasar lamang niya ito bilang paglalambing din.

“Mabait na ako noon pa, ah!” Nakalabi nitong wika sa kanya na lalo lamang niyang ikinahagikhik. Hanggang ngayon ay napakasarap pa rin nitong pikunin

Muli niya itong kinabig ng yakap saka dinampain ng halik sa noo.

“Thanks.” Sinsero niyang pagpapasalamat dito. He’s happy that he really did establish a good relationship with his siblings kahit pa man malayo ang mga ito sa kanya.

“Kuya, may bisita ka nang dumating.” Pag-agaw naman ng kanilang pansin na wika ng isa pa niyang kapatid na si Lloyd.

“May dumating?” Nagulat siya. Hindi niya inaasahan na pauunlakan ng kanyang mga kaibigan ang kanyang imbitasyon dahil may kalayuan ang beach resort na iyon mula sa lugar nila. Mga 1 hour drive iyon.

“Yep. Yung mga katrabaho mo.” Wika nito sa kanya. “By the way, nagustuhan mo ba ang regalo namin ni Mimi?”

“Sobra!” Nakangiti niyang tugon rito ayaw niyang ma-disappoint ang mga ito. “Pero hindi pa rin talaga ako matahimik kung ano ang magiging kabayaran nitong paggastos niyo sa kaarawan ko.”

Natawa ito.

“Walang kabayaran ito. Ginawa mo naman kaming mukhang pera. This is our way of saying we love you kuya, no matter who you are.”

Napangiti siya. Nalaman na ng mga ito ang kanyang pinakatatagong sekreto pero heto’t intact pa rin ang respeto ng mga ito sa kanya.

“Pero on second thought, p’wede mo rin naman kaming bayaran.” Pagpapatuloy nito habang nakangiti.

Napataas ang kanyang isang kilay.

“Be happy. I-enjoy mo ang party na pinagtulong-tulungan namin para sa’yo.”

Kasama ang kanyang mga dalawang kapatid ay tinungo nila ang function hall kung saan naroon ang mga pagkain  na ayon sa kanyang mga kapatid ay mula sa kanyang mama at papa. Pati ang room accommodation ng ilan nilang mga bisita ay ang mga ito ang malugod na sumagot. Hindi tuloy niya maiwasang mahiya sa mga ito. Kaya nga lubos ang pagtanggi niya nang sabihan siya ng Mama niya na imbitahin lahat ng kaibigan niya. Ngunit gusto raw ng mga itong makilala ang mga bawat taong naging bahagi ng buhay niya simula ng maiwan siyang mag-isa kaya hayon, pinadalhan niya ng text at tinawagan niya lahat ng taong naging malapit sa kanya.

Agad  silang sinalubong ng kanyang dalawang kaibigan-cum-katrabaho niya na sina Anthony at Jonas dala ang mga girlfriends ng mga ito. Mabuti na lamang at nataon na araw ng sabado ang kanyang kaarawan at pare-pareho silang off duty.

“Happy birthday, Nhad.” Magkasabay na bati sa kanya ng dawalang babae sabay abot sa kanya ng regalong dala ng mga ito.
“Thanks. Mabuti naman at nakarating kayo sa pagkalayo-layong venue na napili ng mga kapatid ko.”

“Palalampasin ba namin ang kaarawan mo?” Ani naman ni Jonas.

“Happy birthday pare. Teka, happy nga ba?” Nang-aasar namang wika ni Anthony.

Agad itong nakatanggap ng kurot sa tagiliran mula sa kasintahan nito. Natawa na lamang siya at inanyayahan ito sa buffet table kung saan naroon ang mga pagkain. At least hindi masasayang ang mga inihandang pagkain dahil kahit papaano ay may dumating.

Taliwas sa inaakala ni Nhad na wala nang ibang darating pang bisita ay basta na lamang siyang nagulat nang sunod-sunod na dumating ang iba pa niyang naimbitahan. Ngunit ang mas kinabigla niya ay ang pagdating ng hindi inaasahang grupo sa resort na iyon.

“Happy birthday fafa Nhad.” Panandalian siyang napatanga kaya hindi na siya nakaiwas sa kapilyahan nito nang halikan siya nito sa labi.

“You’re harassing him again Chelsa.” Ani naman ni Rachalet habang nakangiti sa kanya. “Hindi mo in-expect na darating kami `noh?”

“Guys..” Ang kanya na lamang naisatinig dala ng pagkabigla. Wala siyang natanggap na kumpirmasyon na dadalo ang mga ito nang i-text niya ang mga ito.

Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa siyam na taong maluwag ang pagkakangiti sa kanya sa mga oras na iyon. Bawat isa sa mga ito ay may bitbit na regalo.

“Tititigan mo na lang ba kami?” pagbasag sa kanya ng isa.

“Ken…”

Hindi talaga siya makapaniwala at lalong hindi niya inaasahan na susulpot ang mga ito sa kanyang kaarawan.

“Mukhang ayaw mo yata na narito kami, eh.” Nakangiti namang wika sa kanya ni Matt.

“H-Hindi. Nagulat lang talaga ako. Hindi ko inaasahan na pupunta kayo.” Agad naman niyang pagdedepensa sa sarili.

“Happy birthday, Nhad” magkasabay na bati sa kanya nina Lantis at Nico sabay abot nito sa kanya ng relong bitbit ng mga ito. Sinundan naman niyon ng magkasintahang Rex at Rachalet.

“Dapat talaga nag-reply kami no’ng i-text mo kami pero sabi nitong si Ken ay sorpresahin ka na lang daw namin.” Ang wika naman ni Jay.

“Welcome naman kami dito di ba? Kahit may pagka-informal ang imbitasyon mo.” Singit naman ni Maki.

Doon na siya tuluyang nakabawi sa pagkabigla sa pagsulpot ng mga ito.

“Of course!”  Hindi niya maipigilan ang matawa. “Gees! I’m so glad you guys came. Tara doon sa buffet para naman masulit ang mga gasolina na sinayang niyo papunta rito.”

“Medyo kailangan nga ng effort itong birthday mo.” Ngingiti-ngiti namang wika sa kanya ni Ken.

Sa mesa nina Ken muna siya naglagi. Katatapos lamang niyang maipakilala ang mga ito sa kanyang mama na agad na lumapit nang makita ang mga ito. Nakita niya rin kung papaano gumuhit ang kakaibang ngiti sa mama niya nang ipakilala niya rito si Ken. Mukhang hindi nga nagsisinungaling ang kanyang kuya Pat na alam ng kanyang mga magulang ang lahat ng nangyari sa kanya.

“Your mom is nice. Para siyang si mommy ko.” Komento ni Nico.

“Nah, I think mas katulad siya ng mommy ko.” Ani naman ni Lantis.

“Ayan na naman kayong dalawa.” Agad na saway ni Maki sa nag-uumpisa na namang pagpapalitan ng salita ng magkasintahan.

 “Is it true na may free accommodation ang mga bisitang gustong magpalipas ng gabi rito? Singit ni Chelsa. Agad naman itong pinandilatan ni Rachalet.

Natawa na lamang siya. Kung noon ay medyo ikinabibigla pa niya ang naiibang ka-praningan nito, ngayon ay medyo nasanay na siya.

“Yep. Bayad ni mama ang k’wartong tutuluyan ninyo if you guys want to stay for the night.”

“Ang bongga!” Naibulalas nito. “Mabuti na lang at may dala akong costume. I’m so loving this!”
“Costume?” Nagtatakang tanong naman ni Matt dito.

“Costume. As in bathing suite para mamaya kung maliligo tayo sa pool makikita niyo ang napakagandang hubog ng katawan ko.”

“Umuwi na lang tayo.” Ang nakangising wika naman ni Jay. Agad itong sinimangutan ni Chelsa na kanila namang ikinatawa.

“it seems finally, nasabi mo na sa parents mo ang totoong pagkatao mo.” Biglang pag-iiba ng usapan ni Ken. “Hindi mo ako ipapakilalang boyfriend ni Matt kung hindi.”

Ngumiti siya. Talagang matalas ito. Wala namang dahilan para itago niya rito ang mga nangyaring pagbabago sa buhay niya kaya isinalaylay niya sa mga ito kung papaano nauwi sa isang magandang pagtanggap ang isang bagay na ilang taon niyang itinago.

“So, alam na pala nila bago pa man sila dumating rito one month ago?”

One month. Napakabilis nga talaga ng panahon. Akalain mong isang buwan na pala ang nakakaraan mula no’ng nangyaring pag-uusap nila ni Andy sa bahay ni Jasper. Nang araw ding iyon ay dumating ang kanyang mga magulang. Kaya pala hindi na sumama sa kanila ang kanyang kuya Pat ay dahil ito ang nangakong susundo sa mga ito. Hindi kasi pinaalam sa kanya ang plano nitong pag-uwi at lalong hindi niya alam na sa araw na iyon darating ang mga ito.

“Darating ba siya, Nhad?” Ang pagbasag sa kanya ni Maki.

Sasagot pa lamang sana siya rito nang lumapit sa mesang kinaroroonan nila ang mama niya.

“Excuse me guys. Anak, another set of visitors is here.” Nakangiti nitong wika sa kanya.

Set of visitors? Napakunot-noo siya sa pagtataka. Dahil sa nakatalikod siya ay bahagya pa siyang lumingon para tingnan ko sinu-sino ang mga bago niyang bisita at gano’n na lamang ang kanyang pagkabigla ng malingunan niya ang myembro ng seventh bar kasama ang mga partners ng mga ito kasama ang kanyang kuya Pat.

Dali-dali siyang napatayo para salubungin ang mga ito.

“Wala kang utang-na-loob. Tinulungan ka na nga namin `di mo pa kami inimbita sa birthday mo!” Sita agad sa kanya ng kanyang kuya Dave. Oo, nakuha na niyang tawaging kuya ang mga ito bilang respeto lalo pa’t malaki ang naitulong nito sa kanya noon.

Napakamot siya sa kanyang ulo.

“Papaano ––”

“I was the one who invited them. Alam ko namang hindi mo sila isinama sa mga inimbitahan mo.” Nakangiting wika ng kanyang mama.

Napakamot siya sa kanyang batok. Ang totoong rason kung bakit hindi niya isinama ang mga ito sa mga taong kanyang inimbitahan ay dahil nahihiya siya. Alam naman kasi niya na mga busy sa kanya-kanyang negosyo ang mga ito.

“Walang utang-na-loob.” Ngingisi-ngising wika ng kanyang kuya Pat.

“Sorry naman. Akala ko kasi masyadong hectic ang mga schedule ninyo at wala kayong panahon sa mga ganitong bagay.”

“Basta galaan at inuman ay hindi namin pinapalampas `yan.” Nakangising wika ng kanyang kuya Red. “Lalo na kung birthday ng isa sa mga itinuturing na naming kaibigan.”

Napangiti siya sa tinuran nito. One month ago ay sumulong ang mga ito sa lugar niya upang patawan siya ng parusa sa isang pagkakamali ngunit imbes na parusa ang makuha niya sa mga ito ay isang napakagandang samahan ang nabuo. Isang samahan na ni sa hinuha ay hindi niya lubos maisip na mangyayari.

“The famous seventh bar owners are here at kasama pa ang mga famous partners.” Ang pagkuha sa kanilang pansin ng mga kaibigan ni Alex.

“And the famous abnoys are here too.” Nakangising wika ni Dave patukoy sa dalawang magkasintahang Nico at Lantis. Agad itong nakatanggap ng batok sa kasintahan nitong si Alex.

“Uhmm…” Hindi niya magawang maitanong ang gusto niyang itanong sa mga ito.

“Itatanong mo ba kung kamusta siya?” Nakangiting wika sa kanya ng kanyang kuya Ace. “Malalaman mo maya-maya parating na ang mga `yon.”

“D-Darating sila?” Ang hindi niya makapaniwalang naitanong. “Pero di ba –– Andy?” Napalingon ang kanyang mga kausap kung saan napukol ang kanyang mga tingin.

“There goes your happiness son.”

Hindi na niya nagawang bigyan ng pansin ang sinabi ng kanyang mama sapagkat awtomatikong naglakad ang kanyang mga paa para salubungin ito. Agad naman itong ngumiti sa kanya ng ubod ng tamis.

“Y-You’re here. Pero akala ko ––”

“Magaling na si Papa. Naging maayos ang operasyon niya kaya pinabalik na ako dito ni Ate Angela para makadalo sa birthday mo. Buti na lang umabot ako.”

Walang pag-aalinlangan niya itong mahigpit na yinakap. Ito talaga ang hinihintay niya ang talagang kukumpleto sa kasayahan niya sa araw na iyon. At ngayong yakap na niya ito ay biglaang nawala ang dalawang linggong pangungulila niya rito.

“I miss you.” Naisaboses niya.

“I miss you too and happy birthday. Mahuhuli ang regalo ko dahil `di ako nakabili sa sobrang pagmamadali ko.”

“You’re more than enough. Hindi ko na kailangan ng regalo.” Kumalas siya sa pagkakayakap dito. “Ano ang sinakyan mo papunta rito at sino ang nagsundo sa ’yo sa airport?”

Ngumiti ito ng ubod ng tamis sa kanya saka itinuro ang lalaking hindi niya agad napansin na naroon din pala at katabi na ito ng kanyang kuya Pat.

“Jasper!” Ang kanyang naiwika.

“Ako nga, wala ng iba pa.” Nakangiti nitong sabi. “Happy birthday bro.”

“Siya ang pinasundo ko kay Andy bilang regalo namin sa ’yo. Kaya ‘wag ka nang umasang may regalo ka pang matatanggap mula sa aming dalawa.” Ani ng kanyang kuya Pat.

Naging mas masaya ang birthday celebration niya nang dumating ang iba pa niyang inimbitahang tao –ang mga kaibigan ng kanyang pinakamamahal. Dumating ang mga ito ilang minuto lang ng dumating si Andy. Wala daw sanang balak pumunta ang mga ito dahil baka ma-out-of-place lamang ngunit nang makatanggap ng text galing sa kanyang kasintahan na pupunta ito kasama si Jasper ay nawala ang pag-aatubili ng mga ito. Doon nakilala ni Chelsa ang kanyang bagong prospect na si Zandro.

Lubos ang kanyang naging pasasalamat sa kanyang mga magulang at mga kapatid sa sorpresang ibinigay ng mga ito sa kanya lalo pa’t iyon ang naging daan para maipon at muli silang magkita-kita ng mga taong naging parte na rin ng kanyang buhay.

“Hindi ko pa rin talaga mapaniwalaan ang lahat.” Naiwika niya habang hawak-kamay silang naglalakad ni Andy sa may dalampasigan na sakop ng resort na iyon. Ang bilog na buwan ang nagsilbi nilang ilaw. Pansamantala nilang iniwan ang kanilang mga kaibigan na nagkakasayahan at nag-iinuman para magkaroon sila ng pagkakataong makapag-usap.

“Ang alin? Iyong tungkol kay Jasper at Kuya Pat?”

“Isa na rin iyon. Pero  ang mas matindi ay itong  relasyon natin. I thought I was going to lose you forever that day.”

“But you didn’t. Mali lang ang  naging conclusion mo sa huling sinabi ko kaya ka nag-emo.” Napatawa ito.

Tumigil siya dahilan para maputol ang pagtawa nito. Nang magtama ang kanilang mga mata ay tinitigan niya ito ng buong pagmamahal.

“Thank you for the second chance babes.” Sinsero niyang wika rito. “Thank you for not giving up on me kahit napakalaki ng naging pagkakamali ko sa ’yo noon.”

“You don’t need to thank me. Pinatunayan mo sa akin na hindi ako nagkamali nang pinaniwalaan ko lahat ng sinabi mo sa akin sa araw na iyon. Mahal kita Nhad, hindi namatay ang pagmamahal ko sa ’yo sa mahigit na dalawang buwan na hindi tayo nagkita. I was just too scared to admit it to you the 1st time that we’ve talked lalo na no’ng aminin mo sa akin na you unconsciously used me. Pero matapos kong marinig ang lahat ng pagtatapat mo at makita ko sa mga mata mo ang pagmamahal na matagal ko nang gustong makita sa ‘yo sa  I chose to risk again. Of course with you.”

“Pero kailangan ba talagang paiyakin mo muna ako ng husto bago mo ako pinigilan?” Nakalabi niyang tanong rito.

Inihit ito ng tawa.

“I’m sorry. ‘Di mo kasi ako pinatapos agad, eh.” Ani nito sa maluha-luha na sa kakatawa.

“Sinadya mo iyon, eh. Sinadya mong ibitin ang mga huling sinabi mo para paiyakin ako ng husto.” Nakalabi pa rin niyang wika.

“Hindi kaya!” Pagtatanggol naman nito.

“P`wede mo bang ulitin iyong sinabi mo noon bago ako tuluyang makalabas ng k’warto ni Jasper? Gusto ko kasing marinig ulit.”

“Alin? Iyong hindi ko mapagbibigyan ang hiling mo?” Nakangisi nitong sabi.

Sinimangutan niya ito.

“Dahil hindi ko kayang hindi ka mahalin ng tulad ng pagmamahal ko sa ’yo sapagkat hindi nawala iyon bagkus lalo pang tumindi.”

Napangiti siya nang muling marinig ang mga salitang nagbigay sa kanya ng ibayong kasiyahan sa araw na iyon. Hinapit niya ito sa baywang para mapadikit ito sa kanya saka niya inangkin ang mga labi nito na malugod naman nitong tinanggap. Walang pagsidlan ang kanyang kaligayahan sa gabing iyon lalo pa’t nauna na ng isang buwan ang pinakamagandang regalong natanggap niya sa tanang buhay niya at iyon ay ang pangalawang pagkakataong ibinigay sa kanya ni Andy.

Tama ang naging desisyon niyang ipaglaban ito. At hindi rin niya pinagsisihan ang ginawang pagmamakaawa rito because Andy was all worth it.

Nang matapos ang kanilang malalim na halikan ay nagpalitan sila ng matatamis na ngiti at tinanaw ang sumasayaw na buwan sa ibabaw ng malawak na karagatan.

“Paano pala nabaling ang pagtingin ni Jasper kay Kuya Pat? `Di ba patay na patay  sa iyo ‘yon?” Ang naitanong niya rito. Hindi talaga kasi malinaw sa kanya ang mga nangyari. Masyado kasing malihim ang kanyang kuya Pat at hindi niya ito mapilit magk’wento.

Bahagya itong natawa.

“Dahil sa kagagawan ni Miles.”

Nangunot ang kanyang noo dala ng pagtataka.

“What do you mean?”

“Tulad ng sinabi ko sa ’yo noon, hindi naging kami ni Jasper. Bumalik lang ako sa kanya dahil kailangan niya ako noon ng husto. Jasper did everything para magawa ko ulit siyang mahalin pero dahil ikaw na ang mahal ko talaga sa panahong iyon ay hindi ko nagawa. Pumayag akong gamitin niya ang ––”

“Skip that part.” May himig ng pakiusap niyang sabi. Ayaw niya kasing marinig ulit dito ang ginawa nitong pagsasakripisyo para sa isa sa mga kaibigan nito. Nasasaktan kasi siya hindi dahil hindi niya matanggap na may ibang umangkin dito kung hindi dahil naalala niya kung gaano siya ka-gago ng mga panahong iyon.

“Si Jasper ang isa sa mga taong kayang basahin ang laman ng utak at puso ko sa isang tingin lang. Sa unang tingin ay sasabihin mong selfish siya, but the real jasper is not that selfish. Tulad mo ay lumaban lamang din siya. Ipinaglaban lamang niya ang nararamdaman niya. Katulad lamang siya ng ibang taong tulad ko na hindi agad tinanggap ng mga magulang nila. Pinilit siya sa isang buhay na hindi niya gusto but when he finally had the guts na gawin ang gusto niya, walang pag-aalinlangan niya iyong ginawa. Pero hindi lahat ng bumabalik ay may binabalikan. He lost me at kahit medyo naging kumplikado muna ang lahat bago niya natanggap iyon at least nagawa niya.”

“Then how did he ended up with kuya Pat?” Interesado talaga siya kasi napapansin niya ang kakaibang kinang sa mga mata kanina ng pinsan niya.

“When he finally accepted the fact na hindi na siya ang taong mahal ko. Sinubukan niyang isaayos ang lahat ng maling nagawa niya with the help of Miles. But they knew na hindi magiging madali since na galit ka sa akin noon.”

“Akala ko lang galit ako sa ‘yo.” Pagtatama niya rito.

Liningon siya nito at nginitian.

“Sige ibahin ko. But they knew na hindi magiging madali since akala mo galit ka sa akin. That is why humanap sila ng tulong para maiparealize sa ’yo ang pagkakamali mo.”

“Si kuya Pat ang hiningan nila ng tulong?”

“Nope, sina kuya Red. Sila ang nag-contact kay Kuya Pat dahil kung may isang tao man daw na hindi mo p’wedeng tanggihan ay si kuya Pat iyon.”

Napapalatak siya.

“So everything they have told me was a lie? Hindi totoong pinapahunting ako ng kapatid mo sa kanila?” Hindi niya makapaniwalang sabi.

“No. Totoong galit na galit sa ’yo ang ate ko. Natulungan ka lang ng parents mo na magpaliwanag ng dalhin sila ni Kuya Pat sa bahay nina Ate. Sila ang nagpaliwanag para sa ’yo.”

“Damn! Naisahan na naman niya ako!”

“He’s a manipulative by nature.” Nakangising pagsang-ayon sa kanya nito.

“Teka lumalayo tayo, eh. Papaano sila naging sila?”

“Jasper, Miles, kuya Pat and the seventh bar members decided to team up. Pinagplanuhan nilang mabuti kung papaano ka gigisingin sa kahibangan mo noon.”

“Aray, ang sakit mo namang magsalita.” Alma niya rito na tinawanan lang nito.

“Sinimulan nila ang plano after ko magresign sa pagiging barista pero dahil busy ang iba pang miyembro ng seventh bar ay nauna na lang muna sina Kuya Pat, Jasper at Miles. Doon naman ibinigay ni Miles kay Jasper ang taong dapat niyang pag-ukulan ng pansin.” Nakangising wika nito.

“Si kuya Pat?”

Tumango ito ng tatlong beses.

“Wew! So habang pinaplano nila ang gagawing pagpapaintindi sa akin ay nade-develop na si Jasper at kuya Pat? At ang lahat ng mga nangyari ay puro palabas lamang nila? Kasama na roon ang biglaang pagdating ng pamilya ko rito?” May bigla siyang naalala. “Kaya pala parang expected na ako ni Miles sa bahay niya nang pumunta ako para hanapin ka.”

“Matatalino silang lahat.” Nakangising wika nito sa kanya. “At siniguro nilang walang ni isa sa ating dalawa ang makakaalam sa binabalak nila. Dahil gusto nilang tayo mismong dalawa ang makakatuklas na mahal pa rin natin ang isa’t isa, at kaya nating panindigan at ipaglaban ito. Don’t worry hindi lang naman ikaw ang nauto ng mga `yon, eh. Ako rin nauto nila.” Napahagikhik ito.

“At talagang tuwang-tuwa ka pa `noh? Teka, kailan mo ito nalamang lahat?”

“Kanina lang habang papunta kami rito ni Jasper. Kanina lang din niya sinabi na official boyfriend na niya si Kuya Pat.”

“Mga loko-lokong iyon. Kaya pala walang nangyaring gulo pagkalabas natin sa bahay ni Jasper. Akala ko pa man din na nadala lang sa usapan ang lahat iyon pala, nakaplano iyon.” Hindi niya matanggap na nautakan siya ng mga iyon. Mamaya pagbalik nila sa mga ito ay makakatikim ito sa kanya ng tig-iisang suntok.

“Pasalamatan na lang natin sila. Nagawa ng plano nilang itama lahat para sa ating dalawa. Tinanggap ka ng pamilya mo at ako naman ay nagawa na ring tanggapin kahit papaano ng pamilya ko. Iyon nga lang ay kailangan munang ma-hospital ang papa bago mangyari iyon at hindi sila gano’n ka supportive sa relasyon natin.”

Muli niya itong yinakap at binigyan ng matamis na halik sa labi.

“Tama na ang suportang ibinigay sa atin ng pamilya ko at kapatid mo kasama ang mga kaibigan niya. Ang importante ay nagkapatawaran na kayo ng mga magulang mo at nakahingi na sila ng tawad sa ’yo. We don’t need everyone to accept us. We just need each other, and we will be okay as long as we have each other.” Wika niya nang maghiwalay ang kanilang mga labi.

Nginitian siya nito nito ay kinantilan ng halik.

“Tara sa k’warto natin nang maiparamdam ko sa ’yo ang pagmamahal ko. Bukas na lang tayo makigulo ulit sa mga ulupong na iyon tutal nag-extend sina kuya Dorwin ng isang araw dito sa resort para sa ating lahat.” Naglalambing niyang wika rito.

“Game!”

Some endings really are bittersweet, especially when it comes to stories of the heart. Sometimes fate throws two lovers together only to rip them apart in the end. Sometimes the hero will finally wake up from deep slumber, get his acts together, and makes the right choice but the timing is all wrong. As they say, timing is everything.

Everything happens for a reason, with the right people, having the right intention, at the right time. Truly, love and life works mysteriously, sometimes we may not see the light of it all at once, but if we’ll just open up ourselves and recover the trust we’ve lost along the way, with ourselves and others, we will eventually see the grand scheme of things. A grand design awaits those who patiently waits and get the courage to fight for that which will bring happiness to their lives and the people around them. There’s always a light at the end of the tunnel.

-----Wakas-----


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment