Tuesday, December 25, 2012

The Devil Beside Me (09)

by: Zildjian

Hinihintay pa rin ni Maki ang magiging pagtugon ni Dave sa kanyang kahilingan. Hindi siya nagbawi ng tingin dito para maipakita rito ang kanyang determinasyon. Si Alex naman na nasa likuran nito ay bakas pa rin ang pagkagulat sa mga mata nito habang nakatingin rin sa kanya. Hindi naman niya ito masisisi. Ilang beses o mas tamang sabihing ilang taon ba niyang itinanggi sa mga ito ang posibilidad na p’wede silang magkaroon ni Jay ng isang romantikong relasyon?


Nakakatawa, kailangan lang pala niya ng isang Janssen Velasco para magising ang kanyang tunay na damdamin. Isang tao na siyang tatapat sa atensyon na ibinigay sa kanya ni Jay. Nakakapagtaka nga lang na sa dinami-rami ng nakarelasyon ng kanyang kababata ay kay Janssen siya talagang tinablan ng matinding selos. Maybe because Janssen was the very first person na lantarang ipinakilala sa kanila ng kanyang kababata bilang kasintahan.

Nagpakawala siya ng buntong-hininga. Kanina pa nati-tense ang mga muscles niya dala ng pinaghalong excitement at kaba sa mga maaaring mangyari sa kanyang binabalak.

“Ano, magagawa mo ba ang hinihiling ko Dave?” Pag-uulit niya sa kanyang katanungan.

“Maki, bakit mo ginagawa ito? Alam mo bang sa gagawin mo ay p’wede mong masira ang meron kayo ngayon ni Jay?” Ang nakabawi sa pagkabiglang wika ni Alex.

Alam niyang hindi siya makakaiwas sa mga gano’ng pagtatanong. Knowing his friends, uusisain ng mga ito ang dahilan ng kanyang biglaang pagbabago ng isip. At nakapaghanda na siya sa mga ito.

“Tama kayo Alex, mahal ko si Jay at iyon ang rason kaya ko gagawin ang lahat para lamang mailayo siya sa Janssen na iyon. And yeah, I’m very well aware about the possible outcome.”

“At gagawin mo pa rin? Iri-risk mo ang pagkakaibigan ninyo ni Jay at sasagasaan mo ang mga taong magiging balakid sa ’yo dahil lang sa na-realize mo na kung ano ba talaga ang gusto mo? This is not like you Maki.” May pagtanggi at pagpapaalalang wika sa kanya ni Alex.

Pumapangalawa si Alex sa kanya pagdating sa prinsipyo. Kaya hindi na siya nagtataka kung bakit hindi nito nagustuhan ang kanyang naging kahilingan sa kasintahan nito.

“We took risk in this world, Alex. Dahil kung hindi tayo susugal, walang mangyayari sa mga buhay natin. Wala akong makitang mali sa ginagawa ko.”

“Eh, si Janssen? Boyfriend niya si Jay. Hindi tama na basta mo na lang siyang itatapon para makuha mo ang gusto mo. Nasaan na ang prinsipyo mo, Maki?” Binalingan nito ang kasintahan. “Hindi mo gagawin ang gusto niya Renzell Dave.”

“Alex?” Ang nagulat niyang sabi. Hindi niya inaasahan ang sinabi nito sa kasintahan. Hindi nga ba’t ang mga ito pa ang nag-uudyok sa kanila ni Jay? Bakit nito ngayon hahadlangan ang mga plano niya.

“No, Maki.” Matatag nitong sabi. “Hindi porke’t alam mo na ngayon na may nararamdaman ka pala kay Jay ay p’wede ka nang mangsagasa ng tao. Kung gusto mo talagang makuha si Jay, gawin mo iyon sa patas na paraan.”

“C’mon Alex!” Protesta niya. “Hindi ko magagawang kunin ang pansin ni Jay hangga’t nandito si Janssen.  He’s into that guy since high school! Pinalabas pa niya akong kasintahan niya para lang makuha ang atensyon ng lalaking iyon. So you see, hangga’t nandito siya at nakatira sila sa iisang bubong ay hindi ko makukuha ang pansin ni Jay. I have to get rid of Janssen Velasco! Iyon lang ang paraan para makuha ko si Jay.”

“Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo, Maki?” Si Alex.

“Maiintindihan mo ako kung ikaw ang nasa kalagayan ko, Alex. When I started to accept my feelings for Jay, sinabayan iyon ng pagsampal sa akin ng isang napakasakit na katotohanan na hindi ako ang taong pinangarap niya. Kung paiiralin ko ang tama ngayon tulad ng gusto mo, magagawa ba niyon na mahalin ako ni Jay? Hindi ‘di ba? Kaya ako na mismo ang gagawa ng paraan.”

Nangako siya sa kanyang sarili na walang ni isang tao ang makakapigil sa kanya. Kaya gagawin niya ang lahat para makumbinsi niya si Alex. Kung kailangan niyang ibaba ng husto ang sarili niya sa paningin nito ay gagawin niya. Gano’n siya ka determinado.

“You can’t manipulate everything, Maki. Lalo na ang nararamdaman ng isang tao.” Ang wika nito. “Masasaktan ka lang din sa huli.”

“Kung masasaktan man ako, at least ginawa ko naman ang lahat ng makakaya ko. I don’t have any other option, Alex. Ayaw kong magkaroon ng regrets sa buhay ko. Ayaw kong darating ang araw na tinatanong ko ang sarili ko ng mga katanungang hindi ko naman magagawang sagutin dahil natakot akong sumubok.” Punong-puno ng pagpapaintindi niyang naiwika.

Nagtaka siya nang humakbang papalapit sa kanya ang kasintahan nitong si Dave. At lalo pa siyang nagtaka ng sumilay dito ang isang napakagandang ngiti. Ngiting bihira niyang makita kay Dave –ang  taong tanging alam lang yatang gawin ay ang mang-asar.

“Tutulungan kita, pare.” Ani nito sabay tapik sa kanyang balikat.

“Renzell Dave?” Ang nagulat namang wika ng kaibigan niya.

 Liningon nito ang kasintahan.

“Tutulungan ko siya hindi dahil sang-ayon ako sa mga plano niya. Dahil ako man, ayaw ko na may taong natatapakan o nasasagasaan. Pero ipinaalala niya sa akin ang isang bagay na hindi ko dapat kinalimutan. At iyon ay noong sumugal ako sa ’yo. Maraming nagbago sa akin noong minahal kita. At ni isa roon ay wala akong pinagsisihan. Marami rin akong natutunan sa buhay. Isa na roon ay nagawa kong pahalagahan ang ibang tao sa paligid ko. Sa tingin ko, iyon ang kailangan ni Maki ngayon. Kailangan niyang sumugal dahil nasisiguro kong pagkatapos ng pakikibaka niya, maganda o hindi man ang kalalabasan ng lahat, marami siyang matutunan.”

“Dave…” Kita niya sa mata ng kanyang kaibigan ang pagkagulat. Marahil ay dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi ito sinunod ng kasintahan nito.

Bumaling muli sa kanya si Dave.

“So, Maki. Nakuha mo na ang sagot ko. Pero `wag kang masyadong magsaya. Hindi lahat ng gusto mo ay pagbibigyan ko. Tutulungan kita oo, pero sa paraan ko, hindi sa paraan mo.”

Wala sa sarili siyang napatango na lang rito bilang pagtugon. Masyadong nakuha ng pansin niya ang mga sinabi nito. Gano’n pala ang pagmamahal. Ngayon, naiintindihan na niya ang mga pagbabagong naganap sa kanyang mga kaibigan. Naging posible ang mga iyon dahil sa kagustuhan ng mga itong mapasaya ang mga taong piniling mahalin ng mga ito. Tulad na lamang ni Dave.

Gagawin ko ang lahat maging tulad lang  nila tayo, Jay. Ang piping naisambit niya sa kanyang isipan.

Matapos makapag-usap at makakain ng almusal dahil sa pamimilit ng mama ni Alex ay sabay-sabay silang nagtungo sa coffee shop para sa meeting nila. Batid niyang hindi pa rin kumbinsido si Alex sa mga plano niya. Ngunit dahil nirerespeto nito ang naging desisyon ng kasitahan ay pinili nitong manahimik.

Sa coffee shop, napag-usapan nila ang tungkol sa pag-invest niya sa negosyo ng mga kaibigan. Ipinaliwanag sa kanya ni Nicollo ang lahat at sa tulong ng batikang si Dave, mas lalo niyang naintindihan ang kalakaran sa negosyo ng mga ito. Walang pag-aatubili niyang pinirmahan ang kasunduan nila at sa araw ding iyon ay naging legal ang partnership nila ng kanyang mga kaibigan.

“So, ngayon, dapat na talaga kitang tawaging sir.” Nakangiting wika sa kanya ni Popoy ng magpaalam siyang sisinghot ng preskong hangin sa mga kaibigang  sa mga oras na iyon ay pinag-uusapan naman ang tungkol sa construction ng itatayo nilang coffee shop.

“Mas kumportable pa rin ako sa, Maki. Pero kung iyon ang magpapasaya sa ’yo, sige hindi na ako kokontra.” Nakangiti rin niyang tugon.

“Mukhang maganda ang mood natin ngayon, ah. May kinalaman ba diyan ang tsismis na naririnig ko na may future na raw kayo ni Jay?”

“Saan mo naman nakuha ang tsismis na `yan? Sa magaling mo bang amo o sa syota niyang transformer?”

Inihit ito ng tawa sa kanyang tinuran.

“Kapag narinig ka ni Lantis na tinatawag mo siya ng ganyan, nasisiguro kong babalatan ka niya ng buhay.” Tatawa-tawa nitong sabi. “Pero totoo ba? May aasahan na ba kami sa inyo ni Jay?” Dagdag pa nitong may bahid ng panunukso.

Kung noon ay naaasar siya kapag ganitong tinutukso siya kay Jay, ngayon ay para pa siyang natuwa.

“Hindi ko alam na may pagkatsismoso ka na rin pala ngayon. Sino ba ang naka-impluwensiya sa ’yo? Ang galing niya, ha.” Sa halip ay tugon niya. Since na hindi pa naman siya sigurado kung magtatagumpay nga siya sa kanyang mga binabalak ay hindi lang muna siya magbibigay ng kahit na anumang kumpirmasyon. Mahirap na, baka masira pa niyon ang plano niya.

Muli itong inihit ng tawa. Minsan ay nakakainggit ang personalidad nitong napakamasayahin. Pero alam niyang sa likod ng mga tawa nito ay naroon ang nagkukubling kalungkutan. Kalungkutan na sanhi ng pagbibigay daan nito sa pag-iibigan ng dalawa niyang kaibigan.

“Papaano mo nagawang isuko si Lantis kay Nico, Popoy?” Out of curiosity ay naitanong niya. Hindi naman kasi lingid sa kanya ang kaalamang minsan na rin nitong minahal ang kaibigan-cum-kababata nitong si Lantis.

Bigla itong tumigil  ito sa pagtawa.

“Sagot!” May pagbibiro niyang wika nang hindi ito agad tumugon.

“Dahil alam kong mas liligaya siya kay sir Nico.” Seryoso nitong tugon. “Iyon lang naman ang gusto nating mangyari sa mga taong mahal natin hindi ba? Ang makita silang masaya. Tsaka, ano ang laban ko kay sir Nico? Siya ang taong pinangarap ni Lantis. Ako, isang kaibigan lang ang tingin niya sa akin.”

Siya naman ang napipilan sa naging tugon nito. Pareho pala sila ng sitwasyon ni Popoy. Ang pagkakaiba lang nila ay determinado siyang ipaglaban ang kanyang nararamdaman. Hindi siya basta susuko at magpaparaya. Iyon ang kanyang napagdesisyunan sa nagdaang gabi.

“Pero masaya na rin ako. Nakapag-aral ulit ako dahil sa tulong ni sir Nico. Binigyan niya ako ng desenteng trabaho at magandang posisyon dito sa coffee shop. Ngayon, buwan-buwan na akong nakakapagpadala sa amin. Ano pa ang hihilingin ko?”

“Pero sapat na nga ba ang lahat ng iyon?” Naitanong niya. Ngunit hindi iyon para kay Popoy kung hindi para sa kanya. Gusto niyang tanungin ang sarili kung magiging sapat bang kapalit ang mga gano’ng bagay para magpa-ubaya siya.

Nakangiting umiling ito sa tinuran niya.

“Hindi sapat, Maki. Pero kailangan nating tanggapin na may mga bagay na hindi nakalaan para sa atin. Sa gano’ng paraan ay magagawa nating makontento sa kung anuman ang meron tayo.”

No. He won’t settle for that kind of thinking. Naniniwala siya na kapag ginusto ng isang tao ay magagawa nito ang mga bagay na imposible. Hindi niya basta na lamang isusuko si Jay. Ngayon pa’t alam na niya sa sarili niya kung ano nga ba talaga ito sa kanya.

“Magkaiba pala ang pananaw natin Popoy.” Kapagkuwan ay wika niya. “You may be right that sometimes we have to accept that there are things that are not meant for us. Pero nasa determinasyon ng tao nasusukat kung ano ba ang p’wede o hindi para sa kanya. Hangga’t hindi mo pa nagagawa ang lahat ng p’wede mong gawin, hindi mo pa p’wedeng sabihin na hindi para sa ’yo ang isang bagay.”

Kita niya kung papaano sumilay sa mga mata nito ang amusement. Bumilib ba ito sa kanyang mga sinabi o sa kanyang determinasyon na hindi mababali ng kahit na sinuman? Kung alin man sa dalawa ay bahala na ito. Ang importante ay lalo lamang niyang nakumbinsi ang sarili na ang ginagawa niya ay tama.

“Mukhang may pinaghuhugutan tayo, ah.” Ang nakangiti na nitong wika. “But you’re right Maki, nasa determinasyon ng tao ang tagumpay niya. Iyon ang wala ako noon pero kapag umibig ulit ako, sisiguraduhin kong hindi na ulit ako basta na lamang susuko. Lalaban ako tulad mo.”

“Dapat lang!” Nakangisi na niyang tugon dito na nilakipan pa niya ng pakikipag-high five. Iyon ang naabutan ni Lantis na eksena nang bigla itong sumulpot.

“Hinahanap ka na nila sa loob, Maki.” Wika nito sa kanya saka bumaling kay Popoy at nagpakawala ng isang ngiti. “Mukhang nagkakasundo kayo nitong newly unleashed Devil naming kaibigan, ah.”

“Oo nga, eh. Sabi nga pala niya transformer ka raw.” Ngingisi-ngisi namang pambubuking sa kanya ni Popoy.

“Linalaglag mo ako!” Asik niya kay Popoy na tinawanan lang siya. Ang sarap talaga nitong kasama at kausap.

Pinukol siya ni Lantis ng masamang tingin.

“Oh, bakit ganyan ka makatingin? Si Nico ang nagpa-uso niyon, ha!” Depensa niya.

Nang makabalik sila sa pribadong k’warto ng kaibigan niyang si Nico sa coffee shop nito ay doon niya napag-alaman ang mga napag-usapan ng mga ito. Nakapagdesisyon ang kanyang mga kaibigan-cum-kasosyo na sa katabi ng Seventh Bar itatayo ang kanilang coffee shop. Agad naman niyang inaprobahan iyon ng walang pag-aatubili. Batid niyang kung may tao mang mas lalong nakakaalam pagdating sa diskarte patungkol sa negosyo ay si Dave iyon na siyang nakaisip ng ideya.

Matapos ang masinsinang usapan na iyon ay sabay-sabay silang nag-lunch ng mga kaibigan. Dinala sila ni Dave sa isang restaurant na pagmamay-ari ng isa sa mga kaibigan nito na minsan na rin niyang nakilala. Si Lance o Laurence Cervantes – Samaniego.

“Si Jay ba ay hindi pa tumawag?” Ang naitanong ni Nico. “Hindi yata ako sanay na hindi natin siya kasama sa mga ganitong pagkakataon.”

“Masyado siyang busy sa lalaki niya.” Kumento naman niya.

“Selos ka naman.” Ani naman ni Dave na bakas ang pang-aasar.

“Tungkol sa bagay na iyan.” Pagsali ni Alex. “Gusto kong hayagang sabihin na hindi ako sang-ayon ssa plano mo, Maki.”

Sinasabi na nga ba niya na tutol talaga si Alex sa gagawin niya. Buti na lamang at nakuha niya ang simpatya ng kasintahan nito.

“Hayaan muna natin siya sa ngayon, Alex.” Ani naman ni Nico. “Hindi rin naman natin siya mapipigilan. Ang magagawa lang natin sa ngayon ay ang masiguro na hindi makaka-apekto sa pagkakaibigan natin ang mga gagawin niya.”

“Don’t worry hindi ko idadamay ang pagkakaibigan natin sa gagawin ko.” Naninigurado naman niyang wika.

“Ano ba talaga ang binabalak mo, Maki?” Si Lantis.

“Simple lang.” Ani niya. “Ang makuha siya kay Janssen Velasco.”

“At paano mo naman gagawin iyon?” Si Lantis ulit.

“Sa paraang alam ko.” Walang paligoy-ligoy niyang tugon.

“Kinikilabutan ako sa’yo, Maki – Teka, di ba sina Jay `yon?”

Pare-pareho silang napalingon sa tinurong dereksyon nito. Hindi nga ito nagkamali, sa pamamagitan ng glass wall ng restaurant na iyon ay kita niya ang nakakatawanan pang sina Jay at Janssen na papasok rin sa restaurant kung saan naroon sila.

Agad na nangunot ang noo niya. Hindi talaga niya matagalan ang makita itong kasama ang karibal niya. Oo, iyon na ngayon ang tingin niya kay Janssen, isang karibal.

“Jay!” Pagtawag ni Lantis sa pansin nito.

“Narito rin pala kayo?” Nakangiti nitong bati nang makalapit ang mga ito sa kanila. “Buti na lang pala dito ko dinala si Janssen. Ayon kasi kay Ken, masarap daw ang chopsuey nila dito.” Dagdag pa nito na ang tinutukoy ay ang dati nitong katrabaho sa call center.

“Dito na lang kayo umupo.” Paaanyaya niya pilit `di ipinahalata ang namumuo na namang paninibugho sa kanyang sistema. Oras na para simulan ang kanyang mga plano.

Kita niya ang pagtataka sa mga mata ng mga kaibigan. Lalo na si Nico na hindi napigilan ang mapataas ang dalawang kilay sa kanya. Hindi niya pinansin iyon agad niyang sinenyasan ang isang waiter na lumapit.

“Ikuha mo nga kami ng dalawa pang upuan para sa mga kasama namin.” Utos niya rito.

“Ah.. eh..” Ang tila nahihirapang wika ni Jay. “First time kasi naming kakain sa labas na magkasama, Maki, eh. Sa ibang mesa na lang muna kami ayos lang ba?”

“Gano’n ba?” Kunyari ay dismasyado niyang tugon kahit sa loob-loob niya ay nagsisimula ng kumulo ang dugo niya. Tinanggihan ng kanyang kababata ang kanyang paanyaya dahil lamang gusto nitong ma solo ang kasintahan nito.

“Hindi.” Biglang pagsabat ni Janssen. “Dito na tayo sa kanila. Mas maganda nga iyon, eh, marami tayong makakakulitan.”

Lihim siyang napangiti. Alam niyang nais silang i-please ni Jannsen kaya inaasahan na niya na gano’n ang sasabihin nito.

“Pero ––”

“Tama si Janssen.” Agad niyang pagputol sa gagawin pa sana nitong pagtanggi. “Tsaka, ayaw mo ba niyon? Mas lalo pa namin siyang makikilala ng husto.”

Wala na nga itong nagawa pa kung hindi ang sumang-ayon na lamang. Though mababakasan sa mukha nito ang disappointment.

“Siya nga pala Jay, tungkol sa pabor mo.” Pag-agaw ni Dave sa pansin nito. “Natawagan ko na kanina si Tito Arnold. He’s willing to extend Janssen’s vacation. Tutal, maganda naman daw ang naging performance niya sa trabaho for the past four years.”

Agad na napawi ang disappointment nito at napalitan iyon ng excitement.

“Talaga?” Agad itong bumaling kay Janssen. “Narinig mo iyon?”

“But in one condition.” Pagpapatuloy ni Dave.

Muli, lihim siyang napangiti.

“Bakit may kondisyon pa? At ano ba iyon?” Takang tanong naman nito.

“Kailangan niyang bumalik sa cebu next week. Nag-emergency leave raw ang assistant manager doon at kailangan nila ng tao ngayon na hahalili dito pansamantala. Si Janssen ang napili ni Tito Arnold.” Bumaling ito kay Janssen. “Pero hindi ito mandatory pare, nasa sa’yo pa rin kung tatanggapin mo ang alok ni Tito o ipagpapatuloy mo ang leave mo. Though I strongly suggest na kunin mo ‘yon. Madadagdagan na nga ang bakasyon mo, may chance kapang makuha ang posisyon na iyon.”

Kita niya kung papaano mapa-isip si Janssen. Sino nga ba ang hindi, eh halos lahat naman siguro ng nagta-trabaho ay walang ibang ninais kung hindi ang ma-promote. Mapanukso ang ginamit na paraan ni Dave. Walang sino man ang mag-aakala na nakaplano iyon.

“Ilang araw daw ba akong kailangan doon?” kapagkuwan ay wika nito.

Binggo! Mukhang tagumpay sila.

“Isang Linggo. After that, extended na ang leave mo at pang-isang buwan ang magiging sweldo mo sa isang Linggo mong pagta-trabaho with the same rate of assistant manager’s position.”

Ito ang tulong ni Dave sa kanya. Bibigyan siya nito ng isang buong Linggo para magawan niya ng paraan na makuha ang atensyon ni Jay. Alam niyang napakakonte lang kung tutuusin ng ibinigay nitong panahon pero gagawin niya ang lahat maging sapat lamang iyon.

Bumaling si Janssen kay Jay. Nanghihingi ng pag-intindi ang ekspresyon ng mga mata nito. Doon pa lang ay alam na niyang nagtagumpay na ang unang hakbang ng kanyang mga plano.

“Hindi mo naman kailangang magdesisyon ngayon pare.” Wika ni Dave. “Martes pa lang ngayon. You still have until Thursday to decide.”

Pasensiyahan na lang tayo Janssen. Ang napapangiti niyang naisambit sa kanyang isipan.

Itutuloy. . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment