by: Zildjian
“Congratulations!” Nagkaka-isang bati
nila sa dalawang pares na naging malapit na rin sa kanilang grupo. Mga dating
ka opisina ni Jay noong napagtrip-an nitong pumasok bilang isang call center
agent at prin-a-praktis nito ang pagpapaka-low profile nito.
“Thanks Guys. We thought hindi niyo
tototohanin ang pag-abay sa kasal namin.” Nakangiting wika naman ni Rex. Ang
groom sa naganap na kasalan na ilang minuto pa lang na natatapos.
“ Hindi namin p’wedeng palalampasin
ang araw na ito. Makakalibre na nga kami ng pagkain, makikita pa namin kayong
mangiyak-ngiyak sa galak.” Ang nakangiti namang wika ni Jay dito.
“You look pretty, girl. Sana ganyan
din ako kaganda kapag ikinasal kami ni Zandro ko.” Ningning ang mga mata na
animoy nangangarap na wika ng isa sa mga
kasama nila, si Chelsa.
“Zandro?” Ang kunot-noo namang wika ni
Ken na isa ring dating ka-opisina ni Jay. “The same Zandro ba `yan na kaibigan
ni Andy? Sa pagkaka-alam ko, allergic `yon sa’yo, ah.”
Napasimangot si Chelsa.
“Hindi siya allergic sa akin! Sadyang
`di lang siya sanay na babae ang humahabol sa kanya!”
“Totoo ba iyon, Nhad?” Ngingiti-ngiti
namang tanong ni Rachalet. Ang napakagandang bride sa araw na iyon.
“Huh? Ang alin?” Ang tila nagulat
naman nitong tugon.
“Huwag na kayong umasang naiintindihan
kayo niyan.” Nakangiting wika ni Ken. “Paniguradong nakay Andy na naman ang
isip niyan.”
“Parang si Matt mo lang `no? Walang
kwentang kausap kapag hindi ka niya nakikita.” Nang-aasar namang wika dito ni
Jay.
“Speaking of Matt and Andy. Asan
sila?” Si Rachalet.
“Matt is having a meeting with kuya
Claude. Susunod siya sa reception pagkatapos.” Tugon ni Ken.
“Pabalik pa lang dito si Ands galing
sa pagbisita sa family niya. Dederitso na lang daw siya sa reception.” Ani
naman ni Nhad.
Nakakatuwang isipin na ang dalawang
noon ay dating magkasintahan ay pareho ng masaya sa kanya-kanya nitong
relasyon. Alam niyang hindi biro ang mga pinagdaanan ng mga ito. Pero dahil
hindi sumuko sa buhay, heto’t nagawa ulit ng mga itong maging masaya at
kontento. At ang magpapatunay niyon ay ang nakikita niyang kislap sa mga mata
ng mga ito.
“Kung gano’n ay tumayo na kayo riyan
at mag-picture-taking na tayo.” Ang nakangiting wika ni Rachalet. “And by the
way Jay, you look good with a barong tagalog. Nagmukha ka ngayong
kagalang-galang.”
“You bet Mrs. Mantua. Wala nang
maniniwala na isa siya sa mga taong hindi sineseryoso ang trabaho.” Ngingisi-ngisi
namang pagsang-ayon ng ngayon ay legal na nitong asawang si Rex.
“Tigilan niyo akong dalawa at baka ang
sumunod na pagmisahan sa simbahang ito ay ang mga walang buhay niyong katawan.”
Ang napikon namang wika ni Jay sa ginawang pang-aasar ng dalawang bagong
mag-asawa.
Inakbayan niya ito.
“Huwag niyo namang ganyanin si
Jay-Jay. Nagbago na siya.” Ngingiti-ngiti niyang pagtatanggol dito.
Bumaling sa kanya si Jay na nakataas
ang kilay.
“Sino ka? Ano ang ginawa mo sa Maki na
ang misyon sa buhay ay ang palitan sa impyerno si Lucifer? Lumayo-layo ka nga
sa akin at baka ako naman ang saniban mo.”
Nakita niya kung papaano humagikhik
ang bagong mag-asawa pati ang dalawang kanina pa walang imik na sina Maki at
Niko. Habang sina Ken at Nhad naman ay
parehong nakaguhit sa mga mukha ang nakakagagong ngisi.
“In all fairness Jay, bagay kayo ni
Papa Maki. At dahil may Zandro na ako ngayon, ipapaubaya ko na siya sa’yo.” Si
Chelsa ang naglakas loob na magsalita.
“May Janssen na ako `no! Kaya
tigil-tigilan niyo na ang panunukso niyo sa amin!”
“Woah! Nabaliktad na yata ang
sitwasyon. Ikaw naman ngayon Jay ang masyadong affected.” Nang-aasar na wika ni
Lantis.
“Ewan ko sa inyo! Tara na nga at
mag-picture-taking na tayo ng matapos na ito dahil kanina pa nangangati ang
katawan ko sa suot ko!” Wika nito sabay walang lingon likod na nagmartsa
patungo sa may altar.
Sabay-sabay silang napahagikhik ng
kanyang mga kasama at ng ibang taong nakarinig. Sa di malamang dahilan, wala
siyang nakapang kirot ng muling mamutawi sa bibig nito ang pangalan ng kanyang
karibal. Maybe because alam niyang hindi lamang si Janssen ang nasa puso nito,
naroon rin siya.
Kailangan ko lang pakawalan ang
damdamin niya para sa akin na pilit niyang ikinukulong sa kanyang puso. Kapag
nagawa ko `yon, nasisiguro ko ang tagumpay ko.
Dumating nga tulad ng sabi ng mga
kasintahan ng mga ito ang dalawa pang taong masasabi niyang naging malapit na
rin sa kanilang grupo. Sina Andy at Matt. Ang dalawang parehong konektado sa
minsan na nilang nakilalang grupo na mga kaibigan ni Dave. Ang sumisikat na rin
sa lugar nilang Seventh bar owners. Paano ba naman, pati sa lugar nila ay
nag-i-extend na rin ang mga ito ng mga negosyo. Tulad na lamang ng bagong
restaurant na pinuntahan nila ni Jay na pag-aari rin pala ni Claude Samaniego.
At ang architect na nagdesign sa napakagandang restaurant na iyon ay walang iba
kung hindi si Ervin Rome Ruales na isa ring kaibigan-cum-kasosyo ng mga ito. At
ngayon nga, ang balita niya ay plano na ring i-extend ng mga ito ang seventh
bar sa lugar nila.
“Ano na ang nangyayari sa mga plano mo
Maki? Wala `ata akong makitang pagbabago sa sitwasyon niyo ni Jay.”
Abala ang lahat sa pakikipagsaya sa
mga bagong kasal. Si Jay at ang iba pa nilang kasama sa eksklusibong mesa para
sa kanila ay hayon at nagkakasayahan na.
“Anong plano, Nico? Wala na ako
niyon.” Kaswal niyang sagot habang ang tingin ay nakay Jay na tulad ng ibang
abay ay nakikigulo sa programang inihanda ng organizer.
Napakunot-noo ito.
“So, are you saying that you have
already given up Jay? At ngayon, ang pagbabagong pinapakita mo ay para lamang
tuparin ang pangako mo sa pagkakaibigan ninyo?”
Bumaling siya rito.
“Wala akong balak i-give up si Jay,
Nico.”
“So, ano ang gagawin mo? You’re
running out of time, Sa makalawa na ang balik ni Janssen. Hindi mo naman siguro
nakakalimutan iyon di ba?”
“Nope. In fact, naghihintay na rin ako
sa pagdating niya.” He casually said.
Bumakas ang matinding pagtataka sa mukha
nito.
“What do you mean?”
“Lalaban ako ng harapan sa Janssen na
iyon. Kung kinakailangan kong makipagtagisan sa kanya maipakita lang kay Jay na
ako ang taong dapat niyang mahalin ay gagawin ko.” Bakas ang determinasyon
niyang tugon.
“Paano? Alam mong wala kang –– Teka,
may nalalaman ka ba hindi mo sinasabi sa akin, Maki? Kilala kita, hindi ka
magdidesisyon ng ganyan kung wala kang pinanghahawakan.”
Malakas talaga ang pakiramdam nitong
kaibigan niya o baka nga sadyang kilala lang nila ng husto ang bawat isa.
Either way, wala naman sigurong problema kung sasabihin niya kay Nico ang lahat
ng kanyang mga narinig mula kay Jay. Tikom ang bibig nito kaya wala siyang
dapat ipag-alala.
Huminga muna siya ng malalim bago niya
sinabi rito ang lahat ng mga narinig niya kay Jay noong malasing ito ng husto.
Bumakas sa mata ni Nico ang pagkagulat. Tulad niya, hindi rin nito inaasahan
ang kanyang mga nalaman sa kababata.
“So, tama nga kami ni Lantis.” Wala sa
sariling naiwika ni Nico pagkatapos. “Tama ang interpretasyon namin sa mga
behaviour niya noon sa tuwing makakatanggap ka ng mga love letters galing sa
kung sinu-sinong babae. ”
“I thought it’s just one of those
times that he was being childish kapag pinagpupupunit niya ang ilan sa mga love
letters na para sa akin. Kasi minsan naman siya pa ang tagabigay sa akin ng mga
iyon.”
“Baka dahil sa alam niya kung kanino
siya dapat ma-threatened. Kilala niyo ni Jay ang isa’t isa di ba? Kaya alam
niyo ang standards ng bawat isa. So, iyong mga pinupunit niya ay `yong mula sa
mga kababaihan na p’wede mong magustohan.” Ani ni Nico.
“ Come to think of it. Iyong mga hindi
ko nga tipo ang siyang itinitira niya at ginagamit na panukso sa akin.”
Bakit nga ba `di pumasok sa isip niya
na may pagtingin sa kanya si Jay? Sabagay, masyado pa silang mga bata noon at
wala pa sa isipan niya ang salitang pag-ibig. They were second year high school
that time for Pete’s sake. Kung hindi mga homework ang nasa isip niya, ay mga
sandamukal namang project ang naghahari sa kanyang utak dahil ayaw niyang
biguin ang mga magulang nito na siyang sumagot sa kanyang pag-aaral ng mag-high
school siya. Kaya nga naging misyon na niya sa buhay ang patinuin ito bilang
pambawi sa tulong na ibinigay ng mga magulang nito sa kanya.
“So, papaano mo bubuhayin ang dating
damdamin ni Jay para sa’yo?” Si Nico.
“Walang bubuhayin Nico dahil hindi
naman namatay iyon. Alam kung nasa puso pa rin ni Jay ang damdamin niya noon sa
akin. He’s just suppressing it. Ang magpapatunay diyan ang pagbabago ng mga
kilos niya pagkatapos naming makapag-usap kagabi sa restaurant.”
“Pababago?”
“Unlike me, Jay is not a great
pretender. Matapos kong patotohanan sa kanya na ang wala sa oras kong pag-amin
noon ay nagkaroon ng malaking pagbabago ang pakikitungo niya sa akin. He can’t
even look straight into my eyes every time mabibgiyan kami ng pagkakataon.
Kahit sa bahay, pagka-uwi namin kagabi, ramdam ko ang pagiging uncomfortable
niya habang nasa iisang kama kami.” Pagkukwento niya.
“And?”
“He will deny my feelings for me para
patunayan sa akin na marunong na siyang
mag-commit ng sarili niya. Na si Janssen
talaga ang mahal niya. That is why he’s trying his best na ipakitang hindi siya
apektado sa mga sinabi ko.”
“That’s quite a conclusion pare. Paano
kung mali ka? Paano kung talagang dinaig na ni Janssen ang nararamdaman niya
noon sa’yo?”
Umiling siya rito.
“Mas may pinagsamahan kami ni Jay. Oo
nga’t nasaktan ko siya noon sa tuwing itatanggi ko ang posibilidad na p’wede
kaming magkaroon ng romantikong relasyon pero makakaya kong bumawi.”
“At ang pagbawing gagawin mo ang
gagamitin mo para mapakawalan niya ang tunay niyang nararamdaman sa’yo? At `yon
ang rason kung bakit hindi mo na kailangan pang mabahala sa muling pagdating ni
Janssen?”
“Yes and No. Nababahala pa rin ako sa
pagdating ni Janssen pero tulad ng sabi ko, handa na akong lumaban ng
harap-harapan sa kanya ngayon.”
“And you mean?” Hindi pa rin makuha
nito ang ibig niyang sabihin.
“I will prove to Jay that I’m much
better and much suited to be his boyfriend.
Na mas sasaya siya sa akin.”
“Oh, boy.” Ang napapalatak na wika ni
Nico. “Mahihirapan ka riyan.”
“I know. Bayad ko na ito sa pananakit
ko noon kay Jay. I will fight fair and square with Janssen Vilasco kahit alam
kung lamang na lamang siya ngayon sa akin. Gigisingin ko ulit ang damdamin sa
akin ni Jay.”
“Well, good luck na lang sa’yo. Gulo
ang hatid niyang binabalak mo, Maki. Pero ngayon, ang guguluhin mo ay hindi ang
pagkakaibigan ninyo ni Jay kung hindi ang utak niya. Mukhang umandar na naman
ang manipulative side mo.”
“Trademark ko na iyon.” Nakangisi
niyang sabi.
“Bahala ka sa buhay mo. Ano, dito ka
lang ba? Mukhang nag-i-enjoy sina Matt at Nhad, parang gusto ko ring makisali.”
“Dito lang muna ako. Mas masarap silang
pagmasdan kesa makigulo. Besides, dito, malaya kong napagmamasdan si Jay ng
hindi niya ako pinagsusungitan” Nakangisi naman niyang tugon.
Napailing ito.
“Mas malala ka pa lang ma-in love.”
Dumating ang pinakahihintay na araw ni
Jay. Ang pagbabalik ng kanyang karibal mula sa ginawa niyang pagpapatapon dito
pabalik ng Cebu sa tulong ni Dave. Kaya hindi na niya ikinataka pa na mas una
itong nagising sa kanya.
“Gano’n ka ba talaga kabaliw sa
Janssen na iyon na kahit ang pagising ng maaga ay nakakaya mong gawin?” Untag
niya rito habang abala ito sa pag-i-empake ng mga damit nito.
“Tulad ng sabi ko sa’yo kagabi, ang
alam ni Janssen ay sa bahay-tamabayan pa rin ako tumutuloy. Hindi niya p’weding
malaman na dito ako sa inyo naglagi. Kaya kailangan kong ibalik ang mga damit
ko doon bago siya dumating.” Ang hindi man lang nag-abalang lumingon sa kanyang
tugon nito.
Isinuklay niya sa kanyang kamay sa
kanyang magulong buhok para ayusin iyon.
“Dahil magse-selos siya gano’n? Ibig
sabihin wala siyang tiwala sa’yo. Akala ko ba mahal ka niyon? Sa pagkaka-alam
ko, kapag mahal ka ng isang tao, kasama sa pagmamahal niya ang pagtitiwala.”
Doon lamang ito napalingon sa kanya na
agad naman niyang sinalubong ng isang napakagandang ngiti.
“Good morning Jay-Jay.”
“Hindi mo naman siguro nakakalimutan
na ang akala ni Janssen ay ex kita hindi ba? Tingin mo, ano ang mararamdaman
niya pag nalaman niyang dito ako sa inyo tumuloy at sa iisang k’warto tayo
natutulog?” Pambabaliwala nito sa ginawa niyang pagbati.
“Oo nga pala `no. Muntik ko ng
makalimutan ang palabas mong iyon.” Nag-inat siya at muling bumalik sa
pagkakahinga paharap dito. “Kailan mo pala ipapa-alam kanya ang totoo?”
“Hindi ko pa alam. Baka mamaya
pagkatapos naming kausapin sina mama at papa”
Mukhang tama ang kanyang sapantaha.
Mamadaliin nito ang maipakilala si Janssen sa mga magulang nito.
“Hmmmm.. Don’t you think masyado pang
maaga para ipakilala mo siya kina Tita at Tito bilang boyfriend mo? At papaano
ka nakakasiguro na matatanggap nga ng mga magulang mo ang relasyon niyo? Kung
relasyon ngang maituturing ang meron kayo.”
Pinukol siya nito ng masamang tingin.
“At ano ang gusto mong palabasin sa
mga huling salitang binitawan mo?”
Nginitian niya ito.
“Wala naman. Naisip ko lang na isang
Lingo mo pa lang siyang nakakasama talaga. Nagkakilala at nagkamabutihan kayo
ni Janssen through net. Meaning, ang mga gusto niyo lang ipakita sa isa’t isa
ang ipinakita niyo. Hindi niyo isinama ang mga traits na p’weding ika-turn off
niyo sa isa’t isa di ba?”
“We are not a pretender, Maki!
Ipinakita namin pareho ang totoong kami.” Alma nito.
“Really? Then how come hindi mo nasabi
sa kanya na noon pa man ay gusto mo na siya?”
“Dahil sisirain niyon ang una ko nang
mga sinabi sa kanya patungkol sa peking relasyon natin.”
“That’s exactly my point. You made
Janssen believe what you want him to believe para makuha mo ang loob niya.
Gumawa ka ng personality na magugustohan niya para maging posible ang gusto
mong mangyari sa inyo.”
“Saan papunta ang usapang ito, Maki?”
Muli siyang napa-upo sa kanyang kama
saka ito seryosong tiningnan.
“Gusto ko lang ipaintindi sa’yo na ang
ilang buwan na pagkakakilala niyo ni Janssen sa net ay hindi pa sapat para
i-risk mo ang lahat-lahat sa’yo. Hindi kapa nakakasigurado kung ikaw ba talaga
ang mahal niya o ang peronalidad na linikha mo noong ka chat mo siya. Dahil
magkaiba `yon Jay. Sabihin mo man na ikaw pa rin iyon dahil ikaw naman ang
nakaharap doon at nakikipag-usap sa kanya, hindi pa rin ang totoong ikaw `yon.
Dahil kung ikaw talaga iyon, wala ka sanang tinatago ngayon kay Janssen.”
Mahaba niyang paliwanag.
Halatang napaisip ito sa kanyang
sinabi dahil hindi ito naka-imik.
“I dare you to tell him the whole
truth. If he can still accept you, ibig sabihin mahal niya ang totoong ikaw.
P’wedi mo na siyang iharap sa mga magulang mo.” Deretsahan niyang pagpapatuloy.
“Hindi ko pa magagawa iyon!” Agad
nitong alma. “Baka layuan niya ako.”
“At kailan mo gagawin? Kapag itinakwil
kana ng mga magulang mo? Tapos kapag iniwan ka niya ay maiiwan kang
walang-wala? Hindi ibig sabihin na kapag na-ipapakilala mo na siya sa mga
magulang mo ay hindi na siya mawawala sa’yo Jay.”
Muli itong natahimik dahilan para
pansamantalang mamayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
“Why are you doing this to me, Maki?
Bakit mo ginugulo ang isip ko ng ganito?” Kapagkuwan ay wika nito.
Aaminin niyang sinadya niyang guluhin
ang isip nito. Pero hindi lang dahil sa pansarili niyang dahilan kung hindi
dahil na rin sa gusto niyang pag-isipan nitong mabuti ang gagawing hakbang.
Ayaw niyang masira ito dahil lang sa gusto nitong patunayan sa kanya na mali
ang tingin niya rito. At syempre gusto rin niyang sukatin kung hanggang saan
ang kakayanin ni Janssen.
“Dahil hindi ako makakapayag na
makikipag-kumpitensiya ako sa taong hindi naman karapat-dapat para sa’yo. He
also have to prove himself that he’s worth my time and effort.” Walang
paligoy-ligoy niyang tugon.
“K-Kumpitensiya? Anong pinagsasabi
mo?”
“Sinabi ko na sa’yo ang nararamdaman
ko di ba? You can’t just expect me to do nothing habang ang taong mahal ko ay
nagpapakabaliw sa ibang tao. Ngayon lang ako nagmahal, at malas mo dahil ikaw
ang taong iyon.”
Itutuloy. . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment