by: Zildjian
Pagkapasok na pagkapasok ni Andy sa
kanyang tinutuluyan ay agad siyang sumampa sa sofa at doon ay pasandal na
naupo. Binalikan niya ang mga nangyari kani-kanina lang at doon gumuhit sa
kanya ang isang ngiti. Hindi niya sukat akalain na makakayanan niyang
makipagsabayan ng salita sa taong unang nagparamdam sa kanya ng hiya.
Hindi siya ang tipo ng tao na
mahiyain. Tulad ng kanyang Ate at mga kaibigan ay praning din siya, subalit sa
lalaking kumuha ng atensiyon niya ay hindi niya maiwasang tablan ng hiya. At
iyon ay talagang nagpapagulo sa kanya noon. Ni minsan ay hindi pa siya naubusan
ng sasabihin, subalit ngiti pa lamang ng lalaking iyon, bigla siyang tumitiklop
at nabubusalan. Ngunit kanina, nagawa niyang makipagbatuhan ng salita rito.
“Leonard Say.” Wala sa sarili niyang
naiwika at sa muling pagkakataon ay pumasok sa kanyang isipan ang imahe nito
mula noong una niya itong makita hanggang sa nangyaring bangayan nila sa
hospital.
Sa bawat pagpapalit ng imahe nito sa
kanyang isipan ay hindi niya maiwasang ikumpara ang sarili niya rito tatlong
taon na ang nakakaraan.
“Sadya nga talagang kayang baguhin ng
pag-ibig ang isang tao.” Muli niyang naiwika. “Ano kaya ang mangyayari sa
gagawin kong ito?”
Muli, sinubukan niyang hanapan ng
kasagutan ang tanong niyang iyon subalit wala. Hindi rin niya alam kung ano ang
kalalabasan ng gagawin niya. Pero kahit na hindi siya sigurado, at kahit may
pag-aalinlangan siyang nararamdaman ay hindi niya magawang umatras.
Minabuti na lamang niyang maligo bago
pa kung anu-ano pang pumasok sa isipan niya at hinayaan na lamang ang kung
anumang nakatakdang mangyayari sa gagawin niya.
Tulad ng kanyang ipinangako, matapos
niyang maligo at makakain ay gumayak na siyang muli pabalik ng hospital kung
saan naroon ang taong kailangan niyang paamuhin. Tutal, panggabi naman ang
trabaho niya at wala naman siyang gaanong ginagawa sa tinutuluyan niya kung
hindi matulog ng matulog ay minabuti na lamang niyang makipagtagisan sa kanyang
bagong kalaro.
Pero bago siya dumiretso sa hospital
ay dumaan muna siya sa isang grocery store para bumili ng p’wede niyang dalhin
sa kanyang pasyente at para na rin sa kanya. Balak niyang doon na lamang
manatili sa hospital hanggang sa pumasok siya sa kanyang trabaho.
Narating niya ang pintuan ng k’warto
kung saan ito naka-confine. Pipihitin pa lamang niya ang siradura nang may
marinig siyang pag-uusap sa loob.
“Bakit nga hindi pa ako p’wedeng
lumabas? Minor lang naman ang mga injuries ko, ah. Bakit kailangan ko pang
magtagal dito?”
Kilala niya ang boses na iyon, at iyon
ay walang iba kung hindi ang masungit na suicidal na lalaki. At mukhang
nagsisimula na naman itong magsungit.
“Dahil iyon ang sabi nila Anthony.
Hindi ka pa raw p’wedeng i-release.”
“At bakit hindi? Ano ba ang gagawin ko
rito?” Ang tila pikon nitong tugon sa kausap.
“Mahiga at magpahinga. Iyon ang sabi
nila at iyon din ang advice ni Doc.”
“Kaya kong magpahinga sa bahay.”
“Sabihin mo iyan kay Doc at sa
dalawang kaibigan mo.”
“Ano bang balak ng dalawang iyon?
Gusto ba nila akong ikulong dito?”
“Who knows. Hindi ba’t kayo ang close?
Siya, kailangan ko pang mag-rounds. Dumito ka muna at babalik na lang ako para
i-check ka.”
“I don’t need someone to check on me.
What I need is to get out of this place!” Halata na ang matinding iritasyon
nito base na rin sa tono ng boses nito.
“Bakit ba ako ang inaaway mo? Kung may
problema ka, doon ka sa mga kaibigan mo magreklamo huwag sa akin dahil
sumusunod lang ako sa pakiusap nila!” Ang tila naman napikon na ring wika na
kausap nito.
Doon na siya nagdesisyong pumasok.
Pero bago niya pinihit ang siradura ay nagpakawala muna siya ng isang malalim
na buntong-hininga para ihanda ang sarili sa muling pakikiharap niya sa taong
wala na yatang ibang alam gawin kung hindi ang magsungit sa lahat ng taong
gustong tumulong sa kanya.
“Good morning.” Ang nakangiti niyang
bungad sa mga ito.
Parehong napalingon sa gawi niya ang
dalawa.
“Ikaw ba si Andy? Mabuti naman at
dumating ka na. Hindi na talaga ako tatagal sa isang ‘to.” Ang parang nakakita
ng pag-asang wika ng babaeng nasisiguro niyang nurse rin sa hospital na iyon.
“Anong ginagawa mo rito?” Kunot-noo
namang salubong sa kanya ng lalaking kaaway ang tingin sa kanya.
“Magbabantay.” Nakangiti niyang tugon
dito.
Dumiretso siya sa maliit na mesa at
doon inilagay ang kanyang mga pinamili.
“Hindi ba’t sinabi ko na sa ’yo na
hindi kita kilangan dito?”
“At sinabi ko rin sa ’yo na wala kang
choice.” Nakangisi niyang tugon saka binalingan ang nurse na nakasunod lamang ng
tingin sa kanya. “Wala namang ipinagbabawal na pagkain sa kanya ‘di ba?”
Nakangiti niyang tanong dito.
“Wala naman. Okey naman siyang kumain
ng kahit na anong pagkain.” Nakangiti rin nitong tugon sa kanya.
“Talaga? Mabuti naman at hindi
masasayang ang mga binili ko.”
“What made you think na kakainin ko
iyang mga binili mo?” Ang tila naghahamon namang singit ng lalaking napakahirap
pakisamahan.
Pinukol ito na masamang tingin ng
nurse na kanina lang ay muntikan na itong patulan saka siya binalingan nito.
“Pagpasensiyahan mo na ang isang ‘to.
Masama yata ang naging epekto sa kanya ng pagkakabagok ng ulo niya sa manibela
kaya ganyan kasungit ‘yan. Anyway, since na nandito ka na, p’wede ko nang iwan
sa ’yo itong isang ‘to. Sisilip na lang ako mamaya kapag wala akong ginagawa.”
Tango at ngiti naman ang itinugon niya
rito. Hindi hinayaang magpaapekto sa pagsusungit sa kanya ng kanyang pasyente.
Nang makalabas na ang nurse ay
binalingan niya ang kanyang mga pinamili. Paraan niya iyon para hindi muna sila
magsalubong ng lalaking hanggang sa mga oras na iyon ay napakasama pa rin ng
titig sa kanya.
Dukutin ko kaya ang mata ng isang ‘to?
Ang naiwika niya sa kanyang sarili.
Narinig niya itong nagpakawala ng
buntong-hininga.
“Anong oras pupunta rito sina Jonas?”
Lihim siyang napangisi. Marunong rin
pala itong sumuko at mukhang napagtanto na talaga nito na hindi siya
basta-basta aalis na lang kahit na ano pang kasamaan ang ipakita nito sa kanya.
“Mamaya.” Matipid niyang sagot na
hindi inaabala ang sariling lingunin ito at baka mahuli pa siya nitong
nakangisi.
“Tanga ka ba o sadyang hindi ka lang
talaga marunong sumagot? Ang tanong ko, kung anong oras hindi kung kailan.”
Medyo nakaramdam siya ng kaunting
pagkapikon sa tinuran nito. Sa boong buhay niya wala pang nangangahas sa
kanyang tawagin siya ng tanga. Pero sa
halip na ipakita niyang tinamaan siya sa sinabi nito ay liningon niya ito na
may nakaplastar na ngiti sa kanyang mukha.
“Tingin mo?”
“Aba’t gago ka kung sumagot, ah.”
“Gago ka rin kasing magsalita kaya
patas lang tayo. Kung gusto mong makatanggap ng matinong sagot galing sa akin,
ayusin mo ang tono ng pagtatanong mo at huwag mong pairalin iyang angas mo sa
akin. Suicidal ka na nga, arogante ka pa.” Ang kaswal niyang tugon rito.
Kita niya kung papaano rumehistro ang
galit sa mukha nito. Kung wala lang siguro itong iniindang pilay at mga sugat
ay nasisiguro niyang kanina pa siya nito binugbog. Alam niyang hindi niya dapat
pinapatulan ang kasungitan nito subalit, hindi rin niya maiwasang hindi tablan
sa mga pasaring nito sa kanya.
Siya na mismo ang nagbawi ng tingin at
muli na lamang binalingan ang kanyang mga pinamili. Mukhang mahihirapan siyang
bigyan ng katuparan ang plano niyang pagtulong dito.
Narinig niya ang pag-iingay ng higaan
nito. Nang muli niya itong lingunin ay nakahiga na ulit ito patalikod sa kanya.
Napabuntong-hininga na lamang siya at tahimik na naupo sa isang upuan na
naroon.
Dumaan ang ilang oras, tanghalian na,
subalit hindi na muli pa silang nag-usap ng taong kanyang binabantayan. Alam
niyang hanggang sa mga oras na iyon ay gising pa ito pero hindi nito inabala
ang sariling lingunin siya. Nanatili itong nakatalikod sa kanya na
ipinagpasalamat naman niya dahil nakaiwas siyang makipag-argumento rito at
nabigyan siya ng layang mapagmasdan ito kahit nakatalikod.
Kasing tigas rin pala ng bato ang ulo
nito. Ang napapailing niyang wika sa kanyang isipan. Kanina pa niya hinihintay
na magreklamo itong nagugutom subalit hindi iyon nangyari.
Nagpasya na siyang tumayo at hinila
ang maliit na mesa papalapit sa higaan nito. Walang mangyayari kong hihintayin
niya itong kusang humingi ng pagkain. Suicidal ito at masyadong matayog ang
pride. Mas gugustuhin pa nitong mamatay sa gutom kesa humingi ng pagkain sa
kanya.
“Kumain ka na. Hindi ka pa kumakain
simula ng dalhin ka namin dito kagabi.” Wika niya.
Hindi siya nito sinagot.
“Kung gusto mo talagang makalabas dito
agad, kumain ka. Lalabas na lang muna ako at maghahanap ng makakain ko.”
Alam niyang hindi ito kakain hangga’t
naroon siya kaya naman minabuti na lamang niyang iwan na muna ito pansamantala.
Tutal, balak naman niyang tawagan ang mga kaibigan upang itanong sa mga ito
patungkol sa sasakyan nito.
Pagkalabas na pagkalabas niya ng
k’warto nito ay agad niyang tinawagan ang isa sa kanyang mga kaibigan.
“Oh, napatawag ka? Kamusta ang
pag-aalaga sa ‘NHAD’ mo?”
Napapalatak siya. Sinasabi na nga ba
niyang hindi makakatakas sa buong barkada niya ang natuklasan ng dalawa niyang
kaibigan. Wala talagang tsismis na pinapalampas ang mga ito.
“Kamusta ang kalagayan ng sasakyan,
Miles?” Sa halip na patulan ito ay minabuti na lamang niyang itanong ang pakay
niya dito.
“Uy, umiiwas siya sa tanong.
Umaartista tayo ngayon, ah. Ayos na, nadala na namin sa talyer. Utang mo sa
akin ang downpayment ko roon, ah.”
“Mabuti naman kung gano’n. Sige,
sabihin mo lang sa akin kung magkano ang damage sa ’yo para mabayaran kita sa
susunod mong buhay.”
“Sinasabi ko na nga ba’t lugi na naman
ako sa ginawa kong pagtulong sa ’yo, eh.” Ang tila dismayado naman nitong wika
sa kabilang linya.
Napahagikhik siya. Ilang utang na ba ang hindi niya nababayaran
sa mga ito pero ni minsan ay hindi siya pinagdamutan ng mga kaibigan niya sa
tuwing mangangailangan siya.
“Huwag kang mag-alala, babayaran ko
iyon pagdating ng tamang panahon.” Ang natatawa niyang sabi.
“Umasa pa ako. So, kamusta ang
pakikibaka mo sa lalaking pinagpapantasyahan mo? May nangyari na ba sa inyo?
Paano niyo ginawa? Inupuan mo ba?”
“Tado! Anong inupuan? Siraulo ka talaga
noh?”
Rinig niya kung papaano ito humagalpak
ng tawa sa kabilang linya. Kakaibang sayad talaga ang meron sa mga kaibigan
niyang ito at masyadong active ang mga utak nito pagdating sa kahalayan.
Bago pa siya tuluyang asarin nito ay
minabuti na lamang niyang tapusin na ang usapan nila. Batid niyang hindi rin
makakabuti kung sasabihin niya ang totoong kalagayan niya sa kamay ng taong
napakahirap paamuhin.
“Mamaya mo na ako pagtripan, kakain na
muna ako at nagwewelga na ang mga alaga ko sa tiyan.”
“Sige, sige.” Ang halatang nagpipigil
pa ring matawang wika nito sa kabilang linya. “Galingan mo ang pag-aalalaga sa
irog mo, ah. Baka iyan na ang chance mo para makuha siya nang hindi mo
kailangang lasingin.”
“Mukha mo!” Natatawa niyang wika saka
ito binabaan.
Sa isang fastfood chain malapit sa
hospital na iyon niya naisipang kumain. Hindi na siya nagtagal at baka kung ano
pang pagpapatiwakal ang maisipan ng kanyang binabantayan. Dali-dali niyang
tinapos ang pagkain at muling binalingan ang kanyang bagong alaga.
Nang makabalik siya sa kanyang
binabantayang pasyente ay ito agad ang hinanap ng kanyang mga mata. Tulad ng
iwan niya ito kanina ay nakatalikod pa rin ito paharap sa dingding pero nang
ibaling niya ang tingin sa mga pagkaing nasa tabi lamang nito ay napangiti
siya. Hindi niya inaasahan na talagang kakainin nito ang mga pagkaing binili
niya at halos ay maubos nito ang lahat ng iyon.
Mukhang gutom na gutom nga siya. Ang
nakangiti niyang naisambit sa kanyang isipan at nang akmang ibabalik na niya sa
dating kinalalagyan ang maliit na mesa ay nagsalita ito.
“Hindi porket kinain ko iyang mga
binili mo ay ibig sabihin may utang-na-loob na ako sa ’yo. Hindi pa rin
mababago ng kinain ko ang katotohanang ikaw ang dahilan kung bakit nakakulong
ako ngayon dito sa lintik na hospital na ito.”
Lihim siyang napahagikhik. Mukhang
hindi pa rin nagbabago ang ka-arogantehan nito kahit nakakain na ito. Pero ayos
na iyon sa kanya, ang importante ay hindi na siya mag-aalala na baka matuluyan
ito dahil sa gutom.
Muli silang natahimik sa loob ng
pribadong k’wartong iyon at dala ng lamig na nagmumula sa aircon ay nakadama
siya ng antok at dahil doon ay hindi niya napigilan ang magpakawala ng isang
malakas na hikab kasabay ng pag-inat niya ng kanyang mga kamay.
“Kung inaantok ka, umuwi ka na lang.
Hindi naman kita kailangan ditto, iniistorbo mo lang ako.” Wika nito na bakas
ang pagkairita.
“Bakit ko pa kailangang umuwi kung
p’wede naman akong makitulog dito?” Nang-aasar naman niyang balik dito.
Sa wakas ay nagawa niya rin itong
mapalingon sa kanya, kaya nga lang ay salubong na naman ang mga kilay nito at
halatang malapit na namang mapikon.
“Hindi ka nagpunta rito para matulog
‘di ba?”
“Yep. Pero dahil sinabi mo naman na
hindi mo ako kailangan ay p’wede siguro akong matulog na lang.”
“Doon ka sa bahay mo matulog.” May
diin nitong utos sa kanya.
“Ayaw ko.” Nakangisi naman niyang wika
rito.
“Nananadya ka bang talaga?”
Nakangisi siyang umiling dito at
napasandal sa kanyang kinauupuan sabay ng pagpikit niya ng kanyang mga mata.
Ang sumunod na nangyari ay ang pagtama ng isang malambot na bagay sa kanyang
mukha. Binato na pala siya ng isa sa mga unan nito.
Ngunit imbes na patulan ito ay lalo
lamang niya itong inaasar.
“Salamat sa unan, ah. Hindi ko alam na
may itinatago ka palang ka-sweet-an.” Wika niya saka may panunuksong yinakap
ang malambot na unan.
Kita niya kung papaano dumilim ang
mukha nito bago muling tumalikod sa kanya. Siya naman ay lihim lamang na
napahagikhik sa muli niyang pagwawagi sa kanilang mumunting laro.
Nasa gano’n silang tagpo nang may
marinig silang mahinang katok mula sa likod ng pintuan ng kwarto nito at
dahan-dahan iyong bumukas at iniluwa ang apat na taong hindi pamilyar sa kanya.
“Oh my god! Ang gwapo mo pa rin kahit
may benda at pasa ka.” Ani ng isa sa mga ito saka siya binalingan. “At may
another fafalicious pa pala dito. Hi fafa,
ano pangalan mo? Single ka ba? Ako kasi single and available.”
“Chelsa umayos ka. Nandito tayo para
bumisita hindi para maghanap ng lalaking papatolsa kabaliwan mo .” Ani naman ng
isa ring babae at saka binalingan ang lalaking sa mga oras na iyon ay nawala na
ang pagkakakunot ng noo at napalitan ng
blankong ekspresyon. “How are you Nhad?” Ang tila may pag-aalala at awa nitong
wika.
“Anong ginagawa niyo rito Rachalet?
Paano niyo nalamang narito ako?” Wala na sigurong lalamig pa sa tono ng boses
nito.
Nanatili lamang siyang nakamasid.
Hindi niya kilala ang mga bagong dating pero nasisiguro niyang malaki ang naging
bahagi ng mga ito sa lalaking ngayon ay wala nang mababakasang kahit na ano
mang emosyon.
“One of your friend texted us so, we
came to pay you a visit.” Tugon naman ng babae. “What happened Nhad?”
“Umalis na kayo hindi ko kailangan ng
bibisita sa akin.” Wala paring ekspresyong pagtataboy nito.
“Ay bitter lang?”
“Chelsa.” May pagsaway na wika ng
babaeng nagngangalang Rachalet.
“Pare, huwag mo naman sana kaming
idamay sa hindi magandang nangyari sa inyo ni Ken.” Ani naman ng isa sa mga
bagong dating. “Kaibigan mo rin naman kami. At hindi naman namin kasalanan ang
nangyari sa inyo ni Ken.”
Hindi ito tumugon.
“You’ve change Nhad.” Bakas ang
pinaghalong pagkadismaya at lungkot sa boses ng babaeng nagngangalang Rachalet.
“Pero hindi ka namin masisi kung bakit ka nagkaganyan at kung bakit pati sa
amin ay galit ka. Siguro dahil inaakala mong itinago namin sa’yo ang tungkol
kay Martin.”
Nag-iwas lamang ito ng tingin dito at
nanatiling tahimik. Siya naman ay pinapakiramdaman lamang ang namumuong tensyon
sa loob ng kwartong iyon.
“Hindi namin alam ang tungkol kay
Martin, Nhad. Nalaman lang namin ang lahat no’ng birthday ni Chelsa. Alam naming nasaktan ka ng husto kaya ka
nagkakaganyan ngayon pero sana huwag mo namang isarado ang isip mo. Hindi lang
ikaw ang nahihirapan ngayon Nhad, at hindi lang din ikaw ang nasaktan sa mga
nangyari.”
“All I want from him was to give me a
chance pero hindi niya ako binigyan ng pagkakataon. Ginamit lamang niya ako at
ginagawang panakip butas.” Bakas ang
panunumbat na wika nito.
“I doubt that.” Ani naman ng isa sa
mga ito. “Hindi ka niya ginamit Nhad, minahal ka niya, alam kong alam mo ‘yan.
Kung may mali man si Ken, iyon ay ang hindi niya nagawang makalimutan ang
nararamdaman niya kay Martin. But he loved you, it may not be as strong as how
he feels for his bestfriend pero minahal ka pa rin niya . At ang pagmamahal na
iyon ang dahilan kung bakit siya nagde-depression ngayon.”
“Tama si Jay.” Pagsingit naman ng isa
na nagngangalang Chelsa. “‘Wag mong i-deny ang katotohang minahal ka ni Ken
dahil lamang nasaktan ka niya, huwag kang maging bitter Nhad.”
“Iyan ba ang dahilan niyo kaya kayo
nandito? Ang pagtakpan si Ken sa panggagago niya sa akin?”
“Hindi Nhad. Gusto lang namin ipaintindi
sa’yo ang lahat. Dahil ayaw namin na nakikita kang ganyan. Naging kaibigan ka
na rin namin and it pains us seeing you like this na halos malaki na ang
pinagbago.”
“Umalis na kayo.” Malamig nitong tugon
saka ito humiga patalikod sa mga kausap.
Kita niya kung papaano mapabuntong
hininga ang mga ito.
“Let’s leave him for now.” Wika ng
lalaking nagngangalang Jay.
“Pero Jay ––”
“Sweety, hayaan na muna natin siyang
makapag-isip-isip.” Ang pagputol naman dito ng isa pang lalaki na kasama nito.
“Rex is right. Huwag muna nating
ipilit na maintindihan niya ang lahat.” Wika naman ni Chelsa saka siya
binalangin. “Kaano-kaano ka niya?”
Hindi naman agad siya nakapagsalita
agad dala ng pagkabila. Abala pa siyang i-absorb lahat ng usapang kanyang
narinig.
“Ah.. kuwan… B-Bantay lang niya ako.”
“Gano’n ba? Ang g’wapo mo naman para
maging bantay. Baka ako p’wedi mo ring bantayan. ” Ang hayagang pagfli-flirt
nito sa kanya.
Kita niya kong papaano mapahagikhik
ang dalawang lalaking kasama nito habang ang isang babae namang nagngangalang
Rachalet ay pabiro itong binatokan at hinila na palabas ng kwarto. Subalit bago
pa man ito tuluyang makaladkad ng kaibigan ay nakahirit pa ulit ito.
“Ano’ng pangalan mo?”
Napangiti na rin siya dala ng
kakaibang kakulitan ng babae.
“Andy.” Tugon niya rito at tuluyan na
nga itong nakaladkad ng babaeng kasama nito palabas ng kwartong iyon.
Itutuloy. . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment