Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (04)

by: Zildjian

Ilang araw ang nakalipas matapos ang huling pag-uusap nila Andy at Jasper. Inubos niya talaga lahat ng p’wede niyang mailabas sa gabing iyon sa pamamagitan ng pag-iyak. Lahat ng hinanakit at lahat ng pagkabigo na matagal na niyang kinikimkim sa kanyang puso.

Araw ng Sabado. Magulo, puno na naman ng tao ang loob ng pinagta-trabahuan niyang bar. Mga taong tulad niya ay gustong makalimot sa mga problemang pinagdadaanan; sa trabaho, pamilya, pag-ibig at kung anu-ano pa.


Nakamasid lamang siya sa nagkakasiyahang mga tao. Malakas ang technong tugtugin sa loob ng bar na iyon, bawat indayog, tawanan, at kulitan ng mga taong nasa loob ay nagpapangiti sa kanya kahit paano. He wanted to forget the pain. Para sa kanya, tama na ang ginawa niyang pagluluksa no’ng huli silang makapag-usap ng kaibigan.

Hindi na muli silang nagkita pa ni Jasper. Magkahalong lungkot at tuwa ang kanyang nararamdaman. Lungkot dahil wala na ang taong ilang taon niyang minahal at tuwa sapagkat sa wakas, matapos ang mahigit na ilang taon ay nagawa na niya ang isang bagay na hinding-hindi niya magawa noon at iyon ay ang putulin na ang naiibang turingan nila ng isa sa mga kaibigan niya.

“Pa-order nga ng gatas.” Biglang bungad sa kanya ng isa sa kanyang mga kaibigan. Nakangisi ito ng nakakagago habang taas baba ang kilay na nakatingin sa kanya.

“Anong ginagawa mo rito?” Tugon naman niya rito.

“Hindi lang ako ang narito, kasama ko ang tatlong bangag.” Sabay turo nito sa iba pa nitong kasama na papalapit na rin sa gawi niya.

“Kamusta ang buhay-buhay kaibigan? Ang daming chikas dito ah! Mukhang mapapalaban ako ngayong gabi.” Saka nito binalingan ang isa sa mga babaeng costumer niya. “Hi miss, I’m Zandro, but you can call me handsome. Can I order you a drink?”

Nakatikim ito ng malakas na batok galing naman sa isa sa mga kasama nito.

“’Di ka pa nga nakakainum, lumalandi ka na. Isusumbong kita sa asawa mo.” Si Marx.

“Aray! Masisira ang buhok ko na ilang oras kong inayos.” Muli nitong binalingan ang babaeng napapangiti na lang sa kalokohan ng kanyang magagaling na kaibigan. “’Wag kang maniniwala sa itlog na ‘to miss, single at ready to mingle pa ako.”

“Wala ba kayong exhaust fan? Sobrang usok naman dito.” Ang nakatakip pa ng ilong na wika ni Keith Ang kanilang dakilang vain na kaibigan.

Napapailing na lamang siya habang nakangiwi. Paniguradong magiging magulo ang gabing ito para sa kanya dahil sa presensiya ng mga dakila niyang kaibigan.

Inukupahan ng mga ito ang mga bakanteng upuan.

“Ano’ng masamang hangin ang nagdala sa inyo rito?” May pagbibiro niyang tanong sa mga ito.

“Wala naman, naisipan lang naming dalawin ka rito sa lungga mo.” Nakangising wika ni Miles. “Asan nga pala ang ninong kong babaero?” Patukoy nito sa boss niya.

Si Miles ang tumulong sa kanyang makahanap ng trabaho sa lugar na iyon at sa ninong nga nito siya inirekomenda.

“Nasa taas, sa opisina niya. Order niyo mga halimaw?”

“Dahan-dahan ka sa pagpili ng itatawag sa amin, Andrew Miguel. Alalahanin mong costumer mo kami ngayon and costumer is always right.” Si Zandro saka binalingan muli ang babaeng katabi lang nito. “Di ba miss?”

Pambihira! Ang kanya na lang naibulalas sa sarili. Basta talaga kakulitan, hindi pahuhuli ang mga kaibigan niyang ito.

“Pasensiya na kayo mga ‘SIR’ hindi na po mauulit. Ano po ba ang gusto niyong inumin?”

Napangisi ang mga ito sa kanya.

“Gatas yung sa akin.” Si Miles.

“Sa akin naman choco-choco.” Ani naman ni Marx.

“Ako tubig na malamig at syempre malinis.” Si Keith.

“Ako coke.” Si Zandro.

Gusto niyang mapapalatak sa puntong iyon. Mukhang nasobrahan na yata ang mga sayad ng mga ito. Ang dalawang babae naman na naroon at nakirinig sa mga kaibigan niya ay napahagikhik. Mukhang na cute-an pa ang mga ito sa kakengkoyan ng kanyang mga kaibigan.

Alam niyang wala siyang makukuhang matinong sagot sa mga ito kaya naman siya na lang mismo ang nag-desisyon kung anong inumin ang ipapainom sa mga ito. Sa ilang taon nilang magkakaibigan alam na niya ang mga gusto at hindi gusto ng mga ito.

Habang abala siya sa paggawa ng inumin ay abala naman ang mga itong pinapanood siya. Lihim siyang napapangiti. Ang mga kaibigan niya ang nag-udyok sa kanyang magtrabaho bilang isang barista. Noon, kuntento na siya na igawa ng mga inumin ang mga ito sa tuwing maiisipan nilang mag-inuman o kung may isa sa kanila ang nagbi-birthday. Bukod sa kanyang kapatid ay sa mga ito rin siya unang nakatanggap ng papuri. At dahil nga kinailangan na niyang mabuhay mag-isa, napilit siya ng mga ito na pumasok bilang barista at i-career ang paggawa ng iba’t ibang klase ng inumin.

Hindi naman siya nagsisisi na mas pinili niya ang gumawa ng inumin kesa tahakin ang isang karera na sa simula pa man ay hindi na talaga niya gusto at iyon ay ang magplano ng mga bahay at building. Gumuraduweyt siya bilang isang Engineer dahil sa kagustuhan ng kanyang mga magulang. Isang kurso na ni sa hinagap ay hindi niya naisipang kunin. Subalit dahil sa gusto niyang mapagbigyan ang mga magulang ay pinilit niyang makapagtapos ngunit imbes na matuwa ang mga ito sa kanya ay itinakwil pa siya ng mga ito nang malaman ang kanyang tunay na kasarian.

“So, bakit kayo lang? Asan si Jasper?” Simpleng tanong niya sa mga ito.

“Naks, hinahanap niya si Casper the user-friendly ghost.” Tukso sa kanya ni Zandro.

“Anong masama?”

Muli itong nakatanggap ng batok kay Marx.

“’Wag kang mag-umpisa, Zandro.” Saway nito sa kaibigan saka siya binalingan. “Hindi namin siya ma-kontak. I think… no, we think na may tampo sa amin si Casper the unwanted sperm.”

“May tampo? Bakit naman siya magtatampo sa inyo?” Takang tanong niya.

“Dahil sa ginawa naming pangingialam sa inyo.” Si Miles. “Hindi niya nagustuhan ang ginawa naming pagpapaalam sa iyo na ikakasal na siya.”

Hindi siya nakaimik. Ayaw na ayaw niya na siya ang pinagmumlan ng kahit na anong  hindi pagkakaintindihan ng mga taong malalapit sa kanya. Kaya nga siya lumayo sa puder ng kanyang mga magulang para maiwasan ang palaging pakikipagtalo ng Ate niya sa mga ito para ipagtanggol siya.

“Cheer up.” Basag sa kanya ni Miles. “Pasasaan ba’t magpaparamdam ulit sa atin ang ulupong na iyon. Hindi niya kaya ang tiisin tayo.”

“Tama! Hindi niya tayo kayang tiisin. Aba, mahirap na ngayon makahanap ng mga kaibigan na bukod sa mababait ay makikisig pa.” Ngingisi-ngisi namang pagyayabang ni Zandro.

“Kami lang ang g’wapo di ka kasali. Tsaka hindi ka mabait. Babaero, p’wede pa.” Bara naman dito ni Marx saka nito tinapik ang kamay ng kaibigang sa mga oras na iyon ay nasa legs na ng babaeng katabi nito. Nagkatawanan na lamang sila.

Habang lumalalim ang gabi ay palakas ng palakas ang tuksuhan nila sa bar counter na iyon. Marami-rami na rin ang naiinom ng kanyang mga kaibigan habang siya naman ay pa-shoot-shoot lang. Hindi naman kasi ipinagbawal ng boss niya ang uminom sa trabaho dahil isa iyong paraan para makibagay sila sa kanilang mga costumer. Huwag lamang silang sosobra at aabot sa punto na malalasing sila at hindi na magagawa ng tama ang trabaho.

“Kamusta na pala iyong sinasabi mong crush mo, Andy?” Ang namumula nang tanong ni Miles. Halatang may tama na ito.

Doon lamang niya muling naalala ang lalaking pumukaw ulit ng interes niya. Matapos ang gabing mapunta ito roon kasama ang mga kaibigan-cum-katrabaho nito ay hindi na ito muling nadalaw pa sa bar nila.

“Oo nga, kamusta na iyon? Hindi mo pa rin ba naiuuwi sa apartment mo? Sabi ko naman sa ’yo na lasingin mo ng todo iyon, para maisahan mo.” Gatong naman ni Zandro.

“Gago! Ginawa mo pa akong desperado.” Natatawa niyang wika rito. “Wala na iyon.”

“Wala na? As in patay na?” Pagsali naman ni Marx. “Nawa’y matahimik sana ang kanyang kaluluwa.”

“Amen.” Si Keith.

“Mga tarantado! Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Wala na, as in kinalimutan ko na ang paghanga ko sa kanya.” Agad naman niyang pagka-klaro sa mga ito.

“Ahhhh.” Ang nagkakaisa naman ng mga itong naiusal.

“Nasabi mo na ba sa kanya na pinagpapantasyahan mo siya kapag taglibog ka?” Si Miles.

“Ina mo! Anong pinagpapantasyahan? Hindi ah!”

Nagbungisngisan ang mga ito pati na rin ang dalawang babaeng hanggang sa mga oras na iyon ay naroon pa rin at masayang nakikinig sa kulitan nilang magkakaibigan.

“Ikaw kaya ang nagsabing para kang maiihi sa tuwing ngingitian ka niya at pupurihin niya ang galing mo sa paggawa nitong mga lintik na alak na ‘to na nagpapasakit na ngayon sa ulo ko.” Ani naman ni Keith.

Napasimangot siya dahil sa katotohang minsan niyang kinakiligan ang lalaking hindi niya lubos akalaing may kademonyohan palang itinatago.

“Aba, mukhang may nangyaring hindi maganda sa pagitan niyo ng eye popper mo, ah.” Ang may pagkasiguradong wika ni Marx.

Muli siyang napasingamot.

“Kung anumang magagandang katangiang sinabi ko patungkol sa kanya noon ay binabawi ko na ngayon.”

“Ayon, so may nangyari nga sa inyo. Ikuwento mo naman para mabawas-bawasan ang pagkahilo ko.” Si Miles ang dakilang tsismoso.

Dahil na rin sa tama galing sa ilang shots niyang ininom ay hindi na siya nagdalawang-isip na ibahagi sa mga kaibigan ang muling pagku-krus ng landas nila ng lalaking ngayon ay paminsan-minsan pa ring sumasagi sa kanyang isipan. Pero tulad ng una na niyang pagkukwento sa mga ito ay hindi niya binanggit ang pangalan nito sa mga kaibigan dahil paniguradong ikapapamahak niya ng husto kapag nagtagpo ang mga landas ng mga ito. Knowing his friends,tiyak ang mga ito ang magbubuking sa kanya.

Isinalaysay niya lahat. Mula nang magpunta ito sa bar nila na may kasamang ibang lalaki at kung papaano ito tumitig at magpakita ng pag-aalala sa kasama hanggang sa muli nilang pagkikita ilang araw na ang nakakaraan at ang biglaang pagbabago nito.

“So, kaya mo naisipang kalimutan ang paghanga sa taong iyon dahil may iba na siyang mahal?” Ang wika ni Keith matapos niyang maisalaysay ang lahat.

“Medyo.”

“At ngayon, broken-hearted siya sa taong minahal niya?” Si Zandro.

“Hindi ako sigurado. Pero sa tingin ko, sinunod niya ang payo ng mga kaibigan niya at ngayon ay nagkabalikan na marahil sila.” Tugon naman niya.

“Paano mo naman nasabi?” SI Marx

“Hindi na kasi siya muling nagpunta pa rito matapos nilang mag-inuman ng mga kasama niya, eh.”

“Akala ko ba kinalimutan mo na siya at ang paghanga mo sa kanya? Bakit parang hinihintay mo pa siyang magbalik dito?” Nakangising wika ni Miles.

Hindi siya nakapagsalita. Huli siya mismo sa kanyang bibig. Oo, akala rin niya ay nakalimutan na niya ang paghanga para sa taong iyon lalo pa’t nakaramdam siya ng pagkainis dito subalit, nang mabigyan siya ng pagkakataong muling matitigan ito noong huli itong mapadalaw sa bar nila kasama ang mga kaibigan nito ay hindi niya maiwasang makaramdam ulit ng kakaiba. Iyon nga lang, hindi niya alam kung ano iyon. Kung awa ba iyon para rito o mas matindi pa.

Kita niya kung papaano magpalitan ng kakaibang tingin at nakakagagong ngisi ang kanyang mga kaibigan. Agad naman niyang sinita ang mga ito.

“Ano iyang pangisi-ngisi ninyong ‘yan?”

“Wala!” Sabay-sabay na wika ng mga ito ngunit hindi pa rin mawala ang mga nakakagagong ngising nakaplastar sa mukha ng mga ito.

Ginising si Andy dala ng malakas na ingay ng cellphone niya.

“Istorbo naman!” Iritado niyang naibulalas saka inabot ang kanyang cellphone na wala pa ring patid sa pag-iingay.

Sinipat niya muna kung sino ang taong gumambala sa kanyang pagtulog bago niya ito sagutin. Lalo lamang nagdagdagan ang inis niya nang makita kung sino iyon.

“Siguraduhin mong importante ang sasabihin mo ngayon sa akin Miles, dahil kung hindi, mapapatay kita sa pang-iistorbo mo sa tulog ko.” Bungad niya sa kaibigan nang masagot niya ang tawag nito.

“May natanggap ka bang text galing kay Jasper?” Seryosong tugon nito sa kabilang linya, na bago sa kanya. Hindi pa naging seryoso sa buhay ang kaibigan niyang ito.

“Text? Hindi ko alam. Nagising lang ako dahil sa tawag mo. Bakit, anong meron? May problema ba? Bakit napakaseryoso mo naman yata.” Ang hindi niya maiwasang sunod-sunod na maitanong.

“Basta, hintayin mo kami riyan. Papunta na kami nina Zandro riyan. Huwag mo na lang muna bubuksan ang mga messages mo, hintayin mo kami.”

“Bakit, ano ba ––” Ang nagtatakang pagtatanong niya sana na hindi niya naituloy nang makarinig siya ng tatlong sunod-sunod na katok mula sa pintuan ng kanyang apartment. “May tao, kayo na ba ang nasa labas?” Sa halip ay naiwika niya.

“Huh? Hindi, nandito pa ako sa bahay hinihintay sila.” Tugon naman nito.

“Gano’n ba? Teka, pagbubuksan ko lang. Hintayin ko na lang kayo rito.” Saka niya pinutol ang linya at nagmamadaling tinungo ang pintuan.

Nang mapagbuksan niya ang taong kumakatok sa likod ng kanyang pintuan ay laking gulat ang agad na rumehistro sa kanya.

“J-Jasper?”

“Oh, bakit para kang nakakita ng multo?” Nakangiti nitong wika sa kanya.

“A-Ano’ng ginawa mo rito?”

Natural lamang na magulat siya at mautal ngayon sa harap nito. Ilang araw din itong nawala at hindi nagparamdam sa kanya at sa iba pa nilang kaibigan. Matapos ang nangyaring inuman nila ng mga kaibigan sa bar na pinagta-trabahuan niya ay isang linggo pa ang lumipas. At sa loob ng isang linggong iyon ay hindi ito nagpakita sa kanya, sa kanila.

“Bakit, hindi na ba ako welcome na puntahan ang isa sa mga kaibigan ko?” Nakangiti pa rin nitong wika.

“H-Hindi naman sa gano’n. Pero…” Ang may pag-aalangan niyang wika sinadyang ibitin ang iba pa niyang sasabihin.

“Pero?” Untag nito.

“Pero akala ko nagtatampo ka sa amin.”

“Iyon ba? Wala na iyon, sa katunayan nga ay na-text ko na sila para maimbitahan mamayang gabi sa bahay, eh.”

“Maimbitahan? Bakit, anong okasyon?”

“Yeah, inimbitahan ko sila para dumalo sa engagement party namin mamaya ni Ivy. The very reason kung bakit ako ngayon nandito. I want to personally invite you to my engagement party.” Hindi pa rin napapalis ang ngiti sa mukha nito.

“E-Engagement P-Party?”

Oo, aaminin niyang sobra siyang nabigla sa sinabi nito. Alam niyang darating ang panahon na kailangan na nitong i-announce ang nalalapit na pagpapakasal pero hindi niya inaasahan na gano’n kabilis darating ang araw na iyon.

“Yeah.” Wika nito. “I want you to be there Andy, as one of my bestfriends. Gusto ko naroon kayo mamaya sa pag-announce ko sa nalalapit naming pagpakasal ni Ivy. Don’t worry, ang malalapit lang naman sa amin ang inimbitahan namin. Ivy and I decided to make it as simple as we want it to be. Konting salo-salo lang at konting programa.”

Hindi niya alam kung bakit biglang namigat ang kanyang pakiramdam. Di ba nga’t ito naman talaga ang gusto niya? Ang maitama nilang dalawa ang pagkakaibigan nila. Kung gano’n bakit parang may kirot sa kanyang puso nang malaman niyang mamayang gabi na ang engagement party nito?

“Sana hindi mo ako biguin Andy. Isa ito sa mga importanteng araw sa buhay ko at sana kung maaari ay naroon kayo para samahan ako. Paano, kailangan ko pang puntahan si Ivy sa kanila. I’ll see you tonight?”

Wala sa sarili siyang napatango rito. Hindi pa rin maabsorb ng utak niya ang lahat ng mga nangyayari dahil sa sobrang bilis nito.

“Great! 7:30, Huwag kang pa-late ha.”

Hanggang sa makaalis na ito ay hindi pa rin siya natinag sa pagkakatayo sa may pintuan. Habang paunti-unti niyang naa-absorb ang lahat ay siya namang lalong pagbigat ng kanyang pakiramdam at sa muling pagkakataon ay nasaktan siya.

Oo, muli na naman siyang nasaktan at katulad iyon ng sakit na naramdaman niya tatlong taon na ang nakakalipas. Isang uri ng pakiramdam na ayaw-na-ayaw na sana niyang maramdaman pa.

“Hindi ka na dapat sumama pa rito Andy.” Kita niya ang pag-aalala sa mga mata ng kaibigan niyang si Miles.

Kanina, dumating ang mga ito at naabutan pa siyang nakatunganga sa may pintuan.  Ayaw na sana ng mga kaibigan niya na pumunta siya sa engagement party na iyon subalit nagpumilit siya. Hindi niya alam kung likas lang ba talaga siyang masokista at gusto pa niyang pahirapang lalo ang sarili niya. Basta, ang alam niya, gusto niyang marinig ang announcement ng kasal nito.

“Ayos lang ako.” Nakangiti niyang tugon.

“This is too much for you.” Si Marx na bakas rin ang pag-aalala sa mukha.

“He can handle this one.” Si Zandro. “Mas mabuti na ang ganito, para tuluyan na niyang mapakawalan ang sarili niya kay Jasper.”

“Pero hindi sa ganitong paraan.” Si Keith. “Tara na, umuwi na tayo, tutal mukha namang hindi tayo kailangan dito. Ni hindi nga tayo nilapitan ng ugok na yan kahit na alam na niyang nandito na tayo.”

“Chillax, Keith. Busy lang siguro siya sa pag-i-entertain ng mga bisita nila.” Pagtatanggol naman niya kay Jasper kahit medyo nakakaramdam na rin siya ng tampo rito.

Kanina pa sila nakarating sa bahay nito kung saan ginaganap ang engagement party nito subalit hindi man lang ito lumapit sa kanila. Para tuloy silang outcast doon.

“Everyone, thank you for coming here tonight.” Ang narinig niyang boses ni Jasper na dahilan para maputol ang kanilang usapan. Nang bumaling siya rito ay nagsalubong ang kanilang mga tingin. “Matagal ng gusto ng mga pamilya namin nitong girlfriend ko na magpakasal kami. Pero dahil gusto muna naming lalong kilalanin ang isa’t isa at mag-focus sa mga career na pinili namin ay hindi agad nangyari iyon. We’ve been separated for 3 years nang umalis ako papunta sa ibang bansa para samahan at i-manage pansamantala ang maliit na business namin doon ng family ko. In fact, tuwang-tuwa sila nang mabalitaan ang naging desiyon namin ngayon ni Ivy. Hindi man sila agarang makakauwi rito ay tiniyak naman ng parents ko na darating sila sa pinakaimportanteng araw ng buhay ko, at iyon ay ang maikasal sa taong pinili kong makasama habang-buhay.”

Parang pira-pirasong pinupunit ang puso niya sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng mismong taong minahal niya ng husto. Isama mo pa, na sa kanya ito nakatingin habang nagsasalita, na para bang gustong-gusto nitong ipakita sa kanya na wala itong pag-aalinlangan sa naging desisyon.

Hindi na niya alam ang gagawin niya sa mga oras na iyon. Gusto niyang umiyak, gusto niyang sumigaw sa sakit, sa ibayong sakit na nararamdaman niya pero hindi p’wede, hindi siya p’wedeng gumawa ng eksena roon. Naramdaman na lamang niya ang mabining paghagod ng mga kamay sa kanyang likod. Nang tingnan niya kung kaninong kamay ang mga iyon ay nakita niya ang awa at sa mga mata ng kanyang mga kaibigan.

“Game over Andy.” Wika ni Zandro. “But we’re still here. Hindi ka namin iiwan at hindi ka namin hahayaang mag-isa. Tayo-tayo pa rin ang magkakampi hanggang sa huli.”

“Masakit ‘yan alam ko, pero at least ngayon, p’wede ka nang magsimula ng bagong buhay mo na hindi na umaasang maari pang maging kayo.” Wika naman ni Marx.

“Things will be fine Ands, you just have to start a new.” Si Keith.

“And we will be with you until the day na kaya mo na ulit tumayo mag-isa.” Si Miles.

Sa muling pagkakataon sa mahabang panahon ay muli siyang nakita ng mga kaibigan niya na umiyak.

“Mauna na akong umuwi. Pakisabi na lang kay Jasper na sumakit bigla ang tiyan ko.” Ang pakiusap niya sa mga ito.

Nagkatingin muna ang mga ito bago sabay-sabay na tumango.

“We understand. Be safe Andy, pupuntahan ka namin bukas sa apartment mo.” Tumango lamang siya sa mga ito at nagsimula nang maglakad papalayo.

Habang mag-isang naglalakad sa gilid ng kalsada ay tahimik pa rin siyang umiiyak. Walang pagsidlan ang sakit na nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Akala niya kaya niya. Buong akala niya ay madali na lang niyang matatanggap ang lahat subalit nagkamali pala siya. Iba pa rin pala ang makikita mismo ng dalawang mata mo at maririnig mismo ng dalawang tenga mo ang buong katotohanang hindi ikaw pinili ng taong pinahalagahan at minahal mo ng husto.

Dahil sa sobrang sakit na nararamdaman at pag-iisip ay wala sa sarili siyang tumawid at hindi niya napansin ang kotseng sa mga oras na iyon ay sobrang bilis ng takbo. Ang sumunod na nangyari ay narinig niya ang matinis na tunog ng mga gulong nito at ang pagsalpok nito sa isang poste na siyang nagpabalik sa kanyang ulirat.

Itutuloy. . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment