Tuesday, December 25, 2012

Bittersweet (05)

by: Zildjian

“Kaano-ano ba kayo ni Mr. Say?” Wika ng doctor sa kanila nang lumabas ito mula sa ER ng hostpital.

“Mr. Say?” Takang-tanong naman ng isa sa kanyang mga kaibigan na agad niya kaninang tinawagan nang mangyari nga ang hindi inaasahang aksidente kani-kanina lang.

“Iyong pasyente na dinala niyo. He’s one of our nurses here in this hospital.” Tugon naman ng doctor.


“Hindi po namin siya kilala. Concerned citizen lang po kami doc.” Pagsasabi ng totoo ni Marx.

“Gano’n ba?” Ang napapatangong wika ng doctor.

“K-Kamusta po ang kalagayan niya, Doc?” Ang hindi naman niya maiwasang maitanong dala ng sobrang pag-aalala.

Sa katunayan ay kilala niya ang taong nasa loob ngayon ng ER. Iyon ang lalaking mula sa pagiging palangiti at masayahin ay biglang naging masungit. Ang lalaking muling pumukaw ng kanyang interes tatlong buwan na ang nakakaraan.

“Well, aside from the head injuries he got, dala marahil ng impact ay napinsala rin ang kanyang kanang braso but he will be fine.” Wika nito saka napailing. “Iyan ang rason kung bakit hindi magandang magmaneho ng nakainom.”

Sabay-sabay silang napabuntong-hininga ng kanyang mga kaibigan. Hindi biro ang kabang pinagdaanan nila kanina sa pag-aakalang matutuluyan na ito.

Nang tuluyang makaalis ang doctor ay siya namang paglapit sa kanila ng dalawang pamilyar na tao. Ang mga kaibigan ng taong masungit na iyon na minsan na rin niyang nakilala sa bar na pinagta-trabahuan niya.

“Andy? Di ba ikaw si Andy na barista sa bar na pinuntahan namin?” Wika ng isa sa mga ito nang mamukhaan siya.

Ngiming ngiti at isang tango ang ibinalik niya rito tanda ng pagtugon.

“Anong nangyari? Mabuti at nadala ninyo siya agad dito.” May pang-uusisang tanong nito sa kanya.

“H-Hindi ko nga rin alam, eh. Ang bilis kasi ng pangyayari. Ang natatandaan ko lang ay ang ginawa niyang pag-iwas na masagasaan ako.” Pag-amin niya.

Alam niyang kasalanan niya ang nangyaring aksidenteng iyon. Kung hindi sana siya tatanga-tanga at wala sa sariling naglalakad kanina ay mapapansin sana niya ang paparating na sasakyan nito.

“Hindi ka naman siguro nasaktan?” Nag-aalang tanong naman sa kanya ng isa na nagngangalang Anthony.

Umiling na lamang siya.

“He’s getting worst every day at ngayon heto ang napala niya.” Kapag kuwan ay wika ng isa na nagngangalang Jonas.

“Kasalanan ko naman kasi.” Mahina niyang usal.

“Huwag mong sisihin ang sarili mo.” Maagap namang wika nito. “Isa lang ito sa mga gulong kinasangkutan niya sa mga nagdaang araw. That guy is a suicidal. Hindi na namin alam ang gagawin sa kanya.” Napapailing pa nitong dagdag.

“Teka lang, ha.” Singit naman ng isa sa mga kaibigan niya na si Marx saka siya binalingan. “Kilala mo sila? At kilala mo ang taong iyon?”

“Naging costumer ko sila sa bar.” Tugon naman niya rito. “Si Anthony at si Jonas, mga kaibigan sila ni Nhad,” Pagpapakilala niya sa mga ito.

“Sino si Nhad?” Takang-tanong naman ni Keith.

“Siya ang kaibigan namin na ngayon ay nasa loob ng ER.” Si Anthony na ang sumagot dito.

“Siya ‘yong Mr. Say?” Si Marx.

“Leonard Say ang buo niyang pangalan at dito rin sa hospital na ito siya nagta-trabaho tulad namin.” Nakangiting tugon naman ni Jonas.

“Ahh..” Sabay na naibulalas ng dalawa.

Nang masigurong nasa maayos na ang lagay ng pasyenteng  dinala nila Andy sa hospital at ma-i-transfer ito sa isang pribadong k’warto ay nagpasya nang umuwi ang kanyang dalawang kaibigan. Sinamahan niya  naman ang mga ito sa labas ng hospital.

“Sigurado ka bang hindi ka pa sasama sa amin?” Si Marx

“Hihintayin ko na lang munang magkamalay ang isang iyon nang makahingi ako ng despensa sa nangyari sa kanya. Tutal, mukha namang walang ibang p’wedeng magbantay sa kanya. Ayon kina Jonas, ang lola lamang daw nito at isang katulong ang kasama nito sa bahay.” Tugon naman niya rito.

“Pambihira talaga, ang daming nangyaring hindi maganda ngayon, ah.” Wika naman ni Keith na nakatanggap ng mahinang siko mula kay Marx.

“Ops! Sorry.” Hinging paumanhin naman nito sa kanya.

Ngiming ngiti na lamang ang ibinigay niya rito. Tama ito, ang dami ngang nangyaring hindi maganda sa loob lamang ng nagdaang gabi.

“Ano nga pala ang sabi nina Zandro?” Pag-iiba niya ng usapan.

“Okey na. Na-areglo na nila ang kotse ng lalaking iyon. Nakauwi na nga sila sa kani-kanilang bahay, eh.”

Ang dalawang kaibigan niya ang nagpaiwan para maasikaso ang kotse ng lalaking naaksidente habang silang tatlo naman ang nagdala rito sa hospital. Malaki ang ipinagpapasalamat niya na dumating agad ang mga ito kanina nang tawagan niya.

 “Gano’n ba? Sige, humayo na kayo’t nang makapagpahinga ang mga katawan ninyo.” Nakangiti niyang wika sa mga ito. “Salamat nga pala sa tulong niyo.”

“Wala iyon. Para ano pa’t naging kaibigan mo kami.” Nakangiti namang wika ni Marx. “Siyanga pala, that guy, siya ba iyon?”

“Huh?”

“Siya ba ang lalaking pinagpapantasyahan mo noon?” Bakas ang panunukso nito sa boses.

“At paano mo naman nasabi iyan?”

“Kutob ko lang. So, siya ba?”

Pambihira talaga ang isang kaibigan niyang ito. Bukod sa pagiging napakaamong tupa nito ay hindi rin matatawaran ang aking talento nito pagdating sa pakiramdaman.

“Hindi.” Nakangisi niyang tugon.

“Siya nga iyon.” Ang tila sigurado namang wika ni Keith. “Kapag ganyan na siya katipid sumagot, ibig sabihin  nagsisinungaling na siya.”

Nagpalitan ng makakahulugang ngisi ang dalawa.

“Alright! Masaya ito.” Wika ni Marx at nakipag-high five sa kaibigang si Keith.

Sapo ang ulong napailing na lamang siya. Paniguradong hindi pa sisikat ang araw ay malalaman na ng kanyang buong barkada ang mga natuklasan ng mga ito at nasisiguro niyang hindi iyon magiging paborable sa kanya.

Nang makabalik siya sa kwarto kung saan na ito ngayon naka-confine ay hindi niya maiwasang mapatitig sa mahimbing na natutulog na pasyente.

Mukhang napapabayaan na nito ang sarili. Bukod kasi sa mga galos na natamo nito at ilang pasa ay hindi rin nakatakas sa kanya ang hindi na naaahit na balbas nito. Taliwas iyon sa lagi niyang nakikitang malinis na mukha ng taong minsan na niyang hinangaan.

Ano kaya ang nangyari sa kanya sa mga nakaraang araw? Hindi niya maiwasang maitanong sa kanyang sarili.

Sa muling pagkakataon ay pinakatitigan niya ito. Naroon pa rin ang maamo at g’wapo nitong mukha. Mga maninipis na labi, matangos na ilong at makapal na kilay nito.

“Leonard Say pala ang pangalan mo.” Pabulong niyang sabi.

Nakakatuwa lamang isipin na habang nakatitig siya sa mukha nito ay nakakalimutan niya pansamantala ang bigat ng lahat ng dinadala niya sa kalooban. Hindi rin niya maitatanggi ang kakaibang pagtibok ng kanyang puso sa mga oras na iyon. The feeling is familiar to him. Iyon ay noong unang beses siya nitong nginitian at purihin nang matikman nito ang kanyang gawang inumin. Doon niya napagtanto na may iba pa palang lalaking p’wedeng kumuha ng kanyang atensyon bukod kay Jasper.

“Kung noon, kapag nahuli ka niya na nakatingin sa kanya ay paniguradong ngingitian ka niyan. Pero ngayon, baka mapaaway ka pa.”

Nang linungin niya ang taong biglang nagsalita ay sumalubong sa kanya ang nakasilip sa pintong si Jonas. Tuluyan na itong pumasok sa loob at maingat na isinara ang pinto.

“Nandito ka pa pala Andy. Asan na ang mga kaibigan mo?”

“Gusto ko kasi siyang hintaying magising para makahingi ako ng despensa sa perwisyong naidulot ko sa kanya dahil sa katangahan ko. Wala na sila, umuwi na para makapagpahinga.” Nakangiti naman niyang tugon rito.

“You look tired, umuwi ka na lang muna kaya at balik ka na lang dito mamaya kung gusto mo talaga siyang makausap.”

Muli niyang binalingan ang wala pa ring malay na si Nhad. Ayaw niyang umalis hindi lang dahil sa nakokonsensiya siya sa nangyari rito kung hindi, dahil na rin sa kakaibang pakiramdam na naibibigay nito sa kanya sa tuwing mapapatitig siya rito. Nagagawa nitong mapalimot sa kanya ang lahat ng dinadala niya sa kanyang dibdib.

“Hindi, dito lang muna ako.” Ang wala sa sarili niyang naiwika.

“Ok, ikaw ang bahala. Mas maganda na ring may nagbabantay sa kanya. On duty pa kasi kami pareho ni Anthony.”

“Asan pala ang mga magulang niya?”

“Nasa states. Doon na ang mga ito naninirahan.” Tugon naman nito.

“Kung gano’n bakit siya nagpaiwan dito?” Takang-tanong naman niya.

“Ang rason na alam ko lang ay dahil ayaw niyang iwan mag-isa ang lola niya rito na siyang nagpalaki sa kanya.”

“Gano’n ba?” Hindi niya maiwasang humanga rito. Alam niyang hindi biro ang mapalayo ng matagal sa mga magulang, dahil siya man ay may katagalan nang hindi nakikita ang mga magulang niya at ang nag-iisang kapatid. Pero ito, mas pinili nitong magpaiwan upang alagaan ang lola nito. Pakiramdam niya ay hindi siya nagkamali sa unang assessment niya rito na mabait itong tao.

“Huwag mo sana siyang husgahan sa mga naipakita niyang ugali sa’yo noong nagdaang gabi. Mabait na tao iyang si Nhad.” Kapagkuwan ay wika ni Jonas. “Siya ang pinakamasayahing taong nakilala ko. Madali siyang malapitan tuwing isa sa aming mga kasamahan niya sa trabaho ang nangangailangan ng tulong, pinansiyal man o kung ano pang pabor na p’wede niyang maibigay. Nagbago lang naman siya bigla dahil sa isang pangyayari na hindi niya nakayanan.” Mahabang wika nito.

“Yung problema niya sa puso? Iyon pa rin ba ang problema niya hanggang ngayon?” Hindi naman niya maiwasang maitanong dala na rin ng kyuryosidad.

Marahan itong tumango.

“He’s now suffering with what we call self-pity. Pakiramdam niya, hindi siya ang taong worthy mahalin, at dahil doon ay sinisira niya ang buhay niya. Isa lang ang aksidenteng ito sa mga resulta ng pagwawala ni Nhad. Three days ago ay nakipagbugbugan siya sa isang disco bar dahil nahuli niyang pinakatitigan siya ng isang costumer doon. Noong isang araw naman ay sa isang g’wardiya naman sa isang restaurant na ayaw siyang papasukin dahil sa nakainom na siya. He’s a complete mess at dahil iyon sa panggagago sa kanya ng Kenneth na iyon.” Bakas ang galit na wika nito lalo na nang mabanggit ang pangalang Kenneth.

“It was a mistake na pinayuhan pa namin siyang kausapin ang gagong iyon. Dahil mas lalo lamang nasaktan ang kaibigan namin.” Pagpapatuloy nito.

Hindi siya nakaimik. Sa halip ay muli niyang binalingan ang tulog na tulog pa ring lalaki. Mali pala siya, ang akala niya nang hindi na ito muli pang bumalik sa bar na pinagta-trabahuan niya ay naisaayos na nito ang problema, lalo lang pala iyong lumala.

Tulad din pala niya ito na may pinagdaraanan din sa buhay. Ang pinagkaibahan lamang nila ay kung siya ay tapos na sa pagwawala, ito naman ay nagsisimula pa lamang.

“Andy?” Untag sa kanya ni Jonas.

Muli naman siyang bumaling rito.

“Nakikita kong pareho kayo ng pinagdaraanan ng kaibigan ko base na rin sa ekspresyon ng mga mata mo. Sana lang, kung hindi naman kalabisan, turuan mo sana si Nhad kung papaano niya dadalhin ang problema niya tulad ng pagdadala mo ng sa ’yo. Malaki ang utang-na-loob namin diyan kay Nhad, at gusto namin siyang tulungan, pero hindi na namin alam ang gagawin.”

Natural na nabigla siya sa mga sinabi nito lalo pa’t walang kahirap-hirap nitong nabasa ang tunay niyang saloobin. Hindi siya agad nakapag-react dahil doon.

“Paano Andy, maiwan muna kita rito at kailangan ko pang mag-rounds. Kapag isa sa amin ni Anthony ang walang ginagawa, sisilip kami rito.”

“S-Sige.” May pag-aalangang tugon naman niya rito.

Hindi na namalayan ni Andy na nakatulugan na pala niya ang ginawang pagtitig sa taong may kakaibang dating pa rin sa kanya sa kabila ng mga pagsusungit nito sa kanya ilang linggo na ang nakakaraan. Ang lalaking sa ngayon ay kapareho ng pinagdaraanan niya.

Kung hindi pa siya nakakaramdam na parang may nakatitig sa kanya ay hindi pa siya magigising. Dahil nakaupo siya sa gilid ng kama kung saan nakahiga ang kanyang binabantayang pasyente, di n’ya namalayang naipatong na pala niya ang kanyang ulo rito at nang mag-angat siya ng tingin ay siya namang pagsalubong ng kanilang mga tingin.

“Anong ginagawa ko sa hospital? At bakit ka nandito? Di ba’t ikaw yung barista sa bar na pinag-iinuman ko?” Nakakunot-noo nitong sunod-sunod na tanong sa kanya.

“Ah.. eh…” Hindi niya alam kung ano’ng katanungan ang una niyang sasagutin. Masyado pang nangungulap ang kanyang  isip dala ng kagagaling pa lamang niya sa dreamland.

“Siya ang naglakas ng loob na magdala sa ’yo rito sa hospital kasama ang mga kaibigan niya.” Bungad naman ng naka-civilian ng si Jonas.

Napatingin siya sa kanyang relo at hindi siya makapaniwalang mag-aalas-otso na pala ng umaga. Ang haba na pala ng tinulog niya.

Binalingan naman nito ang kapapasok lang na kaibigan.

“Anong nangyari sa akin?”

Kita niya kung papaano mapapalatak ang kaibigan nito.

“Naaksidente ka lang naman dahil sa sobrang kalasingan mo at muntik mo pang masagasaan itong si Andy.”

“Oh?” Ang parang tanga naman nitong tugon at napahapo sa ulo.

“Huwag mong masyadong galawin iyan at baka bumukas ulit ang sugat mo. Pambihira ka pare, hindi ka talaga hihinto hangga’t hindi ka namamatay ano?”

“Where’s my car?” Sa halip ay tanong nito hindi pinansin ang panenermon ng kaibigan.

“M-Maayos na ang kalagayan ng kotse mo.” Ang kinakabahan niyang tugon.

“Hindi ko itinatanong kung kamusta na ang sasakyan ko, ang gusto kong malaman ay kung nasaan ito ngayon.” Bakas ang iritasyon nitong sabi.

“Hey, huwag kang ganyan kay Andy, Nhad. Siya ang nagbantay sa ’yo rito buong magdamag.” Saway ng kaibigan nito saka siya binalingan. “Pagpasensiyahan mo na siya Andy.”

Ngiming ngiti lamang ang itinugon niya rito saka muling binalingan ang nagsusungit na namang lalaki.

“Hindi ko pa alam kung nasaan ang sasakyan mo pero nasisiguro kong wala kang dapat ipag-alala roon.”

“Siguraduhin mo ‘yan dahil kapag hindi nabalik sa akin ang sasakyan ko, sa kulungan ang bagsak mo.”

“Nhad!” Saway ng kaibigan nito. “Ano ka ba naman pare, si Andy ang nagdala sa ’yo rito tapos gumaganyan ka pa? Ano na ba ang nangyayari sa ’yo?” Ang tila napikon na ring dagdag nito.

Doon na siya tumayo bago pa ang mga ito ang mag-away. Wala siyang balak na maging dahilan ng pag-aaway ng kahit na sinumang tao.

“Ayos lang iyon Jonas.” Pag-agaw niya ng pansin sa kaibigan nito saka binalingang muli ang lalaking kahit may mga pasa at galos ang mukha ay hindi pa rin maitatanggi ang angkin nitong kakisigan.

“Mr. Suicidal, sinisiguro ko po sa ’yo na maibabalik ng buo ang sasakyan mo kaya wala kang dapat ipag-alala.”

Hindi na siya napipikon ngayon sa ipinapakita nitong kasungitan, naiintindihan na niya ito. Likas lang talaga sa mga nasawi sa pag-ibig ang magsungit. Siya man, pinagdaanan niya rin ang pinagdaraanan nito ngayon at iyon ang naging dahilan para mapapayag siyang tulungan itong makabangon sa abot ng kanyang makakaya. Alam niyang hindi niya ito madadala sa santong dasalan kaya may naisip siyang ibang paraan para makuha ang atensyon nito at mukhang hindi naman siya nagkamali.

“Hindi ako suicidal!” Asik nito sa kanya.

Nginisihan niya ito ng nakakaloko.

“Hindi ba? Kaya pala nakaratay ka ngayon diyan. Easy lang sa pagkukunot-noo at baka dumugo iyang sugat mo at matuluyan ka na. Sayang naman ang lahi mo.”

“Aba’t – – Ikaw ang dahilan kung bakit ako nadisgrasya!”

“Ako? Akala ko ba wala kang naalala.” Ngingisi-ngisi niyang tugon.

“P’wes, naalala ko na ngayon ang lahat!”

“Kung gano’n dapat kang magpasalamat sa akin.”

“At bakit naman ako magpapasalamat sa ’yo?”

“Dahil tinulungan kitang mabigyan ng katuparan ang pagpapatiwakal mo.”

“Aba’t gago ka, ah.” Bakas ang iritasyon sa boses nito.

“Matagal na, fetus ka pa lang.” Nakangisi niyang tugon saka binalingan ang kaibigan nitong sa mga oras na iyon ay bakas ang pagtataka sa mukha. “Pauwi ka na ba Jonas? Tara, sabay na tayo nang makaligo ako at makabalik dito para bantayan itong suicidal mong kaibigan.”

“Hindi ko kailangan ng magbabantay at lalong hindi kita kailangan dito!” Protesta nito.

“As if naman may choice ka.” Tugon niya rito saka hinila ang naguguluhan pa ring kaibigan nito palabas ng k’wartong iyon.

Nang makalabas sila ay doon lamang tila natauhan si Jonas.

“What was that Andy? Bakit kailangan mo siyang i-provoke ng gano’n?” Ang nagugulumihanang tanong nito sa kanya.

“Tutulungan ko siya.” Seryosong wika niya rito.

“Hah? Anong ibig mong sabihin?”

“’Yong hinihiling mo sa akin. Gagawin ko iyon. Ipapaintindi ko sa kanya na hindi niya kailangang sirain ang buhay niya dahil lamang sa isang tao.”

“T-Talaga?”

Tumango siya bilang pagtugon rito.

“Bakit?”

“Dahil kailangan ko rin siya.” Walang ka-abug-abog niyang pag-amin.

Oo, sa tingin niya ay kailangan niya rin si Nhad. Iyon ang napagtanto niya habang magdamag niya itong pinakatititigan. Dahil habang nasa tabi niya ito nakakalimutan niya ang lahat ng sakit na pinagdaraanan niya . Hindi niya alam kung bakit. Hindi rin niya maintindihan kung ano ang meron dito pero lahat ng iyon ay isinangtabi na lamang muna niya.

“Kung gano’n tama pala ang hinala namin ni Anthony sa ’yo. Isa ka rin pala sa kanila.”

“Huh? Anong ibig mong sabihin?” Siya naman ngayon ang nagtaka.

“Na isa ka rin palang kuwan.. ano… ah…” Ang napapakamot nito sa ulong wika. Hindi makahanap ng tamang salitang sasabihin.

“Half-half.” Siya na mismo ang humanap ng salita para rito.

“Ayon! Iyon nga ang ibig kong sabihin.” Ang may alanganing ngiti nitong sabi.

Natawa na lamang siya. Ngayon, medyo gumaan na ang loob niya at iyon ay dahil sa isang taong hindi niya alam na ang taong magbabago ng lahat sa buhay niya.

“Dito na lang ako Jonas, maraming salamat sa paghatid, ah.” Wika niya nang marating nila ang apartment na tinutuluyan niya.

“Walang kaso Andy. Sana nga lang matagalan mo ang topak ng kaibigan naming iyon.”

“Mas malakas ang sayad ko kaya sigurado iyon.” Ngingisi-ngisi naman niyang sabi.

“Alright. Magpapahinga lang ako at susunod ako roon. Iwasan niyo sana ang magpatayan.”

“Sige, susubukan ko.” Ang nakangiti niya namang tugon.

Hindi niya lubos akalain na sa maikling panahon ay mapapalapit siya sa mga taong minsan lang niyang nakilala at dahil lamang iyon sa isang tao na minsan na niyang hinangaan.

Itutuloy. . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment