by: Zildjian
“We’re glad na maganda ang kinalabasan
ng forced leave sa’yo Kenneth.”
“Korek!Mukhang marami nga ang nangyari
sa isang linggong bakasyon mo.”
“May naghatid sa kanya kanina nakita
ko.”
“Sino?” Ang sabay-sabay na wika ng mga
kaibigan-cum-katrabaho kong mga tsismoso at tsismosa.
Ngingiti-ngiti lang akong
ipinagpatuloy ang pagkain sa paborito naming kainan –ang 24 hours na Mcdo. At
hindi pilit ang ngiting iyon dahil muli na naman bumalik ang alaala namin ni
Martin sa lugar kung saan ako lumaki. Ang ginawa nitong pakikipag-ayos sa
kanyang mga magulang na talaga namang ikinagulat ko. Ang araw-araw nitong
pagpunta sa bahay para lamang makipagkulitan upang ma-diver t ang isip ko sa
pag-iisip ng kung anu-ano na lalong magiging dahilan ng paglala ng aking
dinadalang karamdaman.
Walang araw simula ng bigyan ko siyang
muli ng karapatang makalapit sa akin na hindi nito pinaparamdam sa akin ang
kanyang pagmamahal. Natutuwa ako s’yempre, taon din ang pinaghintay ko para
lamang maramdaman ang lahat ng iyon. Kung tutuusin halos nagawa na namin lahat
ng ginagawa ng isang magkasintahan. Ang kumain ng magkasabay, magpalitan ng
matatamis na ngiti, maghalikan at higit sa lahat ang magtalik. Pero gayon pa
man,hindi ko parin kinukumpirma sa kanya ang relasyon namin. May mga bagay pang
gumugulo sa isipan ko kaya minabuti ko nalamang na hindi i-commit ang sarili ko
sa kanya hangga’t hindi ko pa natatapos ang kung anumang dapat kong tapusin.
Nang ibaling ko ang aking tingin sa
biglang natahimik na mga kaibigan ko ay nagtatanong na mga tingin ang
nakaplastar sa mga mukha nito habang nakatingin sa akin. Si Rachalet at Chelsa
ay tinaasan pa ako ng kilay.
“Spill it out Kenneth. Ano ang
nangyari sa bakasyon mo sa inyo at sino ang naghatid sa’yo kanina?” Wika ni
Rachalet.
“Subukan mong ngitian lang ulit kami
at ipapalsak ko sa bibig mo itong hamburger ko.” Ani naman ni Chelsa.
“Si Matt.” Pinili kong sabihin nalang
sa kanila ang totoo tutal alam ko namang hindi rin magtatagal at malalaman din
naman nila iyon. “Siya ang naghatid sa akin kanina.”
Napakunot ang noo nina Jay at Rex
habang ang dalawang babae naman ay hindi naniniwalang tingin ang ibinalik sa
akin.
“Tingnan mo ang mga to,
magtatanong-tanong kayo tapos hindi niyo ako paniniwalaan.” Ngingiti-ngiti kong
sabi.
“So, si Matt nga iyon.” Kapagkuwan ay
tatango-tangong wika ni Jay. “Sabi sa inyo, eh.”
“Kayo na ba ulit?” Nang-iintrigang
tanong ni Chelsa.
“Malamang sila na. Papayag ba siyang
ihatid ni Matt kung hindi pa sila. Kilala natin itong si Kenneth, likas sa
kanya ang pagiging pa-hard to get.”
“Hindi kami.”
“Ows?”Ang nagkakaisang reaksyon ng mga
ito.
“Hindi pa p’wedeng maging kami.”
“Bakit naman?” Takang tanong ni Jay
ang lalaking likas ang pagiging tsismoso.
Ngiming ngiti ang ibinalik kong sagot
rito. Mukha namang naintindihan nila ang hindi ko pagbibigay ng komento
patungkol sa bagay na iyon. Marahil alam na rin ng mga ito kung ano ba talaga
ang dahilan ng alinlangan ko.
Natapos ang shiftko sa araw na iyon.
Bumalik na ulit ang gana ko sa pagtatrabaho hindi lang dahil kahit papaano ay
unti-unti na akong nakakabawi sa mga mapapait na nakaraan, kung hindi dahil na
rin sa katotohanang kailangan rin ng pera ng mga taong iniwan ko sa amin.
Nangako ako kay mama bago umalis na pag-iigihan ko ang pagtratrabaho para sa
kanila ng kapatid ko. Iyon lang ang nakikita kong paraan para maibalik ko kahit
papaano ang pagmamahal nito at pag-iintindi sa akin.
“I’ll be waiting here outside your
office. I love you.” Napangiti ako ng mabasa ang text na iyon galing kay Matt.
“Aba, may nagpangiti agad sa kanya.”
Untag sa akin ni Jay. “Sasabay ka ba sa aming umuwi?Gusto ng dalawang demonyita
na dumaan sa coffee shop.”
“N-Nasa labas na si Martin, eh.” Ang
may himig ng hiya kong sabi habang napapakamot sa aking ulo.
“Wow! May hatid-sundo ka na
pala.”Nanunukso naman nitong balik. “Why don’t you invite him then to join us?
Mas marami, mas masaya. Makikilala pa namin siya ng personal.”
Alam kong palakaibigan itong si Jay
pero alam kong may ibang ibig sabihin ang ngiti nito. Mukhang kay Martin niya
kukunin ang impormasyon na hindi nila nakuha sa akin. Paniguradong masasalang
si Martin sa interrogation 101 ng mga ito.
“’Wag kanang mag-attempt na tumanggi
Ken, hindi ka makakalusot sa amin alam mo ‘yan. C’mon, we just wanted to
personaly meet your special someone. Wala kaming gagawing hindi mo
magugustuhan, promise.”Kakaiba talaga ito kapag inataki ng kanyang pagiging
makulit. Hindi ito napipigilan ng kahit na sinuman.
Hindi na ako nakatanggi pa rito nang
dumating na rin ang iba pa naming kaibigan. Excited ang dalawang demonyita nang
sabihin ni Jay sa mga ito ang kanyang plano. Napapailing nalang akong
nagpatiuna palabas ng building namin.
Nangyari nga ang group lunch na iyon. Pati
si Martin ay walang nagawa sa pagiging mapilit ng mga ito. Dinala kami ni Jay
sa isang eat-all-you-can na restaurant. A perfect place parasa gagawin nilang
interrogation. Mas maraming pagkain, mas matagal na usapan ang magaganap.
“So, bestfriends kayo nitong si
Kenneth mula pa no’ng college?” Ang pagsisimula ng pang-uusisa ni Rachalet kay
Martin.
“Yeah, since 1st year college.”
“At sabay kayong pumunta rito sa amin
para maghanap ng trabaho?” Dagdag naman ni Jay.
“Partly yes, pero may isa pa kaming dahilan
noon kung bakit kami napadpad dito. Pero hindi ko pinagsisisihan na napadpad
kami sa lugar na ito ng bestfriend ko, dahil dito ko natutunang mabigyan ng
pansin ang taong siya pala’ng hinahanap ng puso ko.” Mahabang tugon ni Martin
sa mga ito habang sa akin nakatingin.
Nagpalitan ng makakahulugang tingin at
ngiti ang aking mga kaibigan at sabay-sabay pa silang napatango na animo’y may
kung anong nakumpirma ang mga ito.
“So, this time hindi mo na siya
sasaktan?” Hindi nagtatanong ang tono ng boses ni Rachalet kung hindi
nang-aakusa.
“Racha ––” Ang tangkang pagpigil ko
sana ngunit maagap akong pinigilan ni Martin sa pamamagitan ng pag-abot nito sa
aking kamay.
“I understand whereyou are coming
from. I didn’t mean to hurt him. When I found out about my feelings for Ken,
the realization shocked the hell out of me, and I admit, it made me confused. I
have to give myself a time to thinkkung ano ba talaga sa akin ang bestfriend
ko. Gusto ko munang makasigurado sa nararamdaman ko. Offering a confused me would
be unfair for Kenneth.”
Parehong napatango si Rex at Jay na
para bang nakuntento na ang mga ito sa naging sagot ni Martin subalit ang
dalawang babae kong kaibigan naman ay mukhang hindi pa kumbinsido sa mga
narinig nila. Naiintindihan ko naman ang pag-aalala ng mga ito para sa akin.
Alam ko rin naman kasing hindi lang ako ang naapektuhan sa lahat ng mga
nangyari sa akin.
“Tanggap ko ang mga pagkakamali ko
noon at handa akong itama ang lahat ng iyon para lang sumaya ang taong lubos
kong pinahahalagahan. ” Dagdag pang wika nito na sinamahan pa niya ng mabining
pagpisil sa hawak parin nitong kamay ko.
Muli kong naramdaman ang kakaibang
pagtibok ng aking puso na para bang umabot doon ang sinseridad ng mga sinabi ni
Matt . Ginantihan ko ang ginawang pagpisil nito sa aking kamay na hindi naman
nakatakas sa mabibilis na mga mata ng aking mga kaibigan.
“Nakakasama ng loob.” Kapagkuwan ay
wika ni Chelsa. “Halos lahat na ng g’wapo sa mundo ay g’wapo na rin ang hanap.
Pero masaya ako para sa’yo Ken, promise! And to you handsome, you better take
good care of our friend kung hindi, ipapakulam kita.”
“I will.” Nakangiting tugon ni Matt
rito na sinamahan pa niya ng pagtaas ng kanyang kamay na para bang nanunumpa.
Nabaling ang tingin naming lahat kay
Rachalet na tahimik parin.
“Sweety?” Untag ni Rex dito.
Ngumiti ito sa akin bago binalingan si
Matt.
“Just make him happy at magkakasundo
tayo.” Sa wakas ay wika nito kay Martin na nilakipan pa niya ng isang matamis
na ngiti.
Naging masaya ang mga sumunod na mga pangyayari
sa tanghalian naming iyon. Napuno ng tuksuhan at tawanan ang mesa namin sa
pangunguna ni Chelsa at ang mga polluted na banat nito. Ikinatuwa ko rin ang
madaling pagtanggap ng mga ito kay Martin. Pero may isa akong napapansin kay
Rachalet, may kung ano itong iniisip sa likod ng mga tawa nito. Hindi ko nalang
muna iyon binigyan ng pansin para na rin hindi ko ma-spoil ang lahat.
Matapos ang lunch na iyon ay
sabay-sabay naming tinungo ang pinagparkingan ng mga sasakyan na dala namin.
Magpapaalam nalang sana kami sa isa’t isa nang biglang magsalita si Rachalet.
“P’wede ba kitang makausap Martin? I
just wanted to have a word with you.” Nakangiting wika nito.
“Sure.”
May pagtataka ko silang sinundan ng
tingin habang papalayo sa amin.
“’Wag kang masyadong mag-aalala sa
sasabihin ni Rachalet. Isipin mo nalang na ito ang tulong namin para sa inyong
dalawa.” Nakangiting wika ni Jay.
“Tulong?Anong tulong?” ‘Di ko
maiwasang maitanong. “Bakit pa nila kailangang lumayo?”
“Just trust us, okey?” Wika naman ni
Chelsa.
Nang makabalik na ang dalawa ay parang
wala namang nagbago. Pareho silang nakangiti pero may kung ano akong nakitang
kakaibang takot sa mga mata ni Martin. Nang tuluyan na kaming makapasok sa
sasakyan nito ay sinubukan ko siyang tanungin kung ano ang sinabi sa kanya ni
Rachalet. Pinaalalahanan lang daw siya nito subalit malakas ang kutob kong
hindi iyon totoo. Pansin ko ang takot na nagkukubli sa mga mata nito na
talagang bumagabag sa akin.
Dumating kami sa apartment ni Martin
kung saan doon ito pansamantalang tumutuloy. Kinausap nito ang may-ari kung
p’wederaw ba siyang mangupahan ulit kasama ko sa isang kwarto dahil kahit
nagbakasyon si Lantis sa probinsya ng yaya nito ay ito parin ang umuukupa sa
isang kwarto ng apartment kaya hindi na iyon libre. Hindi naman nahirapan si
Martin na kumbinsihin ito dahil nadala nito sa pagpapa-cute ang pobreng
matanda.
Pagkapasok na pagkapasok namin sa
kwarto ay doon ko ito kinumpronta.
“May inililihim ka ba sa akin Martin?”
Sinadya kong salubungin ng tingin ang mga mata nito para hindi na ito
makapagsinungaling pa.
“W-Wala.” Tugon nito na agad na umiwas
ng tingin. “Magpahinga na tayo. Alam ko inaantok kana.”
“Ano iyon Martin?” I asked
demandingly.
“Ken...”
“I know something is bothering you at
nasisiguro kong dahil iyon sa sinabi ni Rachalet.”
Muli ko na namang nakita ang takot sa
mga mata nito.
“Kung hindi mo sasabihin sa akin ang
totoo, ako mismo ang magtatanong kay Rachalet.” Kapagkuwan ay wika ko at akmang
lalabas na ako ng k’warto nang pigilan ako nito.
Mahigpit ako nitong niyakap mula sa
aking likuran. Dama ko ang malakas na pintig ng puso nito na lalo kong
ikinabahala.
“Nasa hospital si Nhad, Ken.” Ang
halos pabulong nitong sabi.
Ramdam ko ang panlalambot ng mga tuhod
ko sa mga narinig.
“B-Bakit siya nasa hospital?” Ang
kinakapos sa hangin kong naisambit.
Hindi agad ito sumagot sa akin dahilan
para tanggalin ko ang mga nakayakap nitong kamay sa akin at hinarap siya.
“Bakit siya nasa hospital Matt?”
Pag-uulit ko. “Anong nangyari kay Nhad?”
“N-Naaksidente siya habang nagmamaneho
na lasing na lasing.”
Nagulantang ako sa nalaman. Doon na
tuluyan kumawala ang mga luha sa aking mga mata. Naalala ko ang mga sinabi sa
akin ni Lantis na pagwawala ni Nhad at ang pagkaaksidente nito ay marahil dahil
sa nangyari sa amin. Muli akong inalipin ng konsensya ko.
“Nhad....”
Maagap akong naalalayan ni Martin nang
tuluyan ng bumigay ang aking tuhod. Magkahalong pagod, antok at pagsisisi ang
bumalot sa buo kong katawan. Inalalayan ako nito hanggang sa aking kama at doon
maingat na iniupo.
“Kaya ayaw kong sabihin muna sa’yo ang
lahat ng ito, eh.” Ang tila paninisi nito sa kanyang sarili. “Dahil alam kong
hindi makakabuti sayo ang lahat.”
“P-Puntahan natin siya Matt.”
“Ken?”
“Kasalanan ko ang lahat ng ito Matt.
Puntahan natin siya.”
“Pero hindi makabubuti para sa ‘yo ang
makita siya ngayon, baka lumalala ang sakit mo.” Punong-puno ng pag-aalalang
wika nito.
“Nasa hospital si Nhad dahil sa akin.
Kaialangan ko siyang makita masiguro lang na okey siya. Please Matt.”
Martin
Habang tinatahak namin ang daan
papunta kung saan naka-confine si Nhad ay hindi ko mapigilang hindi mag-alala
para kay Kenneth. Matapos nitong mapagpasyahang puntahan ang dati nitong
kasintahan ay hindi na ulit ito nagsalita. Tulala lamang itong nakaupo sa may
passenger seat.
Sinubukan kong abutin ang kamay nito
pero laking pagkadismaya ko nang ilayo lamang niya iyon sa akin. Napilitan
akong itabi ang sasakyan.
“Ken, galit ka ba sa akin dahil hindi
ko agad sinabi sa ’yo kanina ang lahat?”
Umiling lamang ito kasabay ng pagpatak
na naman ng mga luha nito. Pagkahabag ang naramdaman ko habang nakikita itong
gano’n at ang masakit pa ay wala akong magawa dahil alam ko, na kung hindi sana
dahil sa akin ay hindi ito magdurusa ng ganito. Pero, nangako ako sa kanya na
magpapakatatag ako para sa amin at ngayon ko na maipapakita ang katatagang iyon
sa pamamagitan ng hindi pagbitiw rito sa ganitong mga sitwasyon.
“Please don’t cry.” Pang-aalo ko rito
kasabay ng pagpahid ko sa mga luhang dumadaloy sa magkabilang pisngi nito.
“Paano kung hindi ko makayanan ang
lahat ng p’wede kong makita at marinig?”
“Kung hindi mo kayanin ang lahat,
nandito lang ako para alalayan ka. Hindi na ulit kita iiwan tulad noon Ken,
pangako.”
Napayakap ito sa akin. Ramdam ko kung
gaano kabigat ang dinadala nito ngunit pinili kong huwag magpaapekto. Ngayon
ako kailangan ng taong pinahahalagahan at minamahal ko at ngayon, hindi ko na
siya bibiguin pa.
“Maraming salamat Matt, sana matapos
na ang lahat ng ito. Gusto ko nang tuluyang sumaya.”
Parang piniga ang puso ko sa huling
mga sinabi nito. He just wanted to be happy subalit isang bahagi ng nakaraan
niya ang hindi pa niya tuluyang napapakawalan at iyon ay si Nhad, habang
patuloy siyang inuusig ng kanyang konsensya ay hindi siya magiging masaya.
“Hangga’t hindi napapakawalan ni
Kenneth ang sarili niya kay Nhad, hindi mo siya mapapasaya Martin. Alam naming
mahihirapan si Ken kung mag-isa niyang haharapin si Nhad but you’re here now.
Help him to let go of the past so he can truly be happy with you.”
Iyon ang mga huling salitang binitiwan
sa akin ni Rachalet kanina. Aaminin kong ikinatakot ko ang lahat dahil sa
karamdaman ni Ken pero mukhang tama siya, hindi ko p’wedeng hilinging kalimutan
na lang ni Ken ang lahat.
Nang makalma ito ay muli kong
pinaandar ang sasakyan. Siguro, ito na nga ang tamang pagkakataon para tuluyang
harapin ni Ken ang bangungot niya. Oo nga’t p’wedeng maging dahilan ito ng
paglala ng sitwasyon ni Ken pero nandito na ako ngayon. Anuman ang mangyari,
hinding-hindi ko bibitawan at pababayaan ang taong pinakamamahal ko.
Dumating kami sa hospital kung saan
naka-confine si Nhad. Agad kong tinungo ang reception area para doon itanong
ang mismong room nito. Hindi naman kami nabigo at napag-alaman naming nasa
third floor ito.
Habang papalapit kami sa room ni Nhad
ay lalong humihigpit ang pagkakahawak ni Kenneth sa akin. Naiintindihan ko ang
takot na nararamdaman nito at kaba sa mga oras na iyon kaya naman ipinadama ko
sa kanya na hindi siya nag-iisa.
Huminto kami sa tapat ng room 301 –
ang room kung saan naroon si Nhad.
“Tandaan mo, narito lang ako sa tabi
mo okey?” Pagpapalakas ko ng loob nito. Marahan naman itong tumango at
nagpakawala ng isang buntong-hininga. Akmang kakatok na sana ako nang pigilan
ako nito. Bakas na naman ang ibayong kaba at takot sa mga mata nito.
Kinantilan ko siya ng halik.
“Eveything will be okey.” Ang wika ko
sa kanya.
Nang makapasok kami ng tuluyan sa
silid ni Nhad, ay agad na nahagip ng mga mata ko ang nakaratay nitong katawan.
May benda ang ulo nito pati ang kaliwang braso. Hindi rin nakatakas sa akin ang
nangingitim na parte sa may noo nito.
Parang nabigla pa ito nang makita
kami. Agad na bumakas ang galit sa mga mata nito nang mabaling ang tingin niya
sa akin.
“Anong ginagawa mo rito?”
“Nhad..” Ang mahinang sambit ni Ken sa
pangalan nito.
“Bakit mo siya sinama rito Ken?Gusto
mo ba talaga akong saktan ng husto? Hindi pa ba sapat sa ’yo ang pasakit na
ibinigay mo sa akin?” Punong-puno ng panunumbat na wika nito.
“Pare, nagpunta kami rito para dalawin
ka at humingi ng tawad sa kung anumang naging atraso namin sa ‘yo.”
Bumitiw si Ken sa pagkakahawak sa akin
at agad nitong nilapitan si Nhad.
“Nhad, I am so sorry.”
Gusto kong pumikit na lang sa mga oras
na iyon. Hindi ko kayang makita ang taong pinakamamahal ko na umiiyak at bakas
ang sobrang pagsisisi. Oo, naawa rin ako sa sinapit ni Nhad, pero tulad nito
masyado ring naapektuhan si Ken na halos ikabaliw pa nito.
“Hindi ko sinasadya ang lahat
Nhad.Hindi ko sinasadya ang saktan ka.”
“Ken...”
“Aaminin ko, inakala ko noon na handa
na akong subukang magmahal ulit ng iba kaya pinagbigyan ko ang sarili kong
mahalin mo. Inakala kong kaya ko nang maibigay ng buo ang sarili ko sa ibang
tao pero hindi pa pala. Maniwala ka, hindi ko sinasadya ang lahat.”
“Sana hindi mo na lang ako sinagot
noon.” Kapagkuwan ay wika nito walang mababakasang emosyon sa mga mata nito.
“Sana hindi mo na lang ako pinaasa na minahal mo rin ako.”
“Minahal kita Nhad.”
“Pero hindi sapat para makalimutan mo
ng tuluyan ang nakaraan mo kay Martin.” Ramdam ko ang ibayong paninibugho sa
boses nito.
“Hindi ko sinasadya. Inakala kong
sapat na ang nararamdaman ko sa ’yo noon para makalimot sa nakaraan ko pero
mali ako. S-Siya pa rin pala ang mahal ko. Tanging siya pa rin ang nagmamay-ari
ng puso ko. Patawarin mo sana ko Nhad! Patawad … !”
Batid kong nasaktan ito sa mga huling
salitang binitiwan ni Ken. Doon ko napagtanto kung gaano nito minahal ang taong
siya ring pinili ng puso kong mahalin. Nakaramdam ako ng awa para rito at galit
para sa sarili ko. Dahil sa karuwagan ko noon ay dalawang tao ang nasaktan ko.
“Nhad pare” Pagtawag ko sa pansin
nito. Bumaling naman ito sa akin dahilan para tuluyang dumaloy ang luha sa mga
mata nito. Luha ng sakit at pagkabigo.
Dahan-dahan akong lumuhod.
“M-Matt, anong ginagawa mo?” Agad na
lumapit sa akin si Kenneth.
“Sorry.” Hindi ko nagawang salubungin
ito ng tingin, hindi dahil ikinahihiya ko ang ginawa kong pagluhod sa harap
nito kung hindi nahihiya ako sa pasakit na ginawa ko sa kanilang dalawa. “Naging
selfish ako. Hindi ko inisip na masasaktan pala kita ng husto sa gagawin kong
pagbawi kay Kenneth sa ‘yo. Sa kagustuhan kong makabawi at maipadama ang
pagmamahal na matagal ko nang dapat ipinagkaloob sa kanya, hindi ko na nabigyan
ng pansin ang mga taong p’wede kong masagasaan.”
“Matt, tama na ‘yan.Hindi mo
kailangang gawin ‘to.” Sinubukan akong itayo ni Kenneth pero nanatili pa rin
ako sa posisyon ko.
Nag-angat ako ng tingin.
“Pare, pinagbayaran na ni Kenneth ang
lahat. Nagmamakaawa ako sa ’yo, pakawalan mo na ang galit mo sa kanya.
Patawarin mo na siya wala siyang kasalanan.”
Mula sa akin ay nabaling ang tingin
nito sa lumuluha pa ring si Ken at sa muli, isang luha ang kumawala at dumaloy
sa pisngi nito.
“Mahal kita Ken.”Kapagkuwan ay wika nito.
“Pero siguro, kailangan ko na ring bitiwan ang pagmamahal ko sa ’yo para
tuluyan na tayong matahimik. Hindi ko gusto ang pahirapan ka, ang gusto ko lang
naman ay mahalin mo rin ako pero sa tingin ko hindi na talaga mangyayari pa
iyon. Noon, galit ako sa ’yo dahil inakala kong ginamit mo lang ako. Pero tama
si Martin, wala kang kasalanan sa mga nangyari sa atin.”
“Tuluyan kong pinaniwalaan ang mga
kasinungalingan ko sa sarili ko noon. From the start alam kong hindi lang
bilang isang kaibigan at kasama sa apartment ang tingin mo kay Martin. The
first night that we had dinner together was also the night I started to deny
the truth about how you feel towards him. I made myself believe that the pain I
saw then in your eyes at the apartment when we saw Martin and his friends,
wasn’t true at all.”
“Nhad...”
“I took advantage on the situation
no’ng iwan ka ni Martin. Gano’n ako naging desperadong makuha ka. I wanted you
to need me so you can eventually love me, pero nagkamali ako. True, I made you
need me, yet I failed big time making you finally love me.”
“I’m sorry Nhad. I really am!”
Punong-puno ng emosyong tugon ni Ken.
Pinilit nitong ngumiti.
“Martin pare, alagaan mo siya.
Siguraduhin mong lagi siyang kumakain ng tama para hindi siya mangayayat.”
Sa sinabi nitong iyon ay muli siyang
nilapitan ni Ken at mahigpit na niyakap kasabay naman noon ang pagbukas ng
pintuan at iniluwa ang lalaking punong-puno ng pagtatakang nakatingin sa akin.
Sino ba naman ang hindi magtataka kung may mabubungaran kang nakaluhod at
nag-iiyakan sa loob ng isa sa mga k’warto ng hospital. Agad akong tumayo.
“Anong meron dito? Nagtatakang
pag-usisa nito.
“Wala. Anong ginagawa mo rito?” Ang
tila asar namang wika ni Nhad.
“Dinadalhan ka ng pagkain para hindi
ka tuluyang mamatay sa gutom. Sayang naman kasi ang lahi mo.” May kaangasan
ding sabi ng lalaking bagong dating.
Doon na kumawala si Ken sa
pagkakayakap kay Nhad at nang makita nito ang lalaking bagong dating ay bumakas
ang pagtataka sa mukha nito.
“Di ba ikaw si … ‘yong bartender sa
bar? Anong ginagawa mo rito?”
“Ako nga ho sir, kamusta kayo? Wala
naman, minalas lang na ako ang nakakita sa aksidenteng kinasangkutan niyang
kaibigan niyong suicidal kaya heto, na-obliga pa tuloy akong dalaw-dalawin
siya.”
“Hindi ko hiniling sa ’yo na bisitahin
mo ako rito.” Asik naman ni Nhad.
“Suicidal ka na nga arogante ka pa.”
Palipat-lipat kami ng tingin sa
dalawang nagbabatuhan ng salita. Hindi ko kilala ang lalaking ito pero
nasisiguro kong may kung ano sa dalawang ito na pareho nilang ayaw ipakita.
“Heto grapes, pinaghirapan ko pang
bilhin ‘yan matahimik lang ang kaluluwa mo kung sakali.”
“Sa ’yo na ‘yang grapes mo!”
“’Di ‘wag! Ako na lang ang kakain
nito.”
Nang magsalubong ang aming tingin ni
Ken parehong sumilay sa amin ang nakakalokong ngiti. Mukhang naamoy rin nito
ang kahihinatnan ng dalawa.
“Ken, sipain mo nga palabas iyang
hambog na yan!”
“Kung may dapat sipain dito palabas
ikaw iyon, ikaw na nga itong tinutulungan ikaw pa itong masungit!”
“Ewan ko sa ‘yo!”
“Ewan ko rin sa ‘yo!”
“Teka teka! Awat ni Ken sa mga ito.
“Magkaaway ba kayo?”
“Oo!” Magkasabay na wika ng dalawa.
Sabado, apat na araw ang lumipas at
nakalabas na rin ng tuluyan si Nhad sa hospital. Tuluyan na itong ini-realease
ng doctor na sumusuri sa kalagayan nito nang masiguro na okey na ang lagay
nito. Napag-alaman din namin na sa hospital rin palang iyon nagtratrabaho si
Nhad bilang Nurse. Kaya naman todo asikaso rito ang mga katrabaho nito.
Natapos rin ang bangungot ni Kenneth
sa nakaraan niya. Matapos ang tagpong iyon sa hospital ay tuluyan na ngang
napakawalan nito ang bangungot ng nakaraan. Malaki ang naitulong ni Nhad para
maibalik ang dating bestfriend ko na ngayon ay opisyal ko nang kasintahan.
Yeah, sa wakas ay tinanggap na rin ako nito sa puso niya dalawang araw matapos
ang eksena sa hospital. Natapos rin ang mga unos sa buhay namin at nagawa ko
ring maibalik sa dati ang masayahin at mapagmahal na si Kenneth.
“Oh, handa na ba ang mga gamit mo?”
Nakangiti kong bungad sa kanya. Kasalukuyan itong nag-iimpake ng mga damit na
dadalhin niya pauwi sa amin.
Sa tulong ng mga kaibigan nito ay
nakahingi ito ng dalawang araw pang extension ng leave of absence sa trabaho,
kung paano ginawa iyon ng mga kaibigan niya ay ‘yon ang hindi ko na alam. Ang
alam ko lang ay si Jay ang naka-isip ng ideya para mabigyan kami ni Ken ng
sapat na oras na kami lang.
“Ito na, tapos na.”
Agad kong kinuha mula sa kanya ang
backpack na pinaglagyan niya ng mga dadalhing damit.
“Ako na ang magdadala nito.” Nakangiti
kong wika sabay ng isang nakaw na halik sa labi nito.
“Ginawa mo naman akong baldado. Kaya
ko namang dalhin yan.” Ngingiti-ngiti nitong sabi.
“Preserve mo na lang ang energy mo
para mamaya pagdating natin sa atin ma-enjoy mo ng husto ang gagawin ko sa
’yo.” Pilyong wika ko sa kanya.
“At ano naman iyon?”
“Secret!”
“Sus, pustahan kahalayan ‘yan.”
“Sure, pupusta ako kahit alam kong
talo ako.” Nakangisi kong tugon.
“Sabi na nga ba.” Napapailing nitong
sabi subalit hindi pa rin mapalis ang ngiti nito. Ito ang dating Kenneth na
kilala ko – ang Kenneth na nakikipagsabayan sa akin ng asaran.
Hinapit ko ito papalapit sa akin at
binigyan ito ng masuyong halik. Hindi naman ako nito binigo dahil gumanti ito
ng halik sa akin. Hanggang ngayon hindi ko pa rin mapaniwalaan na sa isang
lalaki ko mararanasan ang pinamasarap na halik sa buong mundo.
“Sarap.” Ang nakangiting wika ko. “I
love you.”
“I love you too. Tara na, baka saan na
naman mauwi itong pahalik-halik mo sa akin.”
“Yes boss!”
Sa loob ng tatlong oras na biyahe ay
hinayaan ko itong matulog. Katatapos lang kasi ng shift nito sa araw na iyon at
nasisiguro kong pagod ang katawan nito sa magkahalong antok at stress bunga ng
kanyang trabaho. Gusto ko man na magresign na lamang ito at samahan na lang
akong i-manage ang itatayo naming negosyo ni kuya Claude ay hinayaan ko na lang
siya. Nakikita ko kasi ang dedication niya na suportahan ang kanyang mama at
kapatid sa sarili niyang sikap. Tutal, mukha namang na-eenjoy nito ang trabaho
kasama ang mga kaibigan niya kaya sinuportahan ko na lang din siya.
Habang panaka-naka ko itong
pinagmamasdan sa mahimbing na pagkakatulog ay hindi ko maiwasang mapangiti.
Totoo nga ang sabi nila na kapag mahal mo ang isang tao hindi mo pagsasawaan
ang pakatitigan ito.
Dumating kami sa lugar kung saan kami
parehong lumaki ni Kenneth. Dito sa lugar na ito balak kong simulan ang buhay
bilang kasintahan ng dati kong bestfriend at gagamitin ko ang leave na nakuha
nito para ma-solo ko siya sa unang apat na araw sa bagong relasyon namin.
“Saan na tayo?” Pupungas-pungas nitong
tanong.
“Nasa teritoryo na natin.” Nakangiti
kong tugon. “Daan muna tayo sa bahay para kunin ang mga gagamitin natin sa para
sa camping. Ipinahanda ko na rin ang tent natin.”
“Ikaw ang bahala, basta nagugutom
ako.” Ani nito at muling sumandal sa naka-recline na passenger seat.
“Idlip ka na lang muna boyfie.”
Ngingiti-ngiti kong sabi.
Kita kong napadilat ito at napatingin
sa akin. Puno ng amusement ang mata nito.
“Si Kuya Claude kasi ang tawag niya
kay Kuya Lance ay misis. Naisip ko, hindi naman maganda kung gagaya tayo sa
tawagan nila kaya gagawa na lang ako ng sariling atin.” Nakangisi kong wika.
“At boyfie ang naisip mo?” Ang halos
nagpipigil nitong matawang sabi.
“Subukan mong tawanan ang tawag ko sa
‘yo at hindi kita pakakainin.”
Tuluyan na nga itong bumingisngis na
ikinasimangot ko naman.
“Boyfie.” Pag-uulit nito “Ang cute.
Kasing cute mo kapag tulog.” May bahid ng pang-aasar nitong sabi.
“Mukhang ayaw mo naman, eh. Minsan na
nga lang akong magpakabaduy binara mo naman agad.”
Mabilisan ako nitong ginawaran ng
halik sa pisngi.
“Gusto ko.” Ang malambing nitong wika
na nilakipan pa niya ng isang napakatamis na ngiti dahilan para mawala agad ang
pagtatampo ko. Ganito na talaga ito dati pa. Madali nitong napapalis ang inis
ko kapag napipikon ako sa mga biro niya.
“Kiss mo pa ako para di na ako
magtampo.” At muli nga nito akong hinalikan na may kasamang tunog pa. Muli ko
na namang naramdaman ang kakaibang tibok ng aking puso na tanging ito lang ang
nakakagawa.
Siya nga ang taong mahal ko. Naisambit
ko sa aking isipan dahilan para mapangiti ako. Ngayon, naniniwala na ako na
totoong may tamang panahon at oras para sa dalawang pusong nakatakda para sa
isa’t isa. At marahil, sinadya ng tadhana na paglapitin kami noon pa man para
siguro matutunan ko kung papaano pasasayahin ang taong nakatakda para sa akin.
“Boyfie, gising na.” Untag ko sa
kanya. “Narito na tayo.”
Pupungas-pungas itong umayos ng upo.
“Kakain na ba tayo?” Halatang gutom na
ito.
“Yep, hinihintay na tayo ni Mama sa
loob.”
Nang pareho kaming makababa ng
sasakyan ay agad kaming sinalubong ng aking ina. Agad nitong nilapitan si
Kenneth at binigyan ng halik sa pisngi bago bumaling sa akin.
“Anak, naipahanda ko na ang mga dadalhin
niyo. Kenneth iho, halika sa loob pinagluto ko kayo ng masarap na tanghalian
bago man lang kayo pumunta sa balak niyong puntahan.”
“Kanina pa nga iyan nagrereklamo na
nagugutom na siya Ma.” Ngingiti-ngiti kong sabi. Ikinatutuwa ko ng lubos ang mainit
na pagtanggap ng mga magulang ko kay Ken at syempre sa pagtanggap ng mga ito sa
bagong relasyon namin.
Sa hapag, hindi ko mapigilan ang
mapangiti habang todo asikaso si Mama sa pagpapakain kay Ken. Talo pa ako nito
sa pag-aalaga sa kasintahan ko na halatang hiyang-hiya at pilit inuubos ang mga
pagkaing si Mama mismo ang naglagay sa plato nito. Hinayaan ko na lang ito
dahil batid kong iyon ang pagpapakita niya ng pagbawi kay Ken sa maling
pagtrato nila rito noon.
Matapos naming mananghalian sa bahay
ay agad na kaming dumiretso sa lugar kung saan kami magca-camp. Isang lawa sa
gitna ng dalawang burol ang pinuntahan namin. Ito ang lugar kung saan noon,
lagi naming pinupuntahan nina Ken kapag napagti-tripan naming mag-nature trip.
Kinailangan pa naming maglakad para lamang marating ang campsite na iyon na
pinasikat ng mga mountaineers.
Bakas ang pagkamangha ni Kenneth sa
lugar, sa aming magkakaklase ito ang mahilig sa mga gano’ng klaseng trip.
“Mas lalo ‘atang gumanda ang lugar na
ito.” Kapagkuwan ay wika nito habang inililibot ang paningin sa kabuuan ng
lugar.
“May nangangalaga na kasi rito.”
Nakangiti kong tugon. “Hindi na basta-basta pinapayagan ang mga taong mag-camp
rito hanggat wala silang permiso sa kapitan ng barangay sa baba.”
“Mas maganda nga iyon para hindi
mababoy ng husto ang lugar. Yung iba kasi, walang disiplina. Kung saan-saan na
lang iniiwan ang mga kalat nila.”
“Bagay sa ‘yo ang mag-apply sa DENR.”
Patawa kong sabi.
“Doon ko talaga balak mag-apply.” Pagsakay
naman nito at nilakipan pa ng nakakalokong tawa. “Itayo na natin ang tent bago
pa tuluyang dumilim.”
Wala kaming sinayang na oras. Matapos
naming maitayo ang tent ay agad kaming lumusong sa napakalamig na tubig-lawa.
Hindi kami magkamayaw sa kulitan at lambingan habang naliligo. Nang malapit
nang kumagat ang dilim ay sinimulan naman naming maghanap ng mga gagamitin
namin para sa bonfire. Para lang kaming nasa isang honeymoon sa isang lugar
kung saan malaya naming nagagawa ang mga gusto naming gawin ng magkasama.
“Hanggang ngayon, hindi pa rin ako
makapaniwala na nangyayari ang lahat ng ito.” Ang wika nito habang nakaupo ito
patalikod sa akin at ako naman ay nakayap mula sa likod nito. Magkasama naming
pinagmamasdan mula sa loob ng tent ang bonfire na ginawa namin.
“ Ang alin?”
“Lahat ng ito. Ang pagkakayakap mo
ngayon sa akin. Ang pagkakalapit ng mga balat natin. Ang mga halik mo. Ang
pag-iisa ng mga katawan natin at ang pagmamahal mo.”
“Totoo ito.” Lalo kong hinigpitan ang
pagkakayap ko sa kanya. “Ang mga nangyari kanina ang magpapatunay na hindi
panaginip ang lahat ng ito dahil hanggang ngayon, ramdam ko pa rin sa katawan
ko ang bawat haplos at halik na ginawa mo sa akin.”
Sumandal ito sa aking dibdib.
“Salaamat sa lahat ng ginawa mo para
sa akin Matt.” Ramdam ko ang sinseridad sa boses nito.
Pinaharap ko ito sa akin at ginawaran
ng isang halik. Isang halik na magpaparamdam sa kanya ng lahat ng nararamdaman
ko sa mga oras na iyon.
“Wala iyon. Gusto ko lang na maging
masaya ka sa akin hindi lang para mapatunayan ko sa ’yo na hindi pagkakamali na
ako ang minahal mo, kung hindi dahil
masaya ako kapag napapasaya kita.”
“Ang baduy mo na ngayon, ah.” Biglang
wika nito na nilakipan pa niya ng isang nakakalokong ngisi.
Imbes na magpaapekto sa ginawang
pambabara nito ay muli kong inangkin ang labi niya at masuyo iyong hinalikan.
Nang gumanti rin ito ng halik sa akin ay muli ko na namang naramdaman ang
kakaibang pagpintig ng aking puso making me believe that everything is real and
the person I’m kissing right now is the same person who truly owns my heart.
“Lahat ng tinatamaan ng pana ni kupido
nagiging baduy, boyfie.” Ang nakangiti kong wika nang maghiwalay ang aming mga
labi.
“Saang libro mo naman nabasa iyan?”
“Sa akin na lang iyon.” Ngingiti-ngiti
kong sabi.
Napangiti rin ito.
“I love you Matt.”
“I love you too.” At muli naming
ipinaramdam ang pagmamahal namin sa isa’t isa.
Tunay ngang marami tayong mga
kamaliang nagawa, nagagawa at patuloy na magagawa pa sa hinaharap dala na rin
siguro ng sari-saring takot, pagdududa, at sa ating angking kahinaan, subalit
bago pa tayo tuluyang magupo at matupok ng ating mga pangamba at mga takot sa
buhay, at hayaan itong tuluyang sirain ang kung anumang meron tayo sa ngayon, pag-isipan
natin ang bawat bagay na ating gagawin ng maraming beses upang nang sa gano’n
ay maiwasan natin na masira nito ang ating mga pangarap at ang magandang
kinabukasang naghihintay para sa atin, pati na rin ang ating mga relasyon sa
mga taong ating lubos na minamahal at pinahahalagahan.
Hindi nasusukat sa kasarian ang tamang
pagmamahal dahil para sa akin walang maling pagmamahal. Hindi kailanman
magiging mali ang magmahal. Nasa tao lang iyon kung papaano niya ito
panghahawakan at tatanggapin ng bukal sa kanyang puso tulad ko, at ng ibang
taong handang gawin ang lahat para sa taong pinili nilang mahalin.
-----Wakas-----
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment