by: Zildjian
Hindi pa rin maitago ni Maki ang tuwa
kahit nakauwi na siya sa bahay nila. Pinawi niyon ang kaninang pagkainis na
naramdaman niya nang makita ang mga itong magkasama. Maski ang kanyang kapatid
na nahawaan na sa pagiging maligalig ng kanyang kababata na ngayon ay minamahal
na niya ay napansin ang kanyang kakaibang sigla.
“Mukhang may ginawa kang karumaldumal
kuya, ah.” Pagpansin nito sa kanya nang magsalubong sila nito sa sala.
“Ikaw lang ang mahilig sa mga gano’ng
gawain, Ely.” Tugon naman niya rito ngunit hindi pa rin mapalis ang ngiti sa
kanyang mukha. “Asan nga pala si Mama?”
Tinaasan siya nito ng kilay na
sinabayan pa nito ng pamemewang. Lalo lang tuloy itong nagmukhang isang ganap
na tsismosa na palagi niyang nakikita sa palengke.
“Hindi ako naniniwala kuya. Nagiging
ganyan lang ang ngiti mo kung meron kang ginagawang kapilyuhan at karumaldumal.
Tulad na lang noong paiyakin mo ang kaklase kong may crush sa ’yo at gawin mong
katulong si kuya Jay sa coffee shop nina kuya Nico. And speaking of coffee
shop, p’wede ko na bang ipagyabang sa mga kaklase ko na isang stockholder na
rin ng Kero’s CafĂ© ang kuya ko?” Mahaba na halos hindi na humihingang wika nito
ni hindi nito binigyan ng pansin ang kanyang katanungan. Pambihira, tuluyan na
nga itong nahawa sa mga kaibigan nito at sa kababata niya.
“Wala akong naaalala sa mga
pinagsasabi mo.” Kaila niya. “’Tsaka, `wag kang magkakamaling gamitin ang
pangalan ko sa coffee shop. Hindi porke’t isa na ako sa may-ari ay obligado
akong ilibre ang mga kaibigan mong ang tingin sa kape ay softdrink. "Asan
si mama?”
Napalabi ito at napasimangot. Mukhang
tama nga ang sapantaha niyang balak nitong gamitin siya para makalibre doon.
Isa rin kasing ligaw na langaw sa coffee shop ng kanyang mga kaibigan na ngayon
ay masasabi niyang coffee shop niya na rin ang kanyang kapatid.
“Nasa palengke.” Ang nagtataray na
wika nito.
Nginisihan niya ito para lalong
inisin.
“Bagay sa ’yo ang hitsura mo ngayon.
You look terribly great. Tuloy mo lang `yan, Ely. Baka sakaling may magkamali
na sa ’yong manligaw.”
Lalo itong napasimangot.
“Napakasama mo! Hindi ang hitsura ko
ang problema, kung hindi ikaw! Kung hindi mo pinagbabantaan ng kung anu-ano ang
mga dumadalaw sa akin dito sa bahay, matagal na sana akong masaya sa piling
nila! I hate you!” Bakas ang pagkapikong bulalas nito.
“You shouldn’t hate me. Ako ang
nagbibigay ng mga luho mo baka nakakalimutan mo, Ely. At huwag mong isisi sa
akin ang karuwagan ng mga manliligaw mo. Besides, if they’re really that
serious in courting you, kahit sampong ako ay hindi sila agad magpapagulat.”
“Ewan ko sa ’yo! Kaya ka ipinagpalit
ni kuya Jay kay kuya Janssen dahil masama kang tao. Tingnan mo si kuya Janssen,
g’wapo na nga, mabait pa at napaka-sweet. Ikaw, g`wapo ka nga, though I really
don’t agree with it pero ang ugali mo naman tinalo pa ang demonyo.”
Aba’t loko `tong kapatid niyang `to,
ah! Tama bang ikumpara siya sa demonyo. At ano raw? Kaya siya hindi magustuhan
ni Jay ay dahil sa ugali niya? Ano ba ang mali sa ugali niya? Mali ba ang
manindigan sa kung ano ang tama?
“Huwag mo akong sisimulan, Ely.” Ang
biglang niyang pagseryoso. Wala siya ni isang nagustuhan sa mga sinabi nito.
Bagkus, pinainit muli niyon ang kanyang ulo sa nakikita niyang pagpanig nito sa
kanyang karibal.
“ Totoo naman, ah!” Ang hindi naman patinag nitong sabi.
“Gano’n? Sige, simula ngayon, doon ka
na sa Janssen na iyon manghingi ng pera pangtustos sa mga galaan niyo ng mga
kaibigan mo at doon ka na rin sa kanya humingi ng pambili mo ng mga damit at
kung anu-ano pa. Simula ngayon, wala ka nang aasahan sa akin.” Walang bahid niya ng pagbibirong wika dahil
hindi talaga siya nagbibiro sa mga oras na iyon.
“Ay hala si kuya hindi na mabiro. Ikaw
talaga, napakasensitive mo. S’yempre ikaw lang ang nag-iisang g’wapo at mabait
sa paningin ko, `no. Ni hindi nga nangalahati sa ’yo ang Janssen na iyon, eh.”
Biglang bawi nito na sinamahan pa nito ng pag-angkla sa kanyang braso.
Pinangunutan niya ito ng noo.
“Promise!” Muling wika nito sabay
muwestra na animo’y nanunumpa. “Shit! Ang g’wapo talaga ng kuya ko. Kaya marami
sa mga kaklase ko ang nahuhumaling sa ’yo, eh. Ang totoo nga niyan, naiinggit
na sa ’yo ang mga boys namin kasi ikaw lang palagi ang ibinibida ng mga girls,
eh. Ang hot mo raw kahit hindi mo sila pinapansin. Hmmm!! Ang bango-bango mo
kuya. Ito ba ang pabangong binigay sa ’yo ni kuya Jay?” Pambobola pa nito sa kanya saka lalo pang yumakap sa
kanyang braso. Ganito ito kapag may nagagawang kasalanan. Idinadaan siya nito
sa pambobola at paglalambing.
Inalis niya ito mula sa pagkaka-angkla
sa kanya.
“Sa susunod na mas panigan mo ang
Janssen na iyon, asahan mong hindi ka lang mawawalan ng sustento galing sa
akin, itatanggi pa kitang kapatid ko.”
May pagbabanta niyang sabi.
“Uy…
Si kuya affected. Ibig sabihin ay nagseselos ka kay kuya Janssen?”
Muling panunukso nito. Pambihira talaga itong kapatid niya. Basta’t may makita
itong kakaiba sa kanya ay hindi talaga nito palalampasin. “Kung gano’n kuya
inaamin mo na bang may pagtingin ka talaga kay kuya Jay?”
“At ano naman sa ’yo kung meron?”
Pabalang niyang tugon rito. May plano siya kung bakit hindi niya itinanggi sa
kanyang kapatid ang katotohanan. Balak niyang gamitin ang pagiging madaldal
nito sa kanyang mga plano. Kung papaano, siya na ang nakakaalam niyon. Doon naman siya magaling, eh; ang gamiting
advantage sa kanya ang lahat. Kaya nga siya binansagang great manipulator.
“Oh my God!” Eksaheradang napatakip
ito ng bibig. “Sanasabi ko na nga ba! Hindi nga ako nagkamali ng pag-assess sa
behavior mo kay kuya Jay.” Ang halatang tuwang-tuwa pa nitong dagdag.
Napatakip siya ng tenga nang
magpakawala ito ng matinis na tili.
“Ang sakit sa tenga!” Reklamo niya.
“Pero Ely, make sure na hindi muna ito malalaman ni mama at ni papa. Hayaan
mong ako ang magsabi sa kanila.” Ang dagdag pa niya.
“Bakit naman? Hindi mo ba alam na
nanghihinayang si mama nang malaman niyang may jowa na si kuya Jay at hindi
ikaw iyon.”
Napakunot-noo siya. Ano raw?
Nanghihinayang ang kanyang ina na ibang tao ang nakakuha sa kanyang kababata?
Iyon ba ang nabakasan niyang panghihinayang nito kaninang umaga nang magkausap
sila?
“What do you mean?” Gusto niyang
makasigurado. Pero umaasa siyang `yon nga iyon dahil kung magkataong ayos na
pala sa kanyang ina ang lahat, mapapadali ang kanyang mga plano.
Ngumiti ng ubod ng tamis ang kanyang
kapatid sa kanya. Isang senayales na maganda at paborable sa kanya ang
maririnig dito.
“Actually kuya, pareho kami ni mama na
may hinala sa ‘yo. Kung pagbabasehan kasi sa circle of friends mo, hindi
nalalayong matulad ka sa kanila na alam mo na, iyong piniling magmahal ng hindi
normal sa mata ng lipunan. Nakadagdag pa sa paghihinala namin ang closeness
niyo ni kuya Jay at kung papaano ka maging over protective kay kuya Jay.
Believe me kuya, kung para sa ’yo ay isang normal na gesture lang ng isang
kaibigan ang pinaggagawa mo, p’wes sa mata ng ibang tao you look like a control
freak boyfriend to kuya Jay.”
“And?”
Sa dinami-rami ng mga pinagsasabi nito, wala ni isa roon ang gusto
niyang marinig.
“Anong and?” Takang-tanong naman nito.
“Ano ang reaksyon ni mama? I mean, how
did she accept those thoughts?” Yamot niyang wika.
“Well, sa umpisa s’yempre nalungkot si
mama kasi wala na raw siyang aasahang apo sa ’yo. But somehow she managed to
accept it. Lalo na nang makita niya kung papaano ka nagfre-freak-out tuwing may
ginagawa si kuya Jay na kakokohan. Ikinatuwa niya ang pagiging over protective
mo kaya hayon, natanggap na lang niya.”
Sa totoo lang, imbes na maliwanagan
siya ay lalo pa siyang naguluhan dahil sa pinagsasabi ng kanyang magaling na
kapatid. Pero wala na siyang balak pang usisain pa ito. Sapat na sa kanya ang
kaalamang hindi magiging problema sa kanyang ina ang nararamdaman niya sa
kababata.
“That’s better then.” Kapagkuwan ay
wika niya. “Mas kokonte ang mga aalalahanin ko.”
Hindi muna siya magdidiwang.
Nagsisimula pa lamang ang lahat at hindi pa niya gaanong saklaw ang kalalabasan
ng kanyang mga binabalak. Saka na siya magdidiwang ng husto kung
mapagtagumpayan na niya ang lahat.
Humakbang na siya patungo sa hagdanan.
Parang lalo siyang nakadama ng antok at pagod nang mabawasan ang kanyang
alalahanin. Hindi kasi siya gaanong nakatulog sa nagdaang gabi dala ng
matinding pag-iisip sa kanyang mga gagawin.
“Biglang walkout?” Sita ng kanyang
kapatid sa kanya. “Mamaya ka na umakyat kuya. K’wentuhan mo muna ako kung
papaano mo na-realize na gusto mo na pala si kuya Jay. Ang daya mo naman!”
Liningon niya ito.
“Pagod ako, Ely. At wala akong
sasabihin pa sa ’yo. Pakisabi nga pala kay mama na hindi na ako magdi-dinner.
Ipagtabi na lang niya kamo ako ng pagkain para bukas paggising ko, may makakain
ako.” Babawi siya ng tulog. Dahil nagtagumpay naman ang una niyang plano, isama
mo pa ang napakagandang balita mula sa kapatid ay nasisiguro niyang makakatulog
siya ngayon ng mahimbing.
“Hmpff! Ang daya!” Nakasimangot nitong
sabi.
“Good night sis.” Iyon lang at tuluyan
na siyang pumanhik.
Kinabukasan, nasa kalagitnaan si Maki
ng isang napakagandang panaginip nang bulabugin iyon ng sunod-sunod na
malalakas na katok. Sa pagkagulat ay napabalikwas siya sa kanyang higaan at
muntik pang mahulog kung hindi lamang siya nakahawak sa headboard ng kanyang
kama.
S’yempre biglang nasira ang
napakagandang mood sana niya sa araw na iyon. At walang ibang dapat sisihin
kung hindi ang talipandas na ngayon ay wala pa ring tigil sa pagsira ng kanyang
pintuan.
“Sandali!” Pasigaw niyang sabi saka padabog na bumababa
sa kanyang kama. Sisiguraduhin niyang makakatanggap ng isang napakalakas na
batok ang kung sinumang sumira ng kanyang araw.
Agad niyang tinungo ang pintuan at
pinagbuksan ang kung sinumang walang magawang sumira ng kanyang tulog. Ngunit
agad na naglaho ang init ng kanyang ulo at pagkakunot ng kanyang noo nang
mapagbuksan niya ang hindi inaasahang tao.
“J-Jay?” Nautal siya sa pagkabigla.
Hindi niya inaasahan ang presensiya nito lalo pa’t alam niyang sa bahay
tambayan nila ito tumutuloy ngayon kasama ang kanyang karibal. “Anong ginagawa
mo rito?”
Hindi ito nakatugon . Nanatili itong
nakatayo na parang may nakitang hindi nito dapat makita. Doon lamang niya
na-realize kung saan nakatutok ang mga mata nito at iyon ay sa kanyang halos
hubad niyang katawan. Naka-boxer short lamang siya at walang pang-itaas na
damit. Bihira siyang matulog ng gano’n. Ngunit dala ng matindig pagod at antok
sa nakaraang araw ay kinatamaran na niyang maghalungkat ng damit sa kanyang
cabinet.
Imbes na ma-ilang sa pagtitig ni Jay
sa kanyang katawan ay para pa siyang natuwa. Dahil ba nakuha niya ang atensyon
nito o dahil sa nakita niyang paghanga sa mga mata nito?
“H-Hindi pala nalalayo ang katawan mo
kay Janssen.” Kapagkuwan ay wika nito.
Dapat ba siyang matuwa sa sinabi nito
o ma-insulto? Pati ba naman sa tikas ng katawan ay karibal niya pa rin si
Janssen?
“Mas maganda ang katawan ko sa kanya.”
Nakasimangot niyang tugon dito.
“Yeah, kita ko nga.” Parang wala sa
sarili naman nitong pagsang-ayon habang nakatitig pa rin sa kanyang katawan.
Tama ba ang narinig niya?
Sinang-ayunan nito ang kanyang sinabi ng walang pag-aatubili? Naglandas ang mga
mata nito pababa. Doon na siya biglang natilihan dahil buhay na buhay ang bagay
na naroon. Dali-dali niyang itinakip ang dalawa niyang kamay sa naroon.
“Teka! Huwag ito.” Bigla niyang
naiwika dala ng pagkataranta. Para naman itong biglang natauhan dahil nagbawi
ng tingin.
“Ah.. Eh… Magbihis ka nga muna! Ano ba
`yan!” Kita niya ang pamumula sa magkabilang pisngi nito bago ito tumalikod sa
kanya.
Napabungisngis siya sa inasta nito.
Mukhang may panibagong alas siya rito. At hindi siya p’wedeng magkamali,
paghanga ang nakita niya sa mga mata nito kanina habang nakatingin sa kanyang
katawan. Dali-dali niyang tinungo ang kanyang cabinet at kumuha roon ng short.
Sinadya niyang hindi magsuot ng damit na palagi niyang ginagawa noon kapag
naroon ito sa kanyang k’warto.
“P’wede ka nang humarap.” Nakangisi
niyang wika.
Sumunod naman ito.
“Magdamit ka.” Pautos nitong sabi.
Tama siya. Bothered ito sa katawan
niya. Sabagay, hindi pa siya nito nakikitang topless. Hindi naman kasi siya
sanay na nagtatanggal ng damit kahit noong mga panahon na napagti-tripan nilang
mag-beach.
“Mainit hayaan mo na.” Pagdadahilan
niya. “Bakit ka nga pala nandito?` Di ba dapat kaulayaw mo sa mga oras na ito
ang KASINTAHAN mo?” Sinadya niyang bigyang ng emphasis ang salitang kasintahan.
Biglang lumungkot ang ekspresyon ng
mukha nito. Tuloy-tuloy itong pumasok sa kanyang k’warto at naupo sa gilid ng
kanyang kama. Siya naman ay nakasunod lang ng tingin dito.
“Nakapag-decide na siya Maki.”
Malungkot nitong sabi. “At ayaw niya akong sumama sa kanya.”
Nagbalak itong sumama sa Cebu? Mabuti
na lang pala at hindi pumayag ang karibal niya. Kung nagkataon ay mabubulilyaso
ang lahat ng plano niya.
“Mabo-bored lang daw ako roon dahil
magiging busy siya sa trabaho. Pero noon pa ito, eh. Kahit noong
nagkakamabutihan na kami sa chat. Sa tuwing sasabihin ko sa kanya na pupuntahan
ko siya ay ayaw niya. Palagi niyang dinadahilan na hindi raw niya ako
mabibigyan ng atensyon kasi sobrang abala siya sa trabaho. Ayos lang naman sa
akin iyon, eh. Ang gusto ko lang naman ay iyong nakikita ko siya kahit
papaano.”
So, kaya ito nagpunta sa kanya ay
dahil nagkatampuhan ang mga ito. At ngayon, naghahanap ito ng taong
mapaglalabasan ng sama ng loob. Dapat ba siyang magpakita ng simpatya rito para
lalo itong mapalapit sa kanya? O babatukan niya ito dahil may mga naging
desisyon pala ito noon na hindi nito ipinaalam sa kanya.
“Isang Linggo lang siyang mawawala,
Jay. At tama siya, hindi niya mabibigyan ng panahon ang makipaglandian sa ’yo dahil may trabaho siya roon. At kailan ka
pa nagdesisyon nang hindi sinasabi sa akin?”
“Matagal na ang isang Linggo. Kung
kailan nasanay na ako na siya palagi ang nakikita ko paggising ko ay heto’t
bigla na naman siyang mawawala. Sana pala hindi na lang ako humingi ng pabor
kay Dave. Tungkol doon sa pagpunta ko sa kanya sa Cebu, sasabihin ko naman sa
’yo iyon kung pumayag siya, eh. Kaso palagi naman niya akong tinatanggihan.”
Depensa naman nito.
Napatutok siya rito. Gano’n na ba
talaga ito ka-attached sa Janssen na iyon na kahit ang isang Linggo ay
napakatagal na rito. At hindi niya maitatangging nakaramdam siya ng selos kay
Janssen. Kung siya ba ang mawawala ng isang Linggo ay hahanapin siya nito?
Malamang hindi. Hangga’t nasa kay
Janssen ang buong atensyon nito ay baliwala ako sa kanya. Kahit isang buong
taon akong mawala o kahit nga di na ako magpakita ay hindi ako nito hahanapin.
Siya na mismo ang sumagot sa nabuong katanungan sa isip niya.
“Sinadya kong umalis ng walang paalam
ngayon. Gusto kong ipakita sa kanya na wala talaga akong balak na magpa-iwan
dito. Kung pupunta siya ng Cebu, dapat isama niya ako.”
Ito ang isa sa kinaiinisan niyang
ugali nito. Masyado itong mapilit sa mga bagay na hindi p’wede. Pero kailangan
niyang makaisip ng paraan para mapigilan ito. Paano kung madala ng ginagawa
nitong pagtatampo-tampuhan ang Janssen na iyon at mapilitang isama si Jay?
Masisira ang lahat ng mga plano niya.
Hindi p’wede!
“Huwag ka nang magpumilit na sumama.
`Di ba sa susunod na Linggo na ang kasal nina Rachelet at Rex? At abay nila
tayo. Huwag mong sabihing hindi mo sila sisiputin?”
“P’wede namang kayo na lang nina Nico
ang pumunta. Sabihin niyo na lang na may sakit ako at hindi ako makakadalo sa
kasal nila.” Pagrarason nito.
“Baka nakakalimutan mong ikaw ang dati
nilang katrabaho at hindi kami. C’mon, hindi mo ba kayang maghintay ng isang
Linggo sa Janssen na iyon? Nakapaghintay ka nga ng ilang taon tapos heto isang
Linggo lang hindi mo magawa? Adik ka na ba sa kanya o naka-adikan mo na ang
ginagawa niyo gabi-gabi?” Double purpose ang huling sinabi niyang iyon. Una ay
para makumpirma niya kung may ginawa na ba ang mga itong karumaldumal at
pangalawa ay kung hanggang saan pa lang ang nagagawa ng mga ito.
“Grabe ka naman! Hanggang halikan at
yakapan pa lang ang nagagawa namin `no! Hindi gano’ng tao si Janssen! Nirerespeto
niya ako.”
Napataas ang kilay niya rito.
“Ang tanong, ikaw ba nirerespeto mo
siya?”
Binato siya nito ng unan na madali
naman niyang nailagan.
“Hangga’t hindi ko pa nasasabi sa
kanya ang buong katotohanan ay wala akong balak na makipag-sex sa kanya `no!
Ibibigay ko lang ang katawan ko sa kanya kapag nasiguro kong kahit sa kabila ng
mga ginawa ko ay matatanggap pa rin niya ako.”
“Saan mo nakuha ang ganyang paniniwala?
Bago `yan, ah.” Nang-aasar niyang tugon rito.
Muli siya nitong binato ng unan na
kanya lang namang sinalo at inihagis pabalik dito. Sininghot nito iyon.
“Ang pabango na binigay ko sa ‘yo na
pala ang ginagamit mo. Kala ko ba ayaw mo sa amoy niyon.” Komento nito.
“Iba pala ang dating niya kapag
dumidikit na sa katawan. Nagustuhan ko kaya ‘yon na ang ginagamit ko.” Tugon
naman niya. “Teka nga, `wag mong ibahin ang usapan. Bakit ayaw mo pang
makipag-sex sa Janssen na iyon? `Di ba patay na patay ka sa kanya?” Gusto
niyang masiguro kung hanggang saan ang paninindigan nitong hindi muna
magpaubaya.
“Dahil hindi pa ako nakakasiguro kung
hindi nga ba niya ako iiwan.”
Kahit papaano pala ay may katinuan
pang natitira sa utak nito. Takot itong magpaubaya dahil hindi pa ito sigurado
kung ano ang mga p’wedeng mangyari kapag nalaman ng Janssen na iyon na
pinagplanuhan ng kanyang magaling na kababata ang pagkakakilala ng mga ito.
“Maki, gusto kong sumama talaga sa
kanya.” Muling pagbabalik nito sa naunang paksa.
“No. Hindi ka sasama. Nangako na tayo
kina Rachalet na tayo ang magiging abay sa kasal nila. At kapag nagpumulit ka
pang sumama sa Janssen na iyon, kalimutan mo na ang kasunduan nating hahayaan
kitang ikaw ang magsabi sa kanya ng buong katotohanan.”
“Bina-blackmail mo ba ako?” Ang hindi
nito makapaniwalang sabi.
“Bakit, hindi ka pa ba sanay? Kung
gano’n masanay ka na dahil iyon ang paborito kong armas sa ’yo.”
“Napakasama mo talaga! Sinasabi ko na
nga ba’t isang malaking pagkakamali na dito ako sa ’yo nagpunta. Sana doon na
lang ako kay Lantis for sure maiintindihan pa ako niyon.”
“Too bad sa akin ka dinala ng mga paa
mo. Tara sa baba, samahan mo akong mag-almusal.” Wika niya rito saka ito iniwan
para hindi na maka-isip pa ng irarason sa kanya. Hindi siya makakapayag na
masira ang kanyang mga plano na nagsisimula ng gumanda ang takbo.
Itutuloy. . . . . . . . . . . . .
zildjianstories.blogspot.com
No comments:
Post a Comment