Tuesday, December 25, 2012

9 Mornings (04)

by: Zildjian

“Ano ang order mo Rence?” Tanong sa akin ni Pat ng makaupo kami sa dalawang mesa na pinagdikit para magkasya sa aming anim. Hinintay talaga ako nito na matapos ang huling exam ko sa umaga bago kami tumungo sa isang food chain kasama ang iba pang members ng faculty na naging  mga kaibigan ko na rin.

“Kayo?” Baling ko sa aming mga kasama.

“Wag na kayong mahiya treat ko tutal birthday ko naman.” Nakangiti nitong wika sa amin.

Um-oder na nga ang mga kasama namin ng kani-kanilang pagkain habang si Pat na ang pinag decide ko kung anong pagkain ang gusto ko. Hindi naman talaga ako pihikan sa pagkain wag lang yung mga sea-foods na hindi kaya nang katawan ko.


“Sa 20 nalang ang inuman natin sakto Christmas party natin yon.” Wika pa ni Pat.

“San ba ang venue ngayon?” Tanong naman ni Erika kay Jody na syang laging organizer sa tuwing magkakaroon ng event ang ekswelahan.

“Sa isang resort tayo ngayon.” Bakas sa mukha nito ang excitement.

“Pati ba ang mga estudyante?” Tanong naman ni Arman ang hayagang bakla pero hindi mo mahahalata hanggat hindi ito nagsasalita.

“Yung mga estudyante sa campus lang ayaw ni Dean na palabasin yung mga yon at baka kung ano pa ang mga kalokohang gawin.” Sagot naman ni Arthur boyfriend ni Jody.

“As if naman mapipigilan nila ang mga yon.” Maarteng wika ni Erika.

“Malalaki na mga estudyante natin marami nang alam na kalokohan.” Sabi pa ni Arthur.

“Sinabi mo pa! Kanina dalawa ang nahuli kong nag che-cheat mga babae pa.”  Pagkukwento naman ni Chatty.

“Bakit ang tahimik mo nanaman papa Rence?” Pagpansin sa akin ni Arman.

“Wala naman.” Matipid kong sagot na sinamahan ko rin nang isang matipid na ngiti.

Sa totoo lang kasi kanina pa ako binabagabag kung dapat ba akong pumunta para makipagkita sa tumawag sa akin. Parang natatakot ako kahit wala naman akong dapat ikatakot.

“Di na kayo na sanay kay Rence alam nyo namang tahimik lang talaga yan.” Nakangiting sabi ni Pat sabay akbay sa akin.

“Ang taong tahimik marami ang lihim.” Epal na sabi ni Chatty.

“Kayo talaga pinagtripan nyo nanaman si Rence.” Pagsaway ni Pat. “Ito na pala ang oder natin.” Dagdag pa nitong sabi nang makita ang waiter na papalapit sa amin dala ang mga in-order naming pagkain.

Ngiti nalang ang isinukli ko sa kanila. Sanay na ako sa pangungulit ni Chatty sa akin na ilahad ko ang kwento nang buhay ko sa kanila ngunit kahit anong pilit ay hindi ko magawang magkuwento. Mabuti nalang at sa tuwing uulanin nila ako nang tanong ay si Pat ang sumasalo.

Nagsimula na kaming kumain. Kwentohan tungkol sa mga eskwelahan ang naging main topic sa lunch na yon. Tahimik lang akong nakikinig sa kanila at kung kinakailangan ang aking pagtugon ay nagbibigay ako.

Natapos na masaya ang lunch naming magkakaopisina. Hindi ko maikakailang nag eenjoy ako na kasama sila hindi nga lang talaga ako nag oopen up nang tungkol sa akin dahil sa tinatago ko ang tunay kong pagkatao para makaiwas sa gulo at tsismis.

Habang hinihintay matapos ang huling klase ko sa araw na iyon ay pinagisipan ko kung pupunta ba ako mamaya sa dinner invitation nang taong naging bahagi nang nakaraan ko. Kay tagal kong sinubukang takasan ang nakaraan pero heto’t kusa itong bumabalik sa akin.

“Laurence may gagawin ka ba mamaya after class?” Tanong sa akin ni Alfie habang kumakain kami sa Jollibee. Naging tambayan na namin ito simula nung hindi na ako sumasama sa grupo nina pinsan.

“Wala naman.” Nakangiti kong tugon sa kanya.

“Uhmm.. Pwedi ba kitang ayaing mag dinner?” Bakas sa mukha nito ang pagaalangan.

“Ano ba ang meron mamaya?”

“Wala naman, gusto ko lang sanang may makasabay kumain mamaya.” Nakayuko ang ulo nito at nakapako ang tingin sa plato na ngayon ay wala nang laman.

“Bakit, saan ang pamilya mo?” Nagtataka kong tanong.

“Alam mo naman na nagbobord lang ako rito di ba? Hindi naman talaga ako taga rito.” Hindi pa rin ito tumitingin sa akin.

“What if instead na sa labas tayo kumain eh sa bahay ka nalang mag dinner?” Paanyaya ko sa kanya.

Napaangat ito nang tingin sa akin at sumilay ang isang matamis na ngiti. Natuwa naman ako sa naging reaksyon nito.

“Sigurado ka ba dyan? Hindi ba magagalit mga magulang mo?” Sunod sunod nitong tanong sa akin.

“Bakit naman yon magagalit? Teka paano yan eh wala kanang subject ngayong hapon di ba?” Ang tanong ko naman sa kanya.

“Okey lang yon. Sunduin nalang kita dito sa school. Ano ba oras matatapos klase mo?” Halata sa mukha nito ang saya habang nakatitig sa akin.

Natuwa naman ako sa nakikita kong reaksyon sa kanya. Sobrang napakabait na kaibigan ni Alfie wala akong masabi sa kanya.

“7:30pm ang out ko eh. Okey lang ba?”

“Sure!” At humagikhik ito na animoy bata na tuwang-tuwa.

Matapos kaming mag lunch ni Alfie at tumambay sa Jollibee ay inihatid na ako nito sa may gate nang school namin ipinaalala pa nito sa akin na susundiin nya ako mamaya.

Habang naglalakad sa pasilyo para tunguin ang sunod kung subject ay nakasalubong ko si Claude. Gusto ko sanay lumihis nang daan ngunit maagap agad ako nitong nahawakan sa aking kanang kamay. Sinubukan kong bawiin ang kamay kong hawak nya ngunit mas lalo lang nitong hinigpitan ang kanyang hawak.

“Ano ba?!” Singhal ko sa kanya dahilan para mapatingin ang ibang studyante na nasa pasilyo.

“Magusap tayo.” May diin nitong sabi sabay hablot ng aking kamay at kinaladkad ako papalayo sa mga nanunuring tingin ng mga studyante.

“May klase pa ako Claude ano ba problema mo?” Inis kong sabi na pilit tinatanggal ang pagkakahawak nang kamay nito sa akin. Medyo nakaramdam na ako nang sakit sa pagkakahawak nito.

Hindi ko alam kung saan ako nito dadalhin pero mukhang gusto nyang kami lang dalawa ang makarinig sa mga paguusapan namin. Wala na akong nagawa kung hindi ang sumunod dahil sa tuwing papalag ako o lalaban ako sa pagkakahawak nya ay mas lalo lang nya itong hinihigpitan.

Nang marating namin ang bench kung saan kami laging tumatambay noong magkasama pa kami ay doon na nya hinawakan ang magkabila kong braso. Napatingin ako sa gawi kung saan sya kanina nakakapit na halos madurog ang buto ko.

“Sorry.” Wika nito nang makita ang pamumula at ang naiwang marka sa kamay ko.

Imbes na bigyan ng pansin ang aking kamay ay ibinaling ko sa kanya ang aking tingin. Alam kong nakaramdam sya nang takot nang magsalubong ang aming panangin kita ko ang pamumuo nang pawis nito.

“Ano ba kailangan mo sa akin?” Dama ang galit sa bawat bigkas ko nang salita.

“G-Gusto..”

“Sorry na naman?” Pagputol ko sa kanyang sasabihin. “Bakit, sa tingin mo ba mawawala nang sorry mong yan ang galit ko sayo? Hindi ko alam kung ano ang kasalanan ko sayo Claude para ako ang pagtripan mo…”

Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil pinutol nya ito sa pamamagitan ng isang halik. Literal na hindi ako nakapag react sa ginawa nya sa pagkabigla at pagkalito.

“Alam kung nasaktan ko ang ego mo at alam ko rin na hindi enough ang sorry ko pero sana pakinggan mo muna ang paliwanag ko.” Ewan ko pero bakas sa mga mata nito ang pagsusumamo at sinseredad sa sinabi nya.

Tahimik lang akong nakatingin sa kanya ni hindi ko alam kung tatango ba ako o magwawalkout nalang ulit tulad ng dati.

“Noong una ay naguguluhan ako Lance. Hindi ko rin alam kung ano ang rason ko kung bakit sa tuwing nakikita kong naiinis kita ay ikinatutuwa ko.” Napataas ang kilay ko sa sinabi nito.

“I know, mali ako pero sana kahit ngayon lang makinig at maniwala ka sa akin.” Dagdag pa nitong sabi sa nagsusumamong tinig.

“Di ko na maintindihan ang nararamdaman ko Lance. Kahit anong tanggi ko sa sarili ko na hindi ako tulad nyo nina Mike di ko mapigilang hindi mahulog sayo. Idinadaan ko sa pangaasar at pangiinis para mawala itong nararamdaman ko pero mukhang na wrong move ako dahil mas lalo kitang nagugustuhan sa tuwing pilit kang hindi nagpapaapekto sa akin. Noong birthday ng hinalikan kita honestly di ko alam kung bakit ko nagawa yon pero ngayon alam ko na. I like you Lance please bigyan mo ako nang time at chance na kilalanin ko pa itong nararamdaman ko sayo.” Mahaba at puno nang sinseredad nitong sabi.

Natulala ako sa aking mga narinig mula sa kanya. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o dapat ba akong matakot sa sinabi nya. Totoo, gwapo si Claude, matalino, malakas ang sex appeal, mayaman lahat ng hihilingin ng isang babae at lalake ay nasa kanya na, pero hindi lang naman yon ang basehan para gustuhin ko sya dahil hindi naman importante ang hitchura nang tao kung hindi ang ugali nito at doon ako natatakot sa ugali nya.

“I know how hard for you to absorb all that I said, pero lahat ng iyon ay totoo.” Sabi pa nito nang hindi ako nakapagsalita.

“H-Hindi..”

“Please don’t say no. Chance, Chance lang ang hinihingi ko Lance.” Nagsusumamo nitong sabi.

Alam kung kalahati nang puso ko ay gustong pagbigyan sya pero kalahati nito ay ang takot sa mga mangyayari. Natatakot ako una dahil alam kong hindi pa ako handa para sa isang relasyon at pangalawa natatakot ako para sa sarili ko. Paano kung masaktan lang ako? Mga katanungang hindi ko mahapuhap ang mga sagot.

“Hindi mo naman kailangang sumagot Lance. All I want is for you to give me chance to show you na totoo ang sinasabi ko.”

“Claude..” Wala akong mahapuhap na sasabihin sa kanya litong-lito ang isip ko ayaw kong magkamali nang desisyon.

“Wag mo lang akong layuan yon lang Lance yon lang ang hinihingi ko para maipakita ko sayo na nagsisisi ako sa mga nagawa ko. Alam kong naguguluhan ka rin ngayon tulad ko sana magtulungan tayo.”

Hindi ako makapaniwala na ang isang Claude Ferrer ay umiiyak ngayon sa harapan ko. Ibang-iba sya ngayon sa Claude na kilala ko, ang Clude na walang ibang ginawa kung hindi sirain ang araw ko.

Dala na siguro nang bugso nang damdamin ay napatango nalang ako sa kanya. Bumakas ang tuwa sa mga mata nito na basang-basa nang kanyang luha at niyakap ako.

“Salamat Lance.” Ang paulit-ulit nitong sinasabi habang nakayakap sa akin. Ako, parang bato lang na nakatayo at hindi pa rin makapaniwala sa sobrang bilis ng pangyayari.

Halos wala akong maintindihan sa buong klase ko nung hapon na iyon dahil paulit-uli paring tumatakbo sa aking isipan ang mga sinabi ni Claude sa akin. Tulala lang ako hanggang sa matapos an gaming klase sa araw na iyon. Maski si Ralf ay hindi ako nagawang makausap ng matino.

Nang nasa gate na ako ay doon ko lang naalala ang tungkol sa dinner namin sa bahay ni Alfie. Ang gwapo nito sa suot na asul na t-shirt, puting walking short at terno sa damit na sneakers shoes. Ngumiti ito nang makita ako at agad na lumapit sa akin ngayon ko lang sya nakitang naka kontodo porma.

“How was Trigo?” Patukoy nito sa last subject ko sa araw na iyon. Hindi parin nawawala ang ngiti nito sa kanyang mukha.

“Walang pagbabago, wala pa rin akong naintindihan.” Pilit kong maging normal sa kanya sa kabila nang mga gumugulo sa akin. “Kanina ka pa ba nag hihintay?” Dagdag ko pang wika.

“Hindi naman timing nga lang ako eh. Tingnan mo di ko pa nasesend sayo ang message ko.” Sabay pakita nito sa akin ng cellphone nya.

Tinahak na namin ang sakayan ng jeep para makauwi na. Agad kong tinext si mama na may kasama ako at sasabay sa aming mag dinner dahil hindi ko iyon nagawa kanina sa sobrang pagiisip.

Nakarating kami sa bahay di paman kami nakakalapit sa pintuan ay agad na iniluwa si mama para baitin ang bisita namin. Nawala ang pagaalinlangan ni Alfie nang makitang welcome sya sa amin.

Kwentohan at tawanan ang sumunod na mga nangyari. Ipinagyabang pa talaga ni mama ang mga pictures ko noong bata pa halata ang pagiging magaan ng loob nit okay Alfie. Si Alfie naman ay tuwang-tuwa rin at nakikipagbakbakan kay mama sa kakulitan. Tatawa-tawa lang akong napinapanood sila. Nawala rin pansamantala sa isip ko si Claude.

Nang ihahatid ko na sa may sakayan si Alfie ay bigla itong huminto.

“Oh bakit? May nakalimutan ka?” Takang tanong ko sa kanya.

“Ahh.. wala naman ano kasi.” Napapakamot nito sa ulong sabi.

Natawa ako sa gestures nya.

“Para kang timang. Ano nga yon?” Pangungulit ko pang sabi.

“Wala.” Nakangiti naman nitong sabi. “Tara na sa sakayan baka mahirapan akong makabalik sa inuupahan ko.”

Wala na akong nagawa kung hindi ang tumango at sumunod sa kanya sa may sakayan. Konteng kwentuhan pa ang nangyari sa amin hanggang sa may dumang jeep at makasakay sya.

“Rence, Di ka pa ba uuwi?” Wika ni Pat nang makita ako nito na nasa loob pa nang faculty office.

“Pauwi na nga ako.” Agad akong napatayo at kinuha ang mga gamit ko.

“Tara, sabay na tayo pauwi na rin ako.” Nakangiti nitong sabi.

Doon ko lang narealize na madilim na pala. Muling tumunog ang aking cellphone hindi ko sana sasagutin ngunit tinanong ako ni Pat kung bakit di ko sinasagot kaya napilitan tuloy ako.

“Yeah?” Tipid at malamig kung bungad sa taong tumawag sa akin.

“Okey.” At agad kong pinutol ang linya sabay bigay nang isang malalim na buntong hininga. Wala na akong lusot. Ang nasabi ko nalang sa aking sarili.

“Sino yon?” Hindi ko alam kung narinig ni Pat ang buntong hininga na aking pinakawalan o sadyang gusto nya lang mangusisa.

“Old acquaintance.” Matipid kong sagot. Tumango naman ito para iparating na kontento sya sa naging sagot ko.

“Ihahatid na kita sa inyo.” Sabi nito.

“Hindi na Pat, may dinner kasi akong pupuntahan.” Simpleng pagtangi ko sa kanya.

“Ihahatid nalang kita kung saan man yang dinner date mo.” Nakangiti nitong wika. Hindi na ako tumanggi pa dahil ayaw ko namang ipahiya ito.

Nang makababa na ako mula sa sasakyan ni Pat ay bigla nalang akong nanginig at bumilis ang tibok ng puso ko. Masasabi kong hindi pa talaga ako handa para makaharap ang isa sa mga tao sa nakaraan ko, pero kinailangan kong magpakatatawag dahil alam kong hindi habang buhay ko silang kayang takasan.

“Good evening sir.” Wika  nang waiter na sumalubong sa akin sa resto na pinili nya.

“Good evening.” Tugon ko sa kanya at nagpalinga-linga para tingnan kong nandoon na ba ang taong kakatagpuin ko at nakita ko itong nakaupo sa pandalawahang lamesa sa bandang kaliwa. Malayo ang inuupuan nito sa mga tao.

Bago ako lumakad papalapit sa kanya ay huminga muna ako nang malalim para kumuha nang lakas ng loob.

“Buti naman at dumating ka.” Walang pagbabago. Galit at pagkasuklam parin ang nasa mga mata nya kahit ilang taon na ang nakakaraan.

“What do you want from me Anna?” Deretsahan kong sabi na hindi manlang nag-abalang umupo.

“Why, aren’t you happy seeing me?” Nanunuya nitong sabi. “Balita ko teacher kana raw ngayon?” Dagdag pa nito.

“Again, What do you want from me Anna? Wala akong panahon makipag chit-chat sayo.” Malamig kong sabi at tinitigan sya mata sa mata. Kahit nanginginig na ang tuhod ay pinilit ko paring magpakanormal sa harapan nya.

“Yan ba ang sasabihin mo sa akin after all these years na di tayo nagkita? Kamusta ang buhay magisa Laurence ang buhay ng two timer?” At tumawa ito na parang pangkontrabida lang dahilan para mapatingin ang mga costumer sa gawi namin.

Naiyukom ko ang aking kamay sa sobrang pagtitimpi. Hanggang ngayon ay talo pa rin ako sa kanya. Pinilit kung ibuka ang labi ko para magsalita.

“Go directly to the point.”

“Ok I will.” Sabi nito at binigyan ako nang nakakainis na ngiti. “Claude is back, and I don’t want you to ruin everything this time Laurence sana magtanda kana.” Ramdam ko ang pagbabanta nito sa kanyang boses.

“W-What do you m-mean b-bumalik na sya?” Nauutal kong sabi. I was caught off guard.

“Di ka naman siguro tanga? Claude is back and this time hindi na kita hahayaang makalapit sa kanya. Alam mo ang kaya kung gawin Laurence.” Nanlilisik ang mata nitong sabi sa akin.

Itutuloy. . . . . . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment