Tuesday, December 25, 2012

9 Mornings (06)

by: Zildjian

Katatapos lang nang huling exam ko abala ako sa pagche-check sa loob nang faculty room habang ang iba kong kasama ay nasa kani-kanilang last subject pa. Napatingin ako sa relo. Mag aalas syete na pala. Sabi ko sabay nang pagkalam ng tyan ko.

Sinikap ko munang tapusin ang natitirang sampong papel na hindi ko pa nagagalaw bago nag decide na umuwi na. Gusto ko nang kumain at magpahinga dahil sa wala pa talaga akong tulog sa araw na iyon sinadya ko talagang maging busy para makalimutan ko ang lahat nang bumabagabag sa akin.

Nang nasahuling test booklet na ako at malapit ko nang matapos ay saka naman ang pagpasok ni Pat, nakangiti ito sa akin.


“Wew! Natapos rin.” Sabi nito. Kita ko ang dala-dalang mga test papers at blue book na ginagamit ng mga estudyante sa paaralan na yon para gawing answer sheet.

“Wala ka nang exam bukas?” Tanong ko sa kanya na nakangiti rin.

“Wala na, pero kailangan kong pumunta parin para asikasuhin naman ang gym para sa Christmas party ng mga estudyante natin.” Tugon nito sa akin nang makalapit sa lamesa ako.

“Ganun ba?” Ang nasabi ko nalang at muling ibinalik ang atensyon sa aking ginagawa.

“Dinner with me tonight?” Biglang paanyaya nito sa akin.

Napatingin ako sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nya medyo nagtaka ako dahil wala naman sigurong normal na lalake na magyayaya nang dinner sa kapwa lalake.

“Your answer?” Sabi pa nito  habang nakangiti.

“Uhmm… T-tayong dalawa lang?” Nagaalangan ko namang tanong.

“Yep! Bakit, wala naman sigurong masama kung magdidinner tayo together sabi mo kanina kukwentohan mo ako sa dinner date mo last night.” Simpleng sagot nito.

Hindi ako agad naka sagot. Di ko naman sinasadyang mapa-oo kanina sa kanya. Nagawa ko lang iyon sa pagkabigla sa ginawa nito kaninang pagbulong sa akin.

“Hmmm. About that..”

“C’mon a promise is a promise hindi kana pweding tumangi.” Pagputol nito sa sasabihin ko. Nakangiti, pero halata sa kanyang mga mata na hindi ito papayag na mahindian. Hindi ko nga lang alam kung bakit intersado syang alamin ang nangyari sa dinner na hindi naman talaga natuloy kagabi.

“Hindi naman natuloy yung dinner, hindi dumating ang kausap ko.” Pagsisinungaling ko sa kanya. Actually totoo naman ang part na hindi na tuloy kung ang dinner lang talaga ang gusto nyang malaman.

“Ah ganon ba? Sayang naman pero dinner pa rin tayo.” Pamimilit pa nito sa akin. Wala na akong nagawa dahil ako man ay gutom na rin sa mga oras na iyon kaya agad kong tinapos ang ginagawa ko at sabay na kaming umalis sa eskwelahan.

Habang nasa byahe ay tinanong ako nito kung saan ko gusto at kung ano ang gusto kong kainin. Nagisip muna ako bago sumagot.

“Bar-be-que?”

“Bar-be que? May alam akong place na masarap ang timpla nila pati yung sauce.”

“Sige doon tayo.” Pagsangayon ko naman sa kanya.

Tinahak na nga namin ang daan para puntahan ang alam nitong lugar. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganito nalang ka bait sa akin ni Pat. Kung tutuusin naman masyado akong mailap sa kanila maski sa mga usapan bihira lang akong sumali’t nagkakasya nalang sa pakikinig. Bakit kaya ang tipo ko pa ang gusto nitong maging kaibigan at maka close ano ba ang meron?

Narating namin ang lugar. Ang daming nakahilirang bar-be-que stands nag lakad pa kami nang konte at nang matapat kami sa bandang dulong stand ay sinabi nya sa akin na iyon ang sinasabi nyang masarap. Lumapit kami’t pumili na, sa katunayan pork lang naman talaga ang gusto ko pero si Pat halos lahat gustong tikman natawa nalang ako sa kanya. Nag-order din si Pat ng 1.5 na coke.

“So, wala kang kapatid?” Ang tanong nito sa akin nang makaupo na kami at hinihintay maluto ang orders namin.

“Wala, ikaw ba?” Matipid ko namang tugon sa kanya.

“Meron, half brother.” Di ko alam kung tama ang nakita ko sa mga mata nito parang may bahid nang lungkot nang sumagot ito sa akin.

“Ah ganun ba? Girlfriend ba wala?” Pagbibiro ko para maiba ang usapan.

Natawa naman ito at ngumiti sa akin nang ubod ng tamis bago sumagot.

“Wala pa, pero may balak akong ligawan.”

Tatango-tango naman ako habang nakangiti.

“Siguro si Chatty.” Ang naisambit ko na ikinatawa naman nito.

“Hindi si Chatty noh.” Tatawa-tawa pa nitong sabi.

“Eh sino?” Takang tanong ko sa kanya.

“Secret walang clue.” At tumawa nanaman itong muli.

Sa totoo lang nagenjoy akong kausap si Pat masaya syang kasama, hindi ka talaga mabuburo pag sya ang kasama mo. Makwela, maloko at higit sa lahat nakakaaliw ang tawa nito parang nakakawala nang problema. Kung kasama ko sya nakakalimutan ko lahat ng alalahanin ko sa buhay.

Dumating na ang order namin agad kaming nagsimulang kumain. May mga mangilan-ngilan na napapatingin sa amin may mga estudyante rin namin kaming nakita at bumati sa aming dalawa. Nagagawa pang makipagbiruan ni Pat sa kanila habang ako ay nakangiti lang.

Habang kumakain ay pinagpatuloy namin ni Pat ang kwentohan.

“So, mag-isa kanalang ngayon sa buhay ganun?” Ang sabi nito matapos kung maikwento ang pagkamatay ng mga magulang ko. “Ang lungkot rin pala nang buhay mo.” Ang dagdag pa nitong sabi.

Nagtaka naman ako sa huling sinabi nito parang ibig nyang sabihin na malungkot rin ang buhay nya na taliwas naman sa ipinapakita nito sa amin sa opisina.

“Bakit rin? Hindi ka naman siguro nag-iisa sa buhay.” Takang tanong ko sa kanya.

“Mahabang kwento kung ikukwento ko sayo ngayon baka abutin tayo nang pasko.” Ang wika nito sa sabay tawa.

“Madaya ka. Ako nga nagkwento ako sayo tapos ikaw hindi.” Tampu-tampohan ko namang sabi. Ewan ko ba pero parang gumaan ang loob ko nang makwento ko ang ilang bahagi nang buhay ko sa kanya kahit kulang.

“Next time promise ako naman.” Ang nakangiti nitong sabi sa akin sabay kindat.

Nagtaka ako kung para saan iyon siguro masyado lang akong defensive alam ko naman kasi sa sarili ko na hindi ako straight tulad nya kaya siguro kahit na natural na gesture ay binibigyan ko agad ng kahulugan.

“Natahimik ka bigla.” Pagpansin nito sa akin.

“Wala naman. May iniisip lang ako.”

“Ano naman yon?” Nakangiti nyang pangungulit. Natawa ako nang bahagya sa hitchura nito bahagya pa nyang inilapit ang kanyang mukha sa akin na para bang intersadong intersado na malaman ang isasagot ko.

“Parang kang ewan.” Ang nasabi ko nalang sabay tawa.

Bigla naman itong sumeryoso kaya napatigil ako sa pagtawa.

“Bakit?” Takang tanong ko sa kanya.

“Wala naman. Mas gusto ko lang na nakikita kang nakatawa kesa naka simangot.” Ang sabi nito sabay ngiti.

Umakyat ang dugo ko papunta sa aking mukha at agad na namula napayuko ako para itago ito sa kanya. Pero hinawakan nito ang baba ko para i-angat ang aking mukha.

“Wag kang mahiya totoo yon.” Sabi pa nito.

Pa simple akong lumayo para matanggal ang kamay nito na nakahawak sa aking baba malaking problema kung malalaman nya ang tunay kong pagkatao at baka ma tsismis pa kami ng mga estudyante na nasa isang lamesa lang.

“Mag bayad na tayo.” Pagiiba ko nalang nang usapan at agad na tumayo para bayaran ang in-order namin ngunit maagap nitong nahawakan ang kamay ko.

“Ako na ang magbabayad tutal ako naman ang nagyaya eh.” Sabi nito.

‘Wait mo nalang ako tutal patapos na ang klase namin.’ Ang nareceived kong text back ni Alfie nang sabihin ko sa kanya na sa karenderya ko nalang sya hihintayin katatapos lang kasi nang klase namin.

Hinintay ko na nga sya kahit na pinipilit ako ni Ralf at ng mga klase ko na sa kanila na sumabay dahil gusto kong makabawi kay Alfie sa di ko pagsabay sa kanya kahapon. Nasa may pasilyo lang ako nag hihintay sa pagdating nya.

Ilang minuto rin ang itinagal nang paghihintay ko at sa wakas ay nakita ko na si Alfie na nalalakad papunta sa akin na nakangiti. Napangiti narin ako sa kanya.

“Buti naman ako ang napili mong makasabay ngayong lunch.” Ang sabi nito nang makalapit sya sa akin.

“Eh ikaw naman lagi ang kasabay ko pwera lang kahapon biglaan kasi ang pagyaya sa akin ni Claude kaya di na ako nakatangi pa.” Nakangiti kong wika sa kanya.

“Akala ko kasi hindi na kita ulit makakasabay mag lunch since na uhmm.” Ang sabi nito na sinadyang hindi bigkasin ang huling salita.

“Anong uhmm?” Takang tanong ko sa kanya.

“Since na may manliligaw kana.” Ramdam ko ang lungkot sa boses nito.

“Ano ka ba, naniwala ka naman.” Tatawa-tawa kong sagot pero deep inside medyo nakaramdam ako nang konting kilig nang muling maalala ang hayagang paganunsyo ni Claude na liligawan nya ako.

“Hindi sya mukhang nagbibiro.” Wika naman nito na parang may tampo na ewan. Di ko tuloy maiwasan tanungin ang sarili ko kung ano ang mga tumatakbo sa isipan ni Alfie.

“Wag mo na pansinin yon. Tara na kumain na tayo nagugutom na ako.” At sinimulan ko na ngang humakbang para hindi na sya makapagsalita pa.

Nang marating namin ang karenderyang paborito nang lahat ng estudyante sa campus na yon ay bigla namang nastatwa si Alfie sa may pintuan.

“Oh bakit?” Nagtatakang tanong ko.

“Ang daming tao sa Jollibee nalang ulit tayo kumain.” Ang tugon nito.

“Huh? Eh wala na akong pera di pa ako binibigyan ng allowance ni mama.” Pagtutol ko naman sa ideya nyang iyon.

“Ako na ang bahala libre nalang kita.” Nakangiti nitong sabi sabay hila sa akin. Wala na akong nagawa kung hindi ang sumunod sa kanya.

Medyo may kalayuan din ang Jollibee mula sa eskwelahan namin kaya naman sumakay kami nang jeep. Tagaktak ang pawis ko dala nang sobrang init.

“Wala ka bang panyo?” Ang tanong ni Alfie sa akin.

“Wala, nakalimutan ko mag dala sa sobrang pagmamadali.”

Nabigla nalang ako nang dukutin nito sa kanyang bulsa ang kanyang puting panyo.

“Ito, gamitin mo nalang ang panyo ko di naman ako pawisin eh baliktarin mo nalang.” Nakangiti nitong sabi.

May pagaatubili ko itong tinanggap ayaw kong mapahiya sya lalo na sa mga sakay ng jeep na nakarinig sa usapan namin.

“Salamat ah.” Nakangiti kong wika. Tango naman ang isinagot nito sa akin.

Nawewerduhan ako sa gestures na ipinapakita sa akin ni Alfie sobrang lambing at sweet nito sa akin parang nanliligaw na ewan, pero siguro sadya lang talaga itong ganun kaya ipinagkibit balikat ko nalang.

Nang marating namin ay ang Jollibee ay sinalubong naman kami nang mahabang pila. Si Alfie na ang pumali at ako naman ay pinaghanap nalang nya nang mauupuan namin at baka daw maubusan pa kami. Ukupado na lahat ng upuuan at lamesa sa 1st floor kaya sinubukan ko sa 2nd floor at swerte namang nakahanap ako nang vacant.

Tulad nga nang napagusapan namin ni Alfie, doon ko nalang sya hinintay tenext ko sya na nasa second floor ako. Hindi pa man nag-iinit ang pwet ko sa pagkakaupo nang biglang mag ring ang aking telepono. Napakunot noo ako nang makitang number lang ang tumatawag sa akin. Atubili ko itong sinagot.

“Helo sino to?”

“Asan ka? Sabay ulit tayo mag lunch katatapos lang nang klase namin.” Ang sagot nang isang pamilyar na boses.

“C-Claude?”

“Oo, ako nga to. Bakit wala ka dito sa karenderya?” May bahid nang pagkadismaya nitong sabi.

“Dito kasi kami ni Alfie sa Jollibee dami kasing tao kanina dyan sa karenderya.” Di ko alam kung bakit ako nag papaliwanag sa kanya kusa nalang itong namutawi sa aking bibig.

“Ganon ba?” Ramdam ko ang disappointment nito. “Anong oras kayo babalik? Akala ko pa naman makakasabay ulit kita ngayong lunch.”

“Hindi ko alam wala na kasing klase si Alfie after nito at alas tres pa ang sunod kung klase.” Tugon ko naman sa kanya.

Rinig ko ang malalim nitong buntong hininga sa totoo lang medyo nakaramdam ako nang awa. Pero hindi ko naman pweding basta nalang iwan si Alfie.

“Sige.” Ang matamlay nitong sabi.

Nakonsensya naman ako at agad na nagisip nang magandang ideya para makabawi sa kanya. Ewan ko ba pero ayaw ko talaga na may nalulungkot lalo pa’t ako nang dahilan.

“Ganito nalang.” Umpisa ko alam ko kasing hindi pa nya pinuputol ang linya dahil rinig ko pa ang ingay nang ibang mga estudyante sa loob ng karenderyang iyon. “Bar-be-que nalang tayo mamaya after nang mga klase natin sa hapon.” Sinadya kung hindi palabasing dinner na namin yon dahil ayaw kong isipin nya na kumakagat na ako sa kung ano mang kalokohan at trip meron sya hindi parin kasi ako makapaniwala na seryoso si Claude sa sinabi nyang panliligaw.

“Talaga?” Nag iba bigla ang tono nito mula sa pagiging matamlay ay naging magiliw at excited ito.

“Ayaw mo di wag.” Biro ko namang sagot.

“Sino nag sabing ayaw ko nang maupakan.” Ganting biro rin nito. Tumawa nalang ako at nagpaalam na sa kanya napansin ko kasi si Alfie na palinga-lingang hinahanap ako.

“Ang dami naman nitong in-order mo.” Ang naisambit ko nalang nang makita ang mga dala nya. May dalawang large fries, large coke, swirly bitz, burger, apat na extra rice at tig dadalawang manok sa amin.

“Yung iba snack natin habang nag kukwentohan tayo tutal mamaya pa naman ang klase mo kaya tambay lang muna tayo dito.” Nakangiti nitong sabi sa akin.

Buti nalang pala at hindi ako nangako nang oras kay Claude dahil kung hindi paniguradong hindi ko matutupad. Sinumulan na naming kumain ni Alfie habang nag kukwentohan tungkol sa nang yari sa kanilang subject kanina. Masaya naman akong nakikinig at nakikitawa sa mga kalokohan nila nang mga classmates nya hanggang sa umabot kami sa seryosong usapan.

“Lance, kung tututuhanin ba ni Claude yung panliligaw nya sayo may pag-asa ba sya?” I was caught off guard sa tanong nyang yon sa akin. Na tahimik ako dahil maski ako hindi ko alam ang sagot.

“Okey ganito nalang.” Ang sabi pa nito nang walang narinig na pagtugon mula sa akin. “Uhmm.. K-kung.. Kung ako ba manligaw sayo may pagasa ba ako?”

Doon ako pinagpawisan sa tanong nyang yon. Kahit fully air-conditioned ang fast-food chain na iyon ay hindi ko maiwasang pagpawisan. Napatingin nalang ako sa kanya.

“Example lang naman yon. Wag ka namang masyadong seryoso.” Sabay tawa nito. Nakahinga naman ako nang maluwag. Ako man, kung mangyayari man na manligaw sa akin si Alfie hindi ko alam ang gagawin dahil napalapit na rin ito sa akin at kung ako ang masusunod pipiliin ko ang relasyon na alam kong magtatagal kami. Mabuting tao at kaibigan si Alfie pero hindi ko nakikinita ang sarili ko na magiging kami. Ewan ko ba ang gulo!

“Natahimik ka bigla Lance?” Pagbasag nito sa pagiisip ko.

“Sorry naman. Ikaw kasi eh na bigla ako sa mga pinagsasabi mo.” Sabay ngiti pero epic fail dahil imbes na ngiti ay napangiwi ako.

“Ikaw talaga. Binibiro kalang sineryoso mo naman agad.” Sabi nito at muling ibinalik ang kanyang atensyon sa pagkain. Ganun na rin ang ginawa ko ipinagpatuloy ko nalang ang pagkain.

Naging okey naman ang sumunod naming topic dahil tungkol ito sa mga paborito at mga ayaw ni Alfie. Doon ko napaglaman na takot pala ito sa palaka tatawa-tawa pa ako habang kinukwento nito sa akin ang dahilan ng phobia nya. Noong bata pa raw sya ay na pagtripan nang kuya nya na lagyan ng palaka ang short nya sa sobrang takot ay nagsisigaw daw sya habang tumatakbo dahilan para hindi nya mapansin ang aparador nila at na bangga daw nya ito para daw syang bolang tumilapon sa lakas ng impact. Ang lakas nang tawa ko halos pagtinginan kami nang ibang kumakain.

Marami pa kaming napagusapan ni Alfie hanggang sa maubos namin ang lahat ng binili nya at magdesisyong umalis na sa lugar na iyon. Magkaiba ang sasakyan namin ni Alfie dahil ako ay pabalik na nang school habang sya naman ay uuwi na sa boarding house nya. May mga project din daw syang kailangang tapusin.

“Dito!” Ang may kalakasang sabi ni Cluade nang matapat kami sa isang grill house. Ito ang pinag dalhan nya sa akin. Napalunok naman ako nang laway dahil mukhang mahal sa hitchura palang ng lugar. Iba kasi ang nasa isip ko nang sabihin kong mag bar-be-que kami yung pang masa lang pero itong lugar mukhang pangmayaman wala pa naman akong sapat na pera.

“Okey kalang?” Pag-agaw nito nang aking pansin dahil natulala pala ako.

“Hah?”

“Hala wala sa sarili. Sabi ko dito na tayo masarap dyan sigurado akong magugustuhan mo. So, tara na?” Sabay bukas nito nang pintunan ng sasakyan nya.

“Sandali.” Ang pagpigil ko dito’t hinawakan sya sa kanyang kaliwang kamay. Napalingon naman ito sa akin na may pagtataka.

“Claude ano kasi w-wala akong masyadong perang dala mukha pa namang mahal ang napili mong lugar akala ko kasi don lang tayo sa mura.” Pagsasabi ko nang totoo mabuti na ang ganun kesa mamaya mangapa ako nang ibabayad.

“Asus yon ba ang bumabagabag sayo? Don’t worry my treat.” Nakangiti nitong sabi sa akin.

“Hindi naman ata patas yon. Ako ang nagyaya so dapat ako ang manlilibre.” Ang nahihiya ko pa ring sabi.

“Okey na sa akin na kasama kita. So, lets go?”

Wala na akong nagawa kung hindi ang tumango sa kanya naisip ko nalang na ambagan ang babayaran nya mamaya kahit na hindi na ako mag lunch bukas.

Pumasok na nga kami ni Claude sa loob ng grill house na iyon. Di nga ako nagkamali halatang may mga kaya ang mga taong nan doon sa hitchura palang at pananamit mahahalata mo na. Iginaya kami nang waiter sa isang lamesa na pangdalawahan at may ibinigay sa aming menu. Ito ang pinaka unang pagkakataon kong makapasok sa ganitong klaseng lugar mula sa table setting hagang sa decoration ay pang mayaman. Nang tingnan ko ang menu ay nanlaki ang mata ko napaka mahal ng bawat order nila nakakapanlumo.

“Lance, may napili ka naba?” Tanong sa akin ni Claude.

“Pwedi bang ikaw nalang ang pumili.” May bahid nang pag-aalala kong sabi. Sa totoo lang hindi ko kilala ang mga pagkain na nasa menu nila.

“Sige.” Tugon nito sabay ngiti.

Sinabi na nga nito sa waiter ang napili nyang pagkain at nang makaalis ito ay agad akong nagsalita.

“Claude masyado naman atang mahal dito. Sana sa Jollibee nalang tayo marami pa tayong mabibili doon.” Ang nagalala kong sabi.

Natawa naman ito sa akin.

“Okey lang yan. Special sa akin ang gabing ito kaya dapat lang na nasa espesyal na lugar tayo.” Nakangiti nitong wika sabay kindat sa akin.

Agad akong napayuko dahil biglang naginit ang magkabila kong pisngi ayaw kong makita nya na namula ako sa ginawa nyang pagkindat sa akin.

“Wag mo nang itago yang pamumula mo nakikita ko pa rin.” Ang sabi nito sabay tawa.

“Kainis ka naman nahihiya na nga ang tao dinagdagan mo pa.” Maktol kong sagot.

“Ikaw kasi. Bakit ba kasi ayaw mo pang aminin sa akin na gusto mo rin ako. Ako nga umamin na sayo eh.”

“Ayan na naman. Umandar na naman ang kayabangan mo.” Nakataas ang isang kilay kong sabi. Tinawanan lang ako ni gago.

Dumating ang order namin. Amoy palang masasabi mong masarap na.

“Wow paniguradong masarap to.” Ang naibulalas ko takam na takam sa nakikita kong nakahain na pagkain.

“Yep! Kumain kalang nang marami para tumaba ka at mas lalo pang maging cute.” Sabi nito kahit hindi pa nakakaalis ang waiter. Pinandilatan ko naman sya at suminyas na naririnig sya nang waiter.

“Sya ang liniligawan ko pre.” Sabi pa nito sa waiter. “Ang cute di ba?”

“Gago!” Mahiya-hiya kong sabi na tinawanan lang nya. Nang tingnan ko naman ang waiter ay nakangiti lang ito sa akin.

Nang makaalis si mamang waiter ay sinimulan na naming kumain ni Claude totoo nga ang sabi nito napaka sarap at tama lang ang pagkaka luto nang Steak at ang sauce nila ang sarap din pwedi nang gawing ulam. Konteng kwentohan ang naganap sa aming dalawa puro papuri lang sa ulam ang sinasabi ko habang si Claude naman ay masaya akong pinagmamasdan.

“Rence.. Rence..” Ang mahinang sambit nang isang pamilyar na boses sa akin. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata.

“C-Claude?”

“Sinong Claude? Ako to si Pat. Nananaginip ka siguro.” Nakangiti nitong sabi.

“Pat?” Napaupo ako nang tuwid. “Asan tayo?” Pupungas-pungas kong sabi, nagpalinga-linga pa ako na para bang tinitingnan kong nasaan ako.

Bahagyang natawa si Pat sa akin.

“Nasa tapat na tayo nang bahay mo. Nakatulog ka habang nasa byahe tayo.”

Doon ko napagtanto na nasa tapat na nga kami nang bahay ko. Nakatulog pala ako sa sasakyan nya habang pauwi. Dala siguro nang walang tulog at pagod na rin.

“Sorry Pat pagod lang. Tara pasok ka muna nang makapag kape ka.” Paanyaya ko sa kanya.

“Naku hindi na. Mag pahinga ka nalang, kita nalang tayo bukas sa school.”

“Pasensya na talaga. Ang huli kong naalala nagkukwentuhan tayo di ko namalayang nakatulog na pala ako.”

“Okey lang yon I understand. Oh siya sige pasok kana.”

“Salamat ulit Pat at ingat sa pagmamaneho.” At tuluyan na ako lumabas sa sasakyan nya. Bumusina pa ito tanda nang pagpapaalam at umalis na.

Ano ang nangyayari? Bakit pati sa panaginip ibinabalik ako sa nakaraan. Ang di ko maiwasang maitanong sa sarili bago tinungo ang pintuan ng bahay ko.

Itutuloy. . . . . . . . . . . . . . .


zildjianstories.blogspot.com

No comments:

Post a Comment