by: Lui
3/27/2009
Last day ko na sa school kanina, PJ.
Ang lungkot lang na hindi ko na sila kasabay magtatapos next school year. Wala
na rin yung pangarap kong maging presidente ng student council. Pero ganoon
yata talaga. Minsan nangyayari ang mga bagay na hindi natin inaasahan. At
minsan, kahit gaano pa ito kalabo sa atin ngayon, maiintindihan din natin ang
ibig sabihin niya in the future. O diba, balik na naman ako sa pagiging emo.
PJ, nakapagpaalam na ako sa lahat ng
mga kaibigan, kaaway, kaklase at lahat na ng may “ka” aside kay Crush. Ang
weird lang kasi may pinagsamahan naman kami kahit maikli lang pero bakit parang
wala lang sa kanya na aalis na ako? Hindi ko alam kung factor ba na break na
sila ni Trixie. Yes, tama ang nabasa mo, break na sila. Kung hindi lang ako
aalis, super saya ko sana! Grabe, ang selfish ko lang e no?
Last week pa sila break. At grabe
makaiyak si Trixie sa akin dahil sa nangyari. E shunga kasi ‘tong babaitang
‘to! Nakipag-inuman sa party ng isa naming kaklase tapos aaminin na mahal niya
pa si Kuya Pau sa harapan ni Crush? Seryoso, binatukan ko siya, mga 10 times.
Haha! Wala naman siyang nagawa kasi kasalanan naman niya. At si Crush ang
nakipag-break sa kanya. Gusto ko sanang kausapin si Crush nung mga oras na yun
pero ewan ko ba, dahil sa mga pinakita niya sa akin simula nung retreat at nung
nalaman niya na aalis ako, parang may pumipigil sa aking kausapin siya.
Ine-expect ko nga na ngayon kami makakapag-usap kapag nagpaalam na ako pero
wala naman siya. Hindi na siya pumasok after ng periodical exams. Clearance day
na lang kasi namin ngayon.
Hindi ko alam kung bakit ang bigat ng
loob ko kanina habang pauwi ako kasi hindi ko siya nakausap. Parang ayokong
umalis. Dapat na ba akong gumawa ng way para magkausap kami, PJ? Ayokong umalis
ng ganito. Alam kong something’s unclear. I don’t wanna be bothered with
questions kapag nasa malayo na ako. Promise, PJ. Yung paghanga na nararamdaman
ko kay Crush has turned into something more serious, into something called
love.
Hindi naman masyadong inspired ang mga
words ko no???! Nami-miss ko na si Crush. Bakit ba kasi ang ilap niya sa akin?
Alam naman niyang paalis na ako at mabibilang na lang ang mga oras na magkikita
kami! Ay, mamamatay lang?! Haha! Hay, PJ. Hindi na naman ako makakatulog nito.
Hawak ko na ang phone ko ngayon. Gusto ko na siyang i-text. :( Pero bakit
parang ayoko rin? Kainis naman. Ang gulo kooooo!!!
4/1/2009
Kakauwi ko lang, PJ! Haaaay, feeling
ko nakalutang pa rin ako. Ito na yata ang pinakamasayang araw ko. EVER!!! Halos
ayoko ng umuwi kasi, wait for it, magkasama kami ni Crush!!! Halos half day
yata kaming magkasama sa mall. Sinamahan niya ako mamili ng ilang mga gamit na
dadalhin ko.
Okay, so ganito yun. I spent all day
yesterday thinking about texting Crush. Should I or should I not? In the end,
nag-decide ako na i-text na siya. Bahala na. Gusto ko lang naman magpaalam.
Alam mo kung anong sweet, PJ??! The moment na mag-send ako ng message sa kanya
ay nakatanggap ako ng text! Galing kay Crush! As in mga 30 seconds lang ang
pagitan ng time sa message! Kinilig ako. Iniisip niya rin kaya ako all those
times? Haaaaaaaaaaaaay! Napuyat na naman ako sa sobrang excitement. Sa text,
ayun napag-usapan lang namin mag-meet. Wag ka, PJ. Siya ang nagyaya, hindi ako.
Biglang humaba ang buhok ko hanggang gate ng subdivision namin!
Jusko, halos baligtarin ko na ang
cabinet ko kakahanap ng perfect dress for my first date! Ay, shet! Anong
dress?! Ano ba yan?! Ulit! Naghahanap ako ng perfect polo. I don’t wanna come
overdressed. Super obvious namang naghanda ako diba?! Pero ayoko rin namang
underdressed, baka naman ma-turn off siya sa akin. Gusto ko…. effortless!
Hahaha! Yung tipong natural ang dating. Pero kasi, I’m your ordinary shirt,
jeans, iPod guy. It may come off too simple.
Tapos bigla kong naisip, hindi pa
naman kasal namin ang pupuntahan namin. Grabeng daydreaming no??! Sa mall lang naman kami. Gusto ko sanang
mag-coat and tie. Tapos 10-inches na heels. Bwahahahahaha!! Joke lang. So,
simple v-neck shirt na lang at grey pants ang sinuot ko. Nagdala na lang ako ng
cardigan just in case lamigin ako. Pero plan B lang yun. Plan A ay ang
magpayakap kay Crush. Hahahahaha!!
PJ, hindi ko alam pero grabe ang
pagka-intimidate ko nang nakita ko siyang papalapit sa akin. Nauna ako ng mga 2
hours. Joke! Mga 15 minutes lang naman akong naghintay tapos bigla siyang
nakita ng mga mata ko kahit na napakaraming tao ang nakapaligid. Alam mo yung
feeling na parang nag-blur lahat tapos siya lang yung malinaw. E PJ, bakit kasi
ang gwapo ni Crush??! Ang laki ng ngiti niya nang makita niya ako. Tapos
bumagay pa sa kanya yung bagong hairstyle niya. I call it the bagong-gising
look. Kasi ang gulo-gulo. Pero for sure, matagal niyang inayos, este, ginulo
‘yun.
Kinamusta ko siya tungkol sa naging
sitwasyon nila ni Trixie. Isang makahulugang ngiti lang ang isinagot niya.
Mukhang ayaw niyang pag-usapan. So, hinayaan ko na lang. Ayoko namang mamilit.
Baka lalong lumabas na masaya ako sa naging break-up nila. Shit, ano kayang
sasabihin ni Trixie pag nalaman niyang ganito ako? Haha! Baka sabunutan ako
nun, pero care ko? Hahahaha!
Nakakainis lang, PJ kasi sa sobrang
enjoy ko, ang bilis ng oras. Halos limang oras na pala kaming magkasama ni
Crush. At ang dami ko ng paper bags na bitbit. Syempre, bilang gentleman si
Crush, siya yung nagbitbit ng ilan. My god, PJ!!!! Nakuryente yata ako nung
magtama yung kamay namin nung kinuha niya sa akin yung ibang dala ko. Ang
lambot ng kamay niya!!! Sana pala pinulupot ko na lang sa tali ng bag yung
kamay ko para mas matagal niyang nahawakan!
Pauwi na kami nang maalala ko ang
date. April 1 nga pala. So, kinausap ko si Crush ng seryoso. Sabi ko sa kanya,
“Crush, may ipagtatapat sana ako sa’yo.” Biglang sumeryoso ang mukha niya.
Tapos ‘yung mga mata na naman niya, PJ!!! Bigla na namang parang naging puppy
eyes na akala mo alalang-alala. Gusto ko na sana sabihing, “I love you.” Pero
siyempre, hindi ko ginawa. Sabi ko, “Hindi na ako aalis ng Philippines.”
Nakita ko ang pag-shift ng expression
niya from being serious to being happy. No, happy is an understatement.
ECSTATIC! As in! Alam mo ‘yung parang nanalo sa basketball game yung team niya.
Ganon. Isang malakas na “Woooooh!!” pa ang sinabi niya. Napatingin ang mga tao
sa amin. Feeling ko ang sama ko talaga that time kasi ang ito ang sunod kong
sinabi — Happy April Fool’s Day.
Hindi exaggeration ‘to, PJ! Pero
promise, naluluha siya kanina nung na-gets niya na joke lang ‘yung sinabi ko at
tuloy talaga ang pag-alis ko. Ang bilis ng pagbaba ng energy niya. Tapos
biglang sabi niya, “Tara, uwi na tayo.” Nawalan yata ng gana si Crush sa akin.
Hay! Wrong move talaga! Hindi ko naman kasi in-expect ang reaction niya. Panay
ang sorry ko pero puro okay lang ang sinasabi niya. Obvious namang na-badtrip
siya.
Pero nung naghiwalay na kami, isang
genuine smile ang ibinigay niya sa akin. Hay, PJ. Ang sakit ng moment na ‘yun.
Feeling ko yun na ang last time na magkikita kami. Tapos panay na ang pagsasabi
niya ng “Ingat ka dun ha? At wag kang makakalimot.” Hay, puro parting words.
Promise, sa sasakyan, iyak na ako ng iyak. Pag-uwi ko, nagtext ako agad kay
Crush at nagpasalamat sa pagsama niya sa akin. Syempre, nag-sorry din ako sa
joke ko. Pero instead na mag-reply e tumawag siya.
Grabe ‘yung kaba ko, PJ. Hindi ko alam
kung ano ang gagawin ko nung narinig ko ang boses niya. Umiiyak siya tapos sabi
na naman siya ng sabi ng sorry. Tsaka nagpapaalam siya. Paikot-ikot ako sa
kwarto tapos tanong ako ng tanong sa kanya kung anong nangyari. Gusto ko na
siyang puntahan. Naiiyak na ako. Tapos, PJ, biglang sumeryoso yung tono niya,
biglang sabi ng “See you in heaven. Bye.” Paulit-ulit kong tinawag ‘yung
pangalan niya. Walang nagbaba ng linya sa side ni Crush kaya narinig ko nang
may tumili tapos paulit-ulit niyang binanggit ang pangalan ni Crush na para
bang ginigising ito. Tapos sumigaw ito, feeling ko Mommy niya iyon. Sumigaw
siya ulit. Sabi niya, “Si Crush, naglaslas!!”
PJ, napaupo ako bigla. Tapos iyak na
lang ako ng iyak. Nawalan ako ng lakas. Ibaba ko na nang biglang may nagsabi ng
“Hello?” Taranta naman akong sumagot. Isang malakas na halakhak ang narinig ko
sa kabilang linya. Tapos narinig ko ang normal na boses ni Crush. Sabi niya,
“Quits na tayo! Happy April Fool’s Day!”
Hindi ko sinasadya pero puro
malulutong na mura ang sinabi ko nang ma-realize kong naisahan ako ni Crush!
Minumura ko siya habang umiiyak. Hindi ako makatahan kasi akala ko totoo. Ang
galing kasi, siya rin pala yung nagboses na parang Mommy. Pero tumigil rin
naman ako after one hour. Joke! Tumigil rin ako nung naging malambing na ang
tono ni Crush. Sorry siya ng sorry. Tapos sabi niya sa akin with his malambing
voice, “Punta ka na sa kitchen, dali. Tapos inom ka na water. Iyak ka ng iyak
diyan. Hindi pa naman ako mamamatay. Ikaw talaga.” Syempre, pa-virgin ang drama
ko, gusto magpapilit. Kunyari ayoko pang bumaba pero sa totoo lang, umiinom na
ako ng tubig nun. Tapos sabi niya ulit, “Sige na, inom na. Tototohanin ko ‘to.”
Natakot naman ako kaya uminom ulit ako ng isang baso ng tubig.
Diba, PJ? Ang saya ng araw na ‘to?
Bawing-bawi na siya sa mga araw na hindi kami nag-usap. Pero parang lalong
bumigat ang pakiramdam ko sa nalalapit kong pag-alis. Pwede naman pala kaming
maging ganito eh. Bakit ngayon lang kung kelan paalis na ako? Pwede ko ba
siyang isama? Pero at least, may baon akong magandang memory with him.
Magkahiwalay man kami, gusto ko man lang sabihin sa kanya kung gaano niya ako
napasaya ng araw na iyon. Alam mo bang kinuha ko lahat ng resibo ng kinainan
namin. Remembrance, bakit? Pati ‘yung cups ng coffee na ininom naming dalawa,
tinago ko.:)
4/5/2009
Hi, PJ! Napaka-bittersweet ng araw na
ito. Almost 2 hours na akong nasa ere. Alam mo ‘yung nagtatalo ‘yung pagtulo ng
luha ko at ng mga pagngiti ko. Hindi ko alam kung anong mas nangingibabaw.
Maya’t maya ang paghawak ko sa lips ko at hindi ako makapaniwala sa nangyari.
Maaga ako nagising kaninang umaga.
Dalawang malaking maleta na ang nakalagay sa gilid ng kama ko. Nalungkot ako
nang makita ko ang mga iyon. Inisip ko kasi, paano ko kaya dadalhin ‘yun ng may
poise? Hahaha! Dumating na ang araw na kinatatakutan ko. Aalis na ako ng bansa.
Napakabigat ng araw na iyon para sa akin. Gabi pa naman ang flight namin kaya
may oras pa para sa mga last-minute preparation. Puro “Have a safe trip!” ang
laman ng inbox ko galing sa mga kaibigan. Nagtiyaga akong reply-an sila isa-isa
kasi sobrang na-appreciate ko ang mga messages nila.
After lunch, naligo na ako. Naluluha
ako nang makita kong wala ng laman ang kwarto ko. Hindi ko pa rin masyadong
tanggap na aalis na kami. Natigil ang pagda-drama ko nang abalahin ako ng
cellphone ko. Si Crush ang nagtext. Naging constant naman ang communication
namin for the past few days. Pati kina Trixie at Kuya Pau na mukhang
nagkakamabutihan naman. Pero ako na rin ang nagkusa na bawasan ang
pakikipag-usap sa kanila habang papalapit ang araw na ito bilang paghahanda na
rin. Baka maglupasay ako sa airport kasi sobrang attached pa rin ako sa kanila.
Nakakahiya naman ‘yun no.
May sense of urgency ang text ni Crush
— “Pwede pa ba tayo magkita today?” Nagdalawang-isip akong mag-reply. Ilang
minuto ko ring pinag-isipan iyon pero pinili kong huwag na lang kasi ako rin
ang mahihirapan kapag nakita ko na naman siya. Baka lalo ko siyang ma-miss.
Hindi ko alam kung hanggang kelan ako nasa malayo. Iniisip ko na lang na
malilimutan ko rin siguro ‘tong nararamdaman ko sa kanya once na may bago na
akong buhay doon.
Lumipas ang ilang oras, PJ, tumatawag
si Crush sa akin. Isang oras na lang at aalis na kami papuntang airport. Hindi
ko alam kung anong kailangan niya. Gusto ko mang alamin, pinili kong huwag ng
mag-give in sa aking curiosity. Pero, PJ. Si Crush ‘yun eh! Isang malaking
question mark na naman ang iiwan nun sa akin kapag hinayaan kong hindi sagutin
ang tawag. Kaya nagkulong ako sa kwarto at sinagot ang tawag niya habang pigil
na pigil sa pag-iyak. Back to step one na naman ako neto sa pagle-let go.
Narinig ko na naman ang boses niya.
Nagmamadali siyang magsalita na
kinailangan ko pa siyang sabihang magdahan-dahan. Nang naintindihan ko ang
kanyang sinabi ay patakbo akong nagpunta sa bintana at doon sa baba ay nakita ko siya. Hindi ako
makapaniwala. Ano na naman kayang trip nito?! Gusto talaga akong pahirapang
maka-move on? Nakakainis. Edi siyempre, takbo ako pababa. Muntik pa akong
mahulog sa hagdan kasi nag-uunahan ang mga paa ko. Nagpaalam ako saglit sa
Mommy ko na lalabas lang at babalik in time for our departure.
Isang malaking “ANONG GINAGAWA MO
RITO?” ang bungad ko sa kanya. Sinundan pa iyon ng “PAANO MO NALAMAN ANG BAHAY
NAMIN?” Napakadaldal talaga ni Trixie kasi siya pala ang nagsabi kay Crush.
Tapos nagtanong siya kung pwede daw ba kaming pumunta somewhere private. Hindi
ako prepared! Sabi ko sa kanya, quickie lang. JOKE!!! Dahil pagabi na naman,
for sure, wala ng masyadong tao sa park sa kabilang street kaya doon kami pumunta.
Ramdam ko ang pagiging tense niya kasi maya’t maya ang paghinga niya ng
malalim.
Panay na naman ang pagso-sorry niya sa
akin. Naiirita na talaga ako kaya medyo nasigawan ko na siya kasi hindi ko
naman alam kung bakit siya nagsasabi noon. Natahimik siya noon. Hay, PJ. Gusto
ko siyang yakapin! Tumigil naman siya sa pagso-sorry. Pero nagsimula na naman
siya sa parting words niya. Nahihiwagaan na talaga ako dito kay Crush! Hindi ko
maintindihan ang ugali. Nagulat ako nang bigla niya akong akbayan. Ramdam kong
pinipigilan niya ang sarili. Tumayo na ako matapos iyon at nagpaalam sa kanya
dahil naghihintay na sina Mommy sa akin. Hindi ko na hinintay si Crush, ayoko
siyang makitang ganon. Siguro masyado siyang affected dahil sa naging sudden
closeness namin last week. E paano naman ako? Since day one na nagkita kami,
attached na ako sa kanya.
Alam mo ‘yung gulat na gulat ako, PJ,
nang biglang may humatak sa braso ko na akala ko madadapa ako? Ganon ang
sumunod na nangyari. Pero hindi ako nadapa kasi hinablot ni Crush ang katawan
ko palapit sa kanya at niyakap niya ako ng mahigpit na mahigpit. Mas mahigpit
pa ang yakap niya na ‘to compared dun sa retreat. Tapos iba naman ang line niya
ngayon, puro I’ll miss you na. Ewan ko ba, PJ, pero parang yun na ang nag-trigger
sa akin. Parang nung moment na yun, walang ibang mahalaga kung hindi ‘yung
nararamdaman ko sa kanya. Pero nandun pa rin ang takot na baka hindi niya
matanggap. Kaya naman binulong ko na lang sa hangin ang gusto kong sabihin sa
kanya, “I love you, Crush.”
Hindi nga ako nagkamali, PJ. Unti-unti
kong naramdaman ang paglayo ng kanyang katawan sa akin. Ang halos isang taon na
pagkakaibigan ay sinayang ko lang dahil sa pansariling kagustuhan. Pero hindi
naman ako nagsisisi. Desisyon ko iyon at walang pumilit sa akin. Nakita kong
gulat ito. Nagawa pa niyang magpa-cute, in fairness. Binasa niya pa ang mga
labi niya. Nakakainis. Naisip ko pa yun kahit sobrang seryoso ng moment.
Sobrang nahiya ako nang magsabi siya ng “You do?” PJ!!! Narinig niya ‘yung
sinabi ko. Well, ang tanga ko naman din kasi, magkayakap kaya kami. So yung
hangin na binulungan ko, malamang friend niya yung hangin malapit kay Crush. E
diba ang bilis ng chismis kaya ayan!
What’s done is done! Kaya inamin ko
na. There’s no point of denying the truth. Pero hindi ko na kaya ang drama,
masyado nang mabigat. Kaya when I gave him the confirmation, walk out ang lola
mo! Hindi ko kakayaning makita ang reaction niya. Pero mas natakot ako, baka
sapakin niya ako bigla. Ayan na nga, narinig ko ‘yung papalapit niyang boses.
Tapos inunahan niya ako sa paglalakad. Ayokong dumating sa States na may pasa
sa mukha no! Nakita ko ang pagkayamot sa mukha niya. Shit, what have I done?!!
“Nakakainis ka.” ‘Yan lang ang sinabi
niya bago niya nilapit ang kanyang mukha sa akin. Oh, my God. PJ, my knees got
weak talaga nung nag-hello ang lips niya sa lips ko. At BFF’s agad ang
dalawa!!! Buti na lang, mabilis ang reflex ni Crush at niyakap niya ako para
suportahan ako sa pagtayo dahil sobrang nanghina ako talaga. Alam mo kung anong
stupid na ginawa ko?! Tinanong ko pa siya, “Why did you kiss me?” Gusto kong
iuntog sa bato ang ulo ko sa katangahan.
“I love you since the first time I saw
you. Ang saya ko kaya nung sa’yo ako pinatabi ni Ma’am.” Ang OA no? First
meeting, love agad? Mas matindi pala sa akin ‘tong si Crush! Pa-tweetums ko
siyang sinampal, magka-hug pa rin kami nun. Sabi ko sa kanya, sinayang niya
‘yung mga buwan na magkasama kami bilang friends. Alam daw niya kaya raw siya
sorry ng sorry. Ang dami ko pang gustong itanong sa kanya. As in! Nangunguna sa
listahan ay ‘yung relasyon niya kay Trixie. O sadyang OA lang si Crush nung
sinabi niyang since first day. Hay! Bahala na! Wala ng oras. Nakakainis!
Pero hindi ko naman kailangan
mag-worry kasi ngayon mahal niya ako at mahal ko siya. Distance? Wala iyan!
Napakadami namang paraan para ma-nurture ang love, diba? Kung totoo ang
nararamdaman, walang excuse para hindi mag-work ang isang relationship. Totoo,
magiging mahirap ang mga susunod na buwan para sa amin ni Crush. Hindi pa kami
established pero magkalayo na agad. Pero eto lang ang masasabi ko: Okay nang
mahirapan sa umpisa, para nasa huli ang ginhawa. Ang hirap kaya kapag the other
way around. Diba???
Inaantok na ako, PJ. Ayan, wala na
akong atraso sa’yo ha. Nakwento ko na sa’yo si Crush. Sana mag-work out itong
relationship namin. Hinding-hindi ko malilimutan ang mga last words niya sa
akin bago ako umalis. Kailangan ko siyang isulat dito para hindi ko talaga siya
malimutan. Haha! Ito sabi niya, I’m going to miss you everyday while you’re
away, pero iisipin ko na lang na one day away from you leads you closer to your
journey back to me.
Hindi ko na kailangang mag-pretend pa
at talagang pinakita ko sa kanyang kinilig ako sa mga words niya. Nag-request
pa ako ng isang kiss sa kanya na tumagal ng…. Secret!!! Too much information!!!
Hahahaha!!
Bittersweet, life and love are. Pero
minsan, you just gotta look at the bigger picture to understand the reason of
why things are happening. Siguro ngayon, our story could’ve been better pero no
one really knew diba? Basta ngayon, masaya akong haharap sa panibagong buhay.
Wala pa man din ako sa States, PJ, gusto ko ng bumalik ng Pilipinas. Ayan,
binasa ko ulit yung sabi ni Crush sa akin.
Tutulog na talaga ako. Para blooming
ako paglapag namin. Good night!!! Mwaaaaaaaaaaaaaah!
-----Wakas-----
rantstoriesetc.blogspot.com
No comments:
Post a Comment