Tuesday, December 25, 2012

Shufflin' (16): Book 2

by: Lui

Patagong inilabas si Symon ng hospital dahil sa mga nagkalat na media. Maingat siyang isinakay sa sasakyan kung saan naroon si Grace para makapunta sila sa burol ni Jeric.

“Where’s Gap?”

“Mauuna na raw siya doon. Sabay na lang daw siya kay Shaun.” ang sagot ni Grace sa anak.

Nakaramdam lalo ng lungkot si Symon dahil sa narinig. Inasahan niyang kasama niya si Gap para damayan siya sa bigat ng nararamdaman pero wala ito doon. Isang buntong hininga ang kanyang pinakawalan habang umaandar na ang sasakyan.


“Sina Coleen, Mommy?”

“Papunta na rin, anak. Ayaw lang kayong pagsabayin dahil alam niyo na… ang media.” Hindi lang si Symon ang laman ng mga balita ngayon, kung hindi pati si Coleen dahil siya ang anak ng kilalang ambassador. Naging tahimik lang siya sa kabuuan ng biyahe habang binabasa ang mga messages na sa phone all wishing him to get well soon.

Biglang lumakas ang kabog ng dibdib ni Symon nang tumigil ang sasakyan sa harapan ng isang mortuary. Nakilala ni Symon ang ilang mga tao sa labas.

“Bakit hanggang dito may media?!” ang galit niyang turan sa loob ng sasakyan.

Kahit na naiinis ay lumabas si Symon ng sasakyan. Agad siyang sinugod ng mga taong may hawak na mic at camera kaya hindi na niya naiwasan pa ang magalit sa mga tao.

“Can you please respect my friend’s wake? Please?!” ang sigaw niya sa mga ito bago patakbong pumasok sa loob ng gusali.

“Sy.” ang pagtawag ni Darrel sa kanya.

“Kuya Darrel.”

“I heard na nandito ka na. Kamusta?”

“Not okay. Kanina ka pa? Marami bang tao sa loob?”

“Yeah. Hindi naman masyado. Gap’s there with Shaun.”

“I know.”

“Tara. Samahan na kita papasok.” Nauna nang naglakad si Darrel. Pero hindi naman gumalaw si Symon sa kanyang kinatatayuan. Natatakot siyang makita si Jeric. Parang ayaw niya itong makita.

“I can’t.” ang sabi ni Symon habang nagpipigil ng iyak.

“Sy. Ilang araw na lang natin siyang makikita.”

“Stop saying that. I don’t wanna see him lying there. I can’t.” Lumapit si Darrel sa kanya at hinawakan siya sa magkabilang braso.

“Let’s go. I’ll be with you. Okay?”

“I should have done something to help. I should have not let him close his eyes. Paano na lang si Coleen?”

“You did everything you can. You kept him alive diba? Pero hanggang dito na lang talaga siya.”

“Kuya… Hindi ko kayang makita siyang hindi… hindi humihinga. Siya ang kauna-unahang taong tumanggap sa akin bilang ako. Of all people, he understood me.”

“I know, I know. That’s why you should pay him a visit.” Umakbay si Darrel kay Symon para akayin ito sa paglalakad papunta sa silid kung saan nakahimlay si Jeric. Pinagbuksan siya ni Darrel ng pinto at ang lahat ay nakatingin kay Symon.

Ramdam ni Symon ang kalungkutan sa silid – ang malamlam na ilaw, ang mga kandila, ang malaking krus at si Jeric. Ang lahat ng mga mata ay nakatutok sa kanya. Naramdaman niya ang unang pag-agos ng emosyon.

“No… This isn’t real, Kuya Darrel. I can’t…” ang pilit niyang pag-atras.

Pero agad siyang bumangga sa katawan ni Darrel at iniyakap ang mga braso sa kanya para muli siyang iharap papasok ng silid. Paulit-ulit ang pagsabi ni Darrel ng “please”. Namalayan na lang ni Symon na nasa kalagitnaan na sila ng aisle.

“Okay.” ang sabi ni Symon bago tumayo ng tuwid at marahang naglakad mag-isa palapit sa kaibigan.


Mula sa kinauupuan ay tiningnan lang ni Gap si Symon habang umiiyak na lumalapit kay Jeric. Siya man ay naluluha dahil sa tagpong iyon. Siniko siya ni Shaun bilang senyas na lapitan niya si Symon. Tiningnan niya ito at nag-isip ng malalim.

“Ano pang inuupo-upo mo dyan? Damayan mo si Sy.” ang sabi ni Shaun.

Patayo na sana si Gap nang biglang lumapit si Darrel kay Symon. Nagtama ang kanilang mga mata. Nakita ni Gap ang masamang tingin ni Darrel sa kanya.

“Thank you.” ang sarkastikong sabi ni Gap sa sarili.

Bumalik siya sa pagkakaupo at doon na lang umiyak habang pinapanood si Symon na nakayakap kay Darrel. Hindi niya maintindihan kung ano na ang dahilan ng pagtulo ng kanyang mga luha. Dahil pa rin ba sa pagkamatay ni Jeric? O dahil nasasaktan siya sa nakikita?

Nasa ganoon siyang estado nang dumating si Coleen. Agad siyang napatayo at sinalubong ang tumatakbong kaibigan. Mabilis na nagyakap sina Coleen at Symon habang siya ay naghihintay.

“Coleen…” ang sabi ni Gap na inaasahang yayakapin din siya ng kaibigan.

Pero isang malakas na sampal ang ibinigay ni Coleen sa kanya. Natigilan ang lahat at biglang nananihimik dahil sa gulat. Tanging ang mga hikbi ni Coleen ang maririnig.

“Why didn’t you tell me?! You knew nung nag-usap tayo! Bakit hindi mo agad sinabi sa akin?! While I was in the hospital, I thought he’s alive. That he’s safe! Why didn’t you tell me?!!” ang sigaw ni Coleen.

Hindi na nakapagsalita pa si Gap. Mas pinili na lang niyang tumakbo palabas dahil sa hiya. Sobrang patong-patong na ang nangyayaring kamalasan. Hindi niya alam kung ano ba ang nagawang mali para makaranas ng ganito.

“Coleen, why do you have to do that?”

“Oh my God.” Parang nabuhusan ng malamig na tubig si Coleen nang ma-realize niya ang ginawa sa kaibigan. Sabay sila ni Symon na lumapit kay Jeric at nagdamayan.


“Gap! Gap!!!” ang paghabol ni Shaun sa kanya.

“Ano?!” ang sigaw ni Gap.

“Pwede huminahon ka naman?”

“FUCK MY LIFE!” ang sigaw ni Gap.

“Hey, hey. Calm down.”

“Unti-unti na silang nawawala sa akin. Ano bang kasalanan ko? Masama na bang magmahal ngayon? Masama na bang mag-care?” ang pag-iyak ni Gap.

“Shhh.” ang sabi ni Shaun.

Nag-aalangan si Shaun kung anong klaseng pag-aalo ang gagawin niya kay Gap. Parang awkward sa kanya kung yayakapin niya ito kaya naman hinawakan na lang niya ito sa balikat bilang pagpapakita ng simpatiya.

“I need to get out of here.” ang sabi ni Gap.

“Sasamahan na kita.”

“No. Kaya ko na sarili ko.” Tumalikod na si Gap para maglakad palabas ng gusali. Pero rinig niya ang yabag ng mga paa ni Shaun na sumusunod sa kanya.

“Shaun. Go back inside.”

“Nope.” Hinayaan na lang ni Gap si Shaun sa gusto niyang gawin. Sumakay sila sa sasakyan ni Shaun. Hindi sila nag-usap hanggang sa magtaka na si Gap dahil sa layo ng binibiyahe nila.

“Saan ba tayo pupunta?”

“Wait ka lang.” Medyo elevated na ang daang tinatahak nila at paliko-liko na ito. Itinigil ni Shaun ang sasakyan sa gilid ng main road kung saan kita ang liwanag ng Metro Manila sa gabi.

“Bakit tayo nasa Antipolo?”

“Dito ako nagpupunta kapag malungkot ako. Ewan, natutuwa akong makita ang busy Manila from afar.”

Hindi nagsalita si Gap. Marahan siyang umupo sa damuhan at tumingin sa kawalan. Tahimik ang paligid maliban sa tunog ng mangilan-ngilang sasakyang dumaraan. Umupo rin si Shaun at dinamayan si Gap sa katahimikan.

“You should not keep it to yourself. Cry. Shout!” ang sabi ni Shaun matapos ang ilang minuto.

“Bakit lahat sila nawawala sa akin, Shaun? Bakit ganon?” ang pagsisimula ni Gap.


Habang nasa biyahe si Symon papunta sa burol ni Jeric, kakarating lang ni Bryan kina James. Walang imik si James kaya ramdam na ramdam ni Bryan ang tensyon na namamagitan sa kanilang dalawa. Nakaupo si Bryan sa kama ni James habang pinapanood niya itong magbihis.

“Tara na.” ang malamig na pagyaya ni James sa kanya nang matapos siyang makapag-ayos.

Tumayo na si Bryan at inayos ang sariling damit. Palabas na ng pinto si James nang hawakan niya ito sa braso at kausapin tungkol sa problema nilang dalawa.

“Pwede ba muna tayong mag-usap?”

“Nag-uusap naman tayo ah.”

“James… You know what I mean.”

“Okay. Nakausap mo na ba siya?”

“Hindi pa.”

“Then, wala pa tayong pag-uusapan. Talk to me about this kapag may desisyon ka na.”

“James, nahihirapan na ako.”

“Ikaw lang ba? Ano pa sa tingin mo ang nararamdaman ko?”

“I’m sorry, okay?”

“Talk to me about this kapag may desisyon ka na!” ang galit na sabi ni James bago maunang lumabas ng kwarto.

Kahit magkasama sa biyahe, ramdam ni Bryan ang paglayo ng loob ni James sa kanya. Alam na niya ang dapat gawin. Kailangan na niyang harapin ang kinakatakutan niya. Hahanap na lang siya ng tiyempo. Pagdating nila sa burol ni Jeric ay naabutan nilang magkaakbay sina Coleen at Symon na nakatayo sa harapan ng kabaong ni Jeric. Si Darrel ang sumalubong sa kanila na ikinailang ni Bryan.

“Hindi pa rin ako makapaniwala.” ang sabi ni James.

“Ako rin nga eh.” ang sagot naman ni Darrel.

“James, labas na muna ako.” ang paalam ni Bryan na hindi pinansin ni James.

Lumapit sina James at Darrel kina Symon at Coleen. Hinanap ni James si Gap na sinagot naman ni Symon ng iyak. Umupo sila sa pinakamalapit na bench kay Jeric at doon nagkwentuhan.

“Hindi ko na alam kung anong nangyayari sa amin ni Gap, James. Ang gulo.”

“Where is he?”

“He stormed out. I slapped him.” ang guilty na sagot ni Coleen.

“He doesn’t wanna listen to me.” ang sagot ni Symon.

“Ano bang nangyari?” tanong ni James.

“Akala niya we’re kissing.” ang sagot ni Darrel.

“Darrel!” ang sigaw ni James.

“What?”

“Seriously? Sa hirap na pinagdaanan ko sa’yo, bibigay ka rin pala?!” Hindi maintindihan ni Symon pero natawa siya sa sinabing ito ni James. Kahit si Coleen ay natawa rin. Napaka-casual na nina Darrel at James na akala mo wala silang naging matinding problema dati.

“Ay, sorry, Je. Alam kong natawa ka rin.” ang sabi ni Symon kay Jeric.


Malakas ang pag-iyak ni Gap. Inilabas na niya ang lahat ng sakit na nararamdaman dahil sa pagkamatay ni Jeric at sa pagkakalabuan nila ni Symon. Paulit-ulit ang pagmumura niya at pagsigaw sa pangalan nina Symon at Jeric. Nagawa pa niyang suntukin ang punong sinasandalan. Iyon na ang nag-signal kay Shaun na awatin ito.

“It’s okay, Gap. It’s gonna be okay.” ang sabi ng naiiyak na Shaun.

Niyakap ng mahigpit ni Gap si Shaun at doon ipinagpatuloy ang pag-iyak. Panay naman ang paghagod ni Shaun sa likod ni Gap bilang pagpapakalma rito. Tumulo na ang mga luha niya dahil ramdam na ramdam niya ang bigat ng dinadala ni Gap dahil sa mga pangyayari.

“Why is this happening? Why can’t we all just be happy?!” ang patuloy na pag-iyak ni Gap.

Matapos ang halos kalahating oras ay kalmado na ulit si Gap. Mabigat na ang mga mata niya dahil sa sobrang pag-iyak pero medyo gumaan na ang kanyang nararamdaman. Si Shaun naman ay tahimik lang na nakatingin kay Gap.

“Shaun, thank you ah. This really helped.”

“I know it would. Kaya nga kita dinala rito eh.”

“So, what brought you here dati?” ang tanong ni Gap.

Sasagot pa lang si Shaun nang may isang boses ang pumukaw sa kanilang atensyon ni Gap. Napatayo bigla si Shaun dahil sa sobrang pagkabigla.

“I think that answers your question.”

“Oh. Hey, Bry.” ang bati ni Gap sa bagong dating.

“Hey, Gap. Shaun.”

“I’ll just wait in the car.” ang paalam ni Gap para maiwan ang dalawa.


Nagmamaneho si Bryan sa kahabaan ng C-5  nang maalala niya ang nakaraan…

Nakasandal silang dalawa sa sasakyang nagdala sa kanila sa lugar na ito. Nakahilig sa kanyang balikat ang ulo ng katabi habang mahigpit na magkahawak ang kanilang mga kamay. Pinapanood nila ang marahang pagdilim ng kalangitan at ang pag-ilaw ng mga gusali sa di-kalayuang siyudad.

“Can we just stay here forever?” ang sabi ni Bryan.

“You’ll always find me here. Remember that.” ang sagot naman ni Shaun.

Pero lumipas ang ilang buwan at nawala na si Shaun na parang bula. Halos inaraw-araw ni Bryan ang pagpunta sa lugar na iyon kung saan sila madalas magpunta bilang pag-asa sa salitang binitawan ni Shaun. Pero hindi na niya ito nakita. Lumipas ang mga taon at dumalang na ang pagdaan niya rito.

Masyadong maraming magandang alaala ang iniwan ng simpleng lugar na ito para sa kanilang dalawa ni Shaun. Kaya nang gabing iyon, malakas ang pakiramdam niyang makikita niya muli roon si Shaun. At hindi nga siya nagkamali.

“What are you doing here?” ang tanong ni Shaun.

“Alam mo bang lagi kong binabalikan ‘tong lugar na ‘to noon hoping na makikita kita.”

“You’ll always find me here.” ang bulong ni Shaun sa sarili niya bilang pag-alala sa binitiwang salita.

“Yes. Pero hindi ka tumupad sa promise mo. Nawala ka.”

“I am sorry.”

“Shaun, masaya na ako ngayon. Hindi ko in-expect na masasabi ko ‘to. Pero masaya na ako kahit iniwan mo ako. Masaya ako! Pero bigla kang dumating. Bakit?!”

“Bry…”

“Masaya na ako, Shaun! Bakit kailangan mo pang bumalik?!” ang pag-iyak ni Bryan.

“I came back for you.

“Why do you have to leave in the first place?”

“I wanted to be straight.”

“What?”

“Yes. Akala ko I can bury this feeling and kaya kong mamuhay ng normal. Natakot akong mabansagang bakla. Sa totoo lang, hanggang ngayon hindi ko pa kaya. Pero, Bry… Hindi ko na kayang magtiis na hindi ka kasama.”

“Oh, Shaun…”

“I’m sorry, alright? Tanggapin mo lang ako, ipagsisigawan ko na sa buong mundo kung ano ako.”

Hindi makapagsalita si Bryan dahil pilit niyang ipinapaintindi sa sarili ang rason kung bakit siya nito iniwan noon. Panay ang pagtulo ng kanyang mga luha dahil sa lalong paggulo ng kanyang nararamdaman.

“Mahal mo pa ba ako?” ang tanong ni Shaun habang namumuo ang luha sa kanyang mga mata.

“Mahal ko na si James.” ang sagot ni Bryan.

“Hindi mo naman sinagot ang tanong ko, Bry. Mahal mo pa ba ako? Umaasa pa rin ako, Bry.”

Maging siya hindi niya alam ang sagot. Kaya naman tumakbo na lang siya pabalik sa kanyang sasakyan at nagmaneho na pa-Maynila. Sobrang gulo ng utak niya. Hindi niya alam kung saan pupunta. Uuwi na ba siya o susunduin niya si James? Mahal niya pa ba si Bry? Hindi niya masagot ang sariling tanong.


Bumalik si Gap sa burol ni Jeric matapos siyang tawagan ni Shane. Kasabay niya si Shaun pumasok sa silid at mabilis na sumalubong sa kanya si Coleen. Niyakap siya nito ng mahigpit.

“I’m sorry, Gap! I’m so, so, sorry. Hindi ko sinasadya.”

“It’s okay. You have every right to get angry.”

Lumapit na rin ang ibang kaibigan sa kanila. Isa-isang niyakap ni Gap ang mga ito maliban kay Symon. Tumabi sa kanya ang huli pero agad siyang lumipat sa pagitan nina Lexie at Shane para umiwas. Napansin ito ni Coleen pero hindi na lang siya umimik.

“Tara kay Jeric. Hindi niya pa tayo nakikita na magkakasama.” ang sabi ni Coleen na may mapait na ngiti.

Habang nakatayo ang lima sa tapat ng casket ni Jeric, umupo naman si Shaun sa tabi ni Darrel na katabi sina Bryan at James. Sumisigaw ang katahimikan sa pagitan nilang apat. Nagtama ang mga mata nina Bryan at Shaun. Matapos magkatitigan, tumingin si Bryan kay James at si Bryan kay Darrel.

“How’s Gap?” ang pagbasag ni Darrel sa katahimikan.

“Better. Nakaiyak na siya.” ang sagot naman ni Shaun.

“Good.” ang mabilis na pagtatapos ng conversation.

Mabuti na lang at nagmisa na kaya naman nabaling dito ang atensyon ng lahat.Magkakatabi ang magkakaibigan sa opposite bench ng kinauupuan nina Darrel. Panay ang sulyap ni Symon kay Gap na hindi man lang siya tinitingnan. Nasa offertory part na ng misa nang lumapit ang ina ni Jeric sa kanila.

“You wanna say something before the end of the mass? Anyone? Pre-eulogy?” ang malungkot na tanong nito.

“May I sing?” ang tanong ni Symon.

“Sure.”

Bago ibigay ng pari ang huling basbas ay tinawag niya si Symon para sa magbigay ng kanta para sa kaibigan. Hiniram niya ang piano na ginamit ng choir. Bago pa man magsimulang tumugtog at kumanta ay naiyak na agad siya.

“Jeric’s like the glue of our friendship. He and Coleen keep us intact, keep the group alive. It won’t be the same without you, Je. We miss you already.” kasabay ng pagtulo ng luha.

Itutuloy. . . . . . . . . . .


rantstoriesetc.wordpress.com

No comments:

Post a Comment